Biyernes, Enero 27, 2012

Ang tulang "Annabel Lee" ni Edgar Allan Poe at ang tula kong "Judy Ann Chan"

ANG TULANG "ANNABEL LEE" NI EDGAR ALLAN POE AT ANG TULA KONG "JUDY ANN CHAN"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa bang kathang isip lamang ng makatang Edgar Allan Poe si Annabel Lee? O ito'y batay sa tunay na buhay? Saan niya nakuha ang pangalang iyon kung kathang isip lamang? At saan nga ba ang "kingdom by the sea" o kahariang nasa dagat, o marahil ay dalampasigan, na binabanggit ni Poe?

Nang mabasa ko ang tulang iyon ni Poe, naikumpara ko ito sa isa ko ring tula na pinamagatan kong "Judy Ann Chan". Pareho kasing Asyano ang mga apelyidong iyon, Lee at Chan, na mas ginagamit sa bansang Tsina. May dalawa pang artistang Tsino ang may apelyidong Lee at Chan. Sila ang hinahangaan kong sina Bruce Lee at Jackie Chan na pawang magagaling na aktor sa mga pelikulang kung fu. Bukod pa roon ay parehong may Ann sa pangalan ng dalawang dilag.

Ang mga tulang iyon ay pawang tula hinggil sa magandang dilag, at ang pagsuyo at paghanga sa babaeng siyang naging pamagat ng bawat tula. Hinggil sa pagkawala ng dilag ang Annabel Lee habang hinggil naman sa paghanga sa dalaga ang Judy Ann Chan. Sa tulang Annabel Lee, bata pa lang si Poe at si Lee noon, habang sa aking tula, ako at si Chan ay nasa kolehiyo na noon.

Ang tulang "Annabel Lee" ay nalathala umano noong Oktubre 9, 1849 - dalawang araw pagkamatay ng makata. May ilang nagsasabing ang Annabel Lee ay kinatha bilang alaala sa bata pa niyang asawang si Virginia Clemm na maagang namatay.

Ang tulang "Judy Ann Chan" ay naisulat bandang 1995 sa tanggapan ng aming publikasyong pangkampus, ngunit ito'y itinago ko lamang at hindi inilathala. Nakita ko muli ang tulang ito mula sa mga naipong tambak na papeles, at inilathala sa aking blog noong Disyembre 2, 2008. Alay ko iyon sa isang tunay na taong may dugo't laman at hindi kathang-isip.

Ang tanging nalathala sa publikasyong iyon hinggil sa kanya ay ang isa ko pang tula na pinamagatang "Ilalaban kita ng patayan" na ang ginamit kong lagda ay Judreg na kumbinasyon ng aming mga pangalan. Nalathala muli ang tulang iyon noong Oktubre 2006 sa aklat kong "Fire in the Pen" na koleksyon ng mga akda kong nalathala sa aming publikasyon, maliban sa mga balita. May isa pa akong tula na pinamagatan ko namang "Oda sa Dalawang Juday" na hinggil naman sa artistang si Judy Ann Santos at sa dilag na si Judy Ann Chan, na nalathala naman sa aking blog noong Oktubre 18, 2009. Ganito nga yata ang paghanga ko sa dilag na iyon dahil di lang isa ang tula kong alay sa kanya.

Marahil ay kathang isip lamang si Annabel Lee at marahil ay totoong tao rin, tulad ng pagiging totoong tao ng tula kong Judy Ann Chan. Napakamatulain at matalinghaga ang tulang Annabel Lee habang payak naman ang tulang Judy Ann Chan. Payak dahil marahil di pa ako gaanong sanay sa pagtula noon, kaya di pa talaga matulain bagamat may tugma at sukat. Pinapangarap kong balang araw na kumatha pa ng isang tulang marahil ay gayon din ang pamagat na mas katatangian ng pagiging matulain, at di na para sa dilag na iyon kundi bilang isang obrang pampanitikan. At pag nakatha iyon ay bahala na ang mga susunod pang kritiko na pagkumparahin ang Annabel Lee at ang bagong bersyon ng Judy Ann Chan.

