MINUTERO 2011
ni Gregorio V. Bituin Jr.
"Salamat naman at natapos mo na yung minutes. Ang tagal na niyan, ah." Ganito ang sabi ng isang kasama matapos kong matapos ang pagtipa sa kompyuter ng katitikan ng ikaanim na kongreso ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) na naganap noong Nobyembre 26-27, 2011. Nitong Enero 23, 2012 ko lang natapos ang pagtipa sa kompyuter ng katitikang ito.
Ang sabi ko nga sa isang kasama, sa anim na kongreso ng iba't ibang magkakapatid na organisasyon nitong taong 2011, apat doon ay naging minutero ako. Kumbaga, yung official minutes of the congress ay ako ang gumawa. Naroon din ako sa dalawa pang kongreso at tumulong sa mga gawain nito sa aktwal bagamat hindi sa pagmiminuto. Ngunit sa apat na kongresong ako ang opisyal na minutero ng buong katitikan ng kongreso, sa tatlo lamang ako nakagamit ng laptop, ngunit sa ikaapat, talagang balik ako sa primitibo, sa pamamagitan ng sulat-kamay. Hindi ko ito napaghandaan, ngunit talagang tiniis ko ang pagkainis dahil hindi tumupad sa usapan ang nagsabing may laptop akong magagamit dahil ako ang opisyal na minutero.
Sa mga kongresong ito, apat ang pambansang kongreso, isa ang pang-Luzon, at isa ang pang-NCRR-wide (National Capital Region at lalawigan ng Rizal). Ngayon lang nangyari na sa loob ng iisang taon ay naganap ang napakaraming kongreso ng iba't ibang organisasyon.
Ang anim na kongreso ay ang mga sumusunod: (1) Ikalawang Pambansang Kongreso ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Transportasyon (PMT) noong Enero 2011 sa Teachers Camp sa Lungsod ng Baguio; (2) Ikaanim na Kongreso ng KPML-NCRR (Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod - National Capital Region-Rizal) noong Abril 30, 2011 sa basketball court ng Kapatiran-Kaunlaran Foundation, Inc. (KKFI) sa P. Paredes St., sa Sampaloc, Maynila; (3) Ikaapat na Pambansang Kongreso ng KPML-nasyunal noong Hulyo 16, 2011 na naganap din sa KKFI; (4) ika-17 Pangrehiyong Kongreso ng Zone One Tondo Organization (ZOTO) na naganap noong Oktubre 20, 2011 sa Hito Covered Court sa Longos, Malabon; (5) Ikaanim na Pambansang Kongreso ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) noong Nobyembre 26-27, 2011 sa Luisa Ridge, Hot Spring Resort and Spa, Brgy. Bukal, Lungsod ng Calamba sa Lalawigan ng Laguna; at (6) Ikalawang Pambansang Kongreso ng Partido Lakas ng Masa (PLM) noong Nobyembre 29, 2011 sa Unibersidad ng Pilipinas.
Ako ang opisyal na minutero sa Kongreso ng PMT, KPML-nasyunal, ZOTO, at BMP. Sa kongreso ng KPML-NCRR naman ay tatlo kaming nakatalaga sa gawaing pagmiminuto, ngunit tanghali na akong dumating doon dahil may iba pa sa aking pinagawa ng araw na iyon na walang kaugnayan sa kongreso, at dahil dalawa naman ang nagmiminuto ng katitikan ng pulong doon nang dumating ako, hindi na ako kumuha ng katitikan ng pulong, at tumulong na lang sa ibang gawain doon tulad ng pagtitiyak ng seguridad sa buong kongreso, at pagliligpit ng mga kagamitan matapos ang kongreso. Sa kongreso naman ng PLM, umaga pa lang ay nandoon na ako ngunit sadyang hindi ako nakatalaga para magminuto, kaya tumulong na lang ako sa ibang gawain doon, tulad ng pagbubuhat ng kahon-kahong mga gamit sa kongreso at mga librong ibebenta mula sa unang palapag hanggang sa ikatlong palapag nang walang elevator, sa hagdanan lang, paglalagay sa brown envelop ng mga dokumento ng kongreso, at pamamahagi nito sa mga delagado.
