Linggo, Hunyo 29, 2008

Istorya ng Pagkawala ng Ilan Kong Tula

ISTORYA NG PAGKAWALA NG ILAN KONG TULA
ni Greg Bituin Jr.

Nakapaghihinayang na mawala at hindi na makita pa ang marami-rami rin naman sa aking mga inipong tula dahil sa kagagawan ng virus. Mabuti na lamang at karamihan dito ay nalathala sa publikasyong The Featinean noong nasa kolehiyo pa ako, at ang karamihan ay nalathala naman sa pahayagang Taliba ng Maralita ng KPML at pahayagang Obrero. Ngunit marami ring wala na akong hard copy. Kung may hard copy man, hahanapin ko pa iyon sa aking tambak na mga gamit.
Nagsimula akong mag-ipon ng mga likha kong tula noong nasa kolehiyo ako. Nuong panahong iyon, paborito kong basahin ang mga tula nina Balagtas (ang sumulat ng walang kamatayang Florante at Laura), Huseng Batute (Jose Corazon de Jesus), Florentino Collantes (naging adviser ng the Featinean ang anak niya), Pablo Neruda (dakilang makata ng Chile), Edgar Allan Poe (maganda yung kanyang The Raven), at Rio Alma (na sa kalaunan ay naging guro ko sa poetry workshop ng LIRA noong 2001). Nang nasa ibang bansa ako bilang student scholar ng electronics ng anim-na-buwan, karamihan ng ipinadadala kong sulat sa aking ina’t mga kapatid ay sa anyo ng mga tula. Ito ang masasabi kong una kong mga tula.
Nagsulat man ako ng tula nuong high school, wala na akong mga kopya niyon dahil hindi pa naman ako seryoso sa pagtula ng panahong iyon. Wala lang, trip-trip lang.
Nang mag-enrol ako sa kolehiyo, naging bahagi ako ng campus publication. Dito sa The Featinean unang nalathala ang aking mga tula. Dito rin nalinang ng tuluyan ang aking pagsusulat, mga tula, balita, artikulo, at bilang kolumnista. Nagsilbi rin akong features and literary editor ng pahayagang ito sa loob ng dalawang taon. Karamihan ng mga tula kong di nalathala sa The Featinean ay isinulat ko ng paisa-isa sa aking notebook na para lamang talaga sa mga tula. Mahigit tatlumpung tula rin ang naisulat ko dito. Ngunit sa kasawiang palad, nawala ito sa isang opisinang tinuluyan ko nang bumaklas na ako sa aming bahay bilang aktibista. Hindi ko na iyon natagpuan pa. Iyon ang una kong pagkawala ng mga iniingatan kong tula. Matagal bago ako muling nakapag-ipon ng mga tula.
Nang kunin ako ng isang grupo ng mga maralita, ang KPML, bilang dyarista, manunulat, layout artist at tagapamahala ng kanilang dyaryong Taliba ng Maralita (nag-resign kasi ang dating humahawak nito), doon muling nalathala ang aking mga tula. Inipon ko ang bawat isyu nito. Nalalathala ang pahayagang ito ng isang beses kada tatlong buwan o quarterly, at apat na beses kada taon. Ang pahayagan ng KPML, na may sukat na sinlaki ng short bond paper, ay walong pahina, at sa ikawalong pahina naman nalalathala ang aking mga tula. Paminsan-minsan ay tumutulong ako sa paggawa ng pahayagan ng ZOTO, kapatid na organisasyon ng KPML, at nailalathala ko rin dito ang aking mga tula.
Kinuha rin ako para magsulat sa pahayagan ng mga manggagawa, ang dyaryong Obrero. Ako naman ang tumatayong cultural and literary editor nito ngayon. Bukod sa pagle-layout ng buong pahayagan (kaunti lang kasi kami rito) at pangangalap ng balita, inilalathala ko rin dito ang aking mga tula. Tinitiyak kong sa bawat publikasyon o dyaryong malathala ay mayroon akong tula.
Nalathala rin ang aking mga tula sa magasing Tambuli na inilalathala ng Katipunang Dakilahi. Ako ang tumayong associate editor nito. Nakapaglathala ito ng pitong isyu mula Abril hanggang Oktubre 2006. Di na ito muling natuloy dahil sa kakapusan ng badyet at kamahalan ng printing.
Nakabili ako ng USB (256MB) noong Agosto 2006 sa pamamagitan ng pangungutang (loan) sa KPML ng halagang P2,000. Nabili ko ang aking USB sa halagang P1,640.00 sa SM North (ngayong 2008, nagmura na ito ng halos kalahati). Ang USB ko’y katumbas ng 177 diskette (256MB / 1.44MB = 177). Dito ko iniipon ang aking mga tula, pati na mga dokumento ng KPML, pahayagang Obrero, mga saliksik, mga sanaysay, at marami pang iba. Sa loob ng isa’t kalahating taon, naging malaking tulong sa akin ng USB, dahil saanmang opisina o internet café (kahit walang kape) ako magpunta, pwede akong mag-type at mag-ipon ng aking mga artikulo at tula. Malaking tulong din ang USB para maipon ko ang mga layout ng pahayagan, dahil kadalasan, umaabot sa 5MB ang bawat layout sa pagemaker dahil na rin sa mga pictures at hindi ito kasya sa diskette na 1.44MB lamang ang kapasidad.
Nang matutunan ko ang manwal na pagbu-bookbinding, nagsimula akong mag-layout at gumawa ng libro at maglathala ng aklat. Nitong Setyembre 2006, una kong inilabas ang Maso: Katipunan ng Panitikan ng Uring Manggagawa, Unang Aklat. Ito rin ang unang inilathalang aklat ng itinatag kong Aklatang Obrero Publishing Collective. Sa ngayon, labinlimang iba’t ibang uri ng aklat na ang inilathala ng Aklatang Obrero, at lahat ito’y nakapasok sa aking USB. Ang ilan kong mga tula ay nalathala naman sa ilan sa mga aklat na ito.
Nito lamang Marso 2008 natutunan kong gumawa ng blog dahil na rin sa pangungumbinsi ng isang butihing kaibigan. Sa kanya ko natutunan itong blog. Dahil dito, nagawa ko ang blog ko ng mga tula na tinawag kong “Matang Apoy”. Dito ko inilalagay ang aking mga tula, pati na ang mga dati pang tulang nalathala na sa libro na may kopya ako ay muli kong tinipa sa kompyuter. Ginawan ko naman ng isa pang blog ang aking mga sanaysay at pinamagatan ko itong “Asin sa Sugat”, at binuo ko rin ang blog ko ng “Tupang Pula” na naglalaman din ng ilan kong sulatin. Sa kalaunan ay natutunan ko na rin ang multiply at nakagawa rin ako ng grupo rito, ang makatangpinoy.multiply.com. Inilalathala ko rin dito ang ilan kong mga tula.
Ngunit nitong Mayo 2008 (dalawang buwan matapos kong gawin ang aking mga blogs), binura ng virus na trojan horse ang mga files ko sa USB. Nilinis ko ito ng Kaspersky Anti-Virus. Sa kabutihang palad, natanggal ang trojan horse virus, ngunit sa kasamaang-palad, hindi na naibalik ang nawala kong mga files. Kahit na nawala ang aking mga files, nasa 240MB pa rin ang nilalaman ng USB kahit na ang makikita mo na lang ay 729 KB na nasa microsoft word. Binura ng tuluyan ng trojan horse ang laman ng bawat folder sa USB. Walang makapagsabi sa akin kung paano ko mare-retrieve yung mga nawalang files. Pero parang hindi ako nabahala dahil sa inis ko’y ni-reformat ko na lang yung USB. Kinopya ko muna sa desktop yung natirang files bago ko nireformat yung USB. Kung hindi dahil sa aking blogs, baka tuluyan na ring nawala ang karamihan sa aking mga tula.
Kasamang nawala sa USB ang mga dokumentong tinayp ko bilang opisyal na tagatala ng minutes ng national execom ng KPML, pati congress minutes, pati na rin yung mga design ko ng mga nalathalang isyu ng pahayagang Taliba ng Maralita at pahayagang Obrero. Gayunman, may mga printed copies naman ang mga ito, kaya pwedeng yun na lang ang balikan ko.
Sayang dahil may ilan pa akong tula’t mga sanaysay na hindi ko pa nai-upload sa aking mga blogs. Kung wala akong makikitang printed copies nito sa magulo kong mga gamit, at ang iba kasi’y hindi ko nai-print, tuluyan nang nawala ang mga tulang iyon. Yung ibang tulang na-upload ko sa blogs ay yun na lang ang kopya ko dahil wala akong printed copy, ngunit kung sakaling magloko ang aking mga blogs ay baka tuluyan na rin iyong mawala. Kaya kinakailangan talagang mag-ipon ng printed copies. Yung iba kong tula ay nakuha ko via emails na pinadadala ko sa tuwi-tuwina sa mga yahoogroups ng mga makata’t manunulat, tulad ng pinoy_manunulat, mga_manunulat, makatang_pinoy, kamakatahan, at iba pa.
Mabuti na lang at iyong mga ni-layout kong mga libro ay nai-upload ko sa aking mga gmails, kaya kung kailangan ko ng kopya ng libro ay pwede kong mai-download ito saan mang internet café (kahit walang kape) ako naroroon.
Maraming salamat sa mga kaibigan kong naging dahilan upang matutunan ko kung paano mag-blog at mag-multiply at makawilihan ko ang paggamit nito.

Sampaloc, Maynila, Hunyo 28, 2008