Lunes, Abril 11, 2022

Panayam hinggil sa pagsasalin

PANAYAM HINGGIL SA PAGSASALIN

Pito silang mag-aaral ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) sa kursong Hospitality Management na nag-aaral hinggil sa Tourism ang aking nakasalamuha kaninang umaga, Abril 11, 2022. Layunin nilang kapanayamin ako hinggil sa gawaing pagsasalin o pag-translate ng English tungo sa wikang Filipino. 

Nagkita kami sa harapan ng PLM sa ganap na ikasampu ng umaga, at naghanap ng lugar kung saan kami magkakausap. Nais nilang sa isang kainan upang may mga upuan, hanggang makita namin ang isang plasa na may mga upuan, sa Memorare - Manila 1945, sa loob pa rin ng Intramuros. Sabi ko'y kabisado ko ang Intramuros dahil sa lugar na iyon ako nag-high school.

Isang tula ni Robert Frost ang may tatlong magkakaibang salin ang kanilang ipinabasa sa akin upang magbigay ako ng komento. Ang tula ay The Road Not Taken. Pinakita ko naman sa kanila ang sarili kong salin ng The Road Not Taken, pati ang pagkasalin ko ng ilang tula ng mga makatang sina Shakespeare, Petrarch, Poe, Marx, Nick Joaquin, Pablo Neruda, at iba pa. Subalit mas tumutok ang talakayan hinggil sa tatlong magkakaibang salin ng tula ni Robert Frost.

Maganda ang naging talakayan. Marami silang tanong na sinagot ko naman. Pinuna ko rin ang ilang maling pagkakasalin ng tula, tulad ng "both" na sa isang salin ay "isa", hindi kapwa o pareho. Nagbigay rin ako ng ilang payo sa gawaing pagsasalin, tulad ng kung tula iyon, basahing maigi dahil minsan ay literal tayong nagsasalin, subalit dapat unawain natin na magkakaiba tayo ng lengguwahe, ang wikang Ingles at Filipino. Naitanong din nila kung paano natin matitiyak na tama ang salin ng Ingles mula sa wikang Italyano, tulad ng salin ng tula ng Italyanong makatang si Petrarch sa Ingles na isinalin ko sa wikang Filipino. Kumbaga, ako ang pangatlong salin, subalit hindi mula sa orihinal na wikang Italyano kundi mula na sa salin din sa Ingles.

Itinuro ko rin sa kanila ang tugma't sukat sa wikang Filipino, kaya ang pagkakasalin ko ng The Road Not Taken ay tiniyak kong labing-anim na pantig bawat taludtod. Iyon ang hindi raw nila napansin, ang tugma't sukat, dahil marahil hindi pa naman nila napag-aralan iyon. Natutunan ko nga lang iyon sa isang espesyal na kurso labas sa eskwelahan, sa poetry clinic ni Rio Alma, sa LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo). Kaya ibinahagi ko ang ilang kaalaman sa pagsusulat ng may tugma't sukat at pagsasalin na ginagamit din ang tugma't sukat.

Sa ganang akin naman, personal kong pagninilay, muling nabuhay ang interes ko sa pagsasalin, at ang mga nabinbin kong proyektong salin ay nais kong ipagpatuloy. At mismong ako'y nakita kong dapat kong rebyuhin ang aking mga isinalin, dahil may nakita rin akong tingin ko'y maling salin, tulad ng wood, na di lang kahoy, kundi kakahuyan o kagubatan, depende sa iyong pagkaunawa sa mismong taludtod, o sa tula. 

Nakita rin nila ang sticker ni Ka Leody de Guzman na nakakabit sa aking folder ng mga tula, kaya sinabi nilang kilala nila si Ka Leody, kaya binigyan ko sila ng sticker nina Ka Leody at Atty. Luke Espiritu. Kilala rin daw nila si Atty. Luke, kaya nagpakuha rin kami ng picture sa tarp ni Ka Leody habang tangan naman nila ang sticker na Atty. Luke Espiritu.

Bago kami umalis ay ibinigay ko sa kanila ang kopya ng salin ko ng Invictus ni Hensley, salin ko ng limang haiku ng Japanese poet na si Matsuo Basho, at iba pa. At naghiwa-hiwalay na kami sa tapat ng aking alma mater, habang patungo naman sila sa isa pang taong nais din nilang kapanayamin, na nasa Sampaloc, Maynila.

Taospusong pasasalamat kina Aivee Jen, Elijah Christopher, Rea Jean, Camille, Sarah, Matthew James, at JM. Nawa'y makapasa kayo sa inyong kurso, maka-graduate with honors at maging ganap na manggagawa sa turismo. Dahil dito ay naigawa ko sila ng munting tula.

PASASALAMAT

sa inyo ako'y taospusong nagpapasalamat
kayong mga estudyante'y nakadaupangpalad
dahil napili ninyong imbitahan akong sukat
upang aral sa pagsasalin, aking mailahad

ang talakayan natin ay malusog at maganda
bagamat halos isang oras lang iyon kanina
kaysarap ng pagtatalakay sa inyo talaga
tila ako'y talagang guro, at guro ng masa

kayo'y inspirasyon upang ituloy ang gawain
ng pagsasalin ng pampanitikang babasahin
nawa nakapagbigay ako ng payo't gabay din
upang makapasa kayo sa kurso n'yo't aralin

at muli, ako'y nagpapasalamat ngang totoo
kung may tanong sa pagsalin o tula, handa ako
sinumang estudyante ang makatalakayan ko
ay buong puso kong sasagutin ang mga ito

- gregoriovbituinjr.
04.11.2022

Sabado, Abril 9, 2022

Kwento: Labanan ang mga trapo't dinastiya



LABANAN ANG MGA TRAPO’T DINASTIYA
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

Kampanyahan na naman para sa pambansang halalan, at mamimili muli ang mga tao kung sino sa mga trapo ang muling magsasamantala sa kanila. Ganyan naman palagi, tuwing eleksyon. Walang mapagpilian ang mga tao kundi iyon at iyon ding apelyido. Pulos mga nagpayaman sa pwesto. Pulos mayayaman, pulos pabor lagi sa kapitalista, pulos suportado ng mga bilyonaryo. Paano na ang mga maralita?

Ang mga mayayamang pulitiko, naaalala lang ang mga maralita pag malapit na ang halalan. Kabilang kasi ang mga maralita sa mga botante kaya nga sinasabing sikat ang mayoryang maralita pag eleksyon dahil lagi silang nililigawan ng mga pulitiko.

Babayaran lang ng limang daang piso bago magbotohan kapalit ng tatlong taon sa lokal at anim na taon sa pambansa. Malaking bagay nga naman sa maralita ang limang daang piso dahil may pambili na sila ng bigas, may maisasaing, may pantawid gutom ang pamilya kahit sa isang araw lang. Oo, kapalit ng isang araw na kaligayahan ay anim na taon namang dusa. Dahil sa panahon lang naman ng eleksyon sila kilala ng kani-kanilang ibinoto. Walang pakialam ang mayayamang trapo sa kanila maliban sa bilang, maliban sa sila’y numero sa bilangan ng balota.

Sabi nga ni Mang Igme, “Botohan na naman! Iboto naman ninyo ang manok ko. Malaki maitutulong nito sa atin balang araw.”

Sabi naman ni Aling Tess, “Itong manok ko ang iboto ninyo, huwag iyan. Mas magaling ito, at madaling malapitan kung kailangan. Subok ko na ito. Sa kanya nga nanggaling ang endorsement para makapunta kami at magamot sa ospital. Siya na iboto natin. Tiyak na may kasangga tayo.”

Ayon naman sa binatang si Ignacio, “Totoo po ba ang Tallano gold? Mababayaran nga ba ang utang ng Pilipinas pag siya ang ibinoto ko?”

“Huwag kang maniwala riyan, hane,” sabad ni Aling Tikya, “pawang peknyus ang mga iyan upang mauto tayo na iboto siya.”

“E, sino po ang dapat iboto? Pare-pareho lang naman sila, di ba? Mga pulitikong magnanakaw sa kaban ng bayan? Anong mapapala natin sa mga iyan? Matagal nang namamayagpag apelyido nila sa pwesto. Pulos pamilyang dinastiya na ang namumuno sa atin. Guminhawa ba ang bayan? Hindi ba’t ganito pa rin tayo, isang kahig, isang tuka. Kaya bakit natin iaasa sa kanila ang ating kinabukasan. Dapat wala nang mga trapo at mga dinastiyang iyan na pinagsasamantalahan lang ang maliliit na gaya natin. Kaya kung may iboboto tayo, dapat iyong mga kauri natin, yung mga nakakaunawa sa atin, sa kalagayan natin, at nakaranas din ng anumang naranasan natin. Kaisa natin sa isip, puso, at bituka. ‘Yung kauri natin. Basta huwag na mga trapo’t dinastiya.” Mahaba ang litanya ni Mang Pilo na ikinatuwa naman ng ilang mga nakausap.

“E, sino nga ba? Kung kauri ba natin, mahirap din ang kandidato. Kauri natin, eh. Kung meron talaga, aba, subukan natin. Magbakasakali tayo? Sino po kaya? Mayroon kayang babangga sa pader?” Banat naman ng binatang si Ignacio.

“Bakit hindi natin subukan ang tumatakbong lider-manggagawa sa pagkapangulo, si Ka Leody De Guzman. Siya ang chairman ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), isa sa pinakamalaking organisasyon ng mga manggagawa sa bansa. Subukan din nating ipanalo sa pagka-Senador si Atty. Luke Espiritu, na presidente naman ng BMP. Si Ka Walden Bello, na pangulo ng Laban ng Masa (LnM), sa pagka-Bise Presidente ng bansa. Matatagal na silang nakikibaka sa lansangan para sa pangarap nating lipunang makatao, at daigdig na masagana, at walang pang-aapi at walang pagsasamantala ng tao sa tao. Sila ang mga kauri nating bumabangga sa pader ng mga trapo. Idagdag pa natin sina Roy Cabonegro at David D’Angelo sa Senado,” maagap na sagot ni Mang Pilo.

“Sige po, subukan po natin sila. Sana po, Mang Pilo, makausap din natin sila, kasi itatanong ko kung anong magagawa nila sa mga kontraktwal na manggagawa, tulad ko,” sabat naman ni Arnulfo.

“Aba, isa sa plataporma nina Ka Leody ang pagwawakas sa salot na kontraktwalisasyon. Sabi nga ni Atty. Luke sa debate sa telebisyon na tiyak na napanood ng mga kapitalista, “Manpower agencies are parasites. They should be abolished.” Mga linta raw na sumisipsip sa pawis at dugo ng mga manggagawa iyang manpower agencies, na wala namang ambag sa produksyon. Ang mga ganyang programa ang nais natin, para sa masa, at para sa mga kauri natin. Matagal na tayong pinaglalaruan ng bulok na sistemang ito, na tawag nila ay neoliberal. Kawawa tayo pag mga trapo’t dinastiya na naman ang mga mamumuno sa atin.” Sabi pa ni Mang Pilo.

“Baka pwede, mag-iskedyul tayo ng pulong bayan sa ating lugar na sila ang imbitado. At ito na ang gagawin natin. Abangan lang natin kung kailan natin sila maiiskedyul, mga kasama.” Pagtatapos ni Mang Pilo.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Abril 1-15, 2022, pahina 16-17.