Martes, Agosto 20, 2024

Dalawa kong aklat ng tula ni National Artist Gemino H. Abad


DALAWA KONG AKLAT NG TULA NI NATIONAL ARTIST GEMINO H. ABAD
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dalawang beses ko lang siyang nakita nang personal - nang maging tagapagsalita siya sa asembliya ng Philippine PEN sa Cultural Center of the Philippines (CCP) noong Setyembre 20, 2022, at noong unang ganapin ang National Poetry Day, Nobyembre 22, 2022, sa Metropolitan Theatre (MET).

Gayunman, hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na mag-selfie o magpalitrato nang kasama siya. Naging National Artist for Literature si Ginoong Gemino H. Abad noong Hunyo 10, 2022.

Nang mailunsad ang tatlong araw na 25th Philippine Academic Book Fair sa SM Megamall nitong Hunyo 2024, nabili ko sa ikatlong araw sa booth ng UP Press ang dalawang libro ng mga tula ni Ginoong Abad. Ang isa ay may pamagat na "Where No Words Break - New Poems and Past" na may kabuuang 190 pahina (14 ang Roman numeral, at 176 ang nasa Hindu-Arabic numeral), may sukat na 6" x 9".

Ang isa pang aklat, na mas makapal, ay pinamagatang "The Light in One's Blood - Select Poems, 1973-2020". Ito ay may sukat ding 6" x 9" at may kabuuang 368 pahina (20 ang Roman numeral, at 348 ang Hindu-Arabic numeral).

Dahil ang napuntahan ko'y Book Fair, mura ang karamihan ng mga aklat. P59 ang bawat aklat ni Ginoong Abad, kasama ng siyam pang P59 din ang presyo, tatlong tigtitrenta pesos, at dalawang tigisangdaang piso, kaya P939 lahat. Kasama sa nabili ko ang aklat ng isa pang national artist for literature, si Ginoong Cirilo F. Bautista - ang Tinik sa Dila.

Mga collectors' item nang maituturing ang dalawang aklat na ito ng ating national artist for literature na si Ginoong Abad, kaya ito'y inilagay ko na sa aking munting aklatan, at minsan ay binabasa-basa lalo na pag nagpapahinga sa gabi, bago matulog.

Tulad ng ginagawa ni national artist for literature Virgilio S. Almario, may petsa rin ang ilang tula ni Ginoong Abad, lalo na sa "Where No Words Break" kaya maiisip natin na sa gayong edad niya ay iyon na ang isinusulat na paksa. Dahil sa petsa ay nauunawaan natin paano nga ba umunlad ang panulat ng makata mula noon hanggang ngayon. Habang pawang mga talababa o footnote naman sa aklat na "The Light in One's Blood".

Ang mga tula niya sa aklat na "Where No Words Break" ay hinati sa tatlong tema: 
(1) Mind, Language, Poetry, na may 23 tula;
(2) Self, Love, Family, na may 22 tula; at
(3) People, God, Country, na may 24 tula, o kabuuang 69 na tula.

Hinati naman sa apat na kabanata ang kanyang aklat na "The Light in One's Blood":
(1) Mind, Imagination
a. Mind - may 15 tula;
b. Imagination - may 11 tula.
(2) Language, Poetry
a. Language - may pitong tula;
b. Words - ay pitong tula;
c. Reading - may apat na tula;
d. Writing - may walong tula;
e. Poetry - may limang tula.
(3) Self, Love, Family
a. Moods, Stances - may sampung tula;
b. self and Love - may siyam na tula;
c. Seld, Family - may labing-isang tula.
(4) Country, People, Martial Law
a. Country - may siyam na tula;
b. People - may siyam na tula;
c. Martial Law - may labing-isang tula;
d. God - may labintatlong tula; at
e. Death - may anim na tula.
Sa kabuuan ay may 135 na tula.

Sa huling bahagi ng aklat ay ang kanyang mahabang sanaysay na pinamagatang "Mind, Language, and the Literary Work: A Poetic" na may labing-anim na pahina. Kumbaga ito ang kanyang bersyon bilang makata kumpara sa "Poetics" ni Aristotle at "The Poetic Principle" ni Edgar Allan Poe.

Sinubukan kong kumatha ng tula hinggil kay Ginoong Abad.

DALAWA KONG AKLAT NG TULA NI NATIONAL ARTIST GEMINO H. ABAD

"Where No Words Break", na wala raw salitang mababasag
matalinghagang libro iyong di ka makapitlag
tema'y pinag-iisip ka habang nababagabag
nagpapaliwanag, may liwanag, at maliwanag

"The Light in One's Blood", pag naisip mong doon dumako
iyong matatantong may liwanag sa kanyang dugo
animo kanyang mga paksa'y makadurog-puso
na sa kabila ng liwanag ay may maglalaho

mabuti't mura ko iyong nabili sa UP Press
gayong kaymahal pagkat sa laman ay labis-labis
parang balong malalim, di maarok, tumatangis
habang mga agiw sa aking diwa'y pinapalis

kung si Edgar Allan Poe ay may akdang "The Poetic
Principle", at si Aristotle nama'y may "Poetic"
si Gemino H. Abad ay may akda ring natitik:
ang "Mind, Language, and the Literary Work: A Poetic"

sa kanyang mga libro, ako'y nagpapasalamat
ang kanyang mga katha'y sadyang nakapagmumulat
anong gandang basahin niyon pag iyong nabuklat
masasabi mong ang makata'y talagang alamat

08.20.2024

Miyerkules, Agosto 14, 2024

Kwento - Istorya nina Ondoy at Carina

ISTORYA NINA ONDOY AT CARINA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Magkaklase noong hayskul pa lang sina Carina at Redondo, o Ondoy sa kanyang mga kaibigan. Kapwa matalinong estudyante ang dalawa. Nang magkolehiyo na ay magkaiba sila ng kinuhang kurso. Si Carina ay kumuha ng Development Work sa UP, habang si Ondoy naman ay nakatapos ng BS Mathematics sa FEATI University. Magkalapit lang ang kanilang tahanan. Nasa kabilang kalye lang ang kina Carina.

Minsan, nang magkaroon ng malaking pagbaha sa kanilang lugar, nag-organisa si Carina ng donation drive para sa mga nasalanta sa lugar nila at karatig barangay. Bilang development worker ay mahusay na nagampanan ni Carina ang liderato nito upang makapagbigay ng ayuda sa mga nasalanta, lalo na sa mga iskwater sa kanilang lugar. Pati na mga batang anak ng mga maralita ay nabigyan ng gamot, gamit, damit, at pagkain. Kabilang si Ondoy sa mga nag-boluntaryo sa grupong Bulig-Pilipinas. Noon pa’y may lihim na pagtingin na ang binata sa dalaga.

Napanood niya kung paano magtalakay hinggil sa climate change si Carina, na boluntaryo sa grupong Philippine Movement for Climate Justtice o PMCJ. Ani Carina sa mga taong nakikinig, "Nagbabago na ang ating klima, nananalasa na ang climate change. Dapat hindi na umabot sa 1.5 degrees ang pag-iinit ng mundo. Ang nais natin ay climate justice! Dapat singilin natin ang mga Annex 1 countries, o yaong mayayamang bansa, na sa kasaysayan ay matitindi ang inambag na emisyon o pagsusunog ng mga fossil fuel kaya nag-iinit ang mundo. May sinasabing tayo'y may common and differentiated responsibilities, o bawat bansa'y may inambag subalit magkakaibang ambag at pananagutan, tulad ng ating bansang may maliit na kontribusyon sa pag-iinit ng daigdig, kung ikukumpara sa mga industriyalisadong bansa, tulad ng US at China."

Napaisip ang binata sa malalim na kahulugan kung bakit kailangan ng climate justice o hustisya sa klima. At napagtanto niyang pag lumala ang pag-iinit ng mundo ay baka lumubog lalo sa baha ang mabababang lunsod tulad ng Malabon at Navotas.

Ilang buwan matapos iyon ay napapadalas naman ang punta ng binata sa bahay ng dalaga. Palibhasa’y kababata, kilala na si Ondoy ng mga magulang ni Carina. Hanggang magpasya na si Ondoy na totohanin na ang paniligaw kay Carina dahil nasa edad na sila. Kung kailan pa naman umakyat ng ligaw si Ondoy kay Carina ay saka naman umulan. Mahina noong una, hanggang umulan ng pagkalakas-lakas. Dahil baha na sa kanilang lugar, doon na pinatulog ng dalaga sa kanilang bahay ang binata. Nabatid ito ng tatay ni Carina. At tulad ng inaasahan sa mga matatanda, nais ng ama ng dalaga na pakasalan ng binata ang kanyang anak. Tumutol naman ang dalaga dahil wala naman daw nangyari sa kanila. Subalit makulit ang matanda.

Kaya nag-usap sina Ondoy at Carina ng masinsinan. “Mahal kita, Carina,” ani Ondoy. “Subalit hindi pa ako handa,” ani Carina, “bagamat may pagtingin din ako sa iyo.” “Kung gayon pala, sagutin mo na ako, upang di na rin magalit ang iyong mga magulang.” “Oo, mahal din kita.”

“Mamamanhikan na kami. Isasama ko na sina Inay at Itay. Sa araw ng Linggo na.” “Sige, bahala ka, nandito lang naman kami.”

Sumapit ang takdang araw ay dumating na nga kina Carina sina Ondoy, ilan niyang kapatid, at mga magulang. Napag-usapan ang kasal.

Araw ng kasal sa isang simbahan. Naroroon na sila, pati mga abay, best man, flower girl, ninong, ninang, pari, atbp. Umulan sa labas, walang tigil. Lumakas ng lumakas. Subalit di nito napigilan ang kasal. Bumaha. Pumasok sa loob ng simbahan ang tubig, hanggang tuhod, subalit wala na silang nagawa, kaya kahit baha, ay itinuloy ang kasal.

Natapos ang kasal. Putik. Basang-basa ang kanilang sapatos, paa, at mga damit. Sa resepsyon ay nagsalita sa mikropono si Carina. “Isa itong memorable event sa aming mag-asawa. Na isa sa commitment namin, bukod sa pag-ibig sa isa’t isa, ay ang pagtugon sa krisis sa klima.”

Si Ondoy naman ang nagsalita, “isa itong eye-opener sa marami sa atin upang ipaglaban ang climate justice. At bagamat bagong kasal kami, patuloy kaming mananawagan ng climate emergency sa pamahalaan.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Agosto 1-15, 2024, pahina 18-19.

Linggo, Agosto 11, 2024

Isyung Pre-SONA at Post-SONA ng Taliba ng Maralita

ISYUNG PRE-SONA AT POST-SONA NG TALIBA NG MARALITA
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bihirang gawin ng patnugutan na magkaroon ng dalawang isyu ng Taliba ng Maralita sa loob lang ng dalawang linggo nitong iskedyul, na nagawa lang sa isyung Hulyo 16-31, 2024. Dahil sa dami ng mga balita't pahayag ay napagpasyahan ng patnugutan na dalawang isyu ang ilabas para sa isyung Hulyo 16-31, 2024. Ang una'y Pre-SONA isyu at ang ikalawa'y Post-SONA isyu. Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Hindi naman maaaring ilagay sa isyung Hulyo 1-15, 2024 ang nasa Pre-SONA isyu, dahil naganap ang mga aktibidad sa Pre-SONA isyu ay hindi sakop ng petsang Hulyo 1-15, 2024. Ang Pre-SONA ay mula Hulyo 16 hanggang Hulyo 21, bisperas ng SONA ni BBM. Hindi rin dapat ilagay sa isyung Agosto 1-15, 2024 ang post-SONA dahil tiyak na may ibang naganap sa Agosto 1-15, lalo na matapos ang bagyong Carina. Ang Post-SONA isyu ay mula Hulyo 22 (aktwal na araw ng SONA) hanggang Hulyo 31.

Sa isang buwan ay dapat may malathalang dalawang isyu ng Taliba, o dalawang beses kada buwan. Isa sa unang dalawang linggo at isa pa sa huling dalawang linggo. Kaya nga ang petsa ng isyu ay tulad ng Pebrero 16-28, 2024, Hulyo 1-15, 2024, Hulyo 16-31, 2024, o Agosto 1-15, 2024.

Ang nilalaman ng Pre-SONA isyu ay Press Conference ng mga maralita noong Hulyo 17 bago mag-SONA, na siya ring headline; ang State of Human Rights Adress (SOHRA) na pinangunahan ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) noong Hulyo 16, na dinaluhan ng iba't ibang human rights organizations, kung saan isa sa tagapagsalita ay ang sekretaryo heneral ng KPML; at ang State of the People's Address (SOPA) na pinangunahan ng Freedom from Debt Coalition (FDC) na dinaluhan naman ng dalawang kinatawan ng KPML noong Hulyo 19.

Ang Post-SONA isyu naman ay naglalaman ng naganap sa SONA kung saan nagrali muna sa tapat ng tanggapan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang mga maralita sa pangunguna ng KPML, Samahan ng Mamamayan-Zone One Tondo Organization (SM-ZOTO), at Partido Lakas ng Masa (PLM). Nilalaman din nito ang pahayag ng KPML sa SONA, pahayag ng PLM matapos ang SONA, pahayag ni Ka Leody, at ang pahayag ng PAHRA.

Sadya ring pinag-isipan ang pagsulat ng Editoryal kada isyu dahil dito makikita ang paninindigan ng patnugutan sa iba't ibang isyung tumatama sa maralita.

Patuloy din ang paglalathala ng kolum ni Ka Kokoy Gan na siyang kasalukuyang pangulo ng KPML.

Nag-aambag din ang Taliba ng Maralita sa panitikang Pilipino, o sa sinasabi nating panitikang maralita, panitikang dukha, o panitikang proletaryo. Pagkat di pa rin nawawala ang maikling kwento sa pahina 18-19 at tula sa pahina 20 sa kada labas ng Taliba. Sa Pre-SONA isyu, ang pamagat ng kwento ay "Budul-Budol sa Maralita" na batay sa inilabas na pahayag ng maralita sa kanilang presscon, habang sa Post-SONA isyu ay "Bigong-Bigo ang Masa". Dalawang kwentong ang pamagat ay mula sa daglat na BBM.

Isa sa mga pinagkukunutan ko talaga ng noo ang pagsusulat ng maikling kwento, pagkatha ng mga tula, at komiks na Mara at Lita, na balang araw ay maaaring isalibro. Ang mga maikling kwento ay maaaring malathala sa mga librong aralin sa elementarya at sekundarya. Ang tugma at sukat sa pagtula ay talaga kong pinaghuhusayan upang kung nais ng ibang taong ito'y ilathala ay malaya nilang mailalathala, basta huwag lang baguhin kahit isang letra at ilagay ang pangalan ko bilang may-akda ng tula.

Sa tulad kong manunulat, mahalaga pa rin ang paglalathala ng 20-pahinang Taliba ng Maralita. Bagamat uso na ngayon ang social media o socmed tulad ng facebook, wordpress, instagram, at iba pa, mahalaga pa ring malathala sa papel ang munting pahayagang ito. Ayaw pa rin nating maganap ang nangyari sa pahayagang Baguio Midland Courier na matapos ang mahigit pitumpung taon ay namaalam na nitong Hunyo, kung saan inilathala nila ang kanilang huling isyu. Katulad ng mga kakilala kong may napaglalathalang pahayagan, pag ako'y tinanong kung saan ba ako nagsusulat, may masasabi akong pahayagang pinagsusulatan. Agad na maipagmamalaki kong sasabihing sa Taliba ng Maralita.

Isa pa, kaya dapat patuloy ang paglalathala ng Taliba ng Maralita ay dahil karamihan pa rin naman ng maralita ay walang akses sa internet, at magandang binababaan talaga. Mabigyan sila, kung di man mabentahan, ng Taliba ng Maralita. Isa rin itong paraan ng mga organisador upang makausap at makatalakayan ang mga maralita sa iba't ibang komunidad.

