HALINA'T PALAGANAPIN ANG KARTILYA NG KATIPUNAN!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Sa loob ng mahigit dalawang dekada kong pagiging aktibista, nagsimula ako sa pagkilala sa Kartilya ng Katipunan bilang gabay ng aking pagkatao, tulad noong hindi pa ako aktibista ay naging gabay ko ang sampung utos, noong bahagi pa ako ng Catholic Youth Ministry noong highschool. Noong 1995, naging kasapi ako ng history group na Kamalaysayan (Kampanya sa Kamalayan sa Kasaysayan) kung saan mas lumalim pa ang pagkaunawa ko sa Kartilya ng Katipunan, pati na ang Liwanag at Dilim ni Emilio Jacinto, at ang Dekalogo ni Gat Andres Bonifacio. Mahalaga ang kasaysayan kaya nga sinabi noon ni Bonifacio, "Matakot tayo sa kasaysayan pagkat walang lihim na hindi nabubunyag." Ang Kartilya ng Katipunan ay hindi tungkol sa madugong labanan kundi sa pagpapakatao at pakikipagkapwa tao, bagamat may nakasulat doon sa ikawalo, "Ipagtanggol mo ang inaapi; kabakahin ang umaapi" na hindi naman agad na tungkol sa madugong labanan. Naging bahagi ako ng Kilusang Kartilya na nagpupulong tuwing petsa 7 ng bawat buwan, ngunit ang mga kasama ko noon ay nasa ibang bayan na, habang maysakit naman ang iba pa.
Lagi ring bukambibig ng kaibigang Sir Ding Reyes, pasimuno ng Kamalaysayan, ang pagpapakatao at pakikipagkapwa tao, na siya kong naging gabay hanggang ngayon. Mula noon hanggang ngayon, maipagmamalaki kong wala akong inagrabyadong tao, bagamat ako ang laging naaagrabyado. Kung sakaling may pagtatalo man, dumadaan ito sa tamang proseso upang malaman ang katotohanan, at hindi sa haka-haka lamang na walang batayan. Sa panahon ng ika-150 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio, muli nating sariwain at talakayin sa ating mga kamag-anak, kaklase, kapwa aktibista, kakilala, at kahit hindi kakilala, ang Kartilya ng Katipunan bilang gabay sa pagpapakatao. At hindi lamang sa okasyon ng ika-150 niyang kaarawan, kundi maging gabay din natin ang Kartilya ng Katipunan sa ating pang-araw-araw na buhay. Maraming salamat sa inyo. Mabuhay kayo!
Mabuhay ang ika-150 kaarawan ng bayaning Andres Bonifacio sa Nobyembre 30, 2013! Halina't ipalaganap ang Kartilya ng Katipunan sa lahat!
ANG MGA ARAL NG KATIPUNAN SA ORIHINAL NA 'KARTILYA' NI EMILIO JACINTO
(Ang Kartilya ng Katipunan ay mula sa dokumentong: "Sa May Nasang Makisanib sa Katipunang Ito")
mula sa http://kartilya-katipunan.blogspot.com/
mula sa http://kartilya-katipunan.blogspot.com/
Ang kabuhayang hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim, kun di damong makamandag.
Ang gawang magaling na nagbubuhat sa pagpipita sa sarili, at hindi talagang nasang gumawa ng kagalingan, ay di kabaitan.
Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawang gawa, ang pagibig sa kapua at ang isukat ang bawat kilos, gawa't pangungusap sa talagang katuiran.
Maitim man at maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao'y magkakapantay: mangyayaring ang isa'y higtan sa dunong, sa yaman, sa ganda..., ngunit di mahihigtan sa pagkatao.
Ang may mataas na kalooban inuuna ang puri sa pagpipita sa sarili; ang may hamak na kalooban, inuuna ang pagpipita sa sarili sa puri.
Sa taong may hiya, salita'y panunumpa.
Huwag mong sayangin ang panahun: ang yamang nawala'y mangyayaring magbalik; ngunit panahung nagdaan na'y di na muli pang magdadaan.
Ipagtanggol mo ang inaapi; kabakahin ang umaapi.
Ang taong matalino'y ang may pagiingat sa bawat sasabihin, at matutong ipaglihim ang dapat ipaglihim.
Sa daang matinik ng kabuhayan, lalaki ay siyang patugot ng asawa't mga anak: kung ang umaakay ay tungo sa sama, ang pagtutunguhan ng inaakay ay kasamaan din.
Ang babai ay huwag mong tignang isang bagay na libangan lamang, kun di isang katuwang at karamay sa mga kahirapan nitong kabuhayan; gamitan mo nang boong pagpipitagan ang kaniyang kahinaan, at alalahanin ang inang pinagbuhatan at nagiwi sa iyong kasanggulan.
Ang di mo ibig na gawin sa asawa mo, anak at kapatid, ay huag mong gagawin sa asawa, anak at kapatid ng iba.
Ang kamahalan ng tao'y wala sa pagkahari, wala sa tangus ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagkaparing kahalili ng Dios, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa: wagas at tunay na mahal na tao, kahit laking gubat at walang nababatid kun di ang sariling wika, yaon may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri; yaon di nagpapaapi't di nakikiapi; yaong marunong magdamdam at marunong lumingap sa bayang tinubuan.
Paglaganap ng mga aral na ito at maningning na sumikat ang araw ng mahal na Kalayaan dito sa kaabaabang Sangkapuluan, at sabugan ng matamis niyang liwanag ang nangagkaisang magkakalahi't magkakapatid na ligayang walang katapusan, ang mga ginugol na buhay, pagud, at mga tiniis na kahirapa'y labis nang natumbasan.