TANGINA, DI PUTA SI INA!
ni Greg Bituin Jr.
"Putang ina mo!" Malutong itong sinabi sa akin ng isang siga sa aming lugar sa Balic-Balic, nang magkabalyahan kami sa aming laro ng basketball. Agad nagpanting ang tainga ko sa sinabi niya at muntik na kaming mag-upakan. Buti na lang at kami'y inawat. Biro mo, sasabihin niyang puta ang ina ko, gayong hindi naman nagputa si ina para buhayin kaming anim na magkakapatid. "Tangna. Di puta si ina!" Halos ganito ang pagkakasabi ko sa kanya sapul nang mangyari ito ilang taon na ang nakararaan (nasa high school pa ako noon).
Nagmumura ang isang tao sa maraming kadahilanan: May kagalit o kaaway, nagagalit sa nangyayari sa kanya, sa kanyang kapaligiran o sa lipunang ginagalawan, naiinis siya sa sarili o kaya'y nabuburyong. Pero bakit idinadamay ang ating ina sa pagmumura? Di ba pwedeng dehins kasama si ermat? Di ba pwedeng "gago" o "tarantado" na lamang? O kaya'y "salot"? O "hayop"?
Sa malalimang pagsusuri, kung isinasama sa pagmumura ang ating ina, ito'y dahil ipinapakita lamang na sadyang malaki ang impluwensya ng ina sa pagpapalaki ng anak, dahil ang ina ang siyang tagapag-alaga, tagapagpakain, tagahubog ng ugali at unang guro ng bata. At karaniwang pananaw na kung ano ang ugali ng anak, ito'y dahil sa ina. Dahil kung masama o bastos ang ugali ng anak, ito'y dahil "puta" ang ina, o kaya'y masamang babae.
Saan ba nagmula ang "putang ina"? May isang teorya ang mga matatanda. Noong bago mag-WWII, hindi pa uso ang "putang ina". Mas uso pa raw noon ang "imbi", "sukab", "lilo", o "tampalasan". At karaniwan, nakapatungkol lamang ito sa indibidwal na tao na kagalit ng nagmura. Nagmula lang daw ang "putang ina" noong may base militar pa ng mga Kano sa Subic at Clark.
At dahil umano karamihan ng mga batang iniwan ng kanilang amang Kano ay naging marahas (dahil broken family) o nakagawa ng krimen, ang bintang agad ng iba'y dahil "puta" ang ina, kaya't walang naiturong magaling sa anak. Dito umano nag-umpisa ang pagmumura ng "putang ina" (sa Ingles, ito'y "mother fucker"; ang "anak ng puta" naman ay "son of a bitch").
Mula "putang ina" ay napaikli pa ito sa "tangina". Sa ngayon, maaari itong ihilera ng mga linggwista bilang bahagi ng salitang kanto (pabalbal o slang), tulad ng bog-tsi, semplang, ermat, utol, syota, nenok, boga, timbog, hoyo, dedo, at yosi.
Palasak na ang pagmumurang ito sa kulturang Pilipino na kahit sa sine ay mapapakinggan mo, at mababasa sa ilang mga nobela, sanaysay at maikling kwento. Minsan, naging pagbati na rin ito. "Tangina, pare, ang ganda ng tsiks." Ang "putang ina" ay naging pampalit sa "wow". Naging tatak na rin ito ng kamachohan.
Si ina. Babae. Doon tayo sa kanya nanggaling. Nagtataka nga ako kung bakit wala pa akong narinig na lider-kababaihan na nagpo-protesta hinggil sa pagmumurang ito, gayong babae ang pinatutungkulan nito.
Sa kasalukuyan, ang "putang ina" ay pumaimbulog na rin mula personal patungong pulitikal. "Putang inang VAT 'yan. Putang ina, pataas ng pataas ang presyo ng mga bilihin, pero kami, limang kahig, isang tuka pa rin. Putang inang gobyerno ni Arroyo!"
Tangina, mawawala lang siguro ang pagmumurang ito pag nabago ang lipunan. Pag nabago na ang kultura ng pagtingin sa ating mga ina. Pag nagbago na ang pagtingin sa kababaihan. Pag wala nang kapitalistang mang-aapi ng manggagawa. Pag wala nang teroristang mandedemolis ng bahay ng maralita at paninda ng vendors. Pag hindi na nagtatayugan ang presyo ng pangunahing mga bilihin.
Pero habang kapitalismo pa ang sistema ng lipunan, palagay ko, patuloy pa ring may magmumura ng "putang ina".
Pero kung ako ang tatanungin, hindi ko na idadamay si ina, o sinumang ina, sa pagmumura.
Dahil ang pwede kong sabihin, lalo na sa mga kapitalista at gobyernong pahirap sa masa, sila'y mga "imbi", "sukab", "lilo", o "tampalasan".
- Unang nalathala sa pahayagang Obrero, Blg. 21, Mayo 2005, p.11
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento