KOLEKTIBISMO SA PAGSULAT NG MAIKLING KWENTO AT NOBELA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Walang iisang bida o walang iisang bayani. Lahat ng tao sa bawat panahon ay nag-aambag sa paglikha ng kasaysayan. Ganito ang nais kong konsepto ng paggawa ng maikling kwento, bago ko muna isipin ang pagnonobela.
Kailangan kasing patampukin sa kamalayan ng masa na hindi sila dapat maghanap ng manunubos o tagapagtanggol, kundi manalig sila sa kanilang sama-samang pagkilos.
Ito ang hamon ngayon sa mga bagong manunulat. Ito ang hamon sa mga nagsisikap na manunulat na tulad ko.
Tumampok kasi sa maraming kwento't nobela, na naging serye pa man din sa mga magasin, ang istorya ng kabayanihan ng isang bida, na itinanghal na bayani ng masa, at paano niya nilabanan ang mga mang-aapi. Ngunit mag-isa lang siya. Sa mga kwentong ganito'y tila ipinupukaw sa kamalayan ng mambabasa na maghanap din sila ng tagapagtanggol na sasalba sa kanila, kaysa suriin nila ang kanilang kalagayan at gamitin nila ang kanilang sama-samang pagkilos upang gapiin ang kalaban.
Nariyan ang istorya nina Superman, Spiderman, Captain Barbell, Darna, Wonder Woman, at iba pa. Mga nilalang na may kakaibang kapangyarihan, na tanging sa mga kwentong piksyon lamang natin matutunghayan, pagkat walang ganito sa tunay na buhay.
Hindi ba maaaring itampok naman ang sama-samang pagkilos ng taumbayan? Na ang bawat isa sa kwento ay nag-ambag at nagtulong-tulong upang malutas ang suliranin? Na walang isang tao lang ang magaling kundi ang kolektibong pagkilos ng taumbayan? Subukan natin, at simulan natin.
Nang ilathala ko ang aklat kong "Ang Dalaga sa Bilibid Viejo, at iba pang kwento (Ang Una Kong Sampung Maikling Kwento)", karamihan ng kwento ay may isang bida. Ngunit napag-isip-isip kong maaari bang walang bida kundi lahat ng tauhan ay may papel na ginagampanan? Kolektibong papel sa mundong pinagsasamantalahan ng iilan?
Anti-bida, anti-kontrabida, pro-kolektibismo, pro-masa. Nagkakaisang lakas ng uring manggagawa. Lakas ng sambayanan. Sama-samang pagkilos ng taumbayan. Ganito na dapat ang maging konsepto ng mga bagong gagawing kwento at nobela, upang mas maipatagos natin sa masa na huwag na silang umasa na may darating pang tagapagligtas kundi ang kanilang mga sarili. Na dapat nilang asahan ang kanilang sariling lakas at sama-samang pagkilos.
Tara, subukan nating magsulat ng kolektibong uri ng kwento.