Miyerkules, Hulyo 30, 2008

Namulat laban kay Marcos dahil kina Voltes V at Mazinger Z






NAMULAT LABAN KAY MARCOS DAHIL KINA VOLTES V AT MAZINGER Z
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang aktibista ako ngayon. Aktibistang manunulat. Aktibistang makata. Nagsusulat sa mga publikasyon ng manggagawa’t maralita. Ngunit paano ba ako namulat bilang aktibista? Dahil ba ako’y nayaya, o dahil may mga pangyayari sa buhay ko na nagmulat sa akin?

Isa sa mga nagmulat sa akin nuong aking kabataan upang maging aktibista sa kasalukuyan ay ang ginawang pagtanggal ng palabas na cartoons na Mazinger Z at Voltes V sa telebisyon. Ang dalawang ito ang pinakapopular na palabas para sa mga kabataan nuong aking kapanahunan. Panahon iyon ni Marcos. At isa ako sa mga nagalit sa pagtanggal niya ng mga palabas na iyon.

Tuwang tuwa kaming mga bata sa kalyeng iyon sa Balic-Balic sa lugar ng Sampaloc sa Maynila, at nagkakakwentuhan lagi kung paano ba dinurog nina Mazinger Z at Voltes V ang kani-kanilang kalaban. Uso pa nga noon ang text (di yung text ngayon sa cellphone) na pulos cards na nakadrowing sina Voltes V at Mazinger Z.

Basta't tuwing Miyerkules ng hapon, inaabangan na namin ang Mazinger Z, habang tuwing Biyernes naman ang Voltes V. Kahit ang awitin ng Voltes V ay kabisado namin noon, bagamat di naman patok ang theme song ng Mazinger Z. Parehong robot na bakal ang bidang sina Mazinger Z at Voltes V. Ang layunin nila'y depensahan ang sangkatauhan laban sa mga pwersa ng mga masasamang nilalang.

Ang nagpapagalaw sa Mazinger Z ay si Koji Kabuto. Ang Voltes V naman na pinamumunuan ni Steve Armstrong, ay pinagdugtong-dugtong na sasakyang panghimpapawid ng limang katao, na pag nag-volt-in ay nagiging malaking robot, si Voltes V. Ang lima ay sina Steve Armstrong, Big Bert, Little John, Mark, at ang nag-iisang babae ay si Jamie.

Ang panlaban ni Mazinger Z ay ang mata nitong pantunaw ng kalaban (o laser beam), at ang rocket punch nito, na natatanggal ang kamay bilang rocket, at ang dibdib nito'y ginagawang laser sa kalaban (melting rays). Kasama ni Mazinger Z si Aphrodite A sa ilang yugto ng palabas.

Ang panlaban naman ni Voltes V ay Bazooka, mga shuriken, at ang pantapos niya ng kalaban ay ang laser sword, na hinihiwa ang katawan ng mga kalabang robot o halimaw sa pormang V. Ang pangunahin nilang kalaban ay si Prince Zardos.

Ilang linggo na ang nakalilipas nang biglang ito'y mawala sa ere at di na namin napanood. Ang sabi sa balita, tinanggal daw ito ni Marcos na ang idinadahilan ay tinuturuan daw ang mga tao, lalo na ang mga kabataan, upang magrebelde. Bata pa ako noon, at nagtataka ako kung bakit ganito ang dahilan nila. Gayong para sa amin, magaganda silang panoorin. Syempre, cartoons eh At tagapangtanggol pa ng mga inaapi.

May galit na namuo sa akin nung panahong iyon. Tinanggal ang kinagigiliwan naming cartoons. Mula noon, galit na ako sa namumunong nagtanggal ng palabas na iyon - kay Marcos. Di lang ako, kundi marami pang kabataan ang may ganitong pakiramdam, nagalit sa pamahalaan, at naging aktibista. Marami kaming kabataan ang namulat sa kalagayan ng bayan dahil sa pagkakatanggal ng mga palabas na iyon. Isa nga ako doon.

Bahagi na ng aking kabataan at pagkamulat bilang tibak sina Mazinger Z at Voltes V. Huli nang ipinalabas sina Daimos (at ang pag-ibig niya kay Erica), Mekanda Robot, Voltron, atbp.

Anim o pitong taon makalipas, nakasama ako ng aking ama, kasama ang kanyang grupong Holy Name Society, sa pamimigay ng pagkain sa mga taong nagtipon sa Edsa. Ilang araw lamang, lumayas na si Marcos sa Pilipinas.

Ilang taon na rin akong kumikilos bilang aktibista. Halos magdadalawang dekada na. At natutuwa akong gunitain na hindi pa dahil sa martial law, kundi dahil tinanggal ni Marcos ang mga paborito naming cartoons, kaya namulat ako sa kalagayan ng bansa.

Martes, Hulyo 29, 2008

Tangina, Di Puta si Ina!

