Sabado, Disyembre 30, 2023

Kwento - No to jeepney phaseout!

NO TO JEEPNEY PHASEOUT!
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Kumusra na po, Itay? Balita ko, balak ng pamahalaan i-phase out ang mga dyip dahil daw sa PUV modernization? Nakakasira rin daw sa kalikasan ang ating mga dyip dahil sa usok nitong ibinubuga. Tama po ba ang nabalitaan ko, Itay?” Sabi ni Nonoy sa kanyang amang tsuper ng dyip na si Mang Nano.

“Oo nga, anak? Iyan ang problema naming mga tsuper ngayon. Balak ipalit ang mga minibus na tinawag nilang e-jeep. Modernong dyip daw subalit pag sinuri mo naman, mas nakikipagtagalan sa panahon ang ating mga tradusyunal na dyip kaysa sa e-jeep na ilang taon lang, laspag na.” Ang himutok naman ni Mang Nano sa anak.

“Paano po iyan, Itay? Pag nangyari po iyan, aba’y baka di na kayo makapamasada?” Ani Nonoy.

“Ano pa nga ba? Gutom ang aabutin natin, pati na ibang pamilya ng mga tulad kong tsuper! Baka matigil ka na rin sa pag-aaral dahil sa dyip lang natin kinukuha ang pangmatrikula mo.” Ani Mang Nano.

Habang nag-uusap ang mag-ama ay dumating si Nitoy, ang kumpare at kasamang tsuper ni Mang Nano.

Sabi ni Nitoy, “May pulong tayong mga drayber mamaya alas-kwatro ng hapon sa terminal upang pag-usapan ang sinasabing modernisasyon daw ng ating mga dyip. Dalo tayo, pare, nang malaman natin.”

“Sige, pare, dadalo ako. Magkita na lang tayo doon mamaya.”

“Itay, maaari bang sumama? Nais ko lang po makinig.” Ani Nonoy.

“Sige, anak. Samahan mo ako mamaya.”

Dumating ang ikaapat ng hapon. Marami nang tsuper sa terminal, at may megaphone. Nagpaliwanag ang lider ng mga tsuper sa lugar na iyon. Si Mang Nolan. Naroon na rin ang mag-amang Nano at Nonoy.

“Mga kasama,” ani Mang Nolan. “Ipinatawag natin ang pulong na ito dahil nangangamba tayong mawalan ng kabuhayan pag natuloy ang pagpe-phaseout ng ating mga dyip. Hindi tayo papayag diyan! Gutom ang aabutin ng ating pamilya, hindi pa tayo makakapasada. Hanggang Disyembre 31 ang ibinigay sa atin upang magkonsolida ng ating hanay.”

“Anong ibig sabihin niyan?” Tanong ni Mang Nano.

“Ganito kasi iyan,, mga kasama,” ani Mang Nolan, “Naglabas ang Department of Transportation ng Omnibus Franchising Guidelines na una sa programang PUV Modernization Program. Anong laman niyan?”

Nakikinig ng mataman ang mga tsuper sa paliwanag. Nagpatuloy si Mang Nolan, “Sa ilalim ng nasabing guidelines, dapat ikonsolida ng mga tsuper at opereytor ng dyip ang kanilang mga yunit sa isang kooperatiba na tatayong manager at magpapatakbo sa partikular na ruta batay sa polisiyang one route, one franchise. Sa isang prangkisa, 15 yunit ng modernong dyip ang minimum na kailangan. Ang presyo ng isang yunit ay nasa P2.4 milyon hanggang P2.8 milyon. Kaya ba natin iyon? Aba’y lagpas triple na iyan sa bago at magandang klaseng tradisyunal na dyip na nasa P800K lang. Tinaningan na tayo na hanggang Disyembre 31 na lang ay dapat nakonsolida na ang ating mga dyip.”

“Anong dapat nating gawin?” Tanong ng tsuper na ni Mang Nestor.

“Aba’y kinonsulta ba nila ang mga tsuper at opereytor sa balak nilang iyan? O baka dahil may pera sila sa mga modern dyip kaya ginigiit nila iyan sa atin. Mungkahi ko, mga kasama, magpakita tayo ng pwersa bago ang deadline.” Sabi ni Mang Nano.

“Aba, Itay, sasama rin ako riyan! Isasama ko mga kaklase ko!” Sabad naman ni Nonoy.

“Bakit mo naman naisipang sumama?” Tanong ni Mang Nolan.

“Naisip ko po kasi, maraming pamilya ang magugutom pag hindi na nakapasada sina Itay, ang tulad po ninyong mga tsuper. Apektado rin ang aming pag-aaral. Pati mga manggagawang pumapasok sa trabaho, walang masasakyan. Ang laban po ng tsuper ay laban din naming mga komyuter.” Ang mahabang paliwanag ni Nonoy.

“Aba’y magaling. Sige, kung payag ang tatay mo.” Ani Mang Nolan.

Agad sumagot si Mang Nano, “Anong paghahanda ang ating gagawin? Dapat sabihan din natin ang iba pang tsuper. Kailangan nating magpakitang puwersa upang pakinggan tayo!”

Si Mang Nolan, “Sige, mga kasama, sa Disyembre 29 natin itakda ang ating pagkilos. Bago magsara ang taon ay maipakita natin ang ating paninindigan. Ang ating panawagan: No to jeepney phaseout!”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 16-31, 2023, pahina 18-19.

Huwebes, Disyembre 28, 2023

Nagdoble ang nabiling aklat

NAGDOBLE ANG NABILING AKLAT
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa katuwaan ko marahil na mabili ang aklat ay hindi ko napagtantong mayroon na akong gayong aklat na matagal ko na palang nabili. Tulad na lang nang mabili ko ang aklat na 20,000 Leagues Under The Sea ni Jules Verne.

Nais kong kumpletuhin ang mga aklat ni Jules Verne na nasa aking aklatan. Akala ko'y may pang-apat na akong aklat ni Jules Verne nang mabili ko ang 20,000 Leagues. Mayroon na kasi akong Journey to the Center of the Earth na nabili ko sa Fully Booked sa Gateway, Cubao noong Enero 9, 2023 sa halagang P179.00, na nilathala ng Collins Classics, at ang Around the World in Eighty Days, na nabili ko sa Book Sale sa SM Fairview noong Marso 9, 2023 sa halagang P125.00, na nilathala naman ng Great Reads.

Pangatlo kong nabili ang 20,000 Leagues Under the Sea sa Fully Booked sa SM Fairview noong Mayo 7, 2023 sa halagang P179.00, na nilathala ng Collins Classic. Pang-apat ay nabili ko nga uli ang 20,000 Leagues Under the Sea, sa Fully Booked, Gateway, Cubao noong Nobyembre 14, 2023, sa mas murang halagang P125.00.

Pati magasing Liwayway na isyu ng Agosto 2023 ay nagdoble rin. Akala ko kasi wala pa akong isyung Agosto kaya nang magtungo ako sa National Book Store ay bumili na ako nito. Wala pa ring palya ang mga isyu ko ng Liwayway, at nakumpleto ko ang 12 isyu nito mula Enero hanggang Disyembre 2023. Kaya naman ako bumibili ng Liwayway ay upang ipakita ang aking taospusong suporta sa panitikang Pilipino. 

Grabe! Nagdodoble-doble ang bili ko ng libro. Kaya nang dumating ang pamangkin ko, ibinigay ko sa kanya ang isang isyu ng 20,000 Leagues at magasing Liwayway na isyu ng Agosto 2023 bilang pamaskong handog.

Bakit nagdodoble-doble ang bili? Marahil sa pag-aakalang wala pa akong gayong aklat. Marahil ay binili ko lang at hindi agad binasa, at basta na lang inilagay sa munti kong aklatan.

Mayroon na akong tatlong aklat ni Sir Arthur Conan Doyle hinggil kay Sherlock Holmes, dalawang aklat ng kwento at tula ni Edgar Allan Poe, at apat na aklat ng nobela ni George Orwell, ang Homage to Catalonia, ang Down and Out in Paris and London, ang 1984, at ang Animal Farm. Ang mga aklat na iyan ay pawang nilathala ng Collins Classics.

Madalas kong tambayan ay ang Book Sale (kung saan narito ang mga rare find na libro), Fully Booked (kung saan maraming klasikong aklat-pampanitikan), at minsan ay National Book Store (kung saan ko nabibili ang mga history books na nasa akin, at iba pang poetry books). Bukod pa sa UP Press Book Store.

Kaya dapat malay ako sa kung anong aklat ang aking bibilhin upang hindi magdoble. Paano? Basahin ko na ang kahit unang kabanata ng aklat kong nabili upang matandaan ko na mayroon na pala ako ng librong iyon sa aking aklatan. Marahil nga, iyon ang dapat kong gawin.

Martes, Disyembre 26, 2023

Ang nasa kaliwa at kanan sa litrato ni Ambeth Ocampo

ANG NASA KALIWA AT KANAN SA LITRATO NI AMBETH OCAMPO
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kaninong punto de bista ang susundin upang mabatid ang kung sino ang nasa kaliwa at nasa kanan ng litrato? Ang sa mambabasa ba, o ang nasa kaliwa at kanan ng awtor na nasa gitna ng litrato?

Nabili ko nitong Disyembre 24, 2023 ang aklat na Two Lunas, Two Mabinis, Looking Back 10 ng historian na si Ambeth Ocampo, sa halagang may 10% discount sa National Book Store, kaya mula P150 ay P135 na lang, may 100 pahina.

Sa pahina 11 ay naintriga ako sa litrato kung sino si Teodoro Agoncillo sa dalawa, ang nakatayo sa kanyang kaliwa, o ang nakaupo sa kanyang kanan. Nakasulat kasi sa ibaba nito ay: "After school, I continued to learn Philippine history from two eminent mentors: E. Aguilar Cruz (left) and Teodoro A. Agoncillo (right)."

Hindi ba't dapat ay sa punto de bista ng mambabasa, at hindi batay sa litrato kung sino ang nasa kanan o kaliwa ni Ocampo?

Hindi ko kilala si Cruz habang kilalang historian si Agoncillo. Nakilala ko lang si Cruz dahil nakita ko sa librong iyon sa listahan ng mga nalathalang libro ni Ocampo ang pamagat na "The Paintings of E. Aguilar Cruz (1986); E. Aguilar Cruz, The Writer as Painter (2018), na marahil ay bibilhin ko rin at babasahin pag nakita ko. Si Cruz pala ay pintor at manunulat. Gayunman, mas hinanap ko sa litrato kung alin sa dalawa si Agoncillo.

Kung hindi mo kilala ang mukha ng dalawang ito, at hindi mo titingnan sa google ang mukha nina Cruz at Agoncillo, paano mo ito malalaman bilang mambabasa kung sino ang sino sa pamamagitan lang ng pagbasa sa nakasulat sa ibaba ng litrato?

Nasa gitna ng litrato si Ambeth Ocampo. Nasa kanan niya ba ay si Agoncillo, o batay sa punto de bista ng mambabasa, nasa kaliwa si Agoncillo. Sino ang sino? Alin ang alin?

Upang matapos na ang usapan, hinanap ko sa google ang litrato ni Agoncillo, upang mabatid kung siya ba ang nasa kanan o nasa kaliwa ni Ocampo. Paano kung walang google? Hindi mo agad mahahanap.

Sa google, agad kong nakita na si Teodoro Agoncillo ang nakatayo. Sa litrato, nasa left siya ni Ocampo kahit sinulat nitong si Agoncillo ang nasa right. Nasa right ni Ocampo si Cruz kahit sinulat nitong si Cruz ang nasa left. Sa madaling salita, isinaalang-alang ni Ambeth ang kanan at kaliwa ng mambabasa, at hindi kung sino ang nasa kanan at kaliwa ng litrato na pinagigitnaan niya ang dalawa.

Kung gayon, as a rule, punto de bista ng mambabasa ang dapat masunod, kung sino ang nasa kanan at kaliwa ng mambabasa.

O kaya, isinulat niya iyon ng ganito: "After school, I continued to learn Philippine history from two eminent mentors: E. Aguilar Cruz (in my right) and Teodoro A. Agoncillo (in my left)."

Maraming salamat, Ginoong historian Ambeth Ocampo. Nais kong kompletuhin ang Looking Back series mo. Bukod sa Looking Back 10, meron na akong Looking Back 8, Virgins of Balintawak; Looking Back 9, Demonyo Tables; at Looking Back 11, Independence X6.

Biyernes, Disyembre 8, 2023

Masaya na rin kahit walang sertipiko

MASAYA NA RIN KAHIT WALANG SERTIPIKO
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

May stigma pa rin ang lipunan sa mga dating bilanggong pulitikal. May diskriminasyon. Iyon ang naramdaman ko agad matapos ang dalawang araw na pagdaraos ng National Jail Decongestion Summit mula Disyembre 6-7, 2023, sa isang five-star hotel sa Malate, Maynila.

Nasabi kong may stigma dahil ako pang nag-iisang ex-political detainee o XD ang hindi nakakuha ng sertipiko bilang patunay na nakadalo ako at nakatapos sa dalawang araw na pagtitipong iyon. Sa aming table, sa table 24 ng CSO, ako lang ang hindi nakatanggap, habang ang isang absent sa ikalawang araw ay may sertipiko. Bakit ako pa ang natiyempuhan? Dahil ba ako'y ex-detainee? Dahil ba walang karapatan ang tulad ko na makakuha ng sertipiko? Marahil ay nakaligtaan lang, iyan tiyak ang sasabihing dahilan. Kaya nang magtanong ako sa nagbibigay ng mga sertipiko na wala akong natanggap, sinabihan akong i-email na lang, kaya ibinigay ko ang aking pangalan at email. Subalit matanggap ko kaya? Umaasa.

May isa pang senior citizen na katabi namin sa kabilang mesa ang hindi nakatanggap ng sertipiko. Sinabihan rin siyang i-email na lang sa kanya. Hanggang sa kami'y maghiwalay upang umuwi.

May karapatan ba akong magalit o sumama ang loob? Marahil ay wala? Marahil ay meron? Wala dahil XD lang naman ako, habang ang mga nagsidalo roon ay mga abogado, mga guro at kagawad sa mga Law school, mga mula sa  BJMP, BuCor, mula sa Korte, at kakarampot lang ang bilang ng mga galing sa CSO. Wala akong karapatang umangal dahil isa lang akong galunggong sa dagat ng mga pating. Isa lang akong pusa sa gubat ng mga leyon. Isa lang akong pipit sa kawan ng mga lawin. 

Marahil ay meron, dahil isa akong aktibista na ipinaglalaban ang karapatan ng mga naaapi at napagsasamantalahan. At hindi ko maipagtanggol ang karapatan ko? Tanging tamang proseso na nagawa ko ay tanungin ang mga organizer, at yaong namamahagi ng sertipiko na wala akong natanggap, at sinabihan nga akong i-email na lang. Pinasulat ako ng pangalan at email sa dilaw na papel na idinikit niya sa printer na naroron. Palagay ko'y nasa panglima ang papel ko, habang ang kaso ng ibang naroon ay pinababago ang spelling ng kanilang pangalan.

Mahigit dalawang daang (200) katao ang dumalo, o marahil ay higit tatlong daan (300). Sa isang bilog na mesa ay may labingdalawang upuan, tulad sa amin. Marahil sa ibang mesa ay sampu. Gayunpaman, kung 12 bawat lamesa at may 25 bilog na lamesa (12 x 25 = 300). Kung sampu - 10 x 25 = 250. Congested talaga, siksikan sa unang araw. Kaya noong ikalawang araw ay pinaluwag, dama rin nila na dapat i-congest.

Nakilala ako bilang XD nang magsalita ako sa isang workshop sa unang araw. Sinabi kong hindi ako tulad nilang mga abogado kundi XD, bilang kinatawan ng Ex-Political Detainees Initiative (XDI), bilang sekretaryo heneral nito. ikinwento ko rin ang kalagayan namin, na naitayo ito noong 2012, napasama ako rito noong dumating si Pope noong Enero 2015, at naglatag kami ng malaking banner na nakasulat ay "Free All Political Prisoners", nahalal akong secretary general ng XDI noong Hulyo 2017, at ang pagtanggi ng SEC na i-rehistro kami dahil may detainee sa aming pangalan. Nakakatuwang sinagot ako ng presidente ng IBP na si Atty. Pido, na abogado mula Samar, at ibinigay ang pangalan ng taga-IBP Manila chapter upang makatulong sa aming organisasyong XDI.

Umaga ng ikalawang araw ay agad na itinuro ng nagpapa-attendance kung nasaan ang aking pangalan, dahil marahil kilala na nila ako, dahil marahil nang magtanong ako sa workshop nang nakaraang araw, dahil sinabi niyang Gregorio ang aking pangalan.

Nang umaga ring iyon, nang makita ako ng abogadong taga-Cebu, na naging speaker din sa dinaluhan kong workshop ng hapon, sinabi niyang naiinis din siya sa SEC dahil iyon talaga ang pangalan namin na naglalarawan kung ano ba kami.

Ayoko nang palawigin pa ang isyu, baka pulutanin lang. Baka tanungin pa, sino bang nagpadalo riyan? Kayliit lang na problema, palalakihin pa! Buti nga naimbitahan pa roon at nakadalo ng dalawang araw. Ayos na iyon, hindi ba? Bakit maghahanap pa ako ng sertipiko? Aanhin ko ba ang sertipiko, maliban sa i-display sa bahay? Di tulad ng iba na magagamit ang sertipiko upang tumaas ang ranggo o katungkulan nila.

Isinulat ko lang ang artikulong ito bilang testamento na may ganitong nangyari. Pag itinago ko ito, at sinarili ko lang, baka mangyari uli sa susunod, at wala akong patunay na nangyari ito kung hindi ko isusulat. Hindi naman ako naghahabol na sa sertipiko, bagamat may sikolohikal na epekto rin iyon sa akin. Dapat ay hahabol ako (kung makakahabol at walang trapik) sa rali ng IDefend at sa konsyerto sa Xavierville sa araw na iyon para sa 75th anniversary ng Human Rights Day, subalit hindi ko na nagawa. Mula sa venue sa Malate ay nilakad ko ang Quiapo upang makasakay ng LRT puntang Cubao. Dumaan muna sa Luneta at pinanood ang nagsasayaw na fountain na may iba't ibang ilaw, at sandaling sumilip sa pinagdarausan ng Concert at the Park upang manood ng mga indi films. Nasimulan ko ang pelikulang may pamagat na "Pag dumarating ang kaarawan ni Alyana" subalit makalipas ang marahil ay sampung minuto, matapos kumanta ni Alyanna ng "May Bukas Pa", ay umalis na ako.

Gayunpaman, masaya ako na nakadalo sa dalawang araw na National Jail Decongestion Summit, kung saan sinasabi nilang ito ang kauna-unahang idinaos sa bansa.

Hindi masama ang loob ko, lalo na kung iisiping XD ako, at may stigma ang lipunan sa mga tulad ko. Na ang tingin nila sa XD ay mga dating kasapi ng NPA (no permanent address), at kung taga-Maynila tulad ko ay dating kasapi ng ABB (Alex Bon Brig), na nahuli at kinasuhan. Ako naman ay simpleng aktibistang nakikibaka para sa kapakanan ng manggagawa, maralita, kababaihan, kabataan, at karaniwang taong naaapi sa lipunan. Subalit itinuturing na kalaban ng pamahalaan, lagi sa mga rali o parlamento ng lansangan.

Masaya ako na naimbitahan, at taospuso akong nagpapasasalamat sa Ateneo Human Rights Center na nag-imbita sa aking makadalo, at kay Supreme Court Associate Justice Filomena Singh na nagpadala ng pormal na liham upang ako'y makadalo bilang secgen ng XDI. Pasasalamat din sa Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) at Balay Rehabilitation Center na matagal na kumupkop at tumutulong sa XD at sa grupo naming XDI.

Paano sasama ang loob ko na hindi ako nabigyan ng sertipiko kung ang simpleng pag-imbita pa lang ay malaking bagay na. Dagdag pa ang mga kaalamang nakuha ko sa dalawang araw na pagtitipon. Ang tangi ko na lang masasabi, sana'y hindi na ito maulit sa mga tulad kong maliliit, sa tulad kong XD.

4:27 am
12.08.2023

Sabado, Oktubre 14, 2023

Kwento - Pakikibaka Laban sa 4PH

PAKIKIBAKA LABAN SA 4PH
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nito lang Hulyo 17, 2023 ay nagpalabas na ng Executive Order 34 ang pangulo ng bansa hinggil sa kanyang flagship program na 4PH o Pambansang Pabahay Para sa Pilipino program. Kasunod nito ay lumabas ang Operations Manual nito, o IRR o yaong Implementing Rules and Regulations nito, subalit hindi dumaan sa Kongreso, kundi ginawa ng mga taga-DHSUD (Department of Human Settlements and Urban Development) na ang natalagang sekretaryo ay isang developer.

“Mukhang maganda ang 4PH, ah. Malulutas na raw nila ang backlog na 6.8 milyon na pabahay.” Ang agad sabi ni Inggo.

Sumabad si Mang Igme, habang nakaupo sila sa karinderya ni Aling Ising. “Teka muna. Huwag tayong padalos-dalos. Nabasa mo na ba ang Operations Manual?”

“Hindi pa.” Sagot ni Inggo.

“Iyan na nga ba ang sinasabi ko. Basahin n’yo muna. Dahil ang nakasulat doon, para lang iyon sa mga may trabaho, may pay slip, at may Pag-Ibig. Ibig sabihin, kayang magbayad ng tuloy-tuloy sa ala-condo na yunit, na nagkakahalaga ng mahigit isang milyon. Tayo bang maralita ay may kakayahang magbayad buwan-buwan, at may Pag-Ibig ba tayo? Magkakariton, nagtitinda ng tingi-tingi sa bangketa, pedicab driver, magbabalut, namumulot ng pagkaing pagpag, mangangalkal ng basura. Aba’y wala nga tayong regular na trabaho! Diyan pa lang, di na tayo kwalipikado bilang benepisyaryo. Lumalabas ngang negosyo ang 4PH, at ginagamit lang tayong mga maralita.” Pagbibigay-diin ni Mang Igme.

Sumabad si Aling Isay, “Aba’y dapat muna natin iyang aralin!”

Sumagot din si Aling Ines, “Tama kayo. Baka isa na naman iyang pambubudol sa maralita subalit para pala sa may mga kakayahang magbayad. Tulad kong nagtitinda lang ng mani, makakapasok ba ako riyan at mababayaran ko ba ang buwanan diyan, lalo na’t kulang pa sa pagkain naming mag-iina ang benta ko sa kasoy at mani. Bukod pa sa wala rin akong Pag-Ibig. Balita ko nga’y maliit na kwarto lang din iyan na iyong babayaran ng tatlumpung taon. Matanda na ang anak ko’y baka di pa namin iyan nababayaran.” 

“Ang mabuti pa,” ani Mang Igme, “kakausapin ko si Ka Kokoy, ang pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod o KPML, hinggil sa usaping iyan. Pupuntahan ko agad siya bukas.”

Kinabukasan, nagtungo na si Mang Igme sa pwesto ni Ka Kokoy sa isang palengke sa Caloocan. Nagkumustahan muna sila.

“Alam mo, Ka Kokoy, ang ipinunta ko rito ay hinggil sa sinasabing flagship project ni BBM - ang 4PH. Para nga ba ito sa maralita? O ito’y pakulo na naman at nagagamit tayong maralita.” Bungad ni Mang Igme.

Sumagot si Ka Kokoy, “Nabasa na rin namin iyan at tinalakay sa KPML. Ang problema kasi riyan, para raw iyan sa informal settler families o ISF tulad natin. Subalit pag sinuri mo talaga, hindi para sa ISF iyan, kundi para sa may kakayahang magbayad. Pag di ka nakabayad sa tamang oras ay agad ka nang papalitan. Isa pa, saan nila itatayo ang 4PH? Sinasabing kung saan ang mga iskwater, doon itatayo ang pabahay. Aba’y idedemolis muna tayo at ilalagay sa staging area hanggang matapos ang pabahay? Aba’y mapapalaban na naman tayo niyan.”

“Naisip ko, baka mas magandang kayo na sa KPML ang magtalakay hinggil diyan. Maaari ka ba sa darating na Sabado ng alauna ng hapon, doon sa bahay, at iimbitahan ko na rin ang Samahang Magkakapitbahay sa amin upang matalakay mo ang 4PH.” Paanyaya ni Mang Igme.

“Sige, magtutungo kami ni Tek sa inyo sa Sabado.” Ani Ka Kokoy

Dumating ang araw ng Sabado at nagkatipon na ang mga tao.

Si Mang Igme, “Narito sina Ka Kokoy  upang talakayin ang 4PH.”

Sinimulan ni Ka Kokoy ang pagtalakay, “Narito po ang ilang seroks ng EO 34 at ang Operations Manual, na magandang basahin at suriin ninyo. Sa totoo lang po, mga kasama, hindi talaga para sa atin ang 4PH. Dahil ito’y negosyong pabahay. Dapat may Pag-ibig ka at may regular na trabaho upang matiyak nilang makakabayad ka. Kung nais ninyo, magkaisa tayong magrali sa tapat ng DHSUD upang maipabatid natin sa kanila ang ating pagtingin dito. At bakit hindi para sa maralita ang 4PH.”

“Sasama kami riyan. Gagawa na rin kami ng mga plakard. Nakasulat: Pabahay ay Serbisyo, Hindi Negosyo! 4PH, di pang-ISF! Ibasura!” Ang sagot ng mga tao. Itinakda ang pagkilos sa darating na Miyerkules.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Oktubre 1-15, 2023, pahina 18-19.

Huwebes, Setyembre 14, 2023

Kwento - Pabahay ay Serbisyo, Huwag Gawing Negosyo


PABAHAY AY SERBISYO, HUWAG GAWING NEGOSYO
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napag-usapan ng magkumpareng Igme at Inggo ang hinggil sa alok ng pamahalaan na pabahay. Sinabatas na kasi ni BBM sa kanyang Executive Order #34 na flagship project ng pamahalaan ang 4PH o Pambansang Pabahay Para sa Pilipino program nitong Hulyo 2023. Agad ding lumabas ang Operations Manual nito.

“Hindi naman pala para sa maralita ang 4PH kundi para sa mga may regular na trabahong may regular na sweldo.” Ito ang bungad ni Igme habang nagkakape sila ni Inggo sa karinderya ni Aling Isay.

“Aba’y nabasa mo na ba ‘yung sinasabing batas?” Tanong ni Inggo.

“Oo, napakaganda nga ng paliwanag dahil ginamit pa ang Saligang Batas, na nagsasabing dapat magkaroon ng disenteng pabahay sa abot kayang halaga ang mga underprivileged at homeless citizen sa mga lungsod at relokasyon. Pinaganda pa nga ang tawag sa mga iskwater - ISF o Informal Settler Families.” Ani Igme. “Subalit pagdating na sa Operations Manual, aba’y hindi pala kasali ang totoong ISF - na iskwater o yung mga underprivileged at homeless citizen. Parang pinaiikot lang nila ang ulo nating mga maralita.”

Napatingin tuloy sa kanila si Aling Isay, na agad sumabad sa usapan. “Matanong ko nga, paano mo naman nasabing hindi pangmaralita iyang bagong programa ng pamahalaan sa pabahay? Balita ko’y magtatayo raw ng parang kondominyum na pabahay para sa mga iskwater.”

“Ang totoo po niyan, Aling Isay, ang tinutukoy na benepisyaryo ng pabahay  sa Operations Manual ay tinatawag na buyer. Hindi na talaga mga iskwater, o yaong vendor, o dumidiskarte lang para mabuhay. Hindi tayo kasali, dahil dapat may regular kang trabahong may regular na sahod. Paano mo mababayaran ang isang libong pisong mahigit kada buwan na pabahay kung ang kinikita mo ay sapat lang para sa pang-araw-araw na pagkain ng pamilya mo? Ang nakasulat nga sa Operations Manual, ang prayoridad ay low-salaried ISF, employees and workers. Diyan pa lang ay makikitang hindi pangmaralita kundi pang may tiyak na buwanang sahod ang pabahay na iyan. Higit milyong pisong pa ang presyo ng maliit na espasyo sa itatayong ilang palapag na gusali.” Ang mahabang paliwanag ni Igme.

“Hindi pala talaga serbisyo sa maralita ang pabahay na iyan kundi negosyo. Hindi kataka-taka dahil dating contractor ng San Jose Builders iyang bagong kalihim ng DHSUD na si Alcuzar.” Pailing-iling si Aling Isay.

“Saan naman sila magtatayo ng pabahay? Baka naman itapon na naman tayo sa malalayong lugar na malayo sa ating mga trabaho? Aba’y talagang giyera-patani na naman iyan pag nagkataon.” Sabi ni Inggo.

Agad namang sumagot si Igme. “Maghahanap ng lupa ang lokal na pamahalaan upang pagtayuan ng pabahay. Ang problema pa, sila ang pipili ng mga benepisyaryo. Kaya kung political dynasty iyan, iyong mga kabig lang nila ang uunahin nila. Dehado na naman ang mga maralitang laging walang boses. Ano pa? Pag hindi ka agad nakabayad, papalitan ka agad-agad ng may kakayahang magbayad. Paano ang mga naihulog mo dati? Talo ang maralita sa negosyong 4PH. Binibilog nila ang ulo natin.”

“Kaya anong dapat nating gawin?” Tanong ni Inggo.

“Dumalo muna tayo sa patawag na pulong ni Ka Tek, ang pangulo ng samahan ng maralita dito sa lugar natin, upang mapag-usapan ang tungkol diyan. Mamayang ikaapat ng hapon, sa tapat ng barungbarong ni Igor, tatalakayin ang 4PH at ang gagawin nating pagkilos sa harap ng tanggapan ng DHSUD  sa susunod na Lunes.” Ani Igme. 

“Sasama ako sa pulong na iyan at makikinig. Pababantayan ko muna kay Bunso itong munti kong karinderya.” Ani Aling Isay.

Hapon. Pumunta sina Igme, Inggo, at Aling Isay sa tapat ng bahay ni Igor, habang naglabas naman ng mga bangko ang mga kapitbahay para sa pulong. Maya-maya, dumating na rin si Ka Tek, na naglabas naman ng manila paper upang pagsulatan. Nagkumustahan muna, saka tinalakay ni Ka Tek ang kanilang pagsusuri sa bagong programang pabahay na 4PH at inilatag ang planong pagkilos sa Lunes sa tanggapan ng DHSUD sa QC.

“Mga kasama, dahil negosyo at hindi serbisyo ang 4PH, ayon sa ating pinaliwanag kanina, may pagkilos tayo sa Lunes, kasama pa ang ibang maralitang dinemolis sa kani-kanilang lugar. Ito ang detalye, kitaan at oras. Dahil isyu naman nating maralita ito, kanya-kanyang pamasahe tayo. Wala kasi tayong pondo para pang-arkila ng sasakyan. Okay ba sa inyo? Ilan ang sasama?” Ani Ka Tek.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Setyembre 1-15, 2023, pahina 18-19.

Lunes, Setyembre 4, 2023

20 Haiku hinggil sa typhoon Haikui

20 HAIKU HINGGIL SA TYPHOON HAIKUI
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nananalasa ngayon sa bansa ang bansang Hanna, na ang international name ay Haikui. Sa una kong basa sa Ulat Panahon sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, ito'y Haiku, isang anyo ng pagtulang Hapones, na may pantigang 5-7-5. Subalit nang muli kong tingnan, Haikui pala, hindi typhoon Haiku. Gayunpaman, naisipan kong kumatha ng ilang haiku hinggil sa typhoon Haikui.

Ilang pantig ba ang Haikui? Ang pronunciation o pagkabigkas sa bagyong Haikui, ayon sa http://paladinofstorms.net/cyclone/typhoon.html ay Haikui "high-kway". Ibig sabihin, dalawang pantig. Subalit maaari ring tatlong pantig dahil sa titik k.

Kaya pinakinggan ko ang bigkas sa isang balita sa bidyo na https://www.youtube.com/watch?v=ezu0aAxSYsA na may pamagat na Haikui expected to become another typhoon threat - August 29, 2023, binasa ang Haikui na haykuwi. Tatlong pantig.

Dahil may titik k, kaya ipinagpalagay ko nang tatlong pantig pati ang naunang saliksik na "high-kway. Narito ang ilang haiku na kinatha ko hinggil sa bagyong Haikui.

1
bagyong Haikui
ay kaylakas na bagyo
mag-ingat tayo

2
ang ibong gala
sa bagyo'y basang-basa
tila tulala

3
ingat sa ihi
ng daga pag nagbaha
lestospirosis

4
dyip ay tumirik
at pasahero'y siksik
sa baha't trapik

5
di pala haiku
kundi bagyong Haikui
ang pagkasabi

6
pinagmamasdan
ko ang bahang lansangan
kaligaligan?

7
ang bagyong Hanna
na Haikui rin pala
nananalasa

8
dumapong ibon
sa kawad ng kuryente
sa bagyo'y ginaw

9
mapapakain
sana ang mga anak
kahit may unos

10
pag nadisgrasya
ka sa manhole na bukas
sinong sisihin?

11
sa botang butas
pag nilusong sa baha
ay, alipunga

12
papasok pa rin
sa trabaho, baha man
nang makabale

13
hawakang husay
iyang payong mong taglay
baka matangay

14
kaygandang dilag
ang kasabay sa baha
puso'y pumitlag

15
pulos basura
sa kalye'y naglipana
anod ng baha

16
bubong na butas
aba'y tagas ng tagas
sinong gagawa

17
kayraming plastik
na nagbara sa kanal
walang magawa?

18
basa ng dyaryo
o makinig ng radyo
kapag may bagyo

19
tagas na tubig
ay ipunin sa timba
pang-inidoro

20
kapag may unos
mabuti't may PAGASA
makapaghanda

09.04.2023

Martes, Agosto 29, 2023

Kwento - Rali ng maralitang taga-Malipay


RALI NG MARALITANG TAGA-MALIPAY
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa mga sumama sa rali ng mga taga-Malipay sa isang araw nilang pag-iikot at pagpoprograma sa harap ng Senado, Kongreso at sa paanan ng Mendiola. Bunsod iyon ng nangyayari sa kanila na pagtanggal ng kuryente at ang buo nilang komunidad ay binakuran na ng pamilya ng isa sa makapangyarihan at mayamang angkan sa bansa.

“Dumudulog kami ngayon sa Senado upang mapaimbestigahan ang nagaganap sa aming lugar kung saan binakuran na ang aming pamayanan at tinanggalan pa kami ng kuryente kung saan wala na kaming ilaw sa gabi. Walang bentilador ang aming mga anak na kapag natutulog na’y nilalamok. Hindi na rin kami makapag-charge ng aming selpon dahilan upang hindi kami makontak ng aming mga kamag-anak.” Ito ang sabi ng isang lider-maralita habang tangan ang megaphone.

Binulungan din ako ni Ka Tek, ang bise-presidente ng aming samahan, “Pakinggan mo ang kanilang inilalahad. Talagang mula sa puso. Mula sa galit nila sa mga namamanginoon at nang-aagaw ng kanilang lupang tinitirahan.” Napatango na lang ako dahil totoo. Kita mong tahimik lang sila roon ngunit nanggagalaiti na sa galit bagamat nagpipigil.

Sigaw naman ng isang lider-maralita. “Karapatan sa paninirahan, ipaglaban!” At sinabayan din namin ang kanyang sigaw. “Karapatan sa paninirahan, ipaglaban! Karapatan sa paninirahan, ipaglaban”

Nagpa-receive din sila ng liham na humihiling na imbestigahan ng Senado ang nangyayari sa kanila. Subalit may agam-agam sapagkat isang Senador ang kalaban nila sa nasabing lupa at umano’y asawa ng isang talamak na land grabber. Sa isip-isip ko, hindi kaya harangin lang ang sulat? Gayunman, nagpatuloy sila sa pagkilos. Matapos iyon ay nagsilulan na kami sa mga sasakyan upang magtungo ng Mendiola.

Habang daan, napapag-usapan namin paano magpo-programa sa Mendiola, gayong alam naming di na pinapapasok sa makasaysayang tulay ng Mendiola ang sinumang nais magpahayag. 

Bukas ang Mendiola kung saan paroo’t parito ang mga sasakyan habang naglalakad naman papasok ang mga estudyante. Umakyat kami sa footbridge at pagdating sa paanan ng Mendiola ay agad nagladlad ng plakard, nagkapitbisig at nagprograma. Nais talaga ng mga maralita na matugunan ang kanilang problema, dahil buhay, gutom at kawalan ng tirahan ang kanilang kinakaharap. Para sa kanila, makasaysayan ang pagkilos na iyon. At naging bahagi kami ng nasabing kasaysayan.

Agad kaming hinarang ng mga pulis. Itinaboy sa labas ng paanan ng Mendiola. Mukhang napaganda pa ang pwesto, dahil sa mas maraming taong nagdaraan at nakasakay ang makakabasa ng aming mga plakard. At baka maunawaan nila ang aming mga ipinaglalaban.

Binigyan kami ng mga pulis ng labinglimang minuto para sa apat na tagapagsalita. Naglahad doon ng kanilang damdamin ang mga taga-Malipay. Habang ang mga kasama ay matatag na nagkakapitbisig.

Katanghaliang tapat na iyon. Matapos ang pagkilos sa Mendiola ay nagsikain muna kami. May baon ang ilan, habang kami’y kumain sa karinderyang malapit doon. Alauna na ng hapon nang lumarga kami.

Nang papunta na kami ng Kongreso ay nadaanan namin ang Commission on Human Rights o CHR. Bakit kaya hindi namin binigyan ng liham iyon? Sa isip-isip ko, baka dahil hindi na kaya sa buong maghapon ang lakarin. Matapos ang Kongreso ay pupunta pa sa Energy Regulatory Commission para hilinging ibalik ang kanilang kuryente.

Dumating kami sa panulukan ng Commonwealth Ave. at Batasan Ave. sa ganap na ikalawa ng hapon. Doon ay hinintay pa namin ang ibang kasamang umano’y nahuli ang sinasakyan. Pasado ikatlo ng hapon ay lumarga na kami. Mga limang sasakyan na lamang kami.

Sa South Gate ng Kongreso ay nagprograma agad kami habang sa North Gate naman nagtungo ang ilang kasama upang magpa-receive ng sulat. Sana nga ay maimbestigahan na, in aid of legislation, masulat ng midya, o kaya’y talagang maresolba na ang kanilang problema.

Hindi madali ang kanilang laban. Wala namang madaling laban. Ngunit ang ipinakita nilang pakikibaka sa ligal na paraan, pagtungo sa Senado, Malakanyang at Kongreso, ay nagbibigay inspirasyon sa iba pa na matutong ipaglaban ang kanilang mga karapatan sa paninirahan at mapahalagahan ang karapatan ng bawat tao.

Hindi na kami pumunta ng ERC dahil mag-aalas-singko na. Hindi na kami aabot. Gayunman, sana’y maipanalo nila ang kanilang laban.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 16-31, 2023, pahina 18-19.

Biyernes, Agosto 25, 2023

Maling impormasyon sa aklat na "Filipino Food"


MALING IMPORMASYON SA AKLAT NA "FILIPINO FOOD"
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nabili ko ang aklat na What Kids Should Know About Filipino Food, Second Edition, sa Fully Booked Gateway, Cubao, QC nito lang Abril 17, 2023. Sinulat ito ni Felice Prudente Sta. Maria, at may mga dibuho ni Mika Bacani. Batay sa pamagat, ang aklat na ito'y para sa mga tsikiting, sa mga bata, nag-aaral man o hindi. Inilathala ito ng Adarna House noong 2016.

Ano nga bang makukuhang aral dito ng ating mga tsikiting kundi tungkol sa pagkaing Pinoy? Mabatid ang iba't ibang pinagmulan at anu-ano ang mga pagkaing Pinoy mula sa iba't ibang dako ng bansa.

Subalit may nakita akong mali sa isang entri. Opo, maling impormasyon. Marahil may iba pang mali subalit hindi natin alam pa. Nakasulat sa pahina 45, sa ilalim ng talaan ng Calabarzon na mula sa Quezon province ang bagoong Balayan. Alam ko agad na mali dahil taga-Balayan, Batangas ang aking ama, at paborito kong sawsawan ang bagoong Balayan.

Sa talata ng Batangas, ito ang nakasulat: Batangas adds adobong dilaw, bulalo, maliputo, sinigang na tulingan, and tawilis.

Sa talata ng Quezon ay ito naman: Quezon brings bagoong Balayan, barako coffee, lambanog, pansit habhab, patupad rice cake, paksiw na bituka ng kalabaw, hand-size oval tamales, and sinaing na tulingan.

Sa Batangas ay kilala rin ang barako coffee at sinaing na tulingan. Subalit hindi sa Quezon mula ang bagoong Balayan, kundi sa Balayan, Batangas.

Marahil, ininebenta rin ang produktong bagoong Balayan sa ilang bayan sa Quezon at patok ito roon. Kaya ipinagpalagay ng awtor na ang bagoong Balayan ay mula sa lalawigan ng Quezon, subalit kung nagsaliksik lamang siya, at marahil ang nag-edit ng kanyang aklat, makikitang mali ang entri na iyon sa aklat. Na ang bagoong Balayan pala ay produktong galing sa Balayan, Batangas.

Marahil sa Ikatlong Edisyon ng nasabing aklat ay maiwasto na ang maling entri.

Ginawan ko ng tula ang usaping ito:

KAMALIAN SA LIBRONG "FILIPINO FOOD"

sa aklat na Filipino Food ay may kamalian
mula raw sa Quezon province ang bagoong Balayan
mali po ito't dapat itama, batid ko iyan
pagkat ama ko'y Balayan, Batangas ang minulan

aklat itong nagbibigay ng maling impormasyon
sa mga batang baka nagbabasa nito ngayon
ano bang dapat gawin upang maitama iyon
sikat na Adarna House pa ang naglathala niyon

marahil nang minsang nagpa-Quezon ang manunulat
ay doon nga natikman ang bagoong na maalat
habang kumakain at nagsasaliksik ngang sukat
sa kwadernong dala'y agad niya iyong sinulat

subalit dapat nilaliman ang pananaliksik
lalo't sa impormasyon ang libro'y siksik at hitik
di napansin ng editor? o di na lang umimik?
aba, ito po'y iwasto nang walang tumpik-tumpik

08.25.2023

Martes, Agosto 22, 2023

Ang Panuntukan o Pinoy Boxing

ANG PANUNTUKAN O PINOY BOXING
Saliksik, sanaysay, at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang katutubong anyo ng boksing umano ng Pinoy ay tinatawag na "panuntukan". Tiyak na mula ito sa salitang "suntok" na nilagyan ng unlaping "pan" at hulaping "an". Mula sa "pansuntukan' ay uminog ito sa "panuntukan". Hmmm, magandang salita, na maaari nating masabing wastong salin ng boxing sa wikang Filipino.

Malaki umano ang impluwensya ng panuntukan sa Western boxing. Ayon sa isang guro ng eskrima at dating amateur na kampyong boksingero na si Luckly Lucaylucay: "The English style of boxing would almost always lose to the Filipino style," at idinagdag pa niya, "It was just vastly sophisticated." Ang apelyido niyang Lucaylucay ay Pinoy, na sa pananaliksik natin sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 719, ay ganito ang nakasulat: lukay-lukayan [Sinaunang Tagalog]: tanikalang ginto.

Sa kanyang tinuran, aba'y ganoon pala katindi ang panuntukan ng Pinoy. Narito ang isang talatang sinulat ni Perry Gil S. Mallari kung saan binabanggit ang panuntukan, na nalathala sa magasing Rapid Journal, Vol. 6, No. 2, (Book 20, Taon 2001), pahina 45:

Filipino Martial Arts Influence

The Filipino martial arts and Western boxing crossed their paths in the island of Hawaii during the 1920s. Hawaii then, was a volatile territory and a great melting pot of cultures and martial arts. Filipinos in Hawaii during that time practiced their own indigenous form of boxing called panuntukan, whose movements are derived from knife fighting. In an interview conducted by Lilia Inosanto Howe, escrima master and former boxing amateur champion, Luckly Lucaylucay recounted how the Filipino method performed against the established form of Western boxing of that period: "The English style of boxing would almost always lose to the Filipino style," says Lucaylucay, "It was just vastly sophisticated." Thus, after experiencing the efficacy of the Filipino strategy, visiting serviceman and boxers adapted the panuntukan concept. Some believe that the Filipino ingredient aided the transition of boxing's body mechanics from a rigid straight-forward structure to a more fluid and alive form.

Narito naman ang malayang salin ko ng nabanggit na talata:

Impluwensya ng Filipino Martial Arts

Nagkurus ang landas ng Filipino martial arts at Western boxing sa isla ng Hawaii noong 1920s. Ang Hawaii noon, ay hindi pa matatag na teritoryo at lugar na malawak ang paghahalu-halo ng mga kultura at sining-paglaban o martial arts. Ang mga Pilipino sa Hawaii noong panahong iyon ay nagpapraktis ng kanilang sariling katutubong anyo ng boksing na tinatawag na panuntukan, na ang mga galaw ay hango sa pakikipaglaban gamit ang kampit o kutsilyo. Sa isang panayam na isinagawa ni Lilia Inosanto Howe sa escrima master at dating boxing amateur champion na si Luckly Lucaylucay, ikinwento nito kung paano isinasagawa ang pamamaraang Pilipino laban sa matatag na anyo ng Kanluraning boksing noong panahong iyon: "Ang istilong Ingles ng boksing ay halos palaging natatalo sa istilong Pilipino. ," sabi ni Lucaylucay, "Ito ay napaka-sopistikado." Kaya naman, matapos maranasan ang bisa ng istratehiyang Pinoy, niyakap na ng mga dumadalaw na kawal at boksingero ang konsepto ng panuntukan. Naniniwala ang ilan na ang sangkap na Pilipino ay tumulong sa paglipat ng mekanika ng katawan ng boksing mula sa isang matibay na tuwid na istraktura patungo sa isang mas magalaw at buhay na anyo.

Sinubukan kong ilapat sa tula ang naturang saliksik:

PANUNTUKAN

isa palang anyo ng taal na sining-paglaban
ang noon pa ma'y tinatawag nilang panuntukan
ginamit noon sa Hawaii ng mga kababayan
marahil ay salin ng boxing sa kasalukuyan

di nga raw manalo ang kanluraning boksing dito
sa estratehiya't galawan ng ating kamao
na mula sa sining-tanggol na gamit ang kutsilyo
mapapahanga ka sa dagdag-kasaysayang ito

mula salitang ugat ng panuntukan na suntok
kung paanong wikang ugat ng panuluka'y sulok
habang historya'y binasa, kayraming naaarok
panuntukan kaya'y ilan ang noon inilugmok?

salamat sa kasaysayang dapat ipamahagi
taal na salitang buhay pa't dapat manatili
sining na patunay na di tayo basta pagapi
sa sinumang sa atin ay basta mang-aaglahi

08.22.2023

Biyernes, Agosto 18, 2023

Salin ng demystify

SALIN NG DEMYSTIFY
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Wala akong makitang eksaktong salin ng demystify sa wikang Filipino. Wala nito sa UP Diksiyunaryong Filipino, o maging sa English-Tagalog Dictionary ni Leo James English.

Hinanap ko rin sa internet ang eksaktong salin ng demystify, wala rin. Kaya hinanap ko ang etymology o pinagmulan ng salitang demystify. Ayon sa wiktionary.org, ang pinagmulan o etymology ng demystify ay "From French dĆ©mystifier, or de- +‎ mystify" na ang kahulugan ay "To remove the mystery from something; to explain or clarify."

Gayundin naman, napadako ako sa antonym ng demystify. Nakita ko ang mystify.

Ayon sa English-Tagalog Dictionary ni Leo James English, p. 645, ang mystify ay verb: to bewilder purposely; puzzle; perplex: Magpataka, papagtakhin. The magician's tricks mystified the audience: Nakapagtataka sa mga tao ang mga dayĆ¢ (panlilinlang) ng salamangkero.

to bewilder purposely, ibig sabihin, may layunin na pagtakahin o magtaka tayo

Sa English-Pilipino Dictionary nina Consuelo Torres Panganiban at Jose Villa Panganiban, pahina 155, ang kahulugan ng mystify ay verb: mistipikahin (papagtakhin).

Kung mystify ay may layuning magtaka tayo, ang demystify ay may layuning huwag tayong magtaka. Ibig sabihin, may layuning magpaliwanag. May paliwanag.

Wala namang mystify sa UP Diksiyonaryong Filipino, sa pahina 805, na dapat nasa gitna ng mga salitang mysticism at mystique.

Kaya sa artikulong "Demystifying Contractualization: Why Manpower Agencies are Useless?" ni Atty. Luke Espiritu, na inilathala niya sa socmed noong Mayo 24, 2018, ito ay isasalin ko nang "Pagpapaliwanag sa Kontraktwalisasyon: Bakit Walang Saysay ang mga Ahensyang Kumukuha ng Trabahador?"

Isa pa iyan, ang manpower agencies ay isinalin ko sa "mga ahensyang kumukuha ng trabahador".

Lahat ng ito ay malayang salin, na ang pangunahing layunin ay mas maunawaan ng karaniwang masa ang buong artikulo.

Isa sa pinagkaaabalahan kong proyektuhin ang malayang salin ng buong artikulong "Demystifying Contractualization: Why Manpower Agencies are Useless?" ni Atty. Luke Espiritu, upang mas maunawaan pa ng masa ang isyung ito ng kontraktwalisasyon. At mailathala ang salin nito sa limang papel na talikuran at i-staple ko sa gitna, upang ipamahagi sa higit na nakararaming manggagawa.

Bahagi rin ito ng pagsisikap nating maitaguyod ang wikang Filipino, lalo na ngayong Agosto, ang Buwan ng Wika, upang mas higit pa tayong magkaunawaan.

08.18.2023

Lunes, Agosto 14, 2023

Kwento - Anak, pag-aralan mo rin ang lipunan


ANAK, PAG-ARALAN MO RIN ANG LIPUNAN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kinagabihang umuwi ang anak mula sa paaralan, naikwento nito sa kanyang ama na tinanggal na pala sa kolehiyo ang pagtuturo ng wikang Filipino at Kasaysayan.

“Itay, bakit nangyari iyon? Wala na bang saysay ang mga paksang iyan sa atin? Ang mga iyan pa naman ang paborito kong subject.”

Humihigop noon ng kape habang nagbabasa ng pahayagan ang kanyang ama nang kanyang kausapin. Napatingin sa kanya ang ama, napakunot ang noo, at marahang ibinaba sa hapag-kainan ang tasa ng ininom na barakong kape. Saka sa kanya bumaling ng tingin.

“Ang inyong edukasyon kasi, anak, sa ngayon ay nakabalangkas na sa kapitalistang globalisasyon, kung saan dapat ang mga gradweyt ay manilbihan sa mga mayayamang bansa. Kaya sa inyong K-12 noon, pulos mga pagsasanay na bokasyunal at teknikal ang tinututukan. Dahil iyon ang kailangan sa ibang bansa. Kaya hindi nakapagtatakang tanggalin ang mga subject na Filipino at Kasaysayan dahil wala naman daw iyang paggagamitan pag nagtrabaho na kayo sa ibang bansa. May tinatawag nga kami noon na brain drain, dahil ang mga magagaling nating gradweyt ay kinukuha at binabayaran ng malaking sahod ng mga banyaga upang magtrabaho sa kanilang bansa, kaya tayo nawawalan ng magagaling na magsisilbi sana sa ating bayan.”

“Paano na ang mga tulad ko, Itay? Nais kong maging guro upang makapagturo pagkagradweyt ko. At nais kong ituro ang wikang Filipino, Kultura, Panitikang Bayan, at lalo na ang Kasaysayan. Kung tinanggal na iyan, di ko na maituturo iyan sa kolehiyo. Magiging batayang paksa na lang sila sa elementarya. Malamang ay mga estudyante sa elementarya ang turuan ko. Para bagang hanggang doon na lang ang mga subject na iyon. Wala na bang halaga sa pamahalaan na matutunan ng mga mag-aaral ang wika at kasaysayan? Lalo na ngayong buwan ng Agosto, na Buwan ng Wikang Pambansa, at Buwan din ng Kasaysayan.”

“Alam mo, anak, may mga pag-aaral ding hindi mo makukuha sa apat na sulok ng paaralan, dahil ayaw itong ituro ng mga kapitalistang edukador. Tulad halimbawa ng kung ano ang totoong ugat ng kahirapan, na hindi naman kamangmangan, kapalaran, populasyon o katamaran. Iyon naman ang tinuturo namin sa aming mga kasama sa pabrika, sa unyon, pati sa mga komunidad. Palagay ko, anak, aralin mo rin iyon.”

Napatitig ang anak sa ama, “Ano naman ang halaga niyan sa aming mga estudyante? Eh, hindi naman iyan subject sa eskwelahan?”

“Ang tanong mo kasi, anak, ay kung bakit tinanggal ang wikang Filipino at Kasaysayan sa kolehiyo. Aba’y iIlang taon nang nangyayari iyan. May kaugnayan din ang pag-aaral mo ng lipunan sa kung bakit nawala na ang mga paborito mong subject. Sa globalisadong mundo kasi, balewala na sa merkado ang kung anu-anong hindi naman nila magagamit upang umunlad ang kanilang mga korporasyon. Kaya nagkaroon kayo ng K-12 upang mas ang pag-aralan na ninyo ay ang mga bukasyunal at teknikal, at hindi na ang hinggil sa usaping pambansa, tulad ng Kasaysayan at Wika.”

“Ah, eh, salamat, Itay, sa mga paliwanag, pag-iisipan ko po iyan.”

“Ang tanging maipapayo ko sa iyo, anak, pag-aralan mo ang lipunan. Aralin mo ang kasaysayan ng mga nagdaang lipunan at itanong sa sarili bakit ba may mayamang iilan habang laksa-laksa ang naghihirap sa ating bayan, kundi man sa buong daigdigan. Bakit may mga korporasyon at bakit kailangang magtayo ng samahan ang mga manggagawa? Bakit tinanggal ng mga kapitalistang edukador ang mahahalagang subject? Bakit ba laging taas ng taas taun-taon ang tuition fee? Na bukod sa pahirap sa mag-aaral ay pahirap din sa mga magulang na iginagapang sa hirap ang mga anak makapag-aral lamang. Yayain mo ang mga kapwa mo estudyante at nang kaming mga manggagawa ay makapagbigay sa kanila ng pag-aaral - talakayan  hinggil sa lipunan.”

“Sige po, Itay. Maraming salamat po sa payo ninyo. At sasabihan ko na rin ang mga kaklase ko para maisama ko sila sa talakayan. Baka sa labas na, Itay, hindi sa loob ng paaralan. Baka masita kami.”

“Salamat, anak, at ako’y iyong naunawaan. Malawak naman ang ating bakuran para pagdausan ng pag-aaral, maaari na roon. Ayusin mo lamang ang iskedyul kung kailan, at nang maisaayos ko rin ang aking iskedyul, at nang mapaghandaan din ang pag-aaral na ibibigay.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 1-15, 2023, pahina 18-19.

Martes, Agosto 1, 2023

Ang aklat ng mga kwento ni Manuel Arguilla

ANG AKLAT NG MGA KWENTO NI MANUEL ARGUILLA
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hindi na ako nagdalawang isip na bilhin ang aklat na "The Essential Manuel Arguilla Reader" nang minsang mapagawi ako sa Malabon City Square sa Letre. Nito lang Hulyo 17, 2023, nang manggaling ako sa tanggapan ng Samahan ng Mamamayan - Zone One Tondo Organization (SM-ZOTO) sa Navotas, at nang pauwi na ay nilakad ko mula roon hanggang sa MC Square.

Sa sangay ng National Book Store sa MC Square ko nakita ang nasabing aklat na nagkakahalaga ng P250.00, at agad ko iyong binili. Klasiko na kasi sa panitikang Pilipino ang awtor, at bihira na ang koleksyon ng kanyang mga akda. Mabuti't natyempuhan ko iyon. Kilala siya dahil ilang beses na siyang nababanggit sa mga sanaysay hinggil sa panitikang Pilipino sa wikang Ingles bago pa ang panahon ng pananakop ng Hapon sa ating bayan. Inilathala iyon ng Anvil Publishing noong 2019. 

Si Manuel Arguilla ang isa sa mga manunulat na Ilokano sa wikang Ingles noong panahon bago mag-Ikalawang Daigdigang Digmaan (WWII). Popular na nababanggit sa ilang mga sanaysay ang kanyang maikling kwentong "How My Brother Leon Brought Home a Wife," kung saan nagwagi iyon ng unang gantimpala sa Commonwealth Literary Contest noong 1940.

Ayon sa likod na pabalat ng aklat, karamihan sa kanyang mga kwento ay naglalarawan ng buhay sa Nayon ng Nagrebcan, sa Bauang, La Union, kung saan siya isinilang noong 1911. Nagtapos siya ng Bachelor of Arts in Education noong 1933 sa Unibersidad ng Pilipinas. Naging kasapi siya at sa kalaunan ay naging pangulo ng UP Writers' Club at naging patnugot ng Literary Apprentice. Napangasawa niya si Lydia Villanueva na isa ring magaling na manunulat, at nanirahan sila sa Ermita, Maynila.

Nagturo si Arguilla ng malikhaing pagsusulat sa Unibersidad ng Maynila at nagtrabaho sa Bureau of Public Welfare bilang managing editor ng Welfare Advocate hanggang 1943. Hanggang siya'y mahalal sa Board of Censors. Sa kalaunan, lihim niyang itinatag ang isang yunit paniniktik ng gerilya noong panahon ng digmaan laban sa Hapon. Noong Agosto 1944, nadakip ng mga kalaban si Manuel Arguilla at pinatay ng mga Hapon.

Ang nasabing aklat ay may Pambungad ni Jose Y. Dalisay Jr., isa ring manunulat at nakapaglathala na ng nasa higit tatlumpung aklat. Ayon kay Dalisay, may labingsiyam na kwento si Arguilla sa koleksyon nito noong 1940, na pinamagatang "How My Brother Leon Brought Home a Wife and Other Short Stories".

Gayunman, may nadagdag na anim na akda sa "The Essential Manuel Arguilla Reader" na binubuo ng  dalawampu't apat na maikling kwento at isang sanaysay. Talagang kasasabikan mong basahin ang mga ito, hindi lang dahil magaganda ang mga kwento, kundi dahil kakaunti lang ang mga manunulat na Pilipino sa wikang Ingles ang nalathala bago magkadigma. Kumbaga, mga klasikong kwento talaga. Pinagsikapan talaga ng tagapaglathala ng aklat na hanapin pa ang ibang akda ni Arguilla.

Narito ang pamagat ng 25 akda ni Arguilla sa nasabing aklat, batay sa talaan ng nilalaman, kung saan dalawampu't apat ay kwento, habang may isang sanaysay - ang Rereading the Noli, Fili.
1. Midsummer
2. Morning in Nagrebcan
3. Ato
4. Heat
5. A Son is Born
6. The Strongest Man
7. How My Brother Leon Brought Home a Wife
8. Mr. Alisangco
9. Though Young He is Marries
10. The Maid, the Man, and the Wife
11. Elias
12. Imperfect Farewell
13. Felisa
14. The Long Vacation
15. Caps and Lower Case
16. The Socialists
17. Epilogue to Revolt
18. Apes and Men
19. Rice
20. Grit
21. Misa de Gallo
22. Epilogue to a Life
23. Seven Bedtime Stories
24. Rereading the Noli, Fili
25. Rendezvous at Banzai Bridge

Sa http://pinoylit.webmanila.com/filipinowriters/arguilla.htm ay nasaliksik natin ang 19 na kwento sa "How My Brother Leon Brought Home a Wife and Other Short Stories", at ang nadagdag na anim sa "The Essential Manuel Arguilla Reader" ay ang huling anim na kwento nito - ang Grit, Misa de Gallo, Epilogue to a Life, Seven Bedtime Stories, Rereading the Noli, Fili, at ang Rendezvous at Banzai Bridge. Mabuti't ang anim na iyon ay natagpuan pa ng mga makabagong mananaliksik upang ating mabasa at manamnam ang iba pa niyang akda. Maraming salamat.

Sa pagninilay, sinubukan kong gawan ng tula si Manuel Arguilla, batay sa ilang mga saliksik:

MANUEL ARGUILLA, MAHUSAY NA MANUNULAT
tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

isang mahalagang moog ng ating panitikan
si Manuel Arguilla, manunulat mula Nagrebcan
sa Bauang, La Union; sa kanyang angking kahusayan
ay nakapagsulat ng kwentong sadyang kainaman

siya ay Ilokanong nagsulat sa wikang Ingles
inilarawan ang Nagrebcan sa akdang makinis
ikinwento ang buhay ng dukhang sa dusa'y labis
pati magsasakang sa pagkadalita nagtiis

B. A. in Education ang kursong tinapos niya
naging kasapi't pangulo ng U.P. Writers's Club pa
sa Literary Apprentice naging patnugot siya
naging managing editor ng Welfare Advocate pa

labingsiyam na kwento ang una niyang koleksyon
na sa atin ay pamana ng kanilang kahapon
dalawampu't apat na kwento't 'sang sanaysay ngayon
anim na bagong saliksik na sa aklat tinipon

sa huling bahagi ng buhay sa bayan naglingkod
sa mga gerilyang Pilipino'y naging gulugod
nilabanan ang mga Hapon, kasamang sumugod
hanggang dakpin siya't pinaslang ngunit di lumuhod

mabuhay ka, Manuel Arguilla, at iyong sulatin
bawat akda'y pamana sa henerasyong parating
maraming salamat sa kwento, bayaning magiting
at di ka na maglalaho sa panitikan natin

08.01.2023

Sabado, Hulyo 29, 2023

Kwento - SONA na naman, sana naman...

SONA NA NAMAN, SANA NAMAN…
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa halos tatlong dekada na ay sumasali pa rin sina Igme at Isay sa mga kilos-protesta. Ani kumpareng Inggo nila: “Ano bang napapala natin sa pagdalo sa mga kilos-protesta? Nagbago ba ang buhay natin?”

Kaya napatanga sa kanya sina Igme at Isay. “Bakit ba ganyan na ang tono mo ngayon? Parang ikaw ang nagbago? Hinahanap mo pa rin ba na yumaman ka, gayong kakarampot lang naman ang sinasahod mo diyan sa pinapasukan mo?” ang sagot naman ni Isay.

“Mabuti nga na sumasama tayo sa kilos-protesta sa SONA upang ipakita ang tunay na kalagayan ng bayan kumpara sa ulat ng pangulo na pag-unlad kuno ng bayan. Na kesyo lumaki raw ang GDP subalit di naman ramdam ng mamamayan. Isang kahig, isang tuka pa rin ang mga maralita. Kontraktwal pa rin ang mga manggagawa.” ang tugon ni Igme.

“Subalit di pa rin naman nagbabago ang buhay natin?” ani Inggo.

“Magbabago ba ang buhay natin kung ang polisiya ng pamahalaan ay para sa negosyo, para sa mayayaman, para sa mga bilyonaryo? Hay, kaya tayo sumasama sa kilos-protesta sa SONA ay upang ipahayag natin na balintuna sa kalagayan ng bayan ang iniuulat ng pangulo, kundi para sa kanilang magkakauri lamang.” ani Igme.

Sumabad muli si Isay sa malumanay na paraan. “Kung ayaw mong sumama sa pagkilos sa SONA, huwag kang sumama. Kami na lang. Nais pa rin naming makiisa sa masa na matagal nang pinagsasamantalahan ng uring mapang-api. Ito ngang si Igme, kaytagal naging kontraktwal na dapat regular na sa kumpanya nila noon, hindi niya naipagtanggol ang sarili niya  laban sa kasong illegal dismissal dahil hindi siya noon sumali sa unyon. Bagamat pilit pa rin siyang ipinagtanggol ng unyon. Ang ganyang kaso ang hindi nireresolba ng pamahalaang ito. Ayos lang sa kanila ang kontraktwalisasyon dahil pabor iyon sa mga kapitalista.”

Napaisip si Inggo. “Kung sabagay, tama kayo. Subalit nangangako naman ang bagong pangulo na reresolbahin ang 6.5 milyong backlog sa pabahay. Baka mabiyayaan tayo roon.”

“Asa ka pa.” sabi ni Isay. “Ang balita namin, vertical ang itatayong pabahay, parang condo, at ang palakad diyan, dapat ay kasapi ka ng Pag-ibig upang may pambayad ka sa pabahay na milyon kada yunit. May pera ka bang pambayad? Hindi pangmaralita ang pabahay na iyon, kundi negosyo. Hindi serbisyo sa tao. Ninenegosyo na naman nila tayo.”

“Subalit gaya nga ng sinabi ko, taon-taon na lang ang SONA, kailan pa tayo titigil sa ganyang pagkilos?” muling sabi ni Inggo.

Agad namang sumagot si Igme, “Kaytagal na nating pinag-usapan iyan.  Kikilos tayo, hindi lang sa SONA, kundi sa Mayo Uno, Araw ng Kababaihan, Karapatang Pantao, at iba pa, basta may isyu ang bayan. Hindi para sa maralita ang mga nagdaang gobyerno kundi para lagi sa negosyo at sa mga kauri nilang mayayaman. Kaya nga ang polisiya nila ay taliwas sa kagustuhan ng mamamayan. Diyan pa lang sa usapin ng kontraktwalisasyon, mataas na bilihin, ang hindi maampat na land grabbing na hanggang ngayon ay hindi maipasa-pasa ang National Land Use Act, dahil asawa ng isang senador ang isa sa kilala nating land grabber, aba’y aasahan mo pa bang magbabago ang buhay natin. Ang dapat sa kanilang uring mapagsamantala sa maliliit ay ibinabagsak. Ayon nga sa awiting Tatsulok, ‘at ang hustisya ay para lang sa mayaman.’ At hindi tayo papayag na magpatuloy ang ganyan, lalo na para sa ating mga anak, apo, at sa mga susunod na henerasyon.”

Napatungo si Inggo. Maya-maya’y napatitig kay Igme, “Pilit ko pa ring inuunawa ang sinasabi ninyo. Habang sa utak ko ay para bang nangangako na naman ng matatamis ang pangulo tulad ng iba pang nakaraang pangulo.”

“Bente pesos na ba ang sangkilong bigas? Aba’y nang minsang  kumain tayo sa mall, trenta pesos na ang isang tasang kanin, asa ka pa rin sa pangako ng pangulo? Hanggang kailan ka kontraktwal?” Ani Isay.

Napatungo na naman si Inggo. “Sabagay, tama kayo. Nauunawaan ko na. Sasama ako sa inyo sa pagkilos sa SONA.”

Si Isay muli, “Makikinig tayo sa tunay na kalagayan ng bayan ayon mismo sa bibig ng mga manggagawa at kapwa natin maralita. Tayo pa rin namang magkakauri ang uugit ng ating kasaysayan at kinabukasan natin at ng ating mga anak. Magpalit-palit man ang pangulong para sa mga kapitalista, hindi pa rin magbabago ang buhay natin.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hulyo 16-31, 2023, pahina 18-19.