Biyernes, Disyembre 14, 2012

Gawad mula sa Human Rights Online

Maraming salamat po sa gawad na ito mula sa Human Rights Online. Mabuhay kayo!

Maraming salamat po sa mga kumuha ng litrato.

Lunes, Nobyembre 19, 2012

Asignatura Hinggil sa Pagbabago ng Klima


Ito ang mga asignaturang aking ginawa para sa 3-araw na Trainors' Training on Climate Justice na isinagawa ng PMCJ (Philippine Movement for Climate Justice) noong Nobyembre 17-19, 2012, sa tanggapan ng PMCJ sa Lungsod ng Quezon. - greg


Assignment No. 1
November 18, 2012


PAGBABAGO NG KLIMA SA ARENDA AT SA NAVOTAS
ni Gregorio V. Bituin Jr ng KPML-NCRR

Sa bagyong Ondoy noong Setyembre 26, 2008, kung saan ang ulang nagaganap ng halos isang buwan ay nagpalubog sa maraming panig ng Luzon sa loob lamang ng anim na oras. Isa na riyan ang Lupang Arenda na nasa Brgy. Sta. Ana, Taytay, Rizal. Karatig ito sa Lawa ng Laguna. Sa pag-apaw ng tubig sa kalupaan ng Arenda, lumubog ang isang bahagi nito, ang Purok 8, at nawala na ito sa mapa.

Ang nangyaring Ondoy ay di gaanong nakaepekto sa Navotas. Di tulad noong naganap na bagyong Pedring noong Setyembre 27, 2011.

Noong 1990s hanggang bandang 2007, mababa ang lupa sa Navotas, sa bandang Brgy. NBBS, kung saan nakatayo ang tanggapan ng KPML mula noong Hulyo 2002, katabi ng tanggapan ng ZOTO. Mababa ang lugar na ito, kaya pag may ulan o bagyo, o kaya'y high tide, lubog ang malaking bahagi nito sa tubig. Kaya makikita ang mga taong sumasakay sa gawang balsang yari sa styrofoam. Panahon ng kampanyahan bago mag-eleksyon 2007, tinaasan ang mga lansangan sa daang Maya-maya, mas mataas sa lebel ng tubig. Kaya pag high tide o kaya'y tag-ulan ay hindi na bumabaha.

Ngunit noong 2011, naganap muli ang tila Ondoy na bagyo. Ang tanggapan ng KPML ay pinasok ng Pedring. Hanggang tuhod ang baha, at nabasa ang maraming gamit, tulad ng mga laptop at maraming papeles. Pedring ang unang bagyong nagpalubog sa tanggapan ng KPML.

Lumubog din ang mga lugar ng Daanghari, Sipac-Almasen, NBBS, at iba pang lugar sa Navotas. Nagdulot ito ng pagkawala ng maraming tahanan. Labing-isang basketball court ang ginawang evacuation centers. Bagamat sanay na sa bagyo ang mga tao rito, ang Pedring ang bagyong nagwasak sa maraming tahanan ng maralita.

Naganap ang Habagat noong Agosto 2012, ngunit naroon pa rin ang mga tao sa labing-isang evacuation centers, at hindi pa naililipat sa maayos na relokasyon. Lubog ang maraming bahagi ng Navotas, at pinasok din ng tubig ang tanggapan ng KPML. Ito ang bahang walang pangalan, dahil wala namang idineklarang bagyo. Tuloy-tuloy na ulang tikatik lamang ito, ngunit dahil sa hampas ng hanging habagat ay pinalubog ang maraming lungsod sa Kalakhang Maynila at karatig-lalawigan.


Assignment No. 2
November 19, 2012

KABABAIHAN AT PAGBABAGO NG KLIMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Malaki ang naging epekto ng pagbabago ng klima sa kababaihan. Sila kasi ang karaniwang naiiwan sa bahay, at tagapangalaga ng kanilang mga anak. Doble ang kahirapan, lalo na sa mga evacuation centers.

Nang lumubog ang Lupang Arenda sa Ondoy noong Setyembre 26, 2008, kung saan ang ulang nagaganap ng halos isang buwan ay nagpalubog sa maraming panig ng Luzon sa loob lamang ng anim na oras, isa ang Lupang Arenda na nasa Brgy. Sta. Ana, Taytay, Rizal. Karatig ito sa Lawa ng Laguna. Sa pag-apaw ng tubig sa kalupaan ng Arenda, lumubog ang isang bahagi nito, ang Purok 8, at nawala na ito sa mapa. Dahil dito, 

Nitong Setyembre 27, 2011, sa panahon ng bagyong Pedring, lumubog ang maraming lugar sa Kamaynilaan, tulad ng Daanghari, Sipac-Almasen, NBBS, at iba pang lugar sa Navotas. Nagdulot ito ng pagkawala ng maraming tahanan. Labing-isang basketball court ang ginawang evacuation centers. Dito'y pawang mga kababaihan ang naging lider sa iba't ibang evacuation centers. Una, sila ang labis na naapektuhan, dahil ang pagtulog, pagmimintina ng masikip na espasyo sa ebakwasyon, pag-aalaga ng mga bata, pagluluto, ay sila ang pangunahing nagsasagawa.

Sa isa sa mga evacuation centers, muntik nang may magahasang isang ginang. May apat na naiulat na namatay sa magkakaibang evacuation center - isang matanda, isang bata, at dalawang kababaihan. Ilan sa kanila ay maysakit na, at dahil walang perang pampagamot ay di agad nalunasan ang kanilang karamdaman. Nawalan sila ng tahanan, pila-pila sa itinayong kubeta sa mga evacuation centers, at napakasikip doon.

Naranasan din nila na pinagbabato ng ilang residente ang mga evacuation centers dahil di na makapaglaro ang mga ito ng basketball. Isang taon nang mahigit mula nang manalanta ang bagyong Pedring ay naabutan pa rin sila doon ng Habagat. Ang mga hirap na dinaranas ng mga nanay nitong Habagat ay kasintindi rin ng ilan pang nagdaang bagyo.

Huwebes, Nobyembre 8, 2012

Paunang Salita sa aklat na "Paglalakbay sa Mae Sot"

Paunang Salita sa aklat na "Paglalakbay sa Mae Sot"

MGA TINIPAK NA KARANASAN

Mahalaga ang kwento ng mga karanasan. Sabi nga ng mga matatanda, bakit ka nagpunta sa lugar na kaylayo at anong napala mo roon? Kaya kailangang ikwento ano nga ba, di lang ang naganap, kundi ang layunin, ginawa at kinahinatnan ng isang malayong paglalakbay, sa ibang bansa pa. Natitipon sa aklat na ito ang bawat tipak ng karanasang inakda sa anyong patula, habang may mga sanaysay ding isinulat upang mas malaliman pang ibahagi ang mga danas at aral. Ito ang testamento ng mga karanasang iyon.

Apat na Pilipino kaming umalis sa bansa ng umaga ng Setyembre 15, 2012, nakarating ng hapon sa Bangkok, at nakarating sa bayan ng Mae Sot sa lalawigan ng Tak sa bansang Thailand ng madaling araw ng Setyembre 16, 2012. Namalagi roon hanggang Setyembre 25, 2012 ng gabi, nakarating sa Bangkok ng madaling araw ng Setyembre 26, at lumipad patungong Pilipinas noong Setyembre 27, 2012.

Bago pa lang umalis ng bansa patungong Mae Sot ay naghanda na ako ng tatlong kwadernong maliit at maraming panulat bilang paghahanda sa iniisip kong aklat na ito. Di kasi sapat ang isang gabi ng paghahanda para makapanghiram ng laptop at kamera, kaya tatlong maliit na notbuk na lamang ang dinala ko roon. Dumiskarte na lamang ako sa Mae Sot kung paano magkakaroon ng litrato. Ang mga naritong litrato ay kuha ng mga kasama sa tinuluyan kong tanggapan doon, ang YCOWA. Maraming salamat, YCOWA. Mabuhay kayo!

Ang mga tulang narito'y produkto ng buong lakbayin mula sa pag-alis sa bansa hanggang sa sampung araw sa Mae Sot, hanggang sa makabalik muli sa sariling bayan. Ang ilang  tulang nasimulan ko roon ay akin pang pinaunlad nang ako'y nakabalik na rito sa Pilipinas. Kailangang rebyuhin ang bawat tula bago ilabas sa aklat, at kinisin ang bilang ng mga taludtod at saknong, pati na ang maayos at angkop na tugmaan ng bawat tula.

Maaring turan ng ibang makatang nagpakulong ako sa tugma't sukat na siyang sinaunang gawi ng mga manunula noon, ngunit bawat tula'y sariling estilo ng inyong lingkod bagamat naniniwala akong napiit man ang mga saknong sa tugma't sukat ay malaya ang diwa ng makata. Pinag-ingatang malapatan ng makahulugang mensahe at diwa ang bawat katha upang malinamnam itong matikman ng sinumang babasa, bagamat mapait ang ilang mga taludtod.

Bawat tula'y pagninilay sa bawat aktibidad at lugar na aming napuntahan sa paglalakbay na ito. Gayunman, magkakahiwalay kaming apat ng tinuluyang mga tanggapan ng mga organisasyon ng mga aktibistang taga-Burma, kaya't ang ibang di ko napuntahan na napuntahan nila'y di ko na nagawan ng tula.

Sa pagsagawa ng aklat na ito'y iningatan kong huwag magbanggit ng pangalan ng mga aktibistang nakadaupangpalad namin doon dahil sa usapin ng kanilang seguridad, bagamat ang mga samahang kinabibilangan nila'y maliwanag kong tinukoy, na ang ilan dito'y ilegal sa loob ng kanilang bansa. Gayunman, pinangahasan kong isulat ang mga pangalan ng samahang iyon bilang patunay na minsan man ay nagkasama kami sa Mae Sot, na kami'y naging bahagi rin, sa munti mang panahon, ng kanilang pakikibaka para sa kalayaan at demokrasyang kanilang inaasam sa kanilang bansa.

Kung sakali mang may di magandang naisulat o taliwas sa paniniwala ng ilang mambabasa na marahil ay di nila ikatutuwa, ang hingi ko'y paumanhin. Ngunit bawat nakasulat ay pagninilay, paglalarawan at paninindigan nitong abang makata.

Panghuli, ang pagsasaklat ng mga tulang narito'y isang katuparan. Isang patunay na minsan man ay tumungo at namalagi ng sampung araw sa Mae Sot, isang araw sa Bangkok, at isang oras sa Burma ang apat na Pilipinong naniniwalang dapat magtulungan ang mga aktibistang Pilipino at taga-Burma sa pagpapalaya ng kani-kanilang bayan mula sa pagsasamantala.

Hindi ko inaasahang magustuhan ninyo ang bawat katha, ngunit inaasahan kong basahin nyo ang bawat tula’t sanaysay na narito upang inyong malasap ang tamis at pait ng mga karanasan at pakikibakang nakapaloob sa bawat katha. Mabuhay kayo!

GREGORIO V. BITUIN JR.
Nobyembre 7, 2012
Maynila, Pilipinas

Miyerkules, Oktubre 17, 2012

Ang IID at ang FBC-Phils

ANG IID AT ANG FBC-PHILS
ni Gregorio V.Bituin Jr.

Pormal kong nakadaupangpalad ang grupong Initiatives for International Dialogue (IID) noong 2008 nang maimbitahan ang samahang kinapapalooban ko sa pangkalahatang asembliya ng Free Burma Coalition-Philippines (FBC-Phils). Ang IID ang siyang gumagabay sa takbo ng FBC-Phils mula nang itayo ang FBC-Phils noong Oktubre 30, 1995. Ang IID naman ay itinatag noong 1988, dalawang taon matapos ang pagbagsak ng diktaduryang Marcos.

Ilang taon ko nang kasama ang FBC-Phils, di lang sa mga pulong, kundi sa mga rali sa lansangan para sa panawagang palayain ang Burma sa ilalim ng diktadura. Bilang kinatawan ng aming organisasyon sa steering committe ng FBC-Phils., naging interesado ako sa isyu ng Burma dahil nasa ilalim pa sila hanggang ngayon ng diktadura at batas-militar. 

Bilang mamamayang nakasaksi sa Rebolusyong Edsa noong ako'y bata pa (isinama lang ako ng tatay ko sa pamimigay ng pagkain kasama ang kanyang mga kasamahan sa Edsa), naisip ko paano ba tayo makakatulong sa isang bansang napailalim din sa diktadura.

Nang makilala ko ang FBC-Phils, isa ako sa naging aktibong kasapi nito, lalo na sa mga pagkilos sa harapan ng embahada ng Burma sa Makati, mula pa noong 2008. Isa sa kanilang mga kampanya ang 8888 faces, kung saan lumibot sila sa maraming lugar at organisasyon upang kunan ng litrato bawat isa ang mga sumusuporta sa kampanyang kalayaan ng Burma. Kailangang umabot ng 8,888 ang litratong nakunan nila at ilalagay sa internet.

Halina't baybayin natin kung ano nga ba ang dalawang samahang ito:


Ang Initiatives for International Dialogue

Mas nakilala ko ng husto ang IID nang makasama ako sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao noong Nobyembre 2008 kung saan sila ang pangunahing nagsagawa ng nasabing aktibidad. Ngunit di IID ang nagtumining sa aking isipan kundi Duyog Mindanao, na siyang tawag nila sa buong aktibidad. Ayon nga sa aking aklat na “Bigas, Hindi Bala: 56 na Tula para sa Kapayapaan sa Mindanao", aking isinulat: "Isa ako sa mga mapalad na nakasama sa People’s Caravan for Peace and Solidarity na inilunsad ng Duyog Mindanao noong Nobyembre 21-28, 2008 mula sa lungsod ng Baguio hanggang sa lungsod ng Cotabato.”

Mayamang karanasan ang idinulot nito sa akin. Magandang pakiramdam dahil alam mong kabahagi ka ng isang marangal na layunin - ang layuning iparating sa mas maraming mamamayan na kinakailangan nang matigil ang digmaan sa Mindanao, at magkaroon na rito ng ganap na kapayapaan upang ang mga sibilyan, o mga bakwit, na naapektuhan ng digmaan, ay makapamuhay na ng normal at maayos. Ang “duyog” ay salitang Bisaya na ang ibig sabihin ay “pagkakaisa” o “solidarity” sa ingles. Ang nasabing aklat ang produkto ng walong araw na pagsama ko sa karabana. Nakalikha ako ng 56 na tula mula Nobyembre 21 hanggang Nobyembre 30, ang araw na nakaalis ako ng Davao, kung saan naroon ang pangunahing tanggapan ng IID. 

Sa loob ng matagal na panahon, matining sa akin na opisina lang ang IID, hanggang sa mabasa ko ang kanilang kasaysayan sa kanilang website. Kailangan kong magsaliksik upang malaman kung bakit itinatag ang IID dahil ako ang magiging kinatawan ng FBC-Phils at IID sa isang makasaysayang lakad - ang pagtungo sa Mae Sot, sa hangganan ng bansang Burma at Thailand.

Marahil nakilala ko na rin noon ang IID, bandang 1995, nang aktibo pa ako bilang opisyal ng Kamalayan (Kalipunan ng Malayang Kabataan), dahil isa sa proyekto ng IID ang APCET (Asia Pacific Coalition on East Timor). Pero noong panahong iyon, mas kilala namin ang APCET kaysa IID, dahil sa isyung pagpapalaya ng EastTimor mula sa bansang Indonesia. Lumaya ang East Timor noong 1999.

Naghanda ako ng powerpoint presentation hinggil sa IID sa pagpunta ko sa Thailand. Sa gayon, malaman din ng mga kausap namin doon kung ano ang IID na kinakatawan ko roon, bukod pa sa FBC-Phils. Ano nga ba ang IID, at bakit sila Initiatives for International Dialogue? Nagsaliksik ako hinggil dito, at humalaw ng ilang paliwanag mula sa kanilang website. Ang IID ay isang samahang nagtataguyod ng seguridad ng tao, demokratisasyon at pagkakaisa ng tao-sa-tao. Nagsasagawa ito ng adbokasya at kampanya sa Burma, Mindanao, Timog Thailand, Kanlurang Papua, at Silangang Timor. Inaadhika ng IID ang isang daigdigang pamayanan na sustenable, makatarungan, at mapayapa, kung saan ang mga tao (babae, lalaki at bata) ay namumuhay ng pantay at laging dinadaan sa talakayan ang anumang balakin at suliranin, tungo sa paggalang at pagkilala sa buhay ng bawat isa. 

Nagsisikap ang IID na maging pangunahing institusyon ng adbokasya at pagkakaisa sa rehiyon, na nagtataguyod ng internasyunalismo, kapayapaan, at pakikipagtalakayan ng tao sa tao, bilang suporta sa nais ng sambayanan. Itinatag ito noong Agosto 1988 sa Maynila, at lumipat sila sa Lungsod ng Davao noong 1996, sa panahong isinasagawa ang proyektong BIMP-EAGA (Brunei-Indonesia-Malaysia-Philippines East ASEAN Growth Area) ng apat na bansang nabanggit. Ang Davao ang siyang sentro ng proyektong ito.

Napakalawak ng sakop ng IID, at kulang ang ilang pahinang artikulong ito para doon. At marahil, sapat na ang aking ibinahagi upang kahit papaano'y makilala natin ang isang organisasyong nagnanais tumulong sa iba't ibang bansang may suliranin sa kanilang pamahalaan, at maging bahagi ang taumbayan tungo sa kanilang paglaya at pagbabago ng sistema. Mangyaring dalawin ang www.iidnet.org para sa mga dagdag na impormasyon hinggil sa IID.

Maraming salamat, IID, sa mga ibinigay nyong pagkakataon sa tulad kong abang makata at pultaym na aktibista. Di ko ito malilimutan. Mabuhay kayo! 


Ang FBC-Phils at ang mga Kampanya nito

Itinatag ang FBC-Phils. noong Oktubre 30, 1995 sa Maynila bilang isa sa mga kampanya ng IID. Mula nang makasama ako sa FBC-Phils, naging madalas na ang pagpunta namin noon sa Makati sa may embahada ng Burma upang magrali. May mga dala kaming bandila ng organisasyon, mga plakard, at ang aming mga gimik para sa media. Kadalasan, lumalabas ang balita sa internasyunal.

Nang makilala ko ang FBC-Phils, isa ako sa naging aktibong kasapi nito, lalo na sa mga pagkilos sa harapan ng embahada ng Burma sa Makati, mula pa noong 2008.

Sa ngayon, binibigyang-diin ng FBC-PHILS ang usapin ng karapatang pantao sa Burma sa pamamagitan ng mga panawagang "Palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal sa Burma", ang kampanyang 3F (freedom of expression, freedom of assembly, freedom of association) o kampanya para sa kalayaan sa pamamahayag, kalayaan sa pagtitipon, at kalayaan sa pagtatayo ng mga samahan. Nariyan din ang kampanya ng pakikipagkaisa hinggil sa usapin ng karahasan sa kababaihan, pagsuporta sa pakikibaka ng mga katutubo o etnikong nasyunalidad sa Burma, tulad ng Kachin at Rohingyas, pakikipagkaisa sa mga manggagawa hinggil sa usapin ng sapilitang paggawa (forced labor).

Hinggil sa pagpapalaya ng mga bilanggong pulitikal, pinapanawagan ng FBC-Phils na palayain na ang mga natitirang bilanggong pulitikal sa Burma bilang hamon sa demokratikong integridad ng kasalukuyang pamahalaan. Ang hamong ito'y dapat igiit sa bagong parlyamento at sa bagong tatag na National Human Rights Commission (NHRC) upang magsagawa ng mga mekanismo hinggil sa karapatang pantao at paglikha ng mga batas at patakarang magtatanggol at magtataguyod sa karapatan ng mga bilanggong pulitikal at karapatan ng lahat. Nangangampanya rin ang FBC-Phils laban sa Seksyon 401 ng Kodigo ng mga Alituntuning Pangkrimen (Criminal Procedure Code) ng Burma na nagsasaad na ang mga bilanggong pulitikal na pinalaya na ay maaaring hulihin muli at inaatasang bunuin ang natitira pang mga taon ng dati nilang mga kaso sa anumang paglabag sa mga umiiral na batas.

Ipinapanawagan din ng FBC-Phils na pangunahan ng pamahalaan ng Pilipinas sa ASEAN na igiit sa Burma na mahigpit na tumalima sa mga pandaigdigang batas, kaugalian at pagtanggap sa mga umiiral na pamantayan sa daigdig. Dagdag pa rito'y ang pagkampanya upang repasuhing muli ang Saligang Batas ng 2008 ng Burma upang matiyak na ang mga karapatang pantao'y nakaukit at masasalamin sa mga batayang batas ng bansa, at panawagang ibasura na ang mga batas na mapanupil. Dapat na ring maratipika ng Burma ang Pandaigdigang Pahayag sa Karapatang Pantao.

Sa usaping kababaihan, sinusuportahan at itinataguyod ng FBC-Phils sa loob at labas ng Burma ang pag-unawa sa mga suliraning tulad ng karahasan sa kababaihan. Sinusuportahan nila ang pagpapatupad sa Resolusyong 1325 ng United Nations Security Council (UNSC) na nagmamandato sa mga kasapi ng United Nations na isangkot ang mga kababaihan sa lahat ng antas ng pagsasagawa ng pasiya hinggil sa isyu ng kapayapaan at seguridad. Sinusuportahan din ng FBC-Phils ang pagpapatupad sa Resolusyong 1820 ng UNSC na nag-uugnay sa karahasang sekswal bilang taktika sa digmaan sa pamamagitan ng pagpapanatili ng pandaigdigang kapayapaan at seguridad.

Hinggil naman sa antas-ASEAN, ikinakampanya ng FBC-Phils na itulak ang ASEAN at mga kasaping bansa nito na obligahin ang Burma upang magkaroon ito ng "benchmark" para sa reporma at masubaybayan ang takbo nito. 

Nais din nilang maimpluwensyahan ang ASEAN na mahigpit na makipag-ugnayan sa mga kilusang pagkakaisa (solidarity movement) sa pagkampanya para sa isang tunay na pambayang pakikipag-usap sa Burma. Ipinapanawagan din nilang pagtuunan ng pansin ang lahat ng seryosong pagsuway ng Burma sa mga dokumentong pinagkasunduan sa ASEAN (ASEAN charter).

Hinggil naman sa mga proyektong pangkaunlaran sa Burma, kung saan tingin nila'y "ang kaunlaran ay nangangahulugan ng paglabag sa karapatang pantao", ikinakampanya ng FBC-Phils na dapat labanan ang mga proyektong pangkaunlarang nakapag-aambag sa mga paglabag sa karapatang pantao sa Burma, at mangampanya laban sa mga kumpanya at kalakalang hindi tumatalima sa pandaigdigang pamantayan sa paggawa sa Burma. Nais din nilang igiit sa ASEAN at sa mga kasaping bansa nito, lalo na sa bagong pamahalaan sa Burma at sa iba pang may kinalaman dito, na subaybayan at iulat ang pagsasasagawa ng mga proyektong pangkaunlaran sa Burma at ang panlipunang pananagutan ng mga korporasyon sa usaping ito.

Mabibigat ang mga balakin ng FBC-Phils, ngunit kailangang gawin, pagkat bilang samahang nakikibaka sa bahaging ito ng daigdig para sa demokrasya sa Burma, kailangan nating kumilos at sumuporta upang ang tunay na pagbabago sa Burma ay makamit ng kanyang mamamayan. Maliit man ang ating maiambag ay makadaragdag na rin upang makamit ang inaasam na paglaya ng mamamayan ng Burma mula sa diktadurya, at makamit ang isang pamahalaang tunay na kumakalinga sa kanyang mamamayan, at gumagalang sa karapatang pantao ng bawat isa. Para sa karagdagang impormasyon hinggil sa FBC-Phils., pakibisita ang http://fbc-phils.blogspot.com/.


Ilang Pagninilay

Magpapatuloy pa rin ang inyong abang lingkod sa pakikipag-ugnayan sa FBC-Phils at IID hanggang sa maitayo ng mamamayan ng Burma ang tunay na lipunang mapagkalinga at may pagkakapantay-pantay. 

Mabuhay ang Free Burma Coalition-Philippines! 

Mabuhay ang Initiatives for International Dialogue (IID), at nawa'y hindi sila tumigil sa pangangampanya alang-alang sa ikabubuti ng kalagayan ng ating mga kapatid sa Burma. 

- Oktubre 17, 2012, Lungsod Quezon

Martes, Oktubre 16, 2012

Tula kina JR at DASSK


TULA PARA KINA GAT JOSE RIZAL AT DAW AUNG SAN SUU KYI
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tatlong ulit kong binasa sa Mae Sot, sa harap ng mga taga-Burma, ang isang tulang ginawa ko noong 2010. Ang una'y noong unang gabi namin sa Mae Sot, sa tanggapan ng DPNS (Democratic Party for New Society). Ang ikalawa'y noong Setyembre 18, 2012, nang maging panauhin kami sa DPNS School, na binasa ko sa harap ng maraming mag-aaral. Ang ikatlo naman ay pagkatapos ng aking pag-uulat at pagtatasa sa harapan ng mga kasapi ng Yaung Chi Oo Workers Association (YCOWA) noong Setyembre 25, 2012. Iyon ang huling araw ko sa tanggapan ng YCOWA, na siyang naging tahanan ko sa loob ng sampung araw na naroon ako sa Mae Sot. Ang una't ikalawa'y binasa ko sa sariling wika habang isinasalin ito sa wikang Ingles ng isa sa mga kasama kong Pilipino sa Mae Sot, si Sigrid. Sa ikatlo'y ginawan ko na ng sarili kong pagsasalin sa wikang Ingles, na isinama ko sa isang powerpoint presentation na ginawa ko para sa pamunuan at kasapi ng Yaung Chi Oo.

Si Gat Jose Rizal ang kinikilala sa ngayon na pambansang bayani ng Pilipinas. Ipinanganak siya noong Hunyo 19, 1861 at binaril sa Bagumbayan noong Disyembre 30, 1896. Si Daw Aung San Suu Kyi ang siyang itinuturing sa ngayon sa Burma bilang simbolo ng pakikibaka para sa kalayaan at demokrasya ng kanyang bansa. Ipinanganak siya noong Hunyo 19, 1945. Siya rin ang tumatayong pinuno ng partidong National League for Democracy (NLD) sa Burma. Ilan sa mga natanggap niyang gawad-karangalan ay ang Sakharov Prize for Freedom of Thought (1990), Nobel Peace Prize (1991), Jawaharlal Nehru Award for International Understanding (1992), International SimĆ³n BolĆ­var Prize (1992), at Wallenberg Medal (2007).

Napansin ko ang pagkakatulad ng kanilang kapanganakan dahil nagsagawa ng isang pagkilos ang Free Burma Coalition-Philippines (FBC-Phils) sa harap ng embahada ng Burma sa Makati upang batiin si Daw Aung San Suu Kyi at ipagdiwang ang kanyang kaarawan., kasabay ng pagdiriwang din ng bansa sa kaarawan ni Gat Jose Rizal. Nang panahong iyon ay naka-house arrest pa si Daw Aung San Suu Kyi, at isa sa kampanya namin para mapalaya siya ay ang haranahin siya kasabay ng kanyang kaarawan.

Dahil dito’y naisipan ko silang handugan ng isang tula. Ang nasabing tula ay binubuo ng labing-apat na pantig bawat taludtod at may tugmaan ang apat na taludtod sa bawat saknong. 

Halina't ating namnamin ang tulang alay para sa dalawang sagisag ng pagpapalaya ng kanilang bayan:

KINA RIZAL AT AUNG SAN SUU KYI
14 pantig bawat taludtod

dalawang bayani sa puso ng mamamayan
na nagpakasakit para sa kinabukasan
ng bayang kanilang pilit ipinaglalaban
upang makamit ng bayan yaong kalayaan

ang una'y pinaslang noon ng mga Kastila
siyang bayaning lumaban sa mga kuhila
ang ikalawa'y ikinulong sa kanyang bansa
ng gobyernong diktador na tila walang awa

hunyo labingsiyam nang isilang kayong ganap
at para sa bayan, para kayong pinagtiyap
parehong bayaning pawang laya itong hanap
nawa laya ng bayan ay atin nang malasap

sa inyong dalawa, bayaning Rizal at Suu Kyi
maligayang kaarawan ang aming pagbati
nawa bayan nyo’y lumaya sa dusa’t pighati
at maling pamamahala'y di na manatili

Hunyo 19, 2010
Sampaloc, Maynila

Ito naman ang aking pagkakasalin sa wikang Ingles ng nasabing tula upang mas maunawaan ito ng ating mga kasamang taga-Burma.

For Rizal and Aung San Suu Kyi
(for their birthday on June 19)
translated from Filipino by the poet himself

Both heroes in the hearts of the people
Who sacrificed for the future
Of the country they are fighting for
So the people have their freedom

The first was killed by the Spanish
A hero who fights the foreign traitors
The second was jailed in her country
By the dictatorial regime without mercy

They were both born on June nineteen
For their country, they are like twins
Both are heroes who want freedom
We hope freedom now will be achieved

For you two, Rizal and Suu Kyi
Happy birthday is our greetings
Hope both country be free from oppression
And wrong system will be abolished

June 19, 2010
Manila, Philippines

Martes, Oktubre 9, 2012

Ang mga Migranteng Manggagawa sa Mae Sot at ang YCOWA

ANG MGA MIGRANTENG MANGGAGAWA SA MAE SOT AT ANG YCOWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nakarating kaming apat na Pilipino sa tanggapan ng Yaung Chi Oo Workers Association (YCOWA) Development Center, Setyembre 18, 2012. Dito rin ako pansamantalang tumuloy habang ako'y nasa Mae Sot.

Ang mga talang naririto'y batay sa sinipi kong datos mula sa powerpoint presentation ng tagapagsalita ng YCOWA. Binalikan ko ang aking kwadernong kinatatalaan ng mga ito.

May siyam na kampo ng mga nagsilikas (refugee camps) sa kahabaan ng hangganan ng Thailand at Burma, na umaabot ng 140,000 katao.

Mayroong 150,000 migranteng manggagawang taga-Burma sa Mae Sot. Mayroong mahigit 250 pabrika ng tela't kasuotan sa Mae Sot at mayorya sa mga manggagawang taga-Burma ay nagtatrabaho sa mga pabrikang ito. Karamihan sa kanila'y nagtatrabaho ng mula ikawalo ng umaga hanggang ikasiyam ng gabi (8am-9pm), kung saan nakakatanggap lamang sila ng 65 Baht hanggang 80 Baht isang araw. Napakababa ng pasahod. May bawas pa ang sweldong ito para sa seguridad at bayad-akomodasyon. Ang mga manggagawa sa konstruksyon ay nakatatanggap ng 120 Baht hanggang 150 Baht sa isang araw. Ang mga manggagawa naman sa agrikultura ay nakatatanggap ng 100 Baht hanggang 120 Baht sa isang araw.

Kitang-kita na agad sa mga pasahod na ito na nilalabag ang kanilang karapatang pantao bilang manggagawa. Sa batas ng Thailand, ang inanunsyong batayang pasahod (minimum wage) sa Mae Sot ay 226 Baht para sa isang araw, walong oras ng paggawa. Sa Chang Mai, ang batayang pasahod ay 281 Baht, sa Bangkok ay 300 Baht, sa Phuket ay 300 Baht at sa Ranong ay 250 Baht.

Ang kalagayan ng manggagawa sa mga pabrika ay mahabang oras paggawa, mababang pasahod, at walang araw ng pahinga (no holiday). May mga patrabaho sa mga bata (child labor) sa mga pabrika ng pagpipino (refining factories). Dinudurog ang mga welga, nagtatrabaho ng 20 oras sa bawat araw. At ang rurok ng kanilang produksyon ay tuwing Enero at Abril.

Ginagamit ng mga kapitalista ang mga manggagawang hindi dokumentado dahil mas madali silang abusuhin. Kaya imbes na magbigay ng tamang sweldo batay sa batayang pasahod, tubo ng tubo talaga ang mga kapitalista. Kinakailangan ng manggagawang humanap ng isang ligtas na lugar, at ang iba'y nagtatago sa kagubatan. Ang ilang manggagawa umano'y nasa IDC (Immigration Detention Center).

Dahil dito'y itinatag ang Yaung Chi Oo Workers Association (YCOWA). Ang ibig sabihin ng Yaung Chi Oo ay "bagong bukangliwayway" o "new dawn". Ang kanilang misyon ay himukin ang mga migranteng manggagawang taga-Burma na organisahin ang kanilang mga sarili upang magsagawa ng kolektibong aksyon para proteksyunan at maipagtanggol ang kanilang mga karapatan; mapatibay ang panlipunang ugnayan at pagkakaisa ng mga migranteng manggagawa mula sa Burma; ang magbigay ng mga payong ligal, pag-aaral sa karapatan at pagsasanay na bukasyunal, pangangalaga sa kalusugan at batayang serbisyo; at tumulong sa paglahok ng mga manggagawa sa kilusan para sa demokratikong pagbabago sa Burma.

Ang YCOWA ay may Day Care Center, may Mobile Medical Team, Mobile Clinic, at paaralang Sky Blue School.

Mula 2002-2011, o sampung taong singkad, natulungan ng YCOWA, kasama pa ang isang foundation, ang 2,113 manggagawa sa 157 kaso, at naipanalo ang 11,613,749 Baht bilang bayad-pinsala sa mga manggagawa sa pamamagitan ng prosesong ligal sa batas ng Thailand. Nakatanggap ang YCOWA ng Gawad Katarungan at Kapayapaan (Justice and Peace Award) mula sa Timog Korea noong 2004.

Ayon pa sa YCOWA, mula pa noong 1967 ay ipinagbawal na ang pag-uunyon sa Burma. Dagdag pa nila, upang mawakasan ang pagdurusa ng mga tao, dapat na magkaroon ng demokratikong pagbabago sa Burma.

Sa pagtatapos ng paliwanag ng tagapagsalita ng Yaung Chi Oo, nanood kami ng isang 25-minutong dokumentaryo hinggil sa kalagayan ng mga migranteng manggagawang taga-Burma sa loob ng Thailand, partikular sa bayan ng Mae Sot. Isinalaysay doon ng mga nakapanayam na manggagawa ang kanilang hirap na kalagayan sa pagtatrabaho. Pati ang pagkamatay ng 54 na migranteng manggagawang nasawi sa nakasusulasok na usok (suffocation) sa loob ng isang malaking trak. Nahuli at nakulong ang tsuper ng trak, at nagbayad ng malaki ang kumpanya sa pamilya ng mga namatay.

Nagtanungan, nagtalakayan, at nagkapalitan ng kuro-kuro matapos ang palabas. Nagkaroon din umano ng panukalang batas sa parlyamento ng Thailand na ang mga buntis na babaeng taga-Burma ay dapat nang bumalik sa kanilang bansa upang wala nang ikalawang salinlahi ng mga taga-Burma sa Thailand. Ito'y ayon mismo sa Punong Ministro ng Thailand.

Sa ngayon, nangangailangan umano ang Thailand ng 500,000 migranteng manggagawa, at ang kinukuha nila'y mga manggagawa mula sa Laos, Cambodia at Burma. At ang mga kapitalistang Thai ay nagtatayo ng pabrika sa Burma dahil mas mura ang lakas-paggawa roon.

