HABILIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Sa malao't madali'y aabutin ko rin ang oras ng paghihingalo, ang huling kabit ng aking hininga. Pagkat lahat naman ng tao ay darating doon. Yayao upang permanente nang ihimlay ang kahit di pa pagod na isip at katawan.Mula sa sinapupunan tungo sa libingan. Ang buhay ng tao'y alpha at omega, may simula at may wakas.
Hiling ko'y huwag ipagkait sa akin, sa huling sandali, ang pagbibigay ng mga kasama ng luksang parangal na kinagawian nang gawin ng kilusang mapagpalaya para sa mga kasamang namatay. Kahit sa maikli kong buhay ay pinatunayan ko, hanggang ngayon, ang aking katapatan sa adhikain tungo sa pagkakapantay-pantay at pagpawi ng pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon na siyang dahilan ng kahirapan ng sambayanan.
Hiling ko'y huwag ipagkait sa akin, sa huling sandali, ang pagbibigay ng mga kasama ng luksang parangal na kinagawian nang gawin ng kilusang mapagpalaya para sa mga kasamang namatay. Kahit sa maikli kong buhay ay pinatunayan ko, hanggang ngayon, ang aking katapatan sa adhikain tungo sa pagkakapantay-pantay at pagpawi ng pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon na siyang dahilan ng kahirapan ng sambayanan.
Payak na puntod lang ang nais ko, hindi marangal na libing. Payak na libing na tulad ng libing ng karaniwang mahihirap. Ang kabaong ay yari lamang sa tabla. Sa lamay ay naroon ang ilang kaibigan at mga kakilala, naglalaro ng dama, tses, o kaya'y baraha. Umiinom ng mainit-init na kapeng barako at pandesal o mga biskwit.
Kahit sa huling hantungan, nais kong maging tapat sa masa at sa uring manggagawang kahit papaano'y aking pinaglingkuran sa abot ng aking makakaya, sa kilusang sosyalistang aking nakasama sa loob ng mahigit dalawang dekada. Dahil ang buhay ko'y buhay ng isang aktibista, buhay ng isang rebolusyonaryo. Higit sa kalahati ng buhay ko'y ipinaglingkod ko sa kilusang sosyalista.
Ang ayaw ko lamang ay matulad pa ako sa mga desaparesido, o yaong mga dinukot at nangawala at hindi na nakita ang kanilang bangkay. Dahil ang pagiging desaparesido ay katumbas ng paghihirap ng kalooban ng mga nagmamahal sa nawawala. Mahabang laban pa ang susuungin ng mga nabubuhay upang makuha lamang ang iyong bangkay at mabigyan ng maayos na libing.
Gayunman, ang mga tulad kong aktibista'y maaaring mamatay na lang ng walang puntod. Marahil ay di ko na rin kailangan ng kabaong. Ngunit mas nais ng mga nabubuhay pa na may kabaong upang makita man lamang ako sa huli kong hantungan. Mas nais kong maging pataba sa halaman ang aking mga labi upang kahit papaano'y may pakinabang pa sa sambayanan. Sa aking kolum sa publikasyong The Featinean, isyu ng July-October 1996, p. 29, ay ito ang aking isinulat: "I wish that if I would die, my corpse would not be buried inside the casket but honorably laid in the soil so that in the cycle of life, I can still contribute. My dead body can help make new life, make plants grow, so that others may continue to live."
Marami akong aklat na isinulat. Mga katipunan ng iba't iba kong akda. Nawa'y may magpatuloy pa ng pagsasaaklat ng aking mga tula. At mapansin din ng National Book Store, kung saan ito ang kinalakihan ko, ang aking mga tula at kanilang mailimbag. Marahil mailimbag din ito ng University of the Philippines Press, DLSU Press, UST Press, o AdMU Press. Mahigit dalawang libo na ang aking tula sa internet, 2,000 tula para sa sambayanan, sari-saring paksa, sari-saring himutok, sari-saring pamukaw ng isip, sari-saring taludtod ng pag-asa, sari-saring saknong ng paglaya.
Ang iba pang mga aklat na nabili ko, panitikan at pulitika, na gawa ng iba't ibang paborito kong awtor, at mga saliksik, ay inihahabilin ko na sa aking mga kapatid na nagnanais nito at sa tanggapan ng mga samahang kinilusan ko.
May isinulat na rin akong mahabang tula na pinamagatan kong "Una Kong Pamamaalam" na nais kong basahin ng isang kasama o kapamilya bago ako ihimlay sa huling hantungan. At magpa-xerox na rin ng marami nito para sa mga nais magkaroon ng sipi ng tula. Nalathala na ang tula kong ito sa aklat kong "Markang Putik" at maaari din itong makita sa internet, sa kawing na http://matangapoy.wordpress.com/2010/05/12/una-kong-pamamaalam/.
Ang huling habilin ko lamang ay magkaroon ang bawat isa ng kopya ng Kartilya ng Katipunan at ito'y kanilang basahin, namnamin at isabuhay. Maaari itong sabay nang ipamigay kasama ng tula kong "Una Kong Pamamaalam".
Ang nais kong tugtugin sa libing ay ang "Lipunang Makatao" ng Teatro Pabrika, ang "Pag-ibig Ko'y Ikaw" ni Regine Velasquez, at ang "You Raise Me Up" ni Josh Groban. Tatlong awitin lang na paulit-ulit. Paborito ko si Martin Nievera dahil mga kanta niya ang madalas kong awitin dahil bagay sa aking boses, ngunit wala akong mapiling awit niya para sa okasyong ito.
Ang nais ko sa puntod ay hindi kurus kundi maso. Huwag sana itong ipagkait sa akin. Isinulat at ipinaliwanag ko na ito noon sa isang tula na pinamagatan kong "Maso ang Nais Ko sa Puntod".
MASO ANG NAIS KO SA PUNTOD
13 pantig bawat taludtod
maso, hindi kurus, ang nais ko sa puntod
pagkat ito’y tanda ng aking paglilingkod
sa uring manggagawang todo ang pagkayod
mabuhay lamang kahit kaybaba ng sahod
maso, hindi kurus sa puntod ang nais ko
pagkat ito’y tanda ng tangan kong prinsipyo
na lipunang ito’y lipunan ng obrero
di ng ganid na sistemang kapitalismo
maso ang nais ko sa puntod, hindi kurus
pagkat ito’y tandang naglingkod akong lubos
sa mga manggagawa’t mamamayang kapos
upang sa araw-araw sila’y makaraos
maso’t di kurus sa puntod ang aking nais
pagkat ito’y tanda ng prinsipyong malinis
hangad na sistema’y di maging labis-labis
at mapalitang tunay ang lipunang lihis
Ito naman ang isinulat ko na nais kong mailagay sa aking lapida. Nalathala ito sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 1, Taon 2004, p.8.
TAGLAGAS
9 pantig bawat taludtod
Kung sakali’t ako’y lumutang
sa sariling dugo’t tuluyang
inangkin ng lupa, hiling kong
sa lapida’y maukit itong
soneto ko ng luha’t tuwa:
“Dito’y himbing na nahihimlay
ang makata ng rebolusyon,
at abalang iginagala
sa daigdig ng talinghaga
ang mapaglaro niyang diwa’t
masalimuot na haraya,
habang humahabi ng saknong
at mapagpalayang taludtod
para sa uring manggagawa
at sa masa ng sambayanan.
At sa pagdatal ng taglagas
siya’y babangon sa pag-idlip
upang ituloy ang paglikha
sa iba namang katauhan."
Mabuhay ang kilusang masa! Mabuhay ang kilusang sosyalista! Tuloy ang laban!