Si Poe ay kilala sa kanyang pagiging maestro ng mga kwentong katatakutan at misteryo, at makatang may ibang klase ng indayog, na nanunuot sa diwa't kalamnan. Ika nga ay makatindig-balahibo. Ang sa akin naman ay mga payak na kwento, sanaysay at tulang pawang mga danas at suri sa kalagayang panlipunan, mga kathang aktibista.

Kabataan ko pa noon nang makabili ako ng aklat na "Great Tales and Poems of Edgar Allan Poe" na koleksyon ng "21 short story masterpieces plus 34 narrative and lyric poems" at hinangaan ko si Poe noon, lalo na nang mabasa ko sa likod ng aklat ang ganitong nakasulat: "Edgar Allan Poe, the inventor of the modern detective story, a master of the tale of horror, a poet of haunting melody..." Binili ko ang aklat dahil sa mga salitang iyon, at pinagtiyagaan kong basahin ang kanyang mga akda.

Ang Annabel Lee ay binubuo ng anim na saknong, at may anim na taludtod sa una, ikalawa at ikaapat na saknong, pitong taludtod sa ikalimang saknong, at tigwawalong taludtod naman ang ikatlo at ikaanim na saknong, habang magkakaiba naman ang bilang ng pantig bawat taludtod. Ang Judy Ann Chan ay binubuo ng sampung saknong na bawat saknong ay tigdalawang taludtod, at bawat taludtod ay may tiglabindalawang pantig. Apatnapu't isang taludtod ang Annabel Lee habang dalawampung taludtod lamang ang Judy Ann Chan.

Narito ang tulang Annabel Lee ni Poe, kalakip ang pinagtiyagaan kong salin nito sa wikang Filipino:

ANNABEL LEE

ni Edgar Allan Poe
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

It was many and many a year ago,
   In a kingdom by the sea,
That a maiden there lived whom you may know
   By the name of Annabel Lee;
And this maiden she lived with no other thought
   Than to love and be loved by me.

Ilang taon na yaong lumipad
sa isang kaharian sa dagat
may dalaga roong nananahan
at Annabel Lee ang kanyang ngalan
dalagang wala nang iniisip
kundi ibigi't aking mahalin.

I was a child and she was a child,
   In this kingdom by the sea,
But we loved with a love that was more than love—
   I and my Annabel Lee—
With a love that the wingèd seraphs of Heaven
   Coveted her and me.

Musmos ako at musmos din siya
sa kahariang ito sa dagat
nag-ibigan kaming lalo't higit
ako at ang aking Annabel Lee
na may pagsintang alay sa amin
ng may pakpak na anghel sa langit.

And this was the reason that, long ago,
   In this kingdom by the sea,
A wind blew out of a cloud, chilling
   My beautiful Annabel Lee;
So that her highborn kinsmen came
   And bore her away from me,
To shut her up in a sepulchre
   In this kingdom by the sea.

At ito ang sanhi noon pa man
sa kahariang ito sa dagat
umihip ang hanging nagpaginaw
sa marilag kong si Annabel Lee
kaya mga kamag-anak niya'y
pilit nilayo siya sa akin
nang mapipi siya sa sepulkro
sa kahariang ito sa dagat.

The angels, not half so happy in Heaven,
   Went envying her and me—
Yes!—that was the reason (as all men know,
   In this kingdom by the sea)
That the wind came out of the cloud by night,
   Chilling and killing my Annabel Lee.

