Huwebes, Disyembre 16, 2010

Ang LIRA at ako

ANG LIRA AT AKO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Agosto 25, 2001 ang una kong pulong sa LIRA o Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo sa Adarna House sa Scout Limbaga St., sa Lungsod, Quezon. Kinausap kami ni Rebecca Añonuevo na pangulo noon ng LIRA na kami ang mga nakapasa at nais nilang maging bahagi ng pag-aaral sa LIRA. Setyembre 1, 2001, sa UST Literary Center ay nagturo sa amin si Ginoong Virgilio Almario o makatang Rio Alma hinggil sa kasaysayan ng panulaan sa Pilipinas.  Setyembre 8, 2001 ang unang sesyon ng pagtuturo sa amin ng tula, at ang unang paksa ay ang tugma at sukat na ang aming guro ay ang makatang si Michael Coroza. Agad niya kaming pinagawa ng tula hinggil sa aming natutunan ng araw na iyon na aming ipapasa sa susunod na sesyon. Tuwing Sabado ng hapon lang ang aming sesyon.

Sa aming mga magkakaklase ay ang aking pyesa ang unang naisalang, dahil bukod sa mahaba, ay hinggil iyon sa naganap na pagbagsak ng World Trade Center at Pentagon sa New York at Washington noong Setyembre 11, 2001. Ang tula kong ipinasa ay binubuo ng labing-anim na saknong na may apat na taludtod bawat saknong, at labingdalawang pantig bawat taludtod. Ayon kay Ginoong Coroza, imbes na labing-anim na saknong ay kaya naman iyong gawin sa tatlong saknong lamang nang hindi nawawala ang buong diwa.

Dahil sa palihan ng LIRA, nakarating ako sa Kongreso ng UMPIL (Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas) na ginanap sa Goethe Institute (German Library) noong Agosto 2001. Dito ko nakilala ang maraming magagaling at kilalang makata ng bansa, tulad ng magkapatid na Roberto at Rebecca Añonuevo, Vim Nadera, Teo Antonio, Jerry Gracio, at marami pang iba. Kaklase ko sa palihang iyon ang ngayon ay pawang sikat na rin sa larangan ng panitikan, na sina Edgar Calabria Samar at Jose Jason Chancoco.

Isa sa hindi ko malilimutan ay ang pagkamatay ng isang kilalang makata. Isang linggo na lamang ay nakatakdang magturo sa amin ang batikang makatang si Mike Bigornia, na awtor ng mga aklat ng tulang Prosang Itim at Salida, nang ito'y mamatay. Nakadalo ako sa burol sa St. Peter, at paglilibing sa kanya sa isang sementeryong malapit sa Tandang Sora sa Lungsod Quezon. Hindi siya nakapagturo sa amin, ngunit nakadaupang-palad ko siya sa Kongreso ng UMPIL.

Mula sa palihan sa LIRA ay naging aktibo ako sa pagtula, at ang hinawakan kong 8-pahinang pahayagan ng maralita bilang managing editor nito - ang Taliba ng Maralita - ay nilalagyan ko ng sarili kong likhang tula. Ganito ang aking katuwaan, na kahit sa pahayagang Obrero ng mga manggagawa ay tinitiyak kong lagi akong may nalalathalang tula.

Ayon sa kasaysayan, taong 1985 nang nagkasundo ang siyam na batang makata — sina Rowena Gidal, Edwin Abayon, Dennis Sto. Domingo, Ronaldo Carcamo, Danilo Gonzales, Vim Nadera, Ariel Dim. Borlongan, Romulo Baquiran Jr., at Gerardo Banzon na patuloy na magtagpo kahit natapos at sumailalim na sila sa Rio Alma Poetry Clinic, isang serye ng mga Sabado ng palihan at madugong pagsipat sa mga tula. Kaya’t noong 15 Disyembre 1985, sa tanggapan ng ngayo’y Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario, (mas kilala bilang Rio Alma) sa Adarna House, Quezon City, isinilang ang Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA), isang organisasyon ng mga makatang masigasig na nagsusulat sa wikang Filipino.

Matapos ang anim na buwan, noong Marso 8, 2002, ay nakapagtapos kami sa LIRA. Kasabay iyon ng paglulunsad ng bagong aklat ng mga tula ni Rio Alma na may pamagat na Supot ni Hudas na kulay itim ang pabalat. Sa aming mahigit dalawampung magkakaklase ay siyam lang kaming nakapagtapos, habang apat naman ang agad na naging kasapi ng LIRA. Hindi ako kasama sa mga naging kasapi bagamat nakapagtapos. Gayunpaman, dinadaluhan ko ang iba't ibang aktibidad ng LIRA basta lamang nagkapanahon.

Itinuturing ko nang bahagi ng aking buhay ang LIRA, dahil napaunlad nito ang aking kakayahan sa pagtula, at lumawak ang aking pananaw sa buhay. Dito'y nadiskubre ko na mas nais kong tumula ng may tugma at sukat, bagamat may ilan din akong mga tulang nasa malayang taludturan.

Sabado, Disyembre 11, 2010

Pambungad sa aklat na "LANGIB AT BALANTUKAN"

Pambungad

NAGHILOM MAN ANG SUGAT, KAYSAKIT PA RIN PAGKAT BALANTUKAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nagnanaknak pa ang sugat ng ating bayan. Ngunit takpan man ng langib ang sugat at tuluyan itong maghilom, ramdam pa rin ng maysugat ang sakit pagkat balantukan, sarado na ang labas ngunit may sugat pa rin sa loob na hindi pa naghihilom. Pagtitiisan na lang ba ito ng maysugat? Kailangan nitong gumaling upang hindi na maramdaman pa ang sakit. Ngunit anong dapat gawin?

Kitang-kita ang pagnanaknak na ito sa buhay ng mga dukha, lalo na ang mga nakatira sa mismong lungsod. May nakatira pa rin sa mga barungbarong, mga tagpi-tagping dingding na tinabingan lang ng mga lumang tela, pira-pirasong tabla o kaya'y lumang tarpolin. At ang matindi, may nakatira sa kariton dahil walang sariling tahanan. 

Maraming walang sariling tahanan sa lungsod. Nakatira lang sa tabi ng riles ng tren, sa ilalim ng tulay, sa gilid ng ilog, sa malapit sa kanal, sa mga mapapanganib na lugar. Ginawan daw sila ng paraan ng pamahalaan, sa pamamagitan ng National Housing Authority (NHA) o ng iba pang ahensya ng gobyerno, sa pamamagitan ng pagdadala sa mga dukha sa mga lunan-relokasyon na malalayo sa kanilang pinagkukunan ng ikinabubuhay. 

Maganda para sa mata ng pamahalaan dahil inilayo na nila sa lungsod ang mga iskwater na masakit sa kanilang mga mata. Ngunit para sa mga maralitang itinapon na lang sa kung saan, ang pinagdalhan sa kanila'y lugar ng libingan. Kumbaga, mula sa danger zone patungong death zone. Walang kuryente, walang tubig, malayo sa palengke't ospital. Malayo sa pinagkukunan nila ng ikabubuhay. Kaya ang nangyayari'y nagbabalikan sa dating pinagmulan ang mga dukha para lang matiyak na malalamnan ang kanilang sikmura dahil naroon sa pinanggalingan ang kanilang trabaho. Di bale nang sumiksik muli saanmang sulok ng lungsod basta't matiyak nilang malalamnan ang kanilang sikmura't mapapatahan sa kaiiyak ang kanilang nagugutom na anak.

Ano ang problema? Hindi ba't sabi ng pamahalaan ay naresolba na ang kanilang problema? Ngunit ang sinasabi lang palang problema ng pamahalaan ay ang kawalan nila ng tirahan, at hindi ang problema ng dukha sa kahirapan. Kaya ang solusyon lagi ng pamahalaan ay bahay. Pag nakakita ng maralitang nakatira sa barungbarong o kariton, ang problema agad ng mga ito'y bahay, kaya ang solusyon ay bahay. Hindi nagsusuri sa kongkretong kalagayan na kaya dukha ang dukha ay dahil sa kahirapan, at hindi pa dahil sa kawalan ng sariling tahanan. Dapat ang solusyon ng pamahalaan ay magkakaugnay ang tatlong salik - ang pabahay, hanapbuhay, at serbisyong panlipunan. Isa man sa mga ito ang mawala ay tiyak na problema muli sa maralita. Kung may maayos na hanapbuhay ang maralita sa lunan-relokasyon, babalik pa ba sila sa dati nilang pinanggalingan upang mapakain lamang ang kanilang mga anak?

Ang mga manggagawa'y tinatamaan ng salot na kontraktwalisasyon. Ito ang naimbentong iskema ng mga kapitalista't pamahalaan upang hindi makaanim na buwan sa trabaho o kumpanya ang manggagawa, dahil dapat na silang ituring na regular paglampas ng anim na buwan. At pag regular na sila, dapat nang kilalanin at ibigay ang mga benepisyong nararapat para sa mga regular na manggagawa. Isa pa ay ang karapatan ng regular na manggagawa na magtatag o kaya'y sumapi sa unyon. Ito ang ayaw ng mga may-ari ng kumpanya, ang magkaroon ng unyon, dahil para sa kanila'y walang karapatan ang mga manggagawa sa loob ng pabrika kundi magtrabaho lang ng magtrabaho, tulad ng kalabaw na walang angal kahit nilalatigo. Kaya ang ginawa ng kapitalista, kasama na ang pamahalaan, ay pinauso ang iskemang limang buwan lang na pagtatrabaho, meron pang isang buwan na trabaho na lang, pang hindi maehersisyo ng manggagawa ang kanilang karapatan, upang hindi sila magtamasa ng benepisyo, tulad ng SSS, PhilHealth, 13th month bonus, at iba pa, na para sa mga may-ari ng kumpanya ay malaking kabawasan sa tubo.

Marami pang sakit ang bayan. Kahit patuloy pa ring nangangako kada kampanyahan ang maraming pulitiko, hindi pa rin nagagamot ang sakit ng katiwalian, pangungurakot, pagwawalang bahala sa kapakanan ng masa, lalo na ng mga dukha. May bayad pa rin ang pagpapaospital, kahit na ang dukhang walang pera'y hihingan muna ng pang-down payment gayong walang-wala na nga. Negosyo ang pagpapaospital imbes na ito'y serbisyo. Napakamahal din ng presyo ng edukasyon gayong ito'y dapat karapatan ng lahat, at hindi pribilehiyo lang ng may salapi.

Ang mga nakaupong trapo (tradisyunal na pulitiko), mga nahalal sa Kongreso't Senado, ay hindi makitaan ng paggawa ng batas pabor sa mga dukha't manggagawa, kundi pawang pabor sa interes ng naghaharing uri, sa interes ng kapitalista, sa interes ng negosyo. Ang ginagawa nilang batas ay yaong nakabubuti sa kanilang interes, sa negosyo't pagpapanatili sa kanilang poder ng kapangyarihan, at panunupil sa karapatan ng maliliit. Sa ating Konstitusyon ng 1987, bawal ang dinastiyang pulitikal, ngunit ang paggawa ng batas upang ipatupad ito'y hindi maipasa-pasa sa Kongreso't Senado dahil pawang mga dinastiyang pulitikal ang mga nakaupo roon. Ang nakasaad sa Konstitusyon ng 1987 na dapat magtamasa ng living wage ang mga manggagawa ay hindi pa rin nagagawan ng batas, at nananatili pa rin ang batas na minimum wage na halos wala pa sa kalahati ng living wage na dapat matanggap ng manggagawa.

Kailangan ng rebolusyon. Kailangan ng tunay na pagbabago. Hindi natin maaasahan ang pagbabago mula sa itaas, mula sa pamahalaan, mula sa elitista, mula sa naghaharing uri, dahil nais nila itong mapanatili. Kailangan natin ng totoong pagbabago mula sa ibaba, mula sa pagkakaisa ng mga dukha, mula sa pagkakaisa ng mga manggagawa, mula sa pagkakaisa ng lahat ng inaaping sektor ng ating lipunan.

Patuloy nating suriin at pag-aralan ang lipunan. Bakit may laksa-laksang naghihirap at may kakarampot na nagpapasasa sa yaman ng lipunan? Bakit ang mga karapatan natin, imbes na tamasahin, ay nagiging negosyo, imbes na serbisyo sa tao? Panahon na para palitan ang sistemang bulok ng isang sistemang tunay na magtatamasa ang buong bayan ng positibong pagbabago. Kung ramdam ng buong katawan natin ang sakit ng kalingkingan, mas ramdam natin ang sakit ng balantukan kahit naghilom pa ang sugat. Ang mga sugat na ito ng ating bayan ay dapat tuluyang gumaling, at gagaling lang ito kung ang mismong aping sambayanan ay kikilos at magkakaisa sa iisang adhikain, magaganap din ang tunay na pagbabagong gagalang sa ating karapatan, pagbabagong magbabahagi ng pantay na yaman ng lipunan sa lahat, pagbabagong magtatamasa ang lahat ng pantay na kalagayan sa lipunan. Marami pang dapat gawin. Kaya kailangan nating kumilos at magkaisa tungo sa ating inaasam na pagbabago.

Sampaloc, Maynila
10 Disyembre 2010

Linggo, Oktubre 3, 2010

Sa Alatiit ng Tugma at Sukat

SA ALATIIT NG TUGMA AT SUKAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.

May pumuna sa akin minsan kung hindi ba ako gumagawa ng mga malayang taludturan (verso libre sa Kastila, free verse sa Ingles). Sabi ko naman, gumagawa rin ako ng malayang taludturan. Iyon nga lang, madalang. Dahil mas nais kong likhain ang mga tulang may tugma at sukat.

Mas ang mga tulang may tugma at sukat ang nais kong gawin. Pakiramdam ko'y bihira na kasi ang gumagawa nito sa kasalukuyan, at karamihan ay malayang taludturan na. Pero hindi dahil malayang taludturan na ang uso ngayon o mas nililikha ng mga henerasyon ngayon ay iyon na rin ang aking gagawin. Mas nais ko pa rin talaga ng may tugma at sukat. Marahil dahil nais kong ipagpatuloy ang nakagisnan kong paraan ng pagtula nina Francisco Balagtas at Huseng Batute.

Napakahalaga na malaman ng sinumang nagnanais tumula kung ano ang tugma at sukat, talinghaga at alindog ng tula, lalo na ang kasaysayan ng pagtula ng ating mga ninuno. Ayon nga sa isa kong guro sa pagtula, dapat muna nating matuto sa kasaysayan, mapag-aralan at makagawa tayo ng tula mula sa tradisyon ng panulaang katutubo. Kaya bagamat nais ko ring magmalayang taludturan, mas kumonsentra ako sa pagkatha ng mga tulang may tugma at sukat. Ngunit dapat nating alamin ano nga ba ang mga anyong ito. Nariyan ang katutubong tanaga, na tulang may isahan o magkasalitang tugma at pitong pantig bawat taludtod ang sukat. Ang dalit naman ay waluhan ang pantig bawat taludtod. Lalabindalawahing pantig naman ang Florante at Laura ni Balagtas.

