Huwebes, Disyembre 16, 2010

Ang LIRA at ako

ANG LIRA AT AKO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Agosto 25, 2001 ang una kong pulong sa LIRA o Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo sa Adarna House sa Scout Limbaga St., sa Lungsod, Quezon. Kinausap kami ni Rebecca Añonuevo na pangulo noon ng LIRA na kami ang mga nakapasa at nais nilang maging bahagi ng pag-aaral sa LIRA. Setyembre 1, 2001, sa UST Literary Center ay nagturo sa amin si Ginoong Virgilio Almario o makatang Rio Alma hinggil sa kasaysayan ng panulaan sa Pilipinas.  Setyembre 8, 2001 ang unang sesyon ng pagtuturo sa amin ng tula, at ang unang paksa ay ang tugma at sukat na ang aming guro ay ang makatang si Michael Coroza. Agad niya kaming pinagawa ng tula hinggil sa aming natutunan ng araw na iyon na aming ipapasa sa susunod na sesyon. Tuwing Sabado ng hapon lang ang aming sesyon.

Sa aming mga magkakaklase ay ang aking pyesa ang unang naisalang, dahil bukod sa mahaba, ay hinggil iyon sa naganap na pagbagsak ng World Trade Center at Pentagon sa New York at Washington noong Setyembre 11, 2001. Ang tula kong ipinasa ay binubuo ng labing-anim na saknong na may apat na taludtod bawat saknong, at labingdalawang pantig bawat taludtod. Ayon kay Ginoong Coroza, imbes na labing-anim na saknong ay kaya naman iyong gawin sa tatlong saknong lamang nang hindi nawawala ang buong diwa.

Dahil sa palihan ng LIRA, nakarating ako sa Kongreso ng UMPIL (Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas) na ginanap sa Goethe Institute (German Library) noong Agosto 2001. Dito ko nakilala ang maraming magagaling at kilalang makata ng bansa, tulad ng magkapatid na Roberto at Rebecca Añonuevo, Vim Nadera, Teo Antonio, Jerry Gracio, at marami pang iba. Kaklase ko sa palihang iyon ang ngayon ay pawang sikat na rin sa larangan ng panitikan, na sina Edgar Calabria Samar at Jose Jason Chancoco.

Isa sa hindi ko malilimutan ay ang pagkamatay ng isang kilalang makata. Isang linggo na lamang ay nakatakdang magturo sa amin ang batikang makatang si Mike Bigornia, na awtor ng mga aklat ng tulang Prosang Itim at Salida, nang ito'y mamatay. Nakadalo ako sa burol sa St. Peter, at paglilibing sa kanya sa isang sementeryong malapit sa Tandang Sora sa Lungsod Quezon. Hindi siya nakapagturo sa amin, ngunit nakadaupang-palad ko siya sa Kongreso ng UMPIL.

Mula sa palihan sa LIRA ay naging aktibo ako sa pagtula, at ang hinawakan kong 8-pahinang pahayagan ng maralita bilang managing editor nito - ang Taliba ng Maralita - ay nilalagyan ko ng sarili kong likhang tula. Ganito ang aking katuwaan, na kahit sa pahayagang Obrero ng mga manggagawa ay tinitiyak kong lagi akong may nalalathalang tula.

Ayon sa kasaysayan, taong 1985 nang nagkasundo ang siyam na batang makata — sina Rowena Gidal, Edwin Abayon, Dennis Sto. Domingo, Ronaldo Carcamo, Danilo Gonzales, Vim Nadera, Ariel Dim. Borlongan, Romulo Baquiran Jr., at Gerardo Banzon na patuloy na magtagpo kahit natapos at sumailalim na sila sa Rio Alma Poetry Clinic, isang serye ng mga Sabado ng palihan at madugong pagsipat sa mga tula. Kaya’t noong 15 Disyembre 1985, sa tanggapan ng ngayo’y Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario, (mas kilala bilang Rio Alma) sa Adarna House, Quezon City, isinilang ang Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA), isang organisasyon ng mga makatang masigasig na nagsusulat sa wikang Filipino.

Matapos ang anim na buwan, noong Marso 8, 2002, ay nakapagtapos kami sa LIRA. Kasabay iyon ng paglulunsad ng bagong aklat ng mga tula ni Rio Alma na may pamagat na Supot ni Hudas na kulay itim ang pabalat. Sa aming mahigit dalawampung magkakaklase ay siyam lang kaming nakapagtapos, habang apat naman ang agad na naging kasapi ng LIRA. Hindi ako kasama sa mga naging kasapi bagamat nakapagtapos. Gayunpaman, dinadaluhan ko ang iba't ibang aktibidad ng LIRA basta lamang nagkapanahon.

Itinuturing ko nang bahagi ng aking buhay ang LIRA, dahil napaunlad nito ang aking kakayahan sa pagtula, at lumawak ang aking pananaw sa buhay. Dito'y nadiskubre ko na mas nais kong tumula ng may tugma at sukat, bagamat may ilan din akong mga tulang nasa malayang taludturan.

Sabado, Disyembre 11, 2010

Pambungad sa aklat na "LANGIB AT BALANTUKAN"

Pambungad

NAGHILOM MAN ANG SUGAT, KAYSAKIT PA RIN PAGKAT BALANTUKAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nagnanaknak pa ang sugat ng ating bayan. Ngunit takpan man ng langib ang sugat at tuluyan itong maghilom, ramdam pa rin ng maysugat ang sakit pagkat balantukan, sarado na ang labas ngunit may sugat pa rin sa loob na hindi pa naghihilom. Pagtitiisan na lang ba ito ng maysugat? Kailangan nitong gumaling upang hindi na maramdaman pa ang sakit. Ngunit anong dapat gawin?

Kitang-kita ang pagnanaknak na ito sa buhay ng mga dukha, lalo na ang mga nakatira sa mismong lungsod. May nakatira pa rin sa mga barungbarong, mga tagpi-tagping dingding na tinabingan lang ng mga lumang tela, pira-pirasong tabla o kaya'y lumang tarpolin. At ang matindi, may nakatira sa kariton dahil walang sariling tahanan. 

Maraming walang sariling tahanan sa lungsod. Nakatira lang sa tabi ng riles ng tren, sa ilalim ng tulay, sa gilid ng ilog, sa malapit sa kanal, sa mga mapapanganib na lugar. Ginawan daw sila ng paraan ng pamahalaan, sa pamamagitan ng National Housing Authority (NHA) o ng iba pang ahensya ng gobyerno, sa pamamagitan ng pagdadala sa mga dukha sa mga lunan-relokasyon na malalayo sa kanilang pinagkukunan ng ikinabubuhay. 

Maganda para sa mata ng pamahalaan dahil inilayo na nila sa lungsod ang mga iskwater na masakit sa kanilang mga mata. Ngunit para sa mga maralitang itinapon na lang sa kung saan, ang pinagdalhan sa kanila'y lugar ng libingan. Kumbaga, mula sa danger zone patungong death zone. Walang kuryente, walang tubig, malayo sa palengke't ospital. Malayo sa pinagkukunan nila ng ikabubuhay. Kaya ang nangyayari'y nagbabalikan sa dating pinagmulan ang mga dukha para lang matiyak na malalamnan ang kanilang sikmura dahil naroon sa pinanggalingan ang kanilang trabaho. Di bale nang sumiksik muli saanmang sulok ng lungsod basta't matiyak nilang malalamnan ang kanilang sikmura't mapapatahan sa kaiiyak ang kanilang nagugutom na anak.

Ano ang problema? Hindi ba't sabi ng pamahalaan ay naresolba na ang kanilang problema? Ngunit ang sinasabi lang palang problema ng pamahalaan ay ang kawalan nila ng tirahan, at hindi ang problema ng dukha sa kahirapan. Kaya ang solusyon lagi ng pamahalaan ay bahay. Pag nakakita ng maralitang nakatira sa barungbarong o kariton, ang problema agad ng mga ito'y bahay, kaya ang solusyon ay bahay. Hindi nagsusuri sa kongkretong kalagayan na kaya dukha ang dukha ay dahil sa kahirapan, at hindi pa dahil sa kawalan ng sariling tahanan. Dapat ang solusyon ng pamahalaan ay magkakaugnay ang tatlong salik - ang pabahay, hanapbuhay, at serbisyong panlipunan. Isa man sa mga ito ang mawala ay tiyak na problema muli sa maralita. Kung may maayos na hanapbuhay ang maralita sa lunan-relokasyon, babalik pa ba sila sa dati nilang pinanggalingan upang mapakain lamang ang kanilang mga anak?

Ang mga manggagawa'y tinatamaan ng salot na kontraktwalisasyon. Ito ang naimbentong iskema ng mga kapitalista't pamahalaan upang hindi makaanim na buwan sa trabaho o kumpanya ang manggagawa, dahil dapat na silang ituring na regular paglampas ng anim na buwan. At pag regular na sila, dapat nang kilalanin at ibigay ang mga benepisyong nararapat para sa mga regular na manggagawa. Isa pa ay ang karapatan ng regular na manggagawa na magtatag o kaya'y sumapi sa unyon. Ito ang ayaw ng mga may-ari ng kumpanya, ang magkaroon ng unyon, dahil para sa kanila'y walang karapatan ang mga manggagawa sa loob ng pabrika kundi magtrabaho lang ng magtrabaho, tulad ng kalabaw na walang angal kahit nilalatigo. Kaya ang ginawa ng kapitalista, kasama na ang pamahalaan, ay pinauso ang iskemang limang buwan lang na pagtatrabaho, meron pang isang buwan na trabaho na lang, pang hindi maehersisyo ng manggagawa ang kanilang karapatan, upang hindi sila magtamasa ng benepisyo, tulad ng SSS, PhilHealth, 13th month bonus, at iba pa, na para sa mga may-ari ng kumpanya ay malaking kabawasan sa tubo.

Marami pang sakit ang bayan. Kahit patuloy pa ring nangangako kada kampanyahan ang maraming pulitiko, hindi pa rin nagagamot ang sakit ng katiwalian, pangungurakot, pagwawalang bahala sa kapakanan ng masa, lalo na ng mga dukha. May bayad pa rin ang pagpapaospital, kahit na ang dukhang walang pera'y hihingan muna ng pang-down payment gayong walang-wala na nga. Negosyo ang pagpapaospital imbes na ito'y serbisyo. Napakamahal din ng presyo ng edukasyon gayong ito'y dapat karapatan ng lahat, at hindi pribilehiyo lang ng may salapi.

Ang mga nakaupong trapo (tradisyunal na pulitiko), mga nahalal sa Kongreso't Senado, ay hindi makitaan ng paggawa ng batas pabor sa mga dukha't manggagawa, kundi pawang pabor sa interes ng naghaharing uri, sa interes ng kapitalista, sa interes ng negosyo. Ang ginagawa nilang batas ay yaong nakabubuti sa kanilang interes, sa negosyo't pagpapanatili sa kanilang poder ng kapangyarihan, at panunupil sa karapatan ng maliliit. Sa ating Konstitusyon ng 1987, bawal ang dinastiyang pulitikal, ngunit ang paggawa ng batas upang ipatupad ito'y hindi maipasa-pasa sa Kongreso't Senado dahil pawang mga dinastiyang pulitikal ang mga nakaupo roon. Ang nakasaad sa Konstitusyon ng 1987 na dapat magtamasa ng living wage ang mga manggagawa ay hindi pa rin nagagawan ng batas, at nananatili pa rin ang batas na minimum wage na halos wala pa sa kalahati ng living wage na dapat matanggap ng manggagawa.

Kailangan ng rebolusyon. Kailangan ng tunay na pagbabago. Hindi natin maaasahan ang pagbabago mula sa itaas, mula sa pamahalaan, mula sa elitista, mula sa naghaharing uri, dahil nais nila itong mapanatili. Kailangan natin ng totoong pagbabago mula sa ibaba, mula sa pagkakaisa ng mga dukha, mula sa pagkakaisa ng mga manggagawa, mula sa pagkakaisa ng lahat ng inaaping sektor ng ating lipunan.

Patuloy nating suriin at pag-aralan ang lipunan. Bakit may laksa-laksang naghihirap at may kakarampot na nagpapasasa sa yaman ng lipunan? Bakit ang mga karapatan natin, imbes na tamasahin, ay nagiging negosyo, imbes na serbisyo sa tao? Panahon na para palitan ang sistemang bulok ng isang sistemang tunay na magtatamasa ang buong bayan ng positibong pagbabago. Kung ramdam ng buong katawan natin ang sakit ng kalingkingan, mas ramdam natin ang sakit ng balantukan kahit naghilom pa ang sugat. Ang mga sugat na ito ng ating bayan ay dapat tuluyang gumaling, at gagaling lang ito kung ang mismong aping sambayanan ay kikilos at magkakaisa sa iisang adhikain, magaganap din ang tunay na pagbabagong gagalang sa ating karapatan, pagbabagong magbabahagi ng pantay na yaman ng lipunan sa lahat, pagbabagong magtatamasa ang lahat ng pantay na kalagayan sa lipunan. Marami pang dapat gawin. Kaya kailangan nating kumilos at magkaisa tungo sa ating inaasam na pagbabago.

Sampaloc, Maynila
10 Disyembre 2010