Martes, Marso 19, 2013

Pagsakay sa dyip

PAGSAKAY SA DYIP
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang dyip ang pangunahing anyo ng transportasyon sa bansa. Ito ang batayang sinasakyan ng mga mayorya sa lipunan, lalo na yaong walang sariling sasakyan. Natatandaan ko, bata pa ako noon nang unang sumakay ng dyip. Hindi ako nakaupo kundi nakatayo lang, dahil wala daw bayad ang hindi nakaupo, sabi ng tatay ko. Kung sumakay man ng dyip ang aking ama't ina na karga ako ay hindi ko pa iyon namalayan noon, kaya hindi ko natatandaan.

Bababa kami sa pagtawid ng tulay dahil ilog pa noon ang kalyeng Nagtahan sa Sampaloc. Una kong sinakyang palagi ang biyaheng Balic-Balic - Bustillos, lalo na tuwing Linggo dahil kailangang magsimba kasama ang aking mga magulang at kapatid. Dalawa kasi ang simbahan sa Bustillos, na M. Earnshaw na ngayon. Ang isa'y ang Our Lady of Loreto Parish, at ang isa naman ay ang St. Anthony Shrine, na kilala ring VOT.

Nang magsimula akong tumuntong sa sekundarya o high school, nagsimula na akong araw-araw sumasakay ng dyip, dalawang biyahe papasok at dalawang biyahe pauwi. Sasakay ng biyaheng Balic-Balic - Quiapo, at sasakay naman ng Quiapo - Pier para makarating ng aming paaralan na nasa Intramuros.

Ang dyip ay isang simbolo. Nang minsang pumunta ako ng ibang bansa, sa bayan ng Mae Sot na nasa hangganan ng Thailand at Burma, may babaeng Burmes na nagpakita sa akin ng isang laruang dyip na naka-displey sa kanilang opisina. Noong una'y di ko agad napansin na dyip pala iyon, parang match box, dahil bihira naman ang laruang ganuon sa Pilipinas. Pero sa ibang bansa, may laruang dyip, at alam nilang sa Pilipinas lang mayroong ganuong uri ng pampublikong transportasyon. Ipagmamalaki mong Pinoy ka sa ibang bansa dahil sila pa ang nagpakita ng pagkilala sa iyong kultura.

Gayunman, may mga sinakyan din kami sa Mae Sot na animo'y dyip pero hindi pampasahero at maliit lang. Parang pick up na nilagyan lang ng upuan sa likuran.

Ang dyip ay isang simbolo. Simbolo ng bayanihan, na isa ring kaugaliang Pinoy. Dahil kung atin lamang susuriin, sa loob ng dyip ay may pagtutulungan ang mga pasahero kahit ngayon lang sila nagkita-kita. Makikita iyan sa pag-aabutan ng bayad ng mga pasahero, lalo na kung mula sa dulo malapit sa pasukan ng dyip ang nag-aabot ng bayad, hanggang sa maiabot sa tsuper. Gayon din sa pagsusukli, talagang nagkukusa na ang mga pasahero na iabot sa nagbayad ang kanyang sukli. Bayanihan kahit di nila namamalayan ang kanilang pagtutulungan.

Hindi ba't napakaganda niyon? Hindi ba't kulturang Pinoy iyon? Bayanihan pagkat hindi lang naman sa pagbubuhat ng bahay nakikilala ang bayanihan, kundi sa kusang pagtulong sa kapwa, kahit na maliit at di gaanong pansin. Tulad ng pag-aabot ng bayad at sukli.

Naabutan ko na ang pamasahe sa dyip ay P0.30 lamang. Bago ako mangibang bansa noong 1988 ay P0.75 ang pamasahe. Pagbalik ko galing Japan noong 1989 ay piso na ang minimum na pamasahe. Hanggang sa maging dalawang piso, apat na piso, P5.50, maging otso pesos, maging otso-singkwenta, hanggang sa bumaba ito sa halagang P7.50 sa ngayon. Ngunit minsan, sa halagang P7.50 na minimum na pamasahe, hindi na naibabalik ang sukling singkwenta sentimos pag nagbayad ka ng P8.00. Mas mabuti pa ang magbigay ka ng buong P10.00 dahil minsan ay nasusuklian ka ng P2.50.

Ang dyip ay simbolo ng pagkamalikhain ng Pilipino, o yaong tinatawag na Filipino ingenuity. Ayon sa kasaysayan, nang nag-alisan ang mga Amerikano sa bansa matapos ang Ikalawang Daigdigang Digmaan (hindi Ikalawang Digmaang Pandaigdig), daan-daang surplus na dyip ang ibinenta o ipinamigay sa mga Pilipino. Inayos at ginawan ito ng bagong disenyo ng mga Pinoy, pinahaba upang marami ang makasakay at mailagay. Pinintahan nila ng sari-saring kulay at masining. Mula noon ay nakilala ang dyip bilang pangunahing pampublikong transportasyon dahil na rin sa kamurahan nito ng pamasahe at makararating ka na sa iyong paroroonan.

Ang dyip ay simbolo ng pagtitiwala sa kapwa. Di tulad ng bus na nagbibigay ng tiket pagkatapos magbayad at may inspektor pang nagti-tsek ng inyong tiket, sa dyip ay wala. Maliban sa mga malalayong biyahe, kadalasang wala ring konduktor sa dyip. Sasabihin mo lang sa tsuper, "Bayad, o", at tatanungin niya kung saan ka galing at saan bababa. Saka ka niya susuklian batay sa layo o bilang ng kilometrong iyong isinakay. Sa batas, ang minimum na pamasahe ay batay sa unang apat na kilometro. Pag lumampas doon ay magdadagdag ka ng kaukulang halaga batay sa bawat kilometrong dagdag sa iyong biyahe. Bukod pa roon, tinatandaan din ng tsuper kung sino na ang mga nakapagbayad, kaya nga marami sa kanila ay may mga nakasabit na paalala, bukod sa "Basta Driver, Sweet Lover", may nakasulat na "God Knows HUDAS Not Pay". Kaya nakakahiya kung mawawalan ka ng dangal dahil lang nag-1-2-3 ka o di nagbayad ng pamasahe.

Pag nasiraan naman ang dyip, ibabalik ng tsuper ang iyong ibinayad upang magamit mo sa iba pang dyip. Kahit walang nakasulat na dokumento, tila may usapan nang ganuon, dahil na rin sa prinsipyo ng pagkamakatarungan na taal na sa atin. Halimbawa, naplatan ng gulong ang dyip o nasira ang tambutso o baka mawawalan ng preno ngunit naitigil din, kusang ibabalik ng tsuper ang iyong ibinayad, at hihingin din naman ng mga pasahero ang kanilang ibinayad. Dahil kung hindi maibabalik, mag-aaway lamang sila. Hindi naman kasi kasalanan ng pasahero na masira ang kanyang sinasakyan.

May mga ruta rin ang dyip kung saan doon lang sa mga lugar na tinukoy ng batas ang kanilang daraanan sa pamamasada. Halimbawa, Balic-Balic - España o Lealtad - Quiapo. Hindi pwedeng umiba ng ruta. Kahit na minsan may nagsu-shortcut kung malapit lang upang makaiwas sa trapik. Bawal ang dyip sa EDSA kaya walang ruta ang dyip sa kahabaan ng EDSA, maliban kung sa panulukan lang ng EDSA, tulad ng biyaheng Edsa-Kalentong o Antipolo - Edsa Crossing.

Sa mga kalunsuran, tulad sa Maynila, bawal na ang sabit sa dyip. Ito'y ginawang patakaran upang maiwasan umano ang mga isnatser at maiwasan din ang mga sakuna. Minsan kasi, pag biglang preno ng dyip ay nakakabitaw ang mga nakasabit, at sila'y nadidisgrasya. Sa mga lalawigan ay maaaring mayroon pang sumasakay sa bubungan ng dyip, dahil sa kakapusan ng dyip sa lugar. Tulad na lang nang marating ko ang lalawigan ng Basilan sa Mindanao noong 1994, kasama ang Franciscan Missionary Union, sa aming dalawang linggong pakikipamuhay sa tribu ng mga Yakan at Muslim doon. Bihira kasi ang mga dyip doon, at mula sa Lamitan ay kailangan naming sumakay sa bubungan ng dyip upang makarating sa Tipo-tipo.

Ang mga tsuper ng dyip ay mga karaniwang manggagawa rin. Kayod-kalabaw sa init ng araw para lamang makapag-boundary o yaong halagang kinakailangang ibalik sa may-ari ng dyip, kung hindi ang tsuper ang may-ari at nakikimaneho lang bilang kanyang trabaho. Ang kikitain lampas sa boundary ang kita na ng tsuper. Halimbawa, sa isang walong oras na pamamasada, ang boundary ng dyip ay P500, at kumita siya sa buong panahong iyon ng P800, ang natirang P300 ang kanyang kita at maiuuwi sa kanyang pamilya. Sila'y mga tsuper na may karapatan din bilang mga manggagawa at bilang mga tao na dapat kilalanin ng lipunan.

Anupa't ang dyip ay isa nang simbolo ng pagkakakilanlan natin bilang Pilipino, at kasama na ito sa ating kultura at pang-araw-araw na buhay. Halina't sumakay na tayo ng dyip patungo sa ating pupuntahan.

Walang komento: