Miyerkules, Mayo 19, 2021

Sino ba si Pablo Ocampo, na may rebulto sa dating Vito Cruz St.




SINO BA SI PABLO OCAMPO, NA MAY REBULTO SA DATING VITO CRUZ ST.

Napadaan ako sa rebulto ni Pablo Ocampo, matapos kong makapanggaling sa Cultural Center of the Philippines (CCP) matapos kunin ang tseke para sa isa kong artikulong ipinasa. Pagkalabas ko roon ay dumaan muli ako sa dating Vito Cruz, na ngayon ay Pablo Ocampo na, upang sumakay muli ng LRT patungo sa aking pupuntahan.

Napahinto ako sa rebulto ni Pablo Ocampo, at nag-selfie doon. Ang rebulto, kung mula sa CCP ay bago mag-Rizal Memorial Coliseum. Ngunit kung galing sa LRT ay pagkalampas lang ng mga apat o limang metro sa kanto ng Rizal Memorial Coliseum, at nasa gitna ng kalsada, na 'yun ang babaan o dinadaanan ng biyaheng Dakota Harrison.

Huminto ako at minasdan ang rebulto. Nais kong malaman kung sino ba si Pablo Ocampo at bakit siya ang ipinalit na pangalan sa dating Vito Cruz. Gayundin naman, sino ba si Vito Cruz at bakit pinalitan ang pangalan ng kalsadang dating nakapangalan sa kanya. At maibahagi ito sa ating mga kababayan.

Hanggang ngayon nga, nakapangalan pa rin sa LRT station ay Vito Cruz, imbes na Pablo Ocampo. Isa pang pananaliksik kung sino ba si Vito Cruz. Ngunit tutukan muna natin kung sino si Pablo Ocampo. Palagay ko'y sapat na ang pagpapakilala sa kanya sa nakaukit na tala sa lapida o marker na nasa ibaba ng kanyang rebulto o bantayog, na ang nakasulat ay ang mga sumusunod:

"PABLO OCAMPO (1853-1925), Abogado, editor, estadista at makabayan. Isinilang, Enero 25, 1853, Sta. Cruz, Maynila. Hinirang na Relator, Audencia ng Maynila, 1888; Promotor Fiskal, Hukumang Unang Dulugan ng Tondo, 1889; Defensor de Oficio at Kalihim, Colegio de Abogado, 1890; Kagawad at isa sa kalihim ng Kongreso ng Malolos at kagawad ng komiteng bumalangkas sa Konstitusyon ng Malolos, Editor ng La Patria, kung saan nalathala ang mahahalagang suliranin at mga isyung pambayan. Kasama ang kanyang mga kuro-kurong makabayan. Ipinatapon sa Guam kasama ng ibang makabayang Filipino, 1901. Bumalik sa Pilipinas pagkaraang makapanumpa ng katapatan sa Estados Unidos, 1902. Nahalal na naninirahang komisyonado sa E.U. 1907 at kasama ng delegasyong Amerikano sa Interparliamentary Union Conference sa Berlin, Alemanya, 1909. Nahalal na kinatawan ng Maynila sa Ikalawang Lehislatura ng Pilipinas, 1919. Namatay, Pebrero 5, 1925.

Ang marker ay inilagay ng National Historical Institute (NHI) noong 1991. Ang NHI ay ipinangalan noong 1972 na pinalitan ang dating National Historical Commission (NHC). Noong 2010 ay pinangalanan na itong National Historical Commission of the Philippines (NHCP). 

May trivia pa. Pareho pala kami ng paaralang pinanggalingan noong hayskul. Kaya marahil naging interesado ako sa kanya at nag-selfie sa kanyang rebulto. Batay ito sa saliksik sa mga kawing na: https://history.house.gov/People/Listing/O/OCAMPO,-Pablo-(O000020)/ at https://en.wikipedia.org/wiki/Pablo_Ocampo.

Mabuhay ka, Ka Pablo Ocampo, at ang iyong mga inambag sa ating bansa!

- gregoriovbituinjr.05.19.2021

Nag-selfie sa CCP


NAG-SELFIE SA CCP

Dumaan ako kanina sa Cultural Center of the Philippines (CCP) sa Roxas Blvd. dahil kailangan kong kunin ang isang tseke para sa isa kong artikulo. Matapos kong makuha, nag-selfie na rin ako sa ilang karatula dito. Malaking tulong na rin ang munting pabuya upang makabili ng anumang pangangailangan ngayong may pandemya, tulad ng pagkain.

Tahimik ang paligid. Bagamat bukas ang mga opisina. Marahil ay konsentrado ang mga kawani sa loob ng kani-kanilang silid. Walang aktibidad, at wala kasing kakilala.

Gayunman, nag-selfie na nga lang ako sa nakita kong karatula o poster na may nakasulat na CCP.

Dalawa o tatlong taon na ang nakararaan noong huli akong magpunta rito, kasama si misis, dahil nanood kami ng isang palabas, na may tulaan. Iyon ang unang date namin ni misis sa loob ng CCP.

Dinaluhan namin ang imbitasyon. Iyon ay hinggil sa paligsahan ng makabagong sarswela kung saan maraming mga nanalo, at ang guro ko sa LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo) na si Prof. Michael Coroza ang siyang emcee. Pawang magagaling ang mga nanalo, at marami rin akong kakilalang naroon. Nakakwentuhan, at hanggang ngayon ay nagkikita-kita pa sa fb.

Padayon, CCP, at nawa'y magpatuloy pa kayo sa gawaing pangkultura, at suportahan pa ang mga manunulat at mga manggagawang pangkultura! Mabuhay kayo!

- gregoriovbituinjr.05.19.2021

Biyernes, Mayo 14, 2021

Kwento - Pagbaka sa Kontraktwalisasyon


PAGBAKA SA KONTRAKTWALISASYON
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Nakakainis talaga. Nagtatrabaho ka sa kumpanya tapos dahil kontraktwal ka, hindi ka ituturing na manggagawa ng kumpanya! Hay, naku, grabe na talaga ang pagkasalot ng salot na kontraktwalisasyon.” Gigil na sabi ni Inggo habang pigil ang kamaong nakakuyom.

“Sinabi mo pa. Problema talaga natin iyan sa kumpanya.” Pagsang-ayon ni Isko. Nag-uusap sila habang nakaupo sa karinderya ni Aling Iska.

Napamulagat naman ang nakikinig na si Aling Iska, “Ano na naman ba iyang pinag-uusapan ninyo? Buti nga, may trabaho kayo. Kahit ba kontraktwal ay may naiuuwi naman kayo sa pamilya ninyo, ah.”

“Hindi mo nauunawaan, Iska. Ang kontraktwalisasyon, kaya salot, ay iskema ng mga kapitalista upang bawasan o matanggalan ng mga benepisyo ang mga manggagawa. Imbes na dapat maregular na sa trabaho ang manggagawa ay hindi ginagawang regular.” Sagot agad ni Inggo. “Ang kontraktwal, kumbaga, ay pansamantalang trabaho, na bago sumapit ang ikaanim na buwan ay tatanggalin na lang sila sa trabaho, kahit gaano ka pa kahusay. Iniiwasan talaga ng kumpanya na maging regular ang mga manggagawa. Meron namang ilang taon na sa kumpanya, tulad ko, limang taon na subalit kontraktwal pa rin. Walang kasiguruhan sa trabaho ang mga kontraktwal.”

“Ang nais namin ay maging regular na manggagawa naman kami sa kumpanyang matagal na naming pinaglilingkuran.” Sabi naman ni Isko.

“Paano mangyayari iyan? Hihilingin ba ninyo sa kapitalista o sa manedsment n’yo na gawin kayong regular? Aba’y paano kung hindi kayo pakinggan? Pag nagprotesta kayo, baka tanggalin naman kayo sa trabaho.” Sabad muli ni Aling Iska. “Baka magandang humingi kayo ng tulong sa unyon, at baka naman makatulong ang mga regular na manggagawa sa inyong mga kontraktwal.”

“Magandang ideya iyan, Iska.” Sabi ni Inggo. “Dapat makatulong nga sa problema natin ang mga regular na kamanggagawa natin, di ba?”

“Diyan natin simulan. Kausapin natin ang pangulo ng unyon na si Ka Igme, at tanungin hinggil sa ating suliranin.” Sabi ni Isko. Kinabukasan, bago ang simula ng trabaho ay kinausap na nina Inggo at Isko si Ka Igme hinggil sa kanilang kalagayan.

“Limang taon na akong kontraktwal, habang si Isko naman ay apat na taon na. Anim na buwan lang ay dapat regular na kami, di ba? Kayong mga regular, paano ba ninyo kami matutulungan. Aba, ayaw naman naming habambuhay kaming kontraktwal at wala kaming kasiguruhan sa trabaho. Bukod sa mababa na ang sahod, wala pa kaming benepisyo, di tulad ninyong mga regular.” Ani Inggo kay Ka Igme.

“Tama ka, Inggo. Panahon na talagang mag-usap tayo. Salamat sa inisyatiba ninyo. Dapat talagang magsama ang mga regular at kontraktwal upang labanan iyang salot na kontraktwalisasyon. Ngunit dapat magsimula muna tayo sa isang pulong-pag-aaral upang suriin natin at pag-aralan kung bakit nga ba may kontraktwalisasyon, at ano ang mga dahilan niyan.” Ang agad tugon ng pangulo ng unyon.

“Aba’y talagang dapat naming malaman, mapag-aralan at maunawaan kung bakit nga ba sa tagal naming nagtatrabaho sa kumpanyang ito ay kontraktwal pa rin kami. Sige, kailan iyan upang sabihan ko ang ibang kontraktwal para sa pag-aaral nang maipaglaban namin, kung kinakailangan, na magkilos-protesta kami, o sa anumang paraan upang maparating namin sa kinauukulan na gawin kaming mga regular na manggagawa.” Sabi ni Inggo, habang tatango-tango si Isko.

Mungkahi ni Ka Igme ay sa susunod na Linggo, kung kaya ng mga kontraktwal, dahil walang pasok iyon. Isakripisyo muna ang araw ng pamilya upang mag-aral hinggil sa usaping kontraktwalisasyon. 

“O, paano, magkita-kita tayo sa Linggo.” Sabi ni Ka Igme. At agad nagtanguan ang dalawa na nangakong kakausapin nila ang kanilang mga kapwa manggagawang kontraktwal upang dumalo sa pag-aaral at talakayan.  Dama nila, iyon na ang simula ng kakaharapin nilang laban.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Mayo 1-15, 2021, pahina 18-19.