Lunes, Pebrero 28, 2022

Klima at maralita

KLIMA AT MARALITA
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa Artikulo II, Pahayag ng mga Prinsipyo, Seksyon 7, ng Saligang Batas ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay ganito ang nakasulat: "Kinikilala ng KPML ang kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan at kapaligiran dahil walang saysay anuman ang mga pagsisikap sa kaunlaran kung patuloy na winawasak ng tao at ng sistema ang likas na yaman at kalikasan."

Kaya mahalaga para sa mga lider at kasapian ng KPML ang isyu ng kalikasan (nature) at kapaligiran (environment) dahil dito tayo nabubuhay. Sapagkat dalawa lamang ang pinanggagalingan ng kabuhayan ng tao, ang Kalikasan at ang Paggawa.

Ibig sabihin, ang materyal na galing sa kalikasan at ang paggawang galing sa tao ang bumubuo sa lahat ng kalakal sa daigdig. Sa pangkalahatan, ang una ay libre at walang halaga sa pera. Ang ikalawa ay may bayad at ito ang nagbibigay ng halaga sa mga kalakal.

Ang isda na galing sa dagat ay libre. Ang binayaran ay ang lakas-paggawa ng mangingisda. Ang tubig ay libre subalit may bayad na pag nilagay sa boteng plastik.

Sa usaping basura, nagkalat ang plastik na di nabubulok at upos ng yosi na nagkalat sa lansangan at naglutangan sa dagat. Dapat ikampanya ang zero waste lifestyle kung saan wala nang ginagamit na plastik o anumang bagay na matapos gamitin ay ibinabasura na tulad ng styrofoam at single used plastics.

Sa usaping klima, naranasan ng maralita ang Ondoy kung saan bumagsak ang ulan ng isang buwan sa loob lang ng anim na oras. Mas matindi ang bagyong Yolanda at Ulysses na nagwasak ng maraming bahay at buhay.

Nagbabago na ang klima, at sa mga pandaigdigang usapan, hindi na dapat umabot pa sa 1.5 degri ang pag-iinit ng mundo dulot ng pagsusunog ng fossil fuel,  coal plants, at iba pa, na ayon sa mga siyentipiko, kung titindi pa ito sa 2030, aabot tayo sa "point of no return" kung saan mas titindi ang pag-iinit ng mundo na magdudulot ng pagkatunaw ng yelo sa Antarctica, pagtaas ng tubig, paglubog ng maraming isla, at sa paglikas ng maraming tao ay magbabago ang kanilang buhay. Paano na ang mga maralita sa mabababang lugar tulad ng Malabon at Navotas? Hanggang ngayon, hindi pa nakukumpletong magawa ang planong pabahay para sa mga nawalan ng bahay dulot ng Yolanda sa Samar at Leyte.

Kaya sa usaping kapaligiran at kalikasan, lalo na sa isyu ng klima, ay dapat kumilos ang maralita, na siyang pinaka-bulnerableng sektor sa lipunan. Kailangang kumilos para sa kinabukasan ng tao, ng kanilang mga anak at apo, at ng mga susunod na henerasyon. Ito ang esensya kung bakit noon pa man ay inilagay na ng KPML sa kanilang Saligang Batas ang tungkuling pangangalaga ng kalikasan at kapaligiran.

Linggo, Pebrero 27, 2022

Kwento - Mga Huwad na Pangako

MGA HUWAD NA PANGAKO
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sinasabing sikat ang mga maralita kapag kampanyahan. Aba'y akalain mong sa lugar ng mga iskwater ay pumupunta ang mga mayayamang pulitiko at sila'y nililigawan. Nangangako ng kung anu-ano para lang maboto. Kahit maputik ang daan ay nilalakaran. Gaano man kasikip ang looban ay pinupuntahan. Kayrami kasi ng maralita kaya ang bilang nila ay sapat na upang magpanalo ng kandidato.

Subalit kailangan pa ng mayayamang kandidato na masigurado ang kanilang panalo. Kaya madalas pag malapit na ang araw ng halalan, o isang araw bago ang botohan, ay naglipana na ang mga limangdaan piso upang matiyak na maiboto ang kandidato. 

"Sinong kandidato iyan? May ipit na limangdaan ba iyan?" ang agad tanungan ng mga maralita pag may namamahagi ng leaflet ng kandidato. Hindi ka papansinin pag polyeto lang ang ibibigay mo. Para bang nais nilang may kapalit ang ibibigay nilang boto para may makain ang pamilya. Para bang ang prinsipyo nila'y ipinagbibili. Para bang pumunta ka rito sa lugar namin nang wala kaming pakinabang. Para bang lahat ang botong hinihingi mo sa kanila sa isang araw na halalan ay laging may kapalit na limangdaang piso pantawid gutom. Ano nga ba namang mahihita nila sa mga pulitikong lagi na lang nangangako subalit lagi rin namang napapako? Na pag nanalo ay hindi na makita ang katawan, kita lang ay bumbunan. Tanging pakinabang na lang nila'y limangdaang piso sa mismong araw ng botohan upang may pantawid gutom, kapalit ng tatlo o anim na taong dusa.

Ganyan ang mga karanasan ni Igme habang namamahagi ng polyeto ng kanyang kandidato. Para bang lahat ay nabibili ng pera, pati prinsipyo. Nais nila ng pagbabago subalit... Ganyan ang sistema. Bulok.

Kinabukasan, sa miting de avance ng kandidato ng naghaharing uri. Pare-pareho pa rin ang apelyido na hindi na nagbago sa bawat eleksyong nagdaan. Dinastiyang pulitikal. Sa isang lungsod, pagkatapos ng ama, ang ina, tapos ay ang mga anak. Sa isang lalawigan naman, gobernador ang ama, kongresista ang ina, mayor ang panganay na anak, vice mayor ang ikalawang anak.

Para bang reunion ang nagaganap, hindi miting de avance.

Maya-maya, nagsimula na ang palatuntunan. Pinatugtog na ang nakakaaliw na musika. Paindak-indak ang mga pulitiko. Nagsisigawan naman ang mga manonood na akala mo'y mga dancer ang pinanonood.

Maya-maya ay tinawag na isa-isa ang mga kandidato. 

“Ipinapangako ko, ipagpapatuloy ko ang mga nagawa ng aking lolo, na paunlarin pa ang bayang ito.” Sabi ni Kongresman Tagay.

“Magpapatayo ako ng tulay.” ani Gobernadora Paltik.

“Pag ako ang binoto ninyo, pabababain ko ang lahat ng presyo ng mga bilihin sa bayang ito. Pati presyo ng gasolina, pabababain ko,”  pangako ni Mayor Kotong kahit nandiyan pa ang Oil Deregulation Law.

“Pag-aaralin natin ng libre ang mga bata,” sabi ni Konsehal Pusoy, gayong may batas nang libre ang pag-aaral sa elementarya at sekundarya.

Napakinggan ni Igme na nadismaya si Mang Kulet sa mga narinig. “Taon-taon na lang ay ganyan ang kanilang sinasabi. Wala namang bago. Pagpapatuloy lang talaga ng kapangyarihan ng kanilang pamilya sa bayang ito. Dinastiyang huwad ang pangako,” pailing-iling si Mang Kulet.

“Huwag kang maingay, baka ka marinig,” sabi ni Aling Mayang, na kanyang asawa. “Isulat na lang natin sa balota ang napupusuan natin.”

Umayon naman si Mang Kulot kay Mang Kulet, “Tama naman si Kuya. Paulit-ulit lang ang sinasabi nila. Naipangako na nila iyan noon, hindi naman natupad. Tapos ngayon ay ipapangako muli sa atin. Aba’y wala na bang iba?”

“Ano bang iba ang hinahanap mo? Ibang pangako o ibang pulitiko?” ang tanong naman ni Aling Mayang.

“Pareho. Subalit wala kasing nangangahas na bumangga sa mga mayayamang pulitikong iyan, kaya parang lagi na lang sirkus ang botohan dito sa atin. Wala na tayong ibang mapagpilian dito sa lokal. Buti pa doon sa nasyunal, may bagong mapagpipilian. May isang lider-manggagawa nga ang tumatakbo ngayon para pagkapangulo ng bansa. Kauri natin. Siya sana ay makapunta rito sa ating lalawigan,” ani Mang Kulot.

“Oo, maaaring pag-asa siya sa nasyunal, subalit dito sa lokal, habang namamayagpag ang mga trapo’t dinastiya, wala tayong mapagpipilian,” ani Mang Kulet, at maya-maya lang ay nag-uwian na rin sila.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 16-28, 2022, pahina 16-17.