Miyerkules, Disyembre 29, 2021

Haka, Agos, Layag

BUKREBYU: TATLONG AKLAT NG SALIN NG MGA KWENTONG EUROPEANO

Tatlong aklat ng salin ng mga kwentong Europeano ang aking nabili nitong Disyembre. Ang una'y ang HAKA, European Speculative Fiction in Filipino na nabili ko noong Disyembre 11, 2021 sa Solidaridad Bookshop sa P. Faura St., sa Ermita, Maynila. Naisipan kong balikan ang dalawa pa upang makumpleto ang tatlong aklat ng salin. Kaya bumalik ako ng Disyembre 14, 2021 sa nasabing tindahan ng aklat upang bilhin ang AGOS, Modern European Writers in Filipino (na marahil dapat ay Modern European Writings in Filipino), at ang LAYAG, European Classics in Filipino.

Nang makita kong nasa wikang Filipino ang mga kwentong banyagang ito ay agad akong nagkainteres kaya nang magkapera'y aking binili dahil bihira lang ang mga ganitong aklat na wala sa iba pang bookstore. Kumbaga, pampanitikan na, nasa sariling wika pa. Kaya mas madali nang mauunawaan ang kwento. Magandang proyektong pangkultura ang pagsasalin.

Ang bawat aklat ay nagkakahalaga ng P250.00 bawat isa. Inilathala ng ANVIL Publishing at ng EUNIC (European Union National Institute of Culture) - Manila Cluster.

Ang HAKA, na may kabuuang 322 pahina, ay naglalaman ng labing-anim na kwento mula sa labingpitong manunulat; tiglalabing-apat na kwento naman ang AGOS, na may 232 pahina, at ang LAYAG, 216 pahina. Ang mga kwento sa HAKA ay isinalin nina Susana B. Borrero at Louise O. Lopez. Ang mga kwento sa AGOS ay isinalin ni Susana B. Borrero. Sa labing-apat na kwento sa LAYAG, labingdalawa ang isinalin ni Ellen Sicat, ang isa'y nina Ramon Guillermo at Sofia Guillermo, at ang isa pa'y ni Ramon C. Sunico.

Ang mga awtor sa HAKA ay sina Peter Schattschneider, Ian Watson, Hanus Seiner, Richard Ipsen, Joanna Sinisalo, Aliette de Bodard, Michalis Manolios, Peter Lengyel, Francesco Verso, Francesco Mantovani, Tais Teng, Stanilaw Lem, Pedro Cipriano, Zuzana Stozicka, Bojan, Ekselenski, Sofia Rhei, at Bertil Falk. Sa AGOS naman ay sina Alois Hotschnig, Veronika Santo, Eda Kriseova, Jaroslav Kaifar, Maritta Lintunen, Juli Zeh, Niviaq Korneliussen, Anthony Sheenard, Niccolo Ammaniti, Ubah Cristina Ali Farah, Wieslaw Mysliwski, Pavol Rankov at Nuria Barrios Fernandez. Habang sa LAYAG naman ay sina Stefan Sweig, Jaroslav Hasek, Emmanuel z Lesehradu, Karel Capek, Steen Steensen Blicher, Guy de Maupassant, Erich Kastner, Zsigmond Moricz, Luigi Pirandello, Henryk Sienkewicz, Janco Jessensky, Martin Kukucin, Ramon del Valle-Incian, at C.F.Ramuz.

Ang nagbigay ng Introduksyon sa HAKA ay ang Czech na si Julie Novakova, sa AGOS ay ang Pilipinong si Kristian Sendon Cordero, at sa LAYAG ay ang Czech na si Jaroslav Olsa Jr., sa salin ni Ellen Sicat. Ayon pa sa aklat, si Olsa, na siyang pumili ng mga kwento, ang kasalukuyang ambasador ng Czech Republic sa Pilipinas.

Sa LAYAG, dalawang nanalo ng Nobel Prize in Literature (hindi FOR Literature, batay sa aklat) ang nalathala ang kanilang kwento na isinalin ni Ellen Sicat. Ito'y ang Italyanong si Luigi Pirandello (1934 Nobel) at ang Polish na si Henryk Sienkewicz (1905 Nobel). Pitong beses naman naging nominado sa Nobel Prize in Literature subalit hindi nanalo kahit minsan ang Czech na si Karel Capek, na umano'y unang gumamit ng salitang robot sa literatura, ayon sa sci-fi author na si Isaac Asimov. 

Sa klase ng mga awtor na ito'y tiyak na dekalidad din ang mga akda nilang isinalin. Kaya nakakasabik basahin ang kanilang mga kwento.

Kaya minarapat kong bilhin at ibilang sa munti kong aklatan bilang mga collectors' item ang tatlong mahahalagang koleksyon ng mga kwentong ito. Upang mapayabong pa ang pagkaunawa sa ibang kultura. Upang matuto pa sa paraan ng pagkukwento nila. Upang mabigyang inspirasyon ang sariling panulat. Upang mapaunlad pa at maitaguyod ang wikang Filipino.

Kung mabibigyan ako ng pagkakataon ay nais ko ring maging bahagi sa ganitong proyektong pagsasalin at magsalin ng iba pang kwento mula sa Ingles tungo sa wikang Filipino bilang aking ambag sa pagpapayabong pa ng kultura para sa lalong pagkakaunawaan at pagkakapatiran sa daigdig. Lalo na kung may mga kwento sila tungkol sa buhay ng mga manggagawa, unyonista, at magsasaka sa kani-kanilang bansa.

HAKA, AGOS, LAYAG

sa haka ko'y naglalayag sa agos ng kawalan
yaring guniguning di madalumat ang kung saan
samutsaring kwento mula sa ibang kabihasnan
ang isinalin sa atin upang maunawaan

paano nga ba maglayag sa pag-agos ng haka
kung sakali namang walang laman yaring bituka
makakalangoy ba sakaling tumaob ang balsa
at makaahon sa mabatong alon sa umaga

nagpapatianod ang katawan sa mga agos
upang lumayo sa nakikitang kalunos-lunos
na kalagayan ng mga dalitang pawang kapos
sa pag-irog ng mahal na bayang naghihikahos

matapos ko pa kaya ang mahabang paglalayag
kung sa pagragasa ng alon ay napapapitlag
mga salita'y isinalin upang magpahayag
sa pagbubukangliwayway ay matanaw ang sinag

- gregoriovbituinjr.
12.29.2021

Huwebes, Disyembre 23, 2021

Ang bagyong Odette at ang Climate Change

ANG BAGYONG ODETTE AT ANG CLIMATE CHANGE
Saliksik, sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Katatapos lang nitong Disyembre ang COP 26 sa Glasgow, Poland kung saan pinag-usapan kung paano lulutasin ang epekto ng climate change o nagbabagong klima sa buong daigdig. Iyon ang ika-26 na pagpupulong ng Conference of Parties on Climate Change na nilalahukan ng mga pamahalaan ng iba't ibang bansa. Pinag-usapan kung paano mapapababa ang epekto sa atin ng nagbabagong klima.

At ngayon naman, rumagasa ang bagyong Odette (may international name na typhoon Rai) na ikinasalanta ng maraming lugar sa Kabisayaan. Isa ba itong epekto muli ng nagbabagong klima?

Ayon sa NDRRMC Situational Report No. 4 for Typhoon ODETTE (2021) noong Disyembre 18, 2021, ang sumusunod na lugar ang sinalanta ng nasabing bagyo:

Typhoon “ODETTE” Landfalls:
1:30 PM, 16 December 2021 in Siargao Island, Surigao del Norte
3:10 PM, 16 December 2021 in Cagdianao, Dinagat Islands
4:50 PM, 16 December 2021 in Liloan, Southern Leyte
5:40 PM, 16 December 2021 in Padre Burgos, Southern Leyte
6:30 PM, 16 December 2021 in Pres Carlos Garcia, Bohol
7:30 PM, 16 December 2021 in Bien Unido, Bohol
10:00 PM, 16 December 2021 in Carcar, Cebu
12:00 AM, 17 December 2021 in La Libertad, Negros Oriental
5:00 PM: 17 December 2021 in Roxas, Palawan.

Ayon pa sa NDRRMC, umabot sa 156 ang mga namatay dulot ng bagyong Odette.

Dahil sa nangyaring ito ay muling nabuhay ang panawagang Climate Justice, na madalas isigaw ng maraming aktibistang grupong makakalikasan subalit halos di naman pinakikinggan ng pamahalaan. Ayon kay Yeb Saño, Executive Director ng Greenpeace Southeast Asia: “We stand with our fellow filipinos in Negros, Leyte, Cebu, Bohol, Surigao, and all areas affected by Typhoon Odette. Even with warnings in place, the intensity and the damage brought by this typhoon was unprecedented."

"The disaster brought up our collective trauma from previous typhoons such as Sendong and Yolanda, and reminded us that these extreme weather events are now a norm as the climate crisis worsens every year."

"As we seek immediate recovery for our fellow citizens in the aftermath of Odette, we demand that our institutions see this as another wake-up call — and this time, they have to take it seriously. These typhoons will get worse, more unpredictable, and more destructive should they remain merely reactionary to the climate crisis. Support the call for the declaration of a national climate emergency. Demand climate justice, now.”

Ito naman ang panawagan ng grupong Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ): "Now more than ever, in solidarity with the victims of Typhoon Odette, PMCJ demands that the government immediately release the calamity  and discretionary funds for the immediate relief and recovery work specifically in severely devastated areas and not wait for loans and foreign aid to trickle in."

Maraming nagugutom. Walang tubig. Walang kuryente. Maraming nasirang bahay. Maraming tumigil sa trabaho. Apektado ang buhay ng mga nasalanta. Mayaman man o mahirap, lahat ay tinamaan ng unos. Humigit-kumulang dalawang milyong katao ang apektado. Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), "A total of 452,307 families or 1,805,005 persons were affected by Typhoon “ODETTE” in 3,286 Barangays in Regions V, VI, VII, VIII, IX, X, XI, MIMAROPA, and Caraga."

Samutsaring grupo ang nagsasagawa ng tulong para sa milyon-milyong apektado ng bagyong Odette. Subalit hindi sapat ang ayudang pagkain kundi ang panawagang Climate Justice. Ibig sabihin, dapat matugunan ang suliranin sa nagbabagong klima, tulad ng madalas pag-usapan sa mga pulong ng COP taun-taon. Subalit sana'y hindi lang hanggang laway kundi tumugon talaga ang mga bansa sa pagbabawas ng kanilang emisyon upang matugunan at malutas ang patuloy na pag-iinit ng mundo dulot ng pagsusunog ng mga fossil fuel at mga plangtang coal.

Nag-uusap-usap ang mga pamahalaan, subalit kung hindi nila ito malutas sa itaas, dapat ay makatulong din tayong nasa ibaba upang hindi mahuli ang lahat. Tulad ng pagpapaunawa sa mga manggagawa't maralita ng kahalagahan ng usaping ito para sa kinabukasan ng higit na nakararami.

ANG BAGYONG ODETTE

tumitindi ang bawat agam-agam na dinulot
ng nanalantang unos na sumakbibi ng takot
sa mga nawalan ng bahay at buhay, kaylungkot
animo bawat sikdo niring hininga'y bantulot

di ko man nakita'y tinuran ng mga balita
ang kalunos-lunos na dulot ng unos sa bansa
ah, ilang tahanan at minamahal ang nawala
dahil sa nagbabagong klima't nanalasang sigwa

di maiwasang climate change ay muling pag-usapan
parang Ondoy na nagpalubog sa Kamaynilaan 
parang Yolandang pumaslang ng libong kababayan
ngayon, Odette na nanalasa sa Kabisayaan

ano't kaytindi ng epekto ng climate change doon
na nagdulot ng pangamba sa kabataan ngayon
ano na kayang kinabukasan sila mayroon
kung di kikilos ang kasalukuyang henerasyon

sa nangyaring bagyong Odette ay lalong pag-igihin
ang daigdigang usapan sa pangklimang usapin
upang kinabukasan ng daigdig ay ayusin
upang di maglubugan ang mga isla sa atin

tumitindi ang pag-init, lumalala ang klima
habang plantang coal at fossil fuel ay patuloy pa
halina't tulungan natin ang mga nasalanta
habang sigaw nati'y Climate Justice para sa masa

Mga Pinaghalawan:
https://reliefweb.int/report/philippines/ndrrmc-situational-report-no-4-typhoon-odette-2021-december-18-2021-0800-am
https://ourdailynewsonline.com/2021/12/19/greenpeace-odetteph-another-wake-up-call-to-address-climate-crisis/
https://www.facebook.com/ClimateJusticePH/
https://ourdailynewsonline.com/2021/12/20/gutom-na-po-surigao-city-survivors-call-for-relief-in-odette-aftermath/
https://cnnphilippines.com/news/2021/12/21/NDRRMC-death-toll-Odette-156.html
https://reliefweb.int/report/philippines/dswd-dromic-report-11-typhoon-odette-20-december-2021-6am

Bukrebyu: Ang regalong aklat ng makatang Glen Sales

BUKREBYU: ANG REGALONG AKLAT NG MAKATANG GLEN SALES

Nakasama ko nang minsan sa pagtitipon ng mga makata sa Luneta si Glen Sales, isang guro at makata mula sa lalawigan ng Quezon, sa isang aktibidad ng grupong KAUSAP, kasama ang nagtayo nitong si Joel Costa Malabanan, na guro naman sa pamantasan. Hanggang sa nila-like niya ang mga tula ko sa pesbuk at nila-like ko rin ang kanyang mga tula.

Nitong nakaraan lamang ang pinadalhan niya ako ng librong "Biodiversity in the Philippines" ni Almira Astudillo Gilles, na nasa 56 na pahina. Makulay ang mga nilalaman at hinggil sa kalikasan. Alam daw niyang interes ko ang isyung pangkalikasan kaya niya iyon ibinigay sa akin. Natanggap ko nitong Disyembre 20, araw ng Lunes. Dahil dito'y taospusong pasasalamat ang aking ipinaabot. Agad kong binuklat at binasa ang mga nilalaman.

Ang nasabing aklat ay batayang aralin hinggil sa kalikasan at kagandahan ng ating saribuhay o bayodibersidad. At sa pambungad pa lang ay nagsabi pang kung nais nating makatulong sa kalikasan ay kontakin ang labimpitong grupong kanilang inilatag. Ibig sabihin, maraming sumusuporta sa aklat na ito.

Tinalakay sa unang bahagi ang maraming datos hinggil sa simula ng daigdig batay sa pananaliksik sa kasaysayan, mula pa noong 4.65 bilyong taon na ang nakararaan, kung paano uminog ang enerhiya batay sa pagsusuri ng mga aghamanon o siyentipiko. Nariyan din ang color classification batay sa Tree of Life, pati na ang diversity at endemismo sa ating bansa.

Nariyan ang mga paksa hinggil sa mga sumusunod: Plants, Vertebrates: Birds, Mammals, Reptiles, Fish, Invertebrates: Echinoderms, Corals, Jellyfish, Anemones, Worms and Leeches, Insects, Arachnids, and Crustaceans.

Pinagtuunan ng pansin ang Birth of an Archipelago, Geology Rocks,  Habitats, Coral Reefs and Oceans, Biodiversity Hotspots, Threat to Biodiversity, Overdevelopment. Mayroon palang 110 ethnic groups o grupong katutubo sa Pilipinas, na ayon sa aklat ay nasa sampung porsyento ng populasyon.

Maraming mga payo, tulad ng sampung nakasaad sa "A drugstore in your backyard", at mga halimbawa ng Conservation Efforts. Sa nangyayari sa ating kapaligiran, matutunghayan sa paksang "What you can do" ang mga maaari nating magawa bilang indibidwal, kundi man grupo. Sa pahinang "So you want to be a scientist", nag-anyaya sila kung ano ang maaari nating pag-aralan o basahin upang higit pa nating maunawaan ang ating daigdig, nang sa gayon ay maprotektahan pa ito, tulad ng Astronomy, Biology, Chemistry, Earth Science or Geoscience, Physics, Atmospheric Science, at Material Science.

Iniiwan sa atin ng aklat ang isang quotation mula sa kilalang manunulat ng science fiction na si Isaac Asimov: The most exciting phrase to hear in science, the one that heralds the most discoveries, is not "Eureka!" (I found it!) but  "That's Funny!"

ANG AKLAT NG SARIBUHAY

pasalamat sa kaibigang makatang Glen Sales
dahil sa bigay na aklat, napukaw ang interes
upang saliksikin pang malalim at magkahugis
ang samutsaring kaalamang sa diwa'y nagkabigkis

biglang nagising ang interes sa librong binigay
hinggil sa paksang biodiversity (saribuhay)
sa mundo'y nagkaroon muli ng magandang pakay
habang mga paksa'y binabasa't napagninilay

iba't ibang katanungan ang sa diwa'y umusbong
lalo't sa nagbabagong klima'y paano susuong
na sa bahang dulot ng bagyo'y paano lulusong
sa pag-unawa sa agham ay paano susulong

sa Glasgow, katatapos ng pulong ng mga bansa
pinag-usapan ang klima't anong dapat magawa
at sa tangan kong libro'y muli kong sinasariwa
yaong mga pinagdaanang samutsaring sigwa

halina't magpatuloy sagipin ang kalikasan
ang kapaligiran at lipunan ay pag-aralan
halina't lumahok sa pagkilos at manindigan
para sa kinabukasan ng ating daigdigan

- gregoriovbituinjr.
12.22.2021

Martes, Disyembre 14, 2021

Kwento: Turok at kamatayan sa COVID-19

TUROK AT KAMATAYAN SA COVID-19
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nasa opisina ako sa Pasig nitong Agosto nang malaman ko sa pesbuk na sabay-sabay na namatay ang aking tiyahin, na ang asawa'y kapatid ni Tatay, at ang dalawa niyang pamilyadong anak, dahil sa COVID-19. Namatay sila nang minsang magsama-sama sa kasal ng pamangkin sa pinsan. Kaya kagulo ang aking mga kamag-anak sa Batangas nang malaman ito.

"Ano ba naman iyan? Ano nang nangyayari sa atin? Bakit gayon ang nangyaring biglaan ay marami pa sila?" ang himutok naman sa pesbuk ng isa ko pang pinsan sa ama. Sina Nanay Charing Bituin, at kanyang mga anak na sina Kuya Esmer Bituin at Ate Evelyn Bituin-Alipio ang nadale ng COVID. Kaya naulila si Tatay Pablo, at mga asawa't anak nina pinsang Esmer at Evelyn. Buti na lang at hindi pumunta roon ang aking kapatid na babae at asawa niya, na naimbitahan din sa kasalan.

Nitong Agosto 26, 2021 ay naturukan ako ng first dose sa Pasig. Akala ko ay dalawang linggo lang ay matuturukan na ako ng second dose. Subalit sabi sa akin ay tatlong buwan pa ang second dose dahil Aztrazeneca ang itinurok sa akin. Ganoon pala iyon.

Nitong Setyembre 3 ay sumabay ako kay bayaw sa pag-uwi sa La Trinidad, Benguet, kung saan naroon naman ang aking asawang si Liberty na nag-aalaga sa inang maysakit. Ayon kay Liberty, nagyaya ang aking biyenang babae na magtungo ako roon sa kaarawan nito sa Setyembre 5. Magkasunod lang sila ng aking ina na ang bertdey ay Setyembre 6.

Umalis kami ni bayaw, kasama ang kanyang drayber, ng madaling araw sa Cubao. Nakarating kami ng La Union, patungo sa kanyang kamag-anak roon ng bandang ikawalo ng umaga. Nagkumustahan at nagkwentuhan muna sila bago umalis bago magtanghali. Nakarating kami sa La Trinidad ng bandang ikalawa ng hapon. Pumunta muna kami sa Benguet State University dahil may pulong doon si bayaw. Ako naman ay nagtungo sa katapat nitong Benguet General Hospital pagkat naroon si misis. Katatapos lang niyang magpaturok ng second dose ng Pfizer matapos ang two weeks after first dose. Bandang gabi ng araw na iyon ay napansin ni misis na para akong may trangkaso. Setyembre 5, kaarawan ni Nanay Sofia, maayos pa ang lagay ko ng umagang tirik pa ang araw. 

Kinagabihan, hindi na ako pinayagan ni misis na sumama kina bayaw sa pagluwas sa Maynila dahil tumindi ang trangkaso ko. Setyembre 9 ay nagtungo kami ni misis sa BenguetGen upang magpatingin. Setyembre 12 ay nai-text kay misis na ako'y positibo sa COVID-19. Setyembre 11 ay nagpabakuna naman ang isa ko pang bayaw at ang kapatid nilang Bunso sa Benguet diyan nang mapadala na ang isked nila. Naturukan sila ng Sinovac.

Setyembre 14, isinugod si Bunso sa BenguetGen. Namatay ng araw na iyon si Kokway. Nagulat si Nanay Sofia na nasa ospital din ng araw na iyon, kasama ang isa kong pamangkin, dahil sa COVID. Umaga ng Setyembre 20 ay namatay na rin si Nanay Sofia.

Limang kamatayan sa loob ng dalawang buwan. Tatlo sa bahagi ng kapatid ni Tatay. Dalawa sa bahagi ng aking asawa. Nakalulungkot at nakakatakot na pangyayari sa panahong may COVID din ako at inaalagaan ng aking asawa sa bahay, pagkat puno na ng pasyente sa BenguetGen.

Sinabihan ako ni Mam Lou, na ninang namin ni misis sa sa kasal at siyang nagturo sa amin ng pageekobrik, na itigil ko muna ang pagiging vegetarian ko at kumain akong muli ng karne habang nagpapagaling. Sinunod namin ang payo kaya minsan ay nagbubulalo kami ni misis.

Oktubre 26 ay naiekedyul ako sa second dose sa Pasig. Ang sinabi nilang tatlong buwan ay dalawang buwan lang pala. Dahil nasa Benguet ako at nagpapagaling sa COVID ay hindi ako makaluwas. Kaya nagpasabi na lang ako na magpapaturok ng second dose pag may iskedyul.

Naalala ko ang Disyembre 27 na kababago pa lang kadedeklara na International Day on Epidemic Preparedness nito lang panahon ng pandemya. Marahil dapat magkaroon ng pagkilos sa araw na ito, hindi man sa kalsada, kundi kahit selfie sa pesbuk na may hawak na plakard na nagpapaalala sa araw na ito. Yayakagin ko ang mga kasama na makibahagi sa araw na ito.

Lampas na ako ng 21 days na na-COVID. Kaya nagpasya kami ni misis na lumuwas ng Maynila. Nagpa-antigen muna kami at nagpa-checkup sa BenguetGen bago lumuwas. Nang makuha na namin ang resulta ng anti-gen at general check-up, lumuwas kami ni misis ng Nobyembre 16 ng gabi at nakarating sa Cubao, sa bahay ng aking biyenan, ng madaling araw. 

Napuno ng tula hinggil sa pagkakasakit ko ang aking pesbuk at blog. Patunay ng matindi kong karanasan at alaala ng COVID.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2021, pahina 16-17.