Sabado, Disyembre 14, 2019

Ang awiting "Isang Kahig, Isang Tuka"

ANG AWITING "ISANG KAHIG, ISANG TUKA"
Munting sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Inilarawan ng awiting "Isang Kahig, Isang Tuka" ni Freddie Aguilar ang buhay ng isang dukha. Halina't tunghayan natin ang awit:

Ako ay isang anak mahirap
Lagi na lang akong nagsusumikap
Ang buhay ko'y walang sigla
Puro na lang dusa
Paano na ngayon ang buhay ko

Sa akin ay walang tumatanggap
Mababa raw ang aking pinag-aralan
Grade one lang ang inabot ko
No read, no write pa ko
Paano na ngayon ang buhay ko

Koro:
Isang kahig, isang tuka
Ganyan kaming mga dukha
Isang kahig, isang tuka
Ganyan kaming mga dukha

Itinulad sa manok na isang kahig, isang tuka, ang buhay ng maralita. Gayuman, maganda ang liriko ng awit pagkat naglalarawan ng buhay. Siya'y anak-mahirap na laging nagsusumikap, subalit pulos dusa ang kanyang nararanasan. Walang tumanggap sa trabaho, dahil mababa ang pinag-aralan. Grade one lang ang inabot, gayong lagi siyang nagsusumikap. Tila patama naman ang liriko ng awiting "Doon Lang" ni Nonoy Zuñiga, nang simulan niya ang awitin sa:
"Kung natapos ko ang aking pag-aaral
Disin sana'y mayron na akong dangal..."

Siyang tunay. Sa panahong ito'y mas pinakikinggan ka pag ikaw ay may pinag-aralan, at mas pinahahalagahan ang pagkatao mo. Subalit kinikilala lang ba ang dangal kung ikaw ay may pinag-aralan? Igagalang ka lang ba dahil nakasuot ka ng barong o necktie?

Sabi nga ng isang tatay, hindi mo kasalanan ang ikaw ay maging mahirap. Kasalanan mo pag namatay kang mahirap. Kaya ang iba ay nagsusumikap makaahon sa kahirapan. Subalit hindi lahat ng mahirap ay nagnanais magbago ang buhay, tamad, palainom.

Sa totoo lang, ang kahirapan ay di lang dahil ipinanganak kang mahirap, kundi may mga nagpapahirap, may nag-aangkin ng yaman ng lipunan na dapat ay para sa lahat. Kailangan nating baguhin ang bulok na sistema ng lipunan. Maging aktibo tayo sa pagbabago ng ating kalagayan, at pagpawi ng pribadong pag-aaring dahilan ng kahirapan sa lipunan.

* Ang sanaysay na ito'y nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2019, p. 15.

Huwebes, Setyembre 12, 2019

Ang dalawang makatang nagngangalang Emily

ANG DALAWANG MAKATANG NAGNGANGALANG EMILY
Munting sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Nakabili ako ng aklat ng koleksyon ng mga tula ni Emily Bronte nitong Hunyo 7, 2019 sa Full Booked sa Cubao, sa halagang P80.00 lang, sa pag-aakalang ang nabili kong aklat ay ang sikat na si Emily Dickinson. Hindi pala siya iyon, kundi si Emily Bronte.

Kaya natuwa ako nang makita ko sa Book Sale sa panulukan ng Pedro Gil St., at Leon Guinto st. sa Malate, Maynila, ang aklat ng koleksyon ng mga tula ni Emily Dickinson noong Setyembre 8, 2019 sa halagang P85.00 lamang.

Dalawang Emily. Dalawang babae. Dalawang makata. Kapwa may koleksyon ng kani-kanyang mga tula. Ang isa ay mula sa Inglatera at ang isa naman ay mula sa Amerika. Punumpuno ng emosyon ang karamihan sa kanilang mga tula. Matalinghaga.

Si Emily Bronte ay makata at nobelistang nagsulat ng natatangi niyang nobelang Wuthering Heights. Ang kanyang kapatid na si Charlotte Bronte naman ang nagsulat ng nobelang Jane Eyre, at ang isa pa niyang kapatid, si Anne, ang nagsulat naman ng nobelang Agnes Grey.

Nalathala naman ang mga aklat ng tula ni Emily Dickinson mula nang siya'y mamatay. Ayon sa mga tala, nalathala ang wala pang dalawampung tula niya noong nabubuhay pa siya. At nang mamatay siya ay saka natagpuan ng kanyang kapatid na si Lavinia ang kanyang mga nakatagong maraming bulto ng tula.

Inilathala ng Penguin Classics ang koleksyon ng mga tula ni Emily Bronte sa aklat na The Night is Darkening Round Me, subalit walang pagtalakay sa buhay ng makata. Kaya kinailangan ko pang magsaliksik sa internet hinggil sa kanyang talambuhay

Inilathala naman ng Orion Publishing Group sa seryeng Everyman's Poetry ang koleksyon ng mga tula ni Emily Dickinson na ang kanyang pangalan ang mismong pamagat ng aklat. Umabot ng 20 pahina ang pagtalakay sa kanyang buhay, na tinilad sa apat na paksa: (a) Note on the Author and Editor; (b) Chronology of Dickinson's Life and Times; (c) Introduction; at (d) A Note on this Text.

Klasiko nang maituturing ang kanilang mga tula, at marahil ay matatagpuan na ang mga ito sa mga aklatan sa iba't ibang panig ng daigdig.

Sa panig ko naman, naging ugali ko nang mangolekta ng mga aklat ng mga tula ng iba't ibang makata, Filipino man o tagaibang bayan. Ito'y bilang pagsuporta sa kanilang mga tula at pagbibigay-pugay sa mga kapwa makata. 

Kaya bagamat di sapat ang salapi sa bulsa ay ibinili ko ng aklat, pagkat bihira nang matagpuan ang kanilang mga aklat sa ating bansa. Collectors' item ang mga ito, ika nga. Marahil sa internet na lang makikita ang mga likha nila, subalit ang magkaroon ka ng nalathalang aklat nila ay talaga namang kakaiba ang pakiramdam. Naamoy mo ang papel, at nadarama mo ang kanilang mga pangungusap, wala mang kuryente o internet. Kaya tiniyak kong madagdag sa aking lagakang aklat o munting aklatan ang mga hiyas ng diwa ng dalawang Emily.

Isinilang si Emily Bronte noong Hulyo 30, 1818 at namatay sa edad na 30 taon noong Disyembre 19, 1848. Isinilang naman si Emily Dickinson noong Disyembre 10, 1830 at namatay sa edad na 55 noong Mayo 15, 1886.

Sanggunian
aklat na Emily Dickinson, serye 38 ng Everynan's Poetry
https://www.poetryfoundation.org/poets/emily-bronte
https://www.poetryfoundation.org/poets/emily-dickinson
https://en.wikipedia.org/wiki/Emily_Bront%C3%AB
https://en.wikipedia.org/wiki/Emily_Dickinson





Biyernes, Mayo 3, 2019

Kwentong cabbage at ang wikang Filipino

KWENTONG CABBAGE AT ANG WIKANG FILIPINO
Maikling sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Inaamin ko, hindi ko kabisado ang ilang katawagan sa wkang Ingles. Ito marahil ay dahil wala ako sa Britanya o sa Amerika. Nasa Pilipinas ako na gamit ang sariling wika. Wikang tila binabalewala ng iba dahil mas nais pa nilang gamitin ang wikang Ingles, o wikang dayuhan, kahit may katumbas naman sa sariling wika.

Matagal nang nangyari ang kwentong ito, na nais kong balikan ngayon. Minsan, sa isang pulong, pinabili ako ng isang kasama, na mula sa ibang lalawigan, dahil kulang ng sahog ang kanyang iluluto. Nagpabili siya ng cabbage, akala ko imported na gulay. Para bang Baguio beans na nagmula sa Baguio o French beans na galing sa France o tanim ng mga Pranses, kaya ganoon ang tawag. Cabbage. Kasintunog ng pangalan ng matematikong si Charles Babbage.

Kaya sa palengke ay nagtanung-tanong ako ng cabbage. Kahit kaharap ko na ang iba pang gulay tulad ng okra, talong, talbos ng kamote, repolyo, kamatis, bawang, puso ng saging, at marami pang iba. Paikot-ikot ako sa palengke. Hanggang sa tanungin ako ng isang tindera. "Ano pong hanap nyo?" Sagot ko, "Cabbage po." Tanong niya, "Ilan po bang cabbage?" habang hawak ang repolyo.

Tangna! Repolyo lang pala iyon! Nakita ko na kanina pa ang repolyo, kasama ng singkamas, talong, sigarilyas at mani, sitaw, bataw, patani. Kaya nang bumalik ako sa pulong, sinabihan ko yung nagpabili, "Repolyo lang pala ang pinabibili mo, pinahirapan mo pa ako. Pa-cabbage-cabbage ka pa! Sana, sinabi mong repolyo ang pinabibili mo." Pilipino naman ang kausap ko, na pinagbigyan ko sa hiling niyang pakibili.

Isa pang kwento, na malaki ang agwat ng panahon sa unang kwento. Pinabili ako ng squash. Hindi ko rin alam kung ano iyon. Baka mapahiya muli ako sa aking sarili. Kaya dali-dali kong tiningnan sa diksyunaryo. Tangna muli! Kalabasa lang pala. Ang problema, ini-Ingles pa kasi.

Naalala ko lang uli ang kwentong itong nangyari mahigit dalawang dekada na ang nakararaan. Dahil paalis si Misis pauwi sa kanila upang doon bumoto. Ibinilin niya sa akin ang laman ng ref, na mga gulay na pwede kong kainin habang nasa lalawigan siya. Ayon sa kanya, "Mayroong cucumber, egg plant, at french beans sa ref". Yaong dalawa, mukhang imported na gulay dahil Ingles, habang ang egg plant, na talong, ay madali kong naunawaan. Iyon pala, pipino ang cucumber at yung french beans ay kibal o malinggit na sitaw. Yaong sitaw naman ay string beans sa Ingles.

Bakit hindi natin salitain ang sarili nating salita, hindi yung pa-Ingles-Ingles pa. Talong lang, sasabihin pang eggplant. Nasa ibang bansa ba tayo? Pipino lang, sasabihin pang cucumber. Repolyo, sasabihin pang cabbage! Mababang uri na ba ng tao ang nagsasalita ng wikang Filipino? Wikang bakya ba ang wikang Filipino? Wikang pangkatulong lang ba o wikang alipin ang wikang Filipino?

Ang problema sa ating bansa, dahil sa impluwensya ng mga Kano, mahilig inglesin ang mga katawagan, habang hindi ginagamit ang ating mga taal na salita. Kaya nagkakaroon ng kalituhan. Kailangan ko yatang bumalik sa Grade 4 upang matuto muling mag-Ingles, at maulit ang karanasan ko noong Grade 4 kami. Bawal magsalita sa wikang Filipino, dahil pagbabayarin ka ng guro mo. May multa, ika nga. Noong panahong iyon ay malaki pa ang halaga ng piso. Pag pinabili nga ako ng dalawang pisong pandesal, dalawampu at malalaki ang laman.

Gaano nga ba natin pinahahalagahan ang ating sariling wika? Mismong sarili nating wika ay hindi natin alam. O ayaw nating alamin at gamitin. Malala na, grabe na itong nangyayari sa atin. Na-impluwensyahan ng mga konyo, na akala'y Ingles ang wika ng mayaman, ng sosyal, ng mga sikat na personalidad sa lipunan. At pag nagsalita ka ng wikang Filipino sa bansang Pilipinas ay mababa na ang uri mo.

Hindi mababa ang uri ng nagsasalita ng wikang Filipino. Ito ay wika natin sa ating bansa. Kaya sana ay pahalagahan natin. Huwag sana tayong mahirati sa wika ng dayuhan.

Linggo, Abril 7, 2019

Paano ba lulutasin ang problema sa nagkalat na upos ng sigarilyo?

