Biyernes, Pebrero 14, 2014

Isang Aklat ng mga Tula Mula sa Laot: Isang Misyon

ISANG AKLAT NG MGA TULA MULA SA LAOT: Isang Misyon

Na-cremate na kahapon, Pebrero 12, si kasamang Tado. Kahapon din ang ika-13 anibersaryo ng paglilibing kay Ka Popoy Lagman, ang dati naming lider sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Pinanood ko sa telebisyon ang ilang balita kay Tado, pati na ang panawagang hustisya sa kanya at sa iba pang mga nasawi. Noong 1993 kami unang nagkakilala ni kasamang Tado.

Kahapon din ay in-upload ko sa blog ng Sanlakas ang kanilang pahayag mula sa facebook ni kasamang Aaron na siyang sec gen ng Sanlakas. Maganda ang pagkakasulat, lalo na nang binanggit ang misyon ni Tado na abutin ang 40 mountain peak para sa kanya sanang ika-40ng kaarawan. Na-inspired ako sa pangarap niyang iyon, bagamat di na niya iyon magagawa pa, dahil wala na siya.

Dahil dito, napukaw ang aking isip. Kailangang simulan ko rin ang matagal ko nang iniisip - ang makagawa ng aklat ng mga tula hinggil sa bawat sektor ng lipunan. Naisip kong unahin ang sektor ng mangingisda. Nais ko sa kanilang sumama sa laot, kahit isang linggo man sila roon upang ilarawan ang buhay nila sa laot, pati na mga kaakibat na isyung panlipunan na kaugnay ng kanilang gawain. Matapos ang mangingisda ay ang mga minero, o kaya, magsasaka. Marami na akong tula sa manggagawa at paggawa, na karamihan ay nailathala na sa aklat tulad ng libro kong "Taludtod at Makina", at "Bakal at Kalawang".

Nagawa ko na ang ganitong proyekto noon, ngunit batay sa isyu. Ang una'y noong 2008 nang makasama ako sa karabana ng Duyog Mindanao mula Nobyembre 20-30, 2008 at inilathala ko ang librong "Bigas, Hindi Bala, 56 Tula, Alay Para sa Kapayapaan sa Mindanao". At ang ikalawa ay noong 2012 nang makasama ako sa Mae Sot sa Thailand at sa Burma mula Setyembre 15-27, 2012, at inilathala ko ang aklat na "Paglalakbay sa Mae Sot: Katipunan ng 8 Sanaysay at 88 Tula".

Aalis ako ngayon, Pebrero 13, upang tumungo sa lalawigan upang mangumbinsi ng mga kamag-anak na mangingisda na isama nila ako sa payaw, o yaong malaking bangka, upang simulan ang misyong ito. Marahil ay limang dosenang tula o 60 hinggil sa buhay sa laot, at sasamahan ko na rin ng ilang sanaysay.

Paalam muna, Maynila, at aalis muna ako. Magsisimula na ako sa aking misyong ito at nawa'y magtagumpay akong magawa ang munting adhikaing ito.

- greg, 021314


Miyerkules, Pebrero 5, 2014

Basurang niresiklo

BASURANG NIRESIKLO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nasa litrato ang ginawa kong ashtray mula sa lata ng sardinas na di na kailangan ng abrelata kundi hihilahin na lang, ready to open, kaya eksakto ang gilid ng tinanggal na takip, hindi makakasugat. Kailangan pang balutan ng marka ng yosi bilang tanda na ashtray na ang dating lata ng sardinas.

Hindi ako naninigarilyo, ngunit nais kong huwag kumalat ang upos ng sigarilyo dahil kung saan-saan lang itinatapon ng nagyoyosi ang upos, lalo na sa loob ng opisina. Nakakatuwa dahil ang dapat binasurang lata ng sardinas ay nagamit pang muli.