11,103
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.
Buong umaga’y nasa isang pagkilos na kami. Ikalimampung anibersaryo ng batas-militar ang araw na iyon. Karaniwang araw para sa marami, ngunit hindi sa mga nakaranas ng lagim ng batas-militar. Araw iyon ng kilos-protesta, araw ng pagluluksa dahil sa kalupitang dinanas ng kanilang mga mahal sa buhay.
Ang iba’y nawala nang tuluyan at hanggang ngayon ay hindi pa nakikita ng kanilang mahal sa buhay kahit man lang ang bangkay ng desaparesido o yaong sapilitang iwinala. Ang iba’y buhay ngunit naranasan ang bangungot ng marsyalo, natortyur, nakulong, ilang taon sa piitan, hanggang sila’y nakalaya.
Isa ako sa mga lumahok sa kilos-protestang iyon, hindi dahil naranasan ko ang batas militar, kundi bilang pakikiisa sa mga taong nawalan ng mahal sa buhay. Bata pa ako nang mabuhay sa panahon ng marsyalo. Bata pa ako’y tinanggal ng diktador ang kinagigiliwan naming palabas na Voltes V, na sa murang gulang ay hindi ko pa maunawaan bakit iyon tinanggal.
Umaga pa lang ay nagkatipon na ang mga kasama at nagkaroon ng programa sa bakuran ng Commission on Human Rights. Matapos ang programa roon ay sumama ako sa pagtungo nila sa Bantayog ng mga Bayani. Hanggang makita ko roon ang mga dating kakilalang matagal na di nakikita.
“Kumusta na?” ang tanong nila sa akin.
“Heto, kumikilos pa rin,” ang sagot ko. “Kayo naman, kumusta?”
“May handa ka bang tula?” Sabi ng isa.
“Oo,” sabi ko, kaya sa nakapaikot na mga kananayan doon ay binasa ko ang tatlo kong tula hinggil sa talambuhay ng tatlong martir ng marsyalo. Patulang talambuhay o tulambuhay nina Boyet Mijares, 16, Archimedes Trajano, 21, at Liliosa Hilao, 23. Inihanda ko talaga ang tatlong tula baka bigla akong matawag.
“Nakakaiyak naman ang mga tula mo. Sana mas marami pang makarinig ng ganyan.” Sabi ng isang nanay na naroroon.
Ang sabi ko na lang, “Nais ko pong iambag ang tula ko sa mga ganitong okasyon.” Nasasaisip ko, bilang aktibista’y patuloy ako sa pagkatha ng mga tula, kwento’t sanaysay para sa karapatang pantao at hustisyang panlipunan, at bigkasin ang aking mga kathang tula sa gayong pagtitipon.
Hanggang sa ako’y tawagin ng ilang mga kasama na galing pa ng Mendiola upang lumahok sa munting lakad mula sa BIR Road papasok ng Bantayog. Sumama akong lumabas sa Bantayog. Nagprograma muna sa kalsada bago kami magmartsa, at sa ikalawang pagkakataon ay binasa ko ang tatlong tula hawak ang megaphone sa mga nagrarali. Kailangan ko kasing itula ang mga iyon upang ipaalala ang karumal-dumal na sinapit ng maraming kabataan sa ilalim ng batas-militar. Tantiya ko’y nasa dalawang kilometro rin ang aming nilakad hanggang makarating ng Bantayog.
At sa harap ng rebulto ni Inang Bayan sa Bantayog ay maraming tao na ang nagkakatipon, at doon ay nagkaroon din ng programa. Mga biktima ng marsyalo ang karamihang nagsalita, na makikita mo sa puti nilang buhok ang katatagan, sa kabila ng karahasang kanilang dinanas,
Kinagabihan ay pinalabas ang dalawang oras na dokumentaryong pinamagatang “11,103”. Ang numerong iyon ang mga naidokumentong pangalan ng mga biktima ng marsyalo, buhay at patay, na naitala ng Human Rights’ Victims Claims Board. Habang nanonood ay tahimik ang mga tao, pawang seryoso sa panonood. Hanggang ipakita ang dokumentasyon ng Palimbang Massacre na kayraming pinaslang na Muslim, at noon lang nagsalita ang mga saksi sa tagal na panahon na iyon ay nangyari (1985). Bukod doon ay marami pang panayam ang ipinalabas, na ang iba ay kakilala ko, tulad nina Dok Au at Fr. Ed.
“Grabe talaga ang nangyari noong marsyalo, dapat talagang ipalabas sa publiko ang 11,103 upang maging aral sa mga susunod na henerasyon. Kaya nga dapat nating labanan ang pilit pinababangong mabantot na panahon ng marsyalo!” Dinig kong sinabi ng isang nanonood din.
“Kaya dapat labanan natin ang mga historical distortion at fake news!” ang sagot naman ng isa. Umambon sa kalagitnaan ng panonood. Mabuti’t hindi naman lumakas, kundi’y kanya-kanya kaming hanap ng masisilungan dahil walang bubong kundi langit ang aming kinalalagyan.
Natapos ang palabas. Umuwi akong dala ang pag-asang di na maulit ang marsyalo sa kabila na ang anak ng diktador ang pangulo ngayon.
* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Setyembre 16-30, 2022, pahina 18-19.