Kaya patuloy lang tayo sa paghahandog sa mga kauri nating maralita ng mga napapanahong isyu ng dukha, pahayag, balita, at panitikan sa Taliba ng Maralita. Patuloy natin itong ilalathala para sa mga dukha hanggang marating ng maralita ang pangarap nitong lipunang makatao, lipunang pantay, at lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao. Mabuhay ang mga maralita!

ISYUNG PRE-SONA AT POST-SONA NG TALIBA NG MARALITA

dahil sa maraming naganap sa dalawang linggo
ay napagpasyahang maglabas ng dalawang isyu
pambihirang desisyon para sa ating diyaryo
dahil nilalaman ay di sapat sa isang isyu

bihira ang gayong pagpapasya ng patnugutan
na dahil sa dami ng isyu'y ginawan ng paraan
may Pre-SONA na, may Post-SONA pa sa pahayagan
bilang ambag din ng maralita sa kasaysayan

nalathala rin dito'y maikling kwento at tula
na pinagsikapan ng manunulat at makata
ang komiks na Mara at Lita na pangmaralita
editoryal na may malalim na kuro ng dukha

kasaysayan ng laban ng dukha'y ilathala rin
nang mahanguan ng aral ng susunod sa atin
halina't basahin ang munting pahayagan natin
ang pinagsikapang ito'y pag-isipan at damhin

08.11.2024

Sabado, Agosto 10, 2024

Panonood ng Asedillo sa MET

PANONOOD NG ASEDILLO SA MET
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Muli kong pinanood ang pelikulang Asedillo ni FPJ nang ito'y ipalabas ng libre sa Metropolitan Theater (MET) nitong Biyernes, Agosto 9, 2024, mula 1pm-4pm. Alas-dose pa lang ay nasa MET na ako, at 12:30 pm ay nagpapasok na sila. Marami na ring tao.

Sa youtube kasi ay bitin at may pinutol na eksena. Iyon ay napanood ko na rin sa wakas. Iyon ang pagbaril kay Asedillo at sa kanyang mga kasama sa kubong kampo nila sa bundok. Bagamat noong bata pa'y pinalabas din iyon sa telebisyon, subalit hindi ko yata napansin kundi ang dulong bahaging nakabayubay na si Asedillo sa isang punongkahoy.

May anak siyang si Rosa, na sa pelikula bago siya mamatay ay kapapanganak pa lang. Si Aling Rosa, na nasa higit 70 taong gulang na, ay nakaharap na namin ilang taon na ang nakararaan, nang kami'y magtungo sa lugar nina Asedillo sa Laguna, kasama ang mga kasapi ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino - Southern Tagalog (BMP-ST). isa na lamang iyong alaala.

May programa muna bago magsimula ang pelikula sa MET. Ganap na 1:15 ng hapon ay inawit na ang Pambansang Awit ng Pilipinas. Sunod ay pinakilala at nagsalita si Ginoong Marasigan, na siyang direktor ng MET. At binanggit niya ang ginawang pagretoke sa pelikula upang maging bago, na ginawa ng mga artist ng FPJ Production. Naglitratuhan. 

Nabanggit din ni Ginoog Marasigan ang mga balita noon na ayaw ng mga manonood na makitang namatay si FPJ sa pelikula. Kaya marahil tinanggal sa youtube ang tagpo nang paslangin sa FPJ. 

Subalit sa pelikula, hindi pinakitang napaslang si Asedillo kundi ang pagkahawak niya ng mahigpit sa punyal habang nirarapido ng putok ang kanilang kampo, at ang pagkahulog ng punyal sa lupa nang nakatusok patayo.

Isang beses ko lang napanood sa pelikula niya na napatay si FPJ - sa pelikulang Ang Probinsiyano, kung saan napatay si Ador ngunit naitago agad ng kanyang hepe ang bangkay. Tinawagan ng hepe ang kakambal ni Ador na si Cardo mula sa probinsya upang siyang palabasing si Ador.

Magandang naipalabas muli ang pelikulang Asedillo kahit isang araw lang sa MET. Kaya pinaglaanan ko talaga iyon ng panahon at salapi kahit libre. Agad akong nagparehistro isang linggo bago ang palabas. Ginawan ko ng munting tula ang karanasang ito.