May tugmaan sa patinig at katinig. Sa patinig, hindi magkatugma kung magkaiba ng tunog kahit na pareho ng titik sa dulo. Halimbawa, nagtatapos sa patinig na o ang dugo at berdugo, ngunit hindi sila magkatugma dahil ang dugo ay may impit at walang impit ang berdugo. Magkatugma ang bugso at dugo, at magkatugma naman ang berdugo at sakripisyo.

Ang akda at abakada ay hindi magkatugma dahil ang akda ay may impit at ang abakada ay wala. Magkatugma ang akda at katha, at magkatugma naman ang abakada at asawa.

Ang bili at mithi ay hindi magkatugma dahil ang bili ay walang impit at ang mithi ay mayroon. Magkatugma ang mithi at bali, habang magkatugma naman ang bili at guniguni.

Sa katinig naman ay may tugmaang malakas at mahina. Ang mga katinig na malakas ay yaong nagtatapos sa mga titik na B, K, D, G, P, S, at T habang ang mga katinig na mahina naman ay nagtatapos sa L, M, N, NG, R, W, at Y.

Maganda ring limiin sa mga ganitong tula ang sukat. May tinatawag na sesura o hati sa gitna, upang sa pagbabasa o pagsasalita ng makata ay may luwag sa kanyang paghinga. Maganda kung bibigkasin ang tula na animo'y umaawit upang hindi mabagot ang tagapakinig. Sa paggamit ng sesura, karaniwang ang labindalawang pantig bawat taludtod ay ginagawang anim-anim, at hindi hinahati ang isang salita, tulad ng dalawang tula sa itaas.

Pansinin ang tugmaan na Saknong 80 ng Florante at Laura ni Balagtas, pati na ang sesura o hati sa ikaanim:

"O pagsintang labis / ang kapangyarihan
Sampung mag-aama'y / iyong nasasaklaw
Pag ikaw ang nasok / sa puso ninuman
Hahamakin lahat / masunog ka lamang."


Pansinin naman ang tugmaan sa ikaanim na saknong ng tulang Pag-ibig ni Jose Corazon de Jesus, pati na ang sesura sa ikawalo:

Kapag ikaw'y umuurong / sa sakuna't sa panganib
Ay talagang maliwanag / at buo ang iyong isip:
Takot pa ang pag-ibig mo, /hindi ka pa umiibig:
Pag umibig, pati hukay / aariin mong langit!


Sa pagdaan ng panahon, naisipan kong magkaroon ng eksperimentasyon sa pagtula. Sa loob ng dalawang buwan ay kumatha ako ng 150 tulang siyampituhan. Ang siyampituhan ang isa sa mga inobasyon ko sa pagtula, mahaba sa tanaga at haiku at kalahati ng soneto. Ito'y may siyam na pantig bawat taludtod sa buong tulang pito ang taludtod (siyam-pito) na hinati sa dalawang bahagi. Ang unang apat na taludtod ang problema o tesis at ang huling tatlong taludtod ang solusyon o kongklusyon. May pag-uulit ng salita, bagamat nag-iiba ng gamit, sa una't huling taludtod. At noong Nobyembre 2008 ay inilathala ko ang librong pinamagatang "Mga Sugat sa Kalamnan: Katipunan ng 150 Tulang Siyampituhan." Ang aklat ay may sukat ng sangkapat ng isang bond paper, at mabibili sa halagang P50 lamang.

Naito ang halimbawa:

AKING LUNGGATI
May bahid ng diwa ng uri
Ang inihahasik na binhi
Sa tumanang linang ng lahi
Laban sa diwang naghahari.
Payak lang ang aking lunggati
Ang iparamdam itong hapdi
Sa diwa nitong naghahari.


May ginawa rin akong onsehan, na labing-isang pantig bawat taludtod at labing-isang taludtod na tula. Narito ang halimbawa:

MASAMA ANG LABIS
may kasabihang "labis ay masama"
kunin lang kung anong sapat at tama
    huwag tularan ang trapong gahaman
    na ninong ng mga katiwalian
sa gobyerno'y kayraming kuhila
sa dugo ng madla'y nagpapasasa
    mga trapo'y di man lang mahirinan
    sagpang ng sagpang, walang kabusugan

ang lalamunang puno'y nakapinid
masibang halos maputol ang litid
nakahihinga pa ba silang manhid


Mas maiging kumuha ng pag-aaral sa mga palihan sa pagtula ang mga nagnanais matuto, tulad ng ibinibigay ng grupong LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo), upang mas mapalalim pa ang pag-aaral hinggil sa tugma at sukat, at sa katutubong pagtula.

Masarap magbasa ng mga tulang may tugma't sukat, kung paanong nalalasahan ko rin naman ang tamis at pait sa mga malayang taludturan. Bagamat nakabartolina sa tugma at sukat ang karamihan ng aking mga tula, malaya naman at hindi nakapiit ang diwang malalasahan ng mambabasa sa pagbabasa ng akda.

Mas ninais ko pa ang alatiit o lagitik ng tugma at sukat, dahil kaysarap damhin at pakinggan ang indayog na tulad ng kalikasan o kalabit ng tipa ng gitara. Parang naririyan lamang sa tabi ang mga kuliglig sa kanayunan kahit nasa pusod ka ng kalunsuran. Kaysa bangin ng malayang taludturang kung hindi ko iingatan ay baka mahulog akong tuluyan at mabalian ng buto't tadyang. Kailangan ang ingat upang ang tula ay hindi magmistulang isang mahabang pangungusap na pinagtilad-tilad lamang.

Linggo, Setyembre 5, 2010

Ang KURUS sa Manggagawa at Iba Pang Tula

Ang KURUS sa Manggagawa at Iba Pang Tula
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kapansin-pansin ang kaibahan ng ispeling ng salitang "kurus" noon sa ginagamit na "krus" ngayon. Dati, ito ay dalawang pantig, ngunit ngayon, ito'y isang pantig na lamang. Marahil ay literal na isinalin ito ng mga bagong manunulat mula sa salitang Ingles na "cross" na isa rin lang pantig. O kaya naman ay nagmula na ito sa sugal na kara krus.

Nang nagsaliksik ako sa internet ng kopya ng klasikong tulang Manggagawa ni Jose Corazon de Jesus upang muling ilathala sa isang publikasyong pangmanggagawa, napansin kong nagkulang ng isang pantig ang ika-12 taludtod ng tula. Kaya agad kong sinaliksik ang mismong aklat, at napansin kong ang ispeling ng "krus" sa internet ay "kurus" sa orihinal. Mali ang pagkakakopya ng mga hindi nakakaunawa sa tugma't sukat sa panulaang Pilipino, basta kopya lang ng kopya, at hindi nagsusuri, na may patakarang bilang ang bawat taludtod. Kahit nang ginawa itong awit ay binago na rin ito't ginawang krus.

Ang tulang Manggagawa ay binubuo ng labing-anim na pantig bawat taludtod, at may sesura (hati ng pagbigkas) tuwing ikawalong taludtod.

MANGGAGAWA
ni Jose Corazon de Jesus

Bawat palo ng martilyo / sa bakal mong pinapanday
alipatong nagtilamsik, / alitaptap sa kadimlan;
mga apoy ng pawis mong / sa Bakal ay kumikinang
tandang ikaw ang may gawa / nitong buong Santinakpan
Nang tipakin mo ang bato / ay natayo ang katedral,
nang pukpukin mo ang tanso / ay umugong ang batingaw
nang lutuin mo ang pilak / ang salapi ay lumitaw,
si Puhunan ay gawa mo / kaya ngayo'y nagyayabang.
Kung may ilaw na kumisap / ay ilaw ng iyong tadyang,
kung may gusaling naangat, / tandang ikaw ang pumasan
mula sa duyan ng bata / ay kamay mo ang gumalaw
hanggang hukay ay gawa mo / ang kurus na nakalagay.
Kaya ikaw ay marapat / dakilain at itanghal
pagkat ikaw ang yumari / nitong buong Kabihasnan.
Bawat patak ng pawis mo'y / yumayari ka ng dangal
dinadala mo ang lahi / sa luklukan ng tagumpay.
Mabuhay ka ng buhay na / walang wakas, walang hanggan,
at hihinto ang pag-ikot / nitong mundo pag namatay.

- mula sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, pahina 98

Inulit din ng makatang Jose Corazon de Jesus sa isa pa niyang tula ang pagkakagamit sa salitang "kurus".

Sa isang mahaba at dating kalsada
ang kurus sa Mayo ay aking nakita.
O, Santa Elena!
Sa buhok, mayroong mga sampagita;
sa kamay may kurus siyang dala-dala
ubod po ng ganda.

- unang saknong ng tulang Gunita sa Nagdaang Kamusmusan mula sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, pahina 91

Kurus din ang ginamit ng kilalang manunulat, nobelista, makata at dating bilanggong si Gat Amado V. Hernandez, na naging Pambansang Alagad ng Sining noong 1973.

ANG PANAHON
ni Gat Amado V. Hernandez

Kurus na mabigat / sa ayaw magsakit
ligaya sa bawa't / bihasang gumamit;
pagka ang panaho'y / lagi nang katalik
ay susi sa madlang / gintong panaginip.

- ikawalong saknong ng 16 na saknong na tulang Ang Panahon ni Gat Amado V. Hernandez, mula sa aklat na Amado V. Hernandez: Tudla at Tudling, pahina 370

Iba naman ang ginamit na ispeling ni Gat Amado V. Hernandez sa 5 saknong niyang tulang Ang Kuros, mula rin sa aklat na Amado V. Hernandez: Tudla at Tudling, pahina 159. Gayunman, dalawang pantig pa rin ang salitang iyon.

Tunghayan naman natin ang tula ng dalawa pang kilalang makata nang bago pa lusubin ng Hapon ang bansa. Tulad ng tulang Gunita sa Nagdaang Kamusmusan at Ang Panahon, ito'y lalabindalawahing pantig din sa bawat taludtod at may sesura sa ikaanim na pantig bawat taludtod.

ANG LUMANG SIMBAHAN
ni Florentino T. Collantes

Sa isang maliit / at ulilang bayang
pinagtampuhan na / ng kaligayahan
ay may isang munti / at lumang simbahang
balot na ng lumot / ng kapanahunan.
Sa gawing kaliwa / may lupang tiwangwang
ginubat ng damo't / makahiyang-parang.
Sa dami ng kurus / doong nagbabantay
makikilala mong / yaon ay libingan.

- unang saknong ng 17 saknong na tulang Ang Lumang Simbahan, mula sa aklat na Ang Tulisan at Iba Pang Talinghaga ni Florentino T. Collantes, pahina 167

TATLONG KURUS SA GOLGOTA
ni Teo S. Baylen

Ikaw, ako't Siya / ang kurus sa Bundok,
Isa'y nanlilibak, / nanunumpang lubos;
Isa'y nagtitikang / matapat at taos,
At nagpapatawad / ang Ikatlong Kurus!

mula sa aklat na Tinig ng Darating ni Teo S. Baylen, pahina 53

Marami pang makata noong panahon bago manakop ang Hapon ang sa palagay ko'y ganito nila binabaybay ang salitang "kurus". Gayunman, marahil ay sapat na ang ipinakitang halimbawa ng apat na makata upang maunawaan nating "kurus" na dalawang pantig at hindi "krus" ang pagbaybay ng mga makata noon ng salitang iyon.

Kaya napakahalagang maunawaan ng sinuman, lalo na kung kokopyahin ang mga tula ng mga sinaunang makata para ipalaganap, na may patakaran sa panulaang Pilipino na tugma't sukat (may eksaktong bilang ang bawat pantig), bukod pa sa talinghaga't indayog. Bagamat sa ngayon ay may mga tulang malayang taludturan dahil sa pag-aaklas ng mga bagong makata sa tugma't sukat at paglaganap ng modernismo sa panulaan, dapat maunawaang iba ang pagkabaybay at bilang ng pantig ng mga salita noon at ngayon, at hindi natin ito basta-basta na lang binabago.

Huwebes, Agosto 26, 2010

Reinstatement at ang Hostage-Taking

REINSTATEMENT AT ANG HOSTAGE-TAKING
ni Greg Bituin Jr.

Agosto 23, 2010, walong turistang Tsino mula sa Hong Kong ang napatay, at ang pulis na nang-hostage sa kanila sa isang bus sa Maynila ay napatay naman ng isang sniper ng kapulisan. Nagulantang hindi lamang ang buong bansa kundi ang buong mundo sa nangyari.

Ang salarin, si dismissed Captain Rolando Mendoza, ay nagawang i-hostage ang 25 turista sa loob ng bus, dala ang isang M-16. Ang dahilan ng hostage-taking ay ang kagustuhan ng pulis na mabalik sa kanyang trabaho o reinstatement. Ngunit ang isyu ng reinstatement ay natabunan na dahil sa pagkamatay ng walong bihag mula sa Hong Kong.

Ngunit bakit kailangan pang umabot sa ganito kung ang isyu lang ay reinstatement? Nais mabalik sa serbisyo ng pulis na hostage-taker na si Capt. Mendoza, isang decorated police officer, na noong 1986, isa siya sa Ten Outstanding Policemen of the Philippines (TOPP) award na iginawad ng Jaycees International, at nakatanggap din ng Medalya ng Papuri (Medal of Honor), PNP Badge of Honor, Medalya ng Kasanayan (Medal of Competence), Medalya ng Kagalingan (Medal of Excellence) at ng Medalya ng Paglilingkod (Medal of Service).
http://www.gmanews.tv/story/199286/rolando-mendoza-from-decorated-cop-to-hostage-taker

Paano ba ang pag-handle ng kapulisan sa grievance ng kanilang mga tauhan? Ang kapulisan ba ay katulad din ng mga unyon na may grievance committee? Marahil, mayroon niyan, tulad din ng mga maliliit na samahan, kahit na sa barangay. Ngunit paano nga ba nina hinawakan ang kasong ito ng hostage-taker para umabot pa sa ganito kalalang sitwasyon.

Alam nating kaiba ang sitwasyon ng karaniwang manggagawa sa pabrika at sa karaniwang empleyado ng gobyerno tulad ng kapulisan, lalo na pagdating sa grievances. Maraming kaso sa DOLE o sa NLRC ang nakabinbin pa nga na humihiling ang manggagawa ng reinstatement.

Ano ba ang reinstatement? Ayon sa USLegal.com, "Reinstatement, in employment law, refers to placing a worker back in a job he has lost without loss of seniority or other job benefits. Usually ordered by an agency, such as the National Labor Relations Board, or judicial authority, together with back pay, as a remedy in discrimination cases."
http://definitions.uslegal.com/r/reinstatement/

Ayon naman sa Philippine Labor Laws, "Reinstatement is a relief granted to an illegally dismissed employee which restores him to the position from which he was removed, that is, to his status quo ante dismissal. Reinstatement should be without loss of seniority rights and other privileges." http://www.laborlaw.usc-law.org/2010/02/16/reliefs-of-illegally-dismissed-employees/

Pag ang empleyado o mangaggawa ay ilegal na tinanggal, isa sa mga remedyo o katugunan sa problema ay reinstatement o ibalik siya sa trabaho. "As a necessary consequence of the finding of illegal dismissal, the illegally dismissed employee becomes entitled to reinstatement as a matter or right. The employer must reinstate him to the position he was holding prior to his dismissal. Ideally, this should be the case." (ibid)

Sa kaso ng hostage-taker na isang pulis na natanggal sa trabaho, ang tanging kahilingan niya ay reinstatement. Sa kasong ganito, hindi ang NLRC o DOLE ang siyang hahawak, kundi ang Ombudsman, dahil siya ay empleyado ng gobyerno, at hindi ng pribadong kapitalista.

Ibalik sa trabaho. Ito ang tanging hiling ng hostage-taker. Ngunit ang karaingan ba ng hostage-taker na pulis ay hindi binibigyang-pansin, kaya kinailangan pa niyang gumawa ng marahas na hakbang para mapakinggan?

Ang nasabing pulis ay natanggal sa kanyang trabaho dahil sa kasong extortion, ngunit naniniwala ang pulis na ito na hindi makatarungan ang desisyon sa kanyang kaso.

Sa mga kaso ng manggagawang ilegal na tinanggal sa pabrika, mas pinapaboran ng batas ang kapitalista, dahil ang mismong mga gumawa ng batas ay hindi naman mga manggagawa kundi mga mayayamang nahalal sa ating kongreso at senado. Kaya maraming butas ang batas. Kailangan talagang desisyunan ng korte ang isyu ng reinstatement, na karaniwan ang talo ay ang dukhang manggagawa.

Sa kaso ng mga empleyado ng gobyerno na ilegal na tinanggal, dumadaan ito sa kaukulang ahensya, tulad ng National Police Commission (Napolcom) sa kaso ng pulis, at sa Ombudsman.

Sa kaso ng hostage-taker na si Mendoza, sinampahan siya ng kasong extortion ng Napolcom, kasama ang apat pang pulis, ngunit ang kasong ito'y nalipat sa Ombudsman dahil sa kahilingan ng tatay ng complainant. Ayon sa complainant na si Christian Kalaw, isang chef sa Manila Hotel, kinikilan siya ng P20,000 ng limang pulis, kasama si Mendoza. Napatunayan silang guilty at natanggal sa trabaho, ngunit nag-file sila ng motion for consideration. Para kay Mendoza, nadamay lamang siya dahil sa isyu ng command responsibility, ngunit hindi ito pinaniwalaan, ayon kay Deputy Ombudsman for Luzon Mark Jalandoni.
http://www.manilastandardtoday.com/insideNews.htm?f=2010/august/25/news2.isx&d=2010/august/25

Para sa hostage-taker na pulis, ilegal siyang tinanggal sa serbisyo kaya dapat siyang maibalik sa trabaho. Ito ang kanyang paniniwala. Inhustisya para sa kanya na natanggal siya sa serbisyo.

Gayunman, may prosesong dapat daanan. Ayon kay Ombudsman Merceditas Gutierrez, rerebyuhin niya sa loob ng sampung araw ang kasong pangingikil ni Mendoza, kasama ang apat pang pulis, ngunit di pumayag si Gutierrez na agad ibalik sa serbisyo ang nasabing hostage-taker.

Simpleng masalimuot ang nasabing kaso, dahil para mapakinggan lang ang simpleng kaso ng extortion ay naging masalimuot dahil kinakailangan pang mang-hostage para rito. Sayang ang mga buhay na nawala.

Kaya kinakailangang rebyuhin mismo ang ating mga batas. Bakit ba kaybagal nitong umusad? Totoong magkaiba ang pag-handling sa mga kasong pagkatanggal sa trabaho ng manggagawa sa pabrika at ng empleyado ng gobyerno tulad ng pulis. Ngunit pareho silang api sa kabagalan ng batas sa atin. Gutom na ang pamilya ng manggagawa o empleyadong tinanggal ay hindi pa nabibigyang kalutasan ang kanilang mga hinaing. At ang kanilang hiling, ibalik sa trabaho ang manggagawa o empleyadong ilegal na tinanggal, o reinstatement.

Tulad din ng maraming kaso ng manggagawang tinanggal sa trabaho, kaybagal ding umusad ng hustisya, lalo na sa National Labor Relations Commission, o maging sa DOLE. Dapat may gawin ditong malaking pagbabago bago pa may gumawa muli ng marahas na hakbang na magdudulot ng kaguluhan at kamatayan, tulad ng nangyaring hostage-taking na ang tanging isyu ay reinstatement o mabalik sa trabaho ang isang manggagawa o empleyadong ilegal na tinanggal sa kanilang trabaho.

Miyerkules, Hulyo 28, 2010

Riddle sa taktikang militar sa Queen Seon Deok, naresolba dahil sa putik

RIDDLE SA TAKTIKANG MILITAR SA QUEEN SEON DEOK, NARESOLBA DAHIL SA PUTIK
ni Greg Bituin Jr.
madaling araw, July 28, 4:07 am

Pinanood ko kagabi (July 27) ang episode ng koreanovelang Queen Seon Deok, at hanga ako sa taktikang militar na ipinalabas. Isang riddle o bugtong ng kaaway ang nagdulot ng takot sa kanilang hukbo. Ngunit naresolba ito sa kalaunan nina Heneral Yusin ng hukbo ng Kaharian ng Silla na pinamumunuan ni Queen Seon Deok nang dahil sa putik.

Ayon kay Sun Tzu sa Chapter 1 ng kanyang Art of War, "All warfare is based on deception" o ang lahat ng pakikidigma ay batay sa panlilinlang. Ito'y upang magkaroon sila ng bentahe laban sa mga kaaway. Tulad ng sikat na koreanovelang "Jumong" noon dahil sa psychological at tactical warfare, napapaisip din ang manonood sa tunggaliang strategy and tactics sa Queen Seon Deok.

Sa palabas, sinakop ng tropa ng Baekje ang iba't ibang bayan malapit sa Silla. Hindi pa sila nakakalapit sa Sorobol, ang kapital ng Silla. At pag nasakop na iyon, ay babagsak na rin ang kaharian ng Silla, na pinamumunuan ni Queen Seon Deok.

Ang kinatatakutan ng hukbo ni Heneral Yusin, tauhan ni Seon Deok, ay ang hukbong kabayuhan ng Baekje. Nagtataka sila na ang hukbong kabayuhan ay susugod sa kanila, at pag napaatras nila ay biglang maya-maya lang ay nasa likod na nila ang hukbong kabayuhan ng Baekje, kung saan ang namumuno ay isang nakamaskarang nakakapa ng pula, na umano'y simbilis ng kidlat kung kumilos. Sa bilis na limampung li sa loob ng wala pang kalahating oras, nakakaikot umano ang hukbong kabayuhan sa bundok, na ikinasira ng diskarte ng mga tauhan ni Queen Seon Deok, na pinamumunuan ng hukbo ni Yusin. At naging dahilan ng pagkamatay ng marami nilang tauhan at pagbagsak ng maraming bayan papuntang Silla. (Ang li ay distansyang Ts ino na katumbas ng 500 metro o kalahating kilometro, at ginagamit na noon sa Korea bilang pamantayan o standard ng sukat ng distansya sa mga bansa sa Asya na malapit sa Tsina. Tulad din ng pagiging popular ng milya sa iba't ibang panig ng Europa noon)

Nagdulot iyon ng takot sa hukbo nina Yusin. Dahil nag-aakala silang iisa lamang ang hukbong kabayuhan na kalaban nila. Sa loob lamang ng ilang minuto ay nakaikot na ng bundok o ng masukal na terrain ang hukbong kabayuhan ng Baekje, na para sa hukbo ni Yusin ay imposible.

Hanggang sa gumawa ng plano si Yusin upang tambangan ang hukbong kabayuhan, inatasan ang isang kawal na magpahabol ngunit dadaan sila sa putikan. Habang sina Yusin naman ay nakaabang upang tambangan ang mga kaaway.

Si Heneral Wolyah ng hukbo ng Kaya, na sumumpa na ng katapatan kay Queen Seon Deok, ay kasama na ni Yusin sa laban, ngunit hindi muna niya ito ginamit sa labang iyon dahil may pinaglalaanan si Yusin kung saan mas epektibong magagamit si Heneral Wolyah.

Nakarating sa lugar nina Yusin ang pulutong ng kawal na nagpahabol sa hukbong kabayuhan, ngunit hindi na sila sinundan nito. Maya-maya, dumating sa likod nina Yusin ang hukbong kabayuhan na ikinabigla nila, at ikinamatay ng ilan nilang kawal, kaya agad silang umatras. Ito ang pinagtatakhan nila, gaano kabilis na nakakaikot ng bundok ang hukbong kabayuhan, at laging nasosorpresa ang kanilang hukbo. Ilang bayan na rin ang sinakop ng mga ito, at malapit na sa Sorobol.

Sa ulat ng isang kawal, sinabi nitong ang mga humabol sa kanilang hukbong kabayuhan ay naputikan, at ang sumugod kina Yusin ay walang putik. Dito na nila napagtanto ang panlilinlang ng kaaway. Ibig sabihin, hindi iisa ang hukbong kabayuhan, kundi dalawa. At hindi iisa ang namumuno sa hukbong kabayuhan na nakamaskara at pulang kapa, kundi dalawa. At ibig sabihin din, hindi totoong mabibilis ang nag-iisang hukbong kabayuhan, kundi dalawang pangkat sila, nagtutulungan at nagpapalitan lamang ang mga ito.

Nang dahil sa putik, napagtanto nina Yusin na ito'y isang panlilinlang sa kanilang tropa, dahil nag-akala silang iisa lang ang kanilang kalabang hukbong kabayuhan. Naresolba na kung bakit kaybilis ng hukbong kabayuhan ng tropa ng Baekje, nang dahil sa putik. Habang ang isa'y umaatake at biglang aatras, bigla namang nasa likod na ang isa pang hukbong kabayuhan.

Mamayang gabi, sa Channel 7, 10:30 pm, abangan ang taktika nina Yusin kung paano nila madudurog ang taktikang militar ng hukbo ng Baekje. Abangan kung paano ginagamit sa digmaan ang Sun Tzu's Art of War.

Martes, Hunyo 15, 2010

Sukli'y Kulang ng Sampung Piso

SUKLI'Y KULANG NG SAMPUNG PISO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Minsan, walo kaming magkakasamang galing sa isang aktibidad ng maralita ang sumakay ng dyip. Minimum lang ang pamasahe, P7.00 hanggang sa aming pupuntahan. Nagbayad ang kasama ko ng P70.00 para sa aming walo. Sinuklian naman agad kami ng tsuper ng halagang P4.00.

Aba'y agad umangal ang aking kasama, at sinabing kulang ng sampung piso ang sukli. Sinabi rin agad niyang "P7 x 8 katao equals 56. Kaya P70 minus P56 ay P14, kaya po kulang ng sampung piso ang sukli nyo." Ayos ang pagkwenta ng aking kasama, mathematician! Mukhang anak ni Pythagoras.

Agad namang ibinigay ng tsuper ang P10 nang wala nang tanung-tanong. Marahil alam ng tsuper na nagkamali nga siya. O kaya naman ay maaaring sinadya niya ang gayon sa pag-aakalang makakaisa siya. Napakawalang konsensya naman niya kung gagawin ang gayon, ngunit maraming tao na kinakain na lang ang konsensya at ikinakatwirang mahirap kasi ang buhay.

Marahil kung hindi nagkompyut ang aking kasama, nalagasan na agad siya ng P10. Marahil matataranta siya pag gumawa siya ng finance report at may nawawala palang P10 ay abonado pa siya.

Siya pa lang iyon, ha? Paano kaya kung ganito rin ang ginagawa ng tsuper sa ibang pasahero? Aba'y malaki tiyak ang kita ng tsuper na iyon. Buti na lang, sampung piso lang iyon. Paano kaya kung malakihan na? Paano kaya kung milyones na ang usapan? Aba'y tiyak na ang corruption. At biglang yaman din tiyak yaong nangupit sa suklian.

Kaya napakahalaga talaga ng may kaalaman sa mga batayang aralin sa aritmetika, lalo na sa  matematika. Elementarya pa lang ay tinuruan na tayo ng addition, subtraction, multiplication at division. Ito pala'y di lang pang-eskwela, kundi para sa pang-araw-araw na buhay.

Kahit sa pagbili ng anuman sa sari-sari store, napakahalaga ng may kaalaman sa aritmetika’t matematika dahil sa usapin ng pagbabayad at pagsusukli.

Martes, Mayo 11, 2010

Ang aswang na nagnakaw ng manok

ANG ASWANG NA NAGNAKAW NG MANOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Naikwento sa akin ito ng isang kasamang babae na napunta na sa lugar ng relokasyon. Dati siyang nakatira sa lungsod at nademolis na ang kanilang tirahan. Kasama siya sa mga napalipat sa relokasyon sa isang kalapit na probinsya.

Grabe ang sitwasyon sa mga relokasyon. Inilayo ka na sa trabaho mo, wala pang kuryente at tubig sa pinaglipatan mong relokasyon. Kumbaga'y talagang hirap ang kalagayan ng mga maralitang nalilipat sa relokasyon.

Kailangang hindi sila magutom. Kailangan nilang magtanim-tanim, ngunit hindi agad tutubo ng ilang araw lang ang kanilang mga tanim. Kaya dapat nilang gumawa ng paraan kung paano makakakain ang kanilang pamilya. 

Mayroon din namang nag-alaga ng mga manok, ngunit hindi naman agad nila kinakatay ito dahil balak nilang ibenta para may pambili sila ng bigas. Mahirap naman kung pulos manok lang ang kakainin nila araw-araw, bukod sa mauubos ang manok ay nakakaumay na pulos manok na iba't ibang luto ang kanilang kinakain. 

Meron namang wala talagang makain, walang tanim na gulay at walang alagang manok o hayop. Sila ang mga hirap talaga sa buhay. Dati silang mangingisda sa Lungsod ng Navotas na itinapon sa bundok ng Towerville sa Bulacan. Sanay silang mangisda ngunit wala silang mapangisdaan sa bundok. Talagang ibang diskarte ang dapat gawin.

May isang kwento ang isang kasamang babae na nalipat sa relokasyong iyon na magandang pagnilayan. Dahil nang ikinwento niya iyon, naisip ko ang ilang mga paniniwala sa probinsya na ikinapapahamak nila. Tulad na lang ng ikinwento niya sa akin nang manakawan ng ilang manok ang kanyang kapitbahay.

Isang gabi, ang kanyang kapitbahay na may mga alagang manok ang natakot sa tinig na animo'y aswang. Dahil hatinggabi na at halos pawang tulog na ang lahat, nagtalukbong siya ng kumot. Naisip niyang magtago upang hindi makain ng aswang. Ilang beses rin niyang narinig ang tinig na iyon noong nasa probinsya pa siya.

Mataas na ang araw nang gumising siya at magbangon. Nagmumog at naghilamos. Kinain ang natirang bahaw at tuyo na ulam niya ng nakaraang gabi. Paglabas niya ng bahay at pakakainin sana ang mga manok, nakita niyang wala nang manok sa kulungan. Limang manok na bantreks iyon, kulay puti. Medyo malaki na ang mga iyon at balak nga niyang ibenta sa susunod na linggo.

Nagtanong-tanong siya sa mga kapitbahay kung nasaan napunta ang kanyang mga manok. Sino ang kumuha? Sino ang nagnakaw? Walang makapagsabi. Sinumbong niya sa opisina ng baranggay ang nangyari. Tinanong siya kung wala ba siyang napunang kakaiba ng gabing nagdaan.

Ikinwento lang ng may-ari ng manok na parang dinalaw siya ng aswang kagabi, dahil narinig niya ang boses ng aswang ng tulad ng naririnig niya sa pinanggalingang probinsya. Nagtalukbong siya sa takot hanggang bumangon siya ng sumikat na ang araw. Wala nang aswang pag sikat ng araw.

Sabi ng isang kagawad ng baranggay, "Naku, naloko ka. Ninakawan ka ng aswang na sinasabi mo."

Nag-imbestiga ang baranggay kung sino ang mga nagkatay o kumakain ng manok sa komunidad. May nakapagturo, ngunit hindi naman umamin ang tinuro dahil binili daw nila iyon sa palengke.

Di na natagpuan kung sino ang kumuha ng kanyang mga alagang manok. Naglaho na iyong parang bula.

Kaya ang payo ng kagawad ng baranggay sa kanya, at sa iba pang mga tao roon, "Huwag kayong magpapaniwala sa mga pamahiin. Kesyo may aswang, tikbalang, o anumang nilalang na nakakatakot, dahil hindi naman iyan totoo. Kung hindi ka sana nagpadala ng takot, hindi ka sana nanakawan ng manok."

Isang aral ang kwentong iyon sa maraming mga napunta sa relokasyon, na dahil sa hirap ng buhay sa relokasyon, ay gagawa't gagawa ng paraan ang mga tao upang makakain lamang. Kahit na takutin ang kapitbahay at magkunwaring aswang sa kapitbahay na naniniwala sa aswang.

Martes, Abril 6, 2010

Ang Gutom ng Makatang Huseng Batute at Ako

ANG GUTOM NG MAKATANG HUSENG BATUTE AT AKO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Namatay di sa gutom, kundi sa pagkasira ng bituka dahil sa pagpapabayang magutom, ang makatang si Jose Corazon de Jesus, na kilala rin bilang si Huseng Batute.

Ganito isinalaysay ng kritikong si Virgilio S. Almario ang kamatayan ni Huseng Batute, na tinawag niyang Corazon: "Bago pumasok ang taong 1932 ay malimit idaing ni Corazon ang paghapdi ng tiyan. Sang-ayon kay Aling Sion, bunga ito ng kanyang madalas na pagpapalipas ng gutom. May ugali si Corazon na hindi kumakain hanggang makatapos ng kanyang pagtatanghal. Walang alinlangan, samakatwid, na nabutas ang kanyang bituka dahil sa pagtitiis ng kalam ng sikmura tuwing gabing siya'y tutula. Kung iisiping ibinibimbin ang kanyang paglabas sa tanghalan hanggang sa hatinggabi para masabik ang manonood sa halimbawa'y koronasyon ay talagang matatagal ang panahong ipinaghintay ng kanyang bituka bago malamnan!"

"Ilang beses na ipinasok sa ospital si Corazon. Ipinayo ng doktor na tistisin ang kanyang ulser. Ngunit sang-ayon din kay Aling Sion, hindi nakinig sa manggagamot ang makata. May takot pa diumano sa operasyon si Corazon mula nang mapanood ang pagtistis sa ama. Hanggang isang araw, umuwi siyang nahihilo't naliligo sa pawis. Hintakot na tumawag ng doktor si Aling Sion at noon din ay ipinasok sa ospital ang walang ulirat na si Corazon."

"Ipinasiyang operahin ang makata kinabukasan. Ngunit nang dumalaw sa ospital kinaumagahan ang kanyang maybahay ay balisa na ang mga nagbabantay. Tumigas na parang tabla ang kanyang tiyan at sa ganap na 12:40 ng hapon, Mayo 26, 1932, ay nawalan ang madla ng isang batang-bata pang Hari ng Balagtasan."

Sa pagkakasalaysay ni Almario, naging pabaya si Jose Corazon de Jesus sa kanyang kalusugan, lalo na sa pagpapalipas lagi ng gutom, na naging dahilan ng pagkasira ng kanyang bituka. Ngunit may palagay akong hindi lamang si Corazon ang makatang ganito. Marami pang makata at manunulat ang nalilipasan ng gutom. Bakit?

Ganito kasi ang aking karanasan. Ilang beses akong nakatunganga sa kompyuter o sa papel habang hawak ang bolpen at nagsusulat ng mga taludtod, tapos ay bigla na lang akong tatawagin para kumain. Naaasar ako kadalasan dahil nga nasisira ang konsentrasyon ko sa pagsusulat. Gayunman, alam kong hindi nila ako maintindihan. Kung bakit kasi pag gutom ka saka kadalasang lumilitaw sa haraya ang musa ng panitik. Madalas na di makasunod ang ilang makata sa tamang oras ng pagkain, lalo’t sumasabay ito sa panahong lumilikha ang makata ng taludtod, saknong o sanaysay, pagkat nasisira ang konsentrasyon, natatakot na baka mawala ang mga magagandang salitang naglalaro sa utak ng makata sa panahong iyon. Kaya agad niyang isinusulat ang anumang mga kataga o pariralang nasa kanyang isip. Saka na lang maiisip kumain pag talagang ramdam na ang pagkagutom.

Ilang beses na ba akong natutulog sa gabi ng di kumakain ng hapunan, at gigising ng madaling araw na iinom na lamang ng tubig pag naubusan na ng pagkain? Ah, di ko na mabilang. Napakaraming beses na. Ngunit ang kapalit ng marami kong beses na pagkagutom ay pagkasulat ng maraming hindi naman basurang tula, kundi sadyang maipagmamalaki ko rin balang araw. Kadalasan din kaya di nakakakain ng tama sa oras ay dahil sa kakulangan ng salapi, na habang naglalakad ka pauwi ay wala ka man lamang mabiling kutkutin tulad ng mani, tsitsaron, putoseko, ensaymada o mais kahit merong naglalako. Wala kasing pambili.

Isa pa sa mga pekulyar sa aking karanasan ay habang nagsusulat o kaya'y nagbabasa ako nang malamlam ang ilaw, at sasabihan akong doon ako sa maliwanag magbasa o magsulat. Sa malamlam na ilaw kadalasan akong dinadalaw ng musa ng panitik, at pag maliwanag ang ilaw ay hindi naman ako basta makapagsulat. Inaagaw ng liwanag ng ilaw ang atensyon ng musa ng panitik, kaya imbes na ako'y makapagsulat ay sa ibang bagay ko na nababaling ang aking atensyon, tulad na lang ng tuwinang panonood ng telebisyon.

