Martes, Setyembre 30, 2008

Patakbu-Takbo

PATAKBU-TAKBO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Di ito hinggil sa pagtakbo sa away, kundi sa isport. Bata pa ako'y kasa-kasama na ni Erpat and his gang sa pagdidyaging mula sa Sampaloc hanggang sa Folk Arts. Syempre, malayong takbuhin iyon. Tatahakin namin ang Nagtahan at ang kahabaan ng Quirino Avenue hanggang sa makarating ng Roxas Boulevard. Sabado at Linggo ito, pero mas madalas ang Linggo, hanggang sa masanay na rin ako sa pagdidyaging kahit di na sila kasama.

Minsan, pag di kasama ni Erpat mga kaibigan niya, dumadaan pa kami ni Erpat sa mga Kuya Delfin, sa may Anakbayan St., sakop na ito ng Paco. Mga pinsanin ito ni Erpat.

Lumaki akong isa ang dyaging sa aking pinagkaabalahan. Kaya nung nasa high school na ako, isa ako sa nakuha para maging kinatawan ng aming eskwelahan sa larong track and field, na ang kalaban ay mga track and field players ng iba pang school.

Nasa fourth year ako noon sa high school nang maging track and field player ako, kasabay ng pagiging opisyal ko ng CAT. Kung di sa Letran ay sa ground ng UST kami nagpa-praktis. Noong panahong ito ko nakita ng personal ang artistang si Eula Valdez, na nakakasabay namin sa pagdidyaging. Magmula noon, imbes na sa Roxas Blvd. ako magtungo para magdyaging ay sa UST oval na lang ako nagpupunta, malapit pa sa bahay namin.

Kahit papaano'y naging tahanan ko na rin ang Rizal Memorial Coliseum sa may Vito Cruz sa Malate dahil dito idinaraos ang karamihan ng mga laro. Bago ang track and field, nirepresenta ko na ang Letran nuong 2nd year high school ako sa 4th National Tae Kwon Do Championship na ginanap din sa Rizal Memorial Coliseum pero sa basketball court. Kalaban ng grupo ng Letran noon ay ang grupo ng Virra Mall. Tiglilima bawat grupo. Lima kami sa Letran habang lima rin ang mga taga-Virra Mall. Green belter na ako noon, pangatlong belt mula sa white na para sa baguhan.

Sa oval ng Rizal Memorial Coliseum ginaganap ang track and field. Lumaban ako sa 400 meter relay, at 1,000 meter dash. Ang paikot ng oval ay 400 meters, kaya ang dalawa't kalahating ikot sa oval ang 1,000 meter dash. Di man ako nanalo, di man ako nagkamedalya, pero binigyan ko naman ang aking mga katunggali ng magandang laban. Kaya minsan man sa buhay ko'y naging atleta ako at naging bahagi ng National Collegiate Athletic Association (NCAA), ang karibal na grupo ng manlalaro ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP).

Pero di lang sa tatay ko ako nagmana ng pagka-interesante sa pagtakbo, o sa pagdi-dyaging. Dahil ang nanay ko mismo ay naging track and field player sa mismong kanilang opisina. Aba'y mas sa kanya yata ako nagmana sa takbuhan.

Tumatakbo pa rin naman ako, nagdi-dyaging paminsan-minsan, at masasabi kong malaki ang naitulong nito sa akin para mas maging disiplinado ako sa aking mga ginagawa. Dahil bilang dating atleta, ang disiplinang itinuro at naranasan ko rito ay malaking aral at gabay sa pagsalubong ko sa maraming hamon sa buhay. At alam kong magagamit ko pa rin ito sa mga taon pang darating.

Linggo, Setyembre 14, 2008

Sa Alaala ng Isang Dakilang Rebolusyonaryo

Sa Alaala ng Isang Dakilang Rebolusyonaryo
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Pambungad sa aklat na Macario Sakay, Bayani!, pahina 6-9, at inilathala ng Kamalaysayan history group noong Setyembre 2007.)

Ang kadakilaan ni Macario Sakay at ng kanyang mga kasama ay dapat lamang gunitain, lalo na ngayong darating na Setyembre 13, 2007, ang sentenaryo ng kanyang kamatayan.

Una kong nakilala si Sakay, hindi sa mga librong pangkasaysayan kundi sa pelikula ni Raymond Red na pinamagatang Sakay, na ipinalabas sa mga sinehan noong 1993. Ang unang pelikulang Sakay ay isinapelikula noong 1939 sa direksyon ni Lam-berto V. Avellana. Meron pa umanong pelikulang pinagbidahan ni Mario Montenegro nang bandang dekada ng 1960s na pinamagatang Alias Sakay.

Itinuturing na tulisan si Sakay at ang kanyang mga kasama kung ang babashin ay mga panulat ng mga historyador na Amerikano, kasama ang mga kakutsabang Pilipino. Ito ang isinisiksik nilang propaganda kahit sa mga aklat ng kasaysayan na ginagamit sa mga paaralan.

Dapat maisulat at malaman ng taumbayan ang kabayanihan ni Sakay at ang pagpapatuloy niya ng adhikain ng Katipunan sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano.

Ayon nga kay Pio del Pilar, sa kanyang liham kay Jose P. Santos noong 1930s, “Si Macario Sakay, sa aking pagkakakilala sa kanya, ay isang tunay na makabayan. Sa panahon ng rebolusyon habang kami’y nakikidigma, siya naman ay patuloy sa pagpapalaganap ng mga adhikain ng Katipunan, na ang pinakalayunin ay ipagtagumpay ang kasarinlan ng Pilipinas. Isa siya sa may malaking naitulong sa pagpunta sa bayan-bayan upang itatag ang mga konseho ng Katipunan. Napakatindi ng pagkahu-maling niya sa adhikaing yaon na kahit nahuli siya ng mga Amerikano, ipinagpatuloy niyang tuparin ang di-natapos na hangarin ng Katipunan na gawing malaya at makatayo sa sariling paa ng bansang Pilipinas, sa pamamagitan ng pagtataguyod ng bagong rebolusyon.

Si Sakay ay maaaring tulisan sa mata ng mga Amerikano, kaya nga siya binitay. Ngunit sa harap ng Diyos, Bayan at Katotohanan, siya’y tunay na makabayan na nararapat lamang mabuhay sa isipan ng lahat nating kababayan sa lahat ng panahon.” (di orihinal na tagalog, ito’y salin mula sa pinagsaliksikang aklat na nakasulat sa Ingles.)

Ayon naman sa awtor na si Orlino A. Ochosa, “Sina Bonifacio, Jacinto at Sakay ang bumubuo ng dakilang triad na namuno sa Katipunan at sa mga naghihimagsik na masa: “ang mga anak ng bayan”. Sila’y mga tunay na proletaryo, anak ng Tondo, kinatawan ng mga walang pag-aaring indios bravos. Dahil sa kanilang rebolusyonaryong paninindigan, nabuhay sila sa kabayanihan at kadalamhatian. Sa pagtatatag ng Katipunan, sinimulan ni Bonifacio ang Rebolusyon na inayawan siya’t pinaslang. Sa pagpapalaganap ng mga gawain ng Supremo, binalewala si jacinto at naiwang mag-isang namatay ng Republika. Ganito rin ba ang kapalaran ni Sakay sa pagmana sa liderato ng Katipunan?” (mula sa aklat na Bandoleros, di orihinal na tagalog, ito’y salin mula sa pinagsaliksikang aklat na nakasulat sa Ingles.)

Wala pang ganap na pagkilala sa kanya, maging ito ma’y proklamasyon ng pangulo ng bansa, pagkakaroon ng bantayog sa isang mayor na lokasyon sa lunsod, o kaya’y ipangalan sa kanya ang isang mayor na kalsada. Kahit sa Tondo, wala man lamang pangalan ng kalsada para kina Sakay at sa kanyang mga kasama.

Nawa’y makatulong sa mga mambabasa ang munting aklat na ito sa pag-unawa sa kabayanihan ni Macario Sakay pagkat siya’y bahagi ng kasaysayan ng himagsikang Pilipino para lumaya ang bayan sa kamay ng dayuhan. Nawa’y makatulong din ito sa pagpapalaganap ng kampanya upang magkaroon ng rebulto si Sakay sa isang pangunahing lansangan sa bansa, ipangalan sa kanya ang isang pangunahing lansangan, at ituring siyang isang bayani sa mga aklat pangkasaysayan na binabasa at pinag-aaralan ng mga mag-aaral.

Sa alaala ng isang dakilang rebolusyonaryo at sa dakilang ambag niya sa himagsikan, nararapat lamang ibigay kay Sakay ang ganap na pagkilala sa kanya – si Macario Sakay ay isang tunay na bayani ng lahing Pilipino.

