Biyernes, Disyembre 22, 2017

Pagtatapos ng Paralegal Course on Labor (PASIMBA)

Nitong Disyembre 21, 2017 ay pormal na kaming nagtapos ng Paralegal Course on Labor sa pitong-buwang PASIMBA (Paralegal ng Simbahan, Manggagawa at Bayan), Batch 14, sa Caritas, Manila. Haharapin na ang 2018 na may panibagong papel na gagampanan. Hindi na bilang aktibista lamang kundi isang paralegal ng labor at urban poor. 

Mga Dapat Gawin: (1) Tapusin ang modyul hinggil sa Workers Right, paramihin kasabay ng modyul ng Karapatan sa Pabahay, at ituro sa mga manggagawa at maralita.

(2) Mag-training na sa paghahawak ng kaso sa labor. Maaaring makatulong sa SUPER Federation, Metro East Labor Federation, at sa pinagtapusan kong Archdiocesan Ministry for Labor Concerns (AMLC) sa Caritas, Manila.

(3) Rebyuhin ang lahat ng mga napag-aralan sa seven-months labor paralegal training.

(4) Magpatuloy sa paglilingkod sa uring manggagawa.

(5) Maghawak na ng kaso ng mga manggagawa.

Maraming salamat sa lahat ng mga tumulong at naging inspirasyon upang ako'y makatapos. Mabuhay kayo! Kita-kits next month, January 2018. 

Mapagpalayang Pasko at Manigong Bagong Taon sa inyong lahat!

- gregbituinjr.

Biyernes, Agosto 18, 2017

Dalawang tula ni Bituin na binasa sa Luneta

* Ang dalawang tulang narito ang kinatha at binasa ng makata sa Rizal Park Open Air Auditorium sa Maynila noong Agosto 18, 2017, araw ng Biyernes. Ang dalawang tula ay bahagi ng pagtatanghal na pinamagatang "Sariling Wika ang Siyang Magpapalaya".

Dalawang tula. Isa para sa mga kabataan, at ang isa ay para sa hindi na bata. Binasa ng makata ang A ispor Atis bilang anyo ng pagmamahal di lang sa sariling wika kundi sa pagkilala sa kultura ng ating bayan. 

Bago basahin ng makata ang ikalawang tula ay ipinakilala muna niya ang dakilang gurong si Teodoro Asedillo, na nauna pa kay Manuel Quezon sa pagtatanggol sa sariling wika. Ang unang tula ay nilikha noong Agosto 12, 2017, habang ang ikalawang tula ay nilikha na sa Luneta ng mismong araw ng pagtatanghal, Agosto 18, 2017.

A ispor Atis
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

A ispor Atis, ituro sa mga bata
B ispor Batis, gamit ang sariling wika
Aba'y kayrami nating magandang salita
Bakit nahuhumaling sa wikang banyaga

A ispor Atis, ito ang sariling atin
B ispor Batis, sariling wika'y gamitin
Aba'y di tayo lahi ng mga alipin
Kundi lahing bayaning pawang magigiting

A ispor Apol daw, aba'y huwag magmintis
Sariling wika'y huwag payagang matiris
Ng sinumang nangangayupapa sa Ingles
Padaluyin natin ito tulad ng batis

A ispor Atis, ituro sa paaralan
At lalaki silang kaagapay ng bayan



SARILING WIKA: ISAPUSO, ISADIWA, ISABUHAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

paano gagamitin ang sariling wika
kung nariyan ang globalisasyon, banyaga
kung naninibasik sa lipuna'y kuhila
sariling wika ba'y salita lang ng dukha?

halina't aralin natin ang kasaysayan
sa sariling wika'y sinong nakipaglaban
gurong si Asedillo'y nangunguna riyan
ipinagtanggol niya ang wika ng bayan

at makalipas ang ilang dekada't taon
naging Ama ng Wikang Pambansa si Quezon
si Asedillo'y nalimot ng henerasyon
nasaan na ba ang sariling wika ngayon

aral ni Asedillo'y huwag lilimutin
sariling wika'y dangal na dapat mahalin
kung kailangan buhay ay ialay natin
upang sariling wika'y sadyang patampukin

Martes, Mayo 30, 2017

Biyernes, Mayo 12, 2017

Naubusan na ng tinta ang mga gamit kong ballpen


Lahat ng damputin kong ballpen sa aking bag at sa aking tinutuluyan ay pulos mga wala nang tinta. Yung iba ay naubos ko sa kasasagot ng 4 na libro ng puzzle (2 sudoku at 2 fill-ins), habang iyong iba ay parang natuyuan na ng tinta. Mga pitong ballpen lahat. Dapat makabili ng limang ballpen agad, reserba yung iba. Paborito kong sulatin muna sa papel yung naiisip kong tula kaysa diretso sa computer. Kaya nakakainis ang pakiramdam pag nauubusan ng tinta ang ballpen ngunit wala ka agad maipalit. Tapos gabing-gabi ay maghahanap pa ng ballpen sa tindahan imbes na nagpapahinga na, habang nakatitig sa puzzle na hindi masagutan dahil walang ballpen.

Lunes, Abril 3, 2017

Kolektibismo sa Pagsulat ng Maikling Kwento at Nobela


KOLEKTIBISMO SA PAGSULAT NG MAIKLING KWENTO AT NOBELA 
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Walang iisang bida o walang iisang bayani. Lahat ng tao sa bawat panahon ay nag-aambag sa paglikha ng kasaysayan. Ganito ang nais kong konsepto ng paggawa ng maikling kwento, bago ko muna isipin ang pagnonobela.

Kailangan kasing patampukin sa kamalayan ng masa na hindi sila dapat maghanap ng manunubos o tagapagtanggol, kundi manalig sila sa kanilang sama-samang pagkilos.

Ito ang hamon ngayon sa mga bagong manunulat. Ito ang hamon sa mga nagsisikap na manunulat na tulad ko. 

Tumampok kasi sa maraming kwento't nobela, na naging serye pa man din sa mga magasin, ang istorya ng kabayanihan ng isang bida, na itinanghal na bayani ng masa, at paano niya nilabanan ang mga mang-aapi. Ngunit mag-isa lang siya. Sa mga kwentong ganito'y tila ipinupukaw sa kamalayan ng mambabasa na maghanap din sila ng tagapagtanggol na sasalba sa kanila, kaysa suriin nila ang kanilang kalagayan at gamitin nila ang kanilang sama-samang pagkilos upang gapiin ang kalaban.

Nariyan ang istorya nina Superman, Spiderman, Captain Barbell, Darna, Wonder Woman, at iba pa. Mga nilalang na may kakaibang kapangyarihan, na tanging sa mga kwentong piksyon lamang natin matutunghayan, pagkat walang ganito sa tunay na buhay.

Hindi ba maaaring itampok naman ang sama-samang pagkilos ng taumbayan? Na ang bawat isa sa kwento ay nag-ambag at nagtulong-tulong upang malutas ang suliranin? Na walang isang tao lang ang magaling kundi ang kolektibong pagkilos ng taumbayan? Subukan natin, at simulan natin.

Nang ilathala ko ang aklat kong "Ang Dalaga sa Bilibid Viejo, at iba pang kwento (Ang Una Kong Sampung Maikling Kwento)", karamihan ng kwento ay may isang bida. Ngunit napag-isip-isip kong maaari bang walang bida kundi lahat ng tauhan ay may papel na ginagampanan? Kolektibong papel sa mundong pinagsasamantalahan ng iilan?

Anti-bida, anti-kontrabida, pro-kolektibismo, pro-masa. Nagkakaisang lakas ng uring manggagawa. Lakas ng sambayanan. Sama-samang pagkilos ng taumbayan. Ganito na dapat ang maging konsepto ng mga bagong gagawing kwento at nobela, upang mas maipatagos natin sa masa na huwag na silang umasa na may darating pang tagapagligtas kundi ang kanilang mga sarili. Na dapat nilang asahan ang kanilang sariling lakas at sama-samang pagkilos. 

Tara, subukan nating magsulat ng kolektibong uri ng kwento.

Linggo, Marso 5, 2017

Pagtatanghal sa Luneta ng tulang "Ang Katawan ng Babae'y Hindi Makina"

* Ang sumusunod na tula ay binasa ng makata sa Rizal Park Open Air Auditorium sa Maynila noong ika-5 ng Marso 2016, araw ng Sabado. Ang tula ay kasama sa pagtatanghal na pinamagatang "Mga Awit at Tula para sa Kababaihan at Bayan" (Sa Pagdiriwan ng Buwan ng Kababaihan). Kinatha ang tula limang taon na ang nakararaan, noong ika-8 ng Marso 2011.

ANG KATAWAN NG BABAE'Y HINDI MAKINA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang katawan ng babae'y hindi makina
na kung kailan mo nais ay pwede siya
tanungin siya kung anumang iyong nasa
hingiin mong lagi ang pagsang-ayon niya

nais ba ng babae ang anak ng anak
na pag ayaw nya'y sasabayan mo ng upak
babae ba'y pagagapangin mo sa lusak
masunod ka lang kahit siya'y mapahamak

babae ang nakatatalos ng sarili
babae ang may alam kung anong mabuti
ramdam niya kung anong maaring mangyari
kaya pag-usapan kung ano ang maigi

huwag mong ituring na siya'y libangan lang
na sa libog mo, siya'y isang parausan
dapat karapatan ng babae'y igalang
siya ang mapagpasya sa kanyang katawan

8 Marso 2011