Sabado, Disyembre 30, 2023

Kwento - No to jeepney phaseout!

NO TO JEEPNEY PHASEOUT!
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Kumusra na po, Itay? Balita ko, balak ng pamahalaan i-phase out ang mga dyip dahil daw sa PUV modernization? Nakakasira rin daw sa kalikasan ang ating mga dyip dahil sa usok nitong ibinubuga. Tama po ba ang nabalitaan ko, Itay?” Sabi ni Nonoy sa kanyang amang tsuper ng dyip na si Mang Nano.

“Oo nga, anak? Iyan ang problema naming mga tsuper ngayon. Balak ipalit ang mga minibus na tinawag nilang e-jeep. Modernong dyip daw subalit pag sinuri mo naman, mas nakikipagtagalan sa panahon ang ating mga tradusyunal na dyip kaysa sa e-jeep na ilang taon lang, laspag na.” Ang himutok naman ni Mang Nano sa anak.

“Paano po iyan, Itay? Pag nangyari po iyan, aba’y baka di na kayo makapamasada?” Ani Nonoy.

“Ano pa nga ba? Gutom ang aabutin natin, pati na ibang pamilya ng mga tulad kong tsuper! Baka matigil ka na rin sa pag-aaral dahil sa dyip lang natin kinukuha ang pangmatrikula mo.” Ani Mang Nano.

Habang nag-uusap ang mag-ama ay dumating si Nitoy, ang kumpare at kasamang tsuper ni Mang Nano.

Sabi ni Nitoy, “May pulong tayong mga drayber mamaya alas-kwatro ng hapon sa terminal upang pag-usapan ang sinasabing modernisasyon daw ng ating mga dyip. Dalo tayo, pare, nang malaman natin.”

“Sige, pare, dadalo ako. Magkita na lang tayo doon mamaya.”

“Itay, maaari bang sumama? Nais ko lang po makinig.” Ani Nonoy.

“Sige, anak. Samahan mo ako mamaya.”

Dumating ang ikaapat ng hapon. Marami nang tsuper sa terminal, at may megaphone. Nagpaliwanag ang lider ng mga tsuper sa lugar na iyon. Si Mang Nolan. Naroon na rin ang mag-amang Nano at Nonoy.

“Mga kasama,” ani Mang Nolan. “Ipinatawag natin ang pulong na ito dahil nangangamba tayong mawalan ng kabuhayan pag natuloy ang pagpe-phaseout ng ating mga dyip. Hindi tayo papayag diyan! Gutom ang aabutin ng ating pamilya, hindi pa tayo makakapasada. Hanggang Disyembre 31 ang ibinigay sa atin upang magkonsolida ng ating hanay.”

“Anong ibig sabihin niyan?” Tanong ni Mang Nano.

“Ganito kasi iyan,, mga kasama,” ani Mang Nolan, “Naglabas ang Department of Transportation ng Omnibus Franchising Guidelines na una sa programang PUV Modernization Program. Anong laman niyan?”

Nakikinig ng mataman ang mga tsuper sa paliwanag. Nagpatuloy si Mang Nolan, “Sa ilalim ng nasabing guidelines, dapat ikonsolida ng mga tsuper at opereytor ng dyip ang kanilang mga yunit sa isang kooperatiba na tatayong manager at magpapatakbo sa partikular na ruta batay sa polisiyang one route, one franchise. Sa isang prangkisa, 15 yunit ng modernong dyip ang minimum na kailangan. Ang presyo ng isang yunit ay nasa P2.4 milyon hanggang P2.8 milyon. Kaya ba natin iyon? Aba’y lagpas triple na iyan sa bago at magandang klaseng tradisyunal na dyip na nasa P800K lang. Tinaningan na tayo na hanggang Disyembre 31 na lang ay dapat nakonsolida na ang ating mga dyip.”

“Anong dapat nating gawin?” Tanong ng tsuper na ni Mang Nestor.

“Aba’y kinonsulta ba nila ang mga tsuper at opereytor sa balak nilang iyan? O baka dahil may pera sila sa mga modern dyip kaya ginigiit nila iyan sa atin. Mungkahi ko, mga kasama, magpakita tayo ng pwersa bago ang deadline.” Sabi ni Mang Nano.

“Aba, Itay, sasama rin ako riyan! Isasama ko mga kaklase ko!” Sabad naman ni Nonoy.

“Bakit mo naman naisipang sumama?” Tanong ni Mang Nolan.

“Naisip ko po kasi, maraming pamilya ang magugutom pag hindi na nakapasada sina Itay, ang tulad po ninyong mga tsuper. Apektado rin ang aming pag-aaral. Pati mga manggagawang pumapasok sa trabaho, walang masasakyan. Ang laban po ng tsuper ay laban din naming mga komyuter.” Ang mahabang paliwanag ni Nonoy.

“Aba’y magaling. Sige, kung payag ang tatay mo.” Ani Mang Nolan.

Agad sumagot si Mang Nano, “Anong paghahanda ang ating gagawin? Dapat sabihan din natin ang iba pang tsuper. Kailangan nating magpakitang puwersa upang pakinggan tayo!”

Si Mang Nolan, “Sige, mga kasama, sa Disyembre 29 natin itakda ang ating pagkilos. Bago magsara ang taon ay maipakita natin ang ating paninindigan. Ang ating panawagan: No to jeepney phaseout!”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 16-31, 2023, pahina 18-19.

Huwebes, Disyembre 28, 2023

Nagdoble ang nabiling aklat

NAGDOBLE ANG NABILING AKLAT
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa katuwaan ko marahil na mabili ang aklat ay hindi ko napagtantong mayroon na akong gayong aklat na matagal ko na palang nabili. Tulad na lang nang mabili ko ang aklat na 20,000 Leagues Under The Sea ni Jules Verne.

Nais kong kumpletuhin ang mga aklat ni Jules Verne na nasa aking aklatan. Akala ko'y may pang-apat na akong aklat ni Jules Verne nang mabili ko ang 20,000 Leagues. Mayroon na kasi akong Journey to the Center of the Earth na nabili ko sa Fully Booked sa Gateway, Cubao noong Enero 9, 2023 sa halagang P179.00, na nilathala ng Collins Classics, at ang Around the World in Eighty Days, na nabili ko sa Book Sale sa SM Fairview noong Marso 9, 2023 sa halagang P125.00, na nilathala naman ng Great Reads.

Pangatlo kong nabili ang 20,000 Leagues Under the Sea sa Fully Booked sa SM Fairview noong Mayo 7, 2023 sa halagang P179.00, na nilathala ng Collins Classic. Pang-apat ay nabili ko nga uli ang 20,000 Leagues Under the Sea, sa Fully Booked, Gateway, Cubao noong Nobyembre 14, 2023, sa mas murang halagang P125.00.

Pati magasing Liwayway na isyu ng Agosto 2023 ay nagdoble rin. Akala ko kasi wala pa akong isyung Agosto kaya nang magtungo ako sa National Book Store ay bumili na ako nito. Wala pa ring palya ang mga isyu ko ng Liwayway, at nakumpleto ko ang 12 isyu nito mula Enero hanggang Disyembre 2023. Kaya naman ako bumibili ng Liwayway ay upang ipakita ang aking taospusong suporta sa panitikang Pilipino. 

Grabe! Nagdodoble-doble ang bili ko ng libro. Kaya nang dumating ang pamangkin ko, ibinigay ko sa kanya ang isang isyu ng 20,000 Leagues at magasing Liwayway na isyu ng Agosto 2023 bilang pamaskong handog.

Bakit nagdodoble-doble ang bili? Marahil sa pag-aakalang wala pa akong gayong aklat. Marahil ay binili ko lang at hindi agad binasa, at basta na lang inilagay sa munti kong aklatan.

Mayroon na akong tatlong aklat ni Sir Arthur Conan Doyle hinggil kay Sherlock Holmes, dalawang aklat ng kwento at tula ni Edgar Allan Poe, at apat na aklat ng nobela ni George Orwell, ang Homage to Catalonia, ang Down and Out in Paris and London, ang 1984, at ang Animal Farm. Ang mga aklat na iyan ay pawang nilathala ng Collins Classics.

Madalas kong tambayan ay ang Book Sale (kung saan narito ang mga rare find na libro), Fully Booked (kung saan maraming klasikong aklat-pampanitikan), at minsan ay National Book Store (kung saan ko nabibili ang mga history books na nasa akin, at iba pang poetry books). Bukod pa sa UP Press Book Store.

Kaya dapat malay ako sa kung anong aklat ang aking bibilhin upang hindi magdoble. Paano? Basahin ko na ang kahit unang kabanata ng aklat kong nabili upang matandaan ko na mayroon na pala ako ng librong iyon sa aking aklatan. Marahil nga, iyon ang dapat kong gawin.

Martes, Disyembre 26, 2023

Ang nasa kaliwa at kanan sa litrato ni Ambeth Ocampo

ANG NASA KALIWA AT KANAN SA LITRATO NI AMBETH OCAMPO
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kaninong punto de bista ang susundin upang mabatid ang kung sino ang nasa kaliwa at nasa kanan ng litrato? Ang sa mambabasa ba, o ang nasa kaliwa at kanan ng awtor na nasa gitna ng litrato?

Nabili ko nitong Disyembre 24, 2023 ang aklat na Two Lunas, Two Mabinis, Looking Back 10 ng historian na si Ambeth Ocampo, sa halagang may 10% discount sa National Book Store, kaya mula P150 ay P135 na lang, may 100 pahina.

Sa pahina 11 ay naintriga ako sa litrato kung sino si Teodoro Agoncillo sa dalawa, ang nakatayo sa kanyang kaliwa, o ang nakaupo sa kanyang kanan. Nakasulat kasi sa ibaba nito ay: "After school, I continued to learn Philippine history from two eminent mentors: E. Aguilar Cruz (left) and Teodoro A. Agoncillo (right)."

Hindi ba't dapat ay sa punto de bista ng mambabasa, at hindi batay sa litrato kung sino ang nasa kanan o kaliwa ni Ocampo?

Hindi ko kilala si Cruz habang kilalang historian si Agoncillo. Nakilala ko lang si Cruz dahil nakita ko sa librong iyon sa listahan ng mga nalathalang libro ni Ocampo ang pamagat na "The Paintings of E. Aguilar Cruz (1986); E. Aguilar Cruz, The Writer as Painter (2018), na marahil ay bibilhin ko rin at babasahin pag nakita ko. Si Cruz pala ay pintor at manunulat. Gayunman, mas hinanap ko sa litrato kung alin sa dalawa si Agoncillo.

Kung hindi mo kilala ang mukha ng dalawang ito, at hindi mo titingnan sa google ang mukha nina Cruz at Agoncillo, paano mo ito malalaman bilang mambabasa kung sino ang sino sa pamamagitan lang ng pagbasa sa nakasulat sa ibaba ng litrato?

Nasa gitna ng litrato si Ambeth Ocampo. Nasa kanan niya ba ay si Agoncillo, o batay sa punto de bista ng mambabasa, nasa kaliwa si Agoncillo. Sino ang sino? Alin ang alin?

Upang matapos na ang usapan, hinanap ko sa google ang litrato ni Agoncillo, upang mabatid kung siya ba ang nasa kanan o nasa kaliwa ni Ocampo. Paano kung walang google? Hindi mo agad mahahanap.

Sa google, agad kong nakita na si Teodoro Agoncillo ang nakatayo. Sa litrato, nasa left siya ni Ocampo kahit sinulat nitong si Agoncillo ang nasa right. Nasa right ni Ocampo si Cruz kahit sinulat nitong si Cruz ang nasa left. Sa madaling salita, isinaalang-alang ni Ambeth ang kanan at kaliwa ng mambabasa, at hindi kung sino ang nasa kanan at kaliwa ng litrato na pinagigitnaan niya ang dalawa.

Kung gayon, as a rule, punto de bista ng mambabasa ang dapat masunod, kung sino ang nasa kanan at kaliwa ng mambabasa.

O kaya, isinulat niya iyon ng ganito: "After school, I continued to learn Philippine history from two eminent mentors: E. Aguilar Cruz (in my right) and Teodoro A. Agoncillo (in my left)."

Maraming salamat, Ginoong historian Ambeth Ocampo. Nais kong kompletuhin ang Looking Back series mo. Bukod sa Looking Back 10, meron na akong Looking Back 8, Virgins of Balintawak; Looking Back 9, Demonyo Tables; at Looking Back 11, Independence X6.

Biyernes, Disyembre 8, 2023

Masaya na rin kahit walang sertipiko

MASAYA NA RIN KAHIT WALANG SERTIPIKO
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

May stigma pa rin ang lipunan sa mga dating bilanggong pulitikal. May diskriminasyon. Iyon ang naramdaman ko agad matapos ang dalawang araw na pagdaraos ng National Jail Decongestion Summit mula Disyembre 6-7, 2023, sa isang five-star hotel sa Malate, Maynila.

Nasabi kong may stigma dahil ako pang nag-iisang ex-political detainee o XD ang hindi nakakuha ng sertipiko bilang patunay na nakadalo ako at nakatapos sa dalawang araw na pagtitipong iyon. Sa aming table, sa table 24 ng CSO, ako lang ang hindi nakatanggap, habang ang isang absent sa ikalawang araw ay may sertipiko. Bakit ako pa ang natiyempuhan? Dahil ba ako'y ex-detainee? Dahil ba walang karapatan ang tulad ko na makakuha ng sertipiko? Marahil ay nakaligtaan lang, iyan tiyak ang sasabihing dahilan. Kaya nang magtanong ako sa nagbibigay ng mga sertipiko na wala akong natanggap, sinabihan akong i-email na lang, kaya ibinigay ko ang aking pangalan at email. Subalit matanggap ko kaya? Umaasa.

May isa pang senior citizen na katabi namin sa kabilang mesa ang hindi nakatanggap ng sertipiko. Sinabihan rin siyang i-email na lang sa kanya. Hanggang sa kami'y maghiwalay upang umuwi.

May karapatan ba akong magalit o sumama ang loob? Marahil ay wala? Marahil ay meron? Wala dahil XD lang naman ako, habang ang mga nagsidalo roon ay mga abogado, mga guro at kagawad sa mga Law school, mga mula sa  BJMP, BuCor, mula sa Korte, at kakarampot lang ang bilang ng mga galing sa CSO. Wala akong karapatang umangal dahil isa lang akong galunggong sa dagat ng mga pating. Isa lang akong pusa sa gubat ng mga leyon. Isa lang akong pipit sa kawan ng mga lawin. 

Marahil ay meron, dahil isa akong aktibista na ipinaglalaban ang karapatan ng mga naaapi at napagsasamantalahan. At hindi ko maipagtanggol ang karapatan ko? Tanging tamang proseso na nagawa ko ay tanungin ang mga organizer, at yaong namamahagi ng sertipiko na wala akong natanggap, at sinabihan nga akong i-email na lang. Pinasulat ako ng pangalan at email sa dilaw na papel na idinikit niya sa printer na naroron. Palagay ko'y nasa panglima ang papel ko, habang ang kaso ng ibang naroon ay pinababago ang spelling ng kanilang pangalan.

Mahigit dalawang daang (200) katao ang dumalo, o marahil ay higit tatlong daan (300). Sa isang bilog na mesa ay may labingdalawang upuan, tulad sa amin. Marahil sa ibang mesa ay sampu. Gayunpaman, kung 12 bawat lamesa at may 25 bilog na lamesa (12 x 25 = 300). Kung sampu - 10 x 25 = 250. Congested talaga, siksikan sa unang araw. Kaya noong ikalawang araw ay pinaluwag, dama rin nila na dapat i-congest.

Nakilala ako bilang XD nang magsalita ako sa isang workshop sa unang araw. Sinabi kong hindi ako tulad nilang mga abogado kundi XD, bilang kinatawan ng Ex-Political Detainees Initiative (XDI), bilang sekretaryo heneral nito. ikinwento ko rin ang kalagayan namin, na naitayo ito noong 2012, napasama ako rito noong dumating si Pope noong Enero 2015, at naglatag kami ng malaking banner na nakasulat ay "Free All Political Prisoners", nahalal akong secretary general ng XDI noong Hulyo 2017, at ang pagtanggi ng SEC na i-rehistro kami dahil may detainee sa aming pangalan. Nakakatuwang sinagot ako ng presidente ng IBP na si Atty. Pido, na abogado mula Samar, at ibinigay ang pangalan ng taga-IBP Manila chapter upang makatulong sa aming organisasyong XDI.

Umaga ng ikalawang araw ay agad na itinuro ng nagpapa-attendance kung nasaan ang aking pangalan, dahil marahil kilala na nila ako, dahil marahil nang magtanong ako sa workshop nang nakaraang araw, dahil sinabi niyang Gregorio ang aking pangalan.

Nang umaga ring iyon, nang makita ako ng abogadong taga-Cebu, na naging speaker din sa dinaluhan kong workshop ng hapon, sinabi niyang naiinis din siya sa SEC dahil iyon talaga ang pangalan namin na naglalarawan kung ano ba kami.

Ayoko nang palawigin pa ang isyu, baka pulutanin lang. Baka tanungin pa, sino bang nagpadalo riyan? Kayliit lang na problema, palalakihin pa! Buti nga naimbitahan pa roon at nakadalo ng dalawang araw. Ayos na iyon, hindi ba? Bakit maghahanap pa ako ng sertipiko? Aanhin ko ba ang sertipiko, maliban sa i-display sa bahay? Di tulad ng iba na magagamit ang sertipiko upang tumaas ang ranggo o katungkulan nila.

Isinulat ko lang ang artikulong ito bilang testamento na may ganitong nangyari. Pag itinago ko ito, at sinarili ko lang, baka mangyari uli sa susunod, at wala akong patunay na nangyari ito kung hindi ko isusulat. Hindi naman ako naghahabol na sa sertipiko, bagamat may sikolohikal na epekto rin iyon sa akin. Dapat ay hahabol ako (kung makakahabol at walang trapik) sa rali ng IDefend at sa konsyerto sa Xavierville sa araw na iyon para sa 75th anniversary ng Human Rights Day, subalit hindi ko na nagawa. Mula sa venue sa Malate ay nilakad ko ang Quiapo upang makasakay ng LRT puntang Cubao. Dumaan muna sa Luneta at pinanood ang nagsasayaw na fountain na may iba't ibang ilaw, at sandaling sumilip sa pinagdarausan ng Concert at the Park upang manood ng mga indi films. Nasimulan ko ang pelikulang may pamagat na "Pag dumarating ang kaarawan ni Alyana" subalit makalipas ang marahil ay sampung minuto, matapos kumanta ni Alyanna ng "May Bukas Pa", ay umalis na ako.

Gayunpaman, masaya ako na nakadalo sa dalawang araw na National Jail Decongestion Summit, kung saan sinasabi nilang ito ang kauna-unahang idinaos sa bansa.

Hindi masama ang loob ko, lalo na kung iisiping XD ako, at may stigma ang lipunan sa mga tulad ko. Na ang tingin nila sa XD ay mga dating kasapi ng NPA (no permanent address), at kung taga-Maynila tulad ko ay dating kasapi ng ABB (Alex Bon Brig), na nahuli at kinasuhan. Ako naman ay simpleng aktibistang nakikibaka para sa kapakanan ng manggagawa, maralita, kababaihan, kabataan, at karaniwang taong naaapi sa lipunan. Subalit itinuturing na kalaban ng pamahalaan, lagi sa mga rali o parlamento ng lansangan.

Masaya ako na naimbitahan, at taospuso akong nagpapasasalamat sa Ateneo Human Rights Center na nag-imbita sa aking makadalo, at kay Supreme Court Associate Justice Filomena Singh na nagpadala ng pormal na liham upang ako'y makadalo bilang secgen ng XDI. Pasasalamat din sa Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) at Balay Rehabilitation Center na matagal na kumupkop at tumutulong sa XD at sa grupo naming XDI.

Paano sasama ang loob ko na hindi ako nabigyan ng sertipiko kung ang simpleng pag-imbita pa lang ay malaking bagay na. Dagdag pa ang mga kaalamang nakuha ko sa dalawang araw na pagtitipon. Ang tangi ko na lang masasabi, sana'y hindi na ito maulit sa mga tulad kong maliliit, sa tulad kong XD.

4:27 am
12.08.2023