Lunes, Agosto 25, 2008

Alamat ng isang makata

ALAMAT NG ISANG MAKATA
katha ni Gregorio V. Bituin Jr.
(Nalathala bilang paunang salita sa librong "Pag-ibig at Pakikibaka" noong Pebrero 2007, iyon ang unang aklat na ibinigay ng makata kay Ms. M.)

Mula sa sinapupunan ng kanyang mahal na ina’y iniluwal sa sangmaliwanag ang isang sanggol na lalaki. Siya’y hinulaan ng ina na magiging isang makisig na mandirigma, o kawal, o inhinyero, o piloto, o kaya’y pangulo ng bansa. Natutuwa ang ina pagkat ang bata’y nagpumilit matutong bumasa, nagpilit matutunan ang iba’t ibang sangay ng karunungan, naging makulit sa pagtatanong ng bakit ganito, bakit ganoon ang mga bagay-bagay sa mundo. Ngunit ang paglaki ng bata’y nagmistulang kabaligtaran sa naisin ng ina. Pagkat ang lalaki, na hindi naman gaanong kakisigan, ay nagpumilit sumulat, at nangarap na maging sikat na manunulat balang araw.

Pagkamanunulat? Ano nga namang kikitain ng kanyang bunso sa pagsusulat, ang siyang naiisip ng ina. Gayunpaman, ang dating sanggol na bunga ng pag-ibig ng dalawang magsing-irog, ay lumaking nagmamahal din. Nagmamahal sa mga salita’t kataga, nagmamakata. Sinasabi’t binibigkas hindi lamang ang kung ano man ang kanyang naisin, kundi ang pagbigkas din sa mga hindi rin agad malirip na kahulugan at mga simbolismo ng mga bagay-bagay.

Naging idolo ng bata ang mga makatang Pranses na nagpasimula ng vers libre o malayang taludturan, tulad nina Charles Baudelaire, Arthur Rimbaud, at marami pang iba. Nabasa rin niya ang mga katha ng mga makatang Tagalog na nagpasimula ng modernismo sa pagtula, tulad nina Alejandro Abadilla at Virgilio Almario, na sa kalauna’y kanyang naging guro sa pagtula. Binabasa ng batang makata ang iba’t ibang tulang nahihingil sa buhay, sa pakikipagsapalaran, sa materyal na daigdig, sa pagsusuri sa mga akda ng mga rebeldeng makata, tulad ng mga tula nina Eman Lacaba at Lorena Barros. Nabasa rin niya ang mga hinabing tula nina Jose Corazon de Jesus, Ildefonso Santos, Florentino Collantes, Amado V. Hernandez, Pablo Neruda ng Chile, William Shakespeare ng England, at iba pang makata.

Hanggang isang araw, sa kanyang ikalawang taon sa mataas na paaralan ay napadako ang kanyang paningin sa isang saknong sa Florante at Laura, na nagsasabing:

O, pagsintang labis ang kapangyarihan
Sampung mag-aama’y iyong nasasaklaw
Pag ikaw ang nasok sa puso ninuman
Hahamakin lahat, masunod ka lamang.

Napakagandang saknong, kanyang naisaloob. Iyon na ang simula. Kinagiliwan na ng batang lalaki ang pagbabasa ng mga tula ng pag-ibig. Dumating ang panahong kahit mga kaibigan niya’t kabarkada ay nahalina sa mga nililikha niyang mga saknong at taludtod, na bawat hiling nilang magpagawa sa kanya ng mga tula ng pag-ibig ay kanyang pinagbibigyan, upang sagutin lamang ng kanilang mga nililigawan.

Ngunit ang makata, napamahal na sa kanya ang paglikha, ang pagtula, na kahit na sa pamamahayag ay natutong sumulat ng iba pang sulatin, tulad ng balita, maikling kwento, mga artikulo, ngunit hindi niya maiwan ang pagtahak sa landas ng mga dakilang makata.

Paggawa ng mga tula ng pag-ibig? Ngunit hindi lahat ng kanyang handugan ng tula ay naaakit sa mga salitang kanyang pinagtahi-tahi. Napagbintangan pa siyang dakilang mambobola, nababaliw, dahil hindi nila masakyan ang landasin ng makata.

Ilang ulit na ba akong nabigo? Ang naiisip ng makata. Nang dahil sa pag-ibig, ilan ulit na siyang nagparaya. Nang dahil sa pag-ibig, natuto siyang magbisyo, at siya’y napariwara. Ngunit nang dahil din sa pag-ibig, hinangad niyang magbago kaya siya’y nagsikap. Nang dahil sa pag-ibig, siya’y lumayo nang ang damdami’y masaktan. At nang mabigo sa pag-ibig, muntik na siyang magpatiwakal. Ilang beses na bang dumugo ang puso ng abang makata. Lumuluha, tumatangis, ngunit nananatiling matatag. Laging naiisip na pasasaan di’t darating ang tunay na magmamahal sa kanya.

May magmamahal pa nga ba sa abang makata? Ang nasasaloob niya. Ngunit naiisip din ng makata na kung natuloy noon ang kanyang pagtungo sa landas ng kawalan, disin sana’y hindi rin siya nagmamahal ngayon. Disin sana’y inuuod na sa lupa ang kakanyahan niyang magtahi ng salita, magmahal ng wika, lumikha ng tula, at ang di gaanong kakisigang katawan. Disin sana’y wala siyang maiaalay na bagong tula sa … Ah, mabuti na lamang. May pag-asa pa.

Kaya’t nang bumalik ang makata sa kanyang katinuan mula sa pagkakabigo sa pag-ibig, ibinuhos niya ang panahon sa pagsusulat. Nagpatuloy siya sa pagsusulat ng mga balita, maikling kwento, sanaysay... ah, hindi pa niya nasubukang gumawa ng nobela, bagamat may ilang kakilalang nagsasabing kaya niyang maging isang dakilang nobelista. Ngunit ang tula, ang tula, maiiwan ba niya? Patuloy pa rin siyang mag-aalay ng tula, ito ang panata niya sa sarili, ito ang panata niyang sana’y ikatuwa ng taong minamahal niya’t mamahalin siya.

Ngayon nga’y isa na siyang ganap na makatang aktibista. Naghahabi ng mga salita bilang kanyang dakilang ambag sa himagsikan ng uring manggagawa. Mga tula para sa dakilang layuning mapalaya ang mga gumagawa ng yaman ng mundo mula sa kuko ng mga mapang-alipin at mapagsamantala. Pakiramdam niya’y hindi siya bigo sa pag-aalay ng mga saknong at taludtod sa iba’t ibang aping sektor ng lipunan, lalo na sa manggagawa’t maralita, kababaihan at kabataan. Nakapaglathala na nga siya ng mga aklat hinggil sa mga ito.

Ngunit sa larangan ng pagsinta? Ah, sana’y hindi na siya mabigo sa pagkakataong ito. Hindi na. Baka sa kagulumihanan niya’y tumungo siya sa pagtahak sa landas ng kawalan. Huwag naman sana. Matatag ang makata. Matatag siya sa anumang daluyong na dumarating sa kanyang buhay. Matatag siya ngunit hindi kapag nabibigo sa pag-ibig. Ang pag-ibig niya’y dalisay, tapat, ngunit natutuliro sa pagkalayo ng inaasam na pagsinta.

Ngunit nagsisikap ang makata. Iniisip niya, kaya niya, kaya niya. Dahil kung hindi niya kakayanin, ang mga tula niya’y unti-unti ring maluluray. Unti-unting mawawalan ng gana ang babasa kung malalaman nilang ang hinahangaan nilang makata ay marupok. Ah, dapat ngang ingatan pa rin ng makata ang kanyang dignidad, ang tanging yaman niya sa mundo, ang tanging yaman na kanyang iaalay sa kanyang sinisinta.

Hindi niya maipapangako ang mga bituin sa langit, ni araw o ang buwan. Ang maipapangako niya sa kanyang nililiyag ay ang kanyang pagsisikap upang sila’y mabuo at maging isa. At bilang magkabiyak ay magsisikap upang ang mga magiging bunga ng pagmamahalan ay lumaking maayos, malulusog, matatalino at may mabubuting asal.

Sa ngayo’y nagsisimula muling umibig ang makata matapos ang tila ilang taon ng pagkalugmok. Nag-uumalpas ang kanyang pusong nakadarama ng pagsinta. Kailangang lumabas na ang makata sa kanyang kahon ng kabiguan. Kailangan niyang lumaya at makadamang muli ng pagmamahal. Tunay nga ba kung umibig ang mga makata? Dapat niya iyong patunayan sa kanyang sinisinta. Minsan sa kanyang mga pagmumuni’y pumapasok sa kanyang balintataw ang hinaing ng mga dukha, ng mga manggagawang siyang gumagawa ng yaman ng bansa. Sa kanyang pag-iisa’y pinakikinggan niya ang himig ng kalikasan. Ang mga saluysoy ng batis, ang mga huni ng ibon, ang mga lagaslas ng dahon ay tila musika sa kanyang pandinig. Naririnig din niya ang himig ng buhay. Ang mga pagpako ng martilyo, ang andar ng mga makina, ay nagpapusyaw naman sa kanyang diwang naghahanap ng kanlong. Pati na ang tunggalian ng uri sa lipunang binusabos ng puhunan.

Hanggang sa kanyang mapagtanto, ang uring manggagawa, sila ang magdadala ng tunay na pag-ibig sa sangkatauhan.

Sa pamamagitan ng kanilang sama-sama at nagkakaisang pagkilos upang baguhin ang lipunan, upang wasakin ang sistemang nagdulot ng kahirapan sa nakararami, ay tunay na umiibig sa sangkatauhan.

At ang tinipong akda ng makata ay kanyang iniaalay, hindi lamang sa isang magandang dilag na nangangarap din ng paglaya. Ang aklat na ito’y handog sa mapagmahal sa sangkatauhan, ang tinaguriang hukbong mapagpalaya – ang uring manggagawa.

Gayunpaman, nais niyang makasama hanggang sa huling yugto ng kanyang hininga ang isang dilag, si Ms. M, na isang magandang kasamang aktibista, na nagbigay inspirasyong muli sa kanya upang hangarin pa niyang patuloy na mabuhay, at patuloy na kumatha ng mga tula.

Walang komento: