Martes, Disyembre 29, 2020

Maikling Kwento: Pangangaroling

PANGANGAROLING
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

"Tay, marami na namang mangangaroling ngayon kasi malapit na po ang Pasko. Nais kong sumama sa mga kaibigan ko sa pangangaroling." Ito ang sabi ni Utoy sa kanyang ama minsang pauwi na sila galing sa pamamalengke.

"Alam mo, anak, nakikita ko nga na kahit sa mga dyip pag papasok ako sa trabaho ay marami nang nangangaroling. Tutugtog ng dala nilang tambol, kasama ang anak na nakatali ng balabal nila sa balikat, aawit ng pamasko, at hihingi ng limos. Hindi na iyon ang nakagisnan kong Pasko."

"Bakit po, Tay?"

"Kasi, sa amin noon, pupunta kami sa bahay-bahay na parang manghaharana. Barkadahan kami, nakasuot ng disente, at pagtapat sa bahay ng kakilala namin ay aawit kami ng kantang 'Sa may bahay'. Natutuwa naman ang inaawitan namin kaya nagbibigay sila ng malaki-laking halaga bilang pakikiisa sa diwa ng kapaskuhan. Ibang-iba ngayon, anak, na kaya ka lang namamasko ay dahil hirap ka sa buhay. Tulad ng nakikita ko pag papasok ako at uuwi galing sa trabaho. Hindi gayon ang nais kong pasko, bagamat para sa kanila, malimusan lang sila ay malaking bagay na dahil nagugutom ang kanilang pamilya. Kung sasama kang mngaroling, dapat hindi ka mukhang namamalimos. Anak, ang diwa ng kapaskuhan ay pagbibigayan, pagmamahalan, hindi pamamalimos. Bagamat hindi naman masamang manlimos. Masama lang tingnan."

"Ano po ba, 'Tay, ang dapat naming gawin pag mangangaroling. Baka pag maganda ang suot namin, sabihin sa amin, patawad. Baka hindi pa maniwala na namamasko kami."

"Mamasko ka, anak, sa mga ninong mo, sa mga kakilala natin. Palagay ko, anak, huwag kang basta tumapat lang sa bahay ng kung sino. Dapat, anak, ang pangangaroling ay hindi parang nanghihingi tayo ng limos. Kahit mahirap lang tayo, anak, nais kong makita pa rin nila at maramdaman din natin na may dignidad pa rin tayo bilang tao. Taong nirerespeto at hindi minamata ng ibang tao. Iyon lang naman, anak."

"Salamat po, Tay, sa payo ninyo. Sabihan ko ang mga kalaro ko na kung mangangaroling kami ay mag-ayos din po kami ng suot, para po di kami magmukhang kawawa na walang pera. Salamat po, Tay."

“Salamat din, anak, at nauunawaan mo ang nais kong sabihin. Ingat lagi kayo ng mga kalaro mo sa pangangaroling, at huwag sana kayong makikipag-away, ha. Isipin mo lagi ang diwa bakit kayo nangangaroling.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Disyembre 16-31, 2020, pahina 14.

Sabado, Disyembre 5, 2020

Paggawa ng ekobrik

PAGGAWA NG EKOBRIK
Munting sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Nitong Nobyembre 18, 2020, ay nagtungo ako sa tanggapan ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) upang aking pirmahan ang ilang dokumento hinggil sa isang petisyon sa Korte Suprema nang ibinigay sa akin ni kasamang Jackie ang natipon nilang isang bag na walang lamang plastik ng mga kape. Aba’y alam pala niyang ako’y nageekobrik. Ibig sabihin, ginugupit ko ang mga malilinis na plastik, tulad ng mga ubos na kape upang ipasok sa boteng plastik at gawing ekobrik. Patitigasin iyon na parang brick na pawang laman lang ay mga plastik. Para saan ba ito? Ang mga natipong ekobrik ay pagdidikitin upang gawing istruktura, tulad ng upuan o kaya’y lamesa. Maraming salamat, Ate Jackie!

Nananalasa ang mga basurang plastik sa ating kapaligiran, pati na sa ating mga karagatan. Kaya may mga nag-inisyatibang ipasok ang mga plastik sa loob ng boteng plastik upang mapaliit ang basura. 

Nagsimula ito sa Mountain Province, nakita ng isang Canadian, at ginawang kampanya laban sa plastik. Ngayon ay marami nang nageekobrik sa iba’t ibang panig ng daigdig. Nabuo ang Global Ecobrick Alliance o GEA, kung saan isa ako sa nakatapos, at may sertipiko.

Sa paggawa nito, dapat malinis ang mga plastik at walang latak, halimbawa, ng kape. Dahil kung marumi, baka may mabuong bakterya na sa kalaunan ay sisira sa mga ekobrik na ginawang istruktura tulad ng silya o lamesa, na maaaring mapilayan ang sinumang uupo doon. 

Upang matuto pa, tingnan ang GoBriks.com sa internet.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2020, pahina 16.

Biyernes, Disyembre 4, 2020

Bukrebyu: Ang librong "Che: A Graphic Biography" ni Spain Rodriguez

BUKREBYU

ANG LIBRONG “CHE: A GRAPHIC BIOGRAPHY” NI SPAIN RODRIGUEZ
Munting sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Nakita ko lang sa aklatan ng Bukluran ng Manggagawag Pilipino (BMP) ang aklat na “Che: A Graphic Biography” ni Spain Rodriguez. Inilarawan niya ang talambuhay ni Che Guevara sa pamamagitan ng komiks, o ng mga larawan. Bagamat nakagawa na rin ako ng libro ni Che Guevara noon, iyon ay pulos mga salin ng mga sulatin ni Che.

Iba ito, talambuhay ni Che na isinakomiks. Nakasulat sa Ingles at magaganda ang pagguhit ng mga larawan, na nasa black-and white, hindi colored. Subalit nakakahalina dahil sa galing ng tagaguhit at awtor na si Spain, kaygandang pangalan.  

Si Che Guevara ang isa sa mga kasamahan ni Fidel Castro nang ipinanalo nila ang rebolusyon sa Cuba noong 1959. Kinikilala siyang “the most iconic revolutionary of the twentieth century”, ayon sa libro. Sabi pa, “It portrays his revolutionary struggle through the appropriate medium of the under-ground political comic – one of the most prominent countercultural art form of the 1960s.” Wow, bigat!

Kaya kahit nasa wikang Ingles ay binasa ko ang kasaysayang komiks na ito. Kung may pagkakataon, nais ko itong isalin sa wikang Filipino.

Inirerekomenda ko itong basahin ng mga estudyante at aktibista, at sinumang nagnanais ng kalayaan ng bayan mula sa kuko ng mapang-api at mapagsamantala.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2020, pahina 15.