Miyerkules, Agosto 29, 2012

Ang Maralitang Lungsod sa Green SONA 2012

ANG MARALITANG LUNGSOD SA GREEN SONA 2012
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa mga naimbitahan upang maging tagapagsalita sa Green SONA (State of the Nature Assessment) nitong Agosto 28, 2012 sa Environmental Studies Institute (ESI) sa Miriam College sa Katipunan sa Lungsod Quezon. Ito ang taun-taong ginagawa ng iba't ibang grupong makakalikasan bilang pantapat sa SONA ng Pangulo ng Pilipinas. 

Batay sa programa, ang palatuntunan ay magsisimula ng ikawalo ng umaga hanggang ikalawa ng hapon. Tulad ng iba pang mga palatuntunang nakagisnan ko, isang oras ang rehistrasyon, at magsisimula ito sa ganap na ikasiyam ng umaga. Tama naman ito, lalo na't sa atin, laging huli ang mga Pinoy sa mga tipanan, kaya naging palasak ang katawagang Filipino time, o huli lagi sa usapan. Gayunpaman, nagsimula ang palatuntunan ng tama sa oras. 

Nakarating ako sa ESI bandang ikawalo ng umaga. Marami-rami na ring tao doon, pumirma sa attendance sheet, naghanap ng mauupuan, paghahanda ng mga weyter, inayos ang LCD projector para sa powerpoint presentation, anupa't tama lamang ang isang oras na rehistrasyon at ang imbitasyong dumating ng ikawalo ng umaga. Pinamahagi rin ang tatlong pahinang palatuntunan, kung saan nakalagay ang oras at sino ang magsasalita para sa araw na iyon. Sa unang bahagi ng Green SONA 2012 na pinamagatang Sectoral Assessment from the Grassroots, limang sektor ang magsasalita, mula sa magsasaka, mula sa mangingisda, mula sa lumad o katutubo, mula sa maralita, at mula sa kababaihan. Naroon ang pangalan ko para magsalita hinggil sa urban poor, bagamat hindi nakalagay ang organisasyon ko ng maralita, kundi ang samahang pangkalikasang kinaaaniban ko. Iyon marahil ay dahil hindi ko nasabi ng maaga sa kanila ang organisasyon ko ng maralita. Sa ilalim ng aking pangalan ay nakasulat ang Saniblakas ng mga Aktibong Lingkod ng Inang Kalikasan (SALIKA), at ipinadagdag ko sa emcee ang Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), na pareho niyang sinabi ng ako'y kanyang tinawag. (Ang orihinal na pangalan ng SALIKA ay Saniblakas ng Inang Kalikasan, at kailan lamang napalitan ito ng Saniblakas ng mga Aktibong Lingkod ng Inang Kalikasan.) Sa SALIKA ay tumatayo akong bise-presidente nito habang sa KPML naman, lalo na sa tsapter nito sa NCRR (National Capital Region-Rizal) ay isa akong edukador, mananaliksik, dyarista, at manunulat.

Sinulat ko ang aking sasabihin bago pa maganap ang bagyong Gener ng Agosto 3 at ang Habagat ng Agosto 7 na araw sana na magaganap ang Green SONA 2012, ngunit ipinagpaliban dahil sa naganap na malakas na ulan at mga pagbaha. Pinamagatan ko ang talumpati ng "Kalagayan ng Maralita at ng Kalikasan" na habang ako'y naroon bago magsalita ay ineedit ko at dinadagdagan. Ang orihinal kasing pang-Agosto 7 ang aking nadala at hindi ko nadagdagan kaya pinilit kong idagdag ang mga nararapat. Narito ang aking talumpati:

"Isang makakalikasang araw po sa ating lahat.

Ang mga maralita ng lungsod ang isa sa pangunahing tinatamaan ng malalang epekto ng pagbabago ng klima at laging sinisisi sa mga pagbaha. Winasak ng iba't ibang kalamidad, tulad ng pagbagyo at pagbaha, ang buhay at tahanan ng mga maralita. Nariyan ang labing-isang (11) evacuation centers sa Navotas, na mga dating basketball court, na idinulot ng bagyong Pedring nuong Setyembre 2011. Mag-iisang taon na sila doon, at tila hindi nagagawan ng lokal na pamahalaang lungsod na masolusyunan ang problemang ito. At nadagdagan pa ang mga nasalanta sa paghagupit naman ng bagyong Gener, at nitong Habagat. Lumubog ang maraming lugar ng maralita, tulad sa Baseco at R10 sa Maynila, Santolan sa Pasig, Banaba sa San Mateo, Potrero sa Malabon, Muntinlupa, at iba pa. (Sa mga lugar na nabanggit ay maraming kasapian ng KPML.)

Matapos ang Habagat, may banta sa maralita na pasasabugin ang mga bahay nito upang umalis sa danger zone. (Ayon sa Phil. Star, 195,000 families in danger zones face relocation, August 14, 2012, p.6) Saan ililipat? Sa death zone? Ang sapilitang pagpapaalis sa maralita ay terorismo, kung paanong ang demolisyon ay terorismo. At para sa maralita, ang terorismo'y dapat labanan. Uulan bang muli ng mga bato? Ayaw namin ng demolisyon, nais namin ay maayos at ligtas na pabahay, na malapit sa hanapbuhay at maayos na serbisyong panlipunan. Hindi tumatanggi ang maralita na mailipat sa tamang lugar, ngunit dapat ay hindi sapilitan, kundi sa makataong paraan at merong sapat na hanapbuhay at serbisyo sa paglilipatan.

Ang kalikasan at ang pabahay ng maralita ay dapat mahigpit na magkaugnay. Hindi dapat nakatira sa mga danger zones ang mga maralita. Gayundin naman, hindi sila dapat itapon sa death zone, kung saan itinataboy silang parang mga daga sa malalayong lugar na malayo sa kanilang hanapbuhay. Dapat sa bawat usapin ng maralita sa pabahay, ay dapat pag-usapan lagi ang tatlong usapin ng pabahay, hanapbuhay at serbisyo, dahil isa lang sa tatlong ito ang mawala ay tiyak na problema sa maralita. Karaniwan, ang mga maralita'y tinatanggal mula sa danger zone patungong death zone, kung saan ang mga relokasyon ay yaong mga binabaha, nasa pagitan ng mga bundok, at mga relokasyong mistulang catch basin.

Alam na ng maraming maralita na hindi dapat magsunog ng basura dahil ito'y nagdudulot ng sakit. Alam na rin ng maraming maralita kung paano pagbukudin ang nabubulok at di nabubulok. Ngunit dapat pang matutunan ng maralita, sa tulong ng iba't ibang organisasyong makakalikasan, ang hinggil sa mitigasyon (pagbabawas) at adaptasyon (pag-aangkop) sa usaping climate change, ano ang climate justice, paano ang tamang disenyo ng pabahay na abot-kaya ng maralita at ligtas sa kanilang pamumuhay. Dapat patatagin pa ang pagtangan sa karapatan sa paninirahan ng bawat tao. Dapat ito'y ligtas, may ligal na seguridad sa paninirahan, at abot-kaya ng maralita. Mungkahi namin ay batay sa kakayanan ng maralita, at hindi sa market value. Kung maaari ay 10% ng kanilang kinikita bawat buwan sa loob ng isang takdang panahon. 

Hinggil sa pagkalubog ng Marikina, dapat ding suriin ang pagsusuri ng maraming maralita na sa pagkakatayo ng SM Marikina ay lumiit ang waterways o espasyo o daanan ng tubig sa ilog. Kung noon ay maraming tubig ang kaya ng ilog, dahil kumipot na ito, ang tubig ay napupunta na sa mga kabahayan na nagpapalubog sa lungsod ng Marikina. Ngunit sino ba ang kayang sumisi sa SM ni Henry Sy? Ang maralita ang kayang sisihin, at sinisising lagi, ngunit ang SM ni Henry Sy ay hindi.

Panghuli, matagal na ang tatlong buwan para sa evacuation centers, ngunit sa kaso ng mga labing-isang evacuation center sa Navotas, mag-iisang taon na sila doon. Dapat nang mabigyan ng nararapat na relokasyon ang mga maralitang naroon sa lalong madaling panahon, para sa kaligtasan at kinabukasan ng kanilang pamilya at mga anak. 

Muli, mula sa SALIKA at sa Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML) - National Capital Region-Rizal (NCRR) Chapter, patuloy po tayong mag-ugnayan, magtulungan at magkaisa para sa kapakanan ng ating kalikasan at karapatang pantao. Mabuhay po tayong lahat."

Bago ang palatuntunan, may kumausap sa aking ang isa ay mula sa PAKISAMA, na isang samahan ng magsasaka. Sampung taon na raw siyang wala sa urban poor, at dati siyang nasa UPA (Urban Poor Alliance). Nag-usap kami. Hanggang sa magsimula ang palatuntunan. Habang nagsasalita ang ibang sektor, kinalabit ako ng isa pang mula sa urban poor, na taga-UPA din, at hiniling niyang maipalabas ang kanilang video. Ayos, sabi ko. Kaya sinabi ko sa emcee na nais nilang magpalabas ng video, ngunit hindi pumayag ang emcee dahil gagahulin daw sa oras. Hindi sila nakapagsalita. Nag-usap na lang kami matapos ang palatuntunan.

Sa talumpati ng mga reactor, idiniin ng taga-DENR (Department of Environment and Natural Resources) na tama ang sinabi ng tagapagsalita ng urban poor (ako iyon) na dapat hindi sapilitan, kundi dapat talagang mag-usap at ayusin ang maraming bagay, lalo na ang ipinagdiinan kong dapat dapat laging magkakasama sa anumang negosasyon at plano ng pamahalaan ang tatlong magkakaugnay na usapin ng pabahay, hanapbuhay at serbisyo. Inulit din niya ito sa malayang talakayan (open forum) nang magtanong ang marami sa pamamagitan ng sulat. Lahat kasi ng mga tanong ay pinasulat na ng emcee at siya na ang nagbasa ng mga iyon.

Nang matapos ang palatuntunan, lahat ng mga naging tagapagsalita ay binigyan ng token o regalo. Ang natanggap ko'y isang librong marahil ay nagkakahalaga ng mahigit isang libong piso, at isang puting tisert na may nakatatak na Green Convergence. Ang aklat, na may 322 pahina, ay pinamagatang Philippine Native Trees 101: Up Close and Personal. Makapal ang bawat pahina at makulay dahil bawat pahina'y may litrato ng mga puno. Habang binabasa ko ito ay nakita ko ang punong kalumpit na pag umuuwi ako sa bayan ng tatay ko sa Batangas ay marami. Puno rin pala ang Kalantas, na pangalan ng isang nayon sa Batangas, na ayon sa kwento ng ilang pinsan ko ay parang munting Tondo. Nang makita ko ang punong Betis, agad kong naalala ang isang lugar sa may Pampanga na maraming may apelyidong Bituin. At nakita ko na ang nagsulat ng artikulo hinggil sa Punong Betis ay isang Myrna M. Bituin, na marahil ay malayo kong kamag-anak.

Marahil masusundan na ang tula ko hinggil sa bunga ng kalumpit na lagi kong hinahanap sa aking mga pinsan. Naisip kong gawan ng tula at maikling kwento ang mga punong ito, at marahil isang libro ng mga tula't kwento ang aking magagawa balang araw hinggil sa mga puno at gubat sa ating bayan. Ito ang nadagdag sa aking mga adhikang dapat kong maisulat. Maraming salamat at nabigyan ako ng librong ito, na kung di ako nakadalo doon ay isang malaking bahagi ng buhay ko ang nawala. Isang kayamanan na ang aklat na iyon para sa tulad kong manunulat at sa marami pang henerasyon sa hinaharap.

Anupa't isang magandang karanasan ang pagpunta ko ng araw na iyon sa Green SONA 2012, dahil marami akong natutunan, at naiparating ko sa isang kinatawan ng pamahalaan na hindi dapat pwersahin ang mga maralitang umalis basta sa danger zone para ilipat sa death zone. Ang pag-ulit niyang hindi dapat sapilitan ay malinaw na kahit papaano'y maaaring hindi na muling umulan ng bato sa demolisyon, dahil nagkaroon ng maayos na pag-uusap ang mga maralita at ang pamahalaan. Bagamat di ito dapat asahan ng maralita, kundi patuloy silang maging mapagmatyag at maghanda pa rin sa anumang mangyayari.

sa tanggapan ng KPML, Lungsod ng Navotas
Agosto 29, 2012