Martes, Hulyo 29, 2025

Kwento - RA 12216 (NHA Act of 2025), panibagong laban ng maralita


RA 12216 (NHA ACT OF 2025), PANIBAGONG LABAN NG MARALITA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nagbabaga tulad ng araw ang kinakaharap na panibagong laban ng maralita. Kaya narito na naman ang mga magkakapitbahay na sina Igme, Igor, Isay at Ingrid upang pag-usapan ang panibagong batas na nilagdaan ni BBM nito lang Mayo 29, 2025. Nababahala sila dahil baka bigla silang mademolis at mawalan ng tirahan ang kanilang mga anak.

“Matinding laban na naman nating maralita itong Republic Act 12216. Iyon bang bagong National Housing Authority Act of 2025.” Ani Igme habang napatingin sa kanya ang mga kausap.

“Oo nga, e,” ani Isay, “dahil may probisyon doon na kung hindi raw tayo makakabayad sa pabahay ng NHA, aba’y sampung araw lang ang ibinibigay nila, batay sa batas, upang lisanin natin ang ating tahanan.”

Sumabat si Igor, “Dagdag pa riyan, binigyan na ng police power ang mismong NHA na magdemolis nang hindi na dadaan pa sa korte.”

“Lintik na! Nasaan ang probisyong iyan? Pabasa nga.” Ani Ingrid.

“Teka, hanapin ko,” Sabi ni Isay, “Eto, nasa Seksyon 6, numero IV, titik d. Basahin ko: That the Authority shall have the power to summarily eject and dismantle, without the necessity of judicial order, any and all informal settler families, as well as any illegal occupant in any homelot, apartment, or dwelling unit from government resettlement projects, as well as properties owned or administered by it. In all these cases, proper notice of ejectment, either by personal service or by posting the same on the lot or door of the apartment, as the case may be, shall be given to the informal settler family or illegal occupant concerned at least ten (10) days before the scheduled ejectment from the premises. Diyan malinaw ang sinabi ni Igor na may police power to demolish na ang NHA. Anong gagawin natin pag binigyan lang tayo ng sampung araw bago idemolis?”

Si Ingrid uli, “Aba’y sa UDHA ay tatlumpung araw ang ibinibigay, ah? Bakit nagkaganyan? Grabe naman ang batas na iyan?”

Si Igme, “Palagay ko, dahil hindi napilit magbayad sa NHA ang mga may delingkwenteng bayarin, kahit na may RA 9507 o Condonation and Restructuring Act of 2008, napilitan silang gawing marahas ang batas, nang mapilitang magbayad ang maralita. Negosyo na kasi ang pabahay.”

“Kaya nga maralita, e, saan naman kukuha ng pambayad ang mga maralitang isang kahig, isang tuka? Dapat tinanong muna nila ang mga maralita kung bakit hindi nakakabayad. At dapat iyon muna ang unahin. Kung may regular na trabaho lang ang maralita, hindi iyan magtitiis sa iskwater manirahan. Dapat lutasin muna ng pamahalaan na hinalal natin kung paano lulutasin ang kahirapan.” Sabi ni Igor.

Sumabat ang nanggagalaiting si Ingrid. “Karapatan ninuman ang pabahay. Pag tinanggalan ka ng bahay, aba’y giyera patani talaga. Pabahay nga ang isang karapatan ng bawat tao, tapos tatanggalan ka ng bahay. Aba’y maghahalo talaga ang balat sa tinalupan!”

Si Inggo naman ang nagsalita, “Kumbaga, wala na ang due process sa pagsasagawa ng demolisyon, lalo na’t tatamaan ang mga nasa relokasyon. Kung walang due process, paglabag sa karapatang pantao. Dinemolis ka na dati at naitapon sa malayong relokasyon. Ngayong nasa relokasyon ka na'y idedemolis ka ulit, dahil hindi ka nakabayad sa NHA ng iyong pagkakautang. Ibig sabihin, wala nang PDC o Pre-Demolition Conference at LIAC (Local Inter-Agency Committee) na dapat daanan bilang bahagi ng due process bago magdemolis. Kaya nakababahala ang batas na ito para sa mga maralita. Dapat nang magkaisa tayong maralita upang labanan ang tindi ng batas na itong magpapalayas sa atin.”

“Ang mabuti pa, magpatawag tayo ng pulong ng ating mga magkakapitbahay upang pag-usapan ang bagong batas na ito!’ Ani Igme.

“Sasama ako sa pulong na iyan upang maliwanagan tayo. At kung maaari, mag-imbita rin tayo ng taga-NHA upang ipaliwanag kung ano talaga ang balak nila sa ating mga maralita.” Sabi naman ni Isay.

“Dadalo rin ako sa ipapatawag na pulong.” ani Igor, “May hindi kasi sinasagot ang pamahalaan, o ang NHA. Ang pabahay na ibinigay ay hindi makakain ng maralita. Kaya ang tendensiya babalik ang dinemolis sa pinanggalingan dahil naroroon ang hanapbuhay. Kumakalam na sikmura ang unang inaatupag ng maralita, imbes pabahay na di niya mangata.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo 16-31, 2025, pahina 18-19.

Biyernes, Hulyo 25, 2025

Aral sa nawalang payong

ARAL SA NAWALANG PAYONG

Nalingat ako. Di ko namalayang nawala ang aking payong. Dito sa Farmers, Cubao. Habang dumadalo sa zoom meeting ng mga human rights defenders. O sa mga nauna pang pinuntahan. At ang nawala pa ay payong pang bigay at may tatak ng CHR.

Umaga, nasa Better Minds na ako sa Cubao at nainterbyu, at sa first session ay nagsuot ng EEG helmet upang tingnan ang galaw ng utak, then, naglaro ng limang mind games. Iniisip ko kasi, baka magka-depresyon ako dahil sa pagkawala ni misis kaya pumunta ako sa Better Minds.

Bukas ng umaga ang ikalawa at huling sesyon at aabangan ko kung anong resulta. Hindi sa Better Minds nawala ang payong, dahil umulan ay nagamit ko pa.

Tanghali, hinanap ko ang blood donation venue sa Farmers dahil sa text ng Philippine Red Cross (PRC) QC, subalit wala sila sa dating venue. Tinext ko, abangan ko raw yung sa Ali Mall. Magbibigay sana uli ako ng dugo tulad noong Marso.

Hapon, dumalo ako sa State of Human Rights Address (SOHRA) na isinagawa ng mga kasama sa human rights community mula 2pm hanggang 5:30 pm. Umupo ako sa food court malapit sa open ground ng Farmers. Bandang alas-singko, tumayo ako upang mag-CR, wala na ang payong. Hindi ko napansin kung saan ko naiwan.

Gabi, wala na ang payong. Subalit nakadalo pa sa isang indignation rally sa Elliptical Road, malapit sa tanggapan ng NHA, hinggil sa inilabas na technicality ng Supreme Court upang mabasura ang impeachment. Isang tungkulin para sa bayan. Without trial, no due process.

Hay, baka tulala pa rin talaga ako sa pagkawala ng minamahal kaya nawala ang payong.

Ang aral sa akin:
Huwag magdala ng payong kung walang dalang back pack o bag na pagsisidlan ng payong.
Kung may back pack o bag akong dala, doon ko ilalagay ang payong, kaya hindi ko iyon mabibitiwan o maiiwan.

- gregoriovbituinjr.
07.25.2025

Miyerkules, Hulyo 16, 2025

Nagkamali ng baba

NAGKAMALI NG BABA

Nagkamali na naman ng baba. Marahil ay natutulala.

Magkaiba nga pala ang babaan ng MRT at bus carousel. Pagkalampas ng Roosevelt Avenue station ng bus carousel (na katapat ay Roosevelt LRT, hindi MRT, station), bawat istasyon ng MRT ay halos may katapat na bus carousel station sa ilalim nito, mula North station ng MRT na may bus carousel, Quezon Avenue station ng MRT na may bus carousel, hanggang Kamuning station ng MRT na may bus carousel sa ilalim. Subalit hindi pala awtomatikong may MRT station na katapat ang bus carousel, umpisa ng Nepa Q-Mart station ng bus carousel, dahil walang MRT station sa NEPA Q-Mart. Medyo malayo ang bus carousel sa Main Avenue, Cubao sa MRT Cubao station. May bus carousel sa ilalim ng sumunod na MRT station ng Santolan at Ortigas na kalapit ng Shaw Boulevard MRT station.

Ganito ang nangyari sa akin nang magtungo ako sa Monumento galing Cubao kanina. Nang bumalik na ako galing Monumento papuntang Cubao, akala ko, pagdating ng Kamuning station ng bus carousel, ang susunod na istasyon na ay Cubao. Totoo iyon kung nag-MRT ka. Subalit nag-bus carousel ako. Ang sunod na istasyon ng bus carousel galing Kamuning Station ay Nepa Q-Mart station, bago mag-Cubao, Main Avenue station. Sa Nepa QMart station ng bus carousel ako mabilis na bumaba. Hindi nga ako nakalampas, nagkamali naman ng binabaan.

Nang bumaba ako sa Nepa Q-Mart, nagulat na lang ako na hindi pa pala Cubao - Main Avenue station. Nakita ko kaagad ay ang Mercury Drug - Kamias branch. Subalit nakaalis na ang bus na nasakyan ko. Kaya sinakyan ko'y ibang bus na papuntang Cubao. Buti't may kinse pesos pa akong barya.

nagkamali na naman ng baba
dahil ba ako'y natutulala?
tila sa ibang mundo nagmula
sa lungsod ba'y di sanay na sadya?

sa Nepa Q-Mart, walang istasyon
ng MRT sa itaas niyon
di iyon katulad sa North, Quezon
Avenue at Kamuning mayroon

isang malaking aral sa akin
upang di maligaw sa lakarin
dapat ang diwa ay laging gising
huwag parang pasaherong himbing

buti, iyon lamang ang nangyari
at walang nangyaring aksidente

- gregoriovbituinjr.
07.16.2025

Lunes, Hulyo 14, 2025

Kwento - Tortyur, desaparesidos, impeachment at ang paghahanda sa SONA

TORTYUR, DESAPARESIDOS, IMPEACHMENT AT ANG PAGHAHANDA SA SONA 
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nitong nakaraan, Hulyo 11, 2025, ay nagsagawa ng pagkilos ang iba’t ibang samahan at ginunita ang pagkawala ni Fr. Rudy Romano, apatnapung taon na ang nakararaan. At nagkakwentuhan ang ilang sumama roon pagkauwi na nila sa kanilang lugar. 

“Katatapos lang ng aktibidad natin noong Hunyo 26 dahil ginunita natin ang mga biktima ng tortyur. At nabanggit na may ilang kaso na, tulad ng pulis na nangtortyur kay Jeremy Corre, ay nakasuhan. Ang Hunyo 26 kasi ay International Day in Support of Victims of Torture. At dahil ilan sa atin ang nakaranas ng tortyur noong tayo’y talubata pa, ay isa ako sa nagsalita.” Ani Igme.

Sumagot si Isay, “Oo nga, marami kasi tayong karanasan sa diktadurang Marcos noong araw, at heto. Bukod sa tortyur ay ginunita rin natin ang pagkawala ni Fr. Rudy Romano at Levi Ybañez na nadukot noong Hunyo 11, 1985. Tapos maghahanda rin tayo sa SONA dahil sa samutsaring isyung kinakaharap ng taumbayan.”

“Ako nga, hindi ko pa napapanood ang pelikulang Alipato at Moog na tungkol sa pagkawala ni Jonas Burgos, na umano’y dinukot noong 2007. Nariyan din ang pagkawala ng mga aktibistang sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño noong Hunyo 26, 2006, ayon sa ulat. Buti na lang ay lumitaw na ang dalawang dinukot na environmental activist na sina Jonila Castro and Jhed Tamano, na umano'y sumuko sa mga militar, subalit dinukot pala.” Sabi naman ni Ingrid na kasapi ng isang organisasyon sa karapatang pantao.

Sumabat si Inggo. “Ay, napakaraming mga isyung dapat gunitain, daluhan, ralihan. Di pa natatapos ang pagkilos kahit tumanda na tayo, dahil di pa rin nakakamit ng bayan ang hustisyang panlipunan. Kaya sa SONA, na taon-taon na lang nating ginagawa, dadalo pa rin tayo, at magsama pa ng iba. Hindi lang ang pangulong nangako ng bente pesos na bigas, na ngayon nga ay P20 kada 1/3 kilo ng bigas, ang ating pupunahin, kundi ang isyu ng impeachment kay Inday Lustay.”

“Pilit na itinatago ng mga senador ang katotohanan. Pilit nilang ikinukubli ang pandarambong sa kaban ng bayan ng isa sa matataas na hinalal pa naman ng taumbayan. Ganyan ba ang nais nating maging lider sa hinaharap?” Ito ang nanggagalaiting sabi ni Igme sa mga kaharap na kanyang kaumpukan sa karinderya ni Ingrid.

“Paano pa pag naging pangulo ang ganyan? Aba’y sakit sa ulo ng bayan. Gayunman, kung mapapabilis naman ang rebolusyon upang mabago na ang bulok na sistemang pinaghaharian ng mga oligarko, aba’y sige lang. Ang mabago ang sistemang ito ang nais kong maabutan bago man lang ako mamatay.” Medyo emosyonal na sabi ni Isay.

Nagtanong si Igme, “Paano tayo maghahanda sa SONA? Paano natin mapapasama ang iba, na alam talaga ang isyu ng bayan? At hindi lang basta sumama, at yaon bang hindi na magtatanong kung mayroon bang pamasahe. Bagamat kailangan talaga natin iyan.”

Sumagot si Ilya, “Magagawan naman ng paraan ang pamasahe. Ngunit dapat ay maipaunawa natin sa masa ang mga isyu ng bayan na tatama sa kanila. Tulad na lang ng Republic Act 12216 na nilagdaan ng pangulo nitong Mayo 29, na ang mga nasa relokasyon ay maaari nang paalisin ng National Housing Authority dahil binigyan na ito ng police power upang magdemolis nang di daraan sa korte at magbigay ng notice ng sampung araw lang. Sa UDHA (Urban Development and Housing Act), tatlumpung araw ang binibigay sa mga maralita bago idemolis.”

“Sige, sige,” ani Igme, “ipunin natin ang mga isyung ilalatag natin sa SONA, at paghandaan din natin ang ating ambag, tulad ng pamasahe at pagkain sa mga padadaluhin natin. Bago iyon, maglunsad muna tayo ng talakayang edukasyunal hinggil sa mga isyung kinakaharap ng bayan.”

“Kailan naman iyan?” Tanong ni Ingrid. “May padadaluhin ako.”

“Teka,” sabi ni Isay, “idagdag natin sa isyu iyang political dynasty at oligarkiya dahil ilan iyan sa dahilan kung bakit napagsasamantalahan ang maliliit. Pati iyang kaisipang ayuda upang iboto sila ng mahihirap.”

“Tama, Isay, isama natin ang isyung iyan. Sa Sabado, alauna ng hapon natin ilunsad ang pulong at talakayang edukasyunal. Imbitahan natin si Ka Kokoy, pambansang pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) upang magtalakay sa atin. Ayos ba sa inyo?”

Sumagot ang marami, “Ayos!”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo 1-15, 2025, pahina 18-19.

Miyerkules, Hulyo 9, 2025

Ano nga ba ang venous thrombosis o blood clot?

ANO NGA BA ANG VENOUS THROMBOSIS O BLOOD CLOT?

Blood clot. Medical na tawag ay venous thrombosis? Ito ang pamumuo ng dugo o pagiging malapot, kaya hindi makadaloy sa ugat.

Ito ang naging sakit ng aking asawang si Liberty, na namayapa na noong Hunyo 11, 2025. Dalawang beses siyang naospital dahil sa blood clot.

Una ay blood clot sa bituka kaya siya naospital ng apatnapu't siyam (49) na araw mula Oktubre 23 hanggang Disyembre 10, 2025.

Ikalawa ay blood clot sa pagitan ng artery at vein sa utak kaya siya naospital ng pitumpung (70) araw mula Abril 3 hanggang nang siya'y malagutan ng hininga sa intensive care unit (ICU) noong Hunyo 11, 2025.

Noong nakaraang taon, dapat ay may apat na testing si misis, at nilaktawan 'yung pangatlo. Kaya una, pangalawa, at pang-apat na testing na ang pinakahuli ay sa bone marrow. Lahat ay negatibo ang resulta. Dahil kung positibo, mababatid na ng mga doktor kung ano ang tamang lunas.

Ang ginawa ay operasyon kung saan nilagyan siya ng blood thinner upang lumabnaw ang kanyang dugo, at nang makadaloy ang dugo. Dahil kung mananatiling di makadaloy ang dugo ay baka mabulok ang bituka, na mas malala pa ang mangyari.

Lumabas si misis noong Disyembre na may maintenance na blood thinner, na imbes iturok sa kanya ay tabletas, ang warfarin.

Bagamat pulos negatibo ang resulta ng tatlong testing, nagsaliksik tayo kung ano ba ang dahilan nito. Sinaliksik ko sa internet, hindi pa sa mga medical books, kung ano nga ba ang venous thrombosis at ano ang pinagmulan at dahilan nito.

Sa AI Overview sa google, kung saan tinipa ko ang "causes of venous thrombosis" ay ito ang lumabas:

Venous thrombosis, including deep vein thrombosis (DVT) and pulmonary embolism (PE), occurs when a blood clot forms in a vein, often in the legs. Several factors can contribute to this, including vein damage, slow blood flow, and increased blood clotting tendency.

Causes of Venous Thrombosis: 

1. Immobility: Prolonged inactivity, like long-distance travel or bed rest, can slow blood flow, increasing the risk of clot formation. 

2. Injury or Surgery: Damage to the vein walls from surgery or injury can trigger clotting. 

3. Inherited Conditions: Genetic factors can predispose individuals to blood clotting disorders. 

4. Medical Conditions: Certain illnesses like cancer, heart disease, and inflammatory bowel disease can increase the risk. 

5. Hormonal Factors: Pregnancy, birth control pills, and hormone replacement therapy can elevate clotting risk. 

6. Obesity: Increased body weight can contribute to slower blood flow and inflammation. 

7. Smoking: Smoking damages blood vessels and increases blood stickiness, promoting clot formation. 

8. Age: The risk of VTE increases with age, particularly over 60. 

9. Other Factors: Long-term catheter use, smoking, and certain medications can also play a role. 

Deep Vein Thrombosis (DVT) and Pulmonary Embolism (PE): 

1. DVT is a blood clot in a deep vein, typically in the legs. 

2, PE occurs when a clot from a DVT travels to the lungs, blocking blood flow. 

3. PE can be life-threatening, while DVT can lead to long-term complications if left untreated. 

Narito naman ang pagkakasalin ng mga nabanggit:

Ang venous thrombosis, kabilang ang deep vein thrombosis (DVT) at pulmonary embolism (PE), ay nangyayari kapag namuo ang dugo sa ugat, kadalasan sa mga binti. Maraming kadahilanan ang maaaring mag-ambag dito, kabilang ang pinsala sa ugat, mabagal na daloy ng dugo, at pagtaas ng tendensya ng pamumuo ng dugo.

Mga sanhi ng Venous Thrombosis:

1. Kawalang-kilos: Ang matagal na kawalan ng aktibidad, tulad ng malayuang paglalakbay o bed rest, ay maaaring makapagpabagal ng daloy ng dugo, na nagpapataas ng panganib ng pamumuo ng dugo.

