Lunes, Hunyo 27, 2022

Banyaga ngunit hindi dayuhan

BANYAGA NGUNIT HINDI DAYUHAN
Munting pagninilay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Paano mo sasabihing dayuhan ang isang indibidwal kung hindi naman siya dumayo o nakadayo dito sa bansa? Di ba't tinatawag nating mga dayuhan ang mga tagaibang bansa o yaong hindi natin kalahi? Ito'y dahil dumayo sila sa ating bayan.

Sikat nga ang panawagang "Palayasin ang mga dayuhan!" lalo na noong panahon ng mananakop na Kastila, Amerikano at Hapones, na naging dahilan ng digmaan, kabayanihan at pagkamatay ng ating mga ninunong nakipaglaban para sa kalayaan. Ibig sabihin pa, mga mananakop ang mga dayuhang iyon.

Paano pag sa ilang pananaliksik ay tinuring na "foreign authors" o "foreign poets" ang ilang manunulat at makata? Maisasalin ba silang dayuhang manunulat o dayuhang makata, gayong hindi sila dumayo sa ating bansa? Na ang iba'y hindi naman nandayuhan o lumabas sa kanilang bansa.

Ang pagninilay na ito'y bunsod ng ginagawa kong pagsasalin ng ilang mga tula ng mga kilalang makatang Ingles, Ruso, Turko, Amerikano, Aleman, Pranses, Hapones, at Intsik. Tulad ng pagsasalin ko ng mga tula nina William Shakespeare, Vladimir Mayakovsky, Nazim Hikmet, Edgar Allan Poe, Karl Marx, Eugene Pottier, Matsuo Basho, at Sappho. Tanging sina Hikmet at Marx lamang ang alam kong umalis sa kanilang bansa o nangibang bayan, di lang basta umalis kundi napilitang umalis dahil sila'y na-exile dahil sa kanilang mga pulitikal na gawain. Habang ang ibang makata'y nanatili sa sariling bansa hanggang sa kamatayan.

Isinasalin ko sina Shakespeare at Poe mula sa wikang Ingles, habang ikalawang pagsasalin ang ginagawa ko sa mga tula nina Mayakovsky, Hikmet, Marx, Pottier, Basho at Sappho, na nauna nang isinalin sa wikang Ingles, na siyang pinagbabatayan ko naman ng aking isinasalin.

Matatawag ko ba silang dayuhan dahil tagaibang bansa sila gayong hindi naman sila dumayo sa ating bansa? Hindi ba't kaya tinawag na dayuhan ang isang tao o kaya'y pulutong ng mga tao ay dahil sila'y dumayo sa ibang lupain? Paano silang tatawaging dayuhan kung hindi naman sila dumayo ng ibang bansa? Ang buong buhay nila'y nasa kanilang bayan lamang sila.

Kaya hindi ko matatawag na makatang dayuhan sina Shakespeare, Mayakovsky, Hikmet, Poe, Marx, Pottier, Basho, at Sappho. Kaya ano ang tamang tawag sa kanila? Tama bang tawagin ko silang makatang banyaga?

Tiningnan ko ang kahulugan ng mga kinakailangan kong salita sa UP Diksiyonaryong Filipino:

dayúhan - dáyo
dáyo - 1. dayúhan, tao na tagaibang pook o bansa o kaya'y hindi kilala sa pook na kaniyang pinuntahan; 2. pagdáyo, pagtungo sa ibang pook nang may tanging layunin; 3. tanod sa libingan ng panginoon
banyága - 1. [Waray] masamâng tao; 2. [Sinaunang Tagalog] tao na nagpupunta sa mga bayan-bayan, lulan ng kanyang bangka, at nagtitinda ng maliliit na bagay; 3. [ST] bahay na maliit at walang kilo
banyagà - [Kapampangan, Tagalog] 1. tao na isinilang o mula sa ibang bansa na iba sa kapuwa niya: alien, foreign, foreigner 2. hindi mamamayan ng bansa: alien, foreign, foreigner

Ang dayuhan o dayo ay tiyak na pumunta talaga sa ibang lugar, kaya hindi ito ang marahil tumpak na dapat itawag sa mga tagaibang bansang hindi naman dumayo sa ibang bansa, o sa ating bansa. Kaya hindi ko matatawag na dayuhan, bagamat mula sa ibang bansa, ang mga makatang Shakespeare, Mayakovsky, Hikmet, Poe, Marx, Pottier, Basho, at Sappho.

Mapapansing dalawa ang banyaga, subalit ang una ay walang impit at may diin sa ikalawang pantig, habang ang ikalawa ay may impit at mabagal ang bigkas. Mas tumpak sa tingin ko ang ikalawang pakahulugan: "tao na isinilang o mula sa ibang bansa na iba sa kapuwa niya" bilang pagtukoy sa mga makatang nabanggit ko sa itaas, na hindi dumayo sa ibang lugar o hindi lumabas sa kanilang bansa, at iyon din ang mas tamang paglalarawan na aking hinahanap.

Mahalaga sa akin ang ganitong paghahanap ng tamang salin sapagkat tiyak na balang araw ay isusulat ko ang kanilang talambuhay, lalo na't isinasalin ko ang kanilang mga akda. Madalas gamiting animo'y sinonimo o pareho sila ng kahulugan. Subalit sa maikling sabi, ganito ang munting kaibahan ng dalawa: Banyaga sila dahil tagaibang bansa sila. Dayuhan sila dahil tagaibang bansa sila na narito sa ating bansa.

Ang pananaliksik na ito'y bunsod na rin sa aking proyektong pagsasalin na sinimulan ko ilang taon na ang nakararaan na ang layunin ko'y ipabasa sa ating mga kababayan sa ating wika ang mga tula ng mga nabanggit na makatang banyaga. Iniipon ko ito't inilalagay sa aking blog. Nawa'y wasto ang aking mga napili sa paghahanap ko ng mga tamang salita.

Ginawan ko ng munting tula ang aking nasaliksik:

BANYAGA NGUNIT HINDI DAYUHAN

ang salin ng foreign poet ba'y dayuhang makata
gayong di naman sila dumayo sa ating bansa
sa pagsalin ay hinanap ko ang wastong salita
hanggang masaliksik ang kahulugan ng banyaga

akala ko, salitang "banyaga'y" wikang Espanyol
ngunit nang sa talahuluganan ay tingnan iyon
sariling salita pala nating nakapatungkol
mula sa Waray, Tagalog, Kapampangan din yaon

salamat sa UP Diksiyonaryong Filipino
sa mga tulong sa anumang isinasalin ko
naging aking kakampi noon at ngayon, totoo
sangguniang tila kakabit na ng pagkatao

banyaga ngunit hindi dayuhan ang gagamitin
kung foreign author o poet ay aking isasalin
mga wastong salita't salin ay nahahanap din
basta't maging mahinahon lagi't titiyagain

06.27.2022

Huwebes, Hunyo 16, 2022

Pagsasalin

PAGSASALIN

Hindi dakila ang digmaan, kaya hindi ko isinalin ng "dakila" ang "great" sa aklat na Poems of the Great War 1914-1918. Mas angkop pa marahil na salin ng "great" sa puntong ito ay "dambuhala". Kaya dapat isalin itong Mga Tula noong Dambuhalang Digmaan.

Gayunpaman, mas isinalin ko ang pamagat ng aklat sa esensya nito, ang Great War na tinutukoy ay ang World War I. Kaya isinalin ko iyon ng ganito: Mga Tula ng Unang Daigdigang Digmaan. Mas "ng" imbes na "noong" ang aking ginamit dahil marahil hindi naman ginamit ay Poems from, kundi Poems of. Gayunman, maaari pang pag-isipan kung ano ang tamang salin sa panahon na ng pag-iedit ng buong aklat ng salin. Subalit sa ngayon, sinisimulan pa lang ang pagsasalin ng mga tula. Mahaba-habang panahon ang kailangan sa pag-iedit.

Marahil itatanong mo: "Bakit hindi mo isinalin ng Unang Digmaang Pandaigdig?" At marahil, idadagdag mo pa: "Digmaang Pandaigdig ang palasak na ginagamit ngayon at iyan din ang salin na nakagisnan natin." At ang akin namang magiging tugon sa iyo ay: "Palagay ko'y hindi angkop na paglalarawan na pandaigdig ang nabanggit na digmaan. Ang maaari pa ay daigdigan na mas nyutral." Ganito ko isinulat noong 2009 sa isang artikulo kung ano ba dapat ang tamang salin ng World War:

"Ang tamang pagkakasalin ng World War II sa ating wika ay Ikalawang Daigdigang Digmaan at hindi ang nakasanayang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Dahil ang salitang "Pandaigdig" ay may konotasyon ng pagpayag o pagsang-ayon sa bagay na tinutukoy. Ang iba pang katulad nito'y ang "pam, pang" at kung susuriin ang mga ito, "pansaing, panlaba, panlaban, pambayan, pangnayon, pambansa, pandaigdig, makikita nga nating ang unlaping "pan, pam, pang" ay may pagsang-ayon sa nakaugnay na salita nito.

Gayundin naman, dahil hindi lahat ay payag o sang-ayon sa digmaan, maling tawaging Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang World War II, kundi mas tumpak na gamitin ang neutral na salitang Ikalawang Daigdigang Digmaan." mula sa kawing na: http://salinnigorio.blogspot.com/2009/05/tamang-salin-ng-wwii.html

Ibinilang ko na sa mga collectors' item ko ang aklat na Poems of the Great War 1914-1918 nang mabili ko ang pambihirang aklat na ito (na mabibilang sa rare book), na may sukat na 4" x 5.5", sa BookSale ng Farmers sa Cubao noong Enero 18, 2018, sa halagang P60.00. Inilathala ito ng Penguin Books noong 1998. Plano kong isalin sa wikang Filipino ang lahat ng tula, kung kakayanin, sa aklat na ito, na binubuo ng 145 pahina.

Borador pa lamang ang disenyo ng pabalat, kung saan anino ko, o selfie, ang aking kinunan nang minsang naglalakad pauwi isang gabi. Aninong marahil ay sumasagisag din sa mga nangawala noong panahon ng digmaan. Naging adhikain ko at niyakap ko nang tungkulin ang pagsasalin ng mga tula mula sa ibang wika upang mabatid at maunawaan ng ating mga kababayan ang iba pang kultura at pangyayari sa ibang bayan. Tulad noong Unang Daigdigang Digmaan, na hindi naman dinanas ng ating bayan.

Gayunman, kung may matatagpuan pa tayong aklat ng mga tula hinggil naman sa World War II, iyon ay paplanuhin ko ring isalin sa wikang Filipino. Sa ilang mga dokumentong isinalin ko'y Ikalawang Daigdigang Digmaan na ang aking ginamit na salin ng World War II. Sa mga nagpasalin ng akda nila, sana'y naunawaan po ninyo ako. Marami pong salamat.

Nais kong ilarawan sa munting tula ang pagmumuni ko sa paksang ito.

ANG SALIN KO NG WWII

Ikalawang Daigdigang Digmaan ang salin ko
sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, totoo
dama ko'y may konotasyon ng pagsang-ayon ito
sa gyera, nyutral na daigdigan ang ginamit ko

kaya sa aklat ng pagsasalin ng mga tula
ng mga nabuhay at lumaban noon sa digma
ay sadyang bubuhusan ko ng pawis, dugo, diwa't
panahon, upang maunawaan sila ng madla

ang kasaysayan nila sa tula inilarawan
bilang makata'y tungkulin ko na sa panulaan
ang magsalin ng akda nang madama ang kariktan
ng saknong at taludtod sa kabila ng digmaan

nawa kanilang tula'y matapat kong maisalin
lalo't gawaing ito'y niyakap ko nang tungkulin
para sa mamamayan, para sa daigdig natin
salamat ko'y buong puso kung ito'y babasahin

06.16.2022

* ang unang litrato ang pabalat ng aklat na isasalin ng makata, at ang ikalawa naman ang borador o draft na disenyo ng aklat ng salin

Dalawang aklat ng salin

DALAWANG AKLAT NG SALIN

Nakakatuwa na sa paghahalungkat ko sa aking munting aklatan ng nais kong basahin ay nakita kong muli ang dalawang aklat ng salin, lalo na't pulos proyekto ko ngayon ay gawaing pagsasalin.

Noong 2016 ay ibinigay sa akin ng isang kaibigan ang aklat na "Nabighani: Mga Saling Tula ng Kapwa Nilikha" ni Fr. Albert E. Alejo, SJ. Inilathala ito ng UST Publishing House. May dedikasyon pa iyon ng nasabing pari, kung saan isinulat niya: "Greg, Bituin ng Pagsasalin, Paring Bert, 2016". Dedikasyong tila baga bilin sa akin na ipagpatuloy ko ang gawaing pagsasalin.

Nabili ko naman sa Popular Bookstore noong Disyembre 29, 2021 ang aklat na "Landas at Kapangyarihan: Salin ng Tao Te Ching" ni Prof. E. San Juan, Jr.. Ang librong Nabighani ay may sukat na 5.5" x 9" at may 164 pahina, at ang librong Landas at Kapangyarihan, na inilathala ng Philippine Cultural Center Studies, ay may sukat na 5.25" x 8" at may 100 pahina.

Maganda't nahagilap ko ang mga ito sa panahong tinatapos ko ang salin ng 154 soneto ni William Shakespeare para sa ika-459 niyang kaarawan sa Abril 2023, pati na pagsasalin ng mga tula ng makatang Turk na si Nazim Hikmet at ng makatang Bolshevik na si Vladimir Mayakovsky. Bukod pa ito sa planong pagsasalin ng mga tula ng mga lumahok noong Unang Daigdigang Digmaan. Nasimulan ko na ring isalin ang ilang tula nina Karl Marx (noong panahong 1837-38) at ni Edgar Allan Poe. Nakapaglathala na rin ako noon ng aklat ng salin ko ng mga akda ni Che Guevara, kung saan inilathala ito ng Aklatang Obrero Publishing Collective.

Binabasa ko at pinag-aaralan ang mga akda sa dalawang nabanggit kong aklat ng salin, upang bakasakaling may matanaw na liwanag o anumang dunong sa ginawa nilang pagsasalin, na hindi lamang basta nagsalin ng literal kundi paano nila ito isinalin nang matapat sa orihinal at maisulat nang mas mauunawaan ng mambabasa.

Ang mga ganitong aklat ng salin ay nagbibigay inspirasyon sa akin upang pag-igihan pa at ipagpatuloy ang mga nasimulan kong gawain at tungkuling pagsasalin. Wala naman akong inaasahang kikitain sa mga ito dahil ito'y inisyatiba ko lamang, kung saan tanging kasiyahan ang madarama pag natapos at nalathala ang mga ito. Higit pa ay nais kong mag-ambag upang higit na maunawaan ng ating mga kababayan ang mga akda ng mga kilalang tao sa kasaysayan, at ng mga hindi kilala ngunit may naiambag na tula upang ilarawan ang kanilang karanasan sa kanilang panahon.

Nais kong mag-iwan ng munting tula ng pagninilay at sariling palagay hinggil dito.

ako'y matututo sa dalawang aklat ng salin
na sa munting sanaysay na ito'y nabanggit ko rin
mabuti't nagkaroon ng ganitong babasahin
nang nangyayari sa ibang dako'y mabatid natin

di lang ito babasahin kundi aaralin pa
upang sa ginawa nila, may aral na makuha
salamat sa salin nila para sa mambabasa
nang maunawa yaong klasikong akda ng iba

para sa akin, libro't nagsalin ay inspirasyon
di lang ang aklat kundi ang mga nagsalin niyon
sa gitna ng pagkakaiba ng kultura't nasyon
magsalin at magpaunawa ang kanilang misyon

sadyang kayganda ng layunin ng kanilang aklat
isinalin upang maunawaan nating sukat
yaong mga klasikong akda't tulang mapagmulat
mabuhay ang mga nagsalin, maraming salamat

tunay na mahalaga ang gawaing pagsasalin
kaya ito'y ginawa ko't niyakap ding tungkulin
para sa masa, para sa bayan, para sa atin
at sa kinabukasan ng henerasyong darating

06.16.2022

Huwebes, Hunyo 9, 2022

Si Juan Bobo sa Puerto Rico, si Juan Tamad sa Pilipinas

SI JUAN BOBO SA PUERTO RICO, SI JUAN TAMAD SA PILIPINAS
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kung may Juan Tamad tayo sa Pilipinas, aba'y may Juan Bobo naman ang Puerto Rico. Aba'y oo. Nakita ko ito sa litrato ng pabalat ng kwentong Juan Bobo Goes to Work sa librong Children's Literature, 10th Edition, pahina 262. Habang ang pagbanggit tungkol dito ay tinipon lang sa iisang talata, na nasa pahina 259 at 261 ng nasabing aklat.

Nabili ko noong Abril 12, 2022 sa halagang P330.00 sa BookSale ng SM Megamall ang nasabing aklat na pinatnugutan ni Barbara K. Ziefer ng Ohio State University. At pag may panahon ay akin itong binabasa-basa, hanggang sa makita ko nga ang kwento ni Juan Bobo.

Narito at aking sinipi ang buong isang talata hinggil kay Juan Bobo sa nabanggit na aklat:

"Maria Montes's Juan Bobo is a favorite folk hero in Puerto Rico and is typical of the many noodlehead characters found around the world. In Juan Bobo Goes to Work, Juan sets out to get a job from a farmer. The first time he is paid he forgets what his mother, Doña Juana, told him and puts the coins in his holey pocket rather than holding them in his hand. The next time he sets out, Doña Juana tells him to put his pay in the burlap bag she gives him. This does not go well when he is paid in milk. The third day Juan goes to the grocer for work. Doña Juana instructs him to carry the pail of milk in his head. When he is paid with cheese instead of milk he puts it under his hat. Of course, the cheese melts as he walks home in the hot sun. The next week Doña Juana gives Juan Bobo a piece of string and tells him to tie up whatever the grocer gives him. He obeys, and drags a ham behind him on the string. The village dogs and cats proceed to have a feast. All is not lost because, as he walks by the window of a rich man, the man's sick daughter sees him. The daughter laughs out loud and is cured. In gratitude the rich man sends Juan and his mother a ham every Sunday."

Ang salitang "bobo" sa Puerto Rico ay kaparis ng kahulugan ng bobo sa ating wika. Ibig sabihin ay mangmang, tanga, tonto. Kaya nagsaliksik pa tayo.

Nakita natin na halos may pagkakapareho ang kwento ni Juan Bobo ng Puerto Rico sa kwento ni Juan Tamad, lalo na sa usaping katatawanan. Isinapelikula pa nga ang Juan Tamad Goes to Congress sa direksyon ni Manuel Conde. 

"Juan Tamad Goes to Congress" is the first political satire of Philippine cinema. Based on an original story by Congressman Pedro A. Venida of Camarines Norte (Nacionalista), who made a name for himself as a wit through his "Nothing" and "Something" speeches in Congress, the film is set in pre-Hispanic times. https://pelikulaatbp.blogspot.com/2017/05/juan-tamad-goes-to-congress-satire-on-html

Ito pa ang ilang kwento kay Juan Tamad, ayon naman sa Wikipedia:

Juan Tamad comes upon a guava tree bearing ripe fruit. Being too slothful to climb the tree and take the fruits, he instead decides to lie beneath the tree and let gravity do its work. There he remained, waiting for the fruit to fall into his gaping mouth.

Juan Tamad is instructed by his mother to purchase mud crabs at the market. Being too lazy to carry them home, he sets them free in a ditch and tells them to go home, as he would be along later.

Juan Tamad's mother makes some rice cakes and instructs him to sell these at the market. Passing by a pond, he sees frogs swimming to and fro. Being lazy to sell the cakes, he instead thrown them at the frogs, who eat the cakes. Upon reaching home, he tells his mother that all the cakes had been sold on credit; the buyers would pay for them the next week.

Juan Tamad's mother instructs him to go to the village market and buy a rice pot. A flea infestation in the village soon has Juan Tamad jumping and scratching for all he's worth; he lets go of the pot and it breaks into pieces. Thinking quickly, he picks up the pieces, grinds them into fine powder and wraps the powder in banana leaves, which he markets as "flea-killer."

Ang pangalang Juan ay sagisag ng karaniwang tao sa bansang Puerto Rico at Pilipinas, o sa iba pang bansang nasakop din ng bansang Espanya. Kaya minsan, mapapaisip ka kung bakit may kwentong Juan Bobo at Juan Tamad na animo'y pinagtiyap ang kapalaran. Kaya ginawan ko ng munting komento sa paraang patula ang dalawang magkatukayo.

SI JUAN BOBO AT SI JUAN TAMAD

ginawa bang katatawanan ng mga Kastila
ang mga katutubo sa sinakop nilang bansa
upang palabasing ang Kastila'y kahanga-hanga
at ang mga sinakop na Indyo'y kaawa-awa

tingni ang kwento ni Juan Bobo ng Puerto Rico
tingni ang kwento ni Juan Tamad sa Pilipino
parang pinagtiyap, animo'y iisa ang kwento
ang isa'y tamad, habang ang isa naman ay bobo

tila mga Kastila'y kumatha ng kwentong bayan
upang mga sakop ay balingan, mapagtawanan
dahil bobo't tamad, di yayaman o uunlad man
kaya karapatan ng Indyo'y madaling yurakan

aba'y ganitong kwento'y mabuting palitan natin
magandang katangian ng masa'y ating kathain
gawing kontrabida ang mga nanakop sa atin
at itanghal ang mga bayani nating magiting

06.09.2022