Lunes, Marso 29, 2021

Kwento - Ang Lipunang Alipin


ANG LIPUNANG ALIPIN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nagkaroon ng munting pag-aaral sa isang samahang maralita. Tinalakay nila ang mga uri ng lipunang pinagdaanan sa mahabang kasaysayan. Naipaliwanag ng tagapagturo mula sa samahang paggawa na may iba't ibang lipunan, at una niyang binanggit ang lipunang primitibo komunal. Sunod ay ang lipunang alipin. Sunod ay lipunang pyudal at ang lipunang kapitalista. Nabanggit din niya ang maaaring pangaraping uri ng lipunan sa hinaharap.

"Alam n'yo, mga kasama," sabi ng tagapagturo, "na dumaan tayo sa pagkakapantay-pantay ng kalagayan ng tao sa lipunan. Noong panahon ng primitibo komunal, sa isang tribu, pag nakahuli ang mga mangangagaso ng isang baboydamo, ito'y paghahati-hatian ng buong tribu, walang lamangan, patas ang palakad, kaya lahat ay nakakakain."

"Aba’y may ganyang lipunan pala noon." Sabi ni Igme, maralitang nangunguha ng mga tirang pagkain sa Jolibe at Makdo, at huhugasan upang iluto muli, na mas kilala sa pagpag.

"Oo, subalit nagbago ito nang lumitaw ang lipunang alipin. Nang ang isang tribu na ay nagugutom habang ang kabilang tribu ay nakakakain ng maayos, nilusob ng tribung gutom ang tribung busog, at nang matalo nila ito ay ginawa nilang alipin. At sinakop ang mga pook na maraming bunga at tanim. Dito nagsimula ang lipunang alipin." Napatango si Mang Igme.

Nagpatuloy ang tagapagturo. "Ang pang-aalipin ay uri ng sapilitang paggawa na kung saan tinuturing o tintratro ang isang tao na pag-aari ng iba. Inaari ang mga alipin nang labag sa kanilang kalooban mula nang sila'y nabihag, nabili o isinilang, at inaalisan ng karapatan na magbakasyon, tanggihang magtrabaho, o tumanggap ng bayad, katulad ng sahod. Alam nyo ba, dumaan din ang pang-aalipin sa kasaysayan na hindi tinuligsa kundi sinang-ayunan pa. Noong panahong wala pang Deklarasyon ng Karapatang Pantao, na nito lang 1948 naisulat matapos ang Ikalawang Daigdigang Digmaan. Sa Bibliya nga, ang pang-aalipin ay pinapayagan. Nakasulat ito  sa  Lumang   Tipan  (Exodus  21:1-11,  Exodo 21:20-21, Deuteronomiya 21:10-14, Exodo 21:1-7, Leviticos 25:44-47) gayundin sa Bagong Tipan (Efeso 6:5, I Timoteo 6:1). Ang mga talatang ito at hindi pagkokondena ng pang-aalipin sa Bibliya ang pangangatwirang ginamit ng mga tagapagtaguyod ng pang-aalipin sa Estados Unidos upang ipagtanggol ang pang-aalipin sa bansang ito. Ayon sa Levitico 25:44-47, ang mga Israelita'y pinapayagang bumili ng alipin. Ang mga anak ng biniling alipin ay maaari ring bilin at gawing alipin. Ang mga ito ay maaaring ipamigay ng bumili sa mga anak nito at gawing alipin. Ayon sa Exodo 21:1-6, ang isang biniling lalakeng aliping Israelita ay pinapayagang lumaya pagkatapos ng anim na taong pagsisilbi sa may-ari nito. Kung ang lalakeng aliping ito ay binigyan ng asawa ng may-ari, ang asawa at mga naging anak nito ay mananatiling pag-aari ng may-ari kahit lumaya na ang lalaking alipin. Kung ang lalakeng alipin ay ayaw nang umalis dahil mahal nito ang asawa at mga anak at ang amo, ito at ang pamilya nito ay habang buhay na magiging alipin. Sa Exodo 21:7, ang babaeng ipinagbili ng ama nito bilang alipin ay hindi maaaring palayain tulad ng isang aliping lalake. Sa Deuteronomiyo 21:10-14, ang babaeng bihag na kaaway ng mga Israelita sa digmaan ay maaaring pakasalan at sipingan kung ito ay magugustuhan. Kung ayaw na ng lalaki sa babaeng bihag, saka lang ito pinapalaya.“

Pailing-iling na lang ang mga mag-aaral. Maya-maya ay napataas ang kamay ni Igme, “Napanood ko ang pelikulang Spartacus na pag-aaklas ng mga alipin noon sa Roma. Palagay ko, tamang mag-aklas sila.”

Nagtaas ng kamay si Inggo at nagtanong. "Hindi ba pang-aalipin din ang pangangamuhan? Binabayaran ka upang gawin ang anumang gusto ng inyong amo? Ilan na bang OFW natin ang nagpaalipin sa ibang bansa ngunit umuwing bangkay?"

“Ay, tama kayo,” sabi ng tagapagturo. “Dahil sa tulad ni Spartacus ay nabatid natin na bilang tao ay dapat tayong lumaya sa pang-aalipin at magkaroon ng dignidad. Nang magkaroon ng Universal Declaration of Human Rights, naisulat sa mga unang talata pa lang ang “All men are created equal”. Ngunit bago iyan ay naisulat na sa Kartilya ng Katipunan ang mga katagang: “Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao'y magkakapantay; mangyayaring ang isa'y hihigitan sa dunong, sa yaman, sa ganda; ngunit di mahihigitan sa pagkatao”. 

“Maraming salamat po sa inyong itinuro at natutunan namin sa paksang ito. Ah, dapat tayong lumaya sa pagkaalipin at pagsasamantala ng tao sa tao.” Sa ganitong punto ay natapos na ang araling nagbigay ng panibagong inspirasyon sa kanila, at nangakong babalik sa susunod.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 16-31, 2021, pahina 18-19.

Linggo, Marso 14, 2021

Kwento: May isang puno


MAY ISANG PUNO
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

May matandang salaysay na ikinukwento ng aking mga nuno na halos di ko na matandaan subalit parang ganito: Sa isang ilang na pook ay may isang namumungang puno, kung saan sinumang mapadaan doong manlalakbay ay nakakakain at nabubusog sa bunga nito. 

Anang nuno, "Basta kunin mo lang ang kaya mong kainin habang ikaw ay napaparaan doon patungo sa iyong pupuntahan. Madali kasing mabulok ang bunga pag hindi agad kinain." Maraming manlalakbay ang napapadaan sa ilang na pook na iyon at namimitas ng masarap na bunga sa nag-iisang puno, lalo na't kainitan ng araw ay doon na rin sila sumisilong at kumakain. Hanggang magpatuloy sila sa paglalakbay.

Kaya kilala ang punong iyon na nagbibigay ng ginhawa sa mga manlalakbay. Patuloy iyong namumunga sa anumang bahagi ng taon. Ibinibigay ng kalikasan sa sinumang tao ang pagkaing nakakatugon sa kanilang gutom.

Marami rin mangangaral ang naringgan ko ng matalinghagang kwentong ito noong kabataan ko. Hanggang mapag-isip ko, paano kaya kung  mayroong  mag-angkin ng iisang punong ito? Kaya naman dinugtungan ko ang kanilang kwento.

Isang araw, naisipan ng isang ganid at tusong manlalakbay na nakakabatid ng ginhawang dulot ng puno sa sinumang maparaan doon na angkinin ito at bakuran. At sinumang manguha ng bunga ng puno ay kailangang magbayad, kundi man bilhin ito sa kanya.

Samakatwid, inangkin niya't ginawang negosyo ang bunga ng punong sinasabi ng mga tao'y di nawawalan ng bunga.

Kaya ang nangyari, bawat manlalakbay na magdaan sa pook na iyon, na sa layo ng nilalakbay ay nagugutom at nais kumain ng libreng bungang bigay ng kalikasan, ay napipilitan nang bumili ng pagkaing bunga sa tusong manlalakbay upang maibsan ang kanilang gutom.

Yaong mga may di sapat na salapi ay hindi makabili ng bunga kaya nagpapatuloy na lang sa paglalakbay sa kabila ng nadaramang gutom. 

Yaong mga maralitang napapadaan lang ay di na rin makapitas ng bunga ng puno upang maipakain sana sa kanilang anak na nagugutom. 

Hanggang napagpasyahan ng mga manlalakbay na nakakaunawa sa kabaitan ng kalikasan sa kanila na sila'y makapag-usap-usap. 

Anang isang manlalakbay, "Dati ay nakakakain tayo ng bigay ng kalikasan, subalit ngayon ay inangkin iyon ng isang ganid para sa kanyang sariling kapakinabangan. Bigay iyon ng kalikasan sa bawat manlalakbay, subalit bakit niya iyon inangkin? Ah, pinaiiral niya ang sistemang walang dangal, ang magkamal ng limpak na salapi, at pagtubuan ang kalikasan."

Anang isa pa, "Ginawa niyang pribadong pag-aari ang kalikasan upang siya lang ang makinabang. Dapat tanggalin sa kamay ng iilan ang pag-aaring dapat ay para sa taumbayan upang lahat ay makinabang."

Nagsipag-aklas ang mga manlalakbay at binuwag ang bakod sa puno at dinakip ang tusong nangamkam ng puno at pinalayas ito. Napakabait pa nila't pinalayas lang ang sakim at hindi pinaslang.

Nang mabuwag na ang bakod, ang bawat manlalakbay na dumaan sa punong iyon ay nakakapitas na ng bunga, nabubusog at nakadarama ng ginhawa. Natatamasa nila ang libreng bungang bigay ng kalikasan.

Makalipas pa ang maraming taon, nagkaisa ang mga mamamayan sa pook na iyon na alagaan ang puno at protektahan iyon laban sa mga pusong ganid na nais ditong umangkin.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 1-15, 2021, pahina 18-19.