2. Kapinsalaan o Surgery: Ang pinsala sa mga dingding ng ugat mula sa operasyon o sugat ay maaaring magtulak ng pamumuo ng dugo.

3. Kalagayang Namamana: Ang mga genetikong kadahilanan ay maaaring magdulot sa mga indibidwal sa mga sakit sa pamumuo ng dugo.

4. Medikal na Kondisyon: Maaaring tumaas ang panganib ng ilang partikular na sakit tulad ng cancer, sakit sa puso, at pamamaga ng sakit sa bituka.

5. Hormonal na salik: Ang pagbubuntis, mga birth control pills, at hormone replacement therapy ay maaaring magpapataas ng panganib ng pamumuo ng dugo.

6. Obesidad: Ang pagtaas ng timbang ng katawan ay maaaring mag-ambag sa mas mabagal na daloy ng dugo at pamamaga. (si misis ay nag-92 kilo bago pa siya maospital noong Oktubre 2024, at nang maosital siya nitong Abril 2025 ay bumaba na sa 64 kilo ang kanyang timbang)

7. Paninigarilyo: Ang paninigarilyo ay nakakapinsala sa mga daluyan ng dugo at nagpapataas ng lagkit ng dugo, na nagtataguyod ng pagbuo ng namuong dugo. (Hindi naninigarilyo si misis)

8. Edad: Ang panganib ng VTE ay tumataas sa edad, lalo na sa paglipas ng 60. (Edad 40 nang unang maospital si misis dahil sa venous thrombosis, at edad 41 nang muli siyang maospital)

9. Iba pang mga Salik: Ang pangmatagalang paggamit ng kalilya (catheter o isang nababaluktot na tubo na ipinapasok sa isang makitid na butas sa isang cavity o lukab ng katawan, lalo na ang pantog, para sa pag-alis ng likido), paninigarilyo, at ilang mga gamot ay maaari ding gumanap ng isang papel.

Deep Vein Thrombosis (DVT) at Pulmonary Embolism (PE):

1. Ang DVT ay isang namuong dugo sa malalim na ugat, kadalasan sa mga binti. (Ang kay misis ay sa bituka, kaya sabi ng mga doktor, rare case0

2. Ang PE ay nangyayari kapag ang namuong dugo mula sa  DVT ay naglalakbay patungo sa mga baga, na humaharang sa daloy ng dugo.

3. Ang PE ay maaaring maging banta sa buhay, habang ang DVT ay maaaring humantong sa mga pangmatagalang komplikasyon kung hindi magagamot.

Panimula pa lang ang artikulong ito sa marahil ay mahaba-habang pag-aaral. Mahalaga sa aking maunawaan at mapag-aralan kung ano ba itong sakit na nakadale kay misis. Kahit paano'y nabatid ko upang marahil ay mapanatag ang puso't diwa, at bakasakaling maibahagi din sa iba upang makatulong sa kanila, o sa sinumang matatamaan ng sakit na venous thrombosis. Bagamat aminado akong hindi ako doktor kundi simpleng mamamayan at manunulat.

ANG VENOUS THROMBOSIS

kaytinding sakit ng venous thrombosis
na siyang dumale sa aking misis
blood clot sa bituka'y kanyang tiniis
umabot sa ulo, ito na'y labis

sakit itong dapat maunawaan
at mabatid anong mga dahilan
bakit dugo'y namumuo ba naman
may malaking epekto sa katawan

di makadaloy pag dugo'y malapot
lalo sa bituka, nakakatakot
maski doktor ay di agad masagot
maski nga ako, kayrami nang hugot

aba'y negatibo ang tatlong testing
mabuti't may blood thinner o warfarin
mabuting blood clot ay aralin natin
baka ating kapwa'y matulungan din

Sa ngayon ay iyan muna. May mga artikulo pa't tula itong kasunod.

- gregoriovbituinjr.
07.09.2025