Nagpapasalamat ako sa mga kasama sa pagtitiwala nila sa akin bilang kanilang minutero. Ibig sabihin, di lang sa simpleng pulong ako naging minutero kundi sa apat na mahahalagang Kongresong naganap nitong 2011. Ngayon lang nangyaring ang anim na kongreso ay sabay-sabay sa isang taon at mapalad akong nasaksihan ko ang anim na iyon at minutero pa ako sa apat. Gayunman, hindi ko naman hiniling ang mga iyon, kundi inatas lang sa akin, tulad sa KPML-nasyunal at ZOTO, habang pinakisuyo lang sa akin ang pagmiminuto sa PMT at BMP. Sa muli, nagpapasalamat ako sa mga kasama sa kanilang pagtitiwala.
Sa apat na kongresong iyon, sa unang tatlo ay nakagamit ako ng laptop, ngunit nagkaproblema sa kongreso ng BMP. Sa aktwal ko na nalaman na wala pala akong magagamit na laptop, dahil di pumayag ang kinausap ng isang kasama na gagamitin ko ang laptop nito sa aktwal na kongreso. Kaya ang ginawa ko, lumabas pa ako sa venue, papuntang highway, sa gitna ng kainitan ng araw, at naghanap ng notebook at ballpen sa mga nakahilerang kainan at tindahan doon. Sa malayo pa ako nakabili ng notebook at ballpen. Buti na lang, may dala akong pera, at napagkasya ko ang pera sa isang maliit na notebook at ballpen.
Nairaos ko naman ang pagmiminuto sa nasabing kongreso, ngunit halos dalawang buwan pa bago ko tuluyang natapos at naipasa sa mga bagong halal ang dokumento, dahil matagal ko rin itong pinagtitipa sa kompyuter. Dahil hindi na kongreso, kaya ang utak ko ay wala na sa pagmiminuto kundi nasa ibang gawain na kaya ang pagtitipa noon sa kompyuter ay nakakatamad. Sadyang nakakatamad at nakakaasiwa dahil dapat ibang makabuluhang gawain na ang aking ginagawa at pinag-uukulan ng panahon, ngunit eto’t nagdoble pa ng trabaho. Trinabaho mo na nuong una, babalikan mo uli sa ikalawa para lang itipa sa kompyuter gayong pwede namang isang gawain na lang iyon kung may laptop. Diretso na agad sa laptop ang pagmiminuto. Isang gawaing ayaw ko nang gawin dahil napagdaanan ko na at ayaw ko nang balikan. Nakakasawa kaagad ang pagtitipa ng nasabing dokumento. Buti sana kung ang mga iyon ay maikling kwento, sanaysay o tula, mas interesado pa akong tipain sa kompyuter. At hindi ako magsasawa.
Tulad ng paglalaro ng chess, mahalaga sa bawat minutero ang preparasyon, lalo na sa aktwal na kongreso o aktwal na pulong. Kailangang mas maaga pa siya sa mga delegado o sa mga magpupulong. Preparasyon ng isipan, konsentrasyon sa gawain, at higit sa lahat, yaong kanyang mga gagamitin. Nakaayos na ang kanyang mga dapat gamitin tulad ng laptop, o notebook at ballpen. Kaya nga sinasabi kaagad sa kanya ng maaga ang kanyang gawain bago pa ang takdang araw, para nakapaghanda siya bago ang aktwal na pagmiminuto, dahil hindi pwede ang bara-bara-bay sa ganitong mga gawain. Tulad ng bilyar, kailangan ng preparasyon at konsentrasyon para matumbok mo ang dapat matumbok.
Kung may laptop lamang, pagkatapos na pagkatapos ng kongreso ay ibibigay ko na kaagad sa mga kinauukulan ang nasabing minuto o opisyal na katitikan ng kongreso, sa mismong araw na iyon, o kinabukasan. Maaaring sa pamamagitan ng email o bilang isang printed material. Tulad ng mga ginawa ko sa mga naunang kongreso.
Ngunit sa susunod, ayoko nang mangyari na walang laptop sa pagmiminuto ng katitikan ng pulong, Babalikan mo ang tapos mo nang gawin, imbes na diretso sa kompyuter ay isusulat muna sa papel bago itipa sa kompyuter. Dobleng trabaho, dobleng pagod. Nakakaburyong dahil imbes na isahang trabaho na lang at tapos na ay kailangan pa muling ulitin sa ibang paraan ang pagmiminutong tapos mo nang gawin.
Para hindi na magkaproblema sa susunod, marahil, may isang dapat mangyari, magkaroon na ako ng sariling laptop na magagamit.