Sabado, Pebrero 27, 2021

Kwento: Paggunita sa Unang Pag-aalsang EDSA

PAGGUNITA SA UNANG PAG-AALSANG EDSA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nag-aral at grumadweyt ako ng elementarya sa paaralan ng mga madre sa Nazareth School sa Sampaloc, Maynila, 1981. Nag-aral at grumadweyt ako ng high school sa paaralang pinamumunuan ng mga pari sa Letran sa Intramuros, Maynila, Abril 1985. Pumasok ako sa kolehiyo kung saan kayraming aktibista, na pinagtapusan naman nina Tatay at Nanay, sa kursong BS Aeronautical Engineering, Hunyo 1985.

Kaya nasa sapat na gulang na ako upang masaksihan ang unang pag-aalsang EDSA. Labingpitong gulang ako at nasa unang taon na sa kolehiyo. Panahon iyon na wala nang pasok sa aming unibersidad na FEATI University dahil sa rali at pag-aaklas ng mga estudyante mula pa ng kalagitnaan o magtatapos na ang taon ng 1985. Hindi pa ako aktibista noon kaya hindi ko pa nauunawaan talaga ang mga nangyayari. 

Di ako makapasok sa pamantasan dahil hinaharang ng mga estudyanteng nagrarali, kaya nakikinig na lang ako sa iba’t ibang isyung binibigkas ng mga naka-megaphone at may mga dalang plakard.

Naging kasapi ako noon ng Catholic Youth Movement (CYM) sa Our Lady of Loreto Parish sa Bustillos St., sa Sampaloc, Maynila, nang makatapos ako ng tatlong araw na seminar ng CYM noong 1984. Ang aking ama naman ay kasapi ng Holy Name Society sa simbahang iyon.

Noong Pebrero 1986, kasagsagan na ng pagkilos ng mga tao sa EDSA. Sumama ako sa ilang kasapi ng Holy Name Society na magbigay ng mga pagkain sa EDSA. Nangalap naman ang aking ama ng tinapay sa mga bakery na nagbigay naman, pati bakery ng kanyang pinsan sa Project 8. Nagbigay sila nang malamang ibibigay sa mga tao sa Edsa ang tinapay.

Sa Edsa ay naging saksi ako sa mga naroong sundalong armado at mga pari’t madreng nagdarasal, at mga karaniwang tao. Saksi ako nang ibaba ng mga armadong nakasakay sa tangke de gera ang kanilang baril at inabot ang rosaryo at bulaklak na bigay ng mga tao.

Sumama ako nang malaman kong nagkakaisa ang mga tao upang labanan ang diktadura at upang mapaalis si Marcos sa Malakanyang. Sumama ako dahil noong bata pa ako’y tinanggal ng pamahalaang Marcos ang kinagigiliwan namin noong palabas na cartoon sa telebisyon – ang Mazinger Z at ang Voltes V. Kaya sa mga nakapuntang kabataan sa Unang Pag-aalsang Edsa, di ko itinuturing na isa akong bayani, kundi saksi at kaisa ng bayan. Mas itinuturing ko ang sarili kong kabilang sa Voltes V generation na nagpalayas sa halimaw na diktador. Let’s volt in! 

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 16-28, 2021, pahina 14.

Huwebes, Pebrero 25, 2021

The YosiBrick Project: Isang munting pagninilay

The YosiBrick Project: Isang munting pagninilay

Matindi na ang pananalasa ng mga upos ng sigarilyong naglulutangan sa ating mga katubigan - sa sapa, ilog, lawa, at laot ng karagatan. Isa ang upos sa pinakamaraming basura sa buong daigdig. Anong dapat nating gawin?

Napagtanto ko ito habang nagbabasa-basa ng mga usapin hinggil sa basura, at ako'y nage-ecobrick sa panahon ng pandemya at nasa bahay lamang. Naisip kong ilagay din sa bote ng plastik, tulad ng ecobrick, ang mga upos ng yosi. Pagbabakasakaling may maitulong upang mabawasan ang upos sa basurahan, lalo na sa karagatan. Dito nagsimula ang proyektong yosibrick.

Maraming naiisip. Mareresiklo ba ang upos? Anong magagawa sa hibla ng yosi? May maimbento kayang makina upang gawing produkto ang upos, tulad ng gawin itong sinturon, pitaka, sapatos o anupaman? Kung ang hibla ng abaka ay nagagawang lubid, at ang hibla ng pinya ay nagagawang barong, ano namang maaaring gawin sa hibla ng upos?

Nais kong gawing parang NGO o kaya'y campaign center laban sa nagkalat na upos ang proyektong paggawa ng yosibrick. Kung ang ecobrick ay paglalagay sa loob ng boteng plastik ng mga ginupit na plastik, sa yosibrick naman ay mga upos ng yosi ang inilalagay. Nais ko itong tawaging The Yosibrick Project. 

Una, syempre, ang asawa kong environmental warrior na si Liberty, bilang kasama sa proyektong ito. Nagsimula kami ni misis sa proyektong ecobrick ng Ministry of Ecology ng Archdiocese of Manila, at nakapagtapos kami ng tatlong araw na seminar na ibinigay naman ng Global Ecobrick Alliance (GEA).

Nagbigay daan ito sa amin upang makapunta at makasalamuha ang iba't ibang tao mula sa mga paaralan at NGO sa pagbibigay namin ng seminar hinggil sa paggawa ng ecobrick. Si misis ang kadalasang tagapagsalita, habang tumutulong ako sa aktwal na paggawa ng ekobrik sa mga mag-aaral. Minsan sa harap nila'y binibigkas ko ang aking mga tula hinggil sa ecobrick. 

Mula sa ecobrick ay pinagyaman naman ang konsepto ng yosibrick, lalo na't isa ito sa pinakamaraming basura sa buong daigdig. Dahil dito'y isinilang ang konsepto ng yosibrick, na tulad din ng ecobrick ay paglalagay ng mga upos ng yosi sa boteng plastik. Pansamantalang solusyon habang naghahanap ng iba pang kalutasan sa suliraning pangkalikasang ito. Hindi na tungkol sa panawagang No Smoking ang proyektong yosibrick kundi hinggil sa naglipanang basurang upos. May ibang grupo na siyang bahala sa kampanyang No Smoking.

Ang misyon, na batay na rin sa mga inilabas kong tula, na maaaring makita sa blog na https://yosibrick.blogspot.com, ay ano ang gagawin sa mga hibla ng upos ng yosi. Kaysa itapon lang, dapat itong maging produkto, halimbawa, damit, bag, sinturon o sapatos. Sinubukan ko ring gawing kagamitan sa fine arts ang mga upos ng yosi, kung saan inipon ko ang mga nagamit nang stick ng barbecue at tinusok sa mga tinalupan kong upos ng yosi upang gawing pampinta ng artist sa kanilang canvas. Nakakadiri kung tutuusin, subalit kailangan nating magbigay ng halimbawa, na mayroon palang magagawa sa upos ng yosi.

Napapansin kong ginagawang proyekto sa eskwelahan ang ecobrick. Ayos lang iyon. Upang matuto ang mga bata sa batayang pag-unawa upang pangalagaan ang kalikasan. Subalit huwag lamang yosibrick ang maging proyekto ng mga bata. Magbibigay lang kasi tayo ng problema sa mga bata. Una, pag ginawang proyekto sa iskul ang yosibrick, tiyak na maghahanap ng upos ng sigarilyo ang mga bata sa basurahan, na pandidirihan nila, at tiyak ayaw ito ng mga magulang. Ikalawa, tutulong ang mga magulang sa paghanap ng upos, na marahil ay bibili pa ng kaha-kaha ng sigarilyo, tatanggalin ang upos, at ibibigay sa mga anak upang gawing proyekto. Paano kung hindi naman naninigarilyo ang mga magulang?Magastos na, ano pang gagawin sa 3/4 ng sigarilyo na tinanggalan ng upos?

Ang kampanyang yosibrick ay pag-aalala sa napakaraming naglipanang upos na kinakain ng mga isda sa karagatan, at nakikita natin sa mga lansangan. Subalit inuulit ko, ang proyektong yosibrick ay hindi na tungkol o lampas pa sa panawagang "No Smoking", kundi ano ang gagawin sa mga naglipanang upos na sinasabing ikatlo sa pinakamaraming naglipanang basura sa daigdig.

Munting konsepto, higanteng gawain. Munting pagninilay, kayraming gagawin. Para sa kapaligiran, para sa daigdig, para kay Inang Kalikasan, mga upos na naglipana sa lansangan ay anong gagawin. Ilang mga mungkahing dapat isagawa:

1) Dapat kausapin ang mismong mga naninigarilyo na huwag itapon kung saan-saan lang ang mga upos ng sigarilyo. Disiplinado rin naman ang marami sa kanila. Katunayan, sa aming opisina, at sa iba pang kapatid at kaalyadong opisina na pinupuntahan ko, naglalagay ako ng titisan o ashtray upang doon ilagay ang upos ng yosi at titis o abo nito.

2) Dapat kausapin ang mga ahensya ng pamahalaan, tulad ng Metro Manila Development Authority (MMDA), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Department of Health (DOH), hinggil sa kampanyang ito, na ginagawa rin nila, subalit marahil ay hindi talaga natututukan. Ang MMDA ay gagawa ng mga titisan at ilalagay sa mga itinakdang smoking area, at mula doon ay titipunin ang mga upos upang gawing yosibrick. Ang DENR upang makatulong sa kampanya ng kalinisan sa mamamayan na isa sa pinakamaraming basura sa mundo ang mga nagkalat na upos ng yosi, na maaaring makain ng mga isda sa laot, o marahil ay makapagpabara ng mga kanal kasama ng plastik, kaya dapat matigil na ang ganitong gawain. Alam nating ang kampanya ng DOH ay No Smoking at Smoking is Dangerous to Your Health, subalit malaki ang maitutulong nila sa MMDA, DENR, at sa iba pang ahensya, lalo na sa publiko, hinggil sa mga nagkalat na upos ng sigarilyo.

3) Dapat kausapin ang Department of Science and Technology (DOST) at ang Philippine Inventors Society (PIS) upang bakasakaling may makaimbento ng makina o anumang aparato na gagawa ng produkto mula sa hibla ng mga upos ng sigarilyo.

4) Pag-aralan ang paggawa ng lubid mula sa hibla ng abaka at paggawa ng barong mula sa hibla ng pinya upang bakasakaling may matanaw na pag-asa kung ano ang maaaring gawin sa hibla ng mga upos ng sigarilyo.

5) Pagkausap sa mga painter, o kaya'y mga mag-aaral ng fine arts sa mga paaralan, hinggil sa paggamit ng upos sa pagpipinta sa canvas o painting.

Lahat ng ito'y pagbabakasakali. Nagpagawa na rin ako ng silkscreen at nagpinta na ng tatlong asul na tshirt kung saan nakapinta: "I am an Ecobricker and a Yosibricker." Ang lahat ng mga naiisip ko hinggil sa mga usaping ito ay tinipon ko sa blog sa internet. Ang mga tula kong ginawa hinggil sa ecobrick ay nasa https://ecobricker.blogspot.com/ habang ang mga tula naman hinggil sa proyektong yosibrick ay nasa https://yosibrick.blogspot.com/. Sa ngayon ay ito muna.

Sa mga interesadong tumulong sa The Project Yosibrick, mangyaring makipag-ugnayan sa inyong lingkod o kaya'y sa aking misis, upang tuloy-tuloy ang pagsisimula ng The YosiBrick Project. Maraming salamat po. Mabuhay kayo!

- gregoriovbituinjr.
02.25.21

Linggo, Pebrero 14, 2021

Kwento: Babae ka! Hindi babae lang...


BABAE KA! HINDI BABAE LANG...
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Lumabas ako ng bahay upang pumunta ng botika para bumili ng gamot nang makasalubong ko ang isa kong kaklaseng babae noong elementarya. Namumugto ang kanyang mga mata. Marahil maghapong umiyak. 

Nagkatinginan kami, nagbatian. Kinumusta ko siya. Sabi niya, okay lang, sabay ngiti ng matipid. Hanggang tumungo siya at mukhang iiyak. 

Isa iyong araw na hindi kaiba sa karaniwan. Subalit para kay Magdalena, ang araw na iyon ay parang kanyang kamatayan. Dahil binugbog na naman siya ng kanyang kinakasama. Kaya niyaya ko muna siya sa isang restoran sa kabilang kanto. Umorder ako ng paborito kong tapsilog. Softdrinks na lang daw sa kanya. Hanggang kinumusta ko ang kanyang buhay may-asawa. Matagal bago siya umimik. Para bang naghahanap ng tapang na isiwalat ang nasa dibdib.

Barkada ko siya noong elementarya. Lagi kong kalaro, at minsang nakatabi sa klase. Matalino siya, maganda, at magaling. Subalit hindi gayon ang nangyari sa kanyang buhay-pag-ibig. Naipagtapat niya sa akin na malimit siyang bugbugin ng kanyang kinakasama. Ipinakita niya sa akin ang mga pasa sa kanyang braso at likod.

Sinabi ko, "Mali ang ginagawa niya sa iyo. Bakit hindi mo siya iwan?"

Anya, "May anak kami. Siya lang ang kumakayod para sa amin. May mali din kasi ako, minsan ay hindi agad ako nakakapagluto ng hapunan. Nakatulog kasi ako dahil sa pagod sa maghapong paglalaba at sa pag-aalaga kay Baby."

Sabi ko uli, "Mali naman na bugbugin ka agad dahil hindi ka nakapagluto ng hapunan."

Sabi niya, "Wala akong magawa. Babae lang ako. Sa kanya ang bahay at siya ang nabgtatrabaho. Hindi ko naman siya maiwan dahil paano na kami ng anak ko? Saan kami pupunta? Matagal nang patay sina Papa at Mama."

Sabi ko, "Alam mo, klasmeyt, noong magkaklase tayo sa elemtarya, hanga ako sa iyo dahil laging mataas ang grado mo kumpara sa akin. Naalala ko pa nang tinulungan mo ako sa ilang subject, tulad ng Pilipino at Araling Panlipunan."

Bahagya na siyang umimik. Sabi niya, "Wala iyon, nakaraan na iyon. Nagkita nga kami minsan ng ilan nating klasmeyt noon. Bakt wala ka sa reunion?"

"Hindi ko agad nalaman iyon. Tapos na nang malaman ko sa mga litrato n'yo sa pesbuk. Siyanga pala, 'yung kaninang sinabi mo, hindi ako kumporme roon."

"Saan?"

"Sa sinabi mong babae ka lang. Alam mo, klasmeyt, babae ka! Hindi babae lang. Kayo ang kalahati ng daigdig. Kung hindi dahil sa inyo, wala kaming mga lalaki. Kung hindi dahil sa inyo, wala tayong lahat dito. Kaya huwag mong sabihing babae ka lang. Babae ka!"

Matagal na katahimikan. Napaisip siya. Maya-maya ay nagsalita siya.

"Ano namang gagawin ko?" anya.

"Tanda mo ba ang mga bayaning pinag-aralan natin noon sa Araling Panlipunan. Sina Gabriela Silang, Teresa Magbanua, Trinidad Tecson, Tandang Sora, Gregoria de Jesus? Hindi ba't sila'y mga matatag na kababaihan ng kanilang panahon, lider ng kanilang henerasyon upang ipagtanggol ang bayan mula sa pang-aapi at pagsasamantala ng mga dayuhan at kababayang naghahari-harian sa lipunan? Ikaw pa nga ang nagturo sa akin niyan noon sa Araling Panlipunan kaya nakapasa ako, di ba? Tanda mo?"

Napangiti siya.

"Kung okay lang sa iyo, may pulong ang mga kababaihan tulad mo para sa pagkilos ng mga kababaihan sa Marso Otso. Nais kong makasama ka roon. Okay ba sa iyo? Nais kitang tulungan. Pwede mo ring isama ang anak mo kung walang magbabantay. Ano?"

"O, sige, sasama ako. Kailan ba ang miting na iyon?"

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 1-15, 2021, pahina 16-17.