Lunes, Abril 29, 2013

Si Inay at si Michelle


SI INAY AT SI MICHELLE
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Maganda ang pasok ng nakaraang linggo sa akin. Dalawang babaeng matagal ko nang di nakita ang muli kong nakita at nakakwentuhan. Pareho silang galing sa ibang bansa.

Noong Biyernes, Abril 26, nagpunta sa opisina ng BMP si Michelle, na matagal ko ring nakasama sa BMP, at nakakwentuhan siyang muli. Ilang buwan din siya sa ibang bansa. At binigyan niya ako ng key chain na kangaroo, na siyang simbolo sa bansang pinanggalingan niya. Kung baga sa atin ay kalabaw, at sa US ay agila.

Masaya siyang kausap. Maraming kwentong baon. Aktibista ring gaya ko. At matalas pa rin siyang mag-isip at naroon pa rin ang paninindigan at prinsipyo, lalo ang katatagan, sa aming mga pag-uusap.

Nitong Linggo naman, Abril 28, muli kaming nagkita ng mahal kong ina. Galing siya ng anim na buwan sa ibang bansa. Noong Setyembre 15-27, 2012, ako ang nangibang-bansa at nagpunta sa Thailand at Burma upang makadaupang palad ang mga aktibistang Burmese sa border ng dalawang bansang nabanggit. Pagbalik ko sa Pilipinas, ang mahal kong ina naman ang umalis, at anim na buwan siya sa ibang bansa. Nitong Abril lang siya bumalik. May padala siyang kamera para sa akin na binili nila ng tiya ko. Hindi ko pa lang nakuha dahil naiwan niya sa probinsya.

May iniwan silang mga kaisipang kumintal sa akin.

Si Michelle, yung alak daw ang laging sinisisi pag nakagawa ng pagkakamali. Nagawan ko tuloy ito ng tulang "Ang Pobreng Alak". Marami pa siyang tinalakay hinggil sa pag-oorganisa sa komunidad, na magandang balik-balikan, lalo na't kailangan naming ipanalo ang aming kandidato sa pagkakonsehal at ang aming partylist na Sanlakas.

Ang mahal kong ina naman, habang nanonood kami ng telebisyon kung saan nanalo ang dati kong scoutmaster na magician na ngayon sa Pilipinas Got Talent, ay nagsabi sa aking magpraktis daw akong kumanta dahil maganda naman daw ang boses ko, at dapat sumali rin daw ako sa mga kontest. Nakikita kasi niya ng mga nakaraan na aktibo ako sa pagkanta sa videoke. Nuong kaarawan niya ng Setyembre, lagi akong kanta ng kanta sa bahay, aba'y paano nakainom ako noon. Si Sir Cris Castro na magician ay kilala rin nila ng tatay ko bilang scoutmaster nuong elementarya ako dahil naging bahagi sila ng Boy Scouts Parents Association. Bihirang pumuri ang nanay ko kung hindi totoo, at matindi rin siyang tumuligsa, lalo na't nakikita niyang dapat itama ang mga mali. Kaya nang sinabi ni Inay na maganda akong umawit at dapat akong magpraktis, isa iyong magandang payo ng ina sa kanyang anak.

Maraming salamat, Michelle. Maraming salamat din, Inay, sa pagtitiwala. Napasaya nyo ang aking buong linggo ngayon.

Ang payo ng aking ina


ANG PAYO NG AKING INA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Abril 28, 2013, unang araw ngayong taon na nagkita kami ng mahal kong ina. May iniwan siyang magandang payo sa akin, isang payo ng pagtitiwala sa kakayahan, isang payo ng pagmamahal.

Apat kami sa bahay namin sa Sampaloc, si Inay, si Itay, ako, si Lala na kapatid kong pang-apat. Hhabang kumakain kami ay pinanood namin sa telebisyon ang dati kong scoutmaster noong elementarya na magician na ngayon, at nanalo sa Pilipinas Got Talent, nina Kris Aquino. Si Sir Cris Castro na magician ay kilala rin nila ng tatay ko bilang scoutmaster nuong elementarya ako dahil naging bahagi sila ng Boy Scouts Parents Association. 

Sinabi si Inay, habang nilalantakan ko ang masarap na adobong sitaw, na magpraktis daw akong kumanta dahil maganda naman daw ang boses ko, at dapat sumali rin daw ako sa mga kontest. Nakikita kasi niya ng mga nakaraan na aktibo ako sa pagkanta sa videoke. Nuong kaarawan niya ng Setyembre, lagi akong kanta ng kanta sa bahay, aba'y paano nakainom ako noon. Malakas lang loob kong kumanta dahil nakatagay.

Gayunpaman, bihirang pumuri ang nanay ko kung hindi totoo, at matindi rin siyang tumuligsa, lalo na't nakikita niyang dapat itama ang mga mali. Kaya nang sinabi ni Inay na maganda akong umawit at dapat akong magpraktis, isa iyong magandang payo ng ina sa kanyang anak. Isa iyong pagtitiwala at pagbibigay ng lakas ng loob. Marahil, isa nga iyon sa aking talento. 

May pinagmanahan naman ako, dahil maganda rin ang boses ng nanay ko at ng aking Ate Bheng, na dating umaawit sa UST Chorale nung nasa kolehiyo pa si Ate. Ang kapatid kong si Jojo ay kumakanta rin. Si Lala ay magaling sa piyano, at ang dalawa pang kapatid kong lalaki ay magaling sa kompyuter.

Salamat, Inay, sa iyong payo at muling pagtitiwala.