Sampaloc, Maynila
Agosto 21, 2007

Ang Pasiya ni Sakay: Kabayanihan o Pagkakamali

Ang Pasiya ni Sakay: Kabayanihan o Pagkakamali
ni Gregorio V. Bituin Jr.

- nalathala sa librong "Macario Sakay: Bayani" ng may-akda, at inilunsad noong Setyembre 13, 2007 sa UP Manila, sa ika-100 anibersaryo ng pagbitay kay Macario Sakay ng mga tropang Amerikano

Tunay ngang bawat pasiya ng isang tao ay may malaking kaugnayan sa kanyang kinabukasan o hinaharap. Tulad na rin ng desisyong mag-asawa ng maaga, ito’y pinag-aaralan at pinagpapasiyahan dahil ito’y panghabambuhay, maliban na lamang kung magpasiyang maghiwalay ang mag-asawa.

Tulad din ng desisyong kukuning kurso sa kolehiyo, ito’y pinag-aaralan at pinagpapasiyahan dahil nakasalalay dito ang kanyang kinabukasan.

Tulad din ng desisyong maghimagsik laban sa mga mananakop. Tulad din ng pasiyang sumuko, hindi dahil naduwag, kundi dahil may isinasaalang-alang na bukas.

Gayunman, ang pasiya ba ni Sakay na sumuko ay isang kabayanihan o pagkakamali?

Noong kalagitnaan ng 1905, nakipag-ne-gosasyon si Dr. Dominador Gomez, lider ng Union Obrera Democratica de Filipinas, kina Sakay para sa pagsuko nito, ng kanyang mga opisyal at mga tauhan. Kumbinsido si Gomez na tanging ang pagmamatigas ni Sakay ang bumabalam sa pagtatatag ng isang pambansang asamblea. Napapayag niya si Sakay na wakasan ang kanyang paglaban sa kondisyon na isang pangkalahatang amnestiya ang ipagkaloob sa kanyang mga tauhan, payagan silang makapagdala ng baril at pahintulutan siya at ang kanyang mga tauhan na makalabas ng bansa nang tiyak ang personal na kaligtasan.

Isang buwan pagkabitay kay Sakay, agad itinayo ang Pambansang Asamblea noong Oktubre 16, 1907 na ginanap sa Manila Grand Opera House. Ang Partido Nacionalista na kasama si Sakay sa nagtayo, at Partido Nacional Progresista, ang dalawang pinakamalaking grupo sa asemblea. At isa sa mga naging delegado nito ay si Dr. Dominador Gomez.

Maaari bang maitayo ang Pambansang Asamblea kahit hindi sumuko si Sakay kung may mga taong gagampan naman sa gawaing ito? O may basbas ng mga Amerikano ang pagtatatag ng Pambansang Asamblea?

Ang pasiyang sumuko ni Sakay upang maitatag ang Pambansang Asamblea ang maaaring sabihing katiyakan ng kanyang adhikaing kasarinlan ng bayan. Kung sinasabi ni Gomez na siya at ang kanyang pangkat lamang ang dahilan kaya naaantala ang pagtatayo ng Pambansang Asamblea, may umagos na dugo ng sakripisyo sa mga ugat ni Sakay upang isuko ang pakikipaglaban para lamang matuloy ang makasaysayang pagtitipong ito para sa ganap na kasarinlan.

Ngunit maraming nagsasabing ang kalayaan ng bayan ay hindi nahihingi kundi ipinaglalaban. Sa kasong ito, isinakripisyo ni Sakay ang sarili. Nagbakasakali siya na maganap nga ang Pambansang Asamblea, bagamat hindi niya inaasahang ang pasiya niyang iyon ang magdudulot ng maaga niyang kamatayan.

Hindi niya hiningi ang kalayaang iyon, pagkat siya mismo ay binitay ng mga Amerikano. Kung sakaling hindi sumuko si Sakay, matutuloy pa rin ba ang Pambansang Asamblea? Marahil.

Naganap na ang kasaysayan ni Sakay. Kung nagkamali man siya sa kanyang pasiya, hayaan natin sa mambabasa ang pasiya. Gayunpaman, ang naging pasiya ni Sakay ay hindi dapat ituring na karuwagan o pagkapagod na sa pakikidigma, kundi pagbabakasakali.

Pagbabakasakaling maganap nga ang pagtatayo ng isang nagsasariling bansa. At dahil naganap ang Pambansang Asamblea isang buwan matapos siyang bitayin, ito ang masasabi nating nagbunga ang kanyang sakripisyo.