NASAAN ANG URING MANGGAGAWA SA BANGAYAN NG MGA NAGHAHARING URI?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.
“Tila wasak na ang UniTeam. Nagbabatuhan na sila ng baho. Tila ba sila’y naging UniThives na!” Ani Mang Igme sa isang umpukan ng mga kabarangay sa karinderya ni Aling Ines.
“Bakit mo naman nasabi iyan?” Tanong ni Inggo.
“Mantakin n’yo, ha? Nagpakawala na ng maaanghang na salita ang dating pangulo, dahil marahil malalim na ang epekto sa kanya ng imbestigasyon ng International Criminal Court na hinahayaan lang ng kasalukuyang pangulo. Aba’y tinanggal din ang confidential fund ng bise presidente na anak ng dating pangulo. Ginagamit pa ng isang paksyon ang isyu ng Charter Change, hindi pa dahil ayaw nilang madistrungka ang protectionist provision ng Konstitusyong 1987, kundi kung sino ang dapat tumimon dito. “ Mahabang litanya ni Mang Igme.
Sumabat si Aling Isay, “Halos lahat naman ng kinatawan ng political dynasty ay nagtutulak ng ChaCha. Yaong mga tumututol ay hindi pa dahil mapagmahal sila sa bayan, kundi ang karibal na paksyon ang titimon at makikinabang diyan. Ang tanong lang natin: Nasaan ang uring manggagawa sa bangayan ng mga naghaharing uri?”
Sumagot si Mang Igme, “Aba’y dapat namang makapwesto ang uring manggagawa sa ganyang bangayan. Tayong mga manggagawa ay dapat magkaisa upang tangayin na sa burgesya iyang kapangyarihang pampulitika. Subalit ang ChaCha ay hindi lamang itinutulak ng mga damuhong dinastiya, kundi ng oligarkiya o yung mayayamang indibidwal o pamilyang may kontrol sa ating ekonomya.”
“Masyado nang malalim ang pinag-uusapan ninyo. Hindi na ako makahabol, lalo na sa mga terminong, ano iyon? Oligarka, oligarkya, dinastiya? Yung isa pa, bu-burgisya? Tanong ko pa. Paano naman makakapwesto iyang uring manggagawa kung hindi naman ito nagkakaisa?” Tanong muli ni Inggo.
“Ang mabuti pa, maglunsad tayo ng talakayan hinggil diyan, at upang maiparating din natin sa ating mga kabarangay ang planong kilos-protesta laban sa ChaCha na ang makikinabang lang ay mga mayayaman, iyang tinatawag nating burgesya.” Ani Mang Igme.
“Payag ako. Kailan naman iyan?” Tanong ulit ni Inggo.
“Ayos ba sa inyo, Sabado ng hapon, alauna?” Tanong ni Mang Igme.
"Sige, darating ako." "Ako rin." "Mag-iimbita rin ako ng mga katropa." Iyan ang sunod-sunod na sabi nila na interesado sa paksa.
Dumating ang araw ng Sabado, nagkita-kita ang mga naimbitahan. Agad na banat ni Mang Igme, "Kuntento na lang ba tayo na maging manonood na lang o tagapakinig na lang sa bangayan ng dalawang paksyon ng naghaharing uri? Parang telenobela na ang alitan na animo'y inililigaw lang nila tayo sa totoong mga isyu ng bayan. Nasaan na ang uring manggagawa sa mga bangayang iyan? Mayorya ng masang Pilipino ay mga manggagawa. Dapat may gawin sila upang makapwesto sa poder, at hindi magkunot-noo lang sa alitan ng mga naghaharing uri."
"Mukhang napakahaba ng iyong mga hinaing, kasama." Ani Igor. "Dapat talagang pag-usapan iyan, matagal nang pinagsasamantalahan ng mga trapo’t dinastiyang iyan, ng mga elistista’t oligarkiyang iyan, tayong anakpawis na tingin nila’y mga ekstensyon lang tayo ng makina."
Nagsalita si Ingrid, “Kaylalalim naman ng mga hugot ninyo, na hindi agad maunawaan ng mananahi tulad ko.”
“Kaya nga tayo nagdaos ng ganitong pag-aaral, ay pulong pala, dahil maganda talagang maunawaan natin ang mga iyan.” Ani Isay.
Sumagot si Igme, “Sa mga nangyayari sa ating bansa ngayon, dapat makapwesto ang uring manggagawa sa unahan ng pakikibaka. Ibig sabihin, huwag na nating tangkilikin ang mga trapo sa halalan. Huwag iboto ang mga pahirap sa bayan. Patuloy lang tayong mag-organisa, bagamat wala na tayo sa unyon, at nasa komunidad ng maralita na tayo, ang mahalaga’y ang tinig at tindig ng manggagawa sa mga isyu ay umalingawngaw. Ano ang tingin sa sahod at tubo?
Sabi naman ni Igor, “Ito pa ang mahalaga. Ipanalo natin ang mga manggagawang tumatakbo sa halalan, tulad sa Kongreso at Senado. Sakaling manalo sila’y magkaroon naman tayo ng matino sa gobyerno’t ipaglalaban ang ating kapakanan. Hanggang maagaw ng uring manggagawa ang pampulitikang kapangyarihan.”
* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Abril 16-30, 2024, pahina 18-19.