Anghel na di gaanong masaya
ay nainggit sa aming dalawa
Oo, iya'y sanhi (madla'y alam
sa kahariang ito sa dagat)
gabi, hangi'y umihip, guminaw
at pumaslang sa'king Annabel Lee

But our love it was stronger by far than the love
   Of those who were older than we—
   Of many far wiser than we—
And neither the angels in Heaven above
   Nor the demons down under the sea
Can ever dissever my soul from the soul
   Of the beautiful Annabel Lee;

Ngunit pagsinta'y kaytinding higit
ng pagsinta ng mga matanda
at mauutak kaysa sa amin
maging mga anghel sa itaas
at demonyo sa laot ng dagat
ay di mapaglayo ang kalulwa
ko't ng maganda kong Annabel Lee

For the moon never beams, without bringing me dreams
   Of the beautiful Annabel Lee;
And the stars never rise, but I feel the bright eyes
   Of the beautiful Annabel Lee;
And so, all the night-tide, I lie down by the side
   Of my darling—my darling—my life and my bride,
   In her sepulchre there by the sea—
   In her tomb by the side of the sea.

Buwang di nikat, nang di nangarap
ng pagkarilag kongAnnabel Lee
Tala'y di nikat, linaw ng mata'y
dama ko sa aking Annabel Lee
at sa dilim, humimlay sa tabi
ng aking sinta, asawa't buhay
sa kanyang sepulkro sa may dagat
sa kanyang puntod sa tabing-dagat

Narito naman ang tulang Judy Ann Chan na isinulat ko noong 1995 at itinuturing kong isang walang kamatayang obra bagamat payak, isang tulang hindi nailathala sa publikasyong pangkampus noon, kundi aking itinago, at muling natagpuan noong 2008.

JUDY ANN CHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

magandang tibak na aking hinangaan
ang aking kasamang ngala'y Judy Ann Chan

kay-aliwalas ng kanyang mga ngiti
tsinita, dalaga, malambing, maputi

handa kong ialay ang iwi kong buhay
masimsim lang yaong ganda niyang taglay

siya sa akin ay isang inspirasyon
upang magpatuloy na magrebolusyon

Judy Ann Chan, aking kapwa aktibista
para sa obrero, kami'y nakibaka

pinagsamahan ang grupong Kamalayan
opisyales kami nitong kabataan

siya ang sa mundo'y aking pinangarap
na makakasama sa ligaya't hirap

ngunit kung sakaling di kaming dalawa
ako'y di mapalad, sinwerte ang iba

siya'y iingatan, ang tangi kong hiling
siyang sa puso ko'y iningatang lihim

pagbati sa iyo, Judy Ann kong sinta
kahit sandali lang, nakasama kita

Hinggil naman sa dalawa pang tulang nabanggit na alay ko rin sa kanya, hindi ko na iyon inilathala rito at bahala na ang iba sa pagsasaliksik niyon.

Huwebes, Enero 19, 2012

Ang "Monologo ng Manggagawa" ni Roberto "Bobet" Mendoza

ANG "MONOLOGO NG MANGGAGAWA" NI ROBERTO "BOBET" MENDOZA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mapalad ako't nabili ko sa halagang P100 lamang ang aklat na "BANGON: Antolohiya ng mga Dulang Mapanghimagsik" na sale sa UP Press Bookstore noong Disyembre 14, 2007. Ang nasabing aklat ay binubuo ng 760-pahina, at may sukat na 7" ang lapad at 10" ang taas. Sa kapal na ito'y baka mahigit P500 ito sa iba pang bookstore. Buti na lamang at natsambahan kong nagbaratilyo ng libro ang UP Press Bookstore na nasa unang palapag ng Balay Kalinaw sa UP Diliman.

Klasik ang librong ito at collector's item na kung tutuusin, dahil ito'y katipunan ng mga dulang nilikha mismo ng mga manggagawa mula sa pabrika, mga dulang tinipon sa loob ng tatlong dekadang singkad, mula 1967 hanggang 1997. Inilathala ang aklat na ito ng Office of Research Coordination ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Lungsod ng Quezon noong 1998, kung saan ang mga patnugot ng aklat na ito'y sina Glecy C. Atienza, national artist for literature Bienvenido L. Lumbera, at Galileo S. Zafra. 

Nang makita ito ni Apo Chua, isang UP professor, awtor ng libro at tagapayo ng Teatro Pabrika, tinanong agad niya sa akin kung nabasa ko na sa librong ito ang tula ni Bobet Mendoza, na isang kasapi rin ng Teatro Pabrika. Ang sabi ko'y hindi pa, at itinuro niya sa akin ang "Monologo ng Manggagawa" sa mahabang dulang "Kuwatro Kantos", na mula pahina 559 hanggang 606. Sinabi niyang basahin ko raw ang tulang ito ni Bobet Mendoza at magugustuhan ko. Kung gayon, si Bobet Mendoza ang tinutukoy sa pambungad ng dulang "Kuwatro Kantos" kung saan nakasulat: "Ang mahabang "Monologo ng Manggagawa" sa dulo ng unang eksena ay nakabatay sa monologo na laging itinatanghal noon ng isang naunang miyembro ng Tanghalang Silangan." Matatagpuan ang nasabing tula sa pahina 575-579 ng nasabing aklat. Matagal ko na ring nakilala si Bobet Mendoza dahil isa siya sa mga mang-aawit at naggigitara para sa Teatro Pabrika, na siya ring grupong pangkultura ng sosyalistang organisasyon at pampulitikang sentro ng uring manggagawa, ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).

Gayunpaman, sa aklat ay walang eksaktong nakalagay kung sino ang tiyak na may-akda ng mahabang tulang "Monologo ng Manggagawa" at tanging ang may awtor ay yaong buong dulang "Kuwatro Kantos" na nakasulat sa pambungad: "Sinulat ito nina Glecy Atienza, Roberto Mendoza at ng Teatro Pabrika Writers' Pool."

Isang trahedya ang tula, na nang dahil sa kahirapan sa lalawigan ay pinangarap ng isang karaniwang tao na maiahon sa kahirapan ang kanyang pamilya, ngunit lagim ang kanyang sinapit sa huli.

Nagsimula ang tula sa paglisan ng manggagawa sa kanilang lalawigan upang magtrabaho sa Maynilang anya'y nakararahuyo. Lumuwas siya ng Maynila't nahanap ang barungbarong na tahanan ng kanyang Nana Sela. Naghanap siya ng trabaho't nakapasok sa pabrika ng pakain sa hayop, ngunit umalis din upang mapasok naman sa isang pabrika ng sapatos. Naging kasapi siya ng unyon at naging aktibo sa mga gawain doon, dahil naniniwala siyang dapat maging makatarungan ang kapitalista sa ibinibigay na sahod at benepisyo sa manggagawa. Hanggang kumilos na rin siya sa labas ng pabrika upang organisahin ang iba pang manggagawa. Ngunit naging mainit siya sa mga kapitalista.

Papauwi na ang manggagawang iyon mula sa isang pagpupulong nang hinablot siya ng kung sinong mga buhong at ipinasok sa sasakyan. Dinala sa isang talahiban, at doon naalala ng manggagawa ang iniwan niyang lalawigan pati na mga magulang at kapatid na naghihintay. Ngunit iyon na pala ang kanyang katapusan.

Tinortyur siya ng mga kumuha sa kanya hanggang siya'y pinatakbong pilit. Tumalima naman siya sa pag-aakalang siya'y makakatakas. Ngunit paano niya matatakasan ang putok ng baril? Sa huling hibla ng kanyang hininga'y umaasa siyang sana'y may magpatuloy pa ng kanyang marangal na adhikain para sa mga manggagawa.

Napakaganda ng salaysay ni Mendoza, at sinuman ang makababasa nito, sa wari ko'y maghihimagsik dahil sa kawalang katarungang sinapit ng manggagawa. Maganda ang pagkakahawak ni Mendoza sa tugma't sukat. Apat na taludtod ang bawat saknong, habang lalabing-apatin ang pantig ng bawat taludtod, bagamat di siya naging masinsin sa pagtiyak ng sesura o hati sa gitna ng tula, na dapat ay may hati sa ikapitong pantig, na sa kabuuan ng tula'y di sumusunod sa ganito. Gayunpaman, di na ito gaano pang mapapansin ng mga mambabasang di pamilyar sa batas ng tugma't sukat, at di na rin papansinin ng sinumang makikinig o manonood sa monologo, dahil sa mas mapapansin nila ang indayog at emosyon ng pagkakasalaysay ng tula.

Isang taas-noo at taas-kamaong pagbati ang iniaalay ko sa makatang ito ng uring manggagawa. Sadyang kalulugdan siya at maoorganisa niya ang mga unyonista't karaniwang manggagawa sa tula niyang ito. Mabuhay ka, kasamang Bobet!

Halina't ating namnamin ang kabuuan ng 34-saknong na tula.



MONOLOGO NG MANGGAGAWA
ni Roberto "Bobet" Mendoza, Teatro Pabrika

Naging balon ng luha mga mata ni Inang;
Kalungkuta'y bakas naman sa mukha ni Tatang;
Maliliit kong kapatid ay nakatingin lang,
Habang ako sa kanila ay nagpapaalam.

Masakit sa loob kong sa kanila'y malayo
Ngunit mga pangarap ko'y di dapat maglaho
Buo ang paniniwalang ito'y matatamo,
Sa Maynilang kilala at nakararahuyo.

Ako nga ay lumisan sa aming lalawigan;
Ang trabahong bukid ay akin nang iiwanan;
At maging si Tatang ay di na mananakahan;
Buong pamilya’y hahanguin sa kahirapan.

Sa barko pa lamang ay di na ‘ko mapakali;
Kinakab’han dahil ‘di alam ang mangyayari;
Kahit may pananabik takot ang nakakubli;
Sa likod ng pag-asa’t pangako sa sarili.

Sa wakas, sa wakas narating ko ang Maynila;
Punong-puno ng tao kahit saan luminga;
Sa sari-saring amoy ikaw ay magsasawa;
Kaya kailangan ay matibay na sikmura.

Agad kong hinanap ang lugar na tutuluyan
Na ibinilin sa akin ng pinsan ni Tatang;
Nagtanong-tanong pa ako sa kung saan-saan;
Sa tsuper, sa pulis, mga tambay sa tindahan.

Sa pinagtatanunga’y aking ipinakita
Ang tangan kong papel iniwan ni Nana Ella
Na nagsasaad kung saan siya nakatira
Kung kaya’t narating, makipot na eskinita.

Nakakakaba ang makitid na daraanan
Dikit-dikit ang bahay halos walang pagitan
Mga tagarito sa aki’y nagtitinginan
Lalo na ang mga lalaking nag-iinuman.

Naglakas-loob akong huwag na lang pansinin,
At sa halip ay nagtuon sa dapat marating
‘Di pa nagtatagal, may kumakaway sa akin
Ang Nana ko palang sa tuwa’y halos magbitin.

Sinalubong ko siya ng ngiti’t pagtataka;
Dahil ang asa ko, ang bahay niya’y maganda
Ngunit ang katotohana’y barung-barong pala
At ito’y nasa tabi ng bundok ng basura.

Matamang minasdan ko ang aking Nana Ella
Ibang-iba siya noong huli kong makita
Kumikinang sa alahas, todo ang pustura
Ngayo’y mukhang ginahasa ng kabayong mola.

Ano pa ba’ng magagawa kundi ang tumigil
Sa paligid na ito na nakahihilahil
Taglay ang pag-asa at walang makakapigil
Na hinding-hindi na muling sa bukid hihimpil.

Hindi nagtagal ako’y naghanap ng trabaho
Pinupuntahan ang mga anunsyo sa dyaryo
Binabasang lahat, paskil na madaanan ko
Ngunit iisang sagot: “Walang bakante dito.”

Tanggapin na nyo ako’t marami akong alam
Sanay ako sa hirap, ang lakas ko’y kay inam;
Maghalo man ng semento, magpukpok, magkatam
Gagawin ko’ng lahat, ‘wag lang tiyan ko’y kumalam.

Dahil sa ‘king kakulitan, ako ay natanggap
Sa pabrika ng feeds ako’y naging tagabuhat
Ngunit anong malas, ako’y pinantal, sinugat
Ngunit naranasan ko ang kakaibang hirap.

Hinintay ko na lamang ang maliit kong sweldo;
Upang makapagpagamot kahit papaano
Ngunit ang takdang araw upang makuha ito
Sadyang pagkatagal-tagal at pabagu-bago.

Sa pangyayaring ito’y di na nga nakatiis
Nilapitan ang bisor at nagtanong kung bakit?
‘Wag daw akong magreklamo’t bawal ang makulit
Kaya’t sa trabaho, agad akong pinaalis.

Kaya ako ay muling naghanap ng trabaho
Sa pabrika ng sapatos, na-regular ako
At dito’y agad akong naging isang miyembro
Ng unyong di ko malaman ang layuning gusto.

Hindi nagtagal at akin nang naunawaan
Ang unyon pala’y para sa aming karapatan
Sahod at benepisyo’y dapat makatarungan
Makakamit lamang ito kung ipaglalaban.

Sa gawaing pag-unyon ako’y naging aktibo
Unti-unting nasasagot ang mga tanong ko
Nalaman ang dahilan maging ang puno’t dulo
Ng lahat ng kaapihan sa lipunang ito.

Ang pagsasamantala ang ugat ng problema
Nang aking matuklasan ay agad na nagpasya
Na kumilos nang lubos di lamang sa pabrika
Sa labas ma’y kaydaming dapat iorganisa.

Naging matagumpay ang aking mga gawain
Sa mga pagawaan ay nagpasalin-salin
Hangad ang pag-uunyo’y lalong pag-ibayuhin;
Buo ang hangaring ang kalayaan ay kamtin.

Sa mga kapitalista ako ay uminit
Mayr’ong nakikiusap at mayr’ong nangungulit,
Mayr’on ding nanunuhol at nananakot pilit
Pag ‘di daw ako tumigil ako’y ililigpit.

Dahil sa batid kong ako ay nasa matuwid
Hindi ako natinag at ni hindi nanginig
Ako’y naniniwala na nasa aking panig
Ang katarungang sa manggagawa’y aking hatid.

Papauwi na ako mula sa aming pulong
Ang lansanga’y mala-dagat noong gabing iyon
Sa tubig-ula’t putik, swelas ko’y bumabaon,
Nang biglang sa aki’y may sasakyang sumalubong.

Hinablot agad ako’t inginudngod sa putik
Ng mga lulan nitong pawang mababalasik
Tinadyakan ako at namilipit sa sakit,
Ulirat ko’y nawala’t lubusang natahimik.

Nang ako’y magising sa silya na’y nakatali
Sa madilim na silid na hindi ko mawari
Kahit anong isip ko’y iisa’ng sumasagi
Nasa bahay akong kalupita’y naghahari.

Umilaw ang bombilya sa may aking ulunan
At mayro’ng pumasok na di ko maaninawan
Paglapit sa akin, ako ay sinikmuraan
Sinampal, pinaso, kinalikot ang katawan.

Ang bawat parusang iginagawad sa akin
Ng mga dyablong itong lubhang mapang-alipin
May kasamang katanungang dapat kong sagutin,
Sumagot ka’t hindi ay tatamaan ka pa rin.

“Di ba ikaw ay rebelde’t isang subersibo?”
“Hindi! Wala akong alam!” ang laging sagot ko
Sila ay lalong bumangis at sinila ako
Kaya’t ako’y nawalang muli ng malay-tao.

Muli akong nagising sa kaibang paligid
Malawak na lupaing mayro’ng mga talahib
Para bang ako ay nagbalik sa aming bukid
Hinihintay ng magulang at mga kapatid.

Ako ay kinalagan ng mga mapandahas
Pinatakbo ako kahit na magkandadulas
Gawin ko raw ito kung nais kong makaligtas
Baka sakaling sa bala ako’y makaiwas.

Tumalima ako at tumakbo papalayo
‘Di pa nagtatagal at sumunod na ang punglo
Ang damo at talahib ay dinilig ng dugo
Payak at bagong pangarap, ngayo’y naglalaho.

Sa ‘king paghalik at pagyakap dito sa lupa
Sana’y may magpatuloy nitong aking nagawa
Ang paglingkuran at mahalin ang ating kapwa
Uri at Inang Baya’y ganap na mapalaya.

Martes, Enero 17, 2012

Ang ASFIPO

ANG ASFIPO
ni Greg Bituin Jr.

Bandang 1998 nang makilala ko ang ASFIPO (Association of Filipino Poets) na pinamumunuan ni Ginoong William Tiñon, isang manunula at mang-aawit. Nakabase pa noon ang ASFIPO sa ikaapat na palapag ng COD sa Cubao, Quezon City. Sa natatandaan ko, tuwing Sabado ng hapon nagkikita-kita dito ang mga kasapi nito. Nagkukwentuhan, nagtutulaan. At gabi na kami nakakauwi, mga bandang alas-sais o alas-syete. Napapasarap kasi ng kwentuhan. Ang COD naman ay bandang alas-otso nagsasara.

Napapunta ako sa COD dahil sa mga kasamahan sa environmental movement na dito na nagpupulong, lalo na sa Earthlite, na naging tambayan namin. Maliit lang naman ang ikaapat na palapag ng COD kaya malalaman mo ang pasikot-sikot dito, at magiging pamilyar na sa iyo ang mga maliit na tindahan at mga nagtitinda, pati na yaong mga may pwesto rito, tulad ng lumang paraan ng panggagamot, mga herbal medicine, at marami pang iba. Marami ring mga paintings na naka-display para sa sinumang bibili.

Si Sir Ding Reyes ng grupong Clear Communicators for Environmental Action and Restoration (CLEAR) at si kaibigang Roy Cabonegro (ng Partido Kalikasan Institute na ngayon) ang lagi kong mga kapulong sa lugar na ito sa usapin ng mga aktibidad pangkalikasan. Marami akong mga nakilala dito. Nariyan ang makatang si William Rodriguez II na kilalang awtor na rin pagkat ilang beses nang inilathala ng Psicom Publishing ang kanyang mga akda. Isa rin sa mga aktibo roon ay si Gina Morito, na isang OFW. Pati na ang designer na si Ms. Sandico Ong ay nakilala ko rin, dahil isa siya sa may pwesto sa COD. Doon ko rin nalaman na si Mr. Tiñon pala ay recording artist, dahil pinakita at pinarinig niya sa akin ang kanyang mga awiting nasa casette tape. Di man sumikat si Sir, mabuti naman at nagawa niya ang mga gusto niyang gawin at pinangarap. Nariyan din ang Sanibkulay na naging mga kabarkada rin, tulad ni Marz Zafe na isang pintor, at may pwesto sa ibaba ng National Bookstore sa Cubao. Di ko na matandaan ang mga pangalan ng iba pang nakilala ko dito, lalo na yaong mga myembro ng ASFIPO, bagamat marahil ay makikilala ko pa sila sa mukha.

Pero nakagiliwan ko talaga ang ASFIPO. Gumagawa kami ng tula at bibigkasin namin ito sa pulong ng Sabado bilang aming pagtatanghal habang bawat isang dumalo ay matamang nakikinig. Dito'y pinauso ko ang dugtungang tula. Ang ginawa ko, nagdisenyo ako sa isang bond paper ng ilang linya na susulatan ng bawat isa. Labing-apat na linya lahat, tamang-tama para sa isang soneto, isang uri ito ng tula na may labing-apat na taludtod. Sa papel, ang bawat makatang magsusulat dito ay tigalawang taludtod. Kumbaga, sisimulan ko ang unang dalawang taludtod, durugtungan ng isang makata iyon ng dalawa pang taludtod, at iyong isa pang makata ay durugtungan din iyon ng dalawang taludtod, hanggang sa dumaan sa pitong makata ang papel, at mabuo ang labing-apat na taludtod. Kaya may nagagawa kaming mga pitong tula, minsan anim lang o lima, na dugtungang tula kada Sabado. Kasi bawat isa sa amin ay bibigyan ko ng papel, kaya bawat isa ay nagsimula ng kanya-kanyang dalawang taludtod ng tula. Kaya ang kinalabasan, maraming tula na iba't iba ang interpretasyon at pagkakagawa. Iba-iba kasi ang nag-akda. Ang matindi pa rito, merong taludtod na may tugmaan, at may mga taludtod na wala, dahil ang nagsulat naman ay yung makatang mahilig sa malayang taludturan. Ako naman, mas tinularan ko ang estilong Balagtas dahil doon ko nakilala ang pagtula.

Minsan na kaming na-feature sa Channel 2, at nakita pa nga ako sa telebisyon na tumula, habang ipinaliliwanag naman ni Mark Logan ang aming isinagawa sa pamamagitan din ng kanyang paraan ng pagtula. Nakausap ni Mr. Tiñon si Mark Logan ng ABS-CBN, at iyon nga, naiskedyul kami. Pinaghandaan namin ang programang iyon. Sabi ni Mark Logan, uso pa rin pala ang paglikha ng tula at pagbigkas nito sa maraming tao sa panahong ito. Napanood pa nga ako ng aking mga kasamahan sa trabaho, pero ako, hindi ko iyon napanood. Ikinwento na lang nila sa akin.

Marami akong nagawang tula rito, ngunit karamihan ng mga tula ko rito'y wala na akong kopya. Kumbaga, hindi ko na talaga makita. May isa nga akong notbuk ng tula na nawala sa opisina ng Kamalayan nuong 1997, at ilang naipon ko ring tula sa ASFIPO ay mabuti't nai-tayp ko, ngunit sa kalaunan, dahil marahil sa dami ko ng gamit, hindi ko na rin ang mga ito mapagkikita kapag kailangan. Palipat-lipat pa kami ng opisina kada isang taong matatapos ang kontrata. Doon na kasi ako natutulog sa opisina ng Sanlakas noong panahong iyon.

Di gaya ngayon, pag nais kong kunin ang isa kong tula para gamitin sa magasin o kaya'y basahin sa isang poetry session, kukunin ko lang ito sa internet, dahil nakapasok na ito sa aking blog na sinimulan ko nuong Marso 2008. Ibig sabihin, mawala man ang diskette o USB ko, o masira ang computer, makakakuha pa rin ako ng kopya ko ng tula.

Nagkawatak-watak lang ang ASFIPO nang isinara na ang ikaapat na palapag ng COD, mga huling bahagi iyon ng 1999, o kaya'y maagang bahagi ng taong 2000. Kaya napilitan si Mr. Tiñon na lumipat ng lugar. Isa na rito ang isang opisina sa P. Paredes St., malapit sa España sa Sampaloc, Maynila, na yung ibaba ay kuhanan ng litrato. Ang isa naman ay sa may kanto ng Raon at Quezon Boulevard sa Quiapo na kinatatayuan noon ng isang branch ng SSS. Medyo nalayuan na ako doon dahil nasa Quezon City ang tinutuluyan ko, kaya bihira na akong nakakapasyal doon. 

Matagal na panahon na rin ang nagdaan, ngunit nasaan na kaya sila? Tanging kami na lang dalawa ni William Rodriguez II ang nagkakausap, sa facebook nga lang. Gayunpaman, hindi ko malilimutan ang ASFIPO dahil naging bahagi ito ng pag-unlad ko bilang isang manunulat at makata. Kung nasaan man ngayon ang mga kasapi at dating kasapi ng ASFIPO, sana'y magkaroon tayo ng reunyon kasama si Mr. Tiñon, at magmumungkahi ako. Gagawa tayo ng isang libro ng mga tula na ang mga magsusulat doon ay iyong mga naging bahagi ng kasaysayan ng ASFIPO noon man at hanggang ngayon. 

Mabuhay ang ASFIPO!