Linggo, Hunyo 28, 2020

Maikling kwento: Paghuli sa mga tinuturing na pasaway

PAGHULI SA MGA TINUTURING NA PASAWAY
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

"Galing lang ako sa botika upang bumili ng facemask, pero ubos na raw at walang stock. Kaya umuwi na ako. Sa paglalakad ay bigla na lang akong hinuli at pinalo ng yantok ng pulis. Pasaway daw ako at hindi sumusunod, dahil wala raw akong suot na facemask." Ito ang kwento ni Ka Kiko sa ilan pang nakakulong sa presintong iyon.

"Halos ganyan din ang nangyari sa akin. Wala rin akong mabilhan. Tapos sabi nila, dapat social distancing. Sinunod ko iyon. Pero silang mga alagad ng batas ang hindi sumusunod, dahil mismong dito sa kulungan ay walang social distancing. Para tayong sardinas dito." Ito naman ang sabi ni Efren na nakilala ni Ka Kiko sa loob.

Tahimik lang na nakikinig si Ka Dodong sa kanilang usapan. Subalit siya'y natanong. "Ikaw naman, anong kwento mo?"

Ayaw sana niyang sumabat sa usapan, ngunit nais na rin niyang ikwento ang nangyari sa kanya. Aniya, "May facemask ako, subalit wala akong quarantine pass. Taga-Malabon ako subalit nais kong bumili ng isda sa Navotas. Hinuli ako't ikinulong. Di pa alam ng pamilya ko ang nangyari sa akin."

Matitindi na ang mga usapan sa piitang iyon. Ikinulong sila sa salang walang suot na facemask, walang quarantine pass, at mga pasaway daw sila.

Sumabat naman si Ka Lito na isang manggagawa. Ang kwento niya, bilang lider-manggagawa, hindi niya kinakalimutan ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa na sumasapit tuwing unang araw ng Mayo. Tiniyak nilang may social distancing at sila’y nagpahayag sa social media ng mga panawagang tulad ng Free Mass Testing Now! na nakasulat sa kanilang plakard. Ayon pa sa kanya, walang masama roon dahil "Taon-taon naman ay ipinagdiriwang namin ang Mayo Uno. Ganoon din ngayon, na naka-facemask kami, nag-alkohol, at nag-social distancing, ngunit hinuli pa rin."

Sumabat uli si Ka Kiko, "Ano bang maaasahan natin sa ganitong gobyernong walang pakundangan sa karapatang pantao. Iyon ngang sundalong si Winston Ragos na sinita ng limang pulis ay pinaslang ng pulis, na may sayad din yata, dahil walang facemask. Meron pang batang pinalo ng yantok ng pulis dahil walang facemask. May hinuli ring twalya, imbes facemask, ang isinuot. Paano na ang due process at karapatang pantao?”

Narinig sila ng pulis na nagba-bantay sa kanila. "Mga pasaway kasi kayo, kaya dapat kayong hulihin." 

Sinagot tuloy ni Ka Kiko ang pulis na bantay. "Paano kami naging pasaway? Naubusan nga ng facemask sa botika, pasaway?"

"Mas pasaway kayong mga pulis. Sabi ninyo, dapat social distancing, pero dito sa kulungan, naka-social distancing ba kami? Ang hepe nyo ngang si Debold Sinas, nakapag-manyanita pa. Nagkasayahan nang hindi naman nag-social distancing. Tapos, di nakasuhan. Basta pulis, lusot sa kaso kahit lumabag." Dagdag naman ni Efren.

Maya-maya, nakita rin ng mga kamag-anak ni Ka Dodong ang kanyang kinaroroonan. Akala nila'y tuluyang nawala ang kanilang ama. Ayon sa isang dating bilanggong pulitikal, isa itong kaso ng desaparesido dahil sapilitang siyang iwinala, at si Ka Dodong ay resurfaced pagkat muling nakita.

