AYUDA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.
Panahon iyon ng pandemya. Hindi makalabas ang mga tao. Kaya ang magkakapitbahay sa isang looban ay doon lang nagkakakwentuhan. Bawal lumabas ng looban, maliban sa mga tagabili ng makakain. Kung may pambili, o kung kukuha ng ayuda.
"Grabe na ang nangyayaring ito sa atin, ano? Aba’y hindi na tayo makapagtrabaho." Angal ni Mang Inggo. "Kailan ba tayo magkakaayuda? O sasagpangin na naman ng mga pulitiko ang mga ayudang para sa tao? O pipiliin lang ang kakampi nila’t ipamimigay lang ang ayuda sa tao nila?"
Napatingin si Mang Kulas, at agad nagpaliwanag. "Alam mo, pare, ayon sa right to good o karapatan sa pagkain, may dalawang dahilan lang daw upang mamigay ng pagkain ang pamahalaan sa kanyang mga mamamayan - pag may digmaan o pag may kalamidad. At ang pandemya ay nasa kategorya ng kalamidad, kaya dapat lang mamigay ng ayuda ang pamahalaan sa mamamayang di makalabas dahil sa lockdown."
Ipinaliwanag naman ni Mang Kulot, na isang manggagawang talaga namang palabasa, "Alam n'yo, ayon sa World Health Organization o WHO noon pang 2010, na pag sinabing pandemya, ito ang pandaigdigang paglaganap ng isang bagong sakit. Sa nakaraang sandaang taon, tatlong pandemya na ang nagdulot ng pinakamataas na bilang ng mga namatay. Nariyan ang Spanish Flu noong 1918-1920. Nasa tantiya'y 500 milyon katao ang nagkasakit nito at mga 50 milyon naman ang namatay. Ang tinaguriang H1N1 na virus ang dahilan ng pandemyang ito. Nariyan din ang AIDS o Acquired Immunodeficiency Syndrome mula pa 1981 hanggang sa kasalukuyan. Ang HIV o human immunodeficiency virus ang dahilan ng AIDS. Mula noong 1981, tantiyang nasa 35 milyon na ang namatay sa AIDS.”
"Grabe pala, ano?" Sabi ni Mang Igme.
Nagpatuloy si Mang Kulot, "Nariyan din ang Asian Flu mula 1956 hanggang 1958 kung saan dalawang milyon ang tinatantyang namatay. Nagmula naman ito sa H2N2 na virus. At ngayon nga ay itong COVID-19."
"Ang tanong, nakatanggap na ba kayo ng ayuda?" sabat ni Inggo. “Ika nga ni Kulas, karapatan natin ang magkaayuda lalo na’t nasa ganito tayong kalagayan. Lockdown, hindi makalabas, hindi makapagtrabaho, hindi makadiskarte, gutom ang pamilya.”
Balik na tanong ni Mang Pekto, “Nakalista ba kayo sa barangay?”
“Iyon lang. Di lang natin alam kung nakalista tayo sa barangay. Lalo na't hindi ko ibinoto ang mga nakaupo ngayon diyan.” Ani Igme. “Aba’y pulitika pa rin yata kahit sa ayuda, kahit nagugutom na ang pamilya ng masa. Hay, naku!”
Maya-maya’t may kumatok sa looban. Trabahador sa barangay. May ayuda raw. Kung sino daw ang nakalistang kukuha sa barangay ang siyang kukuha ng ayuda dahil bawal daw ang siksikan doon. Ibinilin pang magsuot ng facemask, face shueld, at mag-social distancing.
“Iyan na nga ba ang sinasabi ko.” Agad na himutok ni Igme.
“Papuntahin na natin si Kulas, siya naman ang itinalaga nating kukuha ng anumang ayuda. At pag nakuha na niya, e di, hatiin natin.” Ani Inggo.
“Bakit hindi nila ibahay-bahay, upang makakuha talaga ang bawat pamilya? Kahit na yaong hindi bumoto sa kanila? Baka pag nalamang di tayo bumoto sa kanila ay di nila tayo bigyan nhg ayuda?” Si Igme uli.
“Bakit? Ipapaalam mo ba? Saka ka na maghimutok, puntahan ko muna.” Ani Mang Kulas, “May limang pamilya tayo rito sa looban. Ako lang ang pupunta dahil kada looban ay isang kukuha. Dapat nga bawat pamilya, may kinatawan. Sige, puntahan ko muna.” Ikasiyam pa lang iyon ng umaga, at tumungo na si Kulas sa barangay.
Hindi naman talaga mahaba ang pila sa barangay, subalit dahil sa social distancing na isang metro sa bawat nakapila roon, nagmukhang mahaba ang pila.
Dumating si Mang Kulas nang mag-aalas-dose na ng tanghali. Tamang-tama sa pananghalian, may dala siyang limang kilong bigas, isang dosenang delata, asukal, kape, at noodles.
Bati agad ni Inggo, “Aba’y para pala tayong nasunugan sa klase ng ayudang bigay nila. Akala ko pera ang bigay nila. Pangkalamidad pala talaga. Pero mabuti na rin iyan, kaysa wala.”
“Paano magkakasya iyan kung paghahatian nating lima, e, limang pamilya tayo rito.” Ani Igme.
Sumagot si Mang Kulas, “Pumila rin kayo roon, may pangalan pala kayo roon. Pangpamilya ko lang ang ibinigay sa akin.” Kaya nagkatinginan sina Igme, Kulot, Pekto at Inggo. Tila nagpapatotoo sa kasabihang marami ang namamatay sa akala.
“Nakupo, sana pala, naipaliwanag sa atin nang maaga iyan para nakapila rin tayo ng maaga. Paano, aba’y punta na tayo sa barangay, at baka magkaubusan ay wala tayong mapala.” Ani Igme.
* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Abril 16-30, 2021, pahina 17-18.