Huwebes, Mayo 31, 2012

Live Webcast Hinggil sa Karapatang Pantao

LIVE WEBCAST HINGGIL SA KARAPATANG PANTAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang malaking karangalan sa akin ang mapasama sa live webcast viewing ng Universal Periodic Review (UPR) ng Pilipinas nitong Mayo 29, 2012. Kasabay ito ng naganap na botohan ng mga senador sa impeachment. Isinagawa ang nasabing UPR sa ikatlong palapag ng multipurpose hall ng Commission on Human Rights (CHR) sa Daang Commonwealth sa Lungsod Quezon.

Nag-imbita ang PAHRA at PhilRights sa pamamagitan ng email at tawag sa telepono sa iba't ibang NGOs at POs nang sila'y maimbitahan naman ng CHR para sa magaganap na live webcast. Maaga pa lang, bandang alas-dos ay naroon na ako, dahil nakalagay sa imbitasyon ay magsisimula ito ng 2:15 pm at magtatapos ng 8:15 pm. Nakaanunsyo rin ito sa HR Online. Maya-maya’t dumating na rin ang mga kinatawan ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA), PhilRights, Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Partido ng Manggagawa (PM), Medical Action Group (MAG), mga kawani ng CHR, Youth for National Democracy (YND), Sarilaya, Women’s Legal Bureau, mga department heads ng CHR, at marami pang iba. Ako naman ang kumatawan sa Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML). May photographer din at may taga-video sa loob ng session hall.

Mga 150 katao rin ang nakadalo sa live webcast, na nagsimula nang ganap na ikatlo ng hapon. Naka-LCD ito sa isang malaking pader. Malakas din ang sound kaya dinig ito kahit nasa bandang likod. Aircon ang silid na ang dingding ay salamin. Sa ibaba ng screen ay nakalagay ang www.unorg/webcast - United Nations Webcast. Sinimulan ang buong sesyon sa panalangin at sa pag-awit ng Lupang Hinirang.

Ang nag-emcee ay si Ms. Karen Dumpit ng CHR. At ang nagbigay ng paunang pananalita ay si Commissioner Norberto de la Cruz, Officer in Charge.

Sa live webcast, ang tagapag-ulat para sa Pilipinas ay si Department of Justice secretary Leila De Lima, na dating Chief ng CHR. Tinalakay niya ang ulat ng Pilipinas hinggil sa karapatang pantao sa harap ng mga kinatawan ng iba't ibang bansa na pulong ng United Nations Human Rights Council.

Binanggit ni De Lima ang pagsasabatas ng amended Migrant Workers Act, ang amended Labor Code hinggil sa nightwork for women, ang pag-decriminalize sa libel, ang pagsasabatas ng Anti-Torture Act of 2009, at ang ASEAN Convention Against Trafficking. Marami pa siyang natalakay hinggil sa karapatang pantao sa bansa. Matapos niyang mag-ulat ay nagbigay naman ng pahayag ang iba't ibang bansa. Ayon sa ilang mga kasama sa HR network, nasa 71 bansa ang nakatakdang magpahayag hinggil sa ulat ng Pilipinas.

Agad kong napansin dito ang iba't ibang spelling ng mga bansa nang sila na'y magpahayag, magtanong at magkomento hinggil sa ulat ng Pilipinas. Ang una na rito ay ang bansang Singapour (Singapore), na imbes na pore na karaniwan nating alam ay pour na akala mo'y nagbuhos ang pagkabaybay sa pangalan ng bansa. Sumunod ay Slovaque, na tingin ko'y Slovakia, ang Serbia naman ay Serbie.

Saka ko lang naunawaan ito nang malaman kong sa Geneva nga pala sila nag-uulat. Gayunman, inilista ko ang mga pangalan ng bansang ito na nasa wikang Pranses, at sa talaan ay isinama ko ang tamang pagbaybay ayon sa nakikita natin sa Pilipinas. Gayunman, ang Philippines ay tama ang pagkabaybay.

Marami ding hindi mo agad maintindihan tulad ng Pays-Bas, na iyon pala'y bansang The Netherlands, kung saan ang Pays-Bas ay salitang Pranses, ang kahulugan ng pays ay mga bansa at ang bas naman ay mababa, kaya ang Pays-Bas ay low countries ang kahulugan, o The Netherlands.

Nagkomento hinggil sa ulat ng Pilipinas ang mga bansang Corée du Sud (South Korea), Slovakia, Afrique du Sud (South Africa), Espagne (Spain), Sri Lanka, Suede (Sweden), Thailande (Thailand), Timor Leste (East Timor), Trinidad an Tobago (Trinidad and Tobago), Emirats Arabies Unis (United Arab Emirates), Royaume-Uni (United Kingdom), Etats Unis (USA), Uruguay, Venezuela, Viet Nam, Australie (Australia), Austriche (Austria), Azerbadjan (Azerbaijan), Bahrein (Bahrain), Belarus, Bresil (Brazil), Brunei Darussalam, Cambodgie (Cambodia), Canada, Chile, Cuba, Danemark (Denmark), Egypte (Egypt), France, Saint-Siege, Allemagne (Germany), Indie (India), Indonesie (Indonesia). Di gaanong kita ang buong pangalan ng ilang bansang nag-ulat pagkat nakapokus ang camera sa tao kaya di na natin nalaman kung paano ang pagka-spell, tulad ng Bangladesh, Belgium, Ecuador, atbp.

May mga bansang lalaki ang nagsasalita ngunit boses-babae, tulad ng Qatar. Meron namang babae ang nagsasalita ngunit boses-lalaki, tulad ng Madagascar. Haka ko, hindi nagsasalita ng Ingles iyong iba at interpreter nila ang nagsasalita, mga interpreter na nasa kanilang likod at nakatayo. Nabanggit naman ng Australia na dapat mahuli at managot pag napatunayan ang mga suspek sa mga extra-judicial killings sa Pilipinas, tulad nina Palparan, Reyes ng Palawan at mga suspek sa Maguindanao massacre.

Sinagot ni De Lima ang mga tanong at mungkahi ng mga nagpahayag na bansa. Sinabi niyang pinaigting na ang pagsubaybay (monitoring) ng bansa hinggil sa EJK (extra-juducial killings), sapilitang pagkawala (forced disapperances) at torture. Nagtayo na rin ng special task force ang DOJ kasama ang independyenteng CHR, at meron silang MOA (memorandum of agreement). Nagkaroon na rin ng legal remedies tulad ng writ of habeas data. Pagpapatibay ng witness protection program. Pagkakaroon ng IRR (implementing rules and regulations) ng Ra 9745 o Anti-Torture Act of 2009. Pati na rin ang Rome Statute - RA 9851 na batas hinggil sa IHL international humanitarian law, genocide, atbp. Meron na ring panukalang batas (bill) sa kongreso hinggil sa sapilitang pagkawala.

Pinagsalita rin ni De Lima ang dalawa niyang kasamahan, tulad ng Executive Director ng Philippine Commission of Women (PCW) at Undersecretary ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Di ko na nakuha ang kanilang mga pangalan. Iniulat ng taga-PCW ang hinggil sa reproductive and sexual health, mother and children's health at anti-discrimination bill, habang iniulat naman ng taga-DSWD ang hinggil sa right to education, basic literacy program, rescuing child laborers, at ang anti-pornography council. Nakita rin sa video si CHR Commissioner Etta Rosales, ngunit di siya nagsalita sa harapan ng UNHRC.

Ang sumunod na bansang nagpahayag ay ang Iraq, Irlande (Ireland), Jamaique (Jamaica), Laos, Lettonie (Latvia), Liechtenstein, Madagascar, Malaisie (Malaysia), Mexique (Mexico), Qatar, Myanmar, Pays-Bas, Nouvelle-Zelande (New Zealand), Nicaragua, Noruege (Norway), Pakistan, Palestine, Portugal at Maroc (Morocco).

Sinagot ni Sec. De Lima ang mga katanungan mula sa Laos, Mexico, New Zealand at Morocco. Ayon sa kanya, isinasagawa ng Pilipinas and prosecution and conviction of traffickers, rescue of traffic victimes, awareness raising, at ang recent ascension ng Pilipinas sa Rome Statute. Pinagsalita niyang muli ang taga-DSWD na nag-ulat hinggil sa PWDs (persons with disabilities) kung saan ang mga ito'y may 20% discount sa mga gamot mula sa Mercury Drugs, at 5% discount naman sa mga pangunahing bilihin. Meron din umanong panukalang batas na pag-amyenda sa Magna Carta on PWD upang igiit ang pantay na pagkakataon sa pagtatrabaho.

Dinagdag din ni De Lima ang pag-institusyonalisa ng mekanismong feedback. Kasama rin, anya, ang anti-poverty and corruption sa 16-Point Agenda ng social contract sa mamamayang Pilipino. Ayon pa sa kanya, nagpunta ang mga kinatawan ng Pilipinas sa Geneva dahil sa kanilang human rights obligation, at ang lahat ng rekomendasyon ng mga bansa ay kanilang pag-aaralan. Sa huli'y nagpasalamat na siya sa pangulo ng UNHRC na isa ring babae, at sa lahat ng mga kinatawan ng mga bansa.

Bandang 6:30 na ng gabi, nagkaroon kami ng 5 minutes break sa loob ng session hall. Matapos iyon ay nagpahayag ang ilang mga dumalo sa live webcast na iyon ng kanilang kuro-kuro. Unang nagsalita ang kinatawan ng PAHRA na si Rose Trajano kung saan iniulat niyang tatlong bansa ang nagrekomenda ng pag-ratify ng optional protocol, at 5 silang naroon sa Geneva, na kinatawan ng iba’t ibang human rights organization sa bansa upang mangampanya hindi sa mismong pulong kundi sa paggawa pa lamang ng draft. Ang ikalawa’y nagpahayag hinggil sa compensation bill. Ang ikatlo’y nagsalita ang mula sa Komite ng Edukasyon ng CHR. Ang ikaapat ay mula sa BMP. Ang ikalima’y mula sa Women’s Legal Bureau, sumunod ay mula muli sa CHR. At nagpahayag din ang tagapangulo ng PAHRA na si Max De Mesa.

May mga nagpahayag na may kakulangan din ang mga ulat ng Pilipinas, tulad ng hindi pagdodokumento sa mga paglabag sa karapatan ng manggagawa. Ngunit sinagot ito na dapat ay verified cases lang ang iniuulat. Ibig sabihin, ang mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao ay dapat agarang iulat sa kinauukulan. 

Matapos ang pagpapahayag ng mga kuro-kuro, ipinakilala naman ang bagong website ng karapatang pantao - ang iHumanRights.ph. Meron silang planong sa Disyembre 2012, dapat meron nang “over 40,000 documents encoded and categorized by HRV, UPR and Treaty Bodies”. Inanunsyo rin dito ng emcee ang aklat na "A Road in Search of a Map: The Philippines' Human Rights Compliance". Ang nilalaman nito'y mga tinipong akda ng CHR at Civil Society Reports para sa "2nd Cycle Universal Periodic Review (UPR) Process for the Philippines, 2008-2011", at naglalaman ito ng 92 pahina, na nasa 6" x 9" ang sukat. Limitadong kopya lang ito at nakakuha ako ng isang kopya.

Hindi naman kami nagutom dahil habang kami'y nakikinig, maya't maya ang dating ng mga pagkaing Pinoy, tulad ng cornick, banana cue, fish ball, palamig na sago, at may mineral water. Ang hapunan naman namin ay binalot, kung saan namili kami sa limang klase ng ulam: tapa, tosino, baboy, adobo at manok. Ang pinili ko ay tapa. 

Bago umuwi'y naglitratuhan muna sa harapan kasama ang mga dumalo habang hawak nila ang tarpouline hinggil sa naganap na live webcast sa CHR. Alas-otso na ng gabi nang kami'y umalis sa lugar.

Sabado, Mayo 26, 2012

Ang Matematika ng 50% + 1

ANG MATEMATIKA NG 50% + 1
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ano ang simple majority pag odd number, halimbawa, ng 15, kung ang kahulugan ng simple majority ay 50% + 1? Ang sagot ko ay 9, habang ang sagot ng iba ay 8. Alin ang mas tama sa aming dalawa?

Mahalagang malaman at maunawaan natin kung paano ba natin tinutukoy ang simple majority, lalo na sa maraming mga organisasyong nangangailangan ng pagdedesisyon sa isa o maraming usapin. Karamihan ng mga Konstitusyon ng samahan ay isinasaad na ang simple majority ay dapat 50% + 1, at hindi lang simpleng lagpas sa 50%. 

Marami ang nagkakamali ng sagot dahil mas napagtutuunan nila ang 50% lamang at kadalasang nakakaligtaan ang 1 bilang whole number.

Kaya pansinin natin lagi ang numerong 1, at hindi lang yung 50%, dahil hindi pwede ang 50% + 0.5, o 50% + 0.6 bilang mayorya, kundi 50% + 1. Ibig sabihin, dapat na tama ang kompyutasyon natin, dahil tinukoy mismo na ang mayorya ay 50% + 1, at hindi simpleng lagpas lang sa 50%. Halimbawa sa pulong ng isang 15 member council, o sa isang kongresong dinaluhan ng 257 delegado, ano ang tamang bilang ng 50% + 1.

Madali lang ang simple majority kung even number, tulad ng 20 o kaya ay 250. Ngunit kaiba pag odd number. 

Halimbawa may 20 myembro ang konseho, ang mayorya nito ay 11, at kahit sa 50% + 1 nito ay 11 din, na ang kompyutasyon ay [(20 x 0.5) + 1 = n] = [10 + 1 = 11]. At sa 250 naman, ang mayorya ay 126 at ang 50% + 1 nito ay 126 din, na ang kompyutasyon ay [(250 x 0.5) + 1 = n] = [125 + 1 = 126].

Kompyutin naman natin kung ito'y odd number. Bigyan natin ng halimbawa ang isinaad ko sa itaas. Kung simpleng mayorya na hindi depinido kung 50% + 1, ang 8 ang mayorya sa 15, at ang 129 ang mayorya sa 257. Ngunit pag depinido sa Konstitusyon ng samahan na ang simpleng mayorya ay 50% + 1, hindi na natin simpleng sasabihing ang 8 ang mayorya sa 15, at ang 129 ang mayorya sa 257, dahil iba na ito pagdating sa kompyutasyon.

Ano ang simple majority ng 15 member council kung pagbabatayan natin ay 50% + 1: 8 ba o 9? 

Kompyutin natin. [(15 x 0.5) + 1 = n] = [7.5 + 1 = 8.5]. Kung gayon, ang 8 ay di pa pasok sa 50% + 1, dahil mas mataas ang 8.5 kaysa 8, at mababa ang 8 kaysa 8.5. Gayunpaman, wala namang 0.5 na tao, kundi isang tao dapat. Kaya ang susunod na mas mataas na whole number dito ay 9. At dahil hindi pasok ang 8 at dahil pasok ang 9 bilang pinakamaliit na bilang sa 50% + 1 ng 15 member council, ang simple majority ay 9 katao. Ang 8 ay 50% + 0.5 lamang at di ito 50% + 1.

Sa isang kongresong dinaluhan ng 257 delegado, ang simple majority nito ay 130, dahil sa kompyutasyon natin [(257 x 0.5) + 1 = n] = [128.5 + 1 = 129.5], at dahil wala namang 0.5 na tao, ang sunod na mas mataas na whole number sa 129.5 ay 130, kaya 130 ang simple majority ng 257 delegado ng kongreso, at hindi 129. Ang 129 ay 50% + 0.5 lamang, ngunit ang kailangan natin ay 50% + 1.

Kaya iba ang majority rule kaysa simple majority na 50% + 1. Sa majority rule, ang 8 sa 15 katao ang mayorya, ngunit sa 50% + 1, ang 9 ang mayorya at hindi 8. Sa majority rule, ang 129 ang mayorya sa 257 katao, ngunit sa 50% + 1, ito'y 130.

Kaya sa unang tanong sa itaas, ang tamang sagot ay 9 ang simple majority ng 15 member council kung pagbabatayan natin ay ang 50% + 1 na nakasaad sa Konstitusyon ng samahan. 

Sa madaling salita, ang alituntuning simple majority na 50% + 1 ay hindi simpleng lagpas lang sa 50%, dahil naroon ang buong bilang na 1.

Lunes, Mayo 21, 2012

Kamayan Forum: Manggagawa at Kalikasan

KAMAYAN FORUM: MANGGAGAWA AT KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Malaki ang magagawa ng uring manggagawa para malutas ang pagkasira ng kalikasan sa buong mundo. Ito ang buod ng naganap na talakayan hinggil sa kalikasan sa isang forum kung saan ang tagapagsalita'y mga kinatawan ng manggagawa.

Inilunsad nitong Mayo 18, 2012 ang ika-267 sesyon ng Kamayan para sa Kalikasan Environment Forum sa Kamayan Saisaki Edsa, malapit sa SEC sa Ortigas. Ang paksa ay Labor and Environment, kaya ang mga naimbitahang mga tagapagsalita ay mga lider ng mga organisasyong may kinalaman sa manggagawa at sa paggawa. Nasa ika-23 taon na ang forum na ito, na nagsimula noon pang Marso 1990, at nagpupulong ng tatlong oras tuwing ikatlong Biyernes ng bawat buwan, mula ika-11 ng umaga hanggang ikalawa ng hapon. Fully-sponsored ito ng Triple V na siyang may-ari ng Kamayan Saisaki Restaurant. Sa loob ng 23 taon, tuluy-tuloy na nagtalakayan dito ang iba't ibang indibidwal at grupo hinggil sa usaping pangkapaligiran at pangkalikasan. Pinangunahan ito ng CLEAR (Clear Communicators for the Environment), SALIKA (Saniblakas ng mga Aktibong Lingkod ng Inang Kalikasan), at nitong huli'y ng Green Convergence. Ang ika-267 sesyon ng forum na ito ang ikalawang talakayang hinawakan ng Green Convergence, mula nang sila'y mag-take over noong Abril.

Lima ang naimbitahang tagapagsalita para sa paksang Labor and Environment. Ito'y sina Teody Navea, kinatawan ng manggagawa sa Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), Ka Romy Castillo na ikalawang pangkalahatang kalihim ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Larry Pascua na siyang pangkalahatang kalihim ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Transportasyon (PMT), Val Vibal ng Alyansa ng Manggagawa sa Agrikultura (AMA), at Ding Manuel ng child rights program ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod - National Capital Region-Rizal (KPML-NCRR) na siyang nagtalakay hinggil sa Child Labor and Environment.

Ang limang iyon ay inimbitahan ng inyong lingkod, nang mag-text si Gng. Marie Marciano ng siyang main moderator doon na ang paksa para sa Mayo 18 ay Labor and Environment, at kailangan nila ng speakers. Kaya agad ko namang kinumbida ang lima. Talagang sinadya ko pa ang mga tagapagsalita sa kani-kanilang tanggapan at kinausap thru text at telepono upang matiyak ang kanilang pagdating. Bago ito, noong Abril 20, sa ika-266 sesyon ng Kamayan Forum, iminungkahi ko sa mga moderator nito na dahil Mayo, at Daigdigang Araw ng Paggawa tuwing Mayo Uno, imbitahan ang mga manggagawa upang magsalita hinggil sa kalikasan. Pag-uusapan daw nila. At makaraan ang dalawang linggo, tinext ako ni Ate Marie na Labor and Environment ang main topic at ako ang naatasang magkumbida ng mga tagapagsalita.

Tatlo lamang ang nakarating na speaker. Umatras si Larry Pascua at nag-text siya sa akin na kasabay daw ito sa biglang patawag na pulong ng Executive Committeee ng PMT. Di naman nagkaintindihan sa text kay Val Vibal, dahil ang ginamit ko sa text ay yung chikka sa internet, imbes na load. Wala kasi akong pambili ng load ng mga panahong iyon, at hirap din kung saan makakakuha ng pamasahe papunta sa venue. Buti na lang at kasama ko ang dalawang speaker.

Maagang dumating sa venue ang tatlong speaker. Agad naming isinet-up ni kasamang Ding ang LCD projector at ang laptop para sa powerpoint presentation. Maya-maya'y dumating na ang mga tagapagpadaloy ng programa (moderator) nito na sina Marie Marciano at Noemi Tirona ng Green Convergence.

Sinimulan ang pulong ng ganap na alas-onse ng umaga. Nagsimula ito sa panalangin at sumunod doon ay  ang pambansang awit ng Pilipinas. Ang mga nasa harapan o lamesa ng mga speakers ay sina Prof. Nina Galang ng Environmental Science Institute ng Miriam College at pangulo ng Green Gonvergence, si Teody Navea, si Marie Marciano na siyang main moderator, si Ka Romy Castillo at si Ding Manuel.

Bago ipinakilala ng main moderator ang tatlong tagapagsalita, ipinaliwanag muna niya ang takbo ng tatlong oras na talakayan. Sa unang bahagi, tatalakayin ng mga tagapagsalita ang paksa. Sa ikalawang bahagi, iikot naman ang mikropono sa mga dumalo at nakinig sa mga tagapagsalita, kung saan magbibigay sila ng mga kuro-kuro hinggil sa mga tinalakay ng tagapagsalita, magmungkahi at magtanong. Sa ikatlong bahagi, babalik ang mikropono sa mga tagapagsalita upang sagutin ang mga komento at katanungan sa kanila, kasabay ng pagbibigay ng buod ng main moderator sa naganap na buong forum.

Unang nagtalakay si Teody Navea hinggil sa PMCJ, at ang katatapos lang na asembliya ng PMCJ kung saan siya ay nahalal bilang labor representative. Nabanggit din niya ang bagong buong grupo na pinagsamahan ng iba't ibang organisasyon at pederasyon ng mga manggagawa, ang NAGKAISA, na lumabas sa kalsada noong Araw ng Paggawa, Mayo 1, 2012, sa Mendiola. Sinabi rin ni Teody na mahalaga ang papel ng manggagawa, lalo na sa malalaking grupo tulad ng PMCJ, na nangangampanya para sa climate justice o hustisya sa klima. Nagkomento rin si Teody hinggil sa panukalang Green Jobs ng International Labor Organization.

Sumunod na nagtalakay si Ding Manuel ng KPML-NCRR. Dalawang bahagi ang ginawa niyang presentasyon. Ang unang bahagi ay ipinakita niya ang video kung saan naapektuhan ng bagyong Pedring ang tahanan ng mga batang manggagawa, at pagkakaroon ng 11 evacuation centers na pawang mga basketball courts. Ayon sa video, mahalagang magtulungan ang mga maralita, lalo na sa ganitong mga naganap na kalamidad, na may pag-asa pa, at sa dulo ng video ay ipinakilala ang isang bisyon ng KPML, ang pagkakaroon ng isang Village of Hope kung saan ang lahat ng mamamayan ay nagtatamasa ng kanilang karapatan. Sa ikalawang bahagi, tinalakay ni Ding ang kalagayan ng mga batang manggagawa mula sa limang erya ng KPML na may 3,300+ na batang manggagawa, ayon sa kanilang ginawang profile mula pa noong 2007. Sinabi pa niyang ang environment mismo ng mga batang ito ang nagdulot sa kanila upang maging child laborers - ang environment ng kahirapan.

Tinalakay naman ni Ka Romy na ang tao'y nabubuhay mula sa dalawang bagay - kina Inang Kalikasan at Amang Paggawa. Sinabi pa niyang ang dahilan ng patuloy na pagkasira ng kalikasan ay ang sistemang kapitalismo, dahil sa balangkas nito ng kasakiman sa tubo, at walang patumanggang pagwasak sa kalikasan sa ngalan ng tubo. Sa huli'y sinabi niyang mahalagang palitan na ang sistemang ito ng sistemang sosyalismo upang masagip ang lipunan mula sa patuloy na pagkapariwara sa ngalan ng kapitalistang tubo. Sinabi pa niya, "Capitalism is an infinite project in a finite planet."

Dumako na sa ikalawang bahagi ang forum. Panahon naman upang pakinggan ng mga tagapagsalita ang mga kuru-kuro, pala-palagay, mungkahi at katanungan mula sa mga tagapakinig habang kanilang isinusulat ang mga katanungang sasagutin nila sa ikatlong bahagi. Si Gng. Noemi Tirona, co-moderator ni Ate Marie, ang siyang nagpaikot ng microphone at nag-abot nito sa mga nagsidalo at nakinig sa forum. Marami sa mga dumalo ang sumasang-ayon na ang isang sistemang tulad ng kapitalismo ang siyang dahilan ng patuloy na pagkasira ng kalikasan dahil sa labis nitong paghahangad ng tubo kahit na mawasak pa ang sangkalupaan dahil sa pagmimina, sa pagkalbo ng mga kabundukan. Meron namang nagtalakay hinggil sa environment and engineering. At isang batang babae, na anak ng isa sa mga dumalo, ang kinapanayam ni Ate Noemi. Ang sagot ng bata, marami palang problema sa environment, kasi ang alam lang nila ay ang usok ng mga dyip ang nakakasira sa kalikasan. Pati daw pala mining. At ang kongklusyon ng mayorya, dapat ngang palitan ang sistema ng lipunan kung nais pa nating may maipamanang kalikasan sa susunod na henerasyon.

At sa ikatlong bahagi'y sinagot ng mga tagapagsalita ang ilang mga komento at katanungan sa kanila. Nagbigay na rin sila rito ng kanilang huling pananalita sa nasabing talakayan. Sinabi naman ni Teody na ang mga manggagawa ay mulat na hinggil sa usaping kalikasan. Mas tumampok sa kanilang huling pananalita, lalo na kay Ka Romy, na ipinagdiinan ang pangangailangan ng isang sistemang papalit sa mapanibasib na sistemang kapitalismo - ang sosyalismo. At idinagdag pa niya na noong una'y ayaw dumikit ng mga manggagawa sa mga environmental advocates dahil nais lamang ng mga ito na ayusin ang kalikasan habang nawawalan naman ng trabaho ang mga manggagawa. Na sinagot naman ni Marie na mahalaga talaga ang tayo'y magkausap. Sinagot naman ni Ding ang ilang mga katanungan, tulad ng Village of Hope na dapat talagang maisakatuparan, at ang patuloy na kampanya ng KPML upang maibalik sa eskwelahan ang mga batang manggagawa at nanawagan din siya ng Stop Child Labor, Now!

Binuod ng moderator ang buong forum. Sinabi niyang dapat ang pagbabago'y mag-umpisa muna sa sarili. Nagbigay din ng kanyang pananalita si Prof. Galang, at nag-anyaya na rin siya sa pulong na pangungunahan ng grupong Consumer Rights for Safe Food (CRSF) hinggil sa kampanya laban sa GMO (genetically-modified organisms) na lumalaganap na sa ating mga pananim at pagkain. Isang anti-GMO na talakayan at pulong ang gaganapin sa Environmental Studies Institute (ESI) sa Miriam College sa Hunyo 7, 2012, sa ganap na ikalawa ng hapon.

Nagtapos ang forum bandang ikalawa ng hapon, at naghiwa-hiwalay silang dala ang panibagong pag-asa na ang usaping kalikasan ay tangan-tangan ng manggagawa at hindi nakakaligtaan, na ang papel ng manggagawa para maayos ang kalikasan ay nakasalalay sa pagbabago ng lipunan at pagpapalit ng sistemang pangunahing dahilan ng pagkasira ng kalikasan.

Sabado, Mayo 5, 2012

Ang Magasing Liwayway at Ako


ANG MAGASING LIWAYWAY AT AKO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nasa elementarya pa lang ako'y kilala ko na ang magasing Liwayway. Bumibili kasi nito ang aking ama noong ako'y bata pa. Babasahin muna ito ng mga kapatid ko at ng aking ina, at aabangan ko na lang na matapos sila saka ko na ito babasahin. Kasabay ng Liwayway ay binibili rin ng aking ama ang Funny Komiks na pambata. Kaya dalawa lagi ang kanyang dalang babasahin sa bahay.

Kadalasang binabasa ko agad sa Liwayway ay yung komiks na nasa bahaging hulihan ng magasin, na tulad pa rin ngayon. Dito ako unang nakapagbasa ng mga tula, bago ko pa matutunan noong hayskul ang tulang Florante at Laura.

Noon, bumibili kami ng tatay ko ng magasing Liwayway sa Bustillos sa Sampaloc matapos naming magsimba ng Linggo, o kaya naman ay sa Trabajo Market pagkatapos naming mamili. Akala ko nga, nawala na ang Liwayway nitong taon na ito. Aba'y yung binibilhan ko ng Liwayway sa bandang Anonas at sa Farmers Market ay di na nababagsakan ng dealer nito, gayong nakatayo pa rin ang kanilang newsstand. Buti na lang at meron pa sa bandang Quiapo, nakabili pa ako.

Gayunman, maaaring itinuturing ng iba na bakya ang mga sulatin sa Liwayway dahil pulos pag-ibig ang tema, pulos katulong ang nagbabasa, ngunit sa totoo lamang, ito'y isang magandang babasahin para sa lahat, dahil hindi lamang naman bakya ang tema rito, kundi may kapupulutan ka rin ng aral. Minsan nga'y tinatalakay dito ang hinggil sa kasaysayan ng ating bansa at mga bayani, pati na iba't ibang kultura sa ating bansa mula Jolo hanggang Aparri. Anupa't kung wala ang Liwayway ay pawang mga edukado lamang ang makakaalam ng iba't ibang pangyayari at kultura sa iba't ibang panig ng kapuluan.

Katunayan, maraming kilalang manunulat ang tiyak na nagsulat na sa Liwayway, at dito sila naunang nagsulat bago sila pumalaot sa pagsusulat ng matitinding nobela't sanaysay. Sanayan kasi ng mga bagong manunulat ang Liwayway. Kung di ka dumaan dito, at kahit isa ay hindi ka pa nalathala dito, pakiramdam mo'y may kulang pa sa iyo. Sa Liwayway nga lang, di ka makapasa, paano pa sa iba. Kaya kung may naisulat kang maikling kwento, ang una mong gawin ay ipasa mo ito sa Liwayway, dahil sa ngayon, ito lamang ang magasin sa wikang Tagalog na naglalabas ng maiikling kwento. Nariyan din ang paglalathala nila ng nobela, na serye lingguhan ang labas. Kalahating pahina na lang ang para sa tula, di tulad noon na pwedeng malathala ang tatlo mong tula sa isang pahina.

Nagpasa na rin ako ng tula at kwento sa Liwayway noon, ngunit di ko na alam kung nalathala ba ito. Dahil lingguhan ang labas ng Liwayway, at sa dami rin ng aking pinagkakaabalahan, nakakaligtaan ko ring madalas ang pagbili ng Liwayway. Kaya di ko na nasusubaybayan kung may nalathala ba akong tula o kwento. Kadalasang ang pabalat ng magasin ay larawan ng sikat na artista sa bansa, na siyang isang panghalina upang akitin ang mambabasa na bilhin ang Liwayway.

Nakadaupang-palad ko rin minsan ang isang naging editor-in-chief ng Liwayway na si Reynaldo Duque nang dumalo ito sa isang aktibidad ng UMPIL (Unyon ng Manunulat sa Pilipinas) kung saan pinadalo rin kami ng LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo). Ginanap ito sa Goethe Institute (German Library) sa Aurora Blvd. Agosto 2001 iyon at kasalukuyan akong nag-aaral ng paglikha ng tula sa LIRA.

Ang isang maganda sa Liwayway ay ang paglalabas ng kolum na Haraya ni Propesor Mike Coroza, na naging guro ko sa tugma't sukat sa LIRA. Ang tula ko agad ang unang isinalang sa mahigit 20 katao dahil sa tema ng tula. Kababagsak pa lang noong Setyembre 11, 2001 ng World Trade Center, at iyon ang tema ng aking tula. Sa aming klase ng Setyembre 15, 2001 na ginanap sa UST, sinabi ni Sir Mike na yung 10 saknong na tula ko ay pwede ko namang gawing tatlong saknong lamang. At ngayon nga, ang kolum ni Sir Mike na nagsimula bandang 2009 o 2010 ang isa sa inaabangan ko sa Liwayway. Sulit pag nabasa mo ang kanyang kolum dahil tiyak na may nadagdag muli sa iyong kaalaman.

Naging bahagi na ang magasing Liwayway ng pag-inog ng kalinangang Pilipino, at sampung taon na lang ay sentenaryo na ng makasaysayang magasing ito. Ayon sa kasaysayan, unang nalathala ang magasing Liwayway noong 1922 at ang naging unang patnugot nito ay si Severino Reyes, ang may-akda ng "Mga Kwento ni Lola Basyang". Hiling ko na lang, sana'y maabutan ko pa ang sentenaryo ng dakilang magasing ito.

Mabuhay ang magasing Liwayway at nawa'y magpatuloy pa siya ng pagbibigay-liwanag sa mambabasa sa bawat takipsilim at sa bawat pagbubukangliwayway sa bahaging ito ng sangkatauhan!