BIGONG-BIGO ANG MASA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.
Habang nagrarali pa lang sa tapat ng National Housing Authority (NHA) sa Elliptical Road sa Lungsod Quezon, kung saan doon nagtungo ang bulto ng mga maralitang nagrali muna sa tapat ng Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) sa Kalayaan Ave., ay napansin ko na ang plakard na tangan ni Aling Ising. Ang nakasulat doon ay daglat ng BBM, na sa paniwala ko at ng may dala ng plakard ay tunay na kalagayan ng maralita - Bigong Bigo ang Masa.
Kaya nilapitan ko si Aling Ising, habang naroon din ang mga kasama niyang sina Aling Isay, Aling Ines, Mang Igme, at Mang Inggo, na siya niyang kagrupo. Agad kong bungad: “Aling Ising, natumbok po ng inyong plakard ang tunay na kalagayan ng masa sa ilalim ng administrasyon ni Marcos Jr. Saludo po ako.”
Sumagot si Aling Ising, “Aba’y bigong bigo naman talaga ang masa sa gobyernong ito. Mantakin mo, pinangakuan tayong may bente pesos na kilo ng bigas, subalit ang nangyari, pamahal ng pamahal ang presyo ng bigas. Iyon ngang nabili ko noong isang araw, P20 ang 1/3 na kilo ng bigas. Ibig sabihin, P60 ang kilo.”
Sumabad naman si Aling Isay, “Ano pa bang aasahan natin sa mga pulitiko kundi pulos pangako. At pangakong napapako. Ibinoboto kasi natin ang mga dinastiya at mga pulitikong di naman natin kauri, na ang tingin sa maralita ay boto lang nila dahil marami tayo, subalit kaytagal nang panahong wala tayong napapala sa kanila kundi pulos pangako.”
“Aba’y nakakakuha naman tayo ng ayuda sa mga pulitikong iyan, ah!” Ang sabi naman ni Mang Inggo. “Kung hindi dahil sa ayudang iyan, wala tayong kakainin.”
“Aba, aba!’ Si Mang Igme, “Tayo’y matagal naging manggagawa sa pabrika, at tayo noon ang nagpapakahirap upang makakain ang ating mga anak. Kailan lang naman sila namimigay ng ayuda, noong nanalasa ang COVID-19. Nakita lang ng mga pulitiko na magandang mamigay sila ng ayuda para sa kanilang boto. Gayong tayong mga manggagawa ang tunay na dahilan kaya umuunlad ang bayan. Tayo ang nagpapakahirap kaya umuunlad ang ekonomya. Hindi ang mga pulitiko.”
“Siya, tama na iyan,” ani Aling Ines. “Maganda naman at napansin mo ang plakard na hawak ni Aling Ising. Pinag-usapan talaga namin iyan, iho, upang masabi naman natin ang talagang kalagayan ng masa, ng kapwa natin maralita.” Ang sabi niya sa akin.
“Oo nga po, Aling Ines, nais ko po sana itong isulat sa aming pahayagang Taliba ng Maralita, na ang totoo po palang kalagayan ng masa ay kitang-kita sa kahulugan ng BBM - Bigong Bigo ang Masa. Kaya marami pong salamat at hinayaan ninyong kunan ko ito ng litrato.” Sabi ko.
“Ikaw pa ba naman. Eh, hindi ka na iba sa amin, at matagal ka rin naman naming nakasama sa laban ng kapwa natin maralita, lalo na sa demolisyon sa Mariana na pinanggalingan namin.” Sabi naman ni Mang Igme.
Si Aling Ising naman, “Etsapuwera pa rin naman tayong maralita. Minsan lang tayo salimpusa, pag may halalan na naman. Sa usapin pa lang ng 4PH o Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program ay hindi na tayo kasama. Dapat may regular kang trabaho at pay slip, at dapat may Pag-ibig ka rin, kung nais mong magkaroon ng maliit na pwesto sa ala-condo na pabahay. Kung talagang kasama tayo roon, dapat batay sa capacity to pay ng maralita at hindi batay sa market value ng mga kapitalista ang pabahay.”
Napaisip ako sa kanyang mga tinuran. Naputol ang aming pag-uusap nang magsalita na ang lider ng bulto. “Lalakad na tayo, mga kasama, patungo sa SONA.” Kaya kami na’y sama-samang naglakad.
* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Post-SONA isyu, Hulyo 16-31, 2024, pahina 18-19.