Ang akala rin ng iba, pag nakatunganga sa bintana ang isang manunulat o makata, nagpapahinga lang ito dahil pagod kaya nakatunganga sa kawalan. Ang di nila alam, sa panahong nakatunganga sa kawalan o kaya’y nakatingala sa kisame ang makata ay saka siya nagtatrabaho. Kaya kadalasan pagharap ko na sa kompyuter ay agad kong natatapos ang isang sulatin, tulad ng tula o sanaysay, dahil nabalangkas ko na sa isip ang aking mga susulatin habang nakatunganga sa kawalan.

Marahil ganyan talaga ang maging makata. Tulad ni Huseng Batute, ang karanasan ng makatang tulad ko ay kakaiba. Ngunit sa pagbabasa ko ng talambuhay ni Huseng Batute, napukaw ang isip ko sa aking kalusugan. Hindi ko pala dapat pabayaang di ako nakakakain at balewalain ang gutom habang kumakatha. Gayunman, alam kong marami pa ring pagkakataong hindi ako makakakain ng tama sa oras dahil sa tuwinang pagdalaw ng musa ng panitik sa aking haraya sa panahong hindi ko siya hinahanap.

Huwebes, Marso 25, 2010

3 Pinoy sa Knockout of the Year ng Ring Magazine

Tatlong Pinoy sa Knockout of the Year ng Ring Magazine
Sinaliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tatlong Pilipinong boksingerong nakapagtala ng makasaysayang knockout sa boksing ang kinilala ng Ring Magazine, ang itinuturing na bibliya ng boksing sa buong mundo.

Nanalo sa Knockout of the Year si Morris East ng Pilipinas nang kanyang pinatulog si Akinobu Hiranaka ng Japan sa ika-11 round ng kanilang laban at nakamit ang titulo sa World Boxing Association (WBA) lightwelterweight noong 1992.

Labinlimang taon ang makalipas, naging kampyon ang Pilipinong si Nonito Donaire nang ma-knockout niya sa ika-5 round ang kampyong si Vic Darchinyan ng Armenia (2007) kaya nasungkit ang titulong World Flyweight champion ng International Boxing Federation (IBF) at International Boxing Organization (IBO).

Noong 2009 naman, pinatulog ng ilang minuto sa kanbas sa pamamagitan ng makasaysayang ika-2 round na knockout ng Pinoy pound-for-pound king na si Manny Pacquiao ang kampyong si Ricky Hatton ng Britanya upang maging kampyon ng IBO World Junior Welterweight (or Light Welterweight) at The Ring World Junior Welterweight.

Naitatag ang Ring Magazine noong 1922, at mula 1989, pinasimulan nila ang pagkilala sa pinaka-memorable, makasaysayan, at pinag-uusapang knockout na nangyari sa boksing sa bawat taon. Sa talaan, 13 ang Amerikano, 3 Pilipino, 1 taga-Argentina, 1 taga-Puerto Rico, 1 taga-Canada, 1 taga-Ghana, at 1 taga-Colombia.

Narito ang talaan ng kinilalang Knockout of the Year ng Ring Magazine:

1989: United States Michael Nunn KO 1 Italy Sumbu Kalambay
1990: United States Terry Norris KO 1 Uganda John Mugabi
1991: no award was given
1992: Philippines Morris East KO 11 Japan Akinobu Hiranaka
. . .tie: United States Kennedy McKinney KO 11 South Africa Welcome Ncita
1993: United States Gerald McClellan KO 5 United States Virgin Islands Julian Jackson
1994: United States George Foreman KO 10 United States Michael Moorer
1995: Argentina Julio César Vásquez KO 11 United States Carl Daniels
1996: Puerto Rico Wilfredo Vázquez KO 11 Venezuela Eloy Rojas
1997: Canada Arturo Gatti KO 5 Mexico Gabriel Ruelas
1998: United States Roy Jones Jr. KO 4 United States Virgil Hill
1999: United States Derrick Jefferson KO 6 United States Maurice Harris
2000: Ghana Ben Tackie KO 10 United States Roberto Garcia
2001: United Kingdom Lennox Lewis KO 4 United States Hasim Rahman
2002: United Kingdom Lennox Lewis KO 8 United States Mike Tyson
2003: United States Rocky Juarez KO 10 Dominican Republic Antonio Diaz
2004: United States Antonio Tarver KO 2 United States Roy Jones Jr.
2005: United States Allan Green KO 1 United States Jaidon Codrington
2006: United States Calvin Brock KO 6 United States Zuri Lawrence
2007: Philippines Nonito Donaire KO 5 Armenia Vic Darchinyan
2008: Colombia Edison Miranda KO 3 United States David Banks
2009: Philippines Manny Pacquiao KO 2 United Kingdom Ricky Hatton

Lunes, Enero 18, 2010

Buti na lang, may facebook

BUTI NA LANG, MAY FACEBOOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Matagal na akong di umuuwi ng bahay, hindi dahil ayaw kong umuwi o kaya'y ipinagtatabuyan ako ng aking mga magulang, o kaya'y wala na kaming pakialaman. Hindi totoo ang mga dahilang iyun. Sa totoo lang, gusto kong umuwi para makita ang aking mga kapatid at magulang, hindi ako tinataboy at tanggap nila ako bilang aktibista, at may pakialaman naman kami sa isa't isa. Magkakaiba lang kami ng pinasok o naging pasiya sa buhay. At sa buhay na pinasok ko, bilang full time sa isang mapagpalayang kilusan, mas makabubuti sa akin ang di palaging umuwi.

Ngunit kadalasan, nanenermon pa ang tatay ko lalo na pag nag-iinuman na kaming magkakapatid. May plano daw siya sa aming magkakapatid, at binigo ko raw ang plano niya sa akin. Sana raw ay mayaman na ako. Ngunit nalimutan niyang may plano rin akong sarili sa buhay ko, kaya di ako sumunod sa plano niya. Di ba, kaya nga tayo pinag-aral ng mga magulang natin ay di para sumunod lang sa plano nila, kundi pag-isipan at pagplanuhan din natin ang ating sariling kinabukasan.

Kahit tanggap ako bilang aktibista, nais pa rin nilang magkaroon ako ng mas stable na trabaho, di tulad ngayon na minsan, pahirapan sa allowance. Ngunit sa aking pasiya at sa prinsipyong tinatanganan ko ngayon, mas mabuti pa ang pahirapan sa allowance kaysa may malaking sweldo sa isang pabrikang nagsasamantala sa manggagawa. Dati na akong naging manggagawa, nagtrabaho ng tatlong taon bilang machine operator sa isang electronics company, bago nag-resign at nag-aral muli.

Dahil bihira akong umuwi ng bahay, di kami nagkakausap ng aking ama't ina at ng aking mga kapatid. May cellphone kami pero bihira ding magkausap, dahil bawat text, piso. Ang simpleng "ok" at "oo" ay P2 na.

Buti na lang may facebook. Mas mabuti pa ito kaysa yahoo, gmail, blog, at multiply, dahil madali dito ang komunikasyon, lalo na sa chat. At tuluy-tuloy pa ang komunikasyon. Di ka mawawalan ng load. Basta okey ang internet at di nagloloko, at kung nasa computer shop, depende sa oras.

At nang dahil sa facebook ay nagkakausap-usap kaming magkakapatid sa pamamagitan ng chat. Dito ko nga lang sa facebook muli kong nakausap ang mga kaklase ko sa elementarya at high school, sa tagal na di namin pagkikita, at dito na rin nagkakakumustahan. Nalalaman ang buhay-buhay ng bawat isa.

Buti na lang may facebook dahil kahit wala ako sa bahay, nagkakausap pa rin kaming magkakapatid.