BILI NA KAYO... ng libro!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Akala ng iba, basta may bisnes kang kaunti, lagi ka nang may pera. May pampainom ka na sa barkada. May pambili ka na ng gamit mo, tulad ng bagong pantalon, t-shirt, at mga nais mong basahing libro, na siyang tambak sa mga gamit ko. Pero kadalasan, kahit may bisnes, wala pa ring pera. Minsan, kailangang maglakad ng malayo dahil nagtitipid sa pamasahe.
Maliit lang naman ang bisnes ko, magbenta ng libro. Pero hindi ito basta pagbebenta lang. Ako ang nag-type ng teksto sa komyuter, nagi-edit, at mismong pagsasagawa ng buong proseso, mula sa pagli-layout ng libro sa pagemaker, pagdidisenyo ng pabalat sa microsoft publisher, paggi-grayscale ng mga litrato sa photoshop, pagpapa-print sa labas, pagbu-bookbind ng isa-isa, pagpapa-cut ng libro, paglalagay sa plastik, pagdidikit ng presyo at mismong pagbebenta.
Pero paano nga ba ako nagsimula sa pagbebenta? Natuto na akong magtinda-tinda nuong bata pa lang ako. Wala lang, trip ko lang. Bibili ako ng isang palabunutan na cardboard na malaki at may pipilasin kang numero sa ibaba upang matamaan mo ang premyo, na karaniwan namang mga mumunti ring bagay, tulad ng kendi, bubble gum, eraser, o lapis ang tatamaan. Ang tubo sa binili kong palabunutan ang siya namang ginagamit ko pambili ng ilang gamit.
Hanggang sa maka-gradweyt ako sa hayskul. Mula sa kolehiyo'y nag-aral ng bokasyunal sa isang technical center, hanggang sa ipadala ako ng eskwelahan sa ibang bansa ng anim na buwan. Pagbalik ko rito'y nagtrabaho bilang machine operator sa pabrika ng pyesa ng computer. Syempre, sumasahod na ako ng minimum kaya di ako nakaisip magtinda ng anuman. Hanggang sa mag-resign ako sa pabrika matapos ang tatlong taon, at mag-aral akong muli. Dito nagsimulang malathala ang aking mga sinulat dahil nakapasok ako bilang kasapi ng pahayagang pangkampus. Mula rito'y naging aktibista, naging bahagi ng kilusan ng uring manggagawa, at nag-full time sa pagkilos. Wala namang sapat na pera sa pagkilos, dahil di ka naman sinasahuran dito, volunteer nga ang istatus mo. May alawans namang naibibigay paminsan-minsan, pero kadalasan wala. Kaya kailangan mong dumiskarte. Nagbenta ako ng magasin. Sumubok din akong magsulat sa komersyal na pahayagan. Dalawang artikulo ko ang nalathala sa Dyaryo Uno.
Nang maging manunulat ako ng pahayagan ng manggagawa, ibinebenta rin namin ito. Ang bahagi ng napagbentahan ay nagiging pansamantalang alawans. Ngunit hindi naman ito sapat. Kailangang dumiskarte. Nag-isip ako. Ano naman ang pwede kong maibenta? Ano ba ang mga kailangan ng kapwa ko na pwede kong maibenta para may panggastos sa pagkilos? Kailangan kong maging malikhain. Kung hindi, baka walang mangyari sa akin. Ayoko namang manghingi sa tatay ko, dahil may sarili na akong buhay. Sinuri ko ang kakayahan ko. May kakayahan akong mag-type. Kabisado ko ang microsoft word at pagemaker. Tiyak may pakinabang ang kakayahan kong ito kung gagamitin ko lang ng tama. Di ko pa naisip noon kung paano gumawa ng libro, dahil mukhang magastos, masalimuot ang paggawa, at di ko alam yung proseso ng pagbu-bookbind.
Hanggang mapuna ko sa ilang mga libro kung paano ito na-bookbind, at nakita ko rin minsan sa Recto kung paano ba sila nagbu-bookbind. Baka dito ako pwedeng magsimula. Paano naman ang cover? Nakita kong pwede naman palang tingi-tingi ang pagpapagawa ng cover na colored. Alam ko na. Dagdag pa yung karanasan ko sa paggawa ng dyaryo at magasin dahil dalawang taon akong naging features and literary editor ng publikasyon ng mag-aaral sa kolehiyo, at pagli-layout ng pahayagan ng manggagawa, kaya malakas ang loob ko.
Kaya sinimulan kong ipunin kung ano ang pwede kong i-type, i-layout at ilibro. Nagsulat ako ng liham sa mga kasama na nananawagang pwede kong hingiin na ang mga dati nilang gawang tula, sanaysay, awit at maikling kwento. Aba'y pinagbigyan naman nila ako, habang ang ibang artikulo ay mula sa mga dati ko nang inipon. Naipon ko sa panahong di ko alam na kakailanganin ko pala. Wala akong sariling gamit pero meron akong diskarte. Nakigamit ako ng computer, at nire-type doon ang mga artikulong naipon ko at naipasa sa akin.
Minsan gabi hanggang madaling araw ko ito ginagawa. Isinisingit ko habang nagle-layout ng pahayagang Obrero ng manggagawa ang pag-layout ko ng libro. Ni-layout ko at nilagyan ng mga litrato, ang anumang natutunan ko sa paggawa ng pahayagang Obrero ay ginamit ko rito, nag-print ako ng isang kopya, inedit isa-isa baka may makalusot, at nung okey na, pinagawa ko sa labas. Nagawa ko'y dalawampung kopya ng kauna-unahang isyu ng MASO: Katipunan ng Panitikan ng Uring Manggagawa, na umabot ng isandaang pahina, at ang size ay katumbas ng kalahati ng short bond paper. Oktubre 2006 nang ito'y malathala at ako na ang tumayong editor ng kalipunang ito ng panitikang manggagawa.
Paano ko ilalagay ang presyo nang hindi babakat sa anumang bahagi ng libro? Baka kasi ayaw ng ibang makakabili ng may presyo at tinatanggal nila agad ito, baka masira. Kaya naisipan kong ilagay ang bawat libro sa plastik, singkapal ng pang-kober ng libro. At sa plastik ko ilalagay ang computerized na presyong P100 bawat isa. Nag-klik naman ang una kong proyekto.
Nang maubos lahat ng benta kong libro at makaipon muli ng pampagawa, gumawa uli ako ng dalawampung kopya, ibinenta, naubos, gumawa uli, ibinenta, naubos, gumawa muli, hanggang sa ito'y dumami. Pinaikot ko ang puhunan. Dito na nagsimula ang aking career bilang small-time publisher. At pinangalanan ko ang munting publishing house na ito ng Aklatang Obrero Publishing Collective. Wala itong opisina hanggang ngayon dahil wala naman itong sariling gamit, at di sapat ang salapi para umupa ng sariling opisina.
Ikalawa kong pagi-eksperimento ang paggawa ng 1/4 size na libro, o kalahati ng laki ng una kong libro. Bumili ako ng makakapal na colored paper para gamitin sa cover ng libro. Ganuon din ang proseso tulad ng naunang libro. Kaya Pasko ng 2006 ay marami akong napagbentahan ng libro. Nuong 2007, ang isang librong isinulat ko para sa ika-100 anibersaryo ng kamatayan ni Macario Sakay ay inilathala ng isang samahan sa history, ang Kamalaysayan (Kampanya sa Kamalayan sa Kasaysayan), na inilunsad sa UP Manila kasabay ng anibersaryo ng kamatayan ni Sakay noong Setyembre 13, 2007.
Noong 2007, nailathala naman ang unang isyu ng Komyun: Katipunan ng Panitikang Maralita, at noong 2008 ay ang Tibak: Katipunan ng Panitikang Aktibista; nakatatlong isyu ang Maso; nakadalawa ang Komyun, at isang isyu lang ang Tibak. Noong 2008 din lumabas ang librong Ka Popoy: Working Class Hero, na koleksyon naman ng artikulong nasulat hinggil kay Ka Popoy, na karamihan ay sinulat ng kanyang mga kasamahan sa kilusan. Nitong 2010 naman ay naisalibro ng Aklatang Obrero ang pakikibaka ng mga manggagawa ng Goldilocks. Kung may pagkakataon, sisimulan na rin ang paggawa ng libro ng tagumpay ng 12 manggagawa ng Imarflex sa Marikina sa kanilang isinagawang welga. Pero kailangan muna silang ma-interbyu.
Diskarte lang para magkapera, lalo na't kulang ang allowance ko sa pagkilos. Kahit papaano, sa paggawa ng libro, nagagawa ko pa ng higit ang aking gawain bilang manunulat at makata ng kilusan. Dahil sa mga libro'y naipapakalat ang panitikan ng manggagawa, maralita't aktibista at mga sulating pulitikal ng mga lider-manggagawa. Ito na ang isa sa mga naging papel ko sa kilusang paggawa.
“Bili na kayo ng libro.” Karaniwan na itong naririnig sa akin ng mga kasama, kaeskwela, kamag-anak, at kakilala. Sa ngayon, mahigit nang tatlumpung klase ng libro ang nagawa ko't naibenta; inilibro ko na rin ang sarili kong mga akda (koleksyon ng mga tula, at mga sanaysay na nalathala); ang iba naman ay mga librong kailangan ng kilusan, tulad ng ARAK (Aralin sa Kahirapan), Puhunan at Paggawa, at Landas ng Uri; habang ang iba naman ay pagsasalin mula sa wikang Ingles sa sariling wika, tulad ng Si Che: Talambuhay at Mga Sulatin, at Che Guevara at Medisina.
Mahirap magbenta, kung paanong mahirap ding maghanap ng puhunan para sa pagpapagawa ng libro. Kadalasan, yung alawans ko sa kilusan ang pinampapagawa ko ng libro at pinapaikot ko na lang. Pag nabenta ang sampung kopya, gawa uli ng panibago. Alam ko na ang teknolohiya ng paggawa ng libro, pero di ko na ito sasabihin dito. Ang mahalaga, nakaka-diskarte ako ng pera para makakilos, nang hindi nangangalabit at nanghihingi sa mga kasama. Mahirap kasing maging kalabit-penge.
Lahat ng gamit ng Aklatang Obrero sa paggawa ng mahigit na tatlumpung klase ng libro sa ngayon ay pawang hiram. Hiram ang computer, hiram ang pagemaker, photoshop, publisher, at iba pang computer program, hiram ang pam-bookbind, hiram lahat; ang tanging pag-aari lang ng Aklatang Obrero ay ang lakas-paggawang ipinuhunan sa paggawa ng mga aklat. Panahon na lang ang makapagsasabi kung makakabili na ba ng sariling printing press ang Aklatang Obrero.
Mula sa pagdiskarte paano magkapera, mas lumalim pa ang naging layunin ko sa paggawa ng libro - ang maipon ang iba't ibang sulatin, at masulat ang mga kwentong di pa naisusulat upang mailathala. Marami pang dapat isulat, marami pang dapat isalibro. At magpapatuloy ang Aklatang Obrero sa paggampan sa tungkuling ito.
Maraming salamat sa mga kasama sa kanilang mga tulong at pagsuporta sa proyektong ito. Kung wala kayo, baka di ako nagpapatuloy sa aking pakikipagsapalaran sa paggawa ng libro. Mabuhay kayo, mga kasama!