Miyerkules, Agosto 24, 2011

Ang Pagsasadula ng El Fili sa Luneta

ANG PAGSASADULA NG EL FILI SA LUNETA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Muli na naman akong nagpunta sa Luneta upang manood ng palabas sa Concert at the Park. Dahil Agosto 21 iyon, araw ng Linggo, inaasahan kong baka may isang stage play hinggil sa kamatayan ni Ninoy Aquino.

Dumating ako ng Luneta bandang ikalima ng hapon. Umupo na ako sa upuang bato sa Open-Air Auditorium ng Rizal Park, na kadalasang pinagdarausan ng Concert at the Park. Lumapit sa akin ang isang batang babae, marungis, mukhang batang lansangan, at binigyan niya ako ng papel. Isa pala iyong imbitasyon tungkol sa palabas. Dati ang mga nagbibigay ng imbitasyon ay mga may gulang na, na marahil ay may kaugnayan sa konsyerto. Pero ngayon, mga batang lansangan. Marahil, binigyan sila ng pera ng nag-organisa ng konsyerto para mamigay ng imbitasyon O marahil ay nakatuwaan na lang nilang mamigay, dahil ang ibang nakaupo na itinabi na lang sa upuan ang imbitasyon ay hinihingi ng mga bata para ipamigay sa iba. Magandang inisyatiba, at mukhang naglalaro na lang ang mga bata sa pamimigay. Munting kasiyahang hindi ipinagkait ng mga manonood.

Nakapaloob sa imbitasyon na sa ikapito ng gabi ay magsisimula na ang pagsasadula ng El Filibusterismo. Iyun nga lang, walang nakalagay kung anong oras matatapos, kaya akala ko ay isang oras lamang. Tiyak ang dula ay karugtong ng mga naunangpalabas hinggil kay Rizal dahil sa pagdiriwang ng bansa sa kanyang ika-150 kaarawan. Pero dapat buong Hunyo iyon, Agosto na. At Agosto 21 pa ang petsa, anibersaryo ng kamatayan ni Ninoy. Kaya nagbakasakali akong tungkol kay Ninoy ang palabas.

Dalawang oras pa akong naghintay. Ayon sa imbitasyon, ang dula ay halaw sa nobela ni Jose Rizal, sinulat sa tanghalan ni Jomar Fleras, sa direksyon ni Jose Jeffrey Camañag at Andre Tiangco. Ang mga bida sa

Nagbalik muli sa aking alaala ang mga nabasa ko sa mismong librong El Filibusterismo, at naikukumpara ko ito sa mismong palabas. Sadyang seryoso ang palabas, di tulad ng napanood kong stage musical doon din sa Concert at the Park noong ika-150 kaarawan ni Rizal. Magandang balik-balikan dahil sa mga aral kung bakit naghihimagsik ang mga kababayan.

Mas naunawaan ko ang pagrerebelde ni Kabesang Tales at ni Placido Penitente. Di na gaanong nagpalawig sa buhay ni Maria Clara. At marahil sa pagtitipid na rin para di makadisgrasya, di na pinasabog ang lampara sa nasabing pagsasadula kundi ito'y ninakaw na lamang ni Isagani, ang dating kasintahan ng ikinasal ni Paulita, na nasa pagtitipon kung saan iniregalo ni Don Simoun ang isang lampara.

Ang ganda rin ng palitan ng mga eksena. Ang bapor Tabo ay nagiging asoteya, ito'y naging sala, naging balkon, at iba pa. Kahit ang mga kasuotan ng mga nagsiganap ay sadyang naaayon sa panahon noon.

Tumagal ng dalawang oras ang palabas. Ang ganda ng palabas at nakatutok ang mga tao sa panonood hanggang putulin ito isang oras na ang nakalilipas. Nagbigay ng labinlimang minutong pahinga ang mga nag-organisa, upang marahil ay makapahinga rin ang manonood at makapag-CR kung kinakailangan.

Sa pagtatapos, itinapon ni Padre Florentino ang mga kayamanan ni Simoun sa dagat upang di na pagkainteresan ninuman. Ang yugtong ito'y itinuloy ni Gat Amado V. Hernandez sa kanyang nobelang Mga Ibong Mandaragit, dahil ang nakakuha ng kayamanan ni Simuon na itinapon ni Padre Florentino sa dagat ay napasakamay ni Mando Plaridel, at ginamit niya para sa gawain sa media. Kaya masasabi nating karugtong ng El Filibusterismo ni Rizal ang Mga Ibong Mndaragit ni Gat Amado.

Napakahalaga ng aral ng nobela. Paghihimagsik laban sa kaapihan, at di maaaring magpaapi na lamang sa sinuman. Kahit pa ang kalaban ay ang korporasyon na laging ipinagtatanggol ng mga pari para makuha ang lupaing nilinang ng mga Kabesang Tales. Ang hindi pagtuturo ng wikang Kastila sa mga estudyante, na tingin ng mga estudyante'y di makatarungan.

Umuwi akong may galak sa kalooban kahit di iyon ang aking inaasahang mapanood. Pag-uwi ko, saka ko napanood sa telebisyon, sa Channel 2, ang isang pagtalakay hinggil kay Ninoy Aquino, na ang kamatayan ang nagsilbing mitsa upang mag-alsa ang taumbayan na nagpatalsik sa diktadurang Marcos.

Walang komento: