Miyerkules, Pebrero 23, 2011

Ang Makatang sina Balagtas at Hafez, at ang Tarpotula

ANG MAKATANG SINA BALAGTAS AT HAFEZ, AT ANG TARPOTULA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dalawang magkasunod na mahalagang okasyon ang dinaluhan ko sa Unibersidad ng Pilipinas noong hapon ng Pebrero 22, 2011, araw ng Martes. Ang una'y ang panayam hinggil sa panulaan ng mga makatang sina Francisco Balagtas ng Pilipinas at Hafez ng Iran na ginanap sa C. M. Recto Hall ng Faculty Center sa UP . Ang ikalawa naman ay ang Tarpotula: Verses and Visual Art on Tarpaulin na ginanap naman sa Rizal Hall ng Faculty Center sa UP na kaharap ang Vargas Museum.

Ang una'y itinaguyod ng Likhaan: UP Institute of Creative Writing at ng Cultural Section ng Embassy of the Islamic Republic of Iran, habang ang ikalawa naman ay bahagi ng programang Tanghal-Likha ng Department of Filipino and Philippine Literature.

Si Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan Dr. Bienvenido Lumbera ang nagbigay ng panayam hinggil kay Balagtas at si Dr. Mohammad Adi Savadi, guro mula sa Islamic Research Institute for Culture and Thought sa Iran, ang siya namang nagbigay ng panayam hinggil kay Hafez (Khwāja Shamsu d-Dīn Muhammad Hāfez-e Shīrāzī). Napakahalaga ng panayam upang mas makilala pa ang dalawang importanteng makatang Asyano mula sa pananaw ng dalawang kilalang indibidwal.

Si Balagtas (1788-1862) ang makatang nagsulat ng walang kamatayang epikong Florante at Laura, habang si Hafez ((1325–1390) naman ay kumatha ng serye ng Divan na mga tulang matatagpuan umano sa mga bahay ng maraming taga-Iran, kung saan ginagamit ang kanyang tula bilang mga salawikain at kasabihang nagagamit pa nila sa araw na ito.

Pagkatapos ng panayam ay may meryendang inihanda, ngunit lumipat na ako sa kalapit na lugar na pinagdausan naman ng pagbubukas ng Tarpotula, na tatagal hanggang sa Marso 15. Tatlong manunulat at apat na pintor ang nagsagawa ng proyektong Tarpotula, na pawang mga estudyante ng kilalang pintor at gurong si Neil Doloricon. Ang mga estudyanteng ito'y sina John Casipe, Hannah Castillo, Lery Pardalis at Odin Sena na siyang nagdibuho't nagkulay ng kanilang mga obra, kasama ang mga tula ng mga makatang sina Reuel Aguila, Joey Baquiran at Eugene Evasco, sa tarpoulin. Naabutan ko nang nagsimula na iyon, at matapos ang kaunting programa ay meron ding meryenda. Doon na ako kumain ng kaunti.

Nakita ko ang mga iskedyul ng mga aktibidad na ito sa internet lalo na sa website na panitikan.com. Kaya inabangan ko na ang pagdating ng araw na iyon, nang walang kasabay na ibang gawain. Nakapag-relaks ako mula sa mabibigat na gawaing pulitikal, at parang pahinga ko na ang pagpunta sa dalawang aktibidad na pampanitikan. Di naman nasayang ang aking punta pagkat dalawang mahalagang okasyon ang mga iyon na nakadagdag sa aking kaalaman. Gusto ko muling magsulat.

Walang komento: