Huwebes, Disyembre 29, 2022

Kwento - Pagkatuso ng mga "Lingkod-Bayan"

PAGKATUSO NG MGA “LINGKOD-BAYAN”
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Komento at karugtong ng maikling kwentong “Kahalagahan ng Pagkilos” na nalathala sa isyung Disyembre 1-15, 2022 sa Taliba ng Maralita)

“Ano ba naman iyan? Umatras na nga ang Kongreso sa Maharlika Invesment Fund, sabi nila. Bakit ngayon ay may botohan pa rin sa panukalang batas na iyan? Hindi ba totoo ang kanilang pag-atras?” ngitngit na komento ni Aling Ligaya sa kanyang anak na si Maningning.

Sumagot naman si Aling Luningning, “Ang inatras lang yata nila ay yaong hindi na kukunin sa pondo ng SSS at GSIS ang magiging pondo ng Maharlika Invesment Fund, dahil sa malakas na pagtutol ng mga tao, hindi ang mismong Maharlika Wealth Fund na iyan, kaya pinagbotohan pa rin nila ang panukalang batas na iyan.”

“Hay, naku, ipinatatanggol mo pa ang mga kolokoy na iyan. Para talaga nilang binibilog ang ating mga ulo. Ipinipilit talaga nila kung ano ang ayaw ng mga tao. Paano natin matitiyak na pag naisabatas iyan, hindi nila kukupitin ang pera natin sa SSS, o sa GSIS man? Sige nga,” ang tugon naman ni Aling Ligaya.

Nakatingin si Mang Igme, na naroong nakikinig. “Magmasid pa tayo. Aba’y matindi ang numerong 279-6 pabor sa panukalang Maharlika Fund. Kaya saludo ako sa anim na tumutol diyan, dahil pahirap talaga iyan sa mamamayan. Kailan kaya titino ang ating pamahalaan?”

“Itay, isa lang talaga ang maisasagot ko sa tanong ninyo? Hangga’t pinaghaharian pa tayo ng mga political dynasty, patuloy ang pamamayagpag ng mga trapo. Hangga’t naririyan ang kapitalismo, patuloy na mamamayagpag ang mga dinastiya. Kaya dapat mapalitan mismo ay ang bulok na sistemang nakasuso palagi sa puhunan ng naghaharing iilan.” Paliwanag ni Maningning.

“Talagang tuso ang mga pulitikong iyan? Imbes na paglilingkod sa bayan, ginagawang negosyo ang serbisyo publiko. Sa tanda ko nang ito, nais ko pa ring sumama sa pagkilos ninyo, anak. Nais kong makiisa sa taumbayan sa anumang pagkilos laban sa anumang pagsasamantala at pang-aapi sa masa. Nais kong mamatay nang may ipinaglalaban.”

“Aba, mahal ko, sasamahan kita riyan. Hindi tayo mag-iiwanan. Aba’y kinabukasan, hindi lang ng bayan, kundi ng mga anak at apo natin ang nakasalalay. Iginapang na natin sila sa hirap, kaya marapat lang na ipaglaban din natin ang kanilang kinabukasan.” Si Aling Ligaya muli.

“Ganito na lang po, Itay. Kung may pagkilos muli kami ay sabihan po namin kayo. At sabihan ko silang pagsalitaan kayo nang inyong nararamdaman, hindi lang sa isyung binanggit ninyo, kundi sa aming isyu rin po. Ang pagbuwag sa salot na kontraktwalisasyon. Sa Lunes po ay may pagkilos kami sa Meralco laban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng kuryente. Nais n’yo po bang sumama?”

“Aba’y isyu rin natin iyan, anak. Pati na ang sinasabing climate change. Sige, anak, sasama kami ng Itay mo.” Pagtatapos ni Aling Ligaya.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 16-31, 2022, pahina 18-19.

Lunes, Disyembre 19, 2022

Pagpupugay sa umawit ng ending ng Voltes V

PAGPUPUGAY SA UMAWIT NG ENDING NG VOLTES V
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nabalitaan ko na lang sa social media ang pagkamatay ng umawit ng ending theme song pag natatapos ang isang serye ng Voltes V sa telebisyon. Bata pa ako'y pamilyar na ako sa dalawang theme song ng nasabing anime, na ang opening song ay may umpisang "Tatoe arashi ga hukou tomo" na maaawit din sa videoke.

Subalit ang ending na "Chichi Wo Motomete" ay hindi ko pa nakita sa videoke. Bagamat meron nito ayon sa pananaliksik. Si Ichirou Mizuki, na ang tunay na pangalan ay Toshio Hayakawa ay isinilang noong Enero 7, 1948 at namatay nito lang Disyembre 6, 2022. Siya ay isang Japanese singer, lyricist, composer, voice actor at aktor na kilala sa kanyang mga gawa sa theme song para sa anime at tokusatsu (live action film). Sa loob ng mahigit 50 taon, nakapagtala siya ng mahigit 1,200 kanta para sa pelikulang Hapones, telebisyon, video at video game. Kinikilala siya ng mga tagahanga at kapwa performer bilang Aniki (big brother o Kuya) ng anison, o anime na genre ng musika. Ginawa niya ang singing duo na Apple Pie mula noong 1990 at nilikha ang Anison band na JAM Project noong 2000.

Kilala ko na ang kanyang boses noong aking kabataan, dahil noong ipalabas ang Voltes V noong 1978 sa Pilipinas ay ang boses niya ang umaalingawngaw sa ere pag natapos nang hatiin ni Voltes V ng letrang V ang kanyang kalaban. Ibig sabihin, kada matatapos ang serye ay inaawit ang Chichi Wo Motomete (Searching for Father).

Pinalabas ang Voltes V sa Pilipinas noong Mayo 5, 1978, at tinanggap ni dating pangulong Marcos noong Agosto 27, 1979. Naging kilala ng kabataan ang Voltes V at Mazinger Z, pati Mekanda Robot, at sina Richard at Erica ng Daimos. Subalit pinakasikat talaga si Voltes V.

Sa limang kasapi ng Voltes V, tatlo ang magkakapatid na naghahanap sa kanilang Tatay na minsan na nilang nakasama. Tatay nina Steve Armstrong, Big Bert at Little John si Dr. Armstrong. Si Dr. Ned Armstrong (Kentari Gou) ay pamangkin ng emperador ng Boazanian, muntik nang maging emperador mismo ngunit nakulong dahil sa pagpapanggap bilang isang may sungay na Boazanian, kalaunan ay tumakas sa Daigdig at nagkaroon ng tatlong anak sa tagalupang si Gng. Armstrong (Mitsuyo Guo). Siya ang lumikha ng Voltes Five. Bago pumarito sa Daigdig, nagkaroon siya ng anak sa Boazanian na nagngangalang Bree--ang batang ito ay lumaki sa kalaunan at naging Prince Zardos. Kaya magkakapatid sa ama ang magkakalabang sina Prince Zardos, at sina Steve Armstrong, Big Bert at Little John.

Tinangka kong isalin ang Chichi Wo Motomete sa wikang Filipino. Narito ang liriko ng nasabing awit sa wikang Hapones:

CHICHI WO MOTOMETE

Oya ni hagureta hinadori mo
Itsuka wa yasashii futokoro ni
Aeru ashita mo aru darou
Da no ni naze meguriaenu chichi no kage
Naku mono ka boku wa otoko da
Shinjite'ru shinjite'ru sono hi no koto wo
Kono te de chichi wo dakishimeru hi no koto wo

No ni saku hana mo tsuyukusa mo
Itsuka wa hito to meguriaeru
Kataru yube mo aru darou
Da no ni naze otozurenai shiawase ga
Naku mono ka boku wa otoko da
Taete matsu taete matsu sono hi ga kuru to
Te wo tori chichi wo waraiau hi ga kuru to

Mikadzuki wo oou murakumo mo
Itsuka wa kaze ga fukiharai
Kagayaku yoru mo aru darou
Da no ni naze kiramekanai chichi no hoshi
Naku mono ka boku wa otoko da
Tatakau zo tatakau zo sono hi no tame ni
Kono te ni chichi wo torimodosu hi no tame ni

Narito naman ang English translation (na nakita natin sa internet, sa tulong ni Mr. Google)"

SEARCHING FOR FATHER

There will be a tomorrow
when even this little bird that turned from his parents
can someday return to their kind bosom, right?
Yet why can't I even meet father's shadow?
Am I going to cry? No way, I'm a man.
I believe, I believe in that day,
the day I embrace my father in my arms.

Someday the flowers of the field and grass of the rainy season
shall meet someone.
Perhaps there will come a day I can say so.
Yet why doesn't happiness come?
Am I going to cry? No way, I'm a man.
I shall endure. I shall bear and wait for that day to come,
the day when I can hold father's hand and laugh with him.

Someday the winds shall sweep away
the clouds hung over the crescent moon
Perhaps there will be a brilliant night
Yet why doesn't father's star shine?
Am I going to cry? No way, I'm a man.
I shall fight, I shall fight for that day,
for the day I take back father with my own hands.

Bagamat naglagi ako sa loob ng anim na buwan sa Japan (Hulyo 1988 hanggang Enero 1989) sa Iwate Ken, Hanamaki Shi, ay hindi naman ako magaling talaga sa wikang Hapon, kaunti lang. Kaya sinubukan kong isalin ang Chichi Wo Motomete sa wikang Filipino, mula sa Ingles.

Tinangka kong isalin ang awit na parang tula, na may bilang na labinlimang pantig bagamat di lahat ay may rima o tugma. Ito ang kinalabasan:

PAGHAHANAP KAY AMA
15 pantig bawat taludtod

May bukas maging ibong lumayas sa ama't ina
Na balang araw ay uuwi sa kanila, di ba?
Bakit ang anino ni Ama'y di man lang nakita?
Iiyak ba ako? Aba'y hindi, lalaki ako.
Naniniwala akong araw na yao'y darating,
Na si Tatay ay akin nang mayayakap sa bisig.

Balang araw ay magkakadaupang palad na rin
Yaong bulaklak sa parang at damo sa tag-ulan.
Baka darating ang araw na masabi ko ito.
Ngunit bakit di dumaratal ang kaligayahan?
Iiyak ba ako? Aba'y hindi, lalaki ako.
Titiisin ko't hihintayin ang araw na iyon
Na mahawakan ang kamay ni Ama't makitawa.

Balang araw ay tatangayin ng hangin ang ulap 
Na nakabitin sa rabaw ng gasuklay na buwan
Marahil ay mayroong nagliliwanag na gabi
Ngunit bakit di kumikinang ang tala ni Ama?
Iiyak ba ako? Aba'y hindi, lalaki ako.
Lalaban ako, sa pagdating ng araw na iyon,
Ay mababawi ko si Ama gamit yaring kamay.

Narito naman ang inalay kong tula para sa kanya:

ICHIROU MIZUKI

bata pa kami'y kilala na namin ang boses mo
dahil matapos ang Voltes V, iilanlang ito
at mararamdaman sa puso at buto ang tono
kahit di namin nauunawaan ang liriko

sa aming kabataan, alamat ka't inspirasyon
lalo't bahagi kami ng Voltes V Generation
na nang mag-alsa sa Edsa, kami nga'y pumaroon
agad nakiisa sa sambayanang bumabangon

maraming salamat, Ginoong Ichirou Mizuki
at sa walang kamatayang Chichi Wo Motomete
pagkat sa awitin mo'y pinasaya ang marami,
pati sa aming nangarap na bayan ay bumuti

muli, kami sa iyo'y taasnoong nagpupugay
sa Voltes V, at sa awit mo'y mabuhay! Mabuhay!

Pinaghalawan:
https://www.forbes.com/sites/olliebarder/2022/12/12/renowned-japanese-singer-ichiro-mizuki-has-died-at-the-age-of-74/?sh=6635c0a3382a
https://en.wikipedia.org/wiki/Ichirou_Mizuki
https://members.tripod.com/~voltes_5/v5heroes.html
http://www.animelyrics.com/anime/voltesv/chichi.htm

Miyerkules, Disyembre 14, 2022

Kwento - Kahalagahan ng Pagkilos

KAHALAGAHAN NG PAGKILOS
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Ay sos, rali na naman. Wala na ba kayong kapaguran diyan? Wala naman kayong kinikita diyan, ah! Pulos kayo reklamo! Bakit hindi kayo magtrabaho at magbanat ng buto?” ang sermon na naman ni Aling Ligaya sa kanyang anak na si Maningning.

“Tumaas na naman kasi ang presyo ng bilihin, at hindi na makasabay ang sahod ng mga manggagawa, Inay! Magkano na ang isang kilong sibuyas ngayon, triple na po sa dating presyo! Nakakaiyak na, inay! Pati ang panggatas ni beybi, apektado! Kailangan na itong tutulan!” ang sagot naman ni Maningning.

“Aber, mapapababa ba ninyo ang presyo niyan? Aba’y kailan pa sa kasaysayan nagbabaan ang mga presyo ng bilihin? Tumigil nga kayo diyan, at alagaan mo na lang ang anak mo? Nagpapakapagod ka lang diyan, masisira pa ang kutis mo sa araw.”

“Sandali lang naman ang pagkilos na ito, Inay. Pagkatapos po nito ay uuwi na ako,” muling sagot ni Maningning.

“Tama naman ang anak mo, Ligaya. Aba’y kung hindi ipinaglaban noon ng mga manggagawa sa Haymarket Square sa Chicago ang walong oras na paggawa mula sa labing-anim o labingwalong oras na paggawa kada araw, aba’y baka hanggang ngayon ay wala pang batas para sa otso-oras na paggawa. Kung wala ang mga protesta ng mamamayan laban sa mga mapaniil na batas o pangit na kalagayan, aba’y walang magagawang batas sa ating bansa. Dati hindi pwedeng magbuo ng unyon, ngayon ay nakalagay na ito sa ating Saligang Batas dahil ipinaglaban ito.” Ito naman ang sinabi ni Mang Igme.

Si Aling Ligaya ay nagtitinda sa palengke, at naghuhulog din sa SSS para raw may makuha sakaling kailanganin. Si Mang Igme naman ay dating manggagawa sa pabrika, na noong pandemya ay nawalan ng trabaho. Si Maningning naman ay manggagawa sa patahian ng pantalon.

Noong isang araw lang ay nabalitaan nilang may panukalang batas sa Kongreso hinggil sa Maharlika Wealth Fund, kung saan kukunin ang pondo ng pamahalaan sa kontribusyon ng mga miyembro ng SSS at GSIS. 

Nagulat si Aling Ligaya, at sinabi niyang bakit pera ng mga kontribyutor sa SSS at GSIS ang pagkukunan ng pondo, gayong maraming mayayaman sa bansa, tulad ng mga pulitiko at bilyonaryo na dapat kunan ng pondo kung magiging maayos lamang ang pagbubuwis. Dapat nga ay mas buwisan ang mayayaman, at hindi ang mga mahihirap.

Kaya nang mabatid ni Aling Ligaya na sasama ang kanyang anak sa rali laban sa bantang pagsasabatas ng Maharlika Wealth Fund, agad siyang nagboluntaryong sumama. Sabi niya sa anak, “Oo lang ako ng oo sa mga nangyayari noon. Subalit kung gagalawin na nila ang mga ipon naming mga kontribyutor sa SSS, aba’y hindi na maaari iyan. Hindi ako sanay sa rali, anak, subalit sa pagkakataong ito, sasama ako sa rali ninyo upang isatinig ang aking nararamdaman, at tutulan ang ganyang panukala.” Ikapito ng Disyembre ay sumama silang mag-ina sa rali sa SSS. 

Pagkauwi sa bahay ay ibinalita na sa telebisyon ang pag-atras ng mga kongresista sa pagsasabatas ng panukalang Maharlika Wealth Fund dahil daw baka magalit ang tao sa gagawin nila.

“Tama ka, anak, kung hindi tayo kikilos ngayon, at oo lang tayo ng oo, aba’y baka nagalaw na nila ang aming pinaghirapang hulugan sa SSS. Salamat at may katulad ninyong sama-samang kumikilos at  tumututol sa mga maling gawain at katiwalian. Mabuhay kayo, anak!”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2022, pahina 18-19.

Linggo, Disyembre 4, 2022

Bakit 1985, hindi 1986, talaga itinatag ang KPML?

BAKIT 1985, HINDI 1986, TALAGA ITINATAG ANG KPML?
Ilang pagsusuri at ang mungkahing pagwawasto sa kasaysayan ng KPML
ni Gregorio V. Bituin Jr.

May tatlong petsa sa kasaysayan ng KPML na umabante ng isang taon. Ang lahat ng ito'y dahil sa pagkasaliksik sa talagang petsa ng EO 82 na nilagdaan ni dating Pangulong Cory Aquino. Ang petsa ng EO 82 ang dahilan ng usaping ito.

Kung hindi dahil dito ay wala sanang problema sa petsa ng pagkakatatag ng KPML. Sinasabi sa dokumentong "Oryentasyon ng KPML" na isa ang KPML sa dahilan kung bakit naitayo ang PCUP. Narito ang problema. Kung hindi natin itatama ang kasaysayan, tiyak kukuwestyunin din ito ng mga susunod pang henerasyon.

Baybayin muna natin kung ano ang nakasulat na kasaysayan batay sa "Oryentasyon ng KPML":

B. BILANG PAMPULITIKANG KUMPEDERASYON

Noong panahon ng diktadurang Marcos, ang pakikibaka ng mga maralita ay kalat-kalat at kanya-kanya. Walang sentralisadong pagkilos kung kaya’t mula sa ganitong kalagayan, itinayo ang KPML bilang isang sentrong organisasyong pampulitika ng maralita, upang pagkaisahin at organisahin ang pakikibaka ng maralita sa isang sentralisadong pagkilos, di lamang sa usapin ng pabahay, kabuhayan, serbisyo at mga karapatan, bagkus hanggang sa pakikibaka laban sa kahirapan.

Tumungo ang pakikibakang ito sa pagkakaroon ng pampulitikang kapangyarihan sa hangaring makamit ang isang ganap na pagbabago tungo sa lipunang may pagkakapantay-pantay.

C. KAILAN AT PAANO NABUO ANG KPML

Sa gitna ng magiting na pakikibaka ng maralita sa karapatan sa paninirahan, serbisyo at kabuhayan, itinatag ang KPML noong Disyembre 18, 1986 bunga ng pagkakabigkis ng iba’t ibang samahang maralita na pinangunahan ng Zone One Tondo Organization (ZOTO), Coalition of Urban Poor Againts Poverty (CUPAP) at ng Pagkakaisa ng Mamamayan ng Navotas (PAMANA) at ng iba pang samahang maralita. Ang KPML ay isang katugunan sa pangangailangan para sa isang sentrong pampulitikang organisasyon ng maralita.

Isinusulong ng KPML ang pakikibaka ng maralita para sa isang lipunang malaya at may pagkakapantay-pantay kasama ng iba pang samahang pangkomunidad. Binibigyang-diin nito ang pakikipaglaban ng maralita sa pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan.

Nagtuloy-tuloy ang pakikibaka ng maralita sa pangunguna ng KPML. Noong kalagitnaan ng taong 1987, isa ang KPML na nagbuo ng National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO) na siyang naghain ng People’s Proposal sa Malacañang. Naglalaman ito ng mga pagsusuri sa mga suliranin ng mga maralitang lungsod, ng kahinaan ng umiiral na proyektong Low Cost Housing at naghain ng alternatibo sa gobyernong Aquino. Nagbunga ang mga konsultasyon at ang sagot ng gobyerno ay ang pagtatayo ng Urban Poor Task Force na sa kalaunan ay itinayo ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) bilang ahenya ng pamahalaan na gagabay sa pagpapatupad ng mga patakaran at implementasyon ng mga programa para sa maralitang lungsod.

Bagamat nakapagpatayo ng ganitong ahensya para sa maralita, wala ni isa man sa nilalaman ng People’s Proposal ang nakamit, tulad ng ang dapat mamuno rito ay mismong galing sa hanay ng maralita. Walang habas na ipinapatupad ng pamahalaan ang marahas na demolisyon at ebiksyon ng mga maralita. Pagkaraan ng isang taon, nabuwag ang NACUPO at muling pinamunuan ng KPML ang pakikibaka ng maralita.

MGA NAKITANG APAT NA DAHILAN NG KAMALIAN SA PETSA

Una, batay sa Oryentasyon ng KPML, naisabatas ang PCUP noong 1987, walang eksaktong petsa. Nasaliksik natin, na ang mismong batas, o Executive Order 82, na nagtatayo ng PCUP, ay naisabatas noong Disyembre 8, 1986, sampung araw bago itatag ang KPML noong Disyembre 18, 1986. Kung naisabatas na pala ang PCUP, bakit nanawagan pa tayong magkaroon ng PCUP sa kalagitnaan ng 1987. Samakatwid, hindi 1987, kundi 1986, dapat ang nakasulat sa Oryentasyon ng KPML.

Ikalawa, ayon sa Oryentasyon, "Noong kalagitnaan ng taong 1987, isa ang KPML na nagbuo ng National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO) na siyang naghain ng People’s Proposal sa Malacañang. Naglalaman ito ng mga pagsusuri sa mga suliranin ng mga maralitang lungsod, ng kahinaan ng umiiral na proyektong Low Cost Housing at naghain ng alternatibo sa gobyernong Aquino." Walang eksaktong petsa ang "Noong kalagitaan ng taong 1987" na "naghain ng People's Proposal sa Malacañang". Nahanap natin ang eksaktong petsa nito, na kung tutuusin ay mula sa minutes ng Malacañang. 

Ito ang nakasaad sa ating nasaliksik mula sa https://pcup.gov.ph/index.php/about-pcup/background-history

"Two months after the February political revolt, on April 10, 1986 the Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod, or KPML, had a dialogue with President Corazon C. Aquino and demanded for a moratorium on demolition, and for the establishment of the Presidential Arm on Urban Poor Affairs (PAUPA), a government unit that would allow avenues for the poor for consultation and participation on things that concern them.

On May 30 to June 2, 1986, another alliance was formed, the National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO), composed of two major groups of varying ideological leanings. This new organization pursued the same issues raised during their April 10 march to Malacanang. They stated, however, that they wanted to change PAUPA to PCUP or Presidential Council on Urban Poor.

On December 8, 1986, President Aquino issued Executive Order No. 82 which created PCUP, mainly a coordinative and advocacy body mandated to serve as the direct link of the urban poor to the government in policy formulation and program implementation addressed to their needs”.

Ang "Noong kalagitaan ng taong 1987" ay dapat "Noong kalagitaan ng taong 1986". Kaya kung umabante ng isang taon ang petsa ng dalawang nabanggit na dahilan, at kung itatama natin ito, dapat ang 1987 ay gawin nating 1986.

Ikatlo, kung umabante ng isang taon ang dalawang petsa at ibabalik natin ito sa tama, mula 1987 ay 1986, ibig sabihin ang pangatlong petsa ay mali rin, na dapat ibalik sa tama. Ang "itinatag ang KPML noong Disyembre 18, 1986" ay dapat " itinatag ang KPML noong Disyembre 18, 1985"

Hindi ba't lohikal na itama natin ang tatlong year sa tama? Nagkamali sa dalawang unang nabanggit na petsa, kaya yung ikatlong petsa ay mali rin. Lahat ay umabante ng isang taon, kaya iwasto natin ito sa pamamagitan ng pag-urong ng isang taon upang maiwasto ang mga petsa.

Ikaapat, binanggit sa Oryentasyon, "Noong panahon ng diktadurang Marcos, ang pakikibaka ng mga maralita ay kalat-kalat at kanya-kanya. Walang sentralisadong pagkilos kung kaya’t mula sa ganitong kalagayan, itinayo ang KPML bilang isang sentrong organisasyong pampulitika ng maralita..." Panahon pala ng diktadurang Marcos naitayo ang KPML!

Bakit hindi sinabing "Noong panahon matapos ang pag-aalsang EDSA 1986, ang pakikibaka ng mga maralita ay kalat-kalat at kanya-kanya." Patunay lang ito na isinulat iyon ng naunang nagsulat na panahon ng martial law nang maitatag ang KPML, hindi matapos ang panahon ng diktadurang Marcos. Nasa alaala talaga niya na panahon ng malupit na diktadurang Marcos itinatag ang KPML.

Hanggang Pebrero 1986 ang diktadurang Marcos hanggang mapatalsik ng sambayanan si Marcos noon ding Pebrero 1986. Kaya naitayo ang KPML noong 1985, hindi 1986.

DAGDAG NA PAGSUSURI

Kung maitatama natin ang kasaysayan, hindi tayo makukwestyon ng mga susunod na henerasyon, at hindi nila tayo tatangungin ng "Kung naisabatas pala ang PCUP noong December 8, 1986, at naitayo lang ang KPML sampung araw matapos isabatas ang PCUP, aba'y bakit nanawagan kayo ng pagtatayo ng PCUP noong 1987?"

Dalawang bagay. Tanggalin natin sa kasaysayan ng KPML na isa tayo sa nanawagan ng pagtatayo ng PCUP, para mapanatili ang Disyembre 8, 1986, o panatilihin natin na isa ang KPML sa nanawagang maitayo ang PCUP noong kalagitnaan ng 1986 subalit itama natin ang kasaysayan na naitayo ang KPML noong December 18, 1985.

Matatanggal ba natin sa kasaysayan na isa ang KPML sa nanawagan ng pagtatayo ng PCUP, gayong binanggit mismo sa kasaysayan ng PCUP, na isa ang KPML sa nanawagan ng pagtatayo ng PCUP.

Itinama ng papel na ito ang tatlong umabanteng petsa ng isang taon, at ibinalik natin ito sa tamang year. Iyong dalawang petsang 1987 ay ibinalik natin ng isang year sa 1986, at ang isang petsang 1986 ay ibinalik natin ng isang year sa 1985.

Kaya masasabi talaga nating hindi December 8, 1986 naitatag ang KPML, kundi December 8, 1985.

PAANO NATIN ISUSULAT NGAYON ANG KASAYSAYAN NG KPML?

Ito ang mungkahi naming pagwawasto sa pagkakasulat:

B. BILANG PAMPULITIKANG KUMPEDERASYON

Noong panahon ng diktadurang Marcos, ang pakikibaka ng mga maralita ay kalat-kalat at kanya-kanya. Walang sentralisadong pagkilos kung kaya’t mula sa ganitong kalagayan, itinayo ang KPML bilang isang sentrong organisasyong pampulitika ng maralita, upang pagkaisahin at organisahin ang pakikibaka ng maralita sa isang sentralisadong pagkilos, di lamang sa usapin ng pabahay, kabuhayan, serbisyo at mga karapatan, bagkus hanggang sa pakikibaka laban sa kahirapan.

Tumungo ang pakikibakang ito sa pagkakaroon ng pampulitikang kapangyarihan sa hangaring makamit ang isang ganap na pagbabago tungo sa lipunang may pagkakapantay-pantay.

C. KAILAN AT PAANO NABUO ANG KPML

Sa gitna ng magiting na pakikibaka ng maralita sa karapatan sa paninirahan, serbisyo at kabuhayan, itinatag ang KPML noong Disyembre 18, 1985 bunga ng pagkakabigkis ng iba’t ibang samahang maralita na pinangunahan ng Zone One Tondo Organization (ZOTO), Coalition of Urban Poor Againts Poverty (CUPAP) at ng Pagkakaisa ng Mamamayan ng Navotas (PAMANA) at ng iba pang samahang maralita. Ang KPML ay isang katugunan sa pangangailangan para sa isang sentrong pampulitikang organisasyon ng maralita.

Isinusulong ng KPML ang pakikibaka ng maralita para sa isang lipunang malaya at may pagkakapantay-pantay kasama ng iba pang samahang pangkomunidad. Binibigyang-diin nito ang pakikipaglaban ng maralita sa pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan.

Nagtuloy-tuloy ang pakikibaka ng maralita sa pangunguna ng KPML. Noong Abril 10, 1986 ang KPML ay nakipagdayalogo kay Pangulong Corazon C. Aquino at humiling ng moratorium sa demolisyon, at para sa pagtatatag ng Presidential Arm on Urban Poor Affairs (PAUPA). Noong Mayo 30 hanggang Hunyo 2, 1986, isa pang alyansa ang nabuo, ang National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO), kung saan isa sa nagbuo ay ang KPML, na siyang naghain ng People’s Proposal sa Malacañang.  Naglalaman ito ng mga pagsusuri sa mga suliranin ng mga maralitang lungsod, ng kahinaan ng umiiral na proyektong Low Cost Housing at naghain ng alternatibo sa gobyernong Aquino. Itinuloy ng bagong organisasyong ito ang parehong mga isyu na ibinangon sa kanilang martsa noong Abril 10 patungong Malacanang. Sinabi nila, gayunpaman, na nais nilang baguhin ang PAUPA sa PCUP o Presidential Council on Urban Poor.

Nagbunga ang mga konsultasyon at ang sagot ng gobyerno ay ang pagtatayo ng Urban Poor Task Force na sa kalaunan ay itinayo ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) bilang ahenya ng pamahalaan na gagabay sa pagpapatupad ng mga patakaran at implementasyon ng mga programa para sa maralitang lungsod. Noong Disyembre 8, 1986, inilabas ni Pangulong Aquino ang Executive Order No. 82 na lumikha ng PCUP, sampung araw bago ang unang anibersaryo ng KPML. 

Bagamat nakapagpatayo ng ganitong ahensya para sa maralita, wala ni isa man sa nilalaman ng People’s Proposal ang nakamit, tulad ng ang dapat mamuno rito ay mismong galing sa hanay ng maralita. Walang habas na ipinapatupad ng pamahalaan ang marahas na demolisyon at ebiksyon ng mga maralita. Pagkaraan ng isang taon, nabuwag ang NACUPO at muling pinamunuan ng KPML ang pakikibaka ng maralita.

KONGKLUSYON:

Dahil sa mga inilatag na mga punto, hindi talaga December 18, 1986 naitatag ang KPML, kundi December 18, 1985. Iwinasto natin ang mga petsa upang magtugma ang lahat ng pangyayari sa kasaysayan ng KPML. Kaya sa darating na Disyembre 18, 2022 ay ipagdiriwang natin ang ika-37 taon ng pagkakatatag ng KPML.

Sinulat sa Lungsod Quezon
Disyembre 4, 2022

Martes, Nobyembre 29, 2022

Kwento - Ang Awiting Manggagawa, Awit sa Klima, at Teatro Pabrika

ANG TULANG MANGGAGAWA, AWIT SA KLIMA, AT TEATRO PABRIKA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nang magkita kami ng ilang kasama sa grupong Teatro Pabrika nitong Nobyembre 23 sa unang araw pa lang ng Ikatlong Pambansang Kongreso ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) ay ibinalita ko agad sa kanila na sayang at wala sila sa dinaluhan kong kauna-unahang National Poetry Day o Pambansang Araw ng Pagtula na ginanap sa Metropolitan Theatre. Hindi raw naman nila alam, at kung alam nila’y baka hindi sila pumunta dahil walang imbitasyon sa kanila upang kumanta.

Tama naman. Ang National Poetry Day, Nobyembre 22, ay itinaon sa kaarawan ng unang Hari ng Balagtasan na si Jose Corazon de Jesus, na kilala ring Huseng Batute. Narinig ko na kasi nang inawit ng mga taga-Teatro Pabrika ang isang tula ni Batute na pinamagatang Manggagawa. Anong ganda ng kanilang awiting iyon. Makabagbag-damdamin. Narito ang tula:

Bawat palo ng martilyo / sa bakal mong pinapanday
alipatong nagtilamsik, / alitaptap sa kadimlan;
mga apoy ng pawis mong / sa Bakal ay kumikinang
tandang ikaw ang may gawa / nitong buong Santinakpan
Nang tipakin mo ang bato / ay natayo ang katedral,
nang pukpukin mo ang tanso / ay umugong ang batingaw
nang lutuin mo ang pilak / ang salapi ay lumitaw,
si Puhunan ay gawa mo / kaya ngayo'y nagyayabang.
Kung may ilaw na kumisap / ay ilaw ng iyong tadyang,
kung may gusaling naangat, / tandang ikaw ang pumasan
mula sa duyan ng bata / ay kamay mo ang gumalaw
hanggang hukay ay gawa mo / ang kurus na nakalagay.
Kaya ikaw ay marapat / dakilain at itanghal
pagkat ikaw ang yumari / nitong buong Kabihasnan.
Bawat patak ng pawis mo'y / yumayari ka ng dangal
dinadala mo ang lahi / sa luklukan ng tagumpay.
Mabuhay ka ng buhay na / walang wakas, walang hanggan,
at hihinto ang pag-ikot / nitong mundo pag namatay.

Sinabi ni Erwin Cuenca na nilagyan nila ng tono ang tulang ito bilang bahagi ng pagsasanay nila noon sa PETA (Philippine Educational Theater Association). Kung mapapansin natin, labing-anim na pantig bawat taludtod, at may sesura o hati sa ikawalo. Sa ikalabindalawang taludtod, ang salitang “kurus” ay iyon mismo ang orihinal, hindi krus, kaya sukat na sukat sa tula. 

Kahit iyon ay Pambansang Araw ng Pagtula, marami rin ang naghandog ng awitin, tulad ng dalawang anak ni Prof. Michael Coroza, na sina Miko at Haraya, na inawit ang dalawang tula ni Huseng Batute.

Maya-maya, tinawag na ang Teatro Pabrika, kasama ang Soulful Band nina Erwin Puhawan, at ang bandang Apolonio Samson, upang awitin ang isang kanta hinggil sa Climate Justice. Pinakita muna ang bersyong Ingles sa tonong “Bella Ciao” na orihinal na awiting Cubano, at inawit naman nila ang bersyong Pinoy nito. Pinakinggan ko ang awit at halos ganito ang liriko. Pasensya na kung hindi ko nakuha lahat.

Tayo nang gumising, mga mata'y imulat
Tayo nang tumulak at kumilos na, ngayon na
Adhika natin, magandang bukas
Ito na ang ating simula, ngayon na, ngayon na
Hustisyang pangklima, ngayon na, ngayon na
Ang ating mundo ay may problema
Solusyon ay iparte, ngayon na, ngayon na
Pagpalain, magandang bukas, ito ang ating simula
Hustisyang pangklima, ngayon na, ngayon na
Walang hustisya para sa klima kung sistema'y di babaguhin, kilos na
Nagnanais ng magandang bukas
Ito ang ating simula, ngayon na, ngayon na

Ilang taon na rin ang nakararaan nang makakita ako ng unang album ng Teatro Pabrika, ang Haranang Bayan, na talagang madarama mo ang pagtimo sa puso’t diwa ng mga awit, lalo na ang Lipunang Makatao. Sana’y magrekrut pa sila ng mga bagong dugo upang magpatuloy ang Teatro Pabrika.

Maraming salamat sa inyo, mga kasama sa Teatro Pabrika, na patuloy pa rin ang paglilingkod sa bayan at sa uring manggagawa, sa inyong mga makabagbag-damdaming awitin. Sana, sa ikalawang National Poetry Day na gaganapin muli sa MET sa 2023 ay maimbitahan kayo upang iparinig sa madla, lalo na sa sektor ng panitikan, tulad ng mga makata, ang pag-awit ninyo ng akdang Manggagawa ni Jose Corazon de Jesus. Naroon din sa aktibidad na iyon, noong 11.22.22 ang dalawang pambansang alagad ng sining para sa panitikan, sina Virgilio S. Almario at Gemino H. Abad.

Magkita-kita tayo sa MET sa Nobyembre 22, 2023 nang marinig ng madla ang pag-awit ninyo ng Manggagawa ni Huseng Batute. Kita-kits!

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 16-30, 2022, pahina 18-19.

Lunes, Nobyembre 14, 2022

Kwento - Redtagging


REDTAGGING
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Hoy, alam n’yo ba na na-redtag daw si Mang Gusting, kaya hindi niya alam ang gagawin. Kaya nagpapahanap ng abogado upang ipagtanggol ang kanyang sarili.” Agad na balita ni Mang Igme.

“Nakupo,” ang tugon ni Aling Ligaya. “Mahirap iyan, alam n’yo naman na pag na-redtag ka ay para na ring may nakatutok na bala sa ulo mo. Pagbibintangan ka nang komunista, at baka likidahin ka na rin ng mga terorista, ‘yun bang mahilig sa tokhang. Lagot siya sa mga asong ulol na naglalaway sa gatilyo. Sana’y mag-ingat si Mang Gusting.” Dating unyonista si Mang Gusting at ngayon ay lider maralita.

“Tama po kayo, pagkat mura na lang ang buhay ngayon. Di ba’t nung nakaraang administrasyon ay libu-libo ang natokhang, na pinatay nang walang kalaban-laban, at sinasabing nanlaban daw kaya pinatay. Hay, naku! Lalo na iyang redtagging na iyan. Nakakatakot!” sabi ni Mang Kulot.

“Kaya anong maipapayo natin kay Mang Gusting?” ani Mang Igme.

“Aba’y kausapin natin si Attorney kung anong dapat gawin. Aba’y nakakaawa naman ang ating kasamahan kung ganyang sa araw-araw na lang ay kinakabahan dahil sa maling paratang sa kanya,” dugtong naman ni Aling Ligaya. “Iyan lang sa ngayon ang ating magagawa.”

Kaya kinausap nila si Mang Gusting upang pumunta kay Attorney. “Ano kaya kung samahan ka namin upang matiyak namin na makakausap mo siya? Aba’y kaligtasan mo na ang nakasalalay dito. Baka isang araw ay matagpuan kang nakahandusay na lang sa kalye at may tama ng bala.” 

“Mga siraulo ang nangre-redtag na iyon. Mga naglalaway sa dugo. Akala’y kabayanihan ang kanilang ginagawa para sa bayan kundi pagiging salot at kawalanghiyaan!” ang himutok ni Mang Gusting.

“Naririyan na iyan,” sabi ng kanyang asawang si Aling Luningning, “di na panahon ng paghihimutok ngayon kundi ng pagtatanggol sa ating karangalan. Harapin natin iyan, mahal ko. Dahil kung di natin haharapin iyan ay baka mamihasa ang mga damuho at marami pang mabiktima!”

Buong puso ang suporta ng kanyang asawa. “Batid natin ang ating mga karapatan. Ang nais nila’y patahimikin ka sa pagtatanggol sa mga karapatang iyan. Mga karapatang matagal nang ipinaglaban ng ating mga ninuno upang lumaya tayo sa kamay ng mga halimaw na dayuhan at tusong mangangalakal. Ngayon ka pa ba susuko? Huwag. Lalaban tayo!”

Kaya nagplano na silang tumungo para makipag-usap kay Attorney upang hingan ng payo. Sinabihan silang kumuha ng ebidensya na ilalabas upang may patunay kung paano siya na-redtag, at iyon ang ipi-presenta sa mungkahing presscon. “Nais nating mabulgar at mapanagot ang mga gumagawa ng ganyang krimen. Isang krimen na ang pananakot na iyan, ang pangre-redtag na iyan, na maaaring magresulta ng hindi magandang pangyayari, o kaya’y kamatayan.” Ito ang payo ni Attorney.

Kaya nang makakuha sila ng footage ng bidyo kung saan binanggit ang pangalan ni Mang Gusting, iyon na ang gagamitin nilang ebidensya upang makasuhan ang mga nangre-redtag sa kanya. “Si Mang Gusting ay kasapi ng armadong grupong CPP-NPA kaya siya’y terorista!” ang sabi sa bidyo.

“Matagal ka nang aktibista, Gusting, mula noong ating kabataan. Alam kong ipinaglalaban lang natin ang malayang karapatan na magpahayag, magsalita, mag-organisa, hustisya sa mga api’t pinagsasamantalahan, tulad din ng ipinaglaban noon ng Katipunan. Kaya alam kong hindi mo isusuko nang basta na lang ang prinsipyo mo sa mga halimaw na nangre-redtag at nais magpatahimik sa iyo. Huwag kang susuko, mahal ko.”

Sa araw ng presscon ay sinabi ni Attorney, “Hindi mali ang maging aktibista. Kaya may aktibista tulad ni Mang Gusting ay dahil may mali.” 

At ipinahayag naman ni Mang Gusting, “Tayo ay nasa isang malayang bansa, na ginagarantiyahan ng ating Konstitusyon ang mga karapatan natin bilang malayang tao, bilang mamamayan, at kahit bilang aktibista, dahil mismong mga demokratikong karapatan natin ay nakaukit sa mga pandaigdigang kasunduan tulad ng Universal Declaration of Human Rights, International Covenant on Civil and Political Rights, at mismong Bill of Rights sa ating Konstitusyon. Walang labag sa ginagawa naming pagtatanggol sa karapatan ng mga manggagawa’t maralita. Wala kaming armas kundi ang aming paninindigan. Hindi kami papayag na sirain lamang ng mga halimaw na iyon ang aming dignidad at karapatang matagal na naming ipinaglalaban. Ang salot na pangre-redtag ang isang patunay kung bakit dapat baguhin na ang bulok na sistema!”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 1-15, 2022, pahina 18-19.

Sabado, Oktubre 29, 2022

Kwento - Paglilinis sa Bantayog

PAGLILINIS SA BANTAYOG
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa agad na nagboluntaryo nang mabatid ko ang plano nilang paglilinis ng Bantayog ng mga Bayani. Magdala raw kami ng gwantes. Subalit di lang gwantes ang aking dinala kundi anim na piraso ng basahan, na nabili ko ng sampung piso sa palengke. Kaya sa petsang nakatakda ay agad akong pumunta. Medyo umaambon pa noon. 

Dumating ako ng alas-dose y media ng tanghali. May mga tao na subalit wala akong gaanong kakilala sa mga nag-organisa. Kaya umupo muna ako sa isang tabi. Pinagmasdan ang mga pangalang nakaukit sa pader, mga pangalan ng mga nangawala, namatay, at mga pinahirapan noong batas militar. Maraming kwento ng karahasan.

Sa ganap na alauna ng hapon ay nagtawag na ang mga organisador upang tipunin ang mga nagsidalo.

“Welcome po sa inyo. Tayo po ay narito ngayon upang maglinis sa Bantayog. Naghanda kami ng walis at pansuro, at may kapote rin dahil baka umulan.” Sabi ni Nestor.

Hanggang sa tinawag na si Aling Ligaya, isang matanda nang aktibista at kasama ang kanyang apo, upang magbigay naman ng pambungad na pananalita.

“Maraming salamat sa mga dumalo. Bagamat maglilinis tayo ng mga kalat, titipunin ang mga tuyong damo, ito’y isang simbolo. Hindi lamang Bantayog ang ating nililinis, kundi ang ating kasaysayang pilit dinudumihan ng mga halibyong o fake news. Lalo na ang tinatawag na historical distortion, o binabago ang kasaysayan na tila ba walang nangyari, at pilit pinababango ang mabantot na kasaysayan ng diktadura. Simbolo ang paglilinis na ito para sa mga susunod na henerasyon.” Ito ang sinabi ni Aling Ligaya.

Mahalagang balikan ang mga batas na ito, lalo na’t lagpas na ng 25 taon nang ito’y isabatas. Ano ang mga susunod na gagawin ng maralita? Abangan.

“Opo, agad akong nagboluntaryo nang malaman ko ito.” Tugon ko.

Bago magsimula ang paglilinis ay pinagbuo kami ng tatlong grupo upang mag-ikot muna sa Bantayog Museum. Bagamat kami’y mga hindi magkakakilala, subalit may pagkakaisa na kami sa layunin bakit kami naroroon: upang linisin di lang ang Bantayog, kundi, gaya nga ng sinabi ni Aling Ligaya, ay linisin ang ating kasaysayan mula sa historical distortion.

Inikot namin ang museyo kung saan naroon ang istorya ng martial law, at may maliit pang selda na replika kung saan ikinulong noon ang mga political prisoners, pati mga pangalan at litrato ng mga biktima ng martial law ay naroroon. Matapos ang labinlimang minutong pag-iikot ay nagtungo na kami sa labas upang hawakan ang walis at pansuro (dustpan sa Tagalog) upang walisin ang mga tuyong dahon, habang ako’y may hawak na basahan upang punasan ang itim na dingding na kinauukitan ng mga pangalan ng mga martir ng bayan. Maulan noon, kaya natigil kami, subalit nagpatuloy sa paglilinis ang ibang may mga suot na kapote. Basa na rin ako, kaya binigyan ako ng tshirt na pampalit na may tatak na Balik Alindog Bantayog. Taospuso pong pasasalamat.

Hanggang magtawag ang organisador ng nasabing aktibidad, “Tigil muna tayo dahil lalong lumalakas ang ambon. Marami nang nabasa sa inyo. Pahinga muna tayo.” Nagkaroon ng munting programa habang nagpapahinga, at sa pamamagitan ng mikropono’y kinapanayam ang ilan sa mga dumalo. “Anong tingin ninyo sa ating aktibidad?”

May mga limang tinanong. At halos nagkakaisa ang sagot. “Nais kong makiisa upang labanan ang mga kasinungalingan sa kasaysayan.”

Maya-maya, ang iba’y nag-alisan na dahil ikaapat na ng hapon at may lakad pa sila, habang hindi pa tumitila ang ulan. Ang ilan sa amin ay naghanda na ring umalis nang may kasiyahan sa aming loob, na ang aming munting partisipasyon nawa’y magdulot ng magandang kahihinatnan sa kasaysayan ng ating bayan, at linisin ito mula sa mga kasinungalingan. 

Sa susunod na Balik Alindog Bantayog, kita-kits at magsama ka pa.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 16-31, 2022, pahina 18-19.

Huwebes, Oktubre 27, 2022

Tatlong editoryal sa face mask

TATLONG EDITORYAL SA FACE MASK
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Oktubre 27, 2022, editoryal ng pahayagang Pilipino Star Ngayon, pahina 4: "Mag-face mask pa rin para makasigurong ligtas".

Oktubre 26, 2022, editoryal ng pahayagang BULGAR, pahina 4: "Piliing maging mas safe kahit boluntaryo na lang ang pagsusuot ng face mask".

Isyu ng Oktubre 1-15, 2022, editoryal ng pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), pahina 3: "Magsuot pa rin ng face mask".

Nagkakaisa ang tatlong pahayagan na upang makasigurong ligtas ang mamamayan mula sa virus ng COVID-19 ay dapat pa ring mag-face mask. Napag-usapan ito matapos lagdaan ni BBM ang Executive Order (EO) Blg. 3 noong Setyembre 12, 2022, hinggil sa pagbibigay-pahintulot na boluntaryo na lang ang pagsusuot ng face mask. Tingnan ang kawing na https://www.officialgazette.gov.ph/2022/09/12/executive-order-no-3-s-2022/

Ayon sa editoryal ng Bulgar, inaasahang maglalabas pa si BBM ng EO na gawing boluntaryo ang pagsusuot ng face mask sa indoor, dahil ang nauna umanong EO ay sa ourdoor.

Nagsimula ang pagsusuot natin ng face mask nang manalasa ang abo ng Bulkang Taal noong Enero 2020, at nang magsimula ang mga kwarantina bunsod ng pandemya ng COVID-19 noong Marso 2020.

Maganda ang panukala ng tatlong pahayagan na, bagamat boluntaryo na lang ang pagsusuot ng face mask sa publiko, ay magsuot pa rin tayo ng face mask at huwag ipagwalang bahala ang ating kalusugan.

Sa dahilang ito ay kumatha ako ng tula hinggil sa isyu:

MAG-FACE MASK PA RIN

kalusugan ng kapwa'y pangalagaang totoo
lalo na't dumaan ang pandemya sa yugtong ito
ng ating panahon, kaya mag-face mask pa rin tayo
kahit boluntaryo na lang ang pagsusuot nito

kalusugan ay di dapat ipagwalang bahala
lalo na't pandemya'y di natin tiyak na nawala
kung walang face mask, baka mahawa o makahawa
sa di makitang kalabang virus na walanghiya

upang makaligtas sa sakit ay mag-face mask pa rin
nang kapwa't ating pamilya'y mapangalagaan din
mahirap nang sa dusa't luha tayo'y lulunurin
kung isang mahal sa buhay ay nawala sa atin

daghang salamat sa payo ng tatlong editoryal
upang maging ligtas, di tayo tuluyang masakal
ang wala mang face mask ay di man pagpapatiwakal
mabuting mag-ingat upang ang buhay ay tumagal

- gregoriovbituinjr.
10.27.2022

Lunes, Oktubre 24, 2022

Pagsusulat sa pahayagang Taliba ng Maralita

PAGSUSULAT SA PAHAYAGANG TALIBA NG MARALITA
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pag tinatanong ako ng mga kakilalang manunulat kung saang pahayagan ako nagsusulat, ang tanging nasasabi ko ay: "Nagsusulat ako sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang grupong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)."

Hindi ako nagsusulat sa iba pang publikasyon sa kasalukuyan kundi sa Taliba ng Maralita. Bagamat dati ay nagsusulat ako sa publikasyong Obrero ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (2003-2010), magasing Tambuli ng BMP (1998-1999), sa dalawang isyu ng magasing Maypagasa ng grupong Sanlakas (1997 at 1998), sa walong isyu ng magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa (2011-2012), isang isyu ng pahayagang Ang Sosyalista ng PLM (bandang 2006 o 2007), sa pitong isyu ng magasing Tambuli ng Dakilang Lahi, na inilathala ng Kamalaysayan (2006).   

May nakabasa raw ng tula kong ambag sa magasing Liwayway, ngunit hindi ko nakita. May ilang artikulong nalathala sa tabloid na Dyaryo Uno (wala na ngayon). Nakapaglathala ng ilang Letter to the Editor sa Inquirer. May nalathalang sanaysay sa ANI 41 ng Cultural Center of the Philippines (CCP). Nagsimula ako bilang staffwriter ng dalawang taon at features and literary editor ng publikasyong pangkampus na The Featinean (1993-1997), at nakapag-ambag sa iba pang publikasyon. Subalit ang Taliba ng Maralita talaga ang nagbigay ng pagkakataon sa akin na magtuloy-tuloy sa pagsusulat. 

Nang magsimula ako sa KPML bilang staff noong 2001 hanggang 2008 ay isa ang Taliba ng Maralita sa aking inasikaso. Lumalabas ito ng isang beses kada tatlong buwan o apat na beses sa isang taon sa sukat na 11" x 17" na spreadsheet. Walong pahina.

Nang ako'y maging sekretaryo heneral na ng KPML noong Setyembre 2018 hanggang sa kasalukuyan, muli kong binuhay ang Taliba ng Maralita, at hindi ko ito pinabayaan. Ngunit hindi na 11" x 17" ang sukat kundi tiniklop na short bond paper, kaya lumiit na ang sukat. Dalawampung (20) pahina na. Noong simulan ito ng Setyembre 2018, ginawa namin itong isang beses isang buwan, hanggang Pebrero 2019. Subalit sa dami ng mga pangyayari, balita, at naiisip kathaing kwento, ay ginawa na namin itong dalawang beses isang buwan. Kaya simula Marso 2019 hanggang sa kasalukuyan ay dalawang isyu na kada buwan ang aming inilalathala. 

Tanging ang isyu ng Hulyo 2019 ang naiiba, isyung pang-SONA, dahil itong isyu lang ang muling naglathala ng sukat na 11" x 17", dahil may nag-sponsor. Walong pahina. Matapos ang isang beses na may naglathalang labas sa KPML, bumalik kami sa sukat ng short bond paper na may 20 pahina.

Sa layout, sa unang pahina lagi ang headline o tampok na artikulo o pangyayari sa loob ng nakaraang dalawang linggo. Ang pahina 2 ay hinggil sa batas at karapatan. Ang pahina 3 ay editoryal, cartoons, at adres ng pahayagan. Ang pahina 4, na maaaring maging pahina 4-5, ay ang kolum ng pambansang pangulo ng KPML. Ang pahina 20 ay pawang tula. Habang may isa o dalawang pahina para sa panitikan. Habang ang mga natira pang pahina ay para sa pahayag ng KPML sa mga isyu, balita maralita, komiks na Mara at Lita, at iba pang sanaysay na dapat ilathala upang mabasa ng mga kasapi ng KPML.

Pinagbubutihan namin ang paggawa nito upang may mabasa ang kasapian ng KPML hinggil sa iba't ibang isyu, balita, at paninindigan ng mga maralita. Dahil nalalathala rito ang kasaysayan at paninindigan ng KPML sa samutsaring isyu ng bayan, pati na mga aktibidad na dinadaluhan ng KPML ay tinitiyak naming may pahinang nakalaan sa mga iyon. Naging daluyan din ito ng mga pampanitikang akda tulad ng maikling kwento at mga tula.

Kaya kung may maghahanap ng kasaysayan at mga pahayag ng KPML mula Setyembre 2018 hanggang sa kasalukuyan ay may maipapakita tayo. Kaya sa mga nagtatanong sa akin na mga kakilala at kilalang manunulat kung saan ako nagsusulat, at saan nalalathala ang mga katha kong kwento at mga tula, aba'y ipinagmamalaki kong sabihing sa Taliba ng Maralita! Ang pagsusulat dito'y aking pinagbubutihan dahil ito lang ang tanging publikasyong naglalathala sa aking mga kwento, sanaysay, tula, at iba pang akda. Maraming salamat, Taliba ng Maralita, sa pagbibigay ng pagkakataon sa tulad kong manunulat.

Maraming salamat sa lahat ng mga sumusuporta sa Taliba ng Maralita! Mabuhay ang mga kasamang bumubuo ng ating publikasyon! Mabuhay din ang lahat ng mambabasa ng Taliba ng Maralita!

Linggo, Oktubre 23, 2022

Pagdalo sa Balik-Alindog, Bantayog



PAGDALO SA BALIK-ALINDOG, BANTAYOG
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ang inyong lingkod sa agarang tumugon sa "Balik-Alindog, Bantayog" na proyekto ng Bantayog ng mga Bayani. Kaya inabangan ko ang petsang Oktubre 22, 1pm.

Ayon nga sa paanyaya ng Bantayog ng mga Bayani: "KITAKITS! Sama na sa first cleanup day sa Bantayog ng mga Bayani Foundation! Welcome ang bata o matanda. Tayo nang maglinis para sa katotohanan. Magsuot ng tamang damit. Magdala ng gwantes. Magdala ng kaibigan."

Nagdala ako ng gwantes at basahan upang mayroong magamit naman  at hindi nakatunganga. Dumating ako roon ng ika-12:30 ng tanghali, naghintay, hindi ko mga kilala ang mga naroon. Wala ang mga taga-PAHRA, PhilRights, BlockMarcos at iba pang grupong kilala ko. Gayunman, nang makita ako ng Executive Director ng PAHRA na si Ms. Mae ay kinumusta niya ako at buti raw ay nakarating. Sa kanyang talumpati ay binanggit niya ako bilang makata na dumalo sa nasabing pagtitipon.

Nagsalita roon si Atty. Chel Diokno na siyang Chairman ng Bantayog. At nag-emcee si Jun "Bayaw" Sabayton, na nang makita ako ay sinabing "O, nandito ka pala." Naroon din si Prof. Xiao Chua, na siya ring unang kumausap sa akin, "Hindi ba, nagkasama tayo sa Climate Reality? May bago ka bang libro diyan?" Ang sagot ko'y oo. Tamang-tama naman na may dala akong 101 Poetry at Liwanag at Dilim ni Jacinto, na binili naman niya.

Naglibot muna kami sa Bantayog Museum, bago ang paglilinis. Doon kami naglinis sa harap ng Bantayog ni Inang Bayan. Habang kami'y nagwawalis ng mga kalat na dahon, ay biglang umulan kaya natigil kami sa paglilinis, na ang mga nagpatuloy ay yaong mga nakakapote. Naubusan na ng kapote kaya wala akong nakuha, na sana'y patuloy din sana ang paglilinis ko.

Sumilong muna ang mga walang kapote, at nakita ako ng isa sa mga nag-organisa na basa ang tshirt, kaya binigyan niya ako ng tshirt na pula, na may tatak na Balik-Alindog, Bantayog, na may maliit na letrang @bantayogngmgabayani sa itaas ng malalaking letra.

Dahil sa patuloy na paglakas ng ulan, tinapos na ang programa bandang ika-3:30 ng hapon. Bago matapos ang programa ay nag-interbyu pa si Jun Sabayton, at isa ako sa natawag. Tanong niya: "Bakit mahalaga ang ginagawa nating ito?" Ang naging tugon ko, "Mahalaga ang paglilinis sa Bantayog kung gaanong mahalaga rin ang kasaysayan, at linisin din natin ito sa mga historical distortion."

Ako naman ay nagpaalam na bandang ikaapat ng hapon upang umuwi. Nang makauwi na'y naghanda ako ng tula hinggil sa aktibidad na ito na taospuso kong inaalay sa bawat nakiisa.

BALIK-ALINDOG, BANTAYOG

kaygandang layunin ng Balik-Alindog, Bantayog
tanggalin yaong duming sa puso'y nakadudurog
linisin ang kasinungalingan sa bayang irog
na kay Inang Bayan ay maibalik ang alindog

pagmamahal sa bayan ang paglinis nito ngayon
simbolo ng paglaban sa historical distortion
ating handog sa mga susunod pang henerasyon
mula sa mga pasakit, bayan ay maiahon

pagkilos ito ng mamamayang kumakandili
sa katotohanang ipinaglalabang matindi
sa mga naging martir na sa bayan ay nagsilbi
sa nakatayo nang Bantayog ng mga Bayani

ah, ibalik ang alindog ng Bantayog na ito
sagisag ng laksang buhay na naisakripisyo
para sa bayan, hustisya't karapatang pantao
sa sama-samang pagkilos ay kakamting totoo

- gregoriovbituinjr.
10.22.2022

Huwebes, Oktubre 20, 2022

Pansurò pala ang Tagalog ng dustpan




PANSURÒ PALA ANG TAGALOG NG DUSTPAN
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Binabasa ko ang maikling kwentong "Mga Tinig sa Dilim" ni Rosario De Guzman-Lingat sa kanyang aklat na "Si Juan: Beterano at iba pang kwento", pahina 85-99, nang mapuna ko ang isang salita, na sa tingin ko'y lumang Tagalog sa dustpan. 

Karaniwan kasi nating alam sa dustpan ay pandakot, subalit may iba pa pala. Ang pandakot kasi ay hindi lang dustpan kundi maaaring pala na pandakot ng buhangin. Mukhang eksakto ang pansurò para sa dustpan upang hindi maipagkamali sa pala.

Basahin natin ang dalawang talata na binabanggit ang pansurò sa pahina 86 ng nasabing aklat:

(1) May dala nang walis at pansurò ang babae nang magbalik. Maingat na tinipon ang durog na salamin, winalis sa pansurò. "Kumusta nga pala ang pinsan ninyo, Itay? Dumalaw kayo kangina, di ba?"

(2) Nailagay na ng babae ang lahat ng salaming basag sa pansurò. May kunot ng pag-aalala sa kanyang noo nang humarap sa kausap. "Bakit hindi pa ipasok sa pagamutan ng mga baliw? Higit siyang matutulungan doon."

Ipinakita ko ang usapan sa bawat talata, hindi lang ang pangungusap, upang mabatid natin paano ba isinulat ang kwento nang lumitaw ang salitang "pansurò" kaya natiyak nating dustpan ang tinutukoy.

Nagsaliksik pa tayo. Tiningnan natin sa makapal na UP Disksiyonaryong Filipino ang salitang pansurò, na binubuo ng unlaping "pan" at salitang ugat na "suro". Sa pahina 930 nito ay walang "pansurò" sa gitna ng mga salitang "pansuri" at "pant". Kaya tiningnan natin ang salitang ugat na "suro" sa pahina 1189, kung saan nakasulat:

su-rò png 1: salok na patulak, 2: pagtulis ng nguso, 3: [Sinaunang Tagalog] kutsara. Makikita sa titik o na may tuldik na paiwa sa taas na ito'y may impit ngunit mabagal ang bigkas, may diin sa "su". At sa kahulugan ay hindi lapat ang ikalawa at ikatlong kahulugan, subalit marahil ay ang una, dahil ang dustpan ay pandakot, na sumasalok na patulak, upang makuha ang dumi.

Marahil nga ay lumang Tagalog na hindi na ginagamit. Subalit kaygandang nakita natin ito na may sariling wika pala tayo para sa dustpan.

Napag-alaman natin sa Rizal Library website na si De Guzman-Lingat ay nabuhay mula 1924 hanggang 1997. Nakasulat doon: "Rosario de Guzman-Lingat (1924 – 1997) was a prolific Filipina author, producing the bulk of her writings from the 1960s to the 1970s.  Her works included novels and short stories that came out in the popular magazines of the time, scripts for television drams, essays, and poetry." http://rizal.library.ateneo.edu/index.php/node/796

Kaya ang salitang "pansurò" ay ginagamit noong bandang dekada singkwenta hanggang sisenta. Ayon sa kanyang talambuhay na sinulat ni Soledad Reyes, "Lubusang nanahimik si Lingat noong dekada walumpu subalit patuloy pa rin siyang bahagi ng sinumang magbabasa ng kanyang mga akda..."

Ngayon ay maaari na nating gamitin ang salitang "pansurò", at hindi lang "pandakot" (na magagamit din sa pala) para sa dustpan. Kumatha ako ng munting soneto hinggil dito.

PANSURÒ
Munting soneto ni GBJ

nabanggit sa isang kwento ang walis at pansurò
katumbas ng dustpan na salitang di pa naglahò
sa kwento ni Rosario De Guzman-Lingat nahangò
tila siya sa pag-unlad ng ating wika'y sugò

halina't Tagalog ng dustpan ay ating gamitin 
bilang ambag upang sariling wika'y payabungin
payak mang salita ngunt may katumbas sa atin
na ginamit ng husay ng mga ninuno natin

kaya pagpupugay, taos-pusong pasasalamat
ang ating paabot kay Rosario De Guzman-Lingat
kanyang mga kwento'y kaylalim mang kapara'y dagat
sa panitikang pambansa'y isa siyang alamat

teka, gagamitin ko muna ang pansuro't walis
upang mga alikabok sa paligid ay mapalis

10.20.2022

Biyernes, Oktubre 14, 2022

Kwento - Anong lamig ng katanghaliang tapat

ANONG LAMIG NG KATANGHALIANG TAPAT
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Makulimlim ang langit. Tila nagbabanta na naman ang malakas na ulan. Narinig nga ni Aling Ligaya sa radyo na may bagyong paparating.

“Hoy, Luningning,” sabi niya sa anak, “ipasok mo na ang mga sinampay at mukhang uulan na. Nangingitim na ang mga ulap. Itaas na rin natin ang mga gamit at baka magbaha, tulad ng naranasan nating Ondoy noon, na biglaan. Nagulantang na lang tayong basa na lahat ng ating kagamitan.”

Naalala pa niya ang mga nakaraan. Kung paanong dinaklot ng Ondoy ang kanilang kabuhayan, Setyembre 26, 2009, labingtatlong taon na ang nakararaan. Sinasabi ng mga eksperto na dahil dito’y nagbabago na nga ang klima. Habang noong Nobyembre 8, 2013 ay nanalasa ang Yolanda sa pinanggalingang lalawigan na higit limang libong katao ang namatay.

Kamakailan lang ay dumalo sila sa patawag na pag-aaral ng grupong Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), kung saan tinalakay kung bakit nga ba nagbabago ang klima, at anong dapat nating gawin.

Naalala ni Aling Ligaya ang sinabi ng isang tagapagtalakay nito, na may mga usapan na sa pandaigdigang saklaw. “Nakikipaglaban at nagrarali tayo upang ipanawagan sa maraming bansa sa mundo na huwag nang paabutin pa sa 1.5 degree Celsius ang pag-iinit pa ng mundo. Noon ngang Okrubre 2018 ay sinabi na ng mga siyentipiko na labingdalawang taon na lang ang nalalabi upang ayusin natin ang mundo, kundi’y mapupunta na tayo sa tinatawag na ‘point of no return’ o hindi na tayo makakabalik sa dati. Baka lumubog na ang maraming isla. 2022 na, kaya walong taon na lang. Dapat tigilan na ang paggamit ng mga fossil fuel at pagsusunog ng coal, lalo na iyang nakakahumalingan nila ngayong natural gas, na lalong magpapalala sa pagbabago ng klima, at lalo pang pag-iinit ng mundo.”

Tinanong pa niya noon, “Ano pong dapat nating gawin, lalo na kaming mga maralita, na wala namang kakayahan upang makausap ang mga sinasabi ninyong lider ng mga bansa. Pagkain pa nga lang ay hirap na kami kung saan kukunin. Tapos, mananawagan pa kami ng climate justice?”

“Maganda ang tanong mo,” sabi ng tapapagtalakay, “Hindi totoo na dahil mahirap lang kayo ay wala kayong magagawa. Kung marami tayong sama-samang kikilos at mananawagan ng Climate Justice, at ang ating panawagang mag-shift na tayo sa renewable energy, mas maiparirinig natin ang ating tinig dahil sama-sama tayong nananawagan. Ang inyong pagdalo sa ating mga pagkilos ay malaking bagay na.” Tumango siya habang ramdam niya ang sagad sa butong lamig ng katanghaliang tapat.

Nasa gayon siyang pagmumuni nang naglagitikan na sa bubungan ang mga malalaking patak ng ulan. Kaluluto pa lang niya ng pananghalian ngunit hindi pa sila kumakain nang manalasa na ang bagyong Karding.

Binabaha pa naman ang kanilang lugar sa kaunting tikatik pa lamang. Barado na kasi ang kanal dahil sa mga basurang plastik, na kung kaya lang gawin ng pamahalaan ang tungkulin nito ay hindi sana sila binabaha. Iba pa ang usaping klima, na dahilan naman ay mga maruruming enerhiya.

“Nay, akyat na kayo dito sa ikalawang palapag ng bahay. Bumabaha na po!” Hinakot naman ni Aling Ligaya ang iba pang gamit upang dalhin sa itaas na silid. Buong tanghaling tapat na umulan. Mabuti’t tumila agad ang ulan at hindi nabuo ang kinatatakutang bagyo sa kanilang lugar.

Kinahapunan ay tinawagan si Aling Ligaya ng nagtalakay sa kanila noon hinggil sa klima. May pagkilos kinabukasan. Sumang-ayon naman si Aling Ligaya na isasama niya ang kanyang anak at ilang kapitbahay sa nasabing pagkilos.

Kinabukasan, sa tapat ng tanggapan ng Asian Development Bank (ADB), kasama ang ibang grupo, ay nakiisa sila sa panawagang huwag nang pondohan ng ADB ang mga dirty energy, tulad ng fossil fuel, coal at natural gas dahil palalalain lang nito ang pag-iinit pang lalo ng mundo,

Naging tagapagsalita ang kanyang anak na si Luningning, na nagsabi, “Saksi po ako sa mga nagaganap na pagbabago ng klima, dahil sa Ondoy at Ulysses, na kung ititigil ang pagpopondo sa mga fossil fuel ay baka bumuti pa ang ating kalagayan. Mag-shift na tayo sa renewable energy!”

Magaling nang magsalita ang kanyang anak, at nadama ni Aling Ligaya na mula sa puso at karanasan ang sinabi ni Luningning. “Tiyak magiging mabuting lider balang araw ang aking anak,” ang nasasaisip niya.

Natapos ang pagkilos, na ang nadarama ng kanilang kapitbahay ay pagmamalaki, dahil ang dalagitang tulad ni Luningning ay tulad ng isang bayaning pinaglalaban ang kinabukasan ng bayan at kanilang henerasyon.

Alam nila, mararanasan pa rin nila ang init ng katanghaliang tapat.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 1-15, 2022, pahina 18-19.