Biyernes, Enero 27, 2012

Ang tulang "Annabel Lee" ni Edgar Allan Poe at ang tula kong "Judy Ann Chan"

ANG TULANG "ANNABEL LEE" NI EDGAR ALLAN POE AT ANG TULA KONG "JUDY ANN CHAN"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa bang kathang isip lamang ng makatang Edgar Allan Poe si Annabel Lee? O ito'y batay sa tunay na buhay? Saan niya nakuha ang pangalang iyon kung kathang isip lamang? At saan nga ba ang "kingdom by the sea" o kahariang nasa dagat, o marahil ay dalampasigan, na binabanggit ni Poe?

Nang mabasa ko ang tulang iyon ni Poe, naikumpara ko ito sa isa ko ring tula na pinamagatan kong "Judy Ann Chan". Pareho kasing Asyano ang mga apelyidong iyon, Lee at Chan, na mas ginagamit sa bansang Tsina. May dalawa pang artistang Tsino ang may apelyidong Lee at Chan. Sila ang hinahangaan kong sina Bruce Lee at Jackie Chan na pawang magagaling na aktor sa mga pelikulang kung fu. Bukod pa roon ay parehong may Ann sa pangalan ng dalawang dilag.

Ang mga tulang iyon ay pawang tula hinggil sa magandang dilag, at ang pagsuyo at paghanga sa babaeng siyang naging pamagat ng bawat tula. Hinggil sa pagkawala ng dilag ang Annabel Lee habang hinggil naman sa paghanga sa dalaga ang Judy Ann Chan. Sa tulang Annabel Lee, bata pa lang si Poe at si Lee noon, habang sa aking tula, ako at si Chan ay nasa kolehiyo na noon.

Ang tulang "Annabel Lee" ay nalathala umano noong Oktubre 9, 1849 - dalawang araw pagkamatay ng makata. May ilang nagsasabing ang Annabel Lee ay kinatha bilang alaala sa bata pa niyang asawang si Virginia Clemm na maagang namatay.

Ang tulang "Judy Ann Chan" ay naisulat bandang 1995 sa tanggapan ng aming publikasyong pangkampus, ngunit ito'y itinago ko lamang at hindi inilathala. Nakita ko muli ang tulang ito mula sa mga naipong tambak na papeles, at inilathala sa aking blog noong Disyembre 2, 2008. Alay ko iyon sa isang tunay na taong may dugo't laman at hindi kathang-isip.

Ang tanging nalathala sa publikasyong iyon hinggil sa kanya ay ang isa ko pang tula na pinamagatang "Ilalaban kita ng patayan" na ang ginamit kong lagda ay Judreg na kumbinasyon ng aming mga pangalan. Nalathala muli ang tulang iyon noong Oktubre 2006 sa aklat kong "Fire in the Pen" na koleksyon ng mga akda kong nalathala sa aming publikasyon, maliban sa mga balita. May isa pa akong tula na pinamagatan ko namang "Oda sa Dalawang Juday" na hinggil naman sa artistang si Judy Ann Santos at sa dilag na si Judy Ann Chan, na nalathala naman sa aking blog noong Oktubre 18, 2009. Ganito nga yata ang paghanga ko sa dilag na iyon dahil di lang isa ang tula kong alay sa kanya.

Marahil ay kathang isip lamang si Annabel Lee at marahil ay totoong tao rin, tulad ng pagiging totoong tao ng tula kong Judy Ann Chan. Napakamatulain at matalinghaga ang tulang Annabel Lee habang payak naman ang tulang Judy Ann Chan. Payak dahil marahil di pa ako gaanong sanay sa pagtula noon, kaya di pa talaga matulain bagamat may tugma at sukat. Pinapangarap kong balang araw na kumatha pa ng isang tulang marahil ay gayon din ang pamagat na mas katatangian ng pagiging matulain, at di na para sa dilag na iyon kundi bilang isang obrang pampanitikan. At pag nakatha iyon ay bahala na ang mga susunod pang kritiko na pagkumparahin ang Annabel Lee at ang bagong bersyon ng Judy Ann Chan.

Si Poe ay kilala sa kanyang pagiging maestro ng mga kwentong katatakutan at misteryo, at makatang may ibang klase ng indayog, na nanunuot sa diwa't kalamnan. Ika nga ay makatindig-balahibo. Ang sa akin naman ay mga payak na kwento, sanaysay at tulang pawang mga danas at suri sa kalagayang panlipunan, mga kathang aktibista.

Kabataan ko pa noon nang makabili ako ng aklat na "Great Tales and Poems of Edgar Allan Poe" na koleksyon ng "21 short story masterpieces plus 34 narrative and lyric poems" at hinangaan ko si Poe noon, lalo na nang mabasa ko sa likod ng aklat ang ganitong nakasulat: "Edgar Allan Poe, the inventor of the modern detective story, a master of the tale of horror, a poet of haunting melody..." Binili ko ang aklat dahil sa mga salitang iyon, at pinagtiyagaan kong basahin ang kanyang mga akda.

Ang Annabel Lee ay binubuo ng anim na saknong, at may anim na taludtod sa una, ikalawa at ikaapat na saknong, pitong taludtod sa ikalimang saknong, at tigwawalong taludtod naman ang ikatlo at ikaanim na saknong, habang magkakaiba naman ang bilang ng pantig bawat taludtod. Ang Judy Ann Chan ay binubuo ng sampung saknong na bawat saknong ay tigdalawang taludtod, at bawat taludtod ay may tiglabindalawang pantig. Apatnapu't isang taludtod ang Annabel Lee habang dalawampung taludtod lamang ang Judy Ann Chan.

Narito ang tulang Annabel Lee ni Poe, kalakip ang pinagtiyagaan kong salin nito sa wikang Filipino:

ANNABEL LEE

ni Edgar Allan Poe
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

It was many and many a year ago,
   In a kingdom by the sea,
That a maiden there lived whom you may know
   By the name of Annabel Lee;
And this maiden she lived with no other thought
   Than to love and be loved by me.

Ilang taon na yaong lumipad
sa isang kaharian sa dagat
may dalaga roong nananahan
at Annabel Lee ang kanyang ngalan
dalagang wala nang iniisip
kundi ibigi't aking mahalin.

I was a child and she was a child,
   In this kingdom by the sea,
But we loved with a love that was more than love—
   I and my Annabel Lee—
With a love that the wingèd seraphs of Heaven
   Coveted her and me.

Musmos ako at musmos din siya
sa kahariang ito sa dagat
nag-ibigan kaming lalo't higit
ako at ang aking Annabel Lee
na may pagsintang alay sa amin
ng may pakpak na anghel sa langit.

And this was the reason that, long ago,
   In this kingdom by the sea,
A wind blew out of a cloud, chilling
   My beautiful Annabel Lee;
So that her highborn kinsmen came
   And bore her away from me,
To shut her up in a sepulchre
   In this kingdom by the sea.

At ito ang sanhi noon pa man
sa kahariang ito sa dagat
umihip ang hanging nagpaginaw
sa marilag kong si Annabel Lee
kaya mga kamag-anak niya'y
pilit nilayo siya sa akin
nang mapipi siya sa sepulkro
sa kahariang ito sa dagat.

The angels, not half so happy in Heaven,
   Went envying her and me—
Yes!—that was the reason (as all men know,
   In this kingdom by the sea)
That the wind came out of the cloud by night,
   Chilling and killing my Annabel Lee.

Anghel na di gaanong masaya
ay nainggit sa aming dalawa
Oo, iya'y sanhi (madla'y alam
sa kahariang ito sa dagat)
gabi, hangi'y umihip, guminaw
at pumaslang sa'king Annabel Lee

But our love it was stronger by far than the love
   Of those who were older than we—
   Of many far wiser than we—
And neither the angels in Heaven above
   Nor the demons down under the sea
Can ever dissever my soul from the soul
   Of the beautiful Annabel Lee;

Ngunit pagsinta'y kaytinding higit
ng pagsinta ng mga matanda
at mauutak kaysa sa amin
maging mga anghel sa itaas
at demonyo sa laot ng dagat
ay di mapaglayo ang kalulwa
ko't ng maganda kong Annabel Lee

For the moon never beams, without bringing me dreams
   Of the beautiful Annabel Lee;
And the stars never rise, but I feel the bright eyes
   Of the beautiful Annabel Lee;
And so, all the night-tide, I lie down by the side
   Of my darling—my darling—my life and my bride,
   In her sepulchre there by the sea—
   In her tomb by the side of the sea.

Buwang di nikat, nang di nangarap
ng pagkarilag kongAnnabel Lee
Tala'y di nikat, linaw ng mata'y
dama ko sa aking Annabel Lee
at sa dilim, humimlay sa tabi
ng aking sinta, asawa't buhay
sa kanyang sepulkro sa may dagat
sa kanyang puntod sa tabing-dagat

Narito naman ang tulang Judy Ann Chan na isinulat ko noong 1995 at itinuturing kong isang walang kamatayang obra bagamat payak, isang tulang hindi nailathala sa publikasyong pangkampus noon, kundi aking itinago, at muling natagpuan noong 2008.

JUDY ANN CHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

magandang tibak na aking hinangaan
ang aking kasamang ngala'y Judy Ann Chan

kay-aliwalas ng kanyang mga ngiti
tsinita, dalaga, malambing, maputi

handa kong ialay ang iwi kong buhay
masimsim lang yaong ganda niyang taglay

siya sa akin ay isang inspirasyon
upang magpatuloy na magrebolusyon

Judy Ann Chan, aking kapwa aktibista
para sa obrero, kami'y nakibaka

pinagsamahan ang grupong Kamalayan
opisyales kami nitong kabataan

siya ang sa mundo'y aking pinangarap
na makakasama sa ligaya't hirap

ngunit kung sakaling di kaming dalawa
ako'y di mapalad, sinwerte ang iba

siya'y iingatan, ang tangi kong hiling
siyang sa puso ko'y iningatang lihim

pagbati sa iyo, Judy Ann kong sinta
kahit sandali lang, nakasama kita

Hinggil naman sa dalawa pang tulang nabanggit na alay ko rin sa kanya, hindi ko na iyon inilathala rito at bahala na ang iba sa pagsasaliksik niyon.

Walang komento: