LAHAT NG KATINIG SA ABAKADA AY MAAARING MAGAMIT SA TI_A
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Sa Palaisipan ni Jose Marie Gallego sa lingguhang magasing Liwayway na may petsang Agosto 3, 2015, pahina 46, may isang tanong doon na hindi ko agad nasagutan. Apat na titik, ngunit may himaton naman. May sagot na iyong tatlong titik at isang titik na lamang ang kulang upang mabuo ang buong palaisipan. Ang sukat ng nasabing palaisipan o krosword ay 15 x 15, o 15 kahon sa pahalang at sa pababa.
Sa 10-Pahalang, ang tanong ay 'Anino'. Ang nabuo nang sagot ay TI_A. Sa 12-Pababa, ang tanong ay 'Palayaw ng babae', at ang nabuong sagot a _IRA. Maraming palayaw ang babae na maaaring Cira (palayaw ng Ciera), Dira (palayaw ng Indira, tulad ng pangalan ni Gandhi), Lira (na tinutugtog) o Mira (apelyido ng nakalaban noon ni Pacquiao sa boksing). Hindi maaaring ang sagot sa 'Anino' ay CIRA, dahil di palasak gamitin ang titik C sa wikang Filipino, maliban sa mga pangalan ng tao, kaya walang TICA. Hindi rin maaari ang DIRA, dahil wala akong alam na salitang TIDA. Kung LIRA naman, ang sagot sa anino ay TILA na hindi tugma, at kung MIRA, ang sagot sa anino ay TIMA, na hindi rin tugma, at wala akong alam na salitang tima. Kaya ang ginawa ko'y kinuha ang isang diksyunaryo upang tingnan kung ano ang angkop na salita.
Hinanap ko ito sa UP Diksyunaryong Filipino, at nais kong tingnan lahat ng katinig na lalapat sa sagot. Sinimulan ko sa tiba, sumunod ay sa tida, hindi sa tika (sumusunod na kasi sa bagong alpabeto ang nasabing diksyunaryo kung saan kasama na ang c, f, j, q, v, at x na nasa wikang Ingles). Iba ang natagpuan ko. Halos lahat ng titik sa lumang abakada ay may salitang maaaring ilapat sa TI_A.
Ginamit ko ang lahat ng katinig ng lumang alpabeto o Abakada natin. Ibig sabihin ay labinlimang katinig - b, k, d, g, h, l, m, n, ng, p, r, s, t, w, at y. At lahat ay may salitang lalapat para sa TI_A. Halina't isa-isahin natin.
tiba - pagputol ng puno ng saging; pagtanggap ng malaking bayad, pabuya o panalo
tika - pagsisisi
tida - dilaw na sinulid, ayon sa mga Ifugao
tiga - kolokyal ng tiga-; tigas sa Sebuwano at Waray
tiha - Waray o Espanyol sa tisa
tila - pagtigil ng ulan; animo, mistula, wari
tima - maliit na insekto sa damit
tina - pangkulay sa tela, buhok, at iba pa
tinga - munting pagkaing sumingit sa pagitan ng mga ngipin
tipa - pagtugtog ng intrumentong may tiklado tulad ng piyano o paggamit ng kasangkapan upang makasulat tulad ng makinilya o kompyuter
tira - pamumuhay sa isang pook; naiwan o naitabi
tisa - ginagamit na pang-atip; sa bilyar naman ay pulbos na inilalagay sa dulo ng tako
tita - tiyahin, kapatid o pinsang babae ng ama o ina
tiwa - parasitikong bulate sa tiyan ng baboy
tiya - kapatid o pinsang babae ng ama o ina; tita
Ang isinagot ko sa 10 Pahalang ay TILA, dahil sa pagbabakasakaling mali ang tanong na 'Anino' na dapat ay 'Animo' na tutugma sa sagot. Sadyang nakatutulong ang palaisipan upang maisip ang mga hindi agad maisip, tulad ng paghahanap sa angkop na nawawalang titik sa TI_A.
Siyanga, nabili ko ang magasing Liwayway sa Quezon Blvd. sa Quiapo sa halagang P25.00, 52 pahina kasama ang pabalat. At pitong taon na lang, sa 2022, ay sentenaryo na nito.