Ilang araw naman ang lumipas, dumating na ang abugadong sumaklolo kay Ka Lito. Laya na siya. Subalit paano ang ibang walang abugado?

Ang sabi ni Atty. Juan sa mga nabilanggo, "Hindi kayo mga pasaway, dahil ang palpak ay ang plano sa kwarantinang ito. Dapat maging makatao. Kung wala kayong facemask, bakit kayo ikukulong? Ang dali-dali, magbigay lang sila ng facemask, wala na sanang problema. Ang problema, imbes na mga doktor o kaya’y mga espesyalista sa karamdaman ang manguna sa pagbaka sa coronavirus na ito, bakit pulis at militar ang nangunguna? Anong malay ng mga iyan sa problema sa kalusugan? Ang dapat, serbisyong medikal, hindi militar. Checkup at hindi checkpoint. Kung walang facemask, dapat magbigay ng facemask. Tulong, hindi kulong. Paana lang kung maipasa ang Anti-Terror Bill? Baka mas tumindi pa ang mga paglabag sa karapatang pantao..."

Bukod sa mga bilanggo, medyo naliwanagan din ang ilang pulis. Humingi ng pasensya. "Sumusunod lang naman kami sa utos mula sa itaas. Sabi nga ni Presidente, shoot them dead laban sa mga pasaway. Mabait pa kami dahil hindi namin kayo pinatay. Sumusunod lang po kami sa utos."

Napailing na lang ang mga bilanggo at ang abugado sa palsong paliwanag ng pulis. 

Bago umalis kasama ng abugado, isinigaw ni Ka Lito, "Karapatang pantao, ipaglaban! Free mass testing now!" na ikinagulat man ng mga naroon ay hinayaan na lang silang makaalis.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 16-30, 2020, pahina 18-19.

Biyernes, Hunyo 19, 2020

Sanaysay sa Taliba: ANG KASONG LIBELO

SERYE NG BATAS AT KARAPATAN
Ang kasong libelo 
Maikling sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Natatandaan ko noong ako pa’y editor ng pahayagang pangkampus na upang maging matagumpay ang kasong libelong isasampa sa iyo ay dapat may apat na batayan, at may daglat itong PIDM. Publication - paglathala; Identification - Pagkilala o pagtukoy; Defamation - Paninirang puri; at Malice - malisya. Pag wala ang isa man sa apat na ito ay hindi magiging hinog ang kasong libelo. Halimbawa, sa isang blind item, may presensya ng tatlo pero hindi tinukoy ang pangalan, hindi ito magiging matagumpay na kasong libelo, dahil kulang ng isa.

Gayunman, mas dapat din nating aralin ang batas sa libelo upang makaiwas tayong makasuhan sa isang sinulat nating di natin mapanindigan, o di natin mapatunayan sa harap ng hukuman.

Ayon sa Artikulo 353 ng Philippines Revised Penal Code, ang kahulugan ng libelo ay “a public and malicious imputation of a crime, or of a vice or defect, real or imaginary, or any act, omission, condition, status or circumstance tending to cause dishonor, discredit or contempt of a natural or juridical person, or to blacken the memory of one who is dead.”

Sa simpleng sabi, pag may paninirang puri kang inilathala, maaari kang sampahan ng kasong libelo. Pagkat hindi garantiya ang kalayaang magpahayag. Ang pinaka-epektibong depensa rito ay ang katotohanan, at kaya mong idepensa ang iyong ulat ng mga katibayan, tulad ng preponderous evidence at testimonial evidence.

Dapat nauunawaan natin ito lalo na’t ginagawa natin ang ating pahayagang Taliba ng Maralita. Kaya may nagsusulat ng mga salitang “diumano”, “ayon sa saksi”, o sa Ingles ay “alleged”, at iba pa.

Paano maiiwasang makasuhan ng libelo? Ano ang dapat nating gawin pag tayo’y nakasuhan nito? Di sapat ang dapat handa tayong makasuhan ng libelo. Ang malaki riyan ay magkano ang piyansa, na di lang libo kundi milyong piso, lalo na’t ang nagsakdal ay mayaman at kilalang tao.

Sa susunod na isyu, pag-usapan naman natin ang isyu at batas hinggil sa cyberlibel.

* Ang artikulong ito'y unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hulyo 16-30, 2020, pahina 2.

Huwebes, Hunyo 18, 2020

Karahasan at paglabag sa karapatang pantao sa panahon ng kwarantina

KARAHASAN AT PAGLABAG SA KARAPATANG PANTAO SA PANAHON NG KWARANTINA 
Saliksik ni Greg Bituin Jr.

Balitang-balita ang maraming paglabag sa karapatang pantao nang magsimula na ang lockdown o community quarantine noong kalagitnaan ng Marso 2020 dahil sa pananalasa ng COVID-19. Dapat daw, lahat ay may facemask, mag-alkokol, Stay-at-Home, mag-social distancing, atbp. upang maiwasan ang sakit na COVID-19. Habang ang marami'y nananawagan noon ng Free Mass Testing, at ayuda.

Subalit maraming paglabag sa karapatang pantao ang naganap, dahil mga pasaway daw ang mga nagtinda upang di magutom ang pamilya, hinambalos ng yantok, binugbog, sinaktan, kinulong, at ang pinakamatindi’y ang pagpatay. Ano pa bang aasahan natin kung sinabi mismo ng pangulo na “Shoot them dead!” sa sinumang lumalabag sa polisiya sa kwarantina? Tulad ng tokhang, karahasan ang mga naganap.

Kawawa ang inabot ng mga walang facemask, pulos maralita ang mga hinuli’t ikinulong. Habang ang mga sikat at kampi ni Duterte ay nakakalaya sa kabila ng mga paglabag din sa polisiya ng kwarantina. Sikat sa social media ang pagkakaligtas, sa kabila ng paglabag, nina Senador Koko Pimentel, Mocha Uson, Debold Suñas, at marami pang iba.  

Kitang-kita ang tunggalian ng uri sa kasalukuyan. Tunay ang sinabi sa kantang Tatsulok: “At ang hustisya ay para lang sa mayaman.” At kita ito ng mga maralitang galit na sa nangyayaring inhustisya sa lipunan.

Nasaan na ang due process? Sa panahon ng tokhang nga’y walang due process, hahanapin pa ba natin ito sa ngayon? Oo. Sapagkat ito ang nararapat. 

Sunod-sunod ang mga vendor na hinuli dahil gutom sila’t nais kumita upang mapakain ang pamilya. May 13-anyos na pinalo umano ng yantok ng pulis. Si Ka Dodong na taga-Navotas, na hinuli’t muntik maging isang desaparesido, dahil walang quarantine pass. May magsasakang namatay dahil tinanggihan ng anim na ospital. Pinaslang ang sundalong si Winston Ragos, gayong limang pulis ang naroroon. May war shock umano ang sundalo, ngunit tila may topak din ang pulis na bumaril sa kanya. Pati manggagawang nagdiwang ng Mayo Uno ay dinakip din at ilang araw namalagi sa kulungan.

Ayon kay Mayor Joy Belmonte ng Quezon City, pag walang facemask sa QC, 6 na buwang kulong at P50K na multa. Anong klase ang ganitong pinuno, na imbes bigyan ng facemask ang walang facemask ay ikukulong pa?

Nakaparaming karahasan, na imbes tutukan ang COVID-19, ay pulos tapang at pananakit ang nararanasan ng mamamayan. Ganito nga ba ang pamahalaang pinamumunuan ng matapang na mamamatay-tao, at nagsabing una sana siyang nanggahasa sa isang babaeng Australianang pinaslang.

* Unang nalathala ang artikulong ito sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 1-15, 2020, pahina 10-11.

Linggo, Hunyo 14, 2020

Ang pagkamatay ni George Floyd na naging mitsa ng protesta sa US

Ang pagkamatay ni George Floyd na naging mitsa ng protesta sa US
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Black Lives Matter. Muling nabuo ang malaking protesta ng mga Itim sa Amerika bunsod ng pagkamatay ni George Floyd. Hindi ito tulad sa Pilipinas, na di pa agad masabing Brown Lives Matter, dahil Pilipino rin ang pumapatay sa kapwa Pilipino sa mga nagaganap sa salvaging o E.J.K (Extra-Judicial Killings) sa bansa.

Si George Floyd ay isang Egoy (Amerikanong Negro) na nakita sa video at litrato na nakadapa sa gilid ng isang police car, pinosasan ang mga kamay sa likod at dinaganan ng tuhod ng pulis na Puti ang kanyang leeg. Ang pulis, si Derek Chauvin, at tatlo pang pulis, ang umaresto kay Floyd, dahil diumano sa pekeng pera. Nangyari iyon sa Minneapolis noong Mayo 26, 2020.

"I can't breathe! (Hindi ako makahinga!)" ang paulit-ulit niyang sinasabi. Namatay siya sa kalaunan.

Kinabukasan ay sinibak agad ang apat na pulis. Ayon sa awtopsiya, homicide ang ikinamatay ni Floyd. Sa madaling salita, namatay siya sa kamay ng pulis na si Chauvin. Kinasuhan si Chauvin ng third-degree murder at second-degree manslaughter.

Dahil sa nangyari, nagkaroon ng malawakang protesta sa pagkamatay ni Floyd, at laban sa karahasan ng mga pulis na Puti laban sa mga Egoy, sa iba't ibang lugar ng Amerika, maging sa ibang panig ng mundo.

Bago iyon, bumili si George Floyd ng kaha ng sigarilyo sa Cup Foods sa Minneapolis, at nagbayad ng $20. Nang makaalis na siya pasakay ng kanyang SUV, tumawag ng pulis ang may-ari ng Cup Foods sa hinalang peke ang perang ibinayad ni Floyd. Kaya dumating ang mga pulis at inaresto si Floyd.

Sa ating bansa, marami nang pinatay ang mga pulis sa War in Drugs. Ang nangyari kay Kian Delos Santos, kung ikukumpara kay Floyd, ay nagpaputok din ng maraming protesta para sa hustisya.

Kung nagalit ang mga tao sa pagpatay na iyon ng pulis, na mitsa ng libu-libong protesta, sa ating bansa naman, sa takot pagbintangang kumakampi sa adik, ang kawalang proseso at kawalang katarungan ay tila binabalewala. Ayaw lumabas sa kalsada, ayaw iprotesta ang mga mali.

Dapat kumilos din tayo laban sa inhustisya. Dapat kumilos din tayo laban sa kawalang paggalang sa due process at karapatang pantao.

Nakagawa man ng pagkakamali si George Floyd, hindi siya dapat namatay, o "di-sinasadyang" pinatay. Isa siya ngayong inspirasyon sa pakikibaka laban sa racismo, karahasan ng mga Puti laban sa mga Itim, at laban sa police brutality.

Sa ating bansa, kung napanood natin ang dokumentaryong "On the President's Order", isa itong dokumentaryo sa War on Drugs at panayam sa mga totoong pulis at totoong pamilya ng biktima ng pagpaslang.

Ang pakikibaka para sa hustisyang panlipunan ay ipinakita sa pagkamatay ni George Floyd sa Amerika, habang si Kian delos Santos naman, bilang naging kinatawan ng iba pang pinaslang. Kung maisasabatas pa sa ating bansa ang Terror Bill, baka mas lalong umabuso ang mga nasa kapangyarihang nang wala pang Terror Bill ay marami nang pinaslang nang walang paggalang sa due process.

Nawa'y makamtan ng mga biktima ng pamamaslang ang hustisya!

* Ang artikulong ito'y unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal ng publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 1-15, 2020, pahina 18-19.