Lunes, Oktubre 26, 2009

Kaybagsik nina Ondoy at Pepeng

KAYBAGSIK NINA ONDOY AT PEPENG
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ondoy at Pepeng. Pawang matitinding unos na dumatal sa ating bansa, lalo na sa Kalakhang Maynila, Gitnang Luson at Hilagang Luson. Kinitil ng mga bagyong ito'y halos nasa 500 katao na. Lubog sa baha ang mga subdibisyon, mga iskwater, at mga pananim sa mga probinsya. Nakakalungkot, dahil bukod sa mga namatay ay marami pa ang nawalan ng tahanan. Dinelubyo ng mga bagyong ito ang kabahayan at kabuhayan ng ating mga kababayan. Hanggang ngayon, marami pa ring kabahayan ang lubog sa baha dahil walang madaluyan ng tubig para bumaba, tulad sa Muntinlupa.

Sinong sisisihin sa nangyari? Ngunit may dapat nga bang sisihin sa mga nangyari, gayong ito'y ngitngit ng kalikasan? O ang dapat nating sisihin ay ang sistemang panlipunang sumira sa kalikasan, na siyang dahilan upang gantihan ng kalikasan ang tao?

Muling nasilayan ng marami ang muling pagbabayanihan ng mga Pilipino at pagmamalasakit nila sa ating kapwa. Agad silang sumaklolo sa mga natamaan ng baha, ngunit ang marami, bagamat nais sumaklolo ay walang magawa dahil sa kawalan ng kagamitan. O kung may gamit man ay di bihasa sa paggamit nito.

Gayunman, kapansin-pansin ang kawalang-handa ng pamahalaan sa ganitong mga sitwasyon. Doon nga sa may Brgy. Bagong Silangan sa Lunsod Quezon, umabot na sa 42 katao ang namatay. Sa Provident Village sa Marikina, na karamihan ay mga sikat ang nakatira, ay hindi rin pinatawad ni Ondoy. Sa Muntinlupa’y walang madaluyan ang tubig baha kaya lubog pa rin ang maraming bahay sa putik. Ang lalawigan ng Pangasinan ay nagmistulang karagatan. Nagka-landslide sa Baguio City at sa La Trinidad, Benguet, kung saan kayraming namatay. Habang isinusulat ito’y nasa 648 na ang natalang namatay.

Hindi maaaring sabihin ng pamahalaan na di sila handa sa ganitong pangyayari, pagkat lagi namang tinatamaan ng bagyo ang ating bansa. Noong 2007 nga ay nanalasa na ang kaytinding bagyong Milenyo na kumitil din ng maraming buhay. Dapat ay naghanda na sila kung sakaling mangyari muli ang panibagong unos tulad ni Milenyo. O ang dapat nating sisihin o punahin ay ang nagaganap na climate change na nagdulot ng ganitong katinding unos?

Ano nga ba ang tinatawag na climate change? Ito ang pagbabago-bago ng klima ng mundo, dahil sa mga greenhouse gases (GHG) na bumubutas sa atmospera ng ating daigdig. Tulad dito sa Pilipinas, nagkaroon ng tag-ulan sa panahon ng tag-araw. Ngayon ngang 2009 ay naranasan nating umulan ng malakas at nagbaha nitong Mayo na dapat ay tag-araw. Ang greenhouses gases na sumira sa kalikasan ay dulot ng pagsusunog ng mga fossil fuels para sa langis ng mga sasakyan. Dulot din ito ng mga coal-fired power plants na nagsusunog din ng mga uling para magpaandar ng kuryente.

Ngunit sa ngayon, sinisisi ng gobyerno, lalo na ng mga trapo, ang mga maralita dahil sa pagbaha. Ang mga iskwater daw ang dahilan kaya di raw madaanan ng tubig ang mga estero, kaya nais ng mga pulitiko na pabantayan ang mga lugar na binaha sa mga militar upang di na roon makabalik ang mga iskwater. Ngunit sino ba ang dahilan kung bakit may iskwater? Hindi ba’t itong gobyerno, mga elitista, mga mayayaman, mga kapitalista, na di isinasama sa pag-unlad ang mga dukha at laging inietsapwera ang mga mahihirap sa mga planong kaunlaran ng bansa? Hindi ba’t ang laging solusyon nila sa maralita ay itaboy ito sa mga lunsod at itapong parang mga basura sa mga bundok at malalayong lugar?

Maraming salamat sa mga noodles at sardinas na ipinamigay upang kahit pansamantala ay may pang-agdong-buhay ang mga nasalanta. Ngunit alam nating hindi ito sapat upang makabalik ang mga nasalanta sa dati nilang pamumuhay. Kaya imbes na pawang noodles at sardinas ang ibigay bilang relief sa mga apektado, bakit hindi na lang ibigay ay mga bahay na sapat para sa kanila. Karapatan nila ang magkaroon ng bahay, ngunit pinabayaan sila ng gobyernong tumira sa mga mapanganib na lugar, tulad ng riles at estero.

Anong dapat gawin? Dapat na ilaan ang countryside development fund o pork barrel ng mga mambabatas, calamity fund ng gobyerno para sa pagbili ng lupa sa mga maralitang biktima ng bagyong Ondoy. Tiyaking sa relokasyon nilang ito ay may sapat na pabahay, hanapbuhay at serbisyo. Dahil isa man sa tatlong ito ang mawala ay tiyak na delubyo sa mga nasalanta.

Dapat magkaroon ng moratorium sa demolisyon at pagpapaalis sa evacuation center hangga’t walang maayos, abot-kaya at ligtas na relokasyon. Hindi dapat na itataboy na lamang na parang mga daga ang mga maralita at basta na lamang paaalisin nang walang kasiguraduhan sa paglilipatan.

Ngunit mananatili ang katotohanan: Sa nangyaring pagkamatay ng daan-daang tao, at kawalan ng matitirhan ng mga nasalanta, ang tanging ginagawa ng gobyerno ay mamigay ng noodles at sardinas, imbes na tiyaking ayusin at ilagay sa mas maayos na lugar ang mga nasalanta. Kung ipagpapatuloy ng gobyerno ang basta na lamang pagpapaalis sa mga maralita sa dating kinatirikan ng kanilang bahay nang walang maayos na plano, sadyang inutil ang gobyerno ni Gloria.

Martes, Oktubre 20, 2009

Pagdalo sa Asian People's Solidarity for Climate Justice sa Bangkok

PAGDALO SA ASIAN PEOPLE’S SOLIDARITY FOR CLIMATE JUSTICE SA BANGKOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa mapalad na napiling magtungo sa Bangkok, Thailand   bilang kinatawan ng maralitang lungsod hinggil sa usapin ng climate change sa isang pulong na ginanap sa tanggapan ng Freedom from Debt Coalition (FDC).  Isa sa mga programa ng FDC ang usapin ng climate change kaya naitayo ang network na tinawag na Climex (ClimateExchange). Ako ang kinatawan ng grupong Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML) na kasapi naman ng FDC.

Dalawang araw makalipas ang bagyong Ondoy na halos nagpalubog sa maraming lugar sa bansa, lalo na sa Luzon. ay nagtungo kami ng aking tatlong kasamahan sa Bangkok, Thailand upang dumalo sa mahigit isang linggong aktibidad hinggil sa usaping climate change. Kami ay nasa Bangkok mula Setyembre 28, 2009 hanggang Oktubre 8, 2009. Pagdating namin sa Bangkok ay nakasama namin ang iba pang Pinoy doon, kasama ang mga aktibista mula sa ibang bansa. Doon kami tumuloy sa KT Hotel sa Bangkok.

Ang nasabing aktibidad na tinawag na Asian People's Solidarity for Climate Justice (APSCJ), isang programang ka-parallel o ipinantapat ng iba't ibang kilusang masa't samahan sa United Nations climate talk na ginanap din sa Bangkok nitong Setyembre 28 hanggang Oktubre 9, 2009. Pinangunahan ang APSCJ ng Jubille South Asia-Pacific Movement on Debt and Development (JSAPMDD) at ng NGO Forum on ADB. Ito'y sa pakikipagtulungan sa Indian Social Action Forum, Rural Reconstruction Nepal, Pakistan Fisherfolk Forum, Freedom from Debt Coalition-Philippines, Focus on the Global South, Unnayan Onneshan, Koalisi Anti-Utang, IESR, KRUHA, Walhi, Solidaritas Perempuan, at South Asia Alliance for Poverty Eradication (SAAPE). Halos ang lahat ng venue ng aming talakayan ay idinaos sa basement ng 14 October 1973 Monument at sa Ground Floor ng 14 October 1973 Foundation.

Maraming usapin hinggil sa suliranin sa klima, kaya pinag-usapan ang agham at pulitika ng klima, mga pagsusuri sa dahilan nito at ang naiisip na solusyon, at mga mayor na isyu hinggil sa pakikibaka para sa climate justice o kararungan sa usapin ng klima. Pinag-usapan din ang isyu ng tubig at kuryente.

May pagkilos din kami sa lansangan ng Bangkok kung saan nakasuot kami ng t-shirt na itim na ang nakasulat: "Reparations for Climate Debt" sa harap at "World Bank and ADB: Out of Climate Talks".

Pumaroon kami sa Bangkok na iniwan ang Pilipinas na sinalanta ni Ondoy, isang bagyong anim na oras lamang ngunit nagpalubog sa maraming panig ng kalunsuran na tila ba umulan ng isang buwan. Kaya sa isang pag-uusap doon ay naisip namin na iugnay ang nangyaring Ondoy sa isyu ng pagbabago ng klima.

Ang pagtungo sa Bangkok at pagdalo sa mga talakayan ay isang karanasang mas nagpatibay sa akin sa usapin ng climate change at climate justice. Marami akong nakasalamuha at natutunan hinggil sa usaping ito, di lang mga kapwa Pilipino kundi mga taga-ibang bansa rin. Nariyan ang usapin hinggil sa REDD, carbon trading, biofuel, panawagang reparasyon ng Annex 1 countries sa mga maliliit at di-pa-maunlad na bansa, atbp.

Bukod sa mga talakayan, nakapaglunsad din kami roon ng ilang rali, at may kasama rin kaming tomtom boys (ati-atihan) na mga Pinoy. Kaunti lang ang naipon kong litrato sa paglalakbay namin doon, bagamat marami kaming kuha, at dahil na rin wala namang akong dalang kamera na sana'y nakunan ko ang iba't ibang aktibidad doon. Doon ko na rin idinaos ang aking kaarawan. Marami akong nadala pauwi na mga aklat, magasin, brochure, at iba't ibang babasahin hinggil sa usaping klima na ipinamahagi doon ng iba't ibang samahan.

Kinatawan ako ng grupong KPML doon, at ngayon, patuloy pa rin ang KPML sa pakikipag-ugnayan sa Climex sa kampanya at edukasyon hinggil sa usaping klima at hanggang ngayon ay aktibo pa rin akong kalahok dito, sa talakayan man, sa iba pa mang pagkilos, sa pagsusulat, at sa mga rali sa lansangan.

Sampaloc, Maynila
Oktubre 19, 2009

* Noong 2010, ang Climex ay napalitan ng pangalan at nabuo bilang Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) sa isang pulong sa tanggapan ng FDC

Biyernes, Oktubre 2, 2009

Paunang Salita sa aklat na "Tiim-Bagang sa Paglirip"


TIIM-BAGANG SA PAGLIRIP

Napakarami ng suliranin ng masa sa araw-araw. At kadalasan, napapatiim-bagang ka na lang, lalo na't di mo alam kung anong dapat gawin upang malutas ito. Wala kang magawa. Hindi mo malirip, kahit sa mga payak na paliwanag, bakit nangyayari ang mga ito, at bakit may iilang hindi nakararanas ng karukhaan, at napakarami ang dukha. Kayraming suliranin sa bahay, sa sarili, sa pamilya, sa pag-ibig, sa pamayanan, sa lipunan.

May nagpapakamatay dahil hindi nakayanan ang pagkapahiya at pagkabigo. May nagiging tambay na lamang at ayaw nang kumilos. May nais kumilos para sa kinabukasan ngunit di alam ang gagawin. May nais kumilos ngunit di kaya ng panggastos dahil mula sa pamilyang dukha. Kayraming tiwali sa pamahalaan, kurakot dito, kurakot doon. Mga baluktot ang mga patakaran, at kadalasan ay pumapabor lamang sa iilan, ngunit mayorya ng mga patakarang ito ay pahirap sa taumbayan, mga patakarang pabor lamang sa interes ng iilan sa lipunan.

May magagawa pa ba? Isinilang ba tayong ganito na ang lipunan? O may dahilan ito, may malalim na pinag-ugatan ito, na kung pag-aaralan lamang natin ang lipunan, magsasaliksik, at sa ating kapwa’y makikipagtalakayan, marahil ay ating mauunawaan ang mga sanhi. Ngunit mababago ba natin ang ating kalagayan?

Hindi sapat na mapatiim-bagang na lang tayo sa ating mga nasasaksihan. Ano ang dapat nating malirip upang tayo'y kumilos? Di lamang tayo, kundi paano kikilos ang mayoryang naghihirap sa lipunang ito?

Halina't pag-aralan natin ang lipunan. 

Halina't namnamin natin ang ilang mga saknong at taludtod sa mga tulang naririto, pati ang mga salin sa bandang dulong pahina ng aklat na ito, at bakasakaling may mapulot tayo kahit kaunti upang makatulong sa pagsulong tungo sa pagbabago ng ating kalagayan, paggalang sa mga karapatan ng tao, at pagtatayo ng isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao.

Nawa kahit munti man ay maging makabuluhan sa inyo ang munting aklat na ito ng mga tula at salin. Mabuhay kayo!

GREGORIO V. BITUIN JR.
Oktubre 2, 2009