Biyernes, Oktubre 29, 2021

Kwento: Kahalagahan ng tubig

KAHALAGAHAN NG TUBIG
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Madalas, nag-iipon kami ng tubig sa malaking dram mula sa tubig-ulan upang may maipambuhos sa inidoro o kaya'y panglinis sa sahig at sasakyang pampasaherong dyip ng tiyo.

Isang araw, biglang nawalan ng tubig sa kahabaan ng kalsadang kinatitirikan ng aming mga bahay, kaya ang mga magkakapitbahay ay nagsipilahan sa pag-igib ng tubig sa isang posong binuksan ng barangay. Poso iyong ginagamit ng mga bumbero para maglagay ng tubig sa kanilang trak. Inaayos daw ang daluyan ng tubig sa kabilang kalsada dahil pulos kalawang ang lumalabas, sabi ng isang kapitbahay. Pag natapos na raw iyon ay saka magkakaroon ng tubig sa gripo.

Kami namang magkakapatid, naiwan naming nakabukas ang gripo kahit hindi tumutulo. Umaasang pag pumatak na ang tubig sa gripo ay may tubig na. Nakipila rin kami, at nagdala ng mga balde upang maigiban ng tubig.

Kinagabihan, nakatulugan na naming magkakapatid na hindi naisasara ang gripo sa lababo at sa banyo.

Nagising kami ng madaling araw na umawas na ang tubig sa dram sa banyo. Tulo naman ng tulo ang tubig sa lababo gayong walang anumang nakasahod na timba o palanggana. Buti na lang at nagising si Itay. Pinatay niya ang mga gripo. Nagising din kami. Nasermunan kami ni Itay. "Kayong mga bata kayo, bakit iniwan ninyong nakabukas ang gripo? Tulo tuloy ng tulo ang tubig at umawas pa sa ating sahig."

"Hala, linisin ninyo iyan," sabi ni Itay. Kaya kinuha naming magkapatid ang map. Ako ang gumamit ng map habang ang kapatid kong mas bata sa akin ang kumuha ng palanggana upang doon pigain ang tubig sa map.

Yaon namang tubig-ulan sa dram ay ginamit din namin upang tuluyang luminis ang sahig, di lang malapit sa banyo kundi sa sala. Kumuha kami ng tubig-ulan, nilagay sa timbang may sabon, at ibinuhos namin sa sala upang walisin at tuluyang linisin ang sahig.

Nakita iyon ni Itay. "Bakit kayo nagbuhos ng ganyan?"

"Tubig-ulan naman po iyan, 'Tay. Libre galing sa langit," ang sabi ko.

"Nangangatwiran ka pa. Porke ba libre ang tubig ay aaksayahin na lang ninyo?" ang sabi ni Itay. "Kung tubig dagat iyan o tubig sa ilog, libre iyan. Subalit pag nasa gripo na, libre pa ba iyan? May bayad na iyan, at dapat lagi tayong may nakahandang pambayad diyan. Baka pag nawalan tayo ng tubig, aba'y malaking perwisyo iyan! Di tayo makakaligo, di makakainom ng tubig, di makakapagsaing. Aba'y pag hindi ginagamit ang gripo, isara ninyo!"

Tinandaan namin ang sinabi ni Itay, dahil tama siya. Kung libre ang tubig ay gamitin namin ng tama. Kung may bayad ang tubig, lalo nang dapat naming gamitin ng tama. Dahil ang mahirap ay kung mawalan kami ng tubig.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 16-21, 2021, pahina 17.

Linggo, Oktubre 17, 2021

Paghahanap sa pangalan ng bagyo


ANG PAGHAHANAP SA PANGALAN NG BAGYONG NAGPABAGSAK NOON SA MGA POSTE NG KURYENTE SA ALABANG
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Higit isang oras ko nang natapos ang tula kong pinamagatang "Bantang Pag-ulan" nang naisip ko itong rebisahin dahil sa isang taludtod na mukhang mali ang datos. Wala, naisip ko lang sulatin ang tulang iyon. Nailagay ko na sa pesbuk at blog, subalit kailangan talagang baguhin.

Doon kasi sa ikatlong taludtod ng ikaapat na saknong ng aking tula ay nakasulat ang bagyong "Milenyo'y manalasa" at kasunod noon ay "higit sanlinggo kaming walang trabaho talaga". Mukhang hindi akma ang ikatlo't ikaapat na taludtod ng pang-apat na saknong.

"mga poste'y bagsakan nang Milenyo'y manalasa
higit sanlinggo kaming walang trabaho talaga"

Kung "Milenyo", as in millenium, wala na ako sa trabaho ko dati nang mag-milenyo o taon 2000, panahon ni Erap, ang millenium president. Kaya naisip ko, mali yata ang inilagay kong pangalan ng bagyo, nang higit isang linggo kaming nawalan ng trabaho. Kaya nagsaliksik ako kung ano talaga ang pangalan ng bagyo. Nagbagsakan kasi noon ang mga poste ng kuryente dahil sa bagyo, na parang Siling, Biling, Duling, basta may ling, dahil sa salitang darling.

Nagtrabaho ako noon bilang regular machine operator sa edad na 20 sa Precision Engineered Components Corporation (PECCO) sa Alabang, Muntinlupa. Nagtagal ako roon ng tatlong taon, mula Pebrero 1989 hanggang magpasya akong mag-resign noong Pebrero 1992 upang makapag-aral muli. Tutal, bata pa naman ako. Nakuha ako sa trabaho ko bilang machine operator matapos ang anim-na-buwan bilang iskolar ng elektroniks sa Hanamaki-shi, Iwate-ken, sa bansang Japan, mula Hulyo 1988 hanggang Enero 1989.

Natatandaan ko, nilakad ko noon mula Sukat hanggang Alabang nang magbagsakan ang mga poste ng kuryente sa kahabaan ng isang bahagi ng South Superhighway. Ang pabrika namin ay hindi makikita sa labas, kundi dadaan muna kami sa gate ng pabrikang Kawasaki bago makarating sa gate ng PECCO. Humigit kumulang tatlong kilometro rin ang nilakad ko mula sa babaan ng dyip biyaheng Pasay-Rotonda sa Sukat SLEX tungong PECCO. Umuuwi pa ako noon sa Sampaloc, Maynila.

Hinanap ko sa internet ang pangalan ng bagyong nagpabagsak sa maraming poste ng ilaw kaya nawalan kami ng higit isang linggong trabaho upang mas maitama ko naman ang pangalan ng bagyo sa aking tula. Tiyak, hindi Milenyo ang pangalan niyon, na nauna kong naisulat. Baka may magsuri ng aking tula, at ng pangalan ng bagyo, hindi magtugma. Nakakahiya.

Sa talaan ng mga bagyo noong 1990, iisa ang mabigat na pangalan, ang bagyong Ruping noong 1990. Bagamat ang Bising ay tumama sa bansa noong Hunyo 1990 ngunit malayo sa Alabang. 

Halos kalilipat ko lang ng bahay sa Alabang, at nagustuhan ko ang inupahan kong kwarto malapit sa ilog, bandang kalagitnaan o ikatlong bahagi ng 1990. Dahil Enero 1, 1991 ay ika-25 anibersaryo ng kasal ng aking ama't ina. Kaya kung Nobyembre 1990 si Ruping, tiyak hindi ako titira sa malapit sa ilog dahil tiyak apaw iyon.

Ang bagyong Diding naman ay naganap matapos ang pagsabog ng Mount Pinatubo noong Hunyo 1991. Ito ang dahilan upang umalis ako sa tirahan ko sa tabing ilog sa Alabang dahil umapaw ang ilog at nabasa ang aking mga kagamitan. Hindi iyon ang nagpabagsak ng mga poste mula Sukat hanggang Alabang, dahil hindi na nga ako nanggagaling sa Sukat pag papasok sa trabaho kundi sa Alabang na.

Ang bagyong Uring naman ay tumama sa rehiyon ng Bisaya noong Nobyembre 1991 kaya hindi iyon. Pebrero 1992 ay nag-resign na ako sa trabaho. Kaya alin sa mga bagyong iyon ang nagpabagsak sa mga poste ng kuryente mula Sukat hanggang Alabang? Hanggang maisipan kong may 1989 pa nga pala.

Hanggang sa mabasa ko ang hinggil sa bagyong Saling. Ayon sa ulat, "In the Philippines, typhoon Saling left hundreds of thousands homeless and killed 58 people. Power outages were extensive in the Manila region." Iyon na, ang bagyong Saling noong Oktubre 12, 1989 ang nagpabagsak sa mga poste ng kuryente. Kaya naglakad ako mula Sukat hanggang sa aming pabrika noon. Wala pang cellphone noon. Maraming salamat at siya'y aking natagpuan. Napakahalaga talagang makita siya upang magtama ang datos sa tula. Dalawang taludtod na dapat magtugma.

"mga poste'y bagsakan nang Saling ay manalasa
higit sanlinggo kaming walang trabaho't natengga"

Kaya nabuo ko na ang tamang pangalan ng bagyo sa aking tula sa ikaapat na saknong. Narito ang kabuuan ng aking tula:

BANTANG PAG-ULAN

nagdidilim muli ang langit, may bantang pag-ulan
agad naming tinanggal ang mga nasa sampayan
hinanda ang malalaking baldeng pagsasahuran
ng tubig sa alulod, pambuhos sa palikuran

maririnig muli ang malalakas na tikatik
sa mga yero habang nagmumuning walang imik
sana dumating ay di naman bagyong anong bagsik
na sa lansangan magpaanod ng basura't plastik

kayrami kong danas sa bagyong nakakatulala
konting baha sa amin, España'y baha nang sadya
lubog ang Maynilad, tabing City Hall ng Maynila
lestospirosis nga'y batid na noong ako'y bata

naranasan ang Ondoy, nakita ang na-Yolanda
na pawang matitinding bagyong sadyang nanalanta
mga poste'y bagsakan nang Saling ay manalasa
higit sanlinggo kaming walang trabaho't natengga

nagbabanta muli ang ulan, kaydilim ng langit
habang kaninang tanghali lang ay napakainit
nagbabago na ang klima, climate change na'y humirit
dapat paghandaan ang kalikasang nagngingitngit

- gregoriovbituinjr.
10.17.2021

Sabado, Oktubre 16, 2021

Covid, Climate Change at Panawagan ng WHO

COVID-19 AT CLIMATE CHANGE, ANO NGA BA ANG KANILANG KAUGNAYAN?
Saliksik, sanaysay, at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nito lang Oktubre 11, 2021, naglabas ng press release sa kanilang website ang World Health Organization (WHO) hinggil sa kanilang sampung panawagan ng aksyon sa klima upang matiyak ang paggaling sa COVID-19. Pinamagatan ang press release na "WHO's 10 calls for climate action to assure sustained recovery from COVID-19," habang karugtong naman nito o sub-title ay "Global health workforce urges action to avert health catastrophe."

Dito'y masasabi nating may kaugnayan, direkta man o hindi, ang COVID-19 sa krisis sa klima o climate crisis. Ngunit paano nga ba ang kaugnayan ng mga ito?

Ayon pa sa pahayag ng WHO: "Dapat magtakda ang mga bansa ng mga ambisyosong pambansang pagtataya sa klima kung nais nilang panatilihin ang isang malusog at luntiang paggaling mula sa pandemya ng COVID-19." [aking pagsasalin]

Sa araw ding iyon ay inilunsad ng WHO ang COP26 Special Report on Climate Change and Health habang patungo sa Conference of Parties 26 (COP26) ng United Nations Climate Change Conference na gaganapin sa Glasgow, Scotland. Kumbaga'y nagbibigay sila ng reseta para sa pandaigdigang kalusugan sa mga komunidad para sa aksyon sa klima batay sa dumaraming pananaliksik hinggil sa kaugnayan ng klima at kalusugan.

Ayon kay Dr Tedros Adhanom Ghebreyesus, Director-General ng WHO: “The COVID-19 pandemic has shone a light on the intimate and delicate links between humans, animals and our environment. The same unsustainable choices that are killing our planet are killing people. WHO calls on all countries to commit to decisive action at COP26 to limit global warming to 1.5°C – not just because it’s the right thing to do, but because it’s in our own interests. WHO’s new report highlights 10 priorities for safeguarding the health of people and the planet that sustains us.”

Ang ulat ng WHO ay inilunsad din bilang bukas na liham, na nilagdaan ng higit sa dalawang katlo ng lakas-pangkalusugan sa buong mundo - 300 na mga organisasyong kumakatawan sa hindi bababa sa 45 milyong mga doktor at mga propesyonal sa kalusugan sa buong mundo, na nanawagan para sa mga pambansang pinuno at mga delegasyon ng mga bansa sa COP26 na tuluyang magsagawa ng mga aksyon sa klima.

Ayon pa sa ulat ng WHO: "Ang pagkasunog ng mga fossil fuel ang pumapatay sa atin. Ang climate change ang nag-iisang pinakamalaking banta sa kalusugan na kinakaharap ng sangkatauhan. Habang walang sinuman ang ligtas sa mga epekto sa kalusugan ng nagbabagong klima, nadarama rin itong di patas ng mga pinakamahihina at mahihirap."

Naipaliwanag din ang kaugnayan ng klima at COVID-19 sa blog ng IMF (International Monetary Fund). Ayon sa kanilang blog, "Una, tingnan natin ang ilan sa mga pagkakatulad ng COVID-19 at climate hange. Ang ugali ng tao ay sentral sa parehong krisis. Ang parehong krisis ay pandaigdigan at kapwa nakakasira ng kabuhayan, at kapwa matindi ang epekto sa mga mahihirap at lalong pinalalalim ang umiiral na hindi pagkakapantay. Dahil sa pandemya, maraming nawalan ng trabaho, na mag-iiwan ng pangmatagalang epekto sa ekonomya. Habang inaasahang magdudulot ng matinding pinsala sa ekonomya ang climate change, na matindi ang epekto sa mga mahihirap at maaaring paglitaw ng matinding migrasyon.

Ang parehong krisis ay nangangailangan ng mga pandaigdigang solusyon. Ang krisis sa COVID-19 ay hindi malulutas hanggang makontrol ng lahat ng bansa ang pandemya sa pamamagitan ng malawakang pagbabakuna, at ang krisis sa klima ay hindi malulutas hanggang ang lahat ng nagbubuga ng usok ay umaksyon, na magdadala ng mga global na emisyon sa net zero.

Kahit ang Harvard University School of Public Health, ay nauna nang pinag-aralan ang usaping ito, kung saan may labing-isang tanong na sinagot si Dr. Aaron Bernstein, Direktor ng Harvard Chan C-Change. Ilan sa mga tanong ay ito: Does climate change affect the transmission of coronavirus? Does air pollution increase the risk of getting coronavirus? Does it make symptoms worse? Will warmer weather slow the spread of coronavirus? Can you identify the communities most at-risk, and how and why both COVID-19 and climate change harms them? Why is it so important for health officials to talk about climate change now? Climate change and global health policy are largely treated as separate issues by the public and media. Do we need to adjust our thinking? COVID-19 is killing people now and climate change is killing people now. The scale of actions to combat them are different. Why? Is climate change too expensive to fix.

Ilan sa isinagot ni Dr. Bernstein ay ito: Wala pang direktang ebidensyang nag-uugnay na may malaking kinalaman ang klima sa mga naapektuhan ng COVID-19, ngunit batid nating binabago ng klima ang pakikipag-ugnayan natin sa iba pang espisye sa mundo at malaking bagay iyon sa ating kalusugan. Huwag nating isipin na ang mainit na panahon ang makapipigil sa COVID-19, kundi sumunod pa rin sa mga protokol na sinabi ng mga eksperto sa kalusugan - tulad ng mag-social distancing at maayos na paglilinis ng kamay.

Malawak ang mga tanong-sagot na iyon, na mas magandang basahin ng buo sa kawing o link na nakalagay sa ibaba.

Gayunpaman, dahil sa inilabas na ulat ng WHO, nararapat lang nating isiping malaki talaga ang kaugnayan ng climate change at COVID-19. Kaya magandang pagnilayan natin ang sampung panawagan ng World Health Organization batay sa kanilang ipinahayag.

1. Tumaya sa isang malusog na paggaling. Pagtaya sa isang malusog, luntian at makatarungang paggaling mula sa COVID-19. (Commit to a healthy recovery. Commit to a healthy, green and just recovery from COVID-19.)

2. Hindi pinakikipagtawaran ang ating kalusugan. Ilagay ang kalusugan at hustisyang panlipunan sa puso ng usapang klima sa UN. (Our health is not negotiable. Place health and social justice at the heart of the UN climate talks.)

3. Gamitin ang mga benepisyo sa kalusugan ng pagkilos sa klima. Unahing mamagitan sa klima nang may pinakamalaking nakamit sa kalusugan, panlipunan at pang-ekonomiya.(Harness the health benefits of climate action. Prioritize those climate interventions with the largest health-, social- and economic gains.)

4. Bumuo ng resilyensa sa kalusugan sa mga panganib sa klima. Bumuo ng mga pasilidad at sistemang pangkalusugan na matatag sa klima at sustenable sa kapaligiran, at sumusuporta sa pag-akma sa kalusugan at resilyensa ng lahat ng sektor. (Build health resilience to climate risks. Build climate resilient and environmentally sustainable health systems and facilities, and support health adaptation and resilience across sectors.)

5. Lumikha ng mga sistemang pang-enerhiyang nagpoprotekta at nagpapabuti sa klima at kalusugan. Gabayan ang isang makatarungan at napapaloob na transisyon patungo sa nababagong enerhiya upang makasagip ng buhay mula sa polusyon sa hangin, lalo na mula sa pagkasunog ng karbon. Wakasan ang paghihirap sa enerhiya sa mga sambahayan at pasilidad pangkalusugan. (Create energy systems that protect and improve climate and health. Guide a just and inclusive transition to renewable energy to save lives from air pollution, particularly from coal combustion. End energy poverty in households and health care facilities.)

6. Muling isipin ang mga kapaligiran sa lungsod, transportasyon at kadaliang kumilos. Itaguyod ang sustenable, malusog na disenyo ng lungsod at sistema ng transportasyon, na may pinabuting paggamit ng lupa, pag-akses sa luntian at bughaw na espasyong pangmasa, at prayoridad para sa paglalakad, pagbibisikleta at pampublikong transportasyon.
(Reimagine urban environments, transport and mobility. Promote sustainable, healthy urban design and transport systems, with improved land-use, access to green and blue public space, and priority for walking, cycling and public transport.)

7. Protektahan at ibalik ang kalikasan bilang pundasyon ng ating kalusugan. Protektahan at ibalik ang mga likas na sistema, ang mga pundasyon para sa malusog na buhay, sustenableng sistema sa pagkain at pangkabuhayan. (Protect and restore nature as the foundation of our health. Protect and restore natural systems, the foundations for healthy lives, sustainable food systems and livelihoods.)

8. Itaguyod ang malusog, sustenable at resilyenteng sistema ng pagkain. Itaguyod ang sustenable at resilyenteng produksyon ng pagkain at mas abot-kaya, masustansyang pagdidiyetang naghahatid sa parehong resulta ng klima at kalusugan. (Promote healthy, sustainable and resilient food systems. Promote sustainable and resilient food production and more affordable, nutritious diets that deliver on both climate and health outcomes.)

9. Pondohan ang isang mas malusog, mas patas at mas luntiang kinabukasan upang makapagsagip ng buhay. Transisyon patungo sa isang mabuting ekonomya. (Finance a healthier, fairer and greener future to save lives. Transition towards a wellbeing economy.)

10. Makinig sa komunidad pangkalusugan at magreseta ng kagyat na aksyon sa klima. Pakilusin at suportahan ang komunidad pangkalusugan sa aksyong pangklima. (Listen to the health community and prescribe urgent climate action. Mobilize and support the health community on climate action.)

Bilang pagninilay sa mga nasabing ulat, binuod ko sa dalawang tula ang sa palagay ko'y pagkanamnam sa aking mga nabasa.

Tula 1
ANG COVID-19 AT ANG KRISIS SA KLIMA

may direktang kaugnayan nga ba ang klima't covid
dahil pareho silang krisis ng buong daigdig
na dapat masagot upang solusyon ay mabatid
upang sa pagtugon, buong mundo'y magkapitbisig

ako nga't nagsaliksik sa kanilang kaugnayan
upang mga nabasa'y maibahagi rin naman
sa kapwa, sa kasama, sa bayan, sa daigdigan
upang magtulungan sa paghanap ng kalutasan

kayrami nang namatay sa covid na nanalasa
kayraming namatay sa unos, tulad ng Yolanda
animo'y kambal na krisis na pandaigdigan na
inaaral pa ang kaugnayan ng bawat isa

ako'y nagka-covid, ako'y nasalanta ng Ondoy
mula sa sariling dinanas ang aking panaghoy
dalawang isyung kaybigat, di duyang inuugoy
inalagaan mong tanim ay tuluyang naluoy

Tula 2
SAMPUNG REKOMENDASYON NG WHO

may sampung panawagan ang World Health Organization
hinggil sa klima't kalusugan ng maraming nasyon
halina't namnamin ang panawagan nila't hamon
kung sa klima't covid, mayroon na silang solusyon

ah, nababahala na rin ang WHO, mga kapatid
sa anumang kaugnayan ng climate change at covid
hinandang WHO Report sa sunod na COP ay pabatid
ito'y bukas na liham ring sa buong mundo'y hatid

ang sampung rekomendasyon nila'y isa-isahin
dapat tumaya sa isang malusog na paggaling
lumikha ng sistemang magpoprotekta sa atin
upang mapabuti ang klima't kalusugan natin

hindi pinakikipagtawaran ang kalusugan
ito, pati asam na katarungang panlipunan
ay dapat puso ng isyung klima sa daigdigan
pati pagbuo ng resilyensa ng sambayanan

ang sustenable, malusog na disenyo ng lungsod
at ang sistema ng transportasyon ay itaguyod
pinabuting paggamit ng lupa ay paglilingkod
may espasyong pampublikong ang masa'y malulugod

protektahan natin at ibalik ang kalikasan
bilang talagang pundasyon ng ating kalusugan,
malusog na buhay, pagkain, at pangkabuhayan
patas at luntiang kinabukasan ay pondohan

sa mga eksperto sa kalusugan ay makinig
at sa agarang aksyong pangklima'y magkapitbisig
para sa klima't kalusugan, tayo'y magsitindig 
sa kinabukasan ay may nagkakaisang tinig

Mga pinaghalawan:
https://www.who.int/news/item/11-10-2021-who-s-10-calls-for-climate-action-to-assure-sustained-recovery-from-covid-19
https://www.climatechangenews.com/2021/10/12/un-isolation-fund-launched-support-cop26-delegates-contract-covid-19/
https://blogs.imf.org/2021/07/09/what-covid-19-can-teach-us-about-mitigating-climate-change/
https://www.hsph.harvard.edu/c-change/subtopics/coronavirus-and-climate-change/
https://www.news-medical.net/amp/health/Climate-Change-and-COVID-19.aspx

Huwebes, Oktubre 14, 2021

Kabataan, balisa sa climate crisis

MGA KABATAAN, NABABALISA SA HINAHARAP DAHIL SA MATINDING EPEKTO NG KRISIS SA KLIMA
Saliksik, sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nitong nakaraang Setyembre 2021 ay nabalita ang pagkabalisa ng kasalukuyang henerasyon ng mga kabataan mula sa iba't ibang bansa hinggil sa hinaharap o kanilang kinabukasan bunsod ng epekto ng pabago-bagong klima o climate change.

Tingnan muna natin ang pamagat ng mga balita bago natin iulat ang mga nilalaman niyon. Sa BBC news (bbc.com): "Climate change: Young people very worried - survey", Setyembre 14, 2021. Sa cnbc.com: "Nearly half of young people worldwide say climate change anxiety is affecting their daily life," Setyembre 14, 2021. Sa nature.com: "Young people's climate anxiety revealed in landmark survey," Setyembre 22, 2021.  Sa medicalnewstoday.com: "Eco-anxiety: 75% of young people says 'the future is frightening'", Setyembre 28, 2021. Nakababahala rin ang pamagat ng ulat ng The Guardian: "Four in 10 young people fear having children due to climate crisis," Setyembre 14, 2021.

Ayon sa BBC news, nagsagawa ng survey sa 10 bansa, na pinangunahan ng University of Bath sa pakikipagtulungan sa lima pang unibersidad. Ito'y pinondohan ng Avaaz, na isang campaign and research group. Sinasabi nila diumanong ito na ang pinakamalawak na survey na naisagawa, dahil tumugon ay nasa 10,000 kabataang nasa edad na 16 hanggang 25. Ayon naman sa The Guardian, "The poll of about 10,000 young people covered Australia, Brazil, Finland, France, India, Nigeria, the Philippines, Portugal, the UK and the US."

Sa ulat ng cnbc.com, pinangunahan ang pag-aaral ng mga akademiko mula sa Universty of Bath ng United Kingdom at ng Stanford Center for Innovation in Global Health, "among others... under peer review in The Lancet Planetary Health journal."

Ang pangunahing may-akda ng pag-aaral na si Caroline Hickman ng University of Bath ay nagsabi sa BBC News: "This shows eco-anxiety is not just for environmental destruction alone, but inextricably linked to government inaction on climate change. The young feel abandoned and betrayed by governments." Si Ms. Hickman ay mula rin sa University of Bath Climate Psychology Alliance.

Ayon naman kay Liz Marks na may-akda rin ng nasabing pag-aaral at senior lecturer sa University of Bath na nakabibiglang marinig o "shocking to hear how so many young people from around the world feel betrayed by those who are supposed to protect them." At idinagdag pa niya, "Now is the time to face the truth, listen to young people, and take urgent action against climate change." Marahil, di lang makinig kay Greta Thunberg ng Sweden, kundi sa lahat ng mga kabataan. Ayon nga sa Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) kung saan ay matagal ko nang nakasama, na dapat magdeklara na ang gobyerno ng Pilipinas ng climate emergency at kumilos, lalo na ngayong siyam na taon na lang ang nalalabi bago mag-2030.

Matatandaang sinabi ng UNFCCC (United Nations Framework Convention on Climate Change) noong Oktubre 2018 na may labindalawang taon na lang upang masagip ang mundo sa sitwasyong "point of no return". Ibig sabihin bago mag-2030, dapat magbawas ng emission o usok ang mga bansa upang di abutin ng mundo ang lampas ng 1.5 degrees pang lalong pag-iinit ng daigdig. Kung hindi'y maraming lugar ang lulubog sa tubig dulot ng climate change.

Sinabi naman ni Tom Burke ng think tank na grupong e3G: "It's rational for young people to be anxious. They're not just reading about climate change in the media - they're watching it unfold in front of their own eyes." 

Ayon pa sa mga may-akda, ang antas ng pagkabalisa ng mga kabataan "appear to be greatest in nations where government climate policies are considered weakest." Dagdag pa nila, "failure of governments on climate change maybe defined as cruelty under human rights legislation. Six young people are already taking the Portuguese government to court to argue this case." BBC News

Nabanggit ang Pilipinas sa ulat ng cnbc.news: "Young people from countries in the Global South expressed more worry about the climate crisis, with 92% in the Philippines describing the future as "frightening." Ang ulat na ito'y naging editoryal din ng Philippine Daily Inquirer kung saan ang pamagat ng editoryal ay "The future is frightening." (Oktubre 3, 2021)

Sa Medical News Today ay nakapanayam ang isang Pinay, at ito ang ulat: Mitzi Tan, a 23-year-old Philippina (Filipina) told the University of Bath: "I grew up being afraid of drowning in my own bedroom. Society tells me that this anxiety is an irrational fear that needs to be overcome - one that meditation and healthy coping mechanisms will 'fix.' At its root, our climate anxiety comes from this deep-set of betrayal because of government inaction. To truly address our growing climate anxiety, we need justice."

Mabigat ang huling salitang sinabi ng Pinay: JUSTICE, hindi just tiis. Kaya ang konsepto ng CLIMATE JUSTICE , na naging dahilan din ng pagkakatayo ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) noong Hunyo 2010, ay aking niyakap. Hanggang ako'y maging bahagi ng Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban noong Nobyembre 2014, at sa French Leg ng Climate Pilgrimage noong 2015.

Nais kong ibuod ang ulat sa pamamagitan ng tula.

KABATAAN, BALISA DAHIL SA KRISIS SA KLIMA
tula ni Gregorio V. Bituin Jr.
Oktubre 14, 2021

sampung libong kabataan mula sa sampung bansa
o kaya'y sanlibong kabataan sa bawat bansa
ang kinapanayam hinggil sa klimang lumalala
mga tugon sa panayam ay nakababahala

kabataan ay binigo raw ng mga gobyerno
na dapat daw unang tumugon sa krisis na ito 
climate change ay isyu raw ng karapatang pantao
may mga kabataang handang magsampa ng kaso

kabataang balisa sa kanilang hinaharap
pulos pangako lang ba ang gobyernong mapagpanggap?
dahil sa krisis sa klima'y kayraming naghihirap
ngayon pa'y balisa ang kabataang may pangarap

takot ding magkaanak dahil sa krisis sa klima
kinabukasang nakakatakot ang nakikita
wala raw ginagawang sapat ang gobyerno nila
upang lutasin ang krisis na pandaigdigan na

sadyang nakababahala ang ganitong sitwasyon
bagamat may ginagawa ang ating henerasyon
siyam na taon pa, sa krisis ba'y makababangon
sa mga kabataang ito'y anong ating tugon

may hiling na magdeklara ng climate emergency
dito lang sa Pilipinas, ito na'y sinasabi
sana mga gobyerno'y di maging bulag, pipi't bingi
upang sa huli, ang buong mundo'y di magsisisi

Mga pinaghalawan:
https://www.nature.com/articles/d41586-021-02582-8
https://www.cnbc.com/amp/2021/09/14/young-people-say-climate-anxiety-is-affecting-their-daily-life.html
https://www.bbc.com/news/world-58549373
https://www.medicalnewstoday.com/articles/eco-anxiety-75-of-young-people-say-the-future-is-frightening
https://www.google.com/amp/s/amp.theguardian.com/environment/2021/sep/14/four-in-10-young-people-fear-having-children-due-to-climate-crisis
https://www.google.com/amp/s/www.euronews.com/green/amp/2021/09/14/climate-anxiety-as-global-study-reveals-three-in-four-young-people-think-the-future-is-fri

Huwebes, Oktubre 7, 2021

Marta Rojas, Cuban writer


Marta Rojas was a Cuban writer who witnessed and wrote about the Moncada attack by Fidel Castro and comrades on July 26, 1953.

Condolence to her family. I was there in UP when she came here in the Philippines, and I presented my book with five articles of Che Guevara which I translated into Filipino. Thanks for the memories.