SI DODO ASEDILLO

Dodo ang palayaw ni Asedillo sa pelikula
Dodo ang tawag ng ikalawang asawang si Julia
si Pedring ang anak sa una, si Rosa sa pangalwa
dati pala siyang guro noon sa elementarya

sa awiting My Philippines, mga bata'y nangatuto
ipinakita niyang siya'y makamasang maestro
tinanggal sa pagtuturo't di maka-Amerikano
hanggang kuning hepe ng pulis ng isang pulitiko

dahil sa pulitika, siya'y ginawan ng masama
presidente ng bayan pinagbintangan siyang lubha
binugbog ng kapulisan, may kumita't natutuwa
na sa bandang huli'y pinaghigantihan niyang sadya

hanggang siya'y mapasapi sa Kilusang Anakpawis
katiwalian sa kanyang bayan ay di na matiis
naging rebelde hanggang konstabularyo na'y nanugis
ang KARAPATAN NG DUKHA'y bukambibig niyang labis

nabatid ng kalaban ang kanyang kinaroroonan
dahil isang tinanggap na kasama'y naghudas naman
hanggang sapitin ni Asediilo yaong kamatayan
siya'y bandido subalit bayani sa sambayanan

08.10.2024

Linggo, Agosto 4, 2024

Alaala ng Rizal Memorial Coliseum

ALAALA NG RIZAL MEMORIAL COLISEUM

Masasabi kong halos laki na rin ako sa Rizal Memorial Coliseum sa Malate, Maynila. Dahil noong hayskul ako'y lagi kaming magkakaklaseng nagpupunta roon upang suportahan ang aming mga atleta sa paaralan, ang Letran Squires na manlalaro ng hayskul at Letran Knights na manlalaro ng kolehiyo sa National Collegiate Athletics Association (NCAA) mula 1981 hanggang 1985. Nagkampyon sa basketball ang Letran ng tatlong magkakasunod na taon noong naroon pa si Avelino "Samboy" Lim.

Mula sa Lawton ay sasakay kami ng biyaheng Quiapo tungong Dakota Harrison at bababa malapit sa Rizal Memorial Coliseum, at lalakad na papunta doon. Talagang pinanonood namin noon ang laban ng Letran, at nagti-cheer ng "Arriba Letran!"

Noong 1982, nakasama ako sa 4th National Taekwondo Championship sa Rizal Memorial Coliseum kung saan kabilang ako sa team ng Letran. Noong 1984, naglaro rin ako sa NCAA sa sports na track and field bilang kinatawan ng Letran. Tinakbo ko pa noon ang 400 meter na obal sa track and field.

Nabigyan man ako ng ilang pagkakataon bilang atleta, hindi naman iyon nagtuloy-tuloy dahil naiba ang ihip ng hangin. Nang ako'y magkolehiyo na sa ibang paaralan, iba na ang aking pinagkaabalahan, at mas tinutukan ko ang ibang bagay.

Hanggang sa makapasok sa isang vocational school na nagdala sa akin sa Hanamaki-shi, Iwate Ken, sa Japan, para sa anim-na-buwang scholarship program. Matapos iyon ay kinuha ako't naging regular na manggagawa bilang machine operator sa Precision Engineered Components Corporation (PECCO) sa Alabang, Muntinlupa at nagtrabaho roon ng tatlong taon mula Pebrero 1989 hanggang Pebrero 1992. 

Nang mag-resign ako sa PECCO, nag-aral muli ako sa kolehiyo noong 1992 hanggang maging aktibo sa kilusang masa. At noong 1997 ay nag-pultaym na bilang aktibista hanggang ngayon.

Naaalala ko ang pagiging atleta ko noon. Kaya humahanga ako sa mga atletang Pinoy na nagsimulang maglaro sa Rizal Memorial Coliseum, na lunsaran noon ng mga magiging kinatawan ng bansa. Sana'y maging matagumpay sila sa kanilang larangan at magkampyon sa mga internasyunal na kumpetisyon.

Mabuhay ang mga atletang Pinoy! Mabuhay ang makasaysayang Rizal Memorial Coliseum! Mabuhay ka, Paris Olympics gold medalist Carlos Yulo!

08.04.2024

* litrato mula sa google