Martes, Mayo 11, 2010

Ang aswang na nagnakaw ng manok

ANG ASWANG NA NAGNAKAW NG MANOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Naikwento sa akin ito ng isang kasamang babae na napunta na sa lugar ng relokasyon. Dati siyang nakatira sa lungsod at nademolis na ang kanilang tirahan. Kasama siya sa mga napalipat sa relokasyon sa isang kalapit na probinsya.

Grabe ang sitwasyon sa mga relokasyon. Inilayo ka na sa trabaho mo, wala pang kuryente at tubig sa pinaglipatan mong relokasyon. Kumbaga'y talagang hirap ang kalagayan ng mga maralitang nalilipat sa relokasyon.

Kailangang hindi sila magutom. Kailangan nilang magtanim-tanim, ngunit hindi agad tutubo ng ilang araw lang ang kanilang mga tanim. Kaya dapat nilang gumawa ng paraan kung paano makakakain ang kanilang pamilya. 

Mayroon din namang nag-alaga ng mga manok, ngunit hindi naman agad nila kinakatay ito dahil balak nilang ibenta para may pambili sila ng bigas. Mahirap naman kung pulos manok lang ang kakainin nila araw-araw, bukod sa mauubos ang manok ay nakakaumay na pulos manok na iba't ibang luto ang kanilang kinakain. 

Meron namang wala talagang makain, walang tanim na gulay at walang alagang manok o hayop. Sila ang mga hirap talaga sa buhay. Dati silang mangingisda sa Lungsod ng Navotas na itinapon sa bundok ng Towerville sa Bulacan. Sanay silang mangisda ngunit wala silang mapangisdaan sa bundok. Talagang ibang diskarte ang dapat gawin.

May isang kwento ang isang kasamang babae na nalipat sa relokasyong iyon na magandang pagnilayan. Dahil nang ikinwento niya iyon, naisip ko ang ilang mga paniniwala sa probinsya na ikinapapahamak nila. Tulad na lang ng ikinwento niya sa akin nang manakawan ng ilang manok ang kanyang kapitbahay.

Isang gabi, ang kanyang kapitbahay na may mga alagang manok ang natakot sa tinig na animo'y aswang. Dahil hatinggabi na at halos pawang tulog na ang lahat, nagtalukbong siya ng kumot. Naisip niyang magtago upang hindi makain ng aswang. Ilang beses rin niyang narinig ang tinig na iyon noong nasa probinsya pa siya.

Mataas na ang araw nang gumising siya at magbangon. Nagmumog at naghilamos. Kinain ang natirang bahaw at tuyo na ulam niya ng nakaraang gabi. Paglabas niya ng bahay at pakakainin sana ang mga manok, nakita niyang wala nang manok sa kulungan. Limang manok na bantreks iyon, kulay puti. Medyo malaki na ang mga iyon at balak nga niyang ibenta sa susunod na linggo.

Nagtanong-tanong siya sa mga kapitbahay kung nasaan napunta ang kanyang mga manok. Sino ang kumuha? Sino ang nagnakaw? Walang makapagsabi. Sinumbong niya sa opisina ng baranggay ang nangyari. Tinanong siya kung wala ba siyang napunang kakaiba ng gabing nagdaan.

Ikinwento lang ng may-ari ng manok na parang dinalaw siya ng aswang kagabi, dahil narinig niya ang boses ng aswang ng tulad ng naririnig niya sa pinanggalingang probinsya. Nagtalukbong siya sa takot hanggang bumangon siya ng sumikat na ang araw. Wala nang aswang pag sikat ng araw.

Sabi ng isang kagawad ng baranggay, "Naku, naloko ka. Ninakawan ka ng aswang na sinasabi mo."

Nag-imbestiga ang baranggay kung sino ang mga nagkatay o kumakain ng manok sa komunidad. May nakapagturo, ngunit hindi naman umamin ang tinuro dahil binili daw nila iyon sa palengke.

Di na natagpuan kung sino ang kumuha ng kanyang mga alagang manok. Naglaho na iyong parang bula.

Kaya ang payo ng kagawad ng baranggay sa kanya, at sa iba pang mga tao roon, "Huwag kayong magpapaniwala sa mga pamahiin. Kesyo may aswang, tikbalang, o anumang nilalang na nakakatakot, dahil hindi naman iyan totoo. Kung hindi ka sana nagpadala ng takot, hindi ka sana nanakawan ng manok."

Isang aral ang kwentong iyon sa maraming mga napunta sa relokasyon, na dahil sa hirap ng buhay sa relokasyon, ay gagawa't gagawa ng paraan ang mga tao upang makakain lamang. Kahit na takutin ang kapitbahay at magkunwaring aswang sa kapitbahay na naniniwala sa aswang.