SERMON NI INAY: "PAG NAGUTOM KA, KASALANAN MO"
ni Gregorio V. Bituin Jr.
"Pag nagutom ka, kasalanan mo." Hindi ito pasigaw, kundi malambing na sermon o payo ni Mommy sa akin. Tama si Mommy, kaya bata pa lang kami ay tinuruan na niya kaming mga anak niya kung paano mabuhay. Natutong makisama, maglinis ng bahay, magluto ng sinaing, maglaba ng aming sariling damit, magbilang ng tama ng bayad at sukli, umuwi ng maaga, pumili ng kaibigang matitino, ilagay ang alak sa tiyan at huwag sa ulo, umiwas sa gulo, magsimba.
Kami'y pinag-aral ng aming mga magulang sa maaayos na paaralan. Kaya inaasahan nilang kakayanin namin ang tumayo sa sariling mga paa.
Isang araw, habang nagninilay-nilay at nakatunganga sa kisame, biglang dinalaw ng mga sermon ni Mommy ang aking tila inaagiw na isipan. Nais ko kasing magsulat noon para iambag sa patimpalak-Palanca. Nagunita ko ang paalala ng aking ina.
Katatapos ko lang basahin noon ang isang sanaysay kung paano ba namatay ang makatang si Huseng Batute. Namatay siya, hindi pa sa gutom, kundi nalipasan ng gutom kahit may pagkain naman. Pareho kaming makata, at namatay si Huseng Batute o Jose Corazon de Jesus, dahil sa pananakit ng tiyan, at walang laman ang bituka. Doon ko naalala ang bilin ng aking mahal na ina. "Pag nagutom ka, kasalanan mo."
Ang mga salitang ito ang nagbunsod sa akin upang itayo ang Aklatang Obrero Publishing Collective, na unang nakapaglathala ng aklat noong Oktubre 2006. Mag-iisang dekada na rin akong naglilimbag ng mga aklat, na karamihan ay mga koleksyon ko ng tula. Bagamat marami rin akong inilathala na mga antolohiya ng mga sanaysay at tula ng mga manggagawa at maralita.
Nag-isip ako. Ano bang kakayahan mayroon ako upang mabuhay. Pagsusulat? Kailangang mag-aplay sa diyaryo. Paggawa ng tula? Walang pera sa tula, maliban kung mailalathala ka ng lingguhang magasing Liwayway, o iba pang magasin o babasahin. Ngunit kayraming nagpapasa. Daan-daan kung hindi man libo. Mapalad ka na kung malathala ka ng isang beses sa halagang P500 lamang. Hindi iyon sapat upang makabuhay.
Kailangan kong maging malikhain. Kung hindi, baka walang mangyari sa akin. Ayoko namang manghingi ng salapi sa tatay at nanay ko, dahil may sarili na akong buhay. Lalo na't maaalala ko ang mga sermon ni Mommy. Kaya sinuri ko ang kakayahan ko. May kakayahan akong mag-type. Kabisado ko ang microsoft word at pagemaker. Tiyak may pakinabang ang kakayahan kong ito kung gagamitin ko lang ng tama. Di ko pa naisip noon kung paano gumawa ng libro, dahil mukhang magastos, masalimuot ang paggawa, at di ko alam yung proseso ng pagbu-bookbind.
Hanggang mapuna ko sa ilang mga libro kung paano ito na-bookbind, at nakita ko rin minsan sa Recto kung paano ba sila nagbu-bookbind. Baka dito ako pwedeng magsimula. Paano naman ang cover? Nakita kong pwede naman palang tingi-tingi ang pagpapagawa ng cover na colored. Alam ko na. Dagdag pa yung karanasan ko sa paggawa ng dyaryo at magasin dahil dalawang taon akong naging features and literary editor ng publikasyon ng mag-aaral sa kolehiyo, at pagli-layout ng pahayagan ng manggagawa, kaya malakas ang loob ko.
Kaya sinimulan kong ipunin kung ano ang pwede kong i-type, i-layout at ilibro. Nagsulat ako ng liham sa mga kakilala ko na nananawagang pwede kong hingiin na ang mga dati nilang gawang tula, sanaysay, awit at maikling kwento. Aba'y pinagbigyan naman nila ako, habang ang ibang artikulo ay mula sa mga dati ko nang inipon. Naipon ko sa panahong di ko alam na kakailanganin ko pala. Wala akong sariling gamit pero meron akong diskarte. Nakigamit ako ng computer, at nire-type doon ang mga artikulong naipon ko at naipasa sa akin.
Minsan gabi hanggang madaling araw ko ito ginagawa. Isinisingit ko habang nagle-layout ng pahayagang Obrero ng manggagawa ang pag-layout ko ng libro. Ni-layout ko at nilagyan ng mga litrato, ang anumang natutunan ko sa paggawa ng pahayagang Obrero ay ginamit ko sa paggawa ng libro, nag-print ako ng isang kopya, inedit isa-isa baka may makalusot, at nung okey na, pinagawa ko sa labas. Nagawa ko'y dalawampung kopya ng kauna-unahang isyu ng MASO: Katipunan ng Panitikan ng Uring Manggagawa, na umabot ng isandaang pahina, at ang size ay katumbas ng kalahati ng short bond paper. Oktubre 2006 nang ito'y malathala at ako na ang tumayong editor ng kalipunang ito ng panitikang manggagawa.
Mula noon, nagsimula na ang paglalathala ko ng sari-saring libro, at may kumakausap pa sa akin dahil nais nilang malathala rin sila. Isinaaklat ko na rin pati mga kolum at sanaysay ko na nalathala sa magasing pangkolehiyo.
Kaya kahit munting bisnes lamang itong aking itinayong Aklatang Obrero Publishing Collective, umaabot na ng mahigit apatnapung pamagat ng aklat na ang nasa talaan ng mga aklat na aking nalathala. At kalahati rito ay ang koleksyon ng aking mga tula.
Malaking aral sa akin ang sermon ni Mommy, dahil kung hindi, baka gutom ang abutin ko. Maraming salamat sa pagkamalikhain na namana ko sa aking ama't ina. Natuto akong magkaroon ng munting pagkakakitaan, na siya namang ginagamit ko sa araw-araw, habang patuloy pa rin akong nagsusulat, kumakatha ng tula, at nakikibaka sa kalsada.