Matapos ang talakayan ay nagpaalaman kami, at nagtungo sa DPNS School. Bumalik ako kinagabihan sa YCOWA upang matulog. Sa aking pagninilay kinagabihan sa tulugan ay muling naglaro ang aking diwa't isinulat ang ilang tula bilang bahagi ng aking repleksyon sa naganap ng araw na iyon.

Para sa karagdagang kaalaman hinggil sa YCOWA, mangyaring bisitahin ang kanilang blog sa ycowaeng.blogspot.com/. Mabuhay ang pamunuan at kasapian ng YCOWA! Isang taas-kamaong pagpupugay!

- sinulat sa Lungsod Quezon, Oktubre 8, 2012

Lunes, Oktubre 8, 2012

Pagdalaw sa Kilalang "Mae Tao Clinic"


PAGDALAW SA KILALANG "MAE TAO CLINIC"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Setyembre 18, 2012. Umaga. Ito ang una naming pinuntahan. Kilala ang Mae Tao Clinic (MTC) sa Mae Sot sa pagtulong nito sa kalusugan at pagbibigay-lunas sa mga mamamayang nagsilikas sa Burma, lalo na yaong mga nabiktima ng mga landmine at mga maysakit. Nakadaupangpalad namin ang isa sa mga tagapangasiwa nito, at nakausap siya ng may dalawampung minuto. Nagtanong ang aming mga kasamahan hinggil sa gawain ng klinika at nagkatalakayan. Binigyan din kami ng isang 24-pahinang makulay na magasing ang pamagat ay: Mae Tao Clinic - Annual Report 2011.


Nang dumalaw kami doon, wala si Dr. Cynthia Maung, ang direktor ng Mae Tao Clinic at tagapagtatag nito, pagkat naroon umano siya sa Amerika upang tanggapin ang NED 2012 Democracy Award, kung saan naroon din ang kilalang simbolo ng demokrasya sa Burma na si Daw Aung San Suu Kyi. Ang NED ay National Endowment for Democracy.

May tatlongdaang (300) pasyenteng nagpapagamot sa kanila bawat araw. Marami silang inaalagaang sanggol, na umaabot umano ng tatlong libo, na pawang mga anak ng mga taga-Burmang manggagawa at migrante. Marami silang nagagamot na sakit, tulad ng malaria, hika, ulser, diyabetes, beriberi, chronic diseases, pneumonia, at UTI (urinary tract infection). Gayunman, ayon sa aming nakausap dito, hindi ginagamot sa klinikang ito ang TB (tuberculosis), kaya kinakailangang bumalik sa Burma ang mga pasyenteng maysakit nito.

Mas abante pa ang Pilipinas kaysa Mae Tao Clinic dahil nagagamot na rito ang TB, na siyang dahilan ng kamatayan ni dating Pangulong Manuel Quezon noong Agosto 1944. Gayunman, mas abante ang Mae Tao Clinic kaysa Pilipinas dahil napakaaktibo ng kanilang Reproductive Health (RH) department, samantalang ang Pilipinas ay nakabinbin pa ang RH Bill, at hindi pa naipapasa bilang batas.

Isang Pilipinong nagngangalang Dr. Jerry Ramos umano ang nagsilbi rito sa MTC ng pitong taon. Ang karamihan ng manggagawa ng MTC ay walang pasaporte, at maaari din silang magtrabaho sa ospital. Ayon sa kanilang ulat sa magasin, ang mga nagtatrabaho sa MTC ay 326 ang lalaki at 334 naman ang babae.

Nakapaskil sa isang dingding papasok sa kanilang tanggapan na nangangailangan ang MTC ng 18M Baht o nagkakahalaga ng US$600,000 mula sa donasyon.

Matapos naming makausap ang isa sa mga tagapangasiwa nito ay nilibot namin ang klinika. Napakaraming pasyente rito. Dinaanan namin ang Birth Registration Center, ang Library, ang Accupressure Clinic at Dental Clinic. Sa kalagitnaan ng aming paglilibot ay nabasa namin ang nakapaskil sa dingding na "No spitting of betel nut on the ground. Spitting spreads disease. Please split in a plastic bag or a bin." Mahilig kasing ngumuya ng nganga ang mga taga-Burma, at dahil kung saan-saan lang nila ito nilulura, kailangan pa silang paalalahanan ng klinika na lumura lamang sa isang plastik o basurahan at hindi sa kung saan-saan.

Dinaanan din namin ang Mental Health Counselling Center, ang Medical IPD, ang paanakan, at Surgical Department. Pinasok namin ang Prosthetic Workshop, kung saan ginagawa dito ang mga pampalit sa mga naputol na binti at bisig. May mga lathe machine dito. Sumunod na pinuntahan namin ang Volunteer Counselling Center, ang Health Information Center, ang Reproductive Health Out-Patient Department, ang Patient Registration Center, at ang laboratoryo. Meron din silang Child Recreation Center para sa mga alagang bata sa Mae Tao Clinic. Nakita rin naming nakapaskil ang Burma Children Medical Fund.

Matindi ang kasaysayan ng Mae Tao Clinic. Noong 1988, nang marahas na sinupil ng namumunong huntang militar ng Burma ang kilusan ng bayan para sa demokrasya, na nagdulo sa Pag-aalsang 8888, isa si Dr. Cynthia Maung sa mga taga-Burmang lumikas sa hangganan ng Burma patungong Thailand at sa Mae Sot ay itinatag niya ang ang klinikang ito upang gamutin ang mga sugat ng mga kapwa niya lumikas (refugee) upang takasan ang mapanupil na pamahalaan. Sa taon din iyon ay inalagaan at ginamot sa klinika ang may dalawang libong katao. Mula noon ay nagpatuloy ang klinika sa gawain nitong mga kababayang nangangailangan ng atensyong medikal. Hanggang sa lumawak pa ang klinikang ito at nagbigay na sila ng malawak na serbisyong pangkalusugan, serbisyong panlipunan, pagsasanay at edukasyong pangkalusugan, at proteksyon sa mga bata.

Para sa karagdagang impormasyon hinggil sa Mae Tao Clinic, mangyaring bisitahin ang kanilang website sa www.maetaoclinic.org.

Mabuhay ang Mae Tao Clinic, at sana’y magpatuloy pa sila sa kanilang dakilang gawain para sa kapwa. Pagpupugay para sa lahat ng bumubuo ng Mae Tao Clinic!

- Oktubre 7, 2012, Lungsod Quezon

Sabado, Oktubre 6, 2012

Munting Tala sa Pagbisita sa Ilang Samahan sa Mae Sot


MUNTING TALA SA PAGBISITA SA ILANG SAMAHAN SA MAE SOT
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ilang mga samahan para sa pagpapalaya ng Burma ang aming pinuntahan. Una naming pinuntahan ang tanggapan ng DPNS (Democratic Party for New Society) noong Setyembre 16 ng gabi, kung saan nakipagtalakayan kami hinggil sa DPNS at YNS (Youth for New Society). Kinabukasan ng umaga'y bumalik kami doon kung saan tinalakay ng isang kasama ang hinggil sa kanilang organisasyon. Tinalakay din ang aming mga iskedyul sa mga darating na araw. Setyembre 18 at 19, tigaapat na organisasyon o lugar ang aming pupuntahan. At nang hapon ng Setyembre 17, kaming apat na Pilipino'y pinadala na sa apat na organisasyong siyang sasalo sa amin doon. 

Setyembre 18. Pinuntahan namin ang BWU (Burmese Women's Union), ang SYCB (Students and Youth Congress of Burma), ang YCOWA (Yaung Chi Oo Workers Association), kung saan ako tumutuloy, at ang DPNS School.

Setyembre 19. Pinuntahan namin ang sikat na Mae Tao Clinic, ang CDC (Children's Development Center, at napadaan lamang kami sa New Society Learning Center na di kasama sa iskedyul. Bandang hapon naman ay nagtungo kami sa AAPP (Assistance Association for Political Prisoners) at sa FDB (Forum for Democracy in Burma). Anu-ano nga ba ang mga layunin ng mga organisasyong aming pinuntahan? Iisa-isahin ko sa artikulong ito. Gayunman, binukod ko ng artikulo ang YCOWA at Mae Tao Clinic, dahil sa maraming mga usapin. Binalikan ko ang mga tala sa aking munting kwaderno.

Itinatag ang DPNS noong Oktubre 14, 1988, nang sampung lider-estudyante't kabataan. Isa sila sa malakas na kilusang estudyante't kabataan nuong panahong iyon. Naorganisa nila ang may 200 lider-estudyante sa iba't ibang panig ng bansa, at umabot sila sa kasapiang 200,000. Sa ngayon, ang DPNS ang ikalawang pinakamalaking partido, batay sa laki ng kasapian at popularidad. Sinuportahan nila ang NLD (National League for Democracy) na siyang partido ng kilalang si Daw Aung San Suu Kyi.

Inoorganisa ng DPNS ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan at kababaihan, at ang kanilang batayang ideolohiya ay manindigan para sa mga inaapi at di pinapansin ng lipunan. Ang kanilang watawat ay kulay pulang parihaba na may apat na bituin na magkakapatong, na sumasagisag sa manggagawa, magsasaka, petiburgis at makabayang kapitalista. Ang kanilang pamamaraan ay sa pamamagitan ng kapayapaan, pambansang pagkakasundo at katarungang panlipunan. Hinahangad nilang mapalitan ang rehimeng militar at diktaduryal ng isang demokratikong sibilyang pamahalaan. Isinasapraktika nila ang isang panloob na demokrasya, at hinahangad nila na magtatag ng isang unyong pederal sa Burma. 

Ang YNS naman ay dating DPNS-Youth. Itinatag ito para magkaroon ng mas malaking bahagi ang mga kabataan sa pulitika, at makamit ang kalayaan, pagkakapantay at pagkakaisa ng mga mamamayan ng Burma. Itinatag ang DPNS-Youth noong 2002, muling nireorganisa noong 2005 bilang Youth Affairs Working Group. At nitong ika-3 ng Pebrero, 2012, sila'y naging YNS (Youth for a New Society). Isa na silang independyenteng samahan ng kabataan na kaisa ng DPNS.

Ang BWU ay samahang pangkababaihan na binubuo ng mga aktibistang pulitikal, mga mag-aaral, na nagtungo sa mga hangganan ng Burma sa mga bansang Thailand, Tsina, India at Bangladesh. Itinatag ito noong 1995 ng isang pangkat ng mga kababaihang mag-aaral upang ipaglaban ang karapatan ng mga kababaihan at maglaan ng kinakailangang suporta sa mga kababaihan sa mga kampo ng nagsilikas sa mga hangganan.

May sangay sa ibang bansa ang BWU, tulad ng Japan, Canada, Sweden, US at Norway. May tatlo silang layunin. Una, makapag-ambag ng malaki ang mga kababaihan sa pagbaka para sa demokrasya, karapatang pantao at sa pagtatatag ng isang tunay at demokratikong unyong pederal. Ikalawa, pagtataguyod ng pagtanggap at pagkilala ng karapatan ng kababaihan sa lipunang Burmes na kasabay ng daigdigang pamantayan. Ikatlo, magamit ang kakayanan ng kababaihan sa pagtatatag ng isang mapayapa at matagalang pag-unlad ng lipunan sa hinaharap.

Layunin naman ng SYCB (Students and Youth Congress of Burma) na mapatibay pa ang kakayanan ng mga samahang pangmag-aaral at pangkabataan sa Burma, mapalawak ang pagkakaunawaan at pagtutulungan ng mga samahan sa kanilang paglaban sa rehimeng militar, at magkaroon ng pagkakaisa ang iba't ibang samahan ng kabataan at mag-aaral para sa pagtatatag ng unyong pederal ng Burma sa hinaharap. Itinatag ang SYCB noong 1996 bilang organisasyon ng labinlimang samahang pangkabataan at pangmag-aaral. Nakabase sila sa hangganan ng Burma sa Thailand at India.

Dinalaw namin ang CDC (Children's Development Center) nang sumunod na araw. Tumungo muna kami sa Klinikang Mae Tao bago pumunta rito. Ang CDC ay itinatag ng Klinikang Mae Tao noong 1995 upang tiyakin ang mga pangangailangan sa pag-aaral ng mga anak ng mga manggagawang nagtatrabaho sa klinika. Nagsimula ito bilang munting paaralan ng mga anak ng nagtatrabaho sa klinika, ngunit sa kalaunan ay tumanggap na rin ng mga mag-aaral na pawang mga anak ng migranteng Burmes.  Layunin ng CDC na magbigay ng dekalidad na edukasyon sa mga batang Burmes at lumad. Noong 2007 ang CDC Primary School at Mae Tao High School ay pinagsama na sa ilalim ng isang pamamahala. 

Bago kami mananghalian, dumaan kami sa NSLC (New Society Learning Center) kung saan nag-aaral ang mga batang nasa edad lima hanggang anim. Itinayo ito noong 2002. May pananghalian ang mga bata na inilalaan ang paaralan. Maliit lamang ang paaralang ito na may dalawang palapag, at tila inupahang apartment.

Bandang hapon, dinalaw namin ang tanggapan ng AAPP (Assistance Association for Political Prisoners). Isa itong samahan sa karapatang pantao na nakabase sa Mae Sot, at nakikibaka para mapalaya ang lahat ng bilanggong pulitikal sa Burma at magkaroon ng mas makatao at mas maayos na kalagayan sa loob ng bilangguan. Itinatag ito noong 2000, at pinatatakbo ng mga dating bilanggong pulitikal. Merong museyo rito, kung saan naroon ang mga litrato ng mga bilanggong pulitikal na nakakulong pa rin, habang sa kabilang banagi nito'y ang mga litrato ng mga naging bilanggong pulitikal na ngayon ay nakalaya na. Sa gitna ng museyo ay may maliit na istraktura ng isang kulungan sa loob ng Burma. Ayon sa AAPP, may 514 na bilanggo, kabilang ang 19 na bilanggong pulitikal, ang pinalaya nitong ika-17 ng Setyembre, 2012. Dagdag pa nila, mula noong 1988, umabot na sa 144 na bilanggong pulitikal ang namatay sa bilangguan.

Nakikipag-ugnayan ang AAPP sa mga samahang tulad ng AI (Amnesty International) at HRW (Human Rights Watch). Ikinakampanya nila ang pagpapalaya sa lahat ng bilanggong pulitikal nang walang anumang kondisyon. Nais din nilang matanggal ang Sek. 401 ng Burmese Criminal Procedure Code, na nagsasaad na ang mga bilanggong pulitikal na muling nagkasala ayhuhulihin, ikukulong at bubunuin ang dating sentensya.

Nagbibigay ang AAPP ng edukasyon at tulong pananalapi sa pamilya at mga anak ng mga bilanggong pulitikal. Sa ngayon, nangangalap ng pondo ang AAPP sa pamamagitan ng Prisoners of Conscience Appeal Fund. Bago kami umalis sa lugar na iyon, bumili kami ng berdeng t-shirt na nagkakahalaga ng 200 Baht. Nakatatak sa t-shirt ang logo ng AAPP sa gawing taas ng kanang bahagi, habang sa gitna nito ang mga katagang “The Role of Political Prisoners in the National Reconciliation Process” na nasa ibabaw ng drowing na rehas at may dalawang kamay na nag-aabutan. Sa likod ng t-shirt ay nakatatak naman ang mga katagang “There can be No National Reconciliation in Burma as long as there are Political Prisoners.”

Ang huli naming pinuntahan ng araw na iyon ay ang tanggapan ng FDB (Forum for Democracy in Burma). Itinatag ito noong 2004, at karamihan ng mga kasapi nito ay yaong mga aktibistang nagsilikas sa Thailand mula sa Burma. Ayon sa tagapagsalita ng FDB, nakapaloob sa kanila ang pitong samahan. Nariyan ang ABFSU (All Burma Federation of Students Union), ang ABSDF (All Burma Students Democratic Front), ang DPNS, ang BWU, ang NDD (Network for Democracy and Development), ang PDF (People's Defense Force) at ang YCOWA (Yaung Chi Oo Workers Association). Ang FDB ay may tatlong komite, at ito'y ang gawaing panloob, ang pamamahayag, at ang ugnayang panlabas. Layunin ng samahang ito na mapatibay at mapalakas ang taumbayan sa Burma.

Dagdag inspirasyon ang mga samahang nakadaupang-palad namin para sa patuloy na pakikipag-ugnayan, pagtulong at pakikiisa sa mamamayan ng Burma para sa kanilang inaasam na paglaya at pagbabago. Lalo itong nagpatibay sa aming pagnanasang magpatuloy at makibaka kasama ng mga taga-Burma, sa diwa ng internasyunalismo, na ipagwagi ang isang lipunang may kalayaan, may pagkakapantay, at may paggalang sa karapatan ng bawat isa.

- Oktubre 5, 2012, Lungsod Quezon

Huwebes, Oktubre 4, 2012

Kasaysayan ng Tatlong Pag-aalsa


Edsa, 8888, at Saffron
KASAYSAYAN NG TATLONG PAG-AALSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Matapos ang tagumpay ng mga Pilipino nang mapatalsik ng sambayanan si Ginoong Marcos sa pagkapangulo, ang naganap na Pag-aalsang Edsa noong Pebrero 1986 ay naging simbolo ng pakikibaka ng taumbayan sa iba't ibang bansa para sa kanilang kalayaan. Lumaganap na ang people power sa iba't ibang bansa. Nakilala na ng masa na kung magsasama-sama lamang silang kikilos ay kaya nilang magpabagsak ng isang pangulo nang mapayapa.

Naging halimbawa sa mamamayan ng daigdig ang Pag-aalsang Edsa sa ating bansa noong 1986 na nagpatalsik kay Marcos. Nasundan ito ng Singing Revolution sa Estonia, Latvia at Lithuania (1988), Pagbagsak ng Berlin Wall sa Germany (1989), Velvet Revolution sa Czechoslovakia (1989), Bulldozer Revolution sa Yugoslavia (2000), Pag-aalsang Edsa 2 sa Pilipinas (2001), Rose Revolution sa Georgia (2003), Orange Revolution sa Ukraine (2004), Cedar Revolution sa Lebanon (2005), Tulip Revolution sa Kyrgystan (2005), Jasmine Revolution sa Tunisia (2011), at Day of Anger Revolution sa Egypt (2011). Ngunit may mga pagkatalo rin, tulad ng 8888 Uprising sa Burma (1988), Tiananmen Students Protest sa Tsina (1989), Edsa 3 Urban Poor Revolution sa Pilipinas (2001), at Saffron Revolution sa Burma (2007).

Habang nasa Mae Sot kaming apat na Pilipino'y tinanong kami hinggil sa naganap na Pag-aalsang Edsa, na ikinwento naman namin. Nariyan din ang ilang tanong, tulad ng ano ang kaibahan ng Pag-aalsang Edsa noong 1986 sa Rebolusyong 8888 sa Burma noong 1988. Ano raw ang mga kulang ng kanilang pakikibaka sa naganap sa Edsa 1. Sabi namin, bagamat parehong napasailalim ng diktadura ang Pilipinas at Burma, magkaiba naman ang sitwasyon ng dalawang bansa. Suriin natin ang tatlong pag-aalsa at ano ang aral nito sa atin.

Ang Pag-aalsang Edsa 1

Tagumpay ang unang pag-aalsang Edsa sa Pilipinas. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng masa, napatalsik sa pwesto si dating Pangulong Marcos. Bakit nangyari ito?

Naging pangulo ng Pilipinas si Marcos noong Disyembre 31, 1965. Bilang pangulo, ibinaba niya ang batas-militar noong Setyembre 21, 1972, kaya nabuhay sa ilalim ng diktadura ang taumbayan. Noong Agosto 21, 1983, pinaslang sa tarmak ng Manila International Airport si dating Senador Benigno "Ninoy" Aquino Jr. Nagngitngit ang taumbayan. Nang magkaroon ng snap election noong Pebrero 7, 1986, nagsagupa sa pagkapangulo si Marcos at ang maybahay ni Ninoy na si Cory. Sa mata ng taumbayan, nanalo si Cory at muling nandaya ang makinarya ng diktadura. Noong Pebrero 21, 1986, kumalas sa pangulo ang ministro ng depensa nitong si Juan Ponce Enrile at AFP Vice Chief of staff Fidel V. Ramos. Nanawagan si Cardinal Sin na suportahan sila. Nagtungo ang milyong tao sa Edsa. Noong Pebrero 25, 1986, umalis na si Marcos sa Pilipinas.

Ang Pag-aalsang 8888

Ang Pag-aalsang 8888 sa Burma ay serye ng martsa, welga, demonstrasyon at labanan sa Socialist Republic of the Union of Burma, na mas kilala ngayon bilang Burma o sa tawag ng diktadurya ay Myanmar). Ang mayor na pangyayari'y naganap noong ika-8 ng Agosto 1988, kaya tinawag itong "Pag-aalsang 8888". Ito'y pinangunahan ng mga estudyante ng Yangoon noong ika-8 ng Agosto 1988, at ang protestang ito'y sumiklab sa iba't ibang panig ng bansa. Libu-libong estudyante ng unibersidad, mga monghe, mga bata, maybahay at manggagawa ang nagrali laban sa rehimen. Nadurog ang pag-aalsa noong ika-18 ng Setyembre dahil sa madugong kudeta ng State Law and Order Restoration Council (SLORC). Libu-libo ang namatay sa mga nagprotesta. Sa pangyayaring ito'y nakilala si Aung San Suu Kyi bilang pambansang simbolo ng pakikika tungo sa kanilang paglaya.

Ang kanilang bansa nang mga panahong iyon ay pinamumunuan ni Heneral Ne Win mula pa noong 1962. Noong 1987, ang Burma'y nalagay bilang Least Developed Country ng United Nations Economic and Social Council noong Disyembre 1987. Dahil dito'y inatasan ng pamahalaan na pamurahin ang mga pananim na tinitinda ng magsasaka upang makahamig ng tubo ang gobyerno. Naging mitsa ito ng mga protesta. Naramdaman ng mamamayan ang tumitinding pamumunong militar ng pamahalaan. Nang mabaril ng mga pulis ang isang estudyanteng demonstrador mula sa Rangoon Institute of Technology (RIT) noong 12 Marso 1988, nagrali ang mga estudyante sa harapan ng RIT. Ika-16 ng Marso 1988, pinanawagan ng mga estudyanteng wakasan na ang pamumuno ng isang partido, at nagmartsa sila sa Inya Lake nang binira sila ng mga pulis. Nagsunod-sunod na ang mga protesta. Noong ika-23 ng Hulyo 1988, bumaba sa pwesto si Heneral Ne Win bilang pinuno ng Burma, at itinalaga niya si Sein Lwin, ang tinaguriang "Berdugo ng Rangoon" upang pamunuan ang bagong pamahalaan.

Nag-organisa ang mga estudyante at tinuligsa ang rehimen ni Sein Lwin at ang tropang militar nitong Tatmadaw. Kumalat ang protesta sa iba't ibang panig ng bansa, at tinaon nila ang ika-8 ng Agosto 1988 bilang siyang pinakamalaking protesta sa bansa. Sa protestang ito ng mga estudyante'y nagpaputok ng baril ang mga sundalo ng pamahalaan, na ikinamatay, sa kabuuan, ng tinatayang sampung libong katao, ngunit wala pang 300 sa datos ng gobyerno.

Ang Rebolusyong Saffron

Labingsiyam na taon ang nakalipas, naganap muli ang isang pag-aalsa sa Burma, na tinagurian nilang Rebolusyong Saffron. Ipinangalan ito sa suot na kulay saffron ng mongheng Budista, na nanguna sa protesta laban sa rehimeng diktadura ng Burma. Noong ika-16 ng Agosto, tinanggal ng SPDC (State Peace and Development Council, na siyang pumalit sa SLORC), ang subsidyo sa langis kaya sumirit pataas ang presyo ng diesel at petrolyo ng hanggang 66%, habang limang beses ang tinaas ng presyo ng compressed natural gas na ginagamit sa mga bus. Mula ika-18 ng Setyembre, pinangunahan ng tinatayang 15,000 mongheng Budista ang kilos-protesta. Sumama sa kanila ang nasa 30,000 hanggang 100,000 katao sa mga lansangan ng Yangon. Nagpatuloy ang pag-aalsa hanggang durugin ito ng pamahalaan noong ika-26 ng Setyembre, 2007. Marami ang inaresto at nasaktan. At ayon sa isang ulat, mahigit isang libo ang namatay, habang sa ulat ng human rights envoy ng United Nations, 31 ang nasawi.

Ilang Pagninilay

Magkaiba ang tatlong pangyayari. Ang bawat rebolusyon at pakikibaka’y magkakaiba. Maaaring magkapareho lamang ng katayuan ng mga tao - may diktador at may estudyanteng lumalaban, may kapitalista at manggagawang magkatunggali, may asendero at magsasakang magkalaban. Ngunit ang sitwasyon ay magkakaiba. Tulad ng larong tses, pare-pareho ang katayuan ng mga pyesa, may hari, reyna, obispo, kabayo, tore at piyon, na naglalaban sa animnapu’t apat na parisukat sa isang chessboard, ngunit nagkakaiba ang sitwasyon, kaya magkaiba rin ang resulta. Gayundin ang tatlong rebolusyon. Magkakaiba man, maaari natin itong halawan ng aral.

Sa Pilipinas, ano ang kulang? Bakit sa kabila na tatlong beses nang nag-Edsa, wala pa ring naramdamang pagbabago, kaya nanlalamig na ang karamihan sa people power? Naganap ang Edsa 1 at 2, napatalsik ang pangulo ngunit napalitan lang ng kauri nilang elitista. Si Marcos ay napalitan ni Cory. Si Erap ay napalitan ni Gloria. Walang lider-manggagawa, walang lider-maralita, walang lider-kababaihan, walang lider-magsasakang napunta sa poder. Wala ang isyu ng masa, wala ang isyu ng kahirapan, wala ang isyu ng trabaho, wala ang isyu ng pabahay, wala ang isyu ng salot na kontraktwalisasyon. Hindi umangat ang pakikibaka ng sambayanan sa tunggalian ng uri sa lipunan.

Dahil hindi sapat na ang layunin lang ng people power ay ang pagpapalit ng pangulo. Dapat itong itaas sa pagbabago ng sistema. Hindi sapat na demokrasya lang ang kasagutan. Dapat ipakita na may tunggalian ng uri sa lipunan, at ang pagpawi sa mga uri ang siyang kasagutan. Dapat ipakitang ang mga manggagawa’y hindi lang tahimik na masang nagtatrabaho, kundi isang malakas at pangunahing pwersa sa pagbabago.

Marahil ganuon din sa dalawa pang rebolusyon. Dapat hindi lang mapalitan ang pamunuan ng isang kauri nila, kundi ng totoong kumakatawan sa masa ng sambayanan. Ngunit bago iyon, pagsikapan nating magkaroon ng pagbabago sa Burma. Bagamat tanging mga taga-Burma lamang ang makagagawa niyon, tulungan natin sila sa ibang pamamaraan, tulad ng pangangampanya sa ating bansa at panawagan sa ating pamahalaan na makialam sa Burma at tiyaking umiiral dito ang karapatang pantao, at maayos na pamumuno.

Hamon sa Kasalukuyan

Kailangang manalo ng taumbayan ng Burma sa kanilang pakikibaka para sa demokrasya at kalayaan. Mula 1962, napailalim na sila sa diktaduryang militar hanggang ngayon. Gayunpaman, nagkaroon ng mga pagbabago nitong mga nakaraan. Naisabatas ang Konstitusyong 2008 ng Myanmar (na bagong pangalan ng Burma), ngunit ayaw ito ng mga tao, pagkat ang gumawa nito'y ang mga namumuno sa diktadura. Pinalaya na rin sa pagka-house arrest si Daw Aung San Suu Kyi, na siyang simbolo ng pagkakaisa ng mamamayan ng Burma laban sa diktadura. Nakatakbo siya sa halalan at nanalo sa ilalim ng partidong National League for Democracy (NLD) bilang isa sa kinatawan sa Mababang Kapulungan ng kanilang Kongreso.

Sa ngayon, naghahanda ang mamamayan ng Burma para sa pambansang halalan sa 2015, habang tinatayang pamumunuan ng Myanmar ang ASEAN (Association of Southeast Asian Nations) sa darating na 2014. Anuman ang kahihinatnan nito ay di pa natin masasabi, at habang ang Burma ay nasa ilalim ng diktadura, patuloy na makikibaka ang mamamayan nito para sa tunay na demokrasya at kalayaan. Sa ganitong dahilan, sumusuporta ang mga aktibistang Pilipino, sa diwa ng internasyunalismo at pagkakaisa, sa pakikibaka ng mga aktibista't mamamayang Burmes para makamtan nila ang kalayaan at demokrasyang matagal na nilang inaasam.

- Oktubre 14, 2012, Lungsod Quezon

Miyerkules, Oktubre 3, 2012

Paglalakbay sa Mae Sot

PAGLALAKBAY SA MAE SOT
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mataas ang aking moral nang dumating dito sa Pilipinas matapos ang mahigit isang linggong paglalakbay at pakikisalamuha sa mga taga-Burma na nasa Mae sot sa bansang Thailand. Mataas ang aking moral dahil naihatid ko ang mensahe ng FBC-Phils (Free Burma Coalition-Philippines) at IID (Initiatives for International Dialogue) hinggil sa pagtataguyod ng karapatan at pakikibaka ng mga taga-Burma tungo sa katarungang panlipunan at demokrasya sa kanilang bansa.

Ang mataas na moral na ito'y di nararapat na basta na lamang maglaho ang init dahil lamang nakabalik na sa dating pugad. Bagkus ito'y simula ng mas matatayog pang pakikibaka sa hinaharap, di lang sa Kalakhang Maynila, di lang sa bansa, kundi maging sa pakikibaka ng mga tagaibang bansa tungo sa kanilang paglaya mula sa pagkaapi at pagsasamantala.

Kaya nga ang pagkakapadala sa akin sa Mae Sot sa panahong hindi ko akalaing magaganap ay isang pagkakataong hindi ko inaksaya, o itinuring na isang simpleng paglalakbay lamang. Ito'y paglalakbay na may misyon - ang makisalamuha, matuto at magbahagi sa mga taong katulad natin ay nakikibaka para baguhin ang isang lipunang mapagkait ng mga karapatan.

Ika-7 ng Setyembre ng ako'y mapili sa pulong ng FBC-Phils na siyang ipapadala sa Mae Sot sa Thailand, malapit sa hangganan ng bansang Burma at Thailand. Ang FBC-Phils ay itinayo ng IID noong 1995. Ang KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod) ang organisasyong kinakatawan ko sa loob ng FBC-Phils.

Hapon ng ika-14 ng Setyembre, nagpulong ang apat na Pilipinong tutungo sa Mae Sot sa tanggapan ng ACF (Active Citizenship Foundation) sa Lungsod ng Quezon. Iyon ang una naming paghaharap. Nagkaroon ng talakayan hinggil sa aming layunin ng pagtungo roon. At kinabukasan na agad ng umaga ang aming alis. Di sapat ang panahon para makapanghiram pa ako ng kamera at laptop kaya tatlong notbuk na lamang ang aking dinala para sa anumang dokumentasyon, at didiskarte na lamang kung paano magkakaroon ng litrato kapag naroon.

Umaga ng ika-15 ng Setyembre, mula sa paliparan ng NAIA ay dumating kami ng tanghali sa paliparan ng Bangkok, Thailand, at gabi na kami bumiyahe patungong Mae Sot. Walong oras ang biyahe, ngunit maganda ang pag-asikaso sa bus, dahil tila ito eroplanong may stewardess, may meryenda, at may suplay na kumot bawat pasahero para sa buong biyahe.

Madaling araw ng Setyembre 16 nang makarating kami sa Mae Sot, at nagtuloy kami sa isang otel upang ilagak ang mga gamit, magpahinga at matulog. Tanghali nang makilala namin ang mga kasapi ng YNS (Youth for New Society) na siyang sumundo sa amin, at kami'y nananghalian sa isang restoran.

Gabi na nang kami'y sunduin nilang muli at nagtungo sa tanggapan ng DPNS (Democratic Party for a New Society), na siyang kausap ng ACF sa Mae Sot. Doon ay nagpakilanlanan kami at nagkaroon ng kaunting talakayan. Matapos iyon ay bumalik muli kami sa otel at doon natulog.

Setyembre 17 nang magtungo muli kami sa tanggapan ng DPNS. At dito'y tinalakay ng mga kasamang taga-Burma kung ano ang DPNS, mga layunin at adhikain nito, at ang papel nito sa pakikibaka para sa kalayaan sa kanilang bansa mula sa diktadura. Pagkapananghalian ay dinala na kaming apat na Pilipino sa kani-kanyang mga tutuluyang organisasyon. Napunta si Jehhan sa tanggapan ng Burmese Women's Union (BWU). Si Sigrid ay sa DPNS School for Girls, si Raniel ay sa DPNS School for Boys, at ako naman ay sa tanggapan ng YCOWA (Yaung Chi Oo Workers Association).

Mainit ang pagtanggap ng kasamang Moe Swe sa akin sa YCOWA, at nagkausap agad kami hinggil sa aking pamamalagi roon ng isang linggo. Dinala niya ako sa aking magiging kwarto at tulugan. Nasa ikatlong palapag iyon, malawak at natatabingan lamang ng kumot ang bahaging tulugan. May ilang nakatambak na gamit. Mahangin dahil natatabingan ng rehas mga pader, at tanaw na ang mga bituin sa langit tuwing gabi.

Merong safe house o bahay-panuluyan ang YCOWA kung saan ang mga tinutulungan nilang migranteng manggagawa ay tumutuloy habang gumugulong ang kanilang kaso. Mamamalagi sila doon hanggang maipanalo nila ang kanilang kaso. Pumunta kami ng isang staff ng YCOWA doon at nakapanayam ko ang isang migranteng naputulan ng paa. Tuwing gabi, bandang 5:30 hanggang 7:00, naglalaro doon ang mga migrante ng sepak takraw. Para itong volleyball na imbes na kamay ang ginagamit ay paa at ulo.

Nang hapong iyon ay maraming migrante sa kanilang opisina. Iyon ang huling araw ng kanilang kanilang limang-araw na edukasyon hinggil sa Labor and Human Rights. Gradwasyon nila ng gabi, at nagkaroon ng kaunting kasiyahan at inuman.

Sa sumunod na dalawang araw ay pawang pagdalaw at pakikipagtalakayan naming apat na Pilipino, kasama ang aming mga giya’t tagasalin, sa iba't ibang organisasyon. Setyembre 18, ika-5 anibersaryo ng Rebolusyong Saffron, at isinama ako nina Moe Swe ng YCOWA sa Ragira Hotel, kung saan naroroon ang dalawampung monghe na nagtalakay ng mga pangyayari kaugnay ng anibersaryo. Maraming media doon, at doon na ako sinundo nina Tintin ng YNS, kasama sina Sigrid at Raniel.

Dumiretso kami sa tanggapan ng BWU (Burmese Women's Union) at nakipagtalakayan doon. Makapananghalian, nagtungo naman kami sa tanggapan ng SYCB (Students and Youth Congress of Burma). Matapos doon ay nagtungo naman kami sa tanggapan ng YCOWA, kung saan nagbahagi si Moe Swe ng mga datos at nagpalabas ng isang video hinggil sa kalagayan ng mga migranteng manggagawa. Panghuli'y tinungo naman namin ang DPNS School, kung saan tinalakay ang kalagayan ng Pilipinas, at nagbahagi rin kami sa mga estudyante roon ng aming karanasan, ang aming organisasyong kinakatawan, at kung bakit kami naroroon.

Gabi na akong nakabalik sa tanggapan ng Yaung Chi Oo, at nagpatuloy ako sa pagsusulat ng aking mga repleksyon sa mga nagdaang araw sa anyong patula. Mga alas-dose na ng gabi ay pinatay ko na ang ilaw at natulog.

Nang sumunod na araw, Setyembre 19, una naming pinuntahan ang kilalang Mae Tao Clinic. Ito ang klinikang itinayo matapos ang Rebolusyong 8888 sa Burma at tumulong sa mga taga-Burmang lumikas sa kanilang bansa at nagtungo sa border ng Burma't Thailand.

Matapos doon ay nagtungo naman kami sa CDC (Children's Development Center) kung saan nakaharap namin ang prinsipal at ang isa pang guro. Kinausap kami ng guro sa wikang Ingles habang tahimik lamang ang prinsipal. Layunin ng CDC na magbigay ng edukasyon sa mga anak ng mga migrante, at mga nagsilikas sa Burma.

Isa pang paaralan ang tinungo namin, at ito'y sa New Society Learning Center, na siyang primary school ng DPNS.

Kinahapunan ay nagtungo naman kami sa tanggapan ng AAPP (Assistance Association for Political Prisoners). Nakipagtalakayan kami sa babaeng namamahala rito, at dinala pa niya kami sa maliit na museyo nito. Maraming litrato rito ng mga nakakulong, namatay, at mga lumaya, at may maliit na molde ng isang kulungan. Bago kami umalis dito'y bumili kaming apat ng t-shirt ng AAPP bilang aming suporta sa kanilang pakikibaka para sa pagpapalaya ng mga bilanggong pulitikal sa Burma.

Huli naming pinuntahan ng araw na iyon ang tanggapan ng FDB (Forum for Democracy in Burma), na siyang tumatayong umbrella organization ng pitong samahan, kasama na ang DPNS, BWU at YCOWA.

Setyembre 20, nagtungo ako sa Yaung Chi Oo Day Care Center, at nakipagtalakayan sa dalawang guro nito. Kasama ko rito ang isang staff ng YCOWA, at nakapanghiram ako ng kamera. Dito nagsimula ang dokumentasyon ko ng mga litrato. Halos anim na kilometro ang layo ng Day Care Center sa tanggapan ng Yaung Chi Oo, at nasa loob ng bukid. Nilibot din namin ang kabukiran dito at nakausap ang ilang migranteng manggagawang nagtatanim dito. Bandang hapon, nagtungo naman kaming muli sa safe house at nakapanayam ang ilang manggagawang tinanggal sa trabaho. Nakatalakayan ko rin ang tatlong staff kung paano ba ako gumagawa ng libro, estilo ng bookbinding, pagdisenyo nito gamit ang pagemaker, photoshop, at pagdisenyo sa microsoft publisher.

Setyembre 21, ika-40 anibersaryo ng martial law sa Pilipinas. Buong umaga'y nagtalakayan kami ng mga staff ng Yaung Chi Oo hinggil sa Rebolusyong Edsa, sa Maguindanao massacre, at iba pang isyu sa Pilipinas. Tinalakay ko rin sa kanila ang kampanya ng Free Burma Coalition-Philippines, at binigyan ko sila ng brochure nito. Tinalakay ko rin kung paano ba namin isinasagawa ang kampanya sa Pilipinas, pati na ang gawaing propaganda. Bandang hapon naman ay nagtungo kami ng isang staff sa dalawang pagodang maraming mga migranteng manggagawa sa paligid. Pag-aari ang lupain ng mga Thai, maraming mais na tanim, at iba pang mga halaman. Malapit ito sa dam, at sa bundok na di gaanong kataasan. Nagkatalakayan kami rito hinggil sa kalagayan ng mga migrante at napuntahan din ang ilang pabrikang maraming migrante, bagamat di namin nakausap ang mga manggagawa dahil oras ng trabaho. Gabi, sinundo ako sa opis ng YCOWA at tumungo sa DPNS School. Nagkaroon doon ng munting kasiyahan at programa. Nagsayaw ang mga taga-Burma, may mga kumanta, at ako naman ay bumigkas ng alay kong tula.

Setyembre 22, nagkita-kita muli kami ng mga kasama kong Pinoy doon, at nagtungo kaming apat sa border ng Burma at Thailand. Papasok kami sa Burma. Naiwan ang aming mga kasamang taga-Burma, habang tumungo naman kaming apat sa Imigrasyon sa Tak, Thailand. Tinatakan ang aming pasaporte, at naglakad na kami sa di gaanong kahabaang tulay patungong Burma. Tila mahaba pa ang tulay ng Quiapo at ang ilog na naghihiwalay sa dalawang bansa ay halos kalahati lamang o sangkatlo (1/3) sa lapad ng ilog-Pasig.

Nakarating kami ng Burma. Dumiretso kami sa Imigrasyon ng Myanmar at nagbayad ng limangdaang Baht bawat isa. Lakad. Lakad. Lakad. Sa gitna ng araw. Simpleng bansa, parang Quiapo ang isang bahaging iyon ng Burma. Marahil mas maganda at maunlad sa Yangoon. Nakita namin doon ang isang opisina ng NLD (National League for Democracy) na siyang partido ni Daw Aung San Suu Kyi. Nasa ikatlong palapag iyon. Napakainit ng sikat ng araw, lakad kami ng lakad ng walang tiyak na patutunguhan, kaya nagpasiya kaming bumalik na lamang sa Mae Sot.Isang oras lamang kami sa Burma. Kinuha na namin ang aming pasaporte sa Imigrasyon ng Burma. Naglakad muli sa tulay at pumasok muli sa Thailand. Malapit doon ay may pamilihan, tulad ng Cartimar sa Recto Ave., sa Maynila. Doon kami nagtagal at namili sila ng ilang mga gamit at pasalubong. Ako naman ay isang t-shirt na may tatak na Mae Sot at panregalong apat na bag na pambabae ang nabili.

Matapos mananghalian, nagtungo naman kami sa dalawang pagoda. Ang unang pagoda ay napapalibutan ng mga estatwang manok sa bandang ibaba, na animo'y bantay. Ang ikalawang pagoda naman ay may isang palaisdaan sa paligid, at maganda ang artitektura ng pagoda, dahil animo ito'y nabagsakan ng mabigat na bagay, kaya nakabaluktot ang tila palasyo nitong tahanan. Gabi ay kumain kami sa isang restoran, nagtalakayan sa gitna ng mga umuusok sa anghang na ulam, habang tigiisang beer naman kaming mga kalalakihan.

Setyembre 23, araw ng Linggo, maaga akong gumising, at naglaba ng ilang damit. Nagsulat muli sa aking munting notbuk, at nagtungo sa safe house upang makipagkwentuhan sa mga migrante roon. Sabay kaming kumain, nanood ng telebisyon, nakatulog, at bandang hapon ay naglaro kami ng sepak takraw.

Setyembre 24, tinanong ako ng ilang staff hinggil sa planong World Social Forum. Sabi ko'y idaraos ang ika-5 World Social Forum sa Pilipinas, at nais niyang magawa rin ito sa kanilang bansa. Matapos nito'y nagtungo ako, kasama ang dalawang staff, sa Yaung Chi Oo mobile clinic, at sa Sky Blue School, na pawang proyekto ng YCOWA. Dala nila ang kanilang kamera kaya may ilang kuha din ako sa mga lugar na pinuntahan namin. Malapit ang klinika’t eskwelang ito sa tambakan ng basura, tulad ng Payatas. Nilibot din namin ang tambakang ito, di naman ito mabaho, di tulad ng Payatas. May recycling plant sa paligid nito, at ang mga nagtatrabaho rito ay mga migrante rin. May mga dampa sila rito, at marumi na ang tubig sa katabi nitong malaking sapa.

Bandang hapon naman ay tinalakay ko ang labor and workers rights sa mga bagong dating na manggagawang taga-Burma sa tanggapan ng DPNS. Hindi ko dala ang aking gamit, dahil nang naroon na ako nang sabihin sa akin ang paksa. Buti na lamang at nakatago ito sa sulok ng aking memorya, kaya nairaos ko rin ang aking pagtuturo. Hiniling ng isa na talakayin ko ang kasaysayan ng tagumpay ng walong oras ng paggawa, kaya sinimulan ko ang pagtalakay sa naganap na rali at trahedya sa Haymarket Square. Nagkaroon ng malayang talakayan, habang patuloy naman ang pangulo ng YNS sa pagsasalin sa wikang Burmes ng aking mga sinabi. Gabi ay may kasiyahan sa opisina ng Yaung Chi Oo, dahil ang editor ng kanilang dyaryo ay nag-resign na, at nagdesisyon nang bumalik sa Burma. Matapos ang kainan, sinulat ko ang aking ulat sa loob ng aking pamamalagi doon. Iyon ang aking huling gabi sa opisina ng Yaung Chi Oo.

Umaga ng Setyembre 25, tinalakay ko sa pamunuan at mga staff ng Yaung Chi Oo ang isang powerpoint presentation na pinamagatan kong "Assessment and Learnings". Mismong si Moe Swe ang nagsasalin nito sa wikang Burmese para sa kanyang mga staff. Humingi sila ng kopya nito. Sa talakayan, sinabi ng head ng kanilang komite sa edukasyon na inaasahan nilang makatulong ang Pilipinas, lalo na sa pamamagitan ng kampanya ng Free Burma Coalition-Philippines, na patuloy na mangampanya para sa karapatang pantao at tunay na demokrasya sa Burma. Bago umalis ay pinabaunan ako ng YCOWA ng isang regalo, at binigyan ako ng mga kuhang litrato mula sa aming mga lakad at kuha sa pagtatasa.

Bandang alauna ng hapon, sinundo na ako ng isang taga-DPNS sa tanggapan ng Yaung Chi Oo, at nakamotor kaming nagtungo sa opisina ng DPNS. Nagpulong kami rito hinggil sa aming assessment sa mga aktibidad at aming mga ginawa.

Ikapito ng gabi ay nagdatingan kami sa isang restoran, kasama ang iba pang mula sa iba't ibang organisasyon. Nagbigay ang bawat isa ng kani-kanilang pananalita, at nagkatalakayan habang kumakain. Pinabaunan kami ng mga kasamang taga-Burma ng regalo. Ika-8:45 ng gabi, isang oras bago ang alis ng bus, ay nagkamayan na kami at nagpaalam, dala ang pag-asang patuloy kaming magkakaugnayan para sa pagpapalaya ng Burma. Paalam, Mae Sot!

Sumakay kami ng bus. Tulad ng dati'y may stewardess, may merienda, at nakasakay kami sa ikalawang palapag ng bus. Habang daan ay di ako gaanong nakatulog. Pinagmasdan ko ang ilang tanawin kahit gabi. Ang Mae Sot na'y isang alaala. Ngunit alaalang hindi maaaksaya, bagkus nagbigay ng lakas sa amin upang patuloy na makibaka, at makipagkaisa sa iba pang mamamayan sa mundo na nangangailangan ng daigdigang pagkakaisa.

Nakarating kami ng Bangkok ng madaling araw ng Setyembre 26. Nagtaksi kami patungong Khao San Road, na animo'y Carriedo, umupa ng otel, natulog, gumising, nanood ng telebisyon, at kumain sa McDo. Bandang hapon, naglibot kami sa Khao San, hanggang gabi, at kumain sa isang restoran.

Alasais ng umaga'y umalis na kami ng otel at nagtungo na sa Bangkok airport. Ika-9:45 ng umaga nang lumipad na ang eroplano. Nakarating kami sa Pilipinas ng ikalawa ng hapon.

Hanggang ngayon, hindi ko lubos-maisip kung bakit ako ang naipadala. Ito ba'y tadhana? Marahil, may papel akong dapat gampanan, lalo na sa FBC-Phils, kung saan mas dapat akong lalong magsipag sa pagkilos.

Hindi nasayang at di ko sasayangin ang pagkakapunta namin sa Mae Sot. Nagbigay ito ng puwang upang mas magsipag pa kami sa pagkilos tungo sa internasyunalismo at internasyunal na pagkakaisa.

Panahon namang gawin ang isang aklat hinggil dito. Pinamagatan ko ang aklat na ito na “Paglalakbay sa Mae Sot”.

Hanggang dito na lamang. Mabuhay at maraming salamat!

Ika-2 ng Oktubre, 2012, sa Lungsod Quezon

Sabado, Setyembre 29, 2012

Ligalig sa bawat sakuna

LIGALIG SA BAWAT SAKUNA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kararating pa lamang namin sa bayan ng Mae Sot sa lalawigan ng Tak sa bansang Thailand, naaksidente na ang isang babaeng taga-Burma na sumundo sa amin. 

Madaling araw nang dumating kaming apat na Pinoy sa Mae Sot. Bandang tanghali, sinundo kami ng apat na taga-Burma na siyang kontak namin doon. Tatlong babae at isang lalaki ang sumundo sa amin sa hotel, pawang nakamotorsiklo. Naglakad kami hanggang sa isang kainan. Pagkakain ng pananghalian, naglakad na kami patungo sa aming tinutuluyan, nang ang babaeng lider ng mga sumundo sa amin ay sumakay ng kanyang motorsiklo. Nakatakong pa siya, ngunit bago siya nakalayo sa lugar ay bumagsak na siya sa kanyang motorsiklo, natulala siya. Matagal bago siya nakakilos, kaya tinulungan siya ng mga kasama. Nasugatan ang kanyang siko, tuhod, at paa, at dinala agad ng kanyang kasama sa pagamutan, sakay ng kanyang motorsiklo. Isa siya sa dapat na lagi naming kasama, ngunit magtatapos na ang sampung araw na pananatili namin sa Mae Sot nang siya'y muli naming makasama dahil kailangan niyang magpagaling.

Ikalawang araw ko sa Mae Sot, nakadaupang-palad ko ang isang migranteng manggagawa. Putol ang kanyang isang binti. Naipit umano iyon ng kanyang sinasakyan sa kanyang trabaho sa bukid. Ang manggagawa'y mula sa Burma, at nagtungo sa Thailand upang magtrabaho. Nakakuha siya ng trabaho sa bukid, ngunit sawimpalad siyang naipit at nawalan ng paa. Tanging limangdaang Bhat lamang ang binayad sa kanya. Mga pitungdaang piso lamang iyon. Meron siyang artipisyal na paa sa tulong na rin ng kanilang samahan ng mga migrante. Ang ganitong kalagayan ng mga migrante'y sadyang kaawa-awa, hindi na nababayaran ng tama ang sahod, pag naaksidente pa'y di sinusuportahan ng pinapasukan ang kanilang panggamot.

Ilang araw bago kami umuwi ng Pilipinas, nabasa ko sa facebook na ang dalawa kong kasama sa opisina - sina Nitz at Bernie - ay nabangga ng isang kotse. Di ako gaanong nakatulog noon sa tanggapan ng YCOWA. Ilang taon din kaming nagkasama nina Nitz at Bernie sa tanggapan ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), dahil doon na kami nakatira sa opisina bilang mga pultaym na aktibista. Kinailangang operahan si Nitz, habang malaki rin ang pinsalang natamo ni Bernie. Nagtulong-tulong ang mga kasama upang matiyak ang gastusin at gamot ng dalawa. Nakulong naman ang nakabangga, at sa pagkakaalam ko’y nagbigay din sila ng tulong sa dalawang kasama. Nawa'y gumaling na sina Nitz at Bernie sa lalong madaling panahon.

Pawang sa mga sasakyan ang kanilang mga aksidente. Naalala ko tuloy ang dalawang aksidente sa sasakyan na naranasan ko nuong bata pa ako, sa panahon ng aking kalikutan at kakulitan. Apat na taon lang ako ng mabunggo ng pampasaherong dyip, sumama akong mamalengke sa aking pinsan sa isang talipapa sa likod-bahay, ngunit nagtatatakbo ako hanggang sa mabangga ng dyip na biyaheng Balic-Balic - Quiapo. Nagkamalay akong nasa pagamutan na. Nasa Grade 4 naman ako nang mabangga ng bisikleta bago mag-Bagong Taon, nakipagkarera kasi ako ng takbuhan sa isa ko pang kapatid, at di na nakita ang dumarating na bisikleta. Nagkamalay akong buhat ng aking ama, habang kasunod ang maraming taong nakakita ng aksidente. Sa dalawang aksidenteng iyon, ako’y nagkasugat, nabalian, at kinailangan kong magpahilot at magpagaling. Buti’t hindi malala. Ngunit mga aral iyong hindi ko basta makakalimutan at babala iyon na dapat mag-ingat.

Mabuti na lamang at nitong malaki na ako'y di ako nakaranas maaksidente, dahil sadyang kayhirap. Naranasan ko na ito't nakita ang sakit ng mga kasama't kakilalang naaksidente sa sasakyan. Bagamat di natin mahuhulaan kung kailan daratal, sana'y hindi, ang anumang aksidente, kailangan pa rin nating mag-ingat at maging alisto sa lahat ng oras. Kahit papaano, sa ganitong paraan ay makaligtas tayo sa tiyak na kapahamakan, kahit man lang gahibla.

- Setyembre 29, 2012, Maynila, Pilipinas

Miyerkules, Setyembre 5, 2012

Hustisya sa Klima o Hustisyang Pangklima?


HUSTISYA SA KLIMA O HUSTISYANG PANGKLIMA?
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Noong una kong isinalin ang salitang climate justice ay naging tampok sa akin kung ano nga ba ang tamang salin nito sa wikang Filipino. Mas ginamit ko ang hustisya sa klima kaysa hustisyang pangklima. Ginamit ko ito sa mga artikulo ko sa dalawang isyu ng magasing Ang Masa, na nalathala noong Oktubre at Disyembre 2011, at sa ilang dokumentong ipinasalin sa akin.

Mahalaga ang tamang pagkakasalin nito lalo na't nais ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) na mas maunawaan pa ng higit na nakararaming masa ang panawagang climate justice. Bakit hustisya sa klima? Ang klima ay hindi tao na nangangailangan ng hustisya. Marahil dapat ay hustisyang pangklima, ngunit ang salitang pangklima'y eksklusibo lamang sa klima, at hindi sa pangkalahatan.

Sa ganitong dalawang nagtutunggaliang pagsasalin ay dapat itong maipaliwanag ng husto. Ano nga ba ang tama, at ano nga ba ang dapat?

Marami tayong maeengkwentrong mga salita't parirala sa talastasang bayan ang hindi natin agad napapansin, ngunit mahalagang pansinin, upang hindi maligaw ang babasa. Sa ginawa kong tula noon tungkol sa pag-ibig, para lamang tumama sa tugmaan ay isinulat ko ang dalawang salitang mukhang maamo kaysa maamong mukha. Sa biglang tingin, magkapareho ito, mukhang maamo at maamong mukha, binaligtad lamang. Ngunit agad ko ring pinalitan ang taludtod dahil tila mali ang pagkakagamit ko ng mukhang maamo. Ang maamong mukha'y naglalarawan ng matimyas na paghanga sa kagandahan ng dilag, na taliwas sa mukhang maamo na may bahid ng pagdududa dahil sa likod ng kaamuhang iyon marahil ay may natatagong hindi maganda o kaya'y ugaling sukaban.

Kahit ang pagkakasalin ng World War II, sa palagay ko ay mali. Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang palasak na pagkakasalin, imbes na Ikalawang Daigdigang Digmaan. Dumaan pa ito sa matinding debate noon sa internet sa pagitan ng ilang mga blogger, ngunit hindi ako natinag sa aking pasubali. Isinulat ko: "Ang tamang salin ng World War II ay Ikalawang Daigdigang Digmaan at hindi ang nakasanayang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Dahil ang salitang 'pandaigdig' ay may konotasyon ng pagpayag o pagsang-ayon sa bagay na tinutukoy. At dahil hindi lahat ay payag o sang-ayon sa digmaan, maling isalin na Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang World War II, kundi mas tumpak na gamitin ang nyutral na salitang Ikalawang Daigdigang Digmaan." 

Sa palagay ko, ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay isang pilit na salin ng mga pahayagan noon. Kailangang isalin sa wikang Pilipino ang mga sulating Ingles nang daglian para sa arawang pahayagan para sa mambabasang Pilipino. Hanggang sa ito'y lumaganap bilang siyang salin. Mahalaga ang nyutralidad sa bagay na tinutukoy, at ang pandaigdig ay di nyutral sa pagtukoy sa digmaan, na kaiba sa gamit sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan at Pandaigdigang Pahayag ng Karapatan ng Tao. Sa kasaysayan ay napakalakas ng oposisyon sa maraming naganap na digmaan, habang wala naman sa araw ng kababaihan at pahayag ng karapatan.

Paano nga ba ginagamit ang unlaping "pang"? Para lamang ba maglarawan o mag-angkin ng mga bagay na tinutukoy? Ang bra ay pambabae, ang brief ay panlalaki, ang tabo ay pangsalok ng tubig, at iba pa. Ang "pang", "pam" at "pan" ay pareho lang ng gamit, depende sa unang katinig na karugtong para mas madulas sa dila ang pagbigkas. Ang pangbabae ay ginawang pambabae, ang panglalaki ay panlalaki, ang pangsalok ay panalok, at iba pa.

Ngayon, hustisya sa klima ba ang tamang salin ng climate justice, o hustisyang pangklima? Ang klima ay hindi tao, kaya bakit nangangailangan ng hustisya? Marahil, hustisyang pangklima nga ang tama. Totoo naman ang sinasabi ng iba na pag nabigyan ng hustisya ang klima, lahat ng maaapektuhan nito'y maaapektuhan din. Ngunit hindi ito ang punto, kundi paano ang halaga sa gamit ng salita.

Mamaya na mula ang debate. Pag sinabi nating hustisya sa manggagawa at hustisyang pangmanggagawa, pareho ba ito? Ano ang kaibahan nila? Pag sinabi nating hustisya sa babae at hustisyang pambabae, pareho ba ito? Ano ang pagkakaiba nila? Sa pagkakagamit ng unlaping "pang", narito ang pagkakaiba.

Ang hustisya sa manggagawa ay maaaring gamitin sa isang manggagawa o sa buong manggagawa, at marahil kahit hindi manggagawa ay pwede niyang magamit ang hustisyang ito. Ang hustisyang pangmanggagawa naman ay para lang sa manggagawa, at hindi maaari sa magsasaka, mangingisda at maging sa maralita. Mayroon bang hustisyang pambabae? Ibig bang sabihin nito, hindi ito pwedeng gamitin ninuman maliban sa babae? Halimbawa, ang babae'y ginahasa at pinatay, hustisyang pambabae ba pag ikinulong ang nagkasala? Hindi ba't ang karaniwang nakasulat sa ganitong kaso ay hindi naman biktima versus suspek, hindi naman pangalan ng babae versus pangalan ng suspek, kundi People of the Philippines versus pangalan ng suspek?

Pagkat ang hustisya'y pangkalahatan, sa mga ugnayan, sa mga relasyon nito sa iba't iba. Dito pumapasok ang aking mga kadahilanan kung bakit hustisya sa klima. Ang hustisya ba ay para lang sa klima kaya hustisyang pangklima? O mas angkop ang hustisya sa klima? Dahil ang hustisya sa klima'y tumatagos sa lahat ng naaapektuhan nito, maging ito man ay manggagawa o kapitalista, magsasaka o asendero, mahirap o mayaman, palaboy o burgis, maging anuman ang kasarian.

Walang makakaangkin sa hustisya. Ang hustisya ay para sa lahat.