ANG KATOTOHANAN HINGGIL SA SAHOD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(Mula sa Maypagasa magasin ng Sanlakas, Disyembre 1999, pahina 21-22)
Alam ng karaniwang Pilipino kung ano itong tinatawag na sahod. Ito ang “presyo” o sweldong ibinibigay sa isang manggagawa niya sa kumpanya. Pero karaniwan, ang sinasabing sahod ay hindi kapantay ng tunay na halaga ng lakas-paggawa ng isang manggagawa.
Bakit ganito? Sino ba ang bumubuhay sa lipunan? Hindi ba’t ang mga manggagawa? Ang kanyang lakas-paggawa ang kalakal na binibili sa kanya ng mga kapitalista. Ang presyo nito ang tinatawag na sahod.
Sa kasalukuyang lipunan, may nagpapagawa at gumagawa; may nagpapasahod at tumatanggap ng sahod; may bumubili ng lakas-paggaw at may nagbebenta ng lakas-paggawa; may kapitalista at may manggagawa. Sa pinakasimple, kapitalismo ang tawag sa ganitong sistema. Ibig sabihin, kapitalista ang nagtatakda kung paano pepresyuhan ang trabaho ng isang manggagawa. Sa sistemang ito, tinatrato ang manggagawa bilang kalakal.
Upang mabuhay ang isang tao, kailangan niyang magtrabaho. Maaaring siya’y nagtatrabaho sa pamamagitan ng buy-and-sell, sa pagnenegosyo, o kaya’y self-employed. Pero ang karamihan ay nagtatrabaho bilang swelduhan sa isang kumpanya, opisina o pabrika. Sa pagtatrabaho niya, halimbawa, sa isang tela, inuupahan siya ng kapitalista upang gumawa ng isang partikular na gawain. Ang produktong nililikha niya ang siyang nagiging kalakal ng lipunan. Ibig sabihin, dahil siya ang gumagawa ng produkto ng kapitalista, siya ang bumubuhay sa kapitalista. At dahil ang produktong ginagawa niya ay para sa lipunan, siya ang bumubuhay sa lipunan.
Ngayon, ang manggagawa ay merong sahod na tinatanggap. Ito ang kabayaran ng kapitalista sa kanyang pag-upa ng lakas-paggawa ng manggagawa. Pero sapat ba ang kanyang sahod bilang kabayaran sa kanyang lakas-paggawa?
Sa Saligang Batas ng Pilipinas, malinaw na nakasaad ang limang probisyon na direktang pumapatungkol sa paggawa. Ito’y ang karapatang mag-unyon, magwelga, makipag-CBA (collective bargaining agreement), security of tenure at living wage.
Ginagarantiyahan pala ng Konstitusyon ang living wage. Ang “living wage” kung isasalin sa wikang Pilipino ay “nakabubuhay na sweldo”. Kung nakabubuhay na sweldo ang living wage, bakit hindi sapat na makabuhay ng pamilya ang sweldo ng karaniwang manggagawa? Baka naman hindi ito LIVING WAGE, kundi ito’y LIBING WAGE o sweldong “inilibing” dahil hindi makabuhay. Pag sinabing living wage, ito’y sahod na sapat para buhayin ang manggagawa at ang kanyang pamilya. Kaya kung ang cost of living wage ngayon ay umaabot ng P500.00 bawat araw, ibig sabihin, P500.00 din ang dapat tanggapin ng manggagawa sa isang araw para matawag itong living wage. Kung ang manggagawa ay sinasahuran ng mas maliit kaysa kinakailangan niya at ng kanyang pamilya, ito’y pang-aabuso na sa manggagawa, kaya makatuwiran lamang na itaas ang minimum wage sa antas ng living wage.
Sa madaling salita, tungkulin ng gobyernong ito na pasahurin ang manggagawang Pilipino ng living wage. Ang living wage, ayon sa uibersal na kahulugan nito, ay sahod na umaayos sa “daily cost of living” ng isang karaniwang pamilya ng manggagawa. At ang “cost of living” ng ordinaryong pamilyang manggagawa ang pandaigdigang pamantayan (universal standard) sa pagtatakdang “cost of production”. Ngayon, kung itinuturing ng gobyerno at ng mga kapitalista na kalakal ang mga manggagawa, dapat ay bilhin at bayaran nila ang otso-oras na karaniwang paggawa kaparis ng ibang kalakal na batay sa “cost of production”, na siyang dapat na katumbas ng “cost of living” ng karaniwang manggagawa. Ito ang dapat na halaga ng minimum wage, isang sweldong pampamilya. Ibig sabihin, “family wage” ang kailangan upang mabuhay ang isang karaniwang pamilya. Ang minimum wage ay itinakda ng estado bilang pinakamababang sahod na maaaring tanggapin ng manggagawa. (Sa ngayon, maraming manggagawa ang tumatanggap ng sahod na mababa pa kaysa itinakdang minimum wage.) At ang minimum wage na ito ay tinatrato ng mga kapitalista bilang living wage, samantalang hindi naman ito sapat para makabuhay ng pamilya.
Ginagarantiyahan ng gobyerno ang karapatan sa tubo ng mga kapitalista. Ang tanong: Bakit hindi naman nito magarantiyahan ang karapatan sa sahod ng mga manggagawa? Kung ang manggagawa ay nagbebenta ng kanyang kalakal upang tumubo, ang mga manggagawa naman ay nagbebenta ng kanyang lakas-paggawa para lang mabuhay. Kung ang mga manggagawa ay nagbebenta ng kanyang lakas-paggawa upang makaahon sa kahirapan, ang kapitalista naman ay nagbebenta ng kanyang kalakal para mapalago ang kanyang kayamanan. Hindi ba’t mas dapat protektahan ng gobyerno ang karapatan ng manggagawa sa sahod kaysa karapatan ng kapitalista sa tubo? Kung ginagarantiyahan ng gobyerno ang sagradong karapatan ng kapitalista sa tubo, bakit naman nito ipinagkkait ang saligang karapatan ng manggagawa sa tamang halaga ng kanyang lakas-paggawa? Ang mga manggagawa ang gumagawa ng yaman ng lipunan pero sila pa ang kinakawawa!
Kung sasabihin ng gobyerno, babagsak ang ekonomya kung patataasin ang sahod ng mga manggagawa, ito’y isang malaking kalokohan. Paano babagsak ang ekonomya ng bansa pag itinaas ang sahod ng manggagawa, samantalang ang mga manggagawang ito ang bumubuhay sa lipunan! Ang mga manggagawang ito ang gumagawa ng ekonomya ng bansa!
Ayon sa mga kapitalista, tataas daw ang mga bilihin pag tumaas ang sahod. Anong laking kahibangan! Inililigaw na naman nila ang taumbayan sa kanilang baluktot na lohika. Totoong pag tumaas ang presyo ng mga bilihin, maaapektuhan ang sahod. Pero pag tumaas ang sahod ng mga manggagawa, hindi maaapektuhan ang presyo ng mga bilihin. Ibig sabihin, ang totoong may koneksyon sa sahod ay tubo, hindi ang prsyo ng mga bilihin. Sa pinakasimple, pag tumaas ang sahod, liliit ang tubo at kapag lumiit ang sahod, lalaki ang tubo. Kaysa aminin ang kahayukan nila sa tubo, ang ikakatwiran nila ay tataas ang presyo ng mga bilihin pag tumaas ang sahod!

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento