Martes, Hunyo 29, 2021

Bukrebyu: Ang aklat na "Tungkos ng Talinghaga"



BUKREBYU: ANG AKLAT NA "TUNGKOS NG TALINGHAGA"
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tuwang-tuwa akong makabili ng mga aklat ng tula ng iba pang makata, bilang mga koleksyon sa munti kong aklatan. Tulad na lang nitong aklat na "Tungkos ng Talinghaga" na inilathala ng Talingdao Publishing House sa Taguig noong 2002. Nabili ko ang aklat na ito sa Solidaridad Bookshop sa Ermita nito lang Pebrero 19, 2021, sa halagang P250.00.

Sampung manunulat, sampung tula bawat isa. Ito ang agad kong napansin sa koleksyon. Ibig sabihin, isangdaang tula lahat-lahat. At bawat makata ay may maikling tala bago ang kanilang sampung tula. Ang mga nag-ambag sa aklat na ito'y sina Lilia F. Antonio, na siya ring patnugot ng koleksyon, Apolonio Bayani Chua (ABC), Eugene Y. Evasco (EYE), Ezzard R. Gilbang, Ruby Gamboa Alcantara, Florentino A. Iniego Jr., Wilfreda Jorge Legaspi, Jimmuel C. Naval, Rommel Rodriguez, at Elyrah Loyola Salanga.

Nagbigay ng Paunang Salita si Virgilio S. Almario, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan noong 2003, at naging guro ko sa poetry clinic na LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo) noong Setyembre 2001 hanggang Marso 2002. Nagbigay ng Panimula (o Pambungad hinggil sa koleksyon) ang baitakng manunulat na si Ligaya Tiamzon-Rubin, na madalas kong nababasa sa magasing Liwayway. At mensahe mula sa patnugot na si Lilia F. Antonio.

Ang buong aklat ay binubuo ng 184 pahina, kasama na ang mga unang pahinang nasa Roman numeral. Ang mga tula ay hanggang 163 pahina, at ang mga paunang paliwanag ay naka-Roman numeral na 19 pahina. Subalit may mga blangkong pahina, o yaong walang nakalathala.

Ang mga nasabing makata ay pawang mga nasa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Lungsod ng Quezon. Nakakatuwa ang pamagat ng Paunang Salita ni Almario, May Iba Pang Makata, na sabi nga niya, "nais patunayan wari ng koleksyon na may iba pang mga makata na dapat makilala ng madla. Na maaaring hindi nagwagi ng anumang pambansang gawad pampanulaan ang mga kalahok subalit hindi mapipigil ang natural na simbuyong umibig at lumikha ng tula." At idinagdag pa niya sa ibang talata: "Sa madaling sabi, iba lamang nilang tumula."

Ayon naman kay Panimula ni Rubin, "Animo'y may puwersang nagtutulak sa kanila upang maging makata. Maaaring hindi isinilang na may budbod na talinghaga ang kanilang haraya subalit may lawas o kolektibong kaisahan ang umaahon sa kanilang kaloob-looban upang lumikha ng mga bersong magtatakda ng kanilang identidad at pananaw sa mundo." At inisa-isa ni Rubin kung sinu-sino ba ang nabanggit sa itaas na sampung makata.

Napakaganda naman ng mensahe ng patnugot na si Lilia F. Antonio, "Dahil bayan na agrikultural ang Pilipinas, klasikong talighaga ng ating panitikan ang linang o kabukiran. Gayundin, ang mga tula o alinmang anyong pampanitikan ay naiuugnay bilang tungkos ng talinghaga - isang patunay sa pananalig ng Pilipino sa palay bilang halaman ng buhay. Lagi kasing nakalatag sa hapagkainang Pilipino ang sinaing. Ang mga manunulat - establisado man o nakikibaka ng isang pangalan - ay kadalasang inihahambing bilang sumisibol o hinog na nakakawing sa pangunahing talinghaga ng palay. Kung salat ang nalilikhang akda, agad masasabing tigang ang lupang sakahan."

Maganda ang pagkakalatag ng tulang "Alak" ni Antonio dahil nakadisenyo ang tula sa korteng bote ng alak. Nagagandahan din ako sa tulang "Anak ng Manggagawa" ni Apo Chua, lalo na't siya'y ilang ulit ko na ring nakasama dahil siya ang tagapayo ng pangkulturang grupong Teatro Pabrika, na kasama naman namin sa mga pagtatanghal sa lansangan pag may pagkilos ang mga manggagawa. Si Evasco naman, na isang premyadong manunulat, ay nababasa ko na sa Liwayway dahil sa kanyang kolum doon na Buklat-Mulat.

Para naman kay Ruby Gamboa-Alcantara, "Pansariling libangan at ekspresyon lamang ng sarili ang manaka-nakang pagsusulat na walang sinusunod na pormal na batas sa pagsulat." Si Ezzard R. Gilbang naman itinanghal na Makata ng Taon 2014 sa Talaang Ginto ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Sa pagpapakilala naman kay Iniego ay nakasulat: "At narito ang matapat na tungkulin ng makata - sikaping sindihan ang mitsa ng mga alaala bago tuluyang mamuo at matuyo sa putik ang mga kislap ng gunita."

Ayon naman kay Legaspi, "Ang mga tulang sinusulat ko ay ekspresyon lamang ng mga sandaling nais kong makawala sa hawla ng pagiging edukador at akademista." Para naman kay Naval, "Sumusulat ako ng tula upang tugunan ang responsibilidad at tungkulin, upang magpahayag at magpalaya." Sa pagpapakilala kay Rodriguez ay nakasulat: "Kuntento sa buhay... kahit papaano." 

Anong ganda naman ng paliwanag ni Salanga, "Dahil sa aktibo at nagbabago ang lipunan na ating ginagalawan, naniniwala ako na ang pagsusulat ay kinakailangang maging mapanuri, pumupuna't nanghihimasok sa kanyang mambabasa. Hindi nagwawakas ang pagsusulat sa iisang tuldok. Ito ay malaya't paulit-ulit na isinisilang."

Tunay na isang kayamanan ang katipunang ito ng kanilang mga tula, pagkat bukod sa kapupulutan ng mga naiibang talinghaga ay isa rin itong inspirasyon upang magpatuloy sa pagsusulat. Isa itong koleksyong maipagmamalaki kong nasa aking munting aklatan. Mabuhay ang mga makatang nalathala sa aklat na ito. At nawa'y magpatuloy pa silang magbigay-inspirasyon sa iba pang makata.

Hunyo 29, 2021 

Lunes, Hunyo 14, 2021

Kwento: Bakit may kahirapan?

BAKIT MAY KAHIRAPAN?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Bakit may kahirapan?” Isa ang tanong na iyan sa ayaw tugunan ng nasa kapangyarihan o kaya’y ayaw nilang pag-usapan. Mas nais lang nilang maglimos kaysa malaman ang ugat ng kahirapan. Natatandaan ko pa ang sinabi ni Bishop Helder Camara ng Brazil, "When I give food to the poor, they call me a saint. When I ask why the poor have no food, they call me a communist. (Kapag nagbibigay ako ng pagkain sa mahihirap, tinatawag nila akong santo. Kapag tinatanong ko kung bakit walang pagkain ang mga mahihirap, tinatawag nila akong komunista.)"

Kaya nang minsang magkaroon ng pag-aaral ng mga maralita hinggil sa ugat ng kahirapan, ibinungad agad ng tagapagpadaloy ang sinabing ito ni Obispo Camara. “Balido ang sinabi ni Obispo Camara, may tumututol ba rito?” Walang nagtaas ng kamay, pawang nag-iisip.

Hanggang sa tumayo si Mang Igme, isang lider-maralita sa Tondo, “Kayganda ng sinabi ng Obispo. Talagang mapapaisip tayo. Pag nagbigay ka ng pagkain sa dukha, banal ka, subalit pag tinanong mo ang dukha bakit sila mahirap, aba’y masama ka na! Komunista agad ang tingin sa iyo! Aba’y magaling kung komunista ka pala pagkat palatanong ka, at hindi tango nang tango na lang sa kung anong dikta sa iyo.”

“Aba’y maganda ang iyong tinuran, Manong Igme,” sabi naman ni Mang Inggo. “Natandaan ko tuloy ang kwento ng binatang si Archimedes Trajano, na biktima ng marsyalo! Alam n’yo ba ang kwento niya. Aba’y nang tinanong lang niya noon sa isang talakayan si Imee Marcos kung bakit siya ang pangulo ng Kabataang Barangay, aba’y nairita si Imee, at ang kanyang mga tao ay biglang dinaluhong si Archimedes. Itinapon pa raw sa bintana kaya namatay. Aba’y masama pala magtanong kung kaharap mo ay may kapangyarihan!”

“Kaya nga dapat baguhin ang bulok na sistema. Ito ang panawagan namin noon pa, upang maitayo natin ang isang lipunang makatao,  walang pagsasamantala ng tao sa tao, walang pang-aapi, kundi lipunang kumikilala sa dignidad ng bawat tao kahit pa siya’y maralita. Subalit bago natin iyon magawa nang sama-sama, dapat ay nauunawaan natin bakit nga ba may kahirapan. Magtanong kayo dahil diyan magiging mabunga ang ating talakayan.” Sabad ni Mang Kulas, ang tagapadaloy.

“Alam n’yo, noong ako’y bata pa, nagisnan ko nang mahirap ang buhay nina Itay at Inay. Hindi nila ako napag-aral noon, subalit kahit paano naman ay nakaabot ako ng Gred Wan.” Sabi ni Isko.

“Ang ganda pa naman po ng pangalan ninyo, Mang Isko, Parang iskolar ng bayan. Subalit iyan ba ang dahilan bakit kayo mahirap, gayong may karunungan kayong di basta nakukuha sa pag-aaral sa eskwelahan. Karunungang mula karanasan. Ang sinabi ninyo’y di ugat na kahirapan. Dii lang po kayo nabigyan ng pagkakataong makapag-aral.” Ani Kulas.

Nagtaas ng kamay si Iking, “Sabi po ng iba, katamaran daw po ang ugat ng kahirapan. Kaya lang po, hindi ko maubos-maisip na tama nga iyon, dahil si Tatang naman ay kaysipag sa bukid. Maagang gumigising upang mag-araro at magtanim, ngunit kami’y mahirap pa rin. Si Kuya Atoy naman ay kay-agang pumasok sa pabrika at hindi lumiliban sa trabaho ngunit mahirap pa rin kami.”

“Tama ka, Iking, ang katamaran ay hindi ugat ng kahirapan.”

“Populasyon po ba?” Tanong ni Aling Telay, “Pag maraming anak ay naghihirap. Pag kaunti ang anak ay kaunti lang ang pakakainin. O kaya kapalaran na talaga naming maging mahirap.”

“Pag naniwala kang ang populasyon at kapalaran ang ugat ng kahirapan, aba’y hindi na pala uunlad ang may maraming anak, kahit anong sipag pa ang kanyang gagawin.” Ani Kulas.

“Ang totoong ugat ng kahirapan ay ang pagkakaroon ng isang tao o grupo ng mga pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon tulad ng pabrika, makina at mga lupain. Tulad sa lugar natin, ang nag-aari ng lupa ay si Don Ogag, na imbes na tayo ang makinabang sa ating pinagpaguran, ibibigay pa natin ang mayorya ng pinagpawisan natin sa kanya, dahil lang sa pribilehiyo niyang siya ang may-ari. Upang mawala ang kahirapan dapat mawala ang ganyang konsepto ng pribadong pag-aari upang makinabang ang lahat sa kanilang pinagpaguran. Tanggalin sa kamay ng iilan ang pag-aaring yamang kinamkam nila upang ang lahat naman ay makinabang.”

Tatango-tango lahat ng naroon. Naunawaan na nilang ang pribadong pag-aari pala ng mga pabrika, makina’t lupain ang ugat ng kahirapan.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 1-15, 2021, pahina 18-19.

Biyernes, Hunyo 4, 2021

Sino si Florentino Collantes?

SINO SI FLORENTINO COLLANTES?
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nitong nakaraan lang, habang naglalakad galing sa U.P. Diliman papuntang Katipunan ay napadaan ako sa F. Collantes St. na nasa Barangay Loyola Heights sa Lungsod Quezon kaya agad akong nag-selfie sa karatula ng lansangang ito. Ipinangalan ang kalsadang iyon sa makatang Florentino Collantes na naging Hari ng Balagtasan nang talunin niya noon ang idolo ko ring makatang Huseng Batute o Jose Corazon de Jesus.

Tulad ko, mahilig din sa tula at pagtula si Florentino Collantes. Isa siyang dakilang makata. Nakilala ko ang makatang Florentino Collantes dahil sa kanyang anak na si Mam Loreto Collantes Cotongco na isa sa tatlong adviser namin sa aming campus paper sa kolehiyo. Ang dalawa pa'y sina Mam Romana Tuazon at Mam Cecilia Angeles.

Kaya nang makita ko sa National Book store ang pangalang Florentino T. Collantes ay agad kong binili ang aklat niya ng mga tula na pinamagatang Ang Tulisan at iba pang Talinghaga.

Bukod sa siya'y ama ng aming adviser sa diyaryong pangkampus, si Florentino Collantes ay kinilala ring duplero noong kanyang panahon. Kinilala rin siya bilang Ikalawang Hari ng Balagtasan. Ayon sa pananaliksik, gumamit siya ng sagisag na Kuntil Butil sa kanyang pagsusulat ng mga mapanudyong tula na may pamagat na Buhay Lansangan.

Katulad ko rin siyang ang horoscope ay Libra. Isinilang si Collantes noong Oktubre 16, 1896.

Sinasabi ng ibang sa pagbigkas ng tula ay may sarili siyang paraan na sinasabing tatak Collantes. Sinipi ko ang sinasabi sa Wikipedia hinggil sa kanya: "Ang kanyang mga tulang nasulat ay inuri sa tatlo - tulang liriko, tulang pasalaysay at tulang pambalagtasan. Higit na kinilala ang kanyang kahusayan sa pagsulat ng mga tulang pasalaysay. Halimbawa ng kanyang mga tulang liriko ay Ang Magsasaka, Pangaral sa Bagong Kasal, Patumpik-tumpik; sa tulang pasalaysay naman ay Lumang Simbahan at Ang Tulisan; sa pambalagtasan naman ay ang Balugbugan, Aguinaldo vs. Quezon, isang tulang pantuligsa sa larangan ng politika. Ang mga tula ni Collantes ay halos tungkol sa tao kaya karaniwan at madaling unawain."

"Bata pa lamang siya ay mahilig na siyang magbasa ng awit at korido at naisaulo niya ang buong pasyon. Sa gulang na 15 taon ay nagsimula na siyang tumula at sumulat sa mga pahayagang Buntot Pagi, Pagkakaisa, Watawat, Pakakak at iba mga babasahin. Siya ay kapanahon ni Jose Corazon de Jesus at mahigpit niyang kaagaw sa pagiging Hari ng Balagtasan. Binawian siya ng buhay noong 1951 sa gulang na 55."

Ayon naman sa The Kahimyang Project:

Today in Philippine History, October 16, 1896, Florentino Collantes was born in Pulilan, Bulacan (Posted under October Historical Events)

On October 16, 1896, Florentino Collantes, one of the Filipino poets who spearheaded the revival of the Tagalog Literature, was born in Pulilan, Bulacan to Toribio Collantes of Baliwag, Bulacan and Manuela Tancioco of Pulilan.

Collantes was among the group who organized the first Balagtasan in 1925 in commemoration of the birth anniversary of Tagalog poet Francisco Balagtas Baltazar on April 2, 1925. Held in Tayuman, Manila, four days of Balagtas' birth anniversary, the first ever Balagtasan included writers Rosa Sevilla and Jose Corazon de Jesus.

Florentino Collantes and Corazon de Jesus emerged as the most popular among several pairs of poets who joined the literary joust debating the subject "Bulalak ng Lahing Kalinis-linisan" (Flower of the Pure Race). Although Collantes was not acclaimed as “Hari ng Balagtasan” (King of the Balagtasan) which De Jesus bagged, he gained national fame as a poet.

Collantes' most memorable work, “Ang Lumang Simbahan”, became so popular that he expanded it into a novel which was later turned into a movie starring actress Mary Walter. The movie has been acclaimed as a classic in the Philippine Cinema.

His interest in poetry led him to write for the defunct Tagalog publications Buntot Pagi, Pagkakaisa at Watawat.

His other works that are now taught in schools all over the country are “Ang Magsasaka” (The Farmer), "Pangarap sa Bagong Kasal" (Dream for the Newly-Weds), “Mahalin ang Atin” (Love Our Own), “Ang Tulisan” (The Bandit), and “Ang Labing Dalawang Kuba” (The Twelve Hunchbacks).

Collantes died on July 15, 1951 at the age of 55, leaving behind his wife Sixta Tancioco and eight children. The year before his death, Collantes was conferred the title “Makata ng Bayan” (Poet of the People) by President Elpidio Quirino on July 4, 1950. References: Philippines News Agency

Mapalad akong nakadaupang palad ang kanyang anak na si Mam Loreto C. Cotongco na isa sa aming adviser sa pahayagang pangkampus, bagamat hindi ang mismong makatang Collantes. Si F. Collantes nga'y sadyang magaling na makatang habang binabasa ko ang ilan niyang tula ay tila baga siya'y gabay na liwanag sa bawat tula kong kinakatha.

Ang natatangi niyang aklat na Ang Tulisan at iba pang Talinghaga ay talaga kong pinakaiingatan. Dahil bukod sa ito'y collector's item ay bihira na itong makita sa mga book store, o marahil ay ubos na. At kayamanan nang maituturing ang aklat na iyon, na mabuti't nagpasiya akong bilhin iyon kahit na may kamahalan iyon noon.

Mabuhay ka, makatang Florentino T. Collantes, ikalawang Hari ng Balagtasan!

Pinaghalawan:
https://tl.wikipedia.org/wiki/Florentino_Collantes
https://kahimyang.com/kauswagan/articles/1312/today-in-philippine-history-october-16-1896-florentino-collantes-was-born-in-pulilan-bulacan

Huwebes, Hunyo 3, 2021

Nabili kong klasikong apat na aklat pampanitikan






NABILI KONG KLASIKONG APAT NA AKLAT PAMPANITIKAN

Marahil sa iba'y mga basura lang ang mga ito. Walang kwenta. Kaya sayang lamang ang aking perang dapat ibinili na lang ng pagkain. 

Subalit para sa mga tulad kong panitikero, mga mahahalagang hiyas ito ng karunungan na dapat lang pag-aksayahan ng pera. Mga collector's item ang mga ito na hindi basta makikita sa simpleng bookstore lang. Lalo na't mga klasiko ang mga ito. Sino ba ang mag-aakalang mabibili ko ang nag-iisang aklat na Orozman at Zafira ni Francisco Balagtas sa bilihan ng aklatang iyon? Pati na ang klasikong aklat ng balarila ni Lope K. Santos? Hinahanap-hanap ito ng maraming manunulat para sa kanilang koleksyon sa kani-kanilang aklatan.

Ang pinambili ko'y KATAS ng isang artikulo kong nalathala sa tuwing ikalawang taon ng panitikang Ani ng Cultural Center of the Philippines (CCP). Artikulong "binayaran" o binigyang pabuya nang mapili iyon at mailathala nila. Kaya ang salaping galing sa panitikan ay ibinili ko rin ng mga klasikong aklat pampanitikan. Kaya taospusong pasasalamat sa CCP! Mabuhay kayo at sa patuloy ninyong pagsuporta sa panitikan at sa mga tulad naming manunulat!

Nabili ko ang OROZMAN AT ZAFIRA na akda ni FRANCISCO BALAGTAS, na siya ring may-akda ng walang kamatayang FLORANTE AT LAURA. Halagang P450.00, may sukat itong 8.5" x 11" at naglalaman ng 320 pahina.

Nabili ko ang aklat na BALARILA NG WIKANG PAMBANSA na akda ni Ka LOPE K. SANTOS, na siyang itinuturing na Ama ng Balarila. Halagang P600.00, may sukat itong 7" x 10" at naglalaman ng 538 pahina (42 pahinang naka-Roman numeral sa unang bahagi, at 496 pahinang naka-Hindu Arabic numeral).

Nabili ko ang SURI: Pag-arok sa Likhang Panitik ni Pambansang Alagad ng Sining Bienvenido Lumbera. Minsan ko na siyang nakasama sa isang pagtitipon na dinaluhan din ni Apo Chua ng Teatro Pabrika, nagpakuha kami noon ng litrato, subalit wala akong kopya. Halagang P650.00, may sukat itong 6" x 9" at naglalaman ng 416 pahina.

Ang nasabing tatlong klasikong aklat ay pawang nabili ko sa Solidaridad Bookstore sa Padre Faura sa Ermita, Maynila, habang ang Classic Poems to Read Aloud ay nabili ko naman sa BookSale sa Pedro Gil sa halagang P125.00, may sukat na 5" 8" at may 256 pahina.

Isiningit ko ang pagbili ng mga librong ito bago ang pulong sa ilang kasamang taga-San Andres hinggil sa aming pagsusuri sa isang batas na nakakaapekto sa isyung pambayan. Maraming salamat.

- gregoriovbituinjr.
06.03.2021