Paunang Salita
sa aklat na "Biyaheng Balic-Balic"
Ayon sa ilang saliksik sa kasaysayan, ang Balic-Balic ang dating pangalan ng mahabang kalye ngayong tinatawag na G. Tuazon. Tulad ng Bustillos na ang pangalan ngayon ay M. Earnshaw. Tatlo ang ruta ng dyip patungong Balic-Balic sa distrito ng Sampaloc sa Maynila, na siya kong kinalakihan. Sa pagkakatanda ko, una kong nasakyan noong bata pa ako ay ang dyip na rutang Balic-Balic - Bustillos. At bumababa kami sa isang tulay na malapit sa ilog. Nawala na ang ilog na iyon at sinementuhan na, at naging isang highway sa pagitan ng Espana at Ramon Magsaysay Blvd., at tumutumbok sa tulay ng Nagtahan.
Noong ako'y maghayskul na, lagi ko nang sinasakyan ang Balic-Balic - Quiapo. Ganuon din nang magkolehiyo. Kaya ang rutang ito'y kinalakihan ko nang kasama sa bawat paglalakbay at pagninilay.
May isa pa na minsan lang o bihira ko lang nasasakyan, ang rutang Balic-Balic - Espana. Dinadaanan ko nang lakad lamang ang rutang ito papuntang Trabajo market, na lagi naming pinupuntahan ng aking ama kung mamimili kami sa palengke. Bagamat may maliit na talipapa malapit sa amin na dinadaanan ng rutang Balic-Balic - Quiapo, at Balic-Balic - Bustillos.
Sa Quiapo, may nakikita akong rutang Punta - Quiapo. Patungo iyon sa Punta, Sta. Ana. Kung may Punta, may Balic-Balic. Pag pumunta ka sa isang lugar, maaari mo iyong balikan. Punta. Balic-Balic. Naalala ko tuloy ang tatlong salik ng pagpaplano: Saan tayo ngayon, saan tayo pupunta, paano tayo makakarating doon.
May kasabihan nga: "Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan." Kaya minsan, kailangan kong bumalik sa Balic-Balic upang muling umapak sa lupang pinagtubuan ng aking mga ugat. Bakasakaling muli akong magsanga, mamulaklak, at mamunga.
At kasama sa mga ugat na dapat balikan ay ang pamilya, ang mga kapatid, lalo na ang ama't inang nagbigay-buhay, nagpakain, nagpaaral, at kasamang umugit ng kinabukasan. Naririyan din ang mga kaibigan at kapitbahay na nakasama sa paglalakbay sa buhay.
Mahalaga ang muling pagbabalik sa ugat, sa pinagmulan, sa sinapupunan, sa lugar na kinalakihan. Ang mawalay ka sa iyong ugat ay tulad ng dahon ng punong nawalan ng buhay nang mapitas at matuyo. Mabuti kung ito'y bunga ng puno, tulad ng mangga o niyog, na tiyak na kapaki-pakinabang sa mas higit na nakararami. Mga bungang bigay ng kalikasan. Mga bungang minsan ay ipinagdaramot sa iba dahil nais kumita ng salapi, ibenta.
Ang mga nariritong sanaysay ay kababakasan ng aking mga karanasan mula nang ako'y bata pa hanggang magbinata. At sakali mang ako'y magkaasawa na at magkapamilya, iyon ay iba pang aklat ng mga karanasan. Subalit sa aklat na ito'y katatagpuan ang samutsaring karanasan at pagpapasiya. Kung ano ako ngayon ay inukit ng aking kapaligiran, ng aking pinag-ugatan, ng landas kong tinahak, bagamat ito'y hindi sementado, kundi baku-bako, putikan, at dapat pag-ingatan baka may kumunoy na kalubugan.
Ang mga sanaysay na naririto'y nais kong ibahagi sa susunod na henerasyon, bakasakaling may matutunan sila sa aking mga nilandas, gaano man ito kapait o kalungkot. At mas maigi kung may aral silang mahahango upang sila'y magtagumpay, ang huwag nilang ulitin kung ano man ang aking mga pagkakamali.
Sa lahat ng aking mga nakasama sa lakbaying ito, mula man sa Sampaloc, Maynila o hindi, mula man sa Balic-Balic o hindi pa nakakapunta rito, maraming salamat sa mga panahong nagkasama tayo! Mabuhay kayo!
Gregorio V. Bituin Jr.
Sampaloc, Maynila
Oktubre 24, 2011