PAANO BA LULUTASIN ANG PROBLEMA SA NAGKALAT NA UPOS NG SIGARILYO?
Sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ilang taon na ang nakararaan nang gumawa ako ng mga ash tray mula sa lata ng sardinas. At nilagyan ko pa iyon ng mga paalala, tulad ng "Dito po ilagay ang upos ng yosi". At ikinalat ko sa facebook.
Mga litratong kuha noong Pebrero 5, 2014
Patuloy pa rin akong gumagawa ng mga ash tray na lata ng sardinas at nilalagyan ko ng paalala, at ipinamamahagi ko sa mga kilala kong opisina upang doon ilagay ang kanilang upos, at kung may panahon ako ay balikan iyon upang kunin at ilagay sa bote ang mga natipong upos.
Master, dito po ang lagayan ng upos at abo. Kuha noong Enero 20, 2016
555, dito po ang lagayan ng upos at abo. Century ashtray po ako. Kuha noong Enero 20, 2016
May mga nagawa rin akong tula hinggil sa mga upos ng sigarilyo. Halimbawa na lamang ang isang litratong kuha ko na ginawang lagayan ng upos ang paso ng halaman, at sa mismong litrato ay doon ko inilagay ang tula.
litrato't tulang nilikha noong 2/26/2016
Nang inilagay ko sa facebook ang litrato ng mga delatang walang laman at ginawa kong ash tray na may nakasulat na "Dito po ilagay ang upos ng yosi", may nagkomento agad na "Don't smoke" o "No to smoking", di ko matandaan ang eksakto, pero ganyan ang mensahe. Sa palagay ko'y di nakuha ng nakabasa noon na hindi naman agad tungkol sa paninigarilyo ang paalalang iyon, kundi saan dapat itapon ang upos.
Tulang kinatha noong Mayo 31, 2014
Naisip kong magtipon ng maraming delatang walang laman at lagyan iyon ng paalalang gawin iyong ash tray, habang gagawin ko naman ay titipunin iyon upang ilagay ang mga upos sa mga lalagyang bote. Ito'y paraan upang hindi madagdagan ang mga upos na nagkalat sa kapaligiran. Habang maraming naninigarilyo, maraming upos ang itinatapon. Habang maraming upos, kung saan-saan naman ito itinatapon. Ang nakababahala ay ang balitang isa sa napakaraming basura sa dagat, bukod sa mga plastik, ay ang upos ng sigarilyo.

May mga nagsasabi nga sa akin na mas tamang kampanya ay ang "Bawal Manigarilyo" o kaya ay "Huwag Manigarilyo Dahil Masama Ito sa Kalusugan", tulad ng inilalagay ngayong larawan ng mga sakit na epekto ng paninigarilyo sa mga kaha ng sigarilyo.

Ngunit sa ganang akin, nakababahala ang mga ulat na ang upos ng sigarilyo ang isa sa pinakamaraming basurang nagkalat sa karagatan. Ayon sa ulat, ang upos ng sigarilyo ang ikatlo sa mga klase ng basurang palutang-lutang sa dagat. Nangunguna ang single-used plastic, o yaong mga plastik na isang beses lang gamitin ay itinatapon na. Ikatlo ang upos. Kinakain ng mga isda ang mga basurang nagkalat sa dagat, at kinakain naman natin ang mga nahuhuling isda. Wala ba tayong budhi na pinababayaan nating maglipana sa karagatan ang mga upos ng sigarilyo? Hindi ba natin naiisip ang ating kalusugan, ang kalusugan ng ating mga mahal sa buhay, ang kalusugan ng ating kapwa, ang kalusugan ng mga susunod pang henerasyon?
tulang nilikha noong Abril 4, 2019
Hindi pa ito usapin ng paninigarilyo, ha? Usapin ito ng naglipanang upos ng sigarilyo, mga basura, sa iba't ibang dumpsite at sa karagatan. Kaya anong dapat nating gawin? Hindi na sapat ang mangampanya tayong huwag manigarilyo. Dahil kahit anong kampanya natin, marami pa rin ang patuloy na naninigarilyo. Ang usapin ngayon, naglipana ang tambak-tambak na upos ng sigarilyo sa ating kapaligiran. Hahayaan na lang ba natin ito?

Ginawa kong personal na kampanya ang paglalagay ng upos sa mga bote, upang mapagtanto ng mga nagyoyosi na marami silang basurang upos na ikinakalat sa dagat, kahit hindi nila direktang itinatapon ito sa dagat.
tulang nilkha noong Abril 2, 2019
Marami nang gumagawa ng ecobrick, at patuloy pa rin kaming mag-asawa sa paggawa ng ecobrick at pagtuturo nito sa iba upang mas marami pa ang magtulong-tulong masolusyunan ang problema sa plastik. Bagamat pansamantalang solusyon lamang sa naglipanang plastik ang paggawa ng ekobrik.

Mas nais kong pagtuunan bilang ekstrang gawain ang paglalagay ng mga natipon kong upos sa mga bote, at gawin itong ekobrik din. Di nga lang plastik ang nakalagay kundi upos ng sigarilyo na yari naman sa papel at hibla ng kung anong uri ng materyal. Sa ganitong paraan, sa aking personal na pakiramdam, ay nakatulong din kahit bahagya upang hindi mapunta sa karagatan ang mga upos, at maikulong ang mga ito sa bote na maaaring gawing ekobrik.
Kuha nitong Enero 24, 2019
Ang mailalaman sa isang bote, halimbawa sa bote ng mineral water na 1000 ml o isang litro marahil ay apat na raan o limang daang upos. Malaking bagay na ito upang hindi mapunta sa dumpsite o sa dagat ang mga upos na iyon, at maikulong natin sa bote. Malaking tulong upang mas mapaliit natin ang tsansang lumutang-lutang sa dagat ang mga basurang upos at kainin ito ng mga isda.

Kung may nagsasabing "Ayoko ng plastik", ano namang gagawin sa mga kasalukuyang naglipanang plastik? Pababayaan na lang ba dahil ayaw natin sa plastik? O baka ilan lang ang ayaw, at yung may ayaw pa ay hindi kumikilos upang masolusyunan ang problema sa plastik.

Kaya ang mabuti pa, tumulong ka na lang sa munting kampanyang ito. Bakasakaling sa paisa-isa ay makabawas tayo ng kalat na upos sa ating kapaligiran.

May mga sinulat akong mga puna rin sa mga nagyoyosi, mga sanaysay hinggil sa paninigarilyo. Iyong iba ay tungkol sa kalusugan, tungkol sa panindi ng yosi, habang ang iba'y hinggil sa nagkalat na upos sa lansangan. Marami rin akong nilikhang tula hinggil sa mga nasabing paksa. Ang mahalaga'y mapuna sila, bakasakaling makinig at hindi na sila magyosi, at wala nang magkalat ng upos sa kung saan-saan.
Nilikha noong Agosto 17, 2017
Narito ang ilang tulang ginawa ko para sa kampanyang ito:

PAHIRAM NG PANINDI NG YOSI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Ilan sa mga nakilala ko
Ay kayhilig na manigarilyo
Ngunit ugali ng mga ito
Ay ang panghihiram ng posporo

O anumang pwedeng ipansindi
Sa yosi nilang nasa daliri
Tila sila hindi mapakali
Pag hindi nakahitit ang labi.

Bahagi ba ng pakikisama
Kung sakaling pahiramin siya?
O ito’y isang pang-aabala
Doon sa mga katabi niya.

Nakakabili ng sigarilyo
Ngunit walang panindi sa bisyo
Wala ba siyang dalawang piso
Para makabili ng posporo?

Sundalong kanin ang tulad niya
May baril nga, ngunit walang bala.
At kung manunulat ang kapara
May bolpen nga, ngunit walang tinta.

O kaya’y tsuper na papasada
May dyip ngunit walang gasolina
Kung mahilig kang maghitit-buga
Aba, panindi mo’y bumili ka.

Sa buhay, dapat lagi kang handa
Kung nais mong ikaw’y may mapala
Magsusunog na nga lang ng baga
Sarili namang panindi’y wala.

Magkaminsan, ako’y nagtataka
Pagbibisyo nama’y kayang-kaya
O baka ang sigarilyo nila
Ang tawag ay “tatak-hingi” pala.

- 08/02/2008 

AANHIN PA ANG YOSI KUNG MAYROON KANG TIBI?

aanhin pa ang yosi
kung mayroon kang tibi?

di ka ba mapakali
sa iyong pagka-busy?

di ka kaya magsisi
at baga’y winawaksi?

ano bang aking paki
sa mga nagyoyosi?

aba’y sige lang, sige
pagsisisi’y sa huli

- gregbituinjr.
2/29/16

TIGILAN NA ANG YOSI

aanhin pa ba iyang yosi
kung panindi'y di makabili
lagi nang yosi'y tatak-HINGI
hinirama'y di makahindi

tigil na't nakasusulasok
ano pa ba ang sinusubok
ang baga mo na'y binubukbok
ng di na masawatang usok

- gregbituinjr.
2/29/16

BINIBILI KO ANG USOK NA PARANG GINTO

binibili ko ang usok na parang ginto
habang habol ang hininga kong napapaso
ang nadarama'y lalamunang tuyong-tuyo
na yosi pala iyang sa akin tatanso

sayang ang pera ko sa pagbili ng usok
gayong libre lang ang sakit.kong maglulugmok
bisyong iyan ay paano ko nalulunok
habang binubuga ang nakasusulasok

tila sa baga ko ako na'y nagtataksil
pati lalamunan ko'y aking sinisiil
katawan ko'y unti-unti kong kinikitil
ang mabaho kong bisyo'y may dalang hilahil

isang tasang kanin o tatlong sigarilyo
hihithitin ko o isang ulam na prito
sa yosi'y ayokong sayangin ang pera ko
ibibili na lang ng sangkaterbang libro

- gregbituinjr.
11/8/18

AKO'Y NAUUPOS

ako'y nauupos sa dami ng upos ng yosi
naglalakad ako'y nagkalat sa daan, kayrami
tapon doon, tapon dito, sila na'y nahirati
ang ating pamahalaan ba'y anong masasabi?

ako'y nauupos sa laksang nagkalat na upos
wala bang lagakan ng abo, sa ash tray ba'y kapos?
latang walang laman, bakit di gamitin nang lubos?
nang mga upos na ito'y ating maisaayos

nakakaupos ang naglipanang upos sa dagat
pagkat kayraming isda ang sa upos nabubundat
ikatlo raw na basura ang upos na nagkalat
paanong sa pagtapon nito tao'y maaawat?

sa nagkalat na upos, anong dapat nating gawin?
ito bang kalikasan ay paano sasagipin?
huwag hayaang upos ay lulutang-lutang pa rin
sa dagat nang kalikasa't isda'y masagip natin

- gregbituinjr.
4/4/19

KINALABOSONG UPOS

Kita nyo bang sa dagat, mga upos na'y nagkalat?
Ikatlo raw ito sa laksang basura sa dagat
Naisip nyo bang sa upos, mga isda'y bubundat?
At pagkamatay nila sa upos sa budhi'y sumbat

Lagi nating isipin ang buti nitong daigdig
Ang dagat na'y nasaktan, pati pusong pumipintig
Basurang nagkalat sa kalamnan niya'y yumanig
O, dapat itong wakasan, tayo'y magkapitbisig

Simulan nating sagipin ang ating karagatan
O kaya'y mag-umpisa sa ating mga tahanan
Naglipanang upos ay gawan natin ng paraan
Gumising na't magsikilos para sa kalikasan

Upos ay kinulong ko sa bote bilang simula
Pag dagat ay pulos upos, mga isda'y kawawa
Oo, ito'y pagkain, aakalain ng isda
Sumpa iyang upos sa dagat, problemang kaylubha

-gregbituinjr.
4/7/19

HALINA'T MAG-YOSIBRIK

di ka pa ba naiinis sa naglipanang upos
sa basurahan, daan, dagat, di maubos-ubos
tila ba sa ating likuran, ito'y umuulos
upos sa kapaligiran, animo'y umaagos

sa nangyayari'y dapat may gawin, tayo'y umimik
tipunin ang mga upos, gawing parang ECOBRICK
sa boteng plastik ay ipasok at ating isiksik
ang boteng siksik sa upos ay tawaging YOSIBRIK

kailangang may gawin sa upos na naglipana
sa dagat kasi'y upos na ang pangatlong basura
di ba't dahil sa upos, may namatay na balyena
imakalang pagkain ang itinapong basura

madawag na ang lungsod, sa upos ay nabubundat
naninigarilyo kasi'y walang kaingat-ingat
pansamantalang tugon sa upos na walang puknat
ay gawing yosibrik ang mga upos na nagkalat

- gregbituinjr.

4.3.19