TANGINA, DI PUTA SI INA!
ni Greg Bituin Jr.

"Putang ina mo!" Malutong itong sinabi sa akin ng isang siga sa aming lugar sa Balic-Balic, nang magkabalyahan kami sa aming laro ng basketball. Agad nagpanting ang tainga ko sa sinabi niya at muntik na kaming mag-upakan. Buti na lang at kami'y inawat. Biro mo, sasabihin niyang puta ang ina ko, gayong hindi naman nagputa si ina para buhayin kaming anim na magkakapatid. "Tangna. Di puta si ina!" Halos ganito ang pagkakasabi ko sa kanya sapul nang mangyari ito ilang taon na ang nakararaan (nasa high school pa ako noon).

Nagmumura ang isang tao sa maraming kadahilanan: May kagalit o kaaway, nagagalit sa nangyayari sa kanya, sa kanyang kapaligiran o sa lipunang ginagalawan, naiinis siya sa sarili o kaya'y nabuburyong. Pero bakit idinadamay ang ating ina sa pagmumura? Di ba pwedeng dehins kasama si ermat? Di ba pwedeng "gago" o "tarantado" na lamang? O kaya'y "salot"? O "hayop"?

Sa malalimang pagsusuri, kung isinasama sa pagmumura ang ating ina, ito'y dahil ipinapakita lamang na sadyang malaki ang impluwensya ng ina sa pagpapalaki ng anak, dahil ang ina ang siyang tagapag-alaga, tagapagpakain, tagahubog ng ugali at unang guro ng bata. At karaniwang pananaw na kung ano ang ugali ng anak, ito'y dahil sa ina. Dahil kung masama o bastos ang ugali ng anak, ito'y dahil "puta" ang ina, o kaya'y masamang babae.

Saan ba nagmula ang "putang ina"? May isang teorya ang mga matatanda. Noong bago mag-WWII, hindi pa uso ang "putang ina". Mas uso pa raw noon ang "imbi", "sukab", "lilo", o "tampalasan". At karaniwan, nakapatungkol lamang ito sa indibidwal na tao na kagalit ng nagmura. Nagmula lang daw ang "putang ina" noong may base militar pa ng mga Kano sa Subic at Clark.

At dahil umano karamihan ng mga batang iniwan ng kanilang amang Kano ay naging marahas (dahil broken family) o nakagawa ng krimen, ang bintang agad ng iba'y dahil "puta" ang ina, kaya't walang naiturong magaling sa anak. Dito umano nag-umpisa ang pagmumura ng "putang ina" (sa Ingles, ito'y "mother fucker"; ang "anak ng puta" naman ay "son of a bitch").

Mula "putang ina" ay napaikli pa ito sa "tangina". Sa ngayon, maaari itong ihilera ng mga linggwista bilang bahagi ng salitang kanto (pabalbal o slang), tulad ng bog-tsi, semplang, ermat, utol, syota, nenok, boga, timbog, hoyo, dedo, at yosi.

Palasak na ang pagmumurang ito sa kulturang Pilipino na kahit sa sine ay mapapakinggan mo, at mababasa sa ilang mga nobela, sanaysay at maikling kwento. Minsan, naging pagbati na rin ito. "Tangina, pare, ang ganda ng tsiks." Ang "putang ina" ay naging pampalit sa "wow". Naging tatak na rin ito ng kamachohan.

Si ina. Babae. Doon tayo sa kanya nanggaling. Nagtataka nga ako kung bakit wala pa akong narinig na lider-kababaihan na nagpo-protesta hinggil sa pagmumurang ito, gayong babae ang pinatutungkulan nito.

Sa kasalukuyan, ang "putang ina" ay pumaimbulog na rin mula personal patungong pulitikal. "Putang inang VAT 'yan. Putang ina, pataas ng pataas ang presyo ng mga bilihin, pero kami, limang kahig, isang tuka pa rin. Putang inang gobyerno ni Arroyo!"

Tangina, mawawala lang siguro ang pagmumurang ito pag nabago ang lipunan. Pag nabago na ang kultura ng pagtingin sa ating mga ina. Pag nagbago na ang pagtingin sa kababaihan. Pag wala nang kapitalistang mang-aapi ng manggagawa. Pag wala nang teroristang mandedemolis ng bahay ng maralita at paninda ng vendors. Pag hindi na nagtatayugan ang presyo ng pangunahing mga bilihin.

Pero habang kapitalismo pa ang sistema ng lipunan, palagay ko, patuloy pa ring may magmumura ng "putang ina".

Pero kung ako ang tatanungin, hindi ko na idadamay si ina, o sinumang ina, sa pagmumura.

Dahil ang pwede kong sabihin, lalo na sa mga kapitalista at gobyernong pahirap sa masa, sila'y mga "imbi", "sukab", "lilo", o "tampalasan".

- Unang nalathala sa pahayagang Obrero, Blg. 21